PUTIK SA PALTUSING MGA PAA
(Kwento)
Ni Donfelimon poserio
Time Check: 12:45 pm ; Recon Taxi: TWG075
:Hindi siya
Bumuntong hininga. Kalahating oras pa lang naman siyang nakaupo sa may waiting shed. Muling titingin sa wrist watch na seiko ang tatak na emitation lang na hindi pa tapos hulugan sa kaibigang business minded.
-minsan natatawa na lang siya kapag naaalala ang pakiusap ng kaibigan, "please naman! Abonado na naman ako nito e, sa katapusan ha!" pakiusap ng kaibigan at tatango lamang siya. Abunado. Tiyak iyon! Avonado siya, dahil ni sa hinagap wala siyang balak bayaran ang kaibigan. Napakarami ng katapusan at walang kasiguraduhan ang bilang ng kanyang pangako, iyan ang sigurado.
Muling humihip ang hanging panghapon, nagkalat sa kalsada ang mga fliers na kanina lamang tangan iyon ng babaeng realstate agent. Ibinibigay sa sinumang magdaraan pero hindi siya binigyan kahit nakatitig siya sa babaeng iyon nang sadyang dumaan kanina sa harap nito. Marahil may pamantayan ang babae sa kung sinuman ang bibigyan -yung tipong may kakayahang bumili sa kanyang inaalok. Naitanong niya tuloy sa sarili na halata bang wala siyang pera sa bulsa at wala pa siyang kakayahang bumili sa ngayon?
Sa ngayon! Ngingisi siya. "sa ngayon wala pa.." aniya habang nakatingala at nakamasid sa kalangitan. Pero balang araw! Luluhod ang mga tala. (napangisi siya, ang drama.) Pati buwan-pati araw luluhod sakin, pangako yan! Magiging hari rin ako ng mundo at si felisa .. (napangiti siya at muling napatingin sa suot na wrist watch. Tapos, lumingon-lingon sa dakong maaaring panggalingan ng kung sinuman.
Ano ba!! Anong oras na! Tsk!! Pabulong niyang sambit sa sarili. Matapos na mabasa ang maliit na kamay ng kanyang orasan.
Time Check: 3:05pm ;Galore FX Taxi SUA743 ; Hindi pa rin
Muling babaling ng tingin sa mga taxi-ng hihinto upang magbaba ng pasahero. At bubuntong hininga matapos mabigo sa inaasahan. Kung mainipin lang marahil ang lalaking iyon di siguro siya makakaabot ng higit sa kalahating oras na nakaupo doon sa waiting shed na pininturahan ng alikabok ng maghapon. Putsa! Anong nangyari kaya dun! Mukhang iindianin ako nun a!
May mga fliers na nagkalat na sa lansangan na hatakin-kaladkarin ng hangin sa kahabaan na iyon ng EDSA. Mula sa hindi kalayuan, natanaw niya ang isang batang nakayapak, puno ng putik ang katawan.. Butas-butas ang mahabang suot na damit. Buhaghag ang kulot-kulot na buhok. Napakunot noo siya nang mapansin niyang may hawak itong fliers na waring binabasa ng marusing na bata napangisi siya nang mapansing wari may malalim na pinag-iisipan ang batang iyon.
Lumangitngit ang malambot na kama sa kanyang pagtaluntalon sa malambot na kutson. Inihagis, malalambot at kay babangong unan. Nang nangulo ang tiyan -pagkalam ng sikmura dulot ng ilang araw na paglalakbay sa lansangan. Sinikap niya na sa paghalungkat-kalkal sa basurahang pinagpipyestahan ng mga langaw, bangaw, niknik at mga uod ay may makuhang mailalaman sa tiyan. Ngunit anong malas ng araw na iyon na ni tinapay na may amag, ni kaning kaunti pa lang ang pagkapanis o anumang ulam na kahit may amoy ay maaari nang pagtyagaan -subalit wala. Huminto ang bata sa pagtalon talon, biglang nginatngat ng bata ang mga unan, naglalaway na bibig na waring sarap na sarap sa kinakain. Bumusina ang isang sasakyan, nagulat ang gusgusing bata at agad na umalis sa kinatatayuan. Nagmura ito at dinuraan muna ang kotse tsaka umalis. Mabilis na tumakbo palayo.
Time Check: 3:30pm; Raymund Taxi ATU777; Kala niya si Felisa pero kamukha lang pala.
Narinig niyang kumulo ang kanyang tiyan. Naalala niyang di pa siya nanananghalian. Umalis siya sa bahay nang palihim, tangan ang bag na may lamang ilang gamit, mga damit, di niya rin kinalimutan ang envelope niyang naglalaman ng kanyang pagkatao, mga sertipiko, resume etsetera na batid niya kakailanganin niya sa paghahanap niya ng trabaho matapos na makarating na sila ni Felisa sa uukupahan nilang munting kwarto sa isang paupahan sa Sta.mesa, kailangan niyang makapagtrabaho agad kung sakali. Hindi madali ang gagawin nila sa panahon ngayong hindi maganda ang takbo ng ekonomiya. Mahirap ang buhay, sabi nga ng iba. Pero kailangan niyang magpakatatag at ni Felisa. Pinag-isipan niya na ito nang ilang ulit. Dalawang buwang buntis si Felisa at may pananagutan siya, mga ilang buwan lang magiging ama na siya. Isisilang ni Felisa ang kanilang anak. Kung lalaki isusunod niya sa kanyang pangalan. Joselito Bernalde Jr. Kung babae, wala pa siyang naiisip. Bahala na. Nakikinita niya sa isip ang magiging masaya nilang pamilya. Malayo sa matritidang biyenan, malayo sa humahadlang sa kanilang pag-iibigan, malapit sa mapayapa’t masayang pagsasama nilang dalawa at ng kanyang magiging anak. Si felisa na masayang maghahain ng masarap na pagkain habang takam na takam silang dalawa ng kanilang anak. Muling kumulo ang tiyan niya.
"iho mukhang andami mong dala a,? Naglayas ka ba?" bati ng isang matandang may tangan ng panindang sigarilyo at kendi. Sa wari niya'y nasa sisenta na ang edad.
"hindi po sa ganun, fortune, dalawa po"
Bakit siya sasagot, ano nga bang pakialam niya sa matanda "pasindi po,"
iniabot sa kanya ang lighter, at umupo ito sa tabi niya. "pasensya ka na iho, kangina pa kita pinagmamasdan. Naalala ko kasi ang sarili ko sayo."
Anas ng matanda, habang inaayos ang tangang kahon ng paninda. "naglayas po kayo dati?" Ewan kung bakit natanong niya ito, pero naisip niyang mabuti nang may makausap nang di ganong mainip sa paghihintay sa di niya sigurado kung susulpot pa ba o hindi.
"hindi sa naglayas iho, pero parang ganun na rin" mabagal na tugon nito.
"paano pong paraang ganun?"napakunot siya at sumeryoso ng ayos.
"may mga dala rin akong mga balutan, diyan mismo sa kinapupwestuhan mo. May hinihintay ako noon."
"babae? Kasintahan niyo po" napatingin sa kanya si manong, parang siya kay Felisa. Parehas sila ng matanda, naghihintay sa magkaparehong lugar.
"Ou, pero di dumating si Celina."
Nagulat siya. Napangisi, nagtanong
"Celina po?" "ba't di naman nagpakita?” Seryoso niyang tanong pero may tumawag sa matanda, bibili sa kanya ng sigarilyo. Agad tumayo ito ngunit nagsalita muna bago agad na lumapit sa tsuper.
"hindi ko na nalaman ang dahilan iho."
Nabahala siya sa iniwang sagot sa kanya ng matanda,
"hindi ko na nalaman ang dahilan."
Balak niya pa sanang hintayin uli ang matanda para sa kwento nito tungkol sa hindi pagsipot ng kanyang katipan pero nawalan siya ng pag-asa nang sumakay ang matanda sa humintong bus.
"si manong.. Parang manghuhula ah." nabanggit niya sa sarili. Tingin sa relos.
Time Check: 4:05; Rainmill Taxi CRY693 ;nakita niya si Felisa , walang dala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento