Buod: Desaparesidos ni Lualhati Bautista
Ang librong Desaparesidos, ginawa ni Lualhati Torres Bautista, ay naglalaman ng hango-sa-tunay-na-pangyayaring mga kuwento ng pang-aapi, pang-aalipusta, pagtortyur, at pagpatay sa mga tinaguriang makakaliwa o tulisan noong rehimeng Marcos. Ito ay naglalayong magmulat sa mga itinagong kuwento ng karahasan bago makamit ang inaasam na paglaya at kuwento ng pagtangis ng mga inagawan ng karapatang magkaroon ng disenteng pamilya noong panahon ng diktakurya.
Nagsimula ang kuwento sa paglalarawan ni Sis. Lourdes, isang madre, sa mga patuloy na naghahanap ng katarungan sa marahas na pangyayari noon. Kabilang dito si Anna, Ka Leila kung tawagin sa kilusan, na nakikinig sa mga paglalarawan ng madre. Sa puntong ito, unti-unti niyang binalikan ang masalimuot na karanasang kanyang hinarap.
Ibinalandra ng mga sundalo ang mga makakaliwang napatay (kahit ang totoo’y pinatay) daw sa isang engkwentro ng mga sundalo at NPA. Kasama rito ang asawa ni Anna na si Nonong. Habang tinitignan ni Anna, kasama ang kanyang anak na si Malaya, ang kanyang asawa, minamatyagan ng mga sundalo ang mga maaaring pagbintangang kasali sa kilusan sa pamamagitan ng kanilang reaksyon sa mga namatay.
Naisip ni Anna na hindi ligtas ang kanyang anak kaya pinili niya muna itong ihabilin sa pamilya ni Roy, isa sa mga kasapi sa pag-aakas, kahit na may pag-aalinlangan. Iniwan niya ito sa pangangalaga ni Karla na nasa pamilya ni Roy. Lumisan silang dalawa ni Roy upang bumalik sa pakikibaka.
Dumating ang panahon na hinahalughog ng mga sundalo ang bawat baryo’t bayan upang maghanap ng tulisan. Sa kabutihang palad, natunugan ito ng ama ni Roy at gumawa ng plano kung paano maipupuslit si Karla kasama ang anak nito at si Malaya mula sa mga sundalo. Isinakay niya ang mag-ina at si Malaya sa likuran ng sasakyang hinihila ng kalabaw at tinakpan. Sa kabilang banda, hinanap ng mga sundalo ang pamilya ni Roy sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga tao kung sino ang nakakakilala rito. Umamin ang kanyang ama na ang tinutukoy ng mga sundalo ay ang kanyang anak. Dahil ayaw sabihin ng kanyang ama ang kinaroroonan ng kanyang anak, pinagpapatay at sinunog sa loob mismo ng kanilang bahay ang buong pamilya ni Roy.
Nakarating ang ‘di-kumpletong balita kina Anna at Roy. Dahil sa naising malaman kung ano ang kinahinatnan ng kanyang anak, lumabas muna ng kilusan si Anna kasama si Jinky, isang makakaliwa. Nagtungo muna sila sa bahay ng isa nilang kasama sa pakikibaka ngunit ito pala’y nasakop na ng mga sundalo. Nahuli si Anna at Jinky, Dito ikinuwento ang malagim nilang karanasan sa kamay ng mga sundalo. Ginahasa at pinagsamantalahan silang dalawa sa magkahiwalay na lugar dahil ayaw nilang sabihin ang lugar ng kanilang kilusan. Hindi naman natiis ni Jinky ang ginagawa sa kanya kaya’t napilitan siyang sabihin ang hinihingi ng mga sundalo.
Dito pumasok ang kuwento ng pagkakahuli kay Roy. Nahuli si Roy, kasama kanyang mga kapatid sa kilusan, sa mismong pinakukutaan nila. Naranasan niya sa kanyang pagkakahuli ang pagpapahirap na ipinararanas ng mga sundalo sa mga nahuhuling tulisan. Matapos pahirapan, ikinulong si Roy kasama ang iba pang tulisan. Dito ikinuwento ang kalbaryong dinanas ng mga bilanggong pulitikal kung saan walang bisita, nakakulong sa masikip na kwarto, at kulang sa mga pangunahing personal na gamit. Isa sa mga pigil-hiningang tagpo ay ang pag-awit nila ng isang makabayang awitin habang lubog sa baha ang kanilang bilangguan.
‘Di naglaon ay naging malapit siya kay Sgt. Reyes, isang matandang pulis na nakadestino sa bilangguan ni Roy. Nauutusan siya ni Sgt. Reyes na maglabas ng basura sa labas ng kulungan. Dito siya nakapagplano kung paano makakataas at nakakuha naman siya ng magandang tyempo. Nakalabas si Roy at hinanap si Anna. Nang makita, pareho nilang binalikan ang bahay ng pamilya ni Roy at inalala ang malagim na pangyayaring nakapaloob sa naabo nilang bahay.
Ang ikalawang yugto ng Desaparesidos ay bumabagtas sa kuwento ng anak nina Roy at Anna na si Lorena. Dito nakapaloob ang mga kuwestiyon, pagtataka, at pagtangis ng isang anak ng mga makakaliwa.
Siya ay iniiwan sa mga kasama (o mga kasapi sa pakikibaka) kapag umaalis ang kanyang mga magulang. Natutunan ni Lorena ang iba’t ibang bagay kagaya ng pinagmulan ng kanyang pangalan at paglalayo ng kanyang loob sa mga magulang. Sa kanyang pag-iisa nakatagpo siya ng isang kaibigan. Ang kaibigang ito ay anak din ng mga makakaliwa at naging kakuwentuhan niya.
Kasama sa yugtong ito ang pagbabalik ni Malaya upang hanapin ang tunay niyang mga magulang. Dito ikinuwento ang magkaibang buhay ng magkapatid na sina Lorena at Malaya na parehong hinarap ang mundo kaakibat ng pagiging anak ng mga tulisan.
Ikinuwento rin dito ang ang karanasan ng isang makabagong aktibista na si Eman. Kanyang hinarap ang buhay na mayroong baluktot na gobyerno at kaakibat na problema nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento