SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Huwebes, Oktubre 29, 2020

"Si Anto"

 "Si Anto"

October 1, 2008 by plumaatpapel 

ni Rogelio L. Ordonez

(Maikling Kwento)

https://plumaatpapel.wordpress.com/2008/10/01/maikling-kuwento/


(Isinalin  sa wikang Ingles at inilathala sa TENGGARA-MALAYSIA  at iniantolohiya nang malaon sa “Stories From Southeast Asia”  bilang isa sa pinakamahuhusay na kuwento sa loob ng 30 taon sa naturang rehiyon, ayon kay Muhammad Haji Salleh, editor ng nasabing antolohiya.)


                                                SI ANTO


NAKILALA ko si Anto sa isang panahon ng paglalagalag.

     Iyon ay isang panahong ang kaluluwa ko’y nilalagnat, nagdedeliryo’t nag-aapuhap ng mga bituin habang patuloy akong tinutugis ng karalitaang hindi ko matakasan.  Naglalagablab na dambuhalang mga kalansay ang tingin ko noon sa mga gusali ng lungsod at nanlilisik ang mga neon lights; mga nitso ang mga bangketa, mga kabaong ang mga eskinita, naghuhumindig na kandila ang bawat poste, at prusisyon ng mga robot at plastik ang nasasalubong ko sa bawat panulukan at lansangan.  Iyon ay isang panahong labis kong pinaghihimagsikan ang kawalanghiyaan ng buhay sa siyudad at ni hindi ko na makilala kung sino ang kaaway at kung sino ang kaibigan at, sa bawat gabi, sa aking pag-iisa sa inuupahan kong marumi’t makipot na kuwarto ng nakaluhod na entresuwelo sa gilid ng nangangalingasaw na estero, ang nakikita ko sa tagpi-tagping dingding ay isang matahimik na kapaligirang matagal ko nang pinangungulilahan, at patuloy akong kinakawayan ng mga punong niyog, binubulungan ng mga talahib, at inaawitan ng mga alon.

     Bitbit ang aking makinilya at isang maletang damit, naisipan kong magtungo, isang mahalumigmig na madaling-araw, sa isang liblib na lugar sa Batangas na hindi abot ng atungal ng mga tambutso at ng alimura ng kuwarta at ng tinatawag na makabagong sibilisasyon.  Nakipanuluyan ako sa isang kamag-anak ng pamilya, sa isang karaniwang bahay na pawid sa tabing dagat na niyugan ang paligid.  At nadama ko, sa gayon palang matapat na kapaligiran, sa piling ng mga karaniwang taong walang pagpapanggap, mahalimuyak maging ang karalitaan.

     Doon ko nakilala si Anto, isang dapithapong umiinom kami ng tuba ng pinsan kong si Mando sa nakatiwangwang na bangka sa pasigan.  Malagihay na ako nang mapansin ko ang isang matipunong binatilyong sunog ang balat sa araw na dumaong malapit sa amin.  Parang walang anumang hinila niya ang kanyang bangka, iniahon sa tubig at sa loob ng pasan-pasan niyang lambat, nagkislut-kislot ang huli niyang mga isda na marami-rami rin sa tingin ko at baka umapaw sa isang timba kung isasalin.

     “Ala’y marami ka yatang huli ngayon, Anto?”  bati ng pinsan kong si Mando.

     “Ala’y katamtaman lamang,” malumanay na sagot ni Anto sabay lapag ng lambat sa tabi namin.  Kumuha ito ng ilang isda at inilagay sa loob ng inuupuan naming bangka.  “Pamulutan man lamang ninyo.”  Lumulundag-lundag pa ang mga isda.

     “Uminom ka muna, ‘bigan,” alok ko at pinuno ko ng tuba ang tangan kong baso at akma ko iyong iaabot sa kanya.

     Tinitigan ako ni Anto at napansin ko ang malalaking matang iyon na waring laging nagtatanong, nanunuri, na parang ibinagay sa medyo sarat niyang ilong at maluwang na bibig na nanatiling nakalapat.

    “Pinsan ko ‘yan, Anto,” sabi ni Mando.  “Si Manong Roger… nagbabakasyon dito.”


     Saka lamang binawi ni Anto ang pagkakatitig sa akin.

     “Di ako bumabarik, Manong,” halos pabulong nitong sabi.

     “Sigarilyo,” muli kong alok.

     “Ala’y di rin ako naninigarilyo, Manong.”

     “Ala’y walang bisyo ‘yan kundi mangisda at magtanim,” pakli ni Mando.

     Napatawa ako.  Ni hindi man lamang ngumiti si Anto. Dinampot nito ang lambat, pinasan, sinulyapan kami, at nagpatuloy sa paglakad.  Hindi ko siya naiwasang sundan ng tanaw hanggang sa ikubli siya ng makapal na niyugan sa di kalayuan.

     “Doon lang nakatira si Anto sa kabila ng niyugan,” parang nahulaan ni Mando ang iniisip ko.  “Ala’y nag-iisa na siya, Manong.”

     Tumungga ako ng tuba at naglaro ang mga mata ko sa kalawakan ng dagat na mapayapang-mapayapa ngayon at parang isang dibdib na hindi humihinga.  Nagulat pa ako nang kumislot sa loob ng bangka sa tabi ng paa ko ang isa sa mga isdang iniwan ni Anto.

     “Ang mabuti pa, Manong,” sabi ni Mando, “ay iuuwi ko muna ang mga ‘yan, maiihaw at nang mapulutan na natin.”

     Hindi ako umimik.  Hindi ko maipaliwanag kung bakit, kangina, sa saglit na sandaling iyon, nang titigan ako ni Anto, parang may nakita akong kung anong kahiwagaan sa likod ng malalaking mga matang iyon at sa pagkakalapat ng maluwang na bibig na waring may gustong sabihin at isigaw.

     Hindi ko namalayan ang pag-alis ni Mando at mapupulang latay na lamang ang sikat ng araw sa kalawakan nang magbalik ito.  Nakabalot sa dahon ng saging ang inihaw na mga isda, mainit na mainit pa, mamangu-mango, at naisip kong sa probinsiya nga pala ay talagang sariwa ang mga isda, gayundin ang mga tao, di gaya sa siyudad na bilasa ang lahat pati na mga kaisipan at pangarap.

     Manamis-namis ang mga isda at sana’y nakapagpasalamat man lamang ako kay Anto, naisaloob ko.

     “Sabi mo’y nag-iisa na siya?” parang wala sa sariling bigla kong naitanong kay Mando.

     “Sinong siya, Manong?”  Napatigil sa paglagok ng tuba si Mando.

      “Si Anto.”

     “Ay, oo, Manong.”

     “Ang mga magulang niya?”

     Muling lumagok ng tuba si Mando.  “Ay, Manong, masaklap ang nangyari sa pamilya nila.  Ay, putang ina, talagang masaklap, Manong.”

     “Anong masaklap?”  Nagsindi ako ng sigarilyo.

     “Nakikita mo ga ang niyugang ‘yon?” at itinuro ni Mando ang karatig na niyugang dinaanan kangina ni Anto.  “Dati, Manong, kanila ‘yon.  Ala’y may kagandahan din ang bahay nila noon… doon,” at muling itinuro ni Mando ang niyugan na nakukumutan na ngayon ng manipis na karimlan.

     “E, nasaan ngayon ang bahay?”

     Dumahak si Mando.

     “Ala’y di giniba na ng bagong may-ari.  Alam mo ga, Manong,” patuloy ni Mando, “nagisnan ko nang sa ama ni Anto ang niyugang iyon.  Ano ga’t isang araw, mga sampung taon na siguro noon si Anto, may dumating dito na taga-bayan, nakakotse pa, at pinaaalis doon sina Anto.  Kanya raw ang lupang ‘yon. Ala’y di nagalit si Ka Basilio, ‘yong ama ni Anto.  Kumuha ng gulok.  Ay, putang ina, Manong… kung hindi agad nakatakbo at nakasakay sa kotse ‘yong taga-bayan, malamang na naundayan ng taga ni Ka Basilio.”

     “Pagkatapos?” Sinaid ko ang tubang laman ng aking baso.

     “Ay ano pa ga?” patuloy ni Mando.  “Ala’y di nagdemandahan.  Natalo si Ka Basilio dahil wala raw titulo.  Mga ilang araw, muling dumating dito ‘yong taga-bayan, may kasama pang mga pulis.  Tinaningan sina Anto para umalis doon.  Ay, Manong, nag-iiyak si Ka Benita, ‘yong ina ni Anto, at sa sama ng loob ay biglang inatake sa puso… namatay noon din. Ala’y pagkalibing naman ni Ka Benita,” muling lumagok ng tuba si Mando, “ay dumating isang araw ‘yong mga tauhan ng taga-bayan, may kasama na namang mga pulis, at gigibain na ‘yong bahay nina Anto.  Ala’y di sa galit ni Ka Basilio ay binunot ang kanyang gulok.  Ay, Manong, nanghabol ng taga.  Bago siya nabaril ng mga pulis ay dalawa ang napatay niya.  ‘Yong isa, Manong, sana’y nakita mo,” parang nanghihinayang na patuloy ni Mando.  “Ay, Manong, laslas ito!” sabay turo sa kanyang tiyan.  “Inurakan nang inurakan… ala’y luwa ang bituka at ‘yong isa naman, ala’y muntik nang matanggal ang ulo.  Di mapuknat-puknat ng mga pulis si Anto sa pagkakayakap sa bangkay ni Ka Basilio at hinimatay ‘yong kapatid niyang dalaga, si Juliana.  Ay, Manong, ala’y magandang dalaga ‘yong si Juliana.  Kursunada ko pa nga sana,” napabuntong-hininga si Mando.

     Sinunud-sunod ko ang pag-inom.  Parang wala nang lasa ang tuba.


     “E, si Juliana?”

     “Ay, putang ina… masaklap din ang nangyari, Manong,” parang maiiyak si Mando.  “Ano ga’t nanilbihan siya sa bayan, sa bahay ng isang mayaman, ‘yon gang magandang bahay malapit sa munisipyo.  Ala’y isang araw natagpuan siyang nakabitin sa silid… nagbigti raw.  Ay, putang ina, Manong, aywan ko ga… sabi’y ginahasa raw ng anak na binata noong kanyang amo.  Mabuti na lang si Anto, kinupkop ni Ka Masyong… ‘yon gang inuuwian niya ngayon.  Ay, Manong, talagang naguguluhan ako sa nangyari sa pamilyang ‘yan.  Ala’y putang ina, ‘yan ga’y kalooban ng Diyos, Manong?”

     Matagal akong napatitig sa kawalan.  Hindi na manamis-namis ang isdang iniwan ni Anto.  Hindi ko na makain.

     Nang gabing iyon, nakapako sa aking balintataw ang malalaking mata ni Anto at kahit masakit ang aking ulo, kinuha ko ang aking makinilya at sa tulong ng aandap-andap na ningas ng gasera, nakasulat ako ng dalawang linya.

     “Ikaw ang mga mata ng budhi ko…

     “Ikaw ang bibig ng mga layunin ko.”


MULA noon, lagi ko nang inaabang-abangan ang pagdaong ng bangka ni Anto sa dalampasigan at tuwing daratnan niya ang pag-iinuman namin ni Mando sa nakatiwangwang na bangkang  iyon, parang naging ugali na niya na bigyan kami ng ilang isda, at naging ugali ko naman ang magpasalamat. Manaka-naka, binibiro ko siya, sinasabi kong sa kanila na ako uuwi upang maging lubos na ang kanyang kagandahang-loob sa akin. Minsa’y tinudyo ko pa siyang baka siya tumandang binata kung pangingisda at pagtatanim ang lagi niyang inaatupag sapagkat, ayon kay Mando, hindi man lamang daw nanliligaw si Anto, hindi pinapansin at lalong hindi kinakausap ang mga kadalagahan sa lugar na iyon.  Sa kabila ng mga pagbibiro kong iyon, kahit minsa’y hindi napatawa, ni ngumiti man lamang si Anto.

     Isang hapon, nang magpunta sa bayan si Mando at maghatid ng mga gulay at niyog doon, uminom din ako, kahit nag-iisa, sa tabing dagat.  Maagang dumaong si Anto sapagkat maalon ang dagat, waring may nagbabantang sigwa.  Luminga-linga ito nang mapansing ako’y nag-iisa ngunit hindi siya nag-atubiling lumapit sa akin upang bigyan ako ng ilang isda.

     “Huwag na lang, Anto,” tanggi ko.  “Walang mag-iihaw niyan  ngayon.  Nasa bayan si Mando.”

     Hindi umimik si Anto.  Ibinalik nito sa lambat ang mga isdang ibibigay sa akin.  Kumislut-kislot ang mga isda pagsayad sa lambat, waring tuwang-tuwa at hindi ko sila mapupulutan.  Walang paalam na umalis si Anto at inisip kong baka ipinaghinanakit niya ang hindi ko pagtanggap sa ibinibigay niya.

     Dumidilim ang kalawakan at nag-iipun-ipon ang maiitim na ulap. Ang utak ko’y unti-unti nang pinamamanhid ng tuba nang gulantangin ako, sa likuran ko, ng malumanay at malamig na tinig na iyon na waring sumasanib sa ihip ng hangin at hindi kayang lupigin ng ragasa ng mga alon.

     “O, Manong… pamulutan mo.”  Nasa tabi ko na si Anto.

     “Nakakahiya sa iyo,” sabi ko.  “Ikaw pa ang nag-ihaw ng mga iyan.”

     Tinitigan lamang ako ni Anto at naupo ito sa gilid ng bangka, sumulyap sa karagatan at tumingala sa kalawakan.

     “Ala’y uulan, Manong.  Malakas na ulan ‘yan, Manong,” parang wala sa sariling sabi niya.

     Kumurot ako ng isda.  Tumatalab ang init sa mga daliri at dila ko.

     “Masarap ka palang mag-ihaw, Anto.”

     Tumingin siya sa akin na waring sinasalamin sa mga mata ko kung totoo sa loob ko ang sinabi ko, at napansin ko sa malalaking matang iyon ang bahagyang kasiyahan.  Waring ngayon lamang siya nakarinig ng papuri, ng pagpapahalaga sa nagawa niya.

     “Ala’y pagpasensiyahan mo na ‘yan, Manong.  Iilan kasi ang huli ko kangina,” parang nahihiya ngunit masiglang sabi ni Anto.

     “Aba… suwerte ko pa nga ito,” pakli ko.  “Alam mo ba, Anto, sa Maynila, laging galunggong ang kinakain ko, saka tuyo o bilasang bangos kung minsan.  Ang pulutan namin doon ay sipol… kung may kaunting pera ay inihaw na mabahong tuyong pusit na parang kuwero ng sapatos.”

     Parang hindi makapaniwala si Anto sa kanyang narinig, lalo na sa isang gaya kong alam niyang galing sa balitang marangyang lungsod.  Akma akong dudukot ng sigarilyo sa kaha ngunit wala na palang laman, at napansin niya iyon.

     “Ala’y ako na ang bibili, Manong,” at tumayo ito sa pagkakaupo sa gilid ng bangka.

     “Hindi na bale, Anto.  Pagdating ni Mando galing sa bayan, tiyak na may uwi iyong sigarilyo.”

     “Ay, gagabihin ‘yon, Manong, kapag inabot ng ulan.  Ala’y wala ka nang mahihithit,” parang nag-aalaala niyang sabi.

     “Nakakatiis nga akong di manigarilyo kahit ilang araw,” paliwanag ko.  Alam kong malayo ang tindahan, mga kalahating kilometro siguro mula kina Mando at, isa pa, wala akong pera sa bulsa.


     Hindi na nagpumilit si Anto. Muli itong tumingin sa kalawakan ng dagat na ngayo’y marahas, dumadagundong sa pagdamba ang naglalakihang alon.  Makapal na makapal na ang maiitim na ulap, nagbabantang bumagsak anumang oras.  Katunayan, umaambun-ambon na, ngunit hindi ko pa napangangalahati ang isang galong tubang iniwan sa akin kangina ni Mando bago ito nagpunta sa bayan pero iisa na ang inihaw na isda sa dahon ng saging.

     “Ala’y ang mabuti pa, Manong, ay sa bahay ka na bumarik.  Mababasa ka dito,” mungkahi ni Anto.

     “Gusto ko ngang maligo sa ulan.  Masarap uminom, Anto, sa ulanan.  Ikaw kasi, ayaw mong tumikim man lamang.  Masarap uminom, Anto, lalo na’t itinatanong mo sa sarili kung sino ka, kung ano ka, at kung para ano ka.”  Tinatangay na ako ng aking utak dahil marahil sa impluwensiya ng tuba.

     Matagal akong tinitigan ni Anto, waring inaarok ang ibig kong sabihin.  Bigla, bumuhos ang ulan, masisinsin at malalaki ang mga patak, parang mga palasong ibininit mula sa kalawakan.  Akala ko’y iiwan ako ni Anto, ngunit hindi ito tuminag sa pagkakaupo, nakamata sa akin habang sinasalinan ko ng tuba ang baso.

     “Lumagok ka nang kaunti para di ka ginawin,” sabi ko sa kanya.

     “Ala’y talagang hindi ako bumabarik, Manong.”

     Halos alipin na ako ng bisa ng tuba at ni hindi ako giniginaw sa kabila ng patuloy at malakas na ulan.  Namalayan ko na lamang, sa gitna ng ulanan, sa saliw ng dagundong ng mga alon, sa harap ng basang-basa’t nakahalukipkip na si Anto, ikinukuwento ko sa kanya ang maraming bagay — ang kalupitan at kawalanghiyaan ng buhay sa lungsod, ang mga pagsasamantalang dinanas ko sa iba’t ibang trabahong pinasukan ko, ang mga pangyayaring nagbunsod sa akin upang talikuran ko ang kursong binuno ko sa loob ng limang taon sa isang pamantasan at ganap kong harapin ang pagsusulat ng mga katha, artikulo, komentaryo at mga tula.  Naisalaysay ko marahil sa kanya ang lahat, maging ang pagkakatanggal ko bilang kagawad ng patnugutan ng isang pambansang magasin dahil natutuhan kong ipaglaban ang karapatan ng mga kapwa ko trabahador, hanggang sa malimit na ako’y napaggugutom.

     “Alam mo, Anto,” natatandaan kong nasabi ko noon sa kanya, “di ka igagalang ng gutom, ng kahirapan sa siyudad, kundi ka marunong makibagay sa tugtog at kalakaran ng kaisipan at ng lipunan doon.”


     Hindi ko alam kung gaano kami katagal noon ni Anto sa ulanan ngunit naalaala ko, matapos ang aking pagkukuwento, namumula ang malalaking mata ni Anto, kikisap-kisap.

     Kinabukasan noon, sinisipon ako at nilalagnat, at nabalitaan iyon ni Anto. Agad siyang dumating sa bahay nina Mando, may dalang isang boteng gatas ng kambing para sa akin.  At, buhat noon, hindi lamang kakilala ko si Anto — kaibigan ko na siya.

     “Ala’y nagtataka ako sa iyo, Manong,” sabi minsan ni Mando.  “Ala’y naging malapit na malapit sa iyo.  Bihira ang kinakaibigan ni Anto dito.  Ano ga’t parang mailap na manok-labuyo na napaamo mo.”

     “Ako man ay nagtataka rin,” sabi ko.

     Ngunit ang higit kong ipinagtataka, sa kabila ng mga araw ng pakikisalamuha niya sa amin ni Mando, lalo na’t kung ako’y malagihay at nagkukuwento ng mga kabalbalan at katatawanan, ni hindi man lamang tumatawa si Anto, ni hindi man lamang ngumingisi o napapangiti.  Laging mamata-mata lamang siya sa amin ni Mando,pinapanood ang aming pag-iinuman, matamang nakikinig sa aming usapan at kapag napansin niyang kailangan namin ang anumang bagay, halimbawa’y sigarilyo o inumin, agad siyang kikilos at parang tungkulin na niyang gampanan ang mga bagay na iyon.  Kung hindi namin siya kausapin ay hindi siya kumikibo, maliban na lamang kung may iniaalok siya sa akin.  At, ni minsan, hindi niya nabanggit ang mapait at malagim na nangyari sa kanilang pamilya na pinakaiwas-iwasan ko ring ungkatin sa kanya.


HALOS ISANG buwan na ako kina Mando, sa mapayapang lugar na iyon na paraiso ng mga punong niyog at kahalikan ng mga alon.  At naramdaman kong parang ako’y bagong silang, nasalinan ng bagong lakas, ng bagong mumunting pangarap, ng bagong katatagang harapin ang anumang hamon ng buhay.  Ang larawan ng iniwan kong lungsod ay malabo na, pira-piraso na lamang at tinangay na ng mga alon.  At, isang araw, sa nakatiwangwang na bangkang iyon sa pasigan, sa harap ng isang galong tuba, sa harap nina Mando at Anto, nasabi ko: “Baka sa darating na Linggo’y magpaalam na ako sa inyo.”

     Nangulimlim ang mukha ni Anto.


     “Ala’y di ka naman namin pinaaalis, Manong,” sabi ni Mando.  “O baka nalulungkot ka dito at hinahanap-hanap mo na ga ang buhay sa siyudad?”

     “Hindi naman.  Ang totoo nga, ayokong-ayoko nang manirahan sa Maynila.  Uuwi na lang ako sa probinsiya ni Itay, sa bukid.”

     Hindi na pinanood ni Anto ang pag-inom namin ni Mando.  Malimit na nakatuon ang tingin nito sa kalawakan ng dagat, at parang walang sigla ito sa pag-iihaw ng pulutan.  Mayamaya, nagpaalam si Anto, diumano’y may bibilhin sa tindahan.  Matagal bago ito nagbalik, halos ubos na ang tubang iniinom namin ni Mando.  May dalang isang kahang sigarilyo si Anto at iniabot sa akin.

     “Ito’y para sa iyo, Manong,” mahinang-mahina ang kanyang tinig.

     Pagkaabot na pagkaabot ko ng bigay niyang sigarilyo, agad siyang tumalikod, lumakad patungo sa niyugang dinaraanan niya pauwi.

     Dalawang araw na hindi ko siya nakita at naisip kong hindi siya nangisda dahil masamang-masama ang panahon, pabugsu-bugso ang hangin at gising ang mga alon sa karagatan.  Ngunit kinasabaduhan, isang araw bago ako umuwi sa kinamulatan kong probinsiya, sa Kabite, maaga pa’y biglang sumipot si Anto sa bahay ng pinsan kong si Mando.


     Bitbit ni Anto, sa kaliwang kamay, ang isang galong tuba at pasan-pasan niya ang isang bagong kapapatay na kambing na hindi pa nababalatan.  Sa may tarangkahan pa lamang ay sumisigaw na siya, at malamig ang kanyang tinig, parang may kinikimkim na kahiwagaang mahirap arukin.

     “Manong Roger!  Manong Roger!”

     “Aba’y para ano ‘yan?  Wala namang handaan dito,” bungad ko.

     “Ala’y bago ka man lang umalis bukas ay makatikim ka naman ng isa sa mga alaga ko.”  Nagniningning ang kanyang malalaking mga mata.  “Ikakaldereta namin ni Manong Mando.  Mahusay akong magluto ng kaldereta, Manong.”


     Nagpabili pa ng isang galong tuba si Mando.  Magkakasarapan ang inuman, sabi niya, at isa pa, ayon sa kanya, kailangang isagad namin ang barikan sapagkat aalis na nga ako bukas.  Abalang-abala naman si Anto sa pagkatay sa kambing, si Mando’y sa paghahanda ng mga rekado.

     Sa harap ng dalawang galong tuba at umuusuk-usok at namamangong kaldereta, hindi ko malaman kung paano ko pasasalamatan ang isang taong halos ay paglingkuran ako sa hindi ko maisip na kadahilanan.  Aywan ko kung sa mga araw na ikinalapit sa akin ni Anto ay nasalamin niya sa mga mata ko ang aking malalim na pagkaunawa sa trahedya ng kanilang pamilya.

     “Makagaganti rin ako ng utang na loob sa iyo, Anto, balang araw,” nasabi ko sa kanya.

     Hindi siya umimik, sumulyap lamang sa akin, habang nginunguya niya ang isang pirasong kaldereta, ngunit napansin kong parang may malalim siyang iniisip, patingin-tingin siya sa dalampasigan at, kalimitan, ay matagal siyang napapatitig sa niyugang iyon na dating kanila sa di kalayuan.

     Marami na akong nainom at tumatalab na sa utak ko ang tuba, at naisip kong maglakad-lakad sa baybay-dagat, suyurin ng tingin ang mapayapang kapaligirang iyon na mahal ko na ngunit iiwan ko bukas.  Napansin kong sinundan ako ni Anto at nang malayu-layo na kami sa kinaroroonan ni Mando, umagapay siya sa akin.


     “Manong, ako’y may ipakikiusap sa iyo,” parang nagmamakaawa ang tinig ni Anto.

     Napatigil ako.

     “Sa akin ay di mo na kailangang makiusap,” nakangiti kong sabi.

     “Ala’y talaga ga, Manong?” lalong lumaki ang malalaki nang mga mata ni Anto.

     Tumango ako.


     “Ako ga’y puwede mong isama bukas?”

     “Iyon lang pala, aba’y oo!”

     “Ay hindi mo ako naiintindihan, Manong.”

     Napatitig ako sa kanya.  Tumungo siya.


     “Ang ibig ko gang sabihin, Manong,” parang nabubulunan si Anto, “ay ala’y sa iyo na ako makikipanirahan.”

     Napanganga ako.


KINABUKASAN, hindi pa naglalagos ang sikat ng araw sa niyugan, nasa may hagdanan na ng bahay nina Mando si Anto at bitbit ang isang bayong ng mga lumang damit.  Ang suot niyang polong puti, bagaman malinis, ay halos puputok sa kanyang katawan.  Bitin ang kupasin niyang pantalong maong at naka-sapatos na de goma siya, ngunit walang medyas.  Gayunman, maayos na maayos ang mahabang buhok ni Anto, sadyang sinuklay, hinatian sa gilid, at nalahiran ng pomada.


     Bago kami tuluyang naglakad papunta sa kabayanan, pinilit ko muna siyang dumaan sa dati niyang tinutuluyan, kina Ka Masyong, upang sabi ko ay makapagbigay-galang man lamang ako sa matanda.

     “Ala’y utoy,” sabi sa akin ni Ka Masyong, “ikaw na sana ang bahala sa batang iyan.  Ala’y hindi ko ga maintindihan kung ano ang nakain niyan at hindi ko mapigil sa pag-alis. Ala’y hindi ko naman iyan kinagagalitan.  Kung hindi iyan mawili sa iyo, utoy, ala’y ipinakikiusap kong ihatid mo man lamang dito.”

     Nangingilid ang luha ni Ka Masyong nang iwan namin.

     Napansin ko na matagal na tinitigan ni Anto ang makapal na niyugang iyon na dating kanila karatig ng niyugan ni Ka Masyong.  Waring may saglit na balasik na dumalaw sa malalaking matang iyon na parang laging nagtatanong, nanunuri.

BUHAT NOON ay hindi ko kakilala lamang si Anto, hindi lamang kaibigan, kundi kapatid ko na.  Ang totoo, ako’y talagang walang kapatid at, naisip ko, makatutulong din siya kay Itay sa paghahalaman, sa pagbubungkal ng kapirasong lupang iyon na minana pa namin kay Lolo.


     Paggising na paggising ni Anto, isang oras makaraang tumilaok ang mga manok sa madaling-araw, nakaugalian na niyang linisin ang bakuran, walisin ang nangalaglag na mga tuyong dahon ng mangga, alisin ang anumang sukal.  Pagkatapos, didiligin niya ang mga tanim na gulay ni Itay at, bago mag-almusalan, napakain na niya ang tatlo naming alagang baboy, gayundin ang mga manok.  Ako’y kalimitang sa bahay lamang nagbubumabad sa harap ng aking makinilya, habang kasama ni Itay sa bukid si Anto.  Manaka-naka, lumuluwas ako ng Maynila, nagbibigay ng mga katha o artikulo sa mga pasulatan at hindi iilang ulit na niyakag ko si Anto upang makarating man lamang ‘ka ko siya sa lungsod.

     “Ala’y dito na lamang ako, Manong.  Walang makakatulong si Itay,” lagi niyang idinadahilan sa buo, ngunit malamig na tinig na iyon.

     Sa tingin ko, parang nawiwili at nasisiyahan na rin si Anto sa paninirahan sa amin; maganda naman ang pakikitungo sa kanya ni Itay, para na ring anak.  Ngunit sa kabila niyon, hindi ko pa siya nakikitang tumawa ni ngumiti man lamang.  Ang maluwang na bibig na iyon ay waring ganap nang inulila ng kahit bahagyang pagngisi.


     “Masipag na bata ‘yang si Anto,” minsang nasabi sa akin ni Itay. “Pero di ba marunong tumawa ‘yan?”

     “Napansin din ho pala ninyo,” nasabi ko.

     “Talaga bang ganyan ‘yan?” parang hindi makapaniwala si Itay.


     Matapos kaming makapag-ani noon sa bukid at maibenta ni Itay ang ilang kabang palay, gayundin ang tatlong baboy na halos si Anto na ang nagpalaki, bumili si Itay ng ilang damit para kay Anto saka dalawang daang sisiw upang diumano ay maging aliwan ni Anto sapagkat ni hindi man lamang nakikibarkada si Anto, ni ayaw manood ng sine sa kabayanan kung Linggo, at lalong hindi nga umiinom.  Kung gabi, saglit itong makikinig ng radyo, mga awitan at tugtugan, at pagkatapos ay matutulog na.

     Alagang-alaga ni Anto ang mga sisiw, halos ayaw na ayaw niyang gagapangan man lamang ng langgam ang kulungan o bahay ng mga iyon na mismong siya ang gumawa mula sa mga kawayang siya rin ang pumutol ngunit, isang umaga, halos kagigising ko lamang, narinig ko ang tinig ni Anto, hindi mahina, kundi malakas, hindi malamig, kundi galit.

     “Ala’y putang ina!” noon ko rin lamang siya narinig magmura.  “Ala’y papatayin ko ang mga dagang ‘yon!”


     Mga limang sisiw marahil ang patay sa kulungan, kinagat ng mga daga.  At, kinagabihan, hindi natulog si Anto.  Dala-dala ang isang lente at pamalo, nakita kong nagtuloy siya sa kulungan ng mga sisiw, naupo sa madilim na sulok habang mahigpit na tangan ang isang malaki-laki rin namang piraso ng kahoy.

     Nang magising ako kinaumagahan, ang bumungad sa akin ay si Anto, halos sagad hanggang tainga ang pagkakangisi, parang gustong tumawa, habang hawak sa buntot ang dalawang malalaking dagang muntik nang malasog ang katawan sa pagkakapalo.


     “Ala’y, Manong, napatay ko ang mga putang ina!” sabi ni Anto.  “Nakikita mo ga ang mga ito?” at bahagya pa niyang iwinasiwas ang mga patay na daga.

     Napanganga ako.


     Isang hapon naman, pagkagaling ni Anto sa bukid, pinabili ko siya ng hinebra sa tindahang malapit sa amin.  Hindi ko maituluy-tuloy ang sinusulat ko noon, parang tubig na ayaw umagos ang aking utak, parang may mga bakal na dumadagan sa aking dibdib.  Ilang saglit lamang, humahangos na dumating si Anto, dala ang isang boteng hinebra, nakangisi na naman at maligayang-maligaya ang malalaking mga mata.

     “Nabalitaan mo na ga, Manong?” agad niyang tanong sa akin.

     “Ang alin?”


     “Ala’y, Manong,” halos lumitaw ang buong gilagid niya sa pagkakangisi, “ano pa ga?  Ala’y namatay si Ka Berta… iyon gang usurera sa lugar natin.  Binangungot daw at nakangiwi daw.  Ay, Manong, kagat-kagat pa raw ang dila.”


     Lalong hindi ko naituloy ang aking sinusulat.  Uminom na lamang ako.  At nang sabay-sabay kaming kumain ng hapunan nina Itay, maganang-magana si Anto sa pagsubo, malalaki’t sunud-sunod.

     Matagal bago ako nakatulog nang gabing iyon.  Naglalaro sa utak ko ang ngisi ni Anto.


     Ang pangyayaring iyon ay naulit isang araw na galing ako sa Maynila matapos magdala ng isang katha sa isang diumano’y sikat na magasin.  Sapagkat pinalad akong makasingil, bayad sa artikulo kong nalathala, naisipan kong ibili ng sapatos de goma at dalawang medyas si Anto upang, naisip ko, kung sakaling maisipan niyang mamasyal sa kabayanan, may maisuot naman siyang maayus-ayos dahil butas-butas na ang dati niyang sapatos at parang mahihirapang magkahusto sa malalaki niyang mga paa.

     Agad akong sinalubong noon ni Anto, nakabungisngis siya, waring tumatawa pati mga mata.

     “Pasalubong ko sa iyo, Anto.”  Ngunit ni hindi man lamang niya pinansin ang iniaabot ko sa kanya.

     “Ay, Manong Roger,” parang gustong bumunghalit ng tawa si Anto.  “Ay, Manong… tiyak na hindi mo pa alam.  Ala’y nasunog kangina ang bahay ni Ka Ignacio… tupok na tupok. Ano ga’t ni damit ay walang nailigtas.  Ala’y hanggang ngayon daw ay iyak nang iyak si Ka Ignacio… para daw maloloko!”


     Ang tinutukoy ni Anto ay isa sa mayayamang propiyetaryo na may-ari ng mga dalawampung ektaryang bukid sa lugar namin na, ayon sa kanyang mga magsasaka, ay napakatuso sa partihan at iniuuwi pati tulyapis at kung maningil ng pautang, hahakutin ang ani ng kanyang mga magsasaka kahit walang matira sa mga iyon makabayad lamang agad sa kanya.

     Ni hindi binuksan man lamang ni Anto ang kahon ng sapatos.  Ni hindi man lamang niya itinanong kung ano iyon.


ANG KAMALASAN ay ipinagkaloob na yata sa amin, kakambal na namin, at ang karalitaan ay talagang mahirap matakasan, parang isang aninong laging aali-aligid saka biglang sasalakay, walang pinipiling oras ni pagkakataon, at walang iginagalang na damdamin o kaisipan.

     Biglang-bigla, isang dapithapon, akay-akay na iniuwi ni Anto buhat sa bukid si Itay, namimilipit sa sakit ng tiyan, nanlalamig ang halos buong katawan.  Sapagkat malayo ang kabayanan at ni wala namang doktor sa nayon namin, ipinasundo ko kay Anto si Ka Mentong albularyo. Nagsangag kami ng bigas, ginawang parang kape, at ipinainom kay Itay.  Nagpakuha pa si Ka Mento ng ilang dahong banaba, sinalab sa apoy, saka itinapal sa tiyan ni Itay.  Ngunit nasira ang pagka-albularyo ni Ka Mento.


     Maagang-maaga pa, kinabukasan, kinuha ko sa munting baul sa sulok ng silid ang kaunting halagang naimpok ni Itay.  Umarkila ako ng karitela at pinagtulungan namin ni Anto na maisakay doon si Itay, dinala namin sa bayan sa isang diumano’y mahusay na doktor.  Ngunit iminungkahi lamang sa amin ng doktor na dalhin agad sa ospital si Itay, diumano’y malala na ang ulser at kailangang operahin.

     Inihatid ng ambulansiya ng munisipyo sa ospital ng probinsiya si Itay.  Napilitan naming isangla kay Ka Mamerto, isa ring propiyetaryo sa bayan namin ang kapirasong lupang iyon na minana pa ni Itay mula sa kanyang ama.  Napilitan akong pumirma, sa kapahintulutan na rin ni Itay, sa isang kasulatang kung hindi namin matutubos ang lupa pagkaraan ng anihan, may karapatan si Ka Mamerto na ilitin iyon, embarguhin.


     Maayos na si Itay, nailabas na ng ospital, ngunit kailangan niyang magpahinga ng mga ilan pang buwan sa bahay kaya si Anto ang bumalikat ng lahat niyang gawain sa bukid.  Nakita ko sa mukha ni Anto ang matibay na kapasiyahang gawin ang lahat niyang magagawa, mapangalagaan nang husto ang mga pananim, alisan ng mga insekto, bunutan ng mapaminsalang mga damo. Laging sibsib na ang araw kung siya’y umuwi ng bahay.


     Mahalimuyak ang magandang ani, mabubulas ang mga palay, malulusog ang mga gulay, at matataba na ang mga manok ni Anto.  Ang pag-asa’y naroroon lamang, bibitin-bitin, at naghihintay lamang ng tamang panahon para pitasin.

     “Kung papalarin tayo,” sabi minsan ni Itay isang gabi sa harap ng hapag-kainan, “makababayad tayo kay Ka Mamerto.  Napakalaki ang utang na loob natin kay Anto.”

     Masiglang-masigla si Anto nang gabing iyon, hindi agad natulog, matagal na nakinig ng awitan at tugtugan sa munti naming radyo.


     Ngunit, mga isang buwan na lamang bago mag-anihan, ang kamalasan, parang sinasadya ng pagkakataon o kalooban diumano ng Diyos, ay waring dambuhalang buwayang nanibasib, sinakmal at nginatngat maging ang  kaliit-liitang hibla ng aming pag-asa.  Nanalasa ang isang malakas na bagyo, bumaha, at ganap na napinsala ang lahat ng mga pananim ni Itay at ang matatabang manok ni Anto ay dinapuan ng peste, isa-isang naghingalo at nangamatay.


     “Hindi bale,” matibay pa rin ang loob ni Itay.  “Makikiusap ako kay Ka Mamerto na sa susunod na anihan na tayo magbabayad. Mauunawaan niya tayo.”

BUHAT NOON, naging tamilmil na sa pagkain si Anto, sumubo-dili.  Kung umaga, hindi na niya pinagkakaabalahang walisin ang bakuran at malimit siyang natitigilan.  Sa bukid, kung kasama niya si Itay upang linisin ang mga pininsala ng baha, malimit ding nauupo lamang siya sa pilapil, tititig sa kalawakan.  Hindi na rin siya nakikinig ng radyo kung gabi, agad na hihiga at isusubsob ang mukha sa unan.

     Hindi napakiusapan ni Itay si Ka Mamerto.


     “Ala’y paano ga tayo ngayon, Manong?  Saan ga tayo lilipat?”  Hindi na malamig ang tinig ni Anto noong gabing iyon mga tatlong araw bago nakatakdang ilitin ni Ka Mamerto ang lupang iyong waring mahal na mahal na ni Anto.  Si Itay ay nasa may bintana, nakapangalumbaba, parang may inaaninaw sa madilim na kalawakan sa labas.

     “Bahala na,” parang wala sa loob kong sabi. “Ang mabuti pa’y ibili mo ako ng hinebra.”

     “Ala’y pabarikin mo ako ngayon, Manong… mga dalawang tagay lamang,” mariin ang pagsasalita ni Anto at may balasik sa malalaki niyang mga mata.

      Nakadalawang boteng hinebra ako nang gabing iyon, at hindi ko matandaan kung uminom nga o hindi si Anto.


     Kinabukasan ay kumalat ang balitang pinatay si Ka  Mamerto, ginilit ang leeg, nilaslas ang tiyan, at lumuwa, diumano, ang bituka.

     Buhat noon ay nawala na si Anto.

    May asawa na ako, at dalawang anak.


   At magpahanggang ngayon ay hinahanap ko siya. #

Ang Mundo Sa Paningin Ng Isang…

 Ang Mundo Sa Paningin Ng Isang…

March 23, 2008 by plumaatpapel ni Rogelio L. Ordonez

https://plumaatpapel.wordpress.com/2008/03/23/78/


(Maikling kuwento — iniantolohiya sa SUBVERSO ng Alliance of Concerned Teachers o ACT)


KAGABI, matapos ang halos kalahating araw na pakikipagpulong, pakikipagtawaran at pakikipagsigawan sa mga opisyales ng unyon sa pabrikang iyon ng tabakong pag-aari ng pamilya Riego de Dios, nagmumurang umuwi ang kanyang amo, hindi nagdaan sa paborito nitong mamahaling otel sa tabing dagat ni sa pangmayamang kapihan sa Malate upang maghanap ng babaing makakapiling nito sa loob ng ilang oras o sa buong magdamag. Kahit sitenta anyos na, binata pa rin ito, malakas pa rin at matikas ngunit waring takot mag-asawa, kaya parang nasisiyahan na at hindi nagsasawa sa saglit na pakikipagrelasyon sa kung sinu-sinong babae na, kalimitan, pinakamatagal na ang isang linggong pakikipagkalantarian.


Ikinatuwa niya ang pag-uwi agad nito sapagkat tiyak niyang hindi siya pipiliting magtrabaho, di gaya kung nagbubumabad ito hanggang madaling-araw sa mga lugar na palipasan ng oras at aliw at pasyalan ng mga babaing mababango, makikinis, husto sa tindig at sukat, at waring mahihiyang lapitan ni kausapin ng karaniwang mga lalaki lamang na kukulu-kulo ang tiyan at walang maipagyayabang na kayamanan at kapangyarihan. Kung maaari nga lamang, ayaw na niyang paglingkuran ang kanyang amo sapagkat mahaba-haba na ring panahon ang kanyang ipinagtrabaho anumang oras nitong magustuhan, araw man o gabi, katanghalian man o madaling-araw, o kahit dapat na muna siyang magpahinga para manumbalik ang sigla niya’t lakas na matagal nang hinuhuthot at kinakatas.


Pagpasok na pagpasok ng kanyang amo sa maluwang, alpomprado at naiilawan ng aranyang mula pa sa Paris na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park, agad nitong tinawag ang pandak, mataba at kikimbul-kimbol na katulong na si Bebang na dose anyos pa lamang yata nang magsimulang maglingkod sa mga Riego de Dios nang ang amo niyang si Miguelito — kilala ngayon sa daigdig ng negosyo bilang Don Miguel na — ay kinse anyos naman. Nagpakuha ito ng isang kopita, malamig na tubig at isang boteng Dom Perignon, tatlong ulit na mabilis na lumagok, at biglang nagtungayaw nang mabungaran sa napakalaking telebisyon ang panggabing balita tungkol sa naganap na demonstrasyon sa Mendiola ng libu-libong mga manggagawang idinadaing ang kahirapan ng buhay at miserable nilang kalagayan kaya humihingi ng dagdag na sahod na P125 bawat araw.


“Punyeta! Mga b’wisit!” Umalingawngaw ang mataginting na tinig ni Don Miguel sa kabuuan ng salas, naglagos hanggang sa kusina, kaya nagmamadaling bumalik ang katulong na si Bebang, nilalamulamukot ang puting uniporme sa bandang tiyan at waring bariles na mabubuwal.


“Bakit po?”


“Tonta! Di kita tinatawag,” halos sairin nito ang lamang alak ng kopita. “Ano pa ang gusto nila? Mabuti nga, may trabaho pa sila.”


“Sino pong sila?” parang naguguluhang tanong ng namumutlang si Bebang.


“Letse… di kita kinakausap.” Muli nitong sinalinan ng Dom Perignon ang kopita at parang walang anumang tinungga.


Napangalahati ng kanyang amo ang lamang alak ng bote, at bigla siyang kinabahan nang magtungo ito sa banyo, matagal na naligo, nagsabon nang husto at, pagkatapos, kinuha ang paboritong pabangong Bulgari, winisikan ang leeg, maging ang dibdib at umuusling tiyan. Naisip niyang baka siya piliting magtrabaho, gaya noong di na mabilang na araw at gabi na para siyang minerong paulit-ulit na palulusungin at paaahunin sa makipot, madilim, malalim at maalingasaw na lugar na iyon na ikinaiigting ng mga ugat ng kanyang leeg, ikinapupula ng kanyang ulo sa galit, ikinababaligtad ng kanyang sikmura hanggang sa tuluyan siyang masuka at manlupaypay sa sobrang hirap ngunit, sa kabilang banda, para namang nasa glorya si Don Miguel at siyang-siya sa ipinagawa sa kanya.


Kailan nga ba nagsimula ang kanyang kalbaryo?


Malabo at pira-piraso na ang mga gunita noong anim na taon pa lamang ang edad ni Miguelito – ngayon nga’y si Don Miguel na – ngunit malinaw niyang natatandaan ang kasaysayan ng pamilya Riego de Dios sapagkat, matapos ang marangyang hapunan habang tumutugtog sa ponograpo ang maindayog na mga awiting Kastila, nakaugalian na nilang pag-usapan ang pinagmulan ng semilya ng pamilya sa beranda ng lumang mansiyong iyon sa kalye Arlegui sa Quiapo, at waring hindi iyon pinagsasawaang sariwain noon upang ipagmalaki marahil na hindi sila karaniwang Indio lamang kundi dumadaloy sa kanilang mga ugat at puklo ang dugo ng isang taal na peninsulares.


Bantog na bantog noon diumano ang ama ni Miguelito – si Don Segismundo Manuel Riego de Dios y Echevarria – sa mataas na lipunan ng Andalucia, hindi dahil sa kagandahang lalaki sapagkat sa edad pa lamang na tatlumpong taon, bahagya na itong nakakalbo, medyo usli na ang tiyan, muntik nang matawag na pandak batay sa karaniwang taas, at bilugang parang buwan ang malamang mukha ngunit, sa kabilang banda, hinabul-habol ito at inambisyong maangkin ng naggagandahang mga senyorita dahil sa pinakaimportanteng katangian – ang labis na kayamanan.


Bago pinakasalan ni Don Segismundo ang pinakamagandang senyorita sa Andalucia – si Donya Flordeliza Luz Montealegre y Mercader na kamukhang-kamukha diumano ng inimbentong larawan ni Birheng Maria at may katawang mala-Venus de Milo – naging kaibigan pa nitong matalik ang bantog na manunulat na Amerikanong si Ernest Hemingway at nakahumalingan nilang manood ng mga corrida de toros, humanga nang husto sa mga matador, lalo na kay Antonio Ordonez na naging paborito rin ng mga artistang sina Orson Welles at Rita Hayworth, at nagsusumigaw sila at masigabong pumapalakpak kapag nalulugmok na ang sumisingasing na toro dahil sa ulos ng matalim na espada. Nalahiran diumano ng ugali ni Hemingway si Don Segismundo, naging mainitin ang ulo, naging medyo barumbado, naging lasenggo at bohemyo.


Wala pa silang isang taong kasal ni Donya Flordeliza, isang matipuno, matikas, dalawampu’t pitong taon lamang ang edad at gupit-Alponsinong binatang Pranses ang malimit nilang bisita, nag-aalok kay Don Segismundo ng kung anu-anong negosyo, ginagabi sa pakikipagkuwentuhan sa mag-asawa kahit pilipit ang gramatika sa wikang Kastila ngunit sapat naman para maunawaan ng kausap hanggang, nang malaon, nagbubumabad ito doon lalo na kung wala si Don Segismundo at kasama ni Hemingway sa mga panggabing aliwan ng mga buhay bohemyo.


Nagulat na lamang ang alta sosyedad ng Andalucia nang isang umaga, parang apoy sa talahibang kumalat ang balitang nag-alsa balutan si Don Segismundo, iniwang humahagulhol ang magandang asawa na muntik nang mahulog sa marmol na hagdan nang ipagtulakan at tadyakan niya habang yumayakap sa kaliwa niyang hita at nagmamakaawa. Saglit na nanatili sa Andalucia si Don Segismundo matapos iwan ang asawa, nagpalikwad-likwad sa mga bahay-aliwan at mamahaling mga otel at, kalimitan, kasa-kasama at kainuman si Hemingway.


Hindi naglipat-buwan, isang prayleng matagal na namalagi at yumaman nang husto sa Pilipinas ang nagbalik sa Espanya, hindi sinasadyang nakausap si Don Segismundo, ipinagyabang kung paano niya naloko ang maraming Indio habang pinalalaganap ang Katolisismo at ang mga aral ni Kristo, lalo na ang linyang “mapapalad ang maralita at mapapasakanila ang kaharian ng langit” o “madali pa para sa isang kamelyong makapasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman sa pinto ng langit.” At, ilang araw mula noon, tuluyang iniwan ni Don Segismundo ang Andalucia at sumakay ng barkong papuntang Pilipinas.


Naging interesado si Don Segismundo sa industriya ng tabako sapagkat mahal na naibebenta sa Europa ang mga produkto nito, sigarilyo man o abano o maging maskada, at nang mabalitaan niyang sa Vigan at sa iba pang panig ng Ilokos ang malalawak na taniman, agad niyang pinuntahan ang kura paroko doon – si Padre Ramon Labrador, isa ring peninsulares na gaya niya ngunit hindi taga-Andalucia kundi mula sa Catalonia at kahit apat na taon pa lamang nanunungkulan sa Vigan, may daan-daan nang ektaryang lupain doon, may matatapat na katiwala at masisipag na magsasakang sanay na sanay magtanim ng tabako at mangalaga sa mga iyon laban sa mapaminsalang mga insekto, hanggang anihin at patuyuin ang mga dahon at iluwas sa Maynila.


“Bakit bibili ka pa ng lupa? Gamitin mo ang iyong pagka-Kastila,” nakangising sabi ni Padre Labrador nang nagpapahanap si Don Segismundo ng mga isandaang ektarya upang makapagsimula siya sa naturang industriya. “May isang dalagang India dito, debotong Katoliko, at kailan lamang, nakamana ng mga dalawang libong ektarya nang gilitin ni Kamatayan ang leeg ng kanyang ama. Pagkatapos ng agunyas, maaga tayong maghapunan. Papasyalan natin at ipakikilala kita. Alam kong gustung-gusto niyang makapag-asawa ng isang Kastila batay sa malimit niyang ikumpisal kapag mayroon siyang pinagnanasaan.” Tumaginting sa kumbento ang halakhak ng kura paroko.


Wala pang dalawang linggong nagpabalik-balik si Don Segismundo sa malaking bahay-Kastila ng pamilya Baterina sa Vigan at nang buwang ding iyon, kahit may iniwan siyang asawa sa Andalucia, magarbong ikinasal ni Padre Labrador si Don Segismundo kay Petra Baterina na beynte kuwatro anyos na noon, matingkad na kayumanggi gaya ng maraming Ilokana, mga limang piye at isang pulgada ang taas, medyo pango, matulis ang baba, at halatang tabain lalo na kapag nanganak na. Natural, si Don Segismundo na ang lubos na namahala sa dalawang libong ektaryang lupaing minana ni Petra, pinatamnan niya agad iyon ng tabakong mula pa diumano ang binhi sa Cuba hanggang makapagtayo sila ng pabrika sa Marquez de Comillas sa Maynila at mabili ang mansiyong iyon sa Arlegui na, noong 1935, sa kabila ng dalawampu’t isang taon nang pagsasama, at hindi na nga inaasahang magkaanak pa sa edad na kuwarenta’y singko na, biniyayaan sa wakas ng diumano’y mahabaging Diyos – at itinuring pa ngang milagro ng mga relihiyoso — si Donya Petra ng isang malusog na sanggol na mestiso na walang nakuha ni mata sa ina kundi sa lakas marahil ng dugong Kastila ni Don Segismundo, mahihirapang paniwalaang ang ina’y isang taal na Ilokana. Iyon nga si Miguelito, ngayo’y Don Miguel na kahalubilo ng mga Zobel de Ayala, ng mga Soriano y Cia, at kung sinu-sino pang kilala sa daigdig ng malalaking kapitalista.


Hindi na niya matandaan ngayon kung paano, mulang Andalucia, dalawang nakababatang kapatid na babae ni Don Segismundo ang biglang dumating sa mansiyon sa Arlegui, doon na nanirahan at naging katuwang sa pagpapatakbo ng negosyo ng pamilya Riego de Dios. Bago ibinalik ng Amerika noong Hulyo 4, 1946 ang inagaw nitong kasarinlan ng Pilipinas, magkasunod na namatay sina Don Segismundo at Donya Petra at naiwan sa kalinga ng dalawa niyang Espanyolang tiya ang labing-isang taong gulang pa lamang na si Miguelito, gayundin ang pagpapatakbo sa industriya ng tabako ng pamilya. Sa mga tiya nga ni Miguelito, pagkatapos ng marangyang hapunan, malimit niyang marinig ang paulit-ulit na ikinukuwento ng mga ito na kasaysayan ng semilya ng pamilya sa harap ng parang namamalikmatang si Miguelito at, sa kabilang banda, waring iniiwasan ng mga iyong banggitin man lamang ang pamilya Baterina.


Hindi na rin malinaw sa kanya nang umalis na sa mansiyon sa Arlegui ang dalawang tiya ni Miguelito nang ito na ang nagpapatakbo ng negosyo sa edad na beynte y kuwatro, kung nagsipag-asawa pa o nagpakatandang mga dalaga dahil isinusuka noon pa man ang mayayamang binatang Indio na hindi miminsang umaali-aligid sa mga ito. Hindi niya rin alam kung bumalik ang mga iyon sa Andalucia at doon na hinintay ang pagkaubos ng hininga sa piling ng mga kapwa peninsulares na mahilig magpasiklab sa alta sosyedad at waring ang dugong dumadaloy sa kanilang mga ugat, pusod at puklo ang siya lamang natatanging dugong bughaw sa daigdig ng diumano’y mga maharlika.


Kailan nga ba siya nagsimulang maglingkod kay Don Miguel?


MALIWANAG ang nakalilito niyang kabataan sa piling ni Miguelito, gayundin ang paulit-ulit at nakapanlulupaypay niyang pagtatrabaho nang magbinatilyo na ito hanggang sa kasariwaan ng sigla ng katawan at daluyong ng mainit na dugo sa singit at puson at, ngayon na lamang, dala na rin marahil ng edad at lumipas na sulak ng damdamin, malimit na siyang makapagpahinga at nagagawa na niyang tanggihan si Don Miguel kapag pinipilit siyang magtrabaho kapalit ng mga mura at insulto at, kahit sakalin pa siya nito, o ipasakal sa kasama nito, nagagawa niyang payapain ang sarili, iniwawaksi ang galit sapagkat, batay sa kanyang karanasan, tuwang-tuwa ang kanyang amo kapag siya’y galit na galit dahil agad na napagtatrabaho at napipilit pasukahin kahit namimilipit at mawalan ng ulirat sa hirap.


Ngayon niya lamang nauunawaan ang kanyang kalituhan sa panahon ng kamusmusan ni Miguelito. Noon, labis niyang ipinagtaka kung bakit kailangan pang hiwain ang kanyang balat malapit sa ulo para makapanungaw siya at makita ang munti niyang daigdig. Bumunghalit ng iyak si Miguelito nang hinihiwa siya, at tumahimik lamang nang bendahan na ang kanyang sugat. Ilang araw din siyang nakabenda noon pero, tuwing umaga, nilalanggas naman ang kanyang sugat, pinapalitan ng benda hanggang sa tuluyang mangati-ngati, matuyo at maghilom.


Nang magsimulang mag-aral si Miguelito sa elementarya ng Ateneo de Manila, malimit itong manghabol ng suntok o mambato kaya kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga – siya nga na hindi makahiwalay at kakambal na ng kanyang amo saanman ito magpunta. Hanggang maaari, pilit siyang itinatago ni Miguelito, ayaw ipakita kaninuman, at nasusulyapan niya lamang ang kanyang mga kauri sa loob ng mga kubeta sa Ateneo kapag halos sabay-sabay silang pinasusuka ng madilaw-dilaw na likido ng kani-kanilang amo.


Magaan lamang ang kanyang trabaho noon, iyon lamang, ang sumuka ng madilaw na tubig anumang oras magustuhan ni Miguelito ngunit, nang trese anyos na ang kanyang amo, labis niyang ikinagagalit kapag nilalaru-laro siya, hinihimas sa ulo, lalo na kapag lihim na binubuklat ni Miguelito sa loob ng nakapinid na kuwarto ang ilang de kulay na magasing itinatago nito sa ilalim ng kama. Sinasakal siya habang nilalaro nang husto, masidhing hinihilang pataas-pababa ang kanyang balat sa may leeg, hanggang maramdaman niya ang pagpupuyos ng damdamin at waring pagbaligtad ng kanyang sikmura, at bigla siyang masusuka, manlalambot na waring pagod na pagod kasabay ang impit ngunit nasisiyahang daing o halinghing ng kanyang amo.


Malimit nang gawin iyon ni Miguelito, dalawang beses, kung minsa’y tatlo sa isang araw, lalo na kapag binubuklat ang nakatagong magasin o sa mga pamamasyal, nakakakita ito ng makinis na binti’t lampas-tuhod na palda sa simbahan man kung Linggo o sa mga mamahaling restawrang paboritong kainan ng mayayaman kasama ang mga anak na dalagitang mababango’t makikinis, mahilig sa maarteng pagbungisngis, at sinasadya yatang ipakita ang maputing mga hita kapag napapansing pinagmamasdan sila ng mga binatilyong hindi mapakali sa upuan at nanlalaki ang mga mata sa katititig sa kanila. Kung noon, ikinagagalit ni Miguelito kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga, buong kayabangan namang ipinagmamalaki na siya nito sa mga kabarkada, sinasabing hindi siya basta-basta at tiyak na mananalo kung may paligsahan ng mga batuta.


Natiis pa niya ang gayong trabaho, ang laru-laruin at galitin siya, saka madaliang pasukahin ngunit, nang lubusang magbinata na si Miguelito at magbumabad sa mga panggabing aliwan, makisalamuha sa piging at handaan ng mga mayayaman at makahalubilo ang naggagandahang mga kababaihan, sumidhi ang daloy ng umaalimpuyo nitong dugo sa puson at, sa bawat gabi, isinasabak siya sa trabaho at, kalimitan, madaling-araw na kung siya man ay pinagpapahinga, lupaypay sa hirap at halos hindi na makagulapay at manunumbalik lamang ang kanyang lakas kapag naligo na ang kanyang amo at sabunin siya nang husto saka magana at saganang mag-aalmusal sa primera klaseng otel na naging lunduyan ng maligayang daing ng magdamag.


Ayos lamang naman sana sa kanya kung pinagtatrabaho man siya ng kanyang amo pero, nang malaon, tumimo sa kanyang kamalayan ang miserable niyang kalagayan. Anumang oras na gustuhin nito, katanghalian man, hatinggabi man o madaling-araw, puwede siyang piliting sagad-sarang magtrabaho hanggang manlupaypay siya sa hirap. Masakit nga na kahit dapat na oras na ng pagtulog at pamamahinga, bigla siyang patatayuin at hindi niya maiwasang labis na magalit at maghimagsik na halos ikabalatay ng mga litid niya sa leeg, ikapula ng kanyang ulo at ikapanigas ng kanyang kalamnan. Alam niya, batay sa nakasusuklam niyang mga karanasan, waring hindi pinagmamalasakitan ng kanyang amo ang kanyang kalusugan. Para siyang minerong lusong-ahon, dahan-dahan sa simula, ngunit aapurahin kung malaon, sa madilim, makipot, malalim at maalingasaw na butas na iyon. Patitigilin nga lamang siya ng kanyang amo kapag bumaligtad na ang kanyang sikmura at tuluyan siyang masuka’t hindi na makagulapay. At ano lamang ang kanyang pabuya? Ang paliguan at sabunin nang husto matapos ang walang habas na pagtatrabaho?


Sa kabilang banda, labis niya namang ikinatatakot kapag naligo nang husto ang kanyang amo kahit hindi pa siya nakapagtatrabaho, magwiwisik ito ng pabango, magsesepilyo’t magmumumog ng pampabango din ng hininga at sa dinami-dami ng mga damit na pamporma, nakakailang sukat-palit bago makapagpasiya kung ano ang tuluyang isusuot. Paulit-ulit na kakausapin siya, ipagdidiinang huwag siyang ipapahiya sa kanyang makakasama sa magdamag kaya kailangan niyang pagbutihin ang nakagawiang ipagawa sa kanya. Kapag gayon, natitiyak niya, matagal ang oras ng kanyang trabaho. Naroroong matagal na dila-dilaan ng kasama nito ang kanyang ulo at wala siyang magawa kundi magalit kahit pilitin niyang payapain ang damdamin. Naroroong sakal-sakalin siya hanggang sa halos hindi na siya makahinga hanggang tuluyan siyang itulak papasok sa entrada ng minahan, at magsisimula na nga ang waring walang katapusan niyang kalbaryo ng pag-aahon-lusong, ang pag-igting ng kanyang mga ugat, ang panginginig ng kanyang kalamnan at, sa wakas, ang pabugso niyang pagsuka na waring saglit niyang paglaya sa buhay-busabos sapagkat matagal-tagal siyang makapagpapahinga ngunit, kung minamalas, kahit kababalik lamang ng kanyang lakas, biglang-bigla siyang pababangunin ng kanyang amo upang piliting muli na namang magtrabaho.


Sa buong panahon ng kasiglahan ng kanyang amo hanggang unti-unti na itong nakakalbo, miminsan niyang inakala na pinagmamalasakitan din siya nito nang isang gabi, mula sa isang sikat na kapihan sa Malate, pinilit isama ni Don Miguel sa silid ng isang otel – katumbas marahil ng pabuyang kinse mil pesos – ang isang babaing mestisahin, makinis, balingkinitan, may naghuhumindig na dibdib, halatang wala pang dalawampung taong gulang at maituturing nang apo ng kanyang amo kung ito’y hindi natakot mag-asawa’t magpamilya. Kung udyok ng babae o hindi, noon lamang siya maingat na sinuotan ng kapote ng kanyang amo bago pinalusong at pinagtrabaho sa maalingasaw na minahan ngunit, matapos ang paulit-ulit, paulit-ulit na paglulusong-ahon, laking gulat naman niya nang sa mismong mukha niya naman sumambulat ang gustung-gustong ipasuka sa kanya ni Don Miguel. Nasabi niya tuloy sa sarili: mabuti pang hindi na siya sinuotan ng kapote.


MATAGAL na niyang pinaghihimagsikan ang gayong buhay, ang busabos niyang kalagayan sa mahabang panahon ng paglilingkod kay Don Miguel at nang magsimula itong tumuntong sa edad na sisenta y singko hanggang ngayong sitenta na, saka niya lamang unti-unting naipadama sa kanyang amo ang tahimik niyang pagpoprotesta. May mga sandaling kahit ano ang gawin ni Don Miguel – pahiran man siya sa ulo at katawan ng kung anu-anong krema, laruin man siya o ipalaro, padila-dilaan man ang kanyang ulo, sakal-sakalin at hilahin pataas-pababa ang balat sa leeg – nananatili siyang nakayuko lamang at hindi pinapansin ang anumang pagmumura ng kanyang amo. Ilang beses na nga niyang narinig na wala na siyang silbi, inutil, at bihirang-bihira nang mapakinabangan hanggang dumating ang puntong labis na siyang ikinahihiya ng kanyang amo sa mga pumapatol pa ring makaniig ito. Sa marami nang pagkakataong iyon, malakas na punyeta at punyeta ang laging lumalabas sa bibig ng kanyang amo habang pigil na humahagikhik ang kapiling nito. Gayunpaman, bihirang-bihira na, may pagkakataong saglit siyang nagagalit ngunit mabilis din naman siyang nanlalambot kahit kalulusong lamang at hindi pa sumusuka sa maalingasaw na butas na iyon na lalong ikinaiinis at ipinanggagalaiti ni Don Miguel.


Kahit hindi na niya magawa ngayon ang dating trabaho, hindi pa rin nagsasawa si Don Miguel sa pagpapalipas ng oras sa paborito nitong primera klaseng mga lugar aliwan kung saan walang itulak-kabigin sa mga babaing nag-aagawang maupo sa tabi nito. Waring nasisiyahan na lamang ngayon si Don Miguel sa pakikipag-usap at paghimas-himas sa mga iyon at, kung isama man sa kuwarto ng isang otel, milagro ng mga milagro kung mapilit siyang saglit na magtrabaho. Uuwi tuloy si Don Miguel na mainit ang ulo at, bago mananghalian, pupunta agad sa opisina nito sa pabrika ng tabako, gagala sa planta at bubulyawan ang sinumang trabahador na tatamad-tamad diumano at hindi ayos ang ginagawa.


“Kung tinatamad kayo, umuwi na kayo! Huwag na kayong babalik. Punyeta.” Malimit nitong isalubong sa mga trabahador, lalo na nga kung noong nagdaang gabi, hindi siya nito napilit magtrabaho at mapasuka.


Sa pabrikang iyon ng tabako ng mga Riego de Dios, si Don Miguel ang Diyos at may hawak ng buhay at kapalaran ng mga manggagawa doon. Noong una, kapag napag-initan ang sinumang trabahador, lalo na ang mga umaangal sa suweldong dapat matagal nang naumentuhan dahil lumolobo ang presyo ng mga bilihin at sobra-sobra naman sa kabilang banda ang tinutubo ng kompanya, agad iyong ipatatawag ni Don Miguel sa opisina, sisinghalin at papupuntahin sa kahera upang ipakuha ang huling suweldo at anumang karampot na benipisyo. Kahit lumuha at magmakaawa, sukdulang lumuhod man, sadyang matigas ang puso ni Don Miguel at hindi na mababago ang pasyang tanggalin sa trabaho ang manggagawang matagal na ring naglilingkod sa kanyang pabrika.


“Magreklamo ka sa Dole, punyeta!” pabulyaw pang sasabihin nito.


Laking gulat na lamang ni Don Miguel nang isang araw, ilang manggagawa ang pumasok sa opisina nito, may dalang sulat at ipinatatalastas sa kompanya na may unyon na ng mga manggagawa at, katunayan, may sertipiko na at nakarehistro na sa Kagawaran ng Paggawa. Nagmura man nang nagmura si Don Miguel, sa payo na rin ng abogado ng kompanya, napilitang kilalanin nito ang unyon, nakipagtalastasan nang malaon tungkol sa mga kahilingan, hanggang kangina ngang umaga, nagharap sa opisinang pangkomperensiya ang dalawang panig at, kahit halos maghapong nag-usap at nagpaliwanagan, lumilitaw na wala pa ring malinaw na napagkasunduan. Matigas ang mga opisyales ng unyon sa kanilang mga pahayag at kahilingan, lalo na nga ang tungkol sa umento sa sahod, bayad sa sobrang oras ng paggawa, libreng gamot at pagpapagamot, kaseguruhan sa trabaho, at iba pang itinadhana na ng batas ngunit matagal nang nilalabag ng kompanya. Sa takbo nga ng usapan kangina, lumilitaw na nagmamatigas si Don Miguel at binigyang-diin pa na utang na loob ng mga manggagawa na pinagtatrabaho pa nito ang mga iyon sa kompanya ng tabako ng mga Riego de Dios.


Tuwang-tuwa naman siya sa nangyari sapagkat, sa init ng ulo, dumeretsong umuwi ang kanyang amo at waring nakalimutan ang nakagawiang aliwan sa piling ng mababango, makikinis at malalambing na babaing halatang namumulupot kay Don Miguel hindi na dahil sa husay niyang magtrabaho kundi sa lalo nitong pagiging galante. Kinabahan nga lamang siya nang matapos lumaklak ito ng Dom Perignon, naligo ito nang husto at nagpabango pa ngunit, nang humilata na ito sa kama – napagod marahil ang isip sa mga problema ngayon sa kompanya – tiyak na tiyak niyang lubos siyang makapagpapahinga hanggang umaga, at hinding-hindi siya pipiliting galitin, ni ipagalit sa sinumang kapareha, upang pagtrabahuhin pa kahit paano, kahit mabilis siyang nanlalambot gayong saglit lamang ang kanyang paglusong at pag-ahon sa dinadalaw nitong minahan. Kalimitan nga – na labis na ipinagtutungayaw ni Don Miguel kasabay ng panlalait sa kanya – ni hindi na siya makapasok man lamang sa entrada ng minahan dahil agad siyang nalulugmok sa panlalambot. Naisip tuloy niyang matagal na ngang nahuthot at nakatas ang kanyang lakas sa ilang dekada na rin namang paspasang pagtatrabaho niya para masiyahan lamang ang kanyang amo sa matapat niyang paglilingkod.


MAAGANG nagising kinaumagahan si Don Miguel, humingi lamang ng isang basong sariwang gatas kay Bebang, saglit na namalagi sa banyo, ipinahanda ang kulay asul na terno at, pagkabihis, habang hinihintay ang itim na Mercedes Benz at tsuper na si Mang Benito, parang hindi ito mapakaling palakad-lakad sa kabuuan ng maluwang na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park. Malimit kumunot ang noo nito saka biglang sisigaw ng punyeta habang nakadukot ang kaliwang kamay sa bulsa ng pantalon. Akala niya tuloy siya na naman ang minumura nito tulad sa bawat pagkakataong hindi na niya ito mapaglingkuran nang lubusan buhat nang magka-edad. Ngayon, kung tutuusin, parang ang muli niyang pinagsisilbihan ay si Miguelito sa panahon ng kamusmusan nito at wala na siyang obligasyon kundi ang magbuga na lamang ng madilaw na tubig sa naghihintay na palikuran ng mga kauri niya ngunit hindi na sumisirit na gaya noon kundi, kalimitan, matamlay na matamlay sa paglabas at pagpatak.


Wala na nga ba siyang silbi? Iyon ang malimit niya ngayong marinig na paratang ni Don Miguel. Iyon ang hindi niya matanggap at ikinasasakit ng damdamin hanggang nagsusumigaw sa kanyang isipan ang paghihimagsik sapagkat, sa abot ng kanyang pang-unawa, ni hindi man lamang minamahalaga ngayon ni isinasaalang-alang ng kanyang amo ang matagal na niyang paglilingkod na nagdulot din naman ng ibayong kaligayahan at kaluwalhatian sa sulak ng dugo ng binatang si Miguelito at, gayundin, nang si Don Miguel na ito. Kasalanan ba niya kung hinuthot ng kanyang amo ang dati niyang sigla at lakas, kung halos hindi na siya pagpahingahin sa walang oras na pagtatrabaho? At ano ngayon ang gantimpala? Ang pagbuntunan ng sisi? Ang paratangang inutil? Gusto tuloy niyang sumigaw, manawagan sa mga kauri niya, upang labanan na ang kani-kanilang amo at putulin, sa wakas, ang tanikala ng matagal nang sa kanila’y pambubusabos ng uring kanilang kinagisnang paglingkuran. Hindi niya tuloy naiwasang itanong sa sarili kung bakit ngayon lamang siya namulat sa kahabaghabag niyang kalagayan. Bakit hindi noon pa nang malakas siya at masigla?


Kabubukas lamang ng maluwang na tarangkahan ng bakuran ng pabrika nang dumating si Don Miguel at nagmamadaling pumasok sa opisina. Ilang saglit lamang, nasa kani-kanilang puwesto na ang mga manggagawa, paanas na nag-uusap at ipinagtataka marahil kung bakit gayong kaaga ng kanilang amo dahil, kalimitan, halos alas onse na o makapananghalian bago ito sumulpot sa pabrika. Makaraan ang ilang minuto, nagmamadaling pumasok sa opisina nito ang abogado ng kompanya, may dala-dalang kung anu-anong papeles na pahapyaw lamang pinagtuunan ng pansin ni Don Miguel.


“Kausapin mo ngayon ang presidente ng unyon ng mga punyeta. Bilhin mo… suhulan mo para iurong ang mga reklamo sa Dole, “ utos ni Don Miguel sa abogado.


“Matigas po, talaga. Nagbanta na nga po silang magwewelga kapag di natin naibigay ang mga hinihingi nila.”


“Mga walang utang na loob, punyeta! Mag-isip ka ng paraan kung paano sila tatanggaling isa-isa… kahit sinong opisyal nila, lalo na iyong b’wisit na presidente. Tingnan mo rin sa mga trabahador ang p’wedeng palayasin na… iyong matatanda na at di na gaanong makapagtrabaho. Iyong mga inutil na.”


Naisip niya, siya yata ang pinariringgan ng kanyang amo, pero malinaw namang mga trabahador sa pabrika ang tinutukoy nito. Padaguk-dagok sa mesa si Don Miguel, at ilang beses na tumawag sa telepono; may narinig pa siyang tinawagang kung sinong heneral, sinabing baka magkawelga sa pabrika at kailangan nito ng ayuda ng mga pulis. Huli niyang narinig ang paulit-ulit nitong salamat, salamat, salamat. May tatawagan pa sana ito, ngunit waring nagdalawang-isip, kaya tuluyan nang ibinaba ang telepono at kumunut-kunot ang lumapad nang noo dahil sa bahagyang pagkakalbo.


Ilang ulit pang nakipagnegosasyon ang unyon, ngunit ang abogado lamang ng kompanya ang humaharap, at sinabi nitong nalulugi ang pabrika kaya imposibleng maipagkaloob ang hinihinging umento at benipisyo ng mga manggagawa. Idinagdag pa nitong mapipilitang magbawas ng mga empleyado ang kompanya para hindi magsara at malamang na pagretiruhin na ang lampas na ang edad sa sisenta.


“Nalulugi? Imposible!” alsa-boses na sabi ng presidente ng unyon. “Noong nagdaang taon, ang laki nga ng binayarang buwis ng kompanya. Ibig sabihi’y malaki ang tinubo. Mali ba ang rekord sa BIR, Attorney? O talagang s’wapang si Don Miguel?”


Saglit na hindi nakakibo ang abogado, saka banayad na sumagot.


“Ipinararating ko lamang sa inyo ang panig ng kompanya. Tingnan natin, baka magawaan pa natin ng paraan. Kakausapin ko nang husto si Don Miguel.”


Sa ilang araw na iyon, ikinatuwa niyang laging mainit ang ulo ng kanyang amo. Waring nakalimutan na nito ang nakaugaliang paghahanap ng kaparehang makakausap at mahihimas man lamang habang pinipilit siyang magalit upang mapagtrabaho kahit panandalian man lamang, kahit alam nitong agad siyang manlalambot at hindi na mapilit sumuka anuman ang gawin sa kanya ni Don Miguel, murahin man at insultuhin, o pagtawanan man ng kapareha nito. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, unti-unti na siyang nakalalaya sa matagal nang pagsasamantala sa kanyang lakas sa ilang dekada nang walang habas na pagtatrabaho, hinuthot iyon nang husto, lalo na nga noong kasiglahan ng kanyang amo at umaalimpuyong lagi ang dugo sa mga ugat hanggang puson. Noon, bihira nga siyang makapagpahinga, lupaypay na bago sabunin at paliguan, at tuluyang patulugin nang mahimbing habang naglalaro pa sa bilugang mukha ng kanyang amo ang ligaya’t kaluwalhatian. Gayunpaman, naisip niya, ano pa ang halaga ng kanyang paglaya kung ubos na ang kanyang lakas?


Isang umaga, wala pa si Don Miguel sa pabrika, biglang pumutok ang welga ng mga manggagawa doon, binarikadahan ang tarangkahan, ipinamukha sa mga nakasulat sa plakard at kartelon ang inhustisyang dinaranas ng mga manggagawa sa pabrika ng tabako ng pamilya Riego de Dios, ipinagdiinan ang pagiging tuso, ganid at makaharing pamamalakad ni Don Miguel, at magkakawit-bisig – lalaki man o babae – buong tatag nilang hinarang sa pagpasok ang ilang trak ng kompanya, gayundin ang mga kotse ng ilang opisyal nito. May mangilan-ngilan ding manggagawang hindi nakiisa sa welga, nagtangkang magsipasok, ngunit waring nangatakot at umatras nang makitang dudumugin sila ng mga welgista.


Pero bago magtanghalian, nagdatingan ang mga isandaang pulis, mga nakabatuta, armadong parang lalaban ng giyera, at agad na kinausap ng pinuno nito ang presidente ng nagwewelgang unyon, sinabihang ilegal iyon, kaya makabubuting itigil na ang piket, papasukin sa tarangkahan ang mga gustong pumasok dahil, kung hindi, mapipilitan silang buwagin iyon. Lalong nagkawit-bisig ang mga welgista, nagsigawang walang aalis at, biglang-bigla, dinaluhong ng mga pulis ang piketlayn, walang habas na binatuta ang mga welgista pati mga babae, at napilitang ipagtanggol ng mga nagwewelga ang kanilang hanay hanggang sa magkahambalusan, magpangbuno, magkabatuhan at, sa isang iglap, ilang sunud-sunod na putok ng baril ang nangibabaw sa kaguluhan.


Tatlo sa mga welgista, babae pa ang isa, ang duguang tumimbuwang. Ang iba’y nagpulasang umaagos ang dugo sa mukha dahil sa pumutok na ulo sa hambalos ng batuta, may mga nabalian ng braso, nagkapasa sa katawan, napilay at halos hindi na makalakad at, sapagkat walang kalaban-laban, walang nagawa kundi magmura at magtungayaw habang tumatakbo at napilitang iwan ang piketlayn. Ilan pa sa kanila ang puwersahang dinampot ng mga pulis at isinakay sa mobile car.


“May araw din kayo! Mga putang ina n’yo.”


Agad na nalaman iyon ni Don Miguel, at nalaman din niya, nang magkasunud-sunod ang tawag sa telepono sa mansiyon nito sa Forbes Park. “Madadala na ang mga punyetang iyan. Magdemanda sila. Tingnan ko kung mananalo sila sa akin sa korte. Aba, madali silang palitan,” nagyayabang pa nitong sabi sa kausap sa kabilang linya. Sa buong araw na iyon, namalagi sa mansiyon ang kanyang amo, lumaklak na lamang ng Dom Perignon, at waring hindi ikinatigatig ang marahas na nangyari sa pabrika.


Nang magising ang kanyang amo kinaumagahan, agad itong naligo ngunit hindi na siya gaanong sinabon at binanlawan at waring tuluyan na nga siyang nakalimutan. Pagkaalmusal, agad itong nagbihis, ipinahanda ang Mercedes Benz, sinabihan ang tsuper na dadaan muna sa pabrika saka may kakausapin sa Manila Hotel. Nang palabas na sa bukana ng Forbes Park ang kotse, tatlong lalaking nakamotorsiklo ang biglang sumulpot at agad na umagapay sa kotse, isa sa likuran at dalawa sa tagiliran, saka narinig na lamang ang sunud-sunod na mga putok. Bumulwak ang dugo sa bahagyang nakakalbong ulo ni Don Miguel hanggang tumimbuwang ito sa upuan pisil-pisil ang dumurugo ring dibdib.


Habang naghihingalo ang kanyang amo,bigla niyang naitanong sa sarili: “Malaya na ba ako? Kailan lalaya ang mga kauri ko? Kailan?”#

Lumang tipanan (when they play at the tree-house)

 Lumang tipanan (when they play at the tree-house)

Reymond Cuison



Lumang tipan; henesis

Wala na kong alam na batis na kasing lamig at linaw ng sa yungkuban. Malinaw ang pagkakagaya nito sa kanyang mukhang walang bakas ng pangamba. Nakikita ko sa kanyang mata na hindi na nga siya binabagabag ukol sa desisyon ng mga kurro. Ayus lang, at mangyayari din naman ‘yon sakin –balang araw kapag nakahanap na sila ng kapapanagayan ng loob para sakin.


                Kumula ang tubig sa pagkanlaw ng kanyang paa. Lumabo ana pigura ng tubig,  kasabay ng pagbuo ng alon bunga ng pagkahampas. Muli siyang pumwesto na aktong sisisid muli. Ang bikas niya, hiniling ko’y sana maipagkasundo rin ako sa tulad ni ka Badjo. Kung kasing bait at tapang niya ang kabiyak ko’y wala na kong mahihiling pa. at muli siyang sumisid. Bumilang ako sa isip, at humula ng bilang ng kanyang pag-ahon. Madalas inaabot siya ng singkwentang bilang, at aahon na siyang gagap ang hininga.  Noo’y tinuruan nya kong sumisid para naman daw makasali ako sa paliksahan nilang patagalan ng hininga sa ilalim. Pero nabubusog lang ako sa tubig pagdaka’y iiyak sa kanyang bisig dahil sa takot kong malunod. “tahan na sirin, hindi naman kita hahayaan malunod e,” ang maririnig ko sa kanya. At hihinto nga ‘ko sa pag-iyak.


                Dapat lumitaw na siya. Sa pagbilang ko’y dumoble ang hinulaan kong oras ng pag-angat ng kanyang ulo. Nag-alala ako, “ka jo! Wag kang magbiro ng ganyan!” lumapit ako pag k’wan tahimik na ang tubig. Sa pangalawang pagkakataong pagtawag ko’y hinatak niya ang mga paa ko’t dinala sa tubig. Lumatay ang lamig sa aking lalamunan. Akala niya’y matutuwa ako sa birong ‘yon. Hindi ko nga tinigilan ang palo ko sa kanya, kahit pa namumula na ang mga braso ko sa tigas ng dibdib niya.


            …kinumutan kami  ng mga dahong nalalaglag. May dakot ng init ang kanyang paghinga. At kay gaan ng pakiramdam kong may kakaibang pagpintig sa puso. kung ilang oras din ang nakalipas ay hindi ko na alintana. Bagama’t napakasaya ko’y may takot ding umuusbong saking isip, dumudungaw sa bintana.


            “magdadapit-hapon na…” ang kulay ng ulap ay hindi na bughaw nang oras na iyon.”Tama na nga ang paglalaro’t baka kaganina pa tayo pinaghahanap ng inang… marahil nag-aalala na ‘yon,” aniya. Marahil nakita niya ang aking pagkabagot. Inilahad niya ang kanyang palad upang tuluyan na kong tumayo. –ang kamay nya’y sing tigas ng sa bakal, tanda ng kasipagan. “Pwede na ‘to…” at binigay nya ang kamiseta kong pinatuyo sa sikat ng araw. “Suutin mo na madali’t baka pa magkasakit ka” hinatak nya ang tali ng bintana. At inayos ang ilang kalat sa lapag. Paanong hindi niya liligpitin ang kalat at mag-ayus sa bahay na itong nasa itaas ng puno. Ay pinagpaguran nya ang paggawa nito,  na sabi niya’y para sa akin daw –kahit na pakakasal siya sa iba… Andito ang alaala naming dalawa, mula ng bata kaming madalas manguha ng mga kaimito’t santol… Nagpatiuna siyang bumaba upang alalayan naman ako. Ang ingay ng lagaslas ng tubig sa batis at ang alingasngas ng mga dahon at sanga –ng punong ito ay magkasabay kong naririnig. Pumipintig ang lupa at nararamdaman ko. Muli’t muli; tuwing muling lalapag ang aking paa sa tuyot na mga dahon. Wari’y pagpintig sa sinapupunan ng lupa ang sa akin…

SA LANGIT, WALANG ROCK!

 SA LANGIT,  WALANG ROCK!


Bato bato sa langit, ang tamaan…


            Kanikanina lang binato ko ng maliit na bato ‘yong kapatid ko.  Tapos ‘yun… umiyak! (lagot!) nag-alala ko nang umiyak na sya. Hindi dahil sa naramdamang sakit ng kapatid ko, kundi baka marinig ni tatay yung iyak ng kapatid ko.


            Ang babaw nga ng dahilan ko sa pagbato sa kanya –ayaw nyang sumunod sa utos ko. Bibili lang ng suka. (utos ni nanay sakin) e, may ginagawa akong mahalagang hindi pwedeng ipagpaliban (kalaban ko na si oxzordick; hindi pa pwedeng i-pause) then, tapos, ako na lang ang bumili ng suka. At pagdating ko. Nakita ko yung kapatid kong binato ko ng maliit na bato. May hawak syang malaking bato (‘sing laki ng kamao ko)  at… ibinato nya sakin. Sa bilis, hindi ako nakailag. Sapul ang noo ko, bumaha ng dugo. Naging red sea yung paligid ng bahay namin. Nagising si tatay…     kumuha ng plangganang may tubig. Tapos ay naghugas ng kamay . nakita kong naging pula yung tubig sa tabo – matapos nyang paghugasan. Ang tubig? Hindi na ‘yon malinaw. Tulat ng panulat ko… may kaangkinang Malabo.


May matigas… May matigas… May…


Minsan naisip ko, buti pa yung bato kahit na ilang ulit ibato, hindi nasasaktan. Kasi nga bato ito. Hindi rin nababato. Kasi bato na nga… (ang labo noh?)


            Astig ang mga bato: malakas, tahimik, hindi maramdamin, hindi nagkakasakit, hindi rin namamansin…             Ngayon-ngayon lang. sabi ng bestfriend kong babae habang nakasakay kami ng bus. Sabi nya, “bato ka ba?” tapos. Napatingin sya sakin. (napatingin ako sa kanya, mali yung una) naisip ko na baka nagpaparamdam na sya. Gusto nya bang ligawan ko na sya. Na baka nahuhulog na siya sakin. “maging Gentleman ka naman, si Lola nakatayo o, paupuin mo!!!” bigla akong napatayo (kala ko ‘yon na) tapos, inalay kay lola yung upuan ko. Hehe. Hahahahaha!


            Siguro tinamaan rin yung ibang lalaking nakaupo sa Bus na ‘yon. Hindi lang ako. Ewan ko ba. Parang nawawala na ang pagiging Gentleman ng mga Pilipino. Ako? Oo, (minsan) aminado ako. Minsan napapayuko na lang ako kapag nahihiya magpaupo. Kunwari tulog-pero hindi. Hay! Bato talaga. Astig! Walang pakiramdam. Minsan naiisip ko, unfair kasi e, lalo na kung hindi lang isa ang nakatayo. Hindi sila sinuswerte. Ano o sino ang dapat piliin. Sino dapat ang alayan ng upuan, sino ang hindi dapat?!!  O dapat nga ba ‘yon?!! Dapat yata o marapat!


Bato-bato sa langit, ang tamaan… PANGET!!!

TIYANAK

 TIYANAK

Ni Reymond salvador


Gabi. Nakaupo sya sa may bangkitong gawa sa kawayan. Nagmumuni-muni habang pinapakain ng tirang tinik ng isda si Meomeo -ang alaga nyang pusa. Katatapos lang nilang kumain. Subalit gaya noong nakaraang araw hindi ginalaw ng kaniyang ina ang plato nito ni sumubo ng isa man lang. Paano’y may dinaramdam na karamdaman kaya’t bibihirang dalawin ng gana sa pagkain. Puros tubig lamang ang hinihingi nito at ang isang tableta ng gamot na bago  inumin ng ina ay may ritwal itong hatiin muna sa gitna ang gamot upang maging dalawa. Mga ilang lingo lang na ganito ang kalagayan ng kanyang ina ay malaki na ang ikinapayat nito. Tuloy hindi rin sila makakain ng masigla dahil sa pag-aalala, lalo na ang kanyang nakatatandang kapatid. Kaninang kumakain sila ay agad itong umalis. Nakita nyang nagbihis  ito at nagbilin sa kanya na bantayan muna ang ina pagkat may bibilhin lamang daw sa tindahan. biskuit, o prutas o gamut ang hinulaan nyang bibilhin ng kapatid. Marahil sa mall ang punta nito dahil bibihirang isuot ng kanyang kapatid an gang natatanging damit na huhling iniregalo ng kanyang ina sa kaarawan ng kapatid bago ito maratay dahil sa sakit. Noong nagtatrabaho pa ang ina sa Morayta.

“meow…moew” ang halinghing ng kanyang pusa.  Nakita nyang napatingin si meomeo sa kanya na tila nang-aalok ngpagkain. Napangiti siya. Pinagmasdan ang alaga pusang muling bumalik sa pag-kain ng mga tinik ng isda. “Mabuti pa si Meo meo…”  naisip nya, mabuti’t naging  kaibigan nya si Meo meo –ang tanging nakikinig sa kanya tuwing malungkot siya at walang makausap, tuwing walang nais na makipaglaro sa kanya, tuwinang nagiging tampulan siya ng tuksuhan sa kanilang lugar.  Muling sumagi sa isip niya ang isang kaisipan: "Putok sa Buho!!!" ang malimit ipintas sa kanya ng mga kaedad. Ngunit papasok-lalabas lamang ito sa kanyang malaking tenga na lito at hindi parin nauunawaan ang ibig ipakahulugan ng pintas na 'yon. Ipagtanong man niya sa iba ay walang sumasagot, tanungin man niya si meomeo ay wala itong maisagot, bukod sa meow meow nito! Kaya’t sarili na lang ang lagi niyang tinatanong. Maraming sagot ang kaniyang sarili. Hindi niya nga lang alam kung tama ang sagot na 'yon. maaaring ang 'putok sa buho' ay simbolismo lamang ng mabaho niyang kilikili, maaari ring ito'y dumi nyang binabalot lang sa papel o plastik na pagdaka'y ihahagis sa ilog, papaanurin sa sapa o iiwan na lang sa kung saan; maaaring pauso lang ‘yon na salita tulad ng ABNORMALITES, ASHTIGS, BWAKANABITS, BRUTATETS, SHENELYNS,CHURVAH,...o anu pa man. Kung may tama man sa sagot niya ay hindi niya alam. Basta’t ang mahalaga'y hindi s’ya apektado ng salitang iyon... (Hindi masyado)

    Malinis na ang kainan ni Meomeo. Simot ang tinik nitong kanina lang ay parang bundok sa dami. Galing pa 'yon sa sosyal na restawran. Kaya si Meomeo ang alaga ni Melchor, sosyal! (Paano’y sosyal din ang amo -madalas galing sa sosyal na resto ang inilalaman ng tyan) mabait kasi yung waiter sa may sosyal na restaurant. Lahat ng tira-tira ay sa kanya na, libre, ibinibigay sa kanya. Nakaestayrofoar pa at nakapackage sa loob ng itim na plastic bag. Doon sa likod tambakan ng sosyal na resto.

Sa kanyang harap makikita niya ang isang dagang tatakbo sa harap ni Meomeo. Tila nagpapahabol (parang may iniwawagayway na telang pula). Nakita ni Melchor na nanliyab ang mata ni Meomeo –tila may Kristal ang loob ng mata nitong bilog na bilog… mabilis na susundan ang tumatakbong daga. Hinabol ito ng kanyang pusa. At wala ring nagawa si Melchor kundi sundan ang alaga “meomeo –sandali. Kakakain lang! meow…baka magkaapendisitis ka meow…” ang sigaw niyang may pag-aalala.

Sa harap niya, makikita niya ang kanyang pusa na mapapadaan sa harap ng isang asong askal. Tila nagpapahabol ang pusa sa aso. Pero kumahol muna ito bago tuluyang humabol. Hinahabol ng pusa ang daga. Hinahabol nya ang kanyang pusa. Hinahabol sila ng aso. Napalingon sya sa likod. Aso. Naglalaway ang pangil nito. Anlaking aso… mas binilisan niya ang takbo… hanggang sa nakarating sila sa bukana ng eskinita –sa kanto ng morayta; kung saan ang gabi ay kasalukuyang nagbibihis. Pumasok sila sa looban ng likhang-isip road. Masikp, makipot at medyo madilim ang daan. Dahilan ng pagkawala ng alaga sa kanyang paningin. “meo… meo… swisss-swisss-swiiissss…meow-“ ang paulit-ulit n’yang pagtawag sa kanyang alaga. Tahimik pa ang gabi… at  tila ayaw magpaistorbo sa pagbibihis na ginagawa. 

Maririnig ni Melchor ang halinghing ni Meomeo… sinundan nya ang tunog. “meo… meo…!” At doon sa silong ng isang pandalawahang palapag na bahay –na sa pagkakaalam nya’y bahay ito ni ka pechong na isang talamak na fixer ng lungsod- Sa silong nun ay maririnig niya ang kanyang pusa. Tila sa wakas ay nahuli na ang nagpapahabol na daga. Nanaog narin si melchor sa silong ng bahay… mahinang tatawagin niya ang pusa. madilim ang paligid sa kanyang pwesto. Maya maya’y malinaw nyang maririnig ang tunog na sa pandinig nya’y nakakatakot… tila yun ungol ng isang aswang “…aaahh!” mabagal pero paulit-ulit. 

Hinagilap nya ang pinanggagalingan ng tunog, “aahh…aaahh!” mahina subalit malinaw na natatanggap ng kanyang tenga ang kakaibang alingawngaw na ‘yon. Sa silong ay may makikita syang maliit na butas. Bahagyang natakpan ng maitim na ulap ang silahis ng liwanag ng bilog na bilog na buwan. Agad siyang sumilip. At nakita nya ang dalawang aninong magkadikit, tila asong nag-uungulan ang mga ito. Pilit n’yang inaninag ang hitsura ng kung sino, bahagyang lumiwag pa nang madaplisan ng liwanag ng buwan, naniningkit ang kanyang mata. nakita nya ang isang babae. kay amo ng mukha nito… at tila nga nakita na nya ito. Saan nga ba? Doon yata sa basag na salamin. Oo tama. Sa basag na salamin -tuwing mananalamin siya. Ang hugis ng mata, ang lapad ng ilong, ang kaniyang mukha… kamukha niya ang babae. Muli syang sumilip, pilit tinitingnan ang hitsura ng babae... at napagtanto niya. Lumiwanag ang paligid ng mahawi ang maitim na ulap sa mukha ng maliwanag na buwan. Subalit bakit naroon siya, “hindi! Bakit s’ya… alam ko hindi siya ang …” mahina s’yang bumubulong sa sarili ngunit biglang napahinto nang may napansin s’yang mga yapak. ilang mga yapak na paparating -sa kanyang kinaroroonan. Maya-maya maging s’ya ay nagulat nang biglang bumukas ang pinto. Lulan nito ang ilang lalaking may dalang 45’ Caliber Colt Premium (baril) …sa isang iglap, matapos ang maklaglag tutuling pagputok ay Bumulagta sa sahig si ka Pechong at ang isang babae. Sa butas, si Melchor ay walang kakurap-kurap sa pagsaksi nakita niya ang dalawang kapwa walang kasuotang suot. Napaluha sya… humihibik pero di nya nilakasan. Sa butas malinaw nyang nakikita ang maamong mukha ng babae… ang nag-iisa niyang ate… nakadilat ang matang tila humihingi sa kanya ng tawad. Ang kanyang ate… ang ate n’ya…

Pumatak ang dugo sa silong. Nagulat pa si melchor sa pagdampi ng pulang likido sa kanyang noo, sa mukha, sa buong mukha. …at lalabas si melchor sa silong na nliligo ng dugo. Mapapasigaw ang isang makakakita sa kanya, “multoooo!!!” 


MEDALYA

 Medalya (Liwanag ng Dilim) 

(Maikling Kwento)

Sa madilim na kwarto. Sa paligid na kontento na sa pusikit na ilaw ng gasera, si Mia ay kandong ng malambot na kama. Aninag parin ang maamo nyang mukha, ang kanyang kagandahan sa malamlam na liwanag ng ilawan… Pero tulad ng dati, umaagos ang luha sa kanyang mukha, kahit na sanay na ang kanyang paningin sa dilim –hindi parin n’ya malabanan ang lungkot. Umaagos ang luha nya. Ang luha ng kalungkutan sa kanyang mata… Hindi pa sya tulog. Kahit nakapikit ang kanyang mata’y gising ang kanyang diwa.

Blog! Biglang bumukas ang pinto. Agad syang napabangon. Nagkaroon ng konting liwanag na galing sa labas ng kwarto. Maraming tao, sa isip isip nya; dahilsa ingay sa labas ng kwartong iyon… ingay ng mga nagkakasiyahan. Ngunit anong meron? At sino ‘to? Titig ang kanyang matang pilit inaaninag ang taong nakatayo doon. Agad syang kinabahan. Tila may gumapang na kuryente sa kanyang katawan at agad nagsitayuan ang kanyang balahibo nang nag-umpisa na itong maglakad… papalapit sa kanya.

Malakas ang kalabog sa kanyang dibdib. Nais na nyang tumakbo papalayo ngunit nanginginig na sya sa takot. Ni hindi na nya maigalaw ang kanyang katawan. Papalapit na ito. Mga ilang hakban na lang mula sa kanya. Palasak ang ingay ng mga yapak nitong tila kasing lakas ng tibok ng kanyang puso at biglang… Aaah! Nakita na lang nya ang sarili na sakal-sakal ng nilalang na nanlilisik ang mata, at naglalaway ang matutulis nitong ngipin. “HALIMAW! HALIMAW!” malakas ang sigaw nya subalit parang hindi sya naririnig ng kahit na sino. Pumapalag-palag sya, sumisigaw. Ngunit sobra ang lakas nito. Sobrang higpit  ng pagkakagapos nito sa kanyang leeg. Madiin, masakit, marahas. “Huwaaaag! Tama na. t-tama na… pagod na kooohh! Wag! ayoko na… A-ayoko na. Aaah! Parang awa nyo na, tigilan nyo na ko! …tigilan nyo na ‘to… tigilan nyo na- “ Butil-butil ang pawis sa kanyang nuo. Hinahabol nya ang kanyang mukha. “Panaginip. Panaginip,”naibulalas nya.


Maliwanag na sa labas. Sumisilip ang liwanag sa bahagyang bukas na bintana. Umaga na! bumaling sya sa kanyang orasan, at saglit na natigilan… baka mahuli sya. Hindi sya maaaring mahuli sa isang kaganapan pinakahihintay nya. na napakahalagang kaganapang ni sa panaginip ay hindi nya inakalang mararating –ang makatapos ng Kolehiyo. Agad syang nagbihis. Minadali sya ng kanyang pagkasabik at hindi matatagong kasiyahan… sa wakas. Sa wakas.

Pinaghalong emosyon ang kanyang naramdaman nang tinawag na ang kanyang pangalan. Sa harap ng taong kapwa nya kaeskwela, mga guro at bisita. Sya’y nasa entablado sa harapan ng madla. Ramdam nya ang kasiyahan, dahil sa nakapagtapos sya. Dahil sa nalagpassan nya ang pagod at hirap sa kabila ng lahat… dahil na rin sa ang guro nya ang magsasabit ng kanyang medalya –ng pagtatapos bilang Suma Cum laude sa kursong Business Administration. Ang gurong itinuring nyang parang tunay na ina. Gayun din, ramdam nya ang kalungkutan ng mga oras na iyon. Dahil wala doon ang kanyang magulang, dahil kahit sa pagkakataong iyon umaasa parin syang makadadalo sila. Kahit tila sinasabi ng kanyang isip, Wala na sila. Wala. Wala.

Malakas ang palakapakan nang mapansin nyang basa na naman ng luha ang kanyang mata… unti-unting bumalik sa kanyang gunita… ang nakaraan, ang lahat, ang kahapon.

-Sa masayang tahanan nilang tatlo: ang kanyang ama, ina at sya. Ang ngiti kanyang magulang (mulig nailarawan sa kanyang isipan) nakita nya ito na nakaupo sa bandang likod. Sa hanay ng mga magulang. At sila’y pumapalakpak. ginagawaran sya ng labis na kagalakan sa naipamalas na husay at kasipagan –ng kanilang anak. Pahina nang pahina… unti-unting kukupas sa kanyang matang pinalalabo ng luha ang pigura ng kanyang magulang. Ito’y uukit ng katotohanang emahinasyon nya lang kanyang nakita. Wala na sila. Wala. Wala. Biglang nawala sa kanyang isipan ang kasiyahan, ang tawanan (umaagos ng walang patid ang luha nya) ang matatamis na ngiti nila’y napalitan ng galit…   ng poot… ng sumpa… ng hinagpis…

o Ang malakas na sigawan

o Ang pasa sa mukha ng kanyang ina

o Ang bagahe ng ina

o Luha sa mata ng ama

o Ang PasaPorte

o Ang bote ng alak at upos sa mesa

o Ang payat na katawan ng ama

o Ang pagkaubos ng gamit nila

o At ang hindi na pag-uwi nito

o Ang ingay ng katahimikan sa kwarto ni Mia

o Ang disco

o Ang dilim sa loob ng kanyang kwarto

o Ang halimaw sa kama nya

o Ang ibang mundo sa eskwela… at ang mudong kinilala nya –sa Disco.

Ragasa na ang luha sa mata ni Mia. Pinahid nya ‘to nang bumalik ang pansin nya sa mga pumapalakpak, sa mga guro at mga kaklase, sa lahat. At ngumiti na sya. Ngiti na may galak, umaapaw sa kaligayahan.


Natapos na ang araw ng kanyang pagtatapos at mabilis lumipas ang lahat. Hindi na sya nakatira sa squatters area. Ibang iba na sya. May sarili ng bahay at may kotse… di na sya tulad ng dati. Ngayo’y supistikadang manamit. Hindi na maputik na kalye ang nilalakaran pauwi. Sa opisina na sya naglalagi. Walong taon din ang lumipas mula ng araw na iyon.


Sa kalsada, marami na ang napilitang maglakad. Mga taong nagmamadali… nagmamadali rin si Mrs. Michelle Ban Calle. Buong pangalan ni Mia. At wala na nga pala si MiA, mula ng kinalimutan nito ang lahat tungkol sa kanyang masaklap na nakaraan. Bagamat madalas syang dalawin ng kanyang kapighatian sa tuwinang pagtulog. Matagal din syang hindi pinatulog ng halimaw sa kanyang kwarto. At matagal bago sya nakalimot.

Habang tinatahak nya ang kahabaan ng kalsada… (Matrapik ang EDSA ng araw na iyon. At araw-araw pala ang trapik sa EDSA) mahaba ang pila ng mga sasakyan, hindi man lang umuusad ni kaunti. Kahit yata anung aga nito ay mali-late pa din sya sa flight –to meet the target client na mga koreanang di mahusay mag ingles. But it is not a big deal for her, thus she study the Korean language one month before the convention. Kahit na nagmamadali sya ay hindi sya maaaring maglakad -tulad ng iba- sa kalasada… maingay na ang paligid , kanya kanyang plitan ng busina. Sa loob ng kanyang kotse na medyo naiinis na sya sa daloy ng trapiko ay hindi sinasadyang napalingon sya sa isang dako… sa isang lugar na tila may humatak ng kanyang pansin. Makailang saglit syang natigilan, sa di kalayuan ay inaninag nya ang isang taong abala sa ginagawa. Binuksan nya ang bintana ng sasakyan. Tinanggala ang suot nyang salamin. At tila may humatak ng kanyang paa, bumaba sya sa kotse.

Sa tambak na basurang pinagpipyestahan ng mga uod at bangaw. Umalingawngaw ang kanyang tinig… ngunit mistulang bingi ang paligid at sya lang ang nakaririnig sa sinasabi nya. Napalapit sya sa isag taong grasang nangangalkal ng kayamanan sa basurahan pero wala itong imik, pilit nyang inaaninag ang mukha ng kaharap… at ang isa’y walang hinto sa pangangalkal sa nakatambak na basura… napaluha si MiA. Napahagulgol. Natiyak nyang ito nga ang kanyang ama. Hinawakan nya ito ng mahigpit. Sa unang pagkakataon, sa loob ng labing walong taong paghahanap nya rito –sa wakas nagkita rin sila… nahanap nya rin ito.

Nagpumiglas sa kamay ni MiA ang lalaki ngunit wala syang balak na bitawan ito. Ngayon pa, namaganda na ang buhay nya at hinbdi na sya naghihirap sa pera. Hindi! Hindi nya ito bibitawan dahil ito ang pangako nya sa sarili… ‘pag nakapagtrabaho sya, muli nyang hahanapin ang ama. At isusumbat ang pagtakas sa responsibilidad nito bilang isang AMA. At ngayon hawak nya na ‘to… oras para isakatuparan ang matagal na kinikimkim na pangako sa sarili. Mahigpit na mahigpit ang kapit nya sa kanyang ama at may nangingilid na rin na luha sa kanyang mata. Pero hindi galit, kundi luha ng pananabik… “tay…  a-ako ‘to! Ako ‘to! Ang anak nyo. …’tay tumigil kayo,” pilit nyang ipinipilit ang sarili, iginigiit, at inaamo… “si Michelle ‘to! Tay ako ang anak nyo…” tumutulo na ang luha nya sa mukha. Walang patid. Walang pagtutol sa pagdaloy. Ngunit pumapalag ang lalaki, Pilit ding kumakawala sa kamay ni MiA… maya-maya’y  sa isang iglap magkasabay na umaagos ang kanyang luha at ang dugo sa kanyang nuo, na nahampas ng kung anong matalim na bagay.

“Hoy!” sigaw ng isang pilis sa kanilang likuran. At nagulat ang taong-grasa (ang ama ni MiA), Agad itong humagibis ng takbo, mabilis… habang unti-unting namang nawawala sa paningin nya ang taong-grasa, “A-ama… sandal-“ dumilim ang paligid.

“AMA!” sigaw ni Michelle nang biglang mapabangon. Butil-butil ang pawis sa kanyang nuo. Hinahabol ang kanyang hininga… luminga-linga. Tila isang buhay na panaginip. Panaginip?!  Wala ang kanyang ama sa paligid, tahimik ang paligid na panay matamlay na kulay ng puti… wala sa isip nya ang Convention na dapat sana’y nadaluhan… ;wala sa isip nya ang kotseng naiwan sa kahabaan ng mtrapik na EDSA. na Oo, mukhang nakadagdag ito sa dulot na trapik sa daan; Wala sa isip nya ang sermon ng kanyang half Filipino-half Chinese nyang boss –ano naman kung tanggalin sya nito… basta’t ang iniisip nya sa pagkakataong iyon ay ang kanyang Ama.  Panaginip! Buhay na panaginip na lagi nyang iniisiip. At hinihiling na isang araw ay maging totoo…magkatotoo. Subalit mukhang bigo sya, na isang panaginip lang yata ang lahat nang muli nyang makita ang ama sa tambak na basurang pinagpipyestahan ng mga uod at bangaw… panaginip lang yata ang lahat!

Sinubukan nyang bumaba sa kanyang kama, ngunit nabigla pa sya nang kumirot ang nuo nyang nagkaroon ng benda. Ilang araw na ba ang lumipas. Hindi. Hindi nga ‘yon isang panaginip, naisip nya. Ang mukha ng ama nya. Muling umukit sa kanyang isipan ang hitsura nito. 

…At gaya ng nakasanayang gawian nya, muli syang lumuha…”AmaaaahhHH!!!” 

TANAGA: KRUS

Tanaga: Krus


Bansang relihiyoso

malalapit kay Hesus

banal na pilipino

libangan si Kara-Krus?

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...