(Ethnograpiya)
Good morning sir/maam iyan ang kadalasang bati sa atin ng taong nagbabantay sa mga pasukan ng isang gusali. Mga security guard ang sumasalubong sa atin para inspeksyonin ang ating mga dalang kagamitan. Ang mga security guard o mas kilala sa tawag na sikyo ay mga taong binabayaran upang mapangalagaan at maprotektahan ang mga kagamitan, importanteng mga bagay at mga tao. Sila ay kadalasang kinukuha sa mga ahensya o kaya naman ay pribadong inuupahan. Sila ay nagbabantay ng nasasakupan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malaking sakop na abot ng kanilang mata. Sila ay nag-oobserba, nagpapatrol at nagmamasid ng mga kilos gamit ang mga makabagong teknolohiya kagaya ng CCTV, alarm system, radio, atbp. Sila ay hindi kailangan mang-aresto ng mga tao, pero mayroon silang awtoridad na gawin ang mga ginagawa ng isang opisyal ng batas kagaya ng pulis at sundalo ng may pahintulot sa mga mataas na awtoridad ng batas.Sila ay sinasanay para magampanan nila ang kanilang mga espesyal na tungkulin katulad ng pag-aresto, paggamit ng mga emergency equipments, pagbibigay ng agarang lunas o first aid sa mga hindi inaasahang pagkakataon, nagtatala ng mga eksaktong pangyayari at detalyadong ulat na kailangan ng kanilang pinagtrabahuang institusyon. Karamihan sa kanila ay kailangan ng karagdagang kasanayan paggamit ng mga armas kagaya ng batuta at baril. Sa mga nakaraang taon, dahil sa banta ng terorismo, ay kailangan na din nilang magsanay tungkol sa mga bomb threat na kadalasan ay nangyayari sa mga pampublikong lugar katulad ng malls, paaralan at mga lugar kung saan ay maraming tao.Ito ay ilan lamang sa mga tungkulin at resposibilidad ng isang sikyo.
Saan nga ba nagsimula ang mga sikyo? May posibilidad na nagsimula ang mga sikyo sa sinaunang tsina.
Noong unang panahon, sa kalagitnaan ng 3rd and 11th century BC, ang mga opisyales ng gobyerno na kung tawagin ay Prefectsay inatasan para mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng bansa. Mayroon silang sariling sekretarya, kawani at mga tauhan na pinapaalam ang kanilang mga nalalaman o nasasaksihan sa mga mahistrado ng bansa. Makalipas ang ilang taon ay kumalat ang sistemang ito sa mga karatig bansa sa asya. Sa sinaunang griyego, ang mga alipin ay ginagawang mga sikyo. Kagaya ngayon sa modernong panahon, sila ay binabayaran para mamahala sa mga matataong lugar at mga pagtitipon, manghuli at magbantay ng mga preso. Sa kabilang banda, si Augustus, na unang emperador ng roma, ay nagdulot ng pagbabago sa kapitolyo ng roma na kung saan ay nag-recruit siya. Ang terminong Bouncer ay nagsimula noong 19thcentury. Sa panahon ng mga saloon-keeper at brothel ay umaaarkela sila ng mga tao para protektahan ang kanilang gusali laban sa mga masasamang parokyano.
Ang mga bouncer ay kadalasang nagbabantay sa mga kainan at bar. Patungo sa modernong panahon, noong 1800s nagsimula ang unang armoured car service sa US para sa mga pribadong kumpanya. Nagkalat sa panahong ito ang sikyo sa paligid ng lansangan. Nagtratrabaho sila sa mga daungan ng barko, lapagan ng eroplano, hotel, museo, nightclubs, laban ng football, mall, atbp.
Napag-alaman namin na si Eddie Vedder na lead vocalist ng bandang Pearl Jam ay minsan nang naging isang sikyo sa La Valencia Hotel sa California. Si Shad Gaspard na isa namang propesyonal na wrestler ay naging bodyguard ng ilan sa mga kilalang rapper at artista kagaya ni Puff Daddy, Britney Spears, Cuba Gooding Jr. at Mike Tyson. Ang sikat na si Bruce Willis, pagkatapos grumaduate ng high school ay naging sikyo sa Salem Nuclear Power Plant sa New Jersey at nagtrabaho din bilang isang imbestigador bago siya naging isang artista.
Napili namin na maging paksa ng aming etnograpiya ang mga sikyo dahil sila ang madalas naming nakikita papasok ng paaralan. Nakuha ng aming atensyon ang kanilang busy na trabaho. Layunin ng aming pag-aaral na malaman ang mga pisikal, pinansyal at emosyonal na aspeto na nangyayari sa buhay ng isang sikyo. Ito ay tutulong para maintindihan at malaman natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang security guard. Nais naming makakuha ng mga impormasyon o mga datus na puwedeng makatulong sa pagpapaunlad ng serbisyo ng isang sikyo.
Ang metodolohiyang ginamit namin para makakuha ng impormasyon ay ang pagmamasid(observation) at pakikipanayam sa kanila. Naranasan namin ang pakiramdam ng pagbabantay sa isang bagay tuwing gabi, sa pamamagitan ng isang eksperimentong hindi pagtulog sa gabi, para mas lalo naming maintindihan ang pakiramdam ng aming etnograpiya. Sinimulan namin ang aming pag-aaral sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa isang guwardiyang aming inoobserbahan para mas mapadali at maging komportable ang guwardiya sa amin. Naging kaibigan namin ang guwardiya na nagbigay tiwala sa amin. Ginamit namin ang stratehiyang pakikipanayam sa guwardiya sa pamamagitan ng pagiging malapit sa kanya na para bang tunay na kaibigan kapag kausap. Natapos namin ang aming pananaliksik noong matapos ang mahal na araw.
Ang benepisyo ng aming pag-aaral sa aming sarili ay para mas lalo naming maintindihan kung bakit ginagawa ng mga sikyo ang mga bagay katulad ng pag-iinspect, pagtatanong, at pagmamasid sa nasasakupan. Maari din naming malaman ang iniisip ng isang sikyo para mas madaling makasalamuha ang mga ito dahil madalas namin silang nakakasama sa loob ng paaralan.
Ang mga benepisyo ng etnograpiyang ito sa publiko ay ang pagsuporta sa trabaho ng isang sikyo. Upang matuto din silang respetohin ng mga tao, at huwag tignan ng mababa bagkus malaman ang kahalagahan nila sa seguridad ng publiko.
Bawat isa sa amin ay may mga personal na karanasan sa mga sikyo. Noong bata pa ako (Rhessan Mamoransing) ay takot na takot ako pag nakakakita ako ng mga guwardiya. Madalas kasi akong takutin ng aking yaya na kapag suwail ako ay kukunin ako ng mga sikyo. Simula noon ay lagi na akong umiiwas sa mga sikyong nakakasalubong ko.
Noong nag-aaral na ako sa mababang paaralan ay unti-unting nawala ang takot ko sa mga sikyo dahil sa madalas akong nasisita dahil sa aking incomplete uniform. Mahilig kasi ako noong mag suot ng black rubber shoes na dapat ay leather kaya madalas akong sitahin ng sikyo ng aming paaralan. Simula noon ay naging immune na ako sa aking takot. Madalas akong nakikipaglaro sa kanila dahil madalas late dumating ang aking service sa oras ng aking uwian. Pinagtritripan ko ang kanilang mga gamit katulad ng pag-ihip sa kanilang pito at pagkuha sa kanilang chapa. Noong tumagal, nang akoy naging high school, hindi ko na gaano napapansin ang mga sikyo kahit madalas ko silang nakikitang umiikot sa paaralan. Para na silang mga ordinaryong tao sa paningin ko na nandiyan lang. Noong nag college ako sa FEU, isang technique sa aming paaralan ay kaibiganin mo ang mga sikyo para makaiwas sa DO(Discipline Office). Madalas kasi kami naka sibilyan sa pagpasok at dumadaan kami sa backdoor ng aming paaralan para makapasok sa eskwelahan.
Noong lumipat na ako ng paaralan at nag-aral sa AMA, mayroon akong naging kaaway na sikyo, isang araw sa aking normal na pagpasok. Pumunta nang maaga ang tatay ko para ibigay ang pambayad ng aking tuition fee. Hinanap ako ng tatay ko sa sikyo ng AMA. Hinanap naman ako ng sikyo sa loob ng paaralan. Ang oras ng pasok ko noon ay 10:00am pero dumating ang tatay ko ng 9:00am. Hindi pa naman alam ng tatay ko ang oras ng aking pasukan. Hinanap ako ng sikyo sa faculty na kung saan ay pinapunta siya sa aking section na pinapasukan ngunit wala ako doon. Sinabi ng sikyo sa tatay ko na hindi daw ako pumasok na ikinagalit ng aking tatay.
Tinawagan ako ng tatay ko at pasigaw na sinabing, HINDI KA PUMASOK!!. Nagulat ako sa sinabi ng tatay ko. Papasok pa lang ako ng paaralan noon at nasa biyahe. Nagtataka ako kung bakit niya sinabing hindi ako pumasok. Pagdating ko sa AMA ay nakasalubong ko kaagad ang aking tatay sa harap ng paaralan at dali-dali kong pinuntahan. Kitang-kita mo sa mukha niya ang galit na awra. Namumula sa galit ang kanyang mukha na para bang nasaniban. Anong hindi pumasok? Eh ngayon pa lang magsisimula ang klase ko., ang sabi ko. Sabi ng guard ay hindi ka daw pumasok, sabi ng tatay ko. Sinong guard iyan? Tara puntahan natin at papatunayan kong ngayon lang ang pasok ko. Ihahampas ko sa kanya yung COR ko, sabi ko. Pinuntahan namin ang sikyo na nagsabi sa tatay ko. Umiinit na ang ulo ko at kumukulo na ang dugo. Sabay sabi ko sa pagalit na tono, Anong pinagsasabi mo sa tatay ko na hindi ako pumasok. Sino nagsabi sa iyo noon?, sabi ko. Sabi ng mga kaklase mo hindi ka daw pumasok, sabi ng sikyo. Natural hindi ako papasok kasi wala akong pasok sa oras na iyon, sabi ko.
Umamin ng pagkakamali ang sikyo at humingi ng paumanhin. Natunganga na lang ang tatay ko na parang nahihiya sa akin. Siyempre dahil tatay ka, hindi ka dapat humingi ng paumanhin sa anak mo pagnagkamali ka. At ganoon ang ginawa ng tatay ko, hindi nga siya nag sorry. Pero okay na din yun atleast napatunayan kong inosente ako. Kinuha ko ang pera ko sa tatay ko at diretsong pumasok sa aking klase. Pero bago iyon ay pasigaw kong pinarinig sa sikyo ang mga salitang Ayusin mo ang trabaho mo ah. Hindi kasi ikaw ang naaagrabyado.
Hindi ako makaconcentrate sa tinuturo ng aking guro. Nakokonsenya ako sa mga nasabi ko sa sikyo. Hindi naman niya kasalanan na nagalit ang tatay ko dahil choice ng tatay ko na magalit. Nag-uulat lang naman siya sa tatay ko. Malay ba niya na hindi pala ako naka-enrolled sa klaseng pinuntahan niya. Pagkatapos ng klase ko ay dali-dali kong pinuntahan at hinanap ang sikyo na aking nasigawan. Nakita ko siya at lumapit ako para humingi ng tawad sa aking mga nasabi. Linagay ko ang aking kamay sa kanyang balikat para masabi kong nagsisisi talaga ako sa nagawa ko. Kalimutan mo na iyon. Okay lang iyon., ang sabi ng sikyo sa akin. Medyo gumaan ang loob ko sa aking narinig at pumunta na ako sa susunod ko na klase. Simula noon ay maganda na ang aking pakikitungo sa mga sikyo sa kahit anong gusali na aking pasukan.
Si Princess naman ay may ibang experience sa mga sikyo. Isang araw sa lobby ng AMA Fairview, magaan ang kanyang pagpanaog sa loob ng campus dahil sa ngiti ng guwardiyang nakatalaga dito. Umupo siya sa isang sulok na kung saan ay mapagmamasdan niya ang mga guwardiya ng paaralan. Dumating siya ng 9:13am sa paaralan at 9:30am niya sinimulang obserbahan ang mga sikyo. Napansin niya na habang nag-aantay ang mga sikyo ng estudyanteng papasok ay palakad lakad sila na parang hindi mapakali. Nakita niyang tumitingin ang mga sikyo sa CCTV, tingin sa kaliwa, tingin sa kanan. Napansin niya na kapag may pumasok na estudyante ay unang tinitignan ng mga sikyo ang ID. Sumunod, ang kasuotan ng estudyante kung naaayon ba ito sa panuntunan ng paaralan. Naalala niya ang nangyari sa kanya noong ika-19 ng Marso kung saan ay pumasok siyang suot ang kanyang sandals na walang takong. Sinita siya ng sikyo dahil sa suot niya. Dapat may takong ang sandals mo at dapat close shoes, sabi ng sikyo sa kanya. Ilang buwan ko na itong suot ngayon lang ako sinita., sabi ni Princess. Dali-dali umiwas ng tingin si Princess sa sikyo at umalis na. Talagang hindi niya makalimutan ang mga pangyayaring iyon dahil nagtataka siya sa sinabi ng sikyo sa kanya.
Si Erna naman ay nagkaroon ng kaibigan na sikyo. Unang tingin daw niya sa sikyo ay mabait at mapagkakatiwalaang tao. Magaan ang loob niya sa sikyo kahit hindi pa niya lubos na kilala ang mga ito. Napapansin ni Erna na laging ngumingiti at bumabati sa mga nagdaraang mag-aaral ang mga sikyo. Napagmasdan niya ang mga gawain ng mga sikyo. Isa sa mga gawain ng sikyo na nakita ni Erna ay magpatawid ng mga estudyante. Minsan ay nakita niya na maiging nagmamasid ang sikyo at nag-iinspek ng mga gamit ng mga estudyante. Isang araw ay nakausap niya ang sikyo at nalaman niya na parehas pala sila ng relihiyon (Iglesia ni Kristo). Kaya pala kapansin pansin ang gaan ng loob niya sa sikyo. Nalaman din niya na parehas silang mang-aawit sa koro. Kinuwento ng sikyo sa kanya ang mga karanasan niya. Masaya siya sa kanilang pag-uusap dahil sobrang gaan ng pakiramdam niya na parang kausap lang niya ang kanyang kapatid. Napansin niya na madaling lapitan ang sikyo at talagang maasahan. Simula noon, bawat araw na pumapasok siya sa paaralan ay binabati at nginingitian siya ng sikyo. Kahit wala siya sa mood o badtrip ay napapangiti siya nito. Gustong-gusto kasi niya na may bumabati sa kanya sa umaga. Simula noon ay gumaan ang loob niya sa mga sikyo.
Kakaiba naman ang naging karanasan ni Jhir. Minsan ay papunta siya sa mall para bumili ng gamit para sa paaralan. Pormadong-pormado siya sa araw na iyon. Papunta siya sa entrance ng mall. Sa malayo pa lang ay natatanaw na niya ang haba ng pila sa pasukan ng mall. Medyo hindi maganda sa paningin niya ang mga mahahabang pila lalo nat maganda ang kanyang porma. Pagpapawisan lang siya sa labas at gusto na niya kaagad pumasok. Inantay niya ang limang minutong pagpila para lang inspeksyunin ang kanilang mga kagamitan. Dumating siya sa unahan at turn na niya para inspeksyunin. Binuksan niya ang kanyang bag para ma-inspek ng sikyo. Sinilip at binusisi ng sikyo ang laman ng bag niya na parang may hinahanap na bagay. Nailang siya dahil parang hinahanapan talaga siya ng butas. Matapos tignan ang bag ay kinapkapan naman siya ng sikyo. Todo ang pag kapkap ng sikyo sa kanya. Paulit ulit sa pagkapkap na parang nanghihipo lalo na sa parteng likod ng katawan. Lalong nailang si Jhir sa mga ito at tinitigan ng masama. Simula noon ay may hindi na siya magandang pagtingin sa mga sikyo lalo na sa mga sikyong nasa pasukan ng mga mall.
Istorbo at abala naman ang pananaw ni Dheyjem sa mga sikyo. Madalas naiisip niya na istorbo at abala lang ang mga guard. Kasi nga naman, papasok pa lang siya ng paaralan ay kailangan pa ipabukas ang bag at i-tse-check daw ng mga sikyo ang gamit niya, e samantalang, tutusukin lang naman nila ng stick yung bag. Pakiramdam niya na kinakapkapan siya na parang hinihipuan siya ng sikyo. Sinisita siya kapag wala siyang I.D. Naiinis siya kapag nasisita ng sikyo ang kanyang damit. Pinapahinto siya kahit late na siya sa kanyang klase. Minsan ay pumasok siya at sobrang late na niya sa first class niya, hinarang pa siya para sitahin ang kanyang suot. Sabi ni dheyjem, Kuya mamaya mo nalang ako sitahin. LATE NA KO!, sabay takbo. Tapos pagbalik niya ay nginitian niya na lang ang sikyo sabay sabing Oo kuya. Ito na uuwi na ko. Pero nag-SM lang talaga siya tapos noong bumalik na siya sa school, ganoon pa din yung suot niya malamang pero inilingan na lang siya ng guard. Para sa kanya ay may pagkakataon din na nakakatulong ang mga guard, hindi lang sa kaligtasan natin pero pag minsan naliligaw na tayo at di mahanap ang isang lugar, sa mga sikyo tayo madalas nagtatanong. Minsan noong naligaw sila ng bestfriend niya sa mall kasi parehas silang aanga-anga, di nila mahanap yung ATM machine at nagtanong na sila sa sikyo na umiikot sa lugar kung saan makakakita ng mga ATM. Sa sobrang bait noong sikyo, hinatid pa talaga sila doon sa mismong lugar.
A
yon naman sa mga karanasan ni Reygan sa isang sikyo, maayos naman at wala namang problema kaso minsan talaga ay parang OA na ang kanilang ginagawa. Isang araw nagmamadali na siyang pumasok dahil late na siya sa kanyang unang subject. Nang makarating na siya sa school ay hinarang siya ng guard dahil i-tse-check niya ang bag. Sa isip-isip niya, Ang liit na nga lang ng bag ko tapos i-tse-check pa, isang binder nga lang kasya dun e. Nang binuksan na niya ang kanyang bag, tsine-check na ng sikyo, tapos ang tagal pa mag-check ng sikyo. Halos wala naman laman yung bag niya.Pagkatapos nun kinapkapan pa siya. Sa sobrang tagal naisip niya tuloy, Mukha ba kong magdadala ng bomba? Kasi ang tagal talaga. Nang maka alis na siya, nilingon niya yung guard tapos ang sama ng tingin sa kanya. Pagdating niya sa room nila, kakatapos lang mag-lecture ng kanilang professor. Ang saya diba. Absent na naman tuloy ako, sabi ni Reygan. Pero naisip niya na siguro ay ginagawa lang talaga ng mga sikyo yung trabaho nila para narin sa ika-aayos ng binabantayan nila.
Madami nang lugar na napuntahan si Almira na hindi talaga nawawala ang security guards. Ibatibang pamamaraan at ito ang mga ilang halimbawa ng mga naranasan niya. Sa isang mall, napansing niya ang mga sikyu dito ay nakafloral pattern na uniforms at may katerno pang summer hat kadalasan. “Ang mga sikyu dito ay kunwari lang nag-tse-check ng bag”, sabi ni Mira. Ang ibig sabihin, dito ay itutusok lang nila ang hawak hawak nilang matulis na kahoy sa loob ng iyong bag sabay pwede ka ng dumaan. “Ang galing diba, sabi ni Mira. Minsan pa nga, dahil abalang-abala na nakikipagchismisan ang babaeng sikyo sa kapwa sikyo niya eh sesenyasan ka na lamang niya na pumasok. Sana pala hindi na niya binuksan ang bag niyang sobrang bigat. Bigla niyang naisip, Kung masamang tao ako at may masama akong intensyon ay matagal na akong nakalusot. Pero sabay binawi niya din naman agad na sana hindi mangyari ang naisip niya dahil kawawa naman ang mabibiktima.
Sunod naman ang pinakakinaiinisan niya, ang kanyang pinapasukang kolehiyo. Araw-araw siya tinatanong ng mga sikyo kung may laptop ba siyang dala o wala, halata naman sa kanilang mukha na nang-iinis sila kaya ang ginagawa niya ay inaabot niya ang kanyang bag sa kanila para buhatin nila kung may laptop ba silang nararamdaman. Pinagbabawal kasi sa paaralan ang laptop na hindi nakarehistro sa Maintenance Department. Ngingiti ang mga sikyo at sabay sabi, Ito, meron oh! Kaya mapipilitan siyang buksan ang kanyang bag. Nahalata niya na hindi talaga nila tinitignan kung may ipinagbabawal akong kagamitan na dala. Kung hindi ay inuusisa nila kung ano ang nilalaman ng kanyang bag. Natataon lagi na nangyayari ito kapag late na siya sa aming klase. Ang galing ulit., pabirong sabi niya. At ang huli ay ang tinatawag niyangsensational bodyguards na laging sanhi ng kanyang pagkabigla sa kadahilanang napakabusisi nilang magkapkap na halos nahahaplos na ng sikyo ang kanyang ibabang likuran. Kung may nagawa mang mali ang mga bodyguards na ito, inilulugar niya ang kanyang sarili sa kalagayan nila, napakahirap dahil ilang oras kang nakatayo at paulit-ulit na routine. Boring. Pero iyon ang trabaho nila eh. Irespesto na lamang natin iyon. Yun na lamang ang magagawa natin., sabi niya. Hindi lang pala iyon, mas matutulungan at mapapadali natin ang trabaho nila kapag binuksan natin kaagad ang ating mga bag para ipakita sa gwardiya ang loob nito, na sa tingin niya ay ginagawa naman ng lahat. At ang huli para kay Mira ay, wag magtulakan sa pila. “Di aalis iyang papasukan natin. Kalma lang., sabi ni Mira.
Si Adrian naman ay may kaparehong karanasan sa security guard. Minsan naiinis siya sa mga sikyo. Lalo na sa oras na siya ay nagmamadali sa AMA nang si guard ay kailangang harangan siya at sasabihin sa kanya na isabit muna ang ID para makapasok. Isusuot niya naman, sadyang nagmamadali lang siya. Isa pang napansin niya ay kapag papasok napakabagal mag check ng bag. Hindi naman siya mukhang magnanakaw at magdadala ng bomba upang pasabugin ang AMA.
Dumating ang araw na kelangan naming magmasid sa paligid ng aming paksa gamit ang aming mga senses. Ang lugar ng aming sikyo ay matatagpuan sa AMA Fairview. Ilang araw kaming nag-obserba at nagmasid sa lugar na pinagtratrabahuan ng aming sikyo. Malaki ang gusaling iniikot ng aming sikyo. Ang gusali ay may apat na palapag at may malawak na sakop ng lupa. Mapapansin na ang gusali ay nasa corner lot ng dalawang daanan na madaming sasakyan. May maluwag na parking ang harap ng gusali. Madaming nakaparadang mga sasakyan sa harap pagdating ng tanghali. Sa gilid naman ay madaming motor na nakaparada.
Mainit ang labas ng gusali pagdating ng mga 9am hanggang 4pm. Kaunti ang mga tindahan sa paligid ng gusali. Maraming mga sasakyan at tao ang dumadaan dito kaya mapapansin ang ingay ng paligid. Maliwanag at maaliwalas ang loob ng gusali dahil sa mga see-through na salamin nito. May kainitan ang loob lalo na kapag madaming tao. Mapapansin din ang location ng check point o pasukan ng gusali na nakatapat sa araw kapag tanghali. Mapapansin na walang elevator ang gusali at maliliit ang hakbang ng mga hagdan. Talagang pagod ka kapag umakyat ka papuntang 4th floor. Bawat palapag ng gusali ay may hindi bababa sa apat na silid-aralan. Hindi maganda ang amoy ng polusyon ng mga usok na nanggagaling sa mga sasakyan. Malinis ang paligid ng gusali kaya wala kang maamoy na basura. Maamoy mo ang mga halo-halong pabango na naiwan sa pasukan ng gusali sa umaga. May mga amoy shampoo, pabango, deodorant, putok, atbp. Mapapansin mo na sobrang panghi ng mga palikuran. Kahit anong floor pa ang piliin mo, mapanghi ang mga palikuran. Napansin namin na habang tumatagal ang oras ay nag-iiba ang amoy sa loob ng gusali. Nakadepende din ang amoy ng loob ng gusali sa klima. Malupit ang amoy kapag mainit ang panahon dahil maamoy mo ang mga amoy warrior na pawis ng mga tao sa loob.
Maririnig mo ang mga ingay ng sasakyan sa labas ng gusali. Mga busina, tunog ng makina at mga andar ng gulong sa mainit na sementong daan ang kadalasang maririnig mo sa labas. Idagdag mo na din ang mga taong nag-uusap at nagsisigawan. Maingay ang loob ng gusali kapag tanghali at kada oras dahil sa paglipat ng mga estudyante. Kakaiba ang panlasa ng hangin sa loob kapag tanghali. Para itong maasim na mangga.
Napansin namin na ang aming sikyo na malinis sa katawan. Puting-puti ang uniporme na parang nalabhan sa Surf. Makinang ang mga chapa at mga bling-bling na nakasabit sa damit ng sikyo. Malinis ang gupit or clean cut ang laging gupit ng sikyo. Makikita mo na lagi siyang naglalagay ng gel sa ayos ng buhok niya. Medyo maputi ang aming sikyo at matangkad dahil sa haba ng kanyang pantalon. Makinang at laging nakashine ang kanyang mga sapatos at malinis ang medyas. Mapapansin mo na may nakasabit na lumang baril sa gilid nito. May mga tattoo siyang nakatago sa mga braso at kamay na parang may sinalihang fraternity. Mapapansin mong hawak lagi ang kanyang radio at nakikipag usap. Kapag nasa labas siya ay dala niya ang kanyang log book para ilista ang mga pumaparada at umaalis na mga sasakyan at motor. Bihira namin siyang makitang rumonda sa loob ng paaralan at madalas nasa may pasukan lang siya. Kausap palagi ang mga kapwa sikyo kapag walang gaanong tao. Mabango ang sikyo at may downy na amoy ang damit. Hindi palasalita ang sikyo sa mga estudyante at pinipili lang ang mga kinakausap na estudyante. Hindi namin sila nakikitang nagbre-break o kumakain man lang. Lagi niyang pinagmamasdan ang kanilang alarm system o ang LCD na may video ng mga paligid ng paaralan. Mapapansin mong malinis sa katawan, mabango at tahimik ang aming sikyo.
I
sang araw bago magsimula ang mahal na araw. Nakaupo kami sa lobby ng AMA at nagmamasid sa aming sikyo na napili. Naghahanap kami ng tiyempo para magtanong at humingi ng interview sa kanya. Napansin namin na lumabas siya para magcheck ng mga nasa log book niya. Pinuntahan namin ang sikyo at kunwaring nakatambay lang sa labas. Manong ang init noh, sabi namin. Oo nga e, pinagpapawisan na ako., sabi ng sikyo. Kailan kaya magkaka-snow dito sa pinas?, pabirong sabi ni Adrian. Napangiti ang sikyo at tumingin uli sa log book para magcheck. Dahil kakilala ni Erna yung sikyo, siya ang naging middleman namin para magawa namin ang interview. Nakipag-usap si Erna sa sikyo at nangamusta. Kailan ang tupad (pagtupad o pagganap ng tungkulin bilang mang-aawit) mo?, sabi ni Erna. Mamaya pagtapos ng duty ko, sagot naman ng sikyo. Hanggang anong oras ka ba manong?, tanung ni Erna. Hanggang alas tres lang. Pagtapos noon diretso na ako sa kapilya., sagot ng sikyo. Saan ka nakatira manong?, tanong namin. Sa may Bulacan pa ako., sagot niya. Ang layo naman ng sa inyo manong. Buti hindi ka nahihirapan sa biyahe?, sabi namin. Hindi naman. Tanghali naman ang uwi ko kaya ayos lang. Walang gaanong tao sa biyahe. Mainit lang. sagot naman ng sikyo. Tinanong namin ang kanyang pangalan at ito naman ay kanyang binigay. Pinanatili naming lihim ang kanyang pangalan para maprotektahan ang kanyang trabaho. Tawagin na lang nating ang sikyo sa pangalang Nocete. Medyo nakuha namin ang loob ni Nocete. Dahil malapit na ang kanyang uwian at pinagpabukas na namin ang pag-interview.
Kinabukasan ay nakatambay kami uli sa lobby para magmasid kay Nocete. Nakita si Erna sabay ngiti sa amin. Sinubukan naming lumapit sa kanya para mangamusta. Habang nag-tse-check siya ng bag ay linilibang namin siya sa pakikipagkwentuhan. Maganda ang aming nasimulang kwentuhan at napatanong kami kung ano ang gagawin niya sa bakasyon. Sabi ni Nocete ay may duty daw siya sa mga araw na iyon. Walang mga bakasyon sa mga security guard sabi niya. Nakahanap kami ng butas para makonekta namin ang aming mga tanong. Edi paano yan habang bakasyon na ng ibang tao ikaw naman ay nag-iisa lang na nagbabantay? Hindi ka ba nalulungkot?, tanong naming kay Nocete. Siyempre nakakalungkot dahil nagsasaya ang ibang mga tao sa paligid mo, mga pamilya mo, pero nasa duty ka at nakatunganga para magbantay., sabi niya. Ano ang mga pumapasok sa isip mo kapag nag-duduty ka na mag-isa ka lang?, tanong namin. Makikita mo sa mukha ang pag-aalinlangan para sagutin ang tanong namin kaya nag-follow up question kaagad kami. Noong pasko naka-duty ka din ba?, tanong namin. Hindi, day-off ko noong pasko, sagot niya.Edi masaya noong araw na iyon. Nasubukan niyo na po ba na magpasko sa duty?, sunod na tanong namin. Nasubukan na, maraming beses na siguro., sagot niya. Edi ang lungkot nun, tugon namin. Oo malungkot pero kailangang kumayod para sa pamilya., sagot niya. Napansin namin na naging malungkot ang mukha ni Nocete at nagcheck ng mga bag para ma-divert ang nararamdaman. Mapapansin namin na medyo sensitibo si Nocete sa mga tanong kapag tungkol sa mga holiday na may duty siya. May pamilya na po ba kayo?, tanung namin. Mayroon. Dalawa yung anak ko parehong babae. Nandun sila sa misis ko sa may Pangasinan., sagot niya. Ang layo mo naman sa kanila manong. Paano ang ginagawa ninyo kapag namimiss ninyo sila?, tanong namin. Minsan tinatawagan ko sila sa gabi. Iyong bunso ko nga magbibirthday sa april 2 kaya baka lumuwas ako., sagot niya. Edi madami kayong dalang regalo pag-uwi ninyo, sabi namin. Siyempre. Understood na iyon!, sabi niya. Paano ninyo pinapadala ang sahod niyo?, sabi namin. Minsan pinapadala, minsan naman umuuwi ako at ako na nagbibigay, sagot niya. Buti kasya naman sa inyo yung kinikita ninyo?, sabi namin. Napagkakasya naman kahit papaano, sagot niya. Ilan taon na po ba ang mga anak ninyo? At si misis po ba nagtratrabaho?, tanong namin. Yung panganay ko ay magha-highschool na sa pasukan at yung bunso ay mag-ge-grade 5 sa april 2. Si misis naman ay tumutulong sa mga tiyahin magbenta ng mga tocino at longanisa., sagot niya. May insurance po ba kayo katulad ng mga pulis?, tanong namin. Meron din. Death insurance at medical insurance. Kasama sa ahente namin yun. Lahat naman siguro ng guard may ganoon, sagot niya. Biglang natanong namin ang mga maseselan na tanong kay Nocete. Paano po kung may aksidenteng nangyari sa inyo? Hindi po ba kayo natatakot mamatay?, tanong namin. Wag naman sana mauwi sa ganoon. Maliliit pa yung mga anak ko., sagot niya. Kitang-kita mo ang takot sa kanyang mga mata na kung may mangyari sa kanya ay paano na ang kanyang pamilya. Bigla siyang nakahawak sa kanyang ulo at nag-ayos ng buhok na parang hindi inaasan ang ganoong tanong. May karanasan na po ba kayong ganoon na kung saan nalagay ang buhay ninyo sa peligro dahil sa pagbabantay?, tanung namin. Wala pa pero yung isang kasamahan ko muntik ng namatay sa saksak sa tagiliran., sagot niya. Bakit po? Maari ninyo po bang maikwento sa amin?, pakiusap namin. Guard kasi iyon sa isang village sa may banawe ave. Habang nasa guard house siya ay may dalawang tao na umaaligid sa tapat ng gate ng village. Sinita niya yung dalawang tao at pinuntahan kasi kahina-hinala silang mga tao. May inaantay lang daw yung dalawang tao na kakilala nila sa loob ng village na lumabas. Bumalik siya sa kanyang post at pinagmamasdan lang yung dalawang tao.
Nakaraan ang ilang minuto napansin niya na nagtetext yung dalawang lalaki at dali-dali pumulot ng bato at pinagbabato ang gate ng village. Pinuntahan ng kaibigan ko yung dalawang tao at pinagsasabihan. Hindi pa rin huminto sa pagbabato ng gate at nag-iingay na sa tapat. Tila may hinahanap na tao sa loob ng village. Pinuntahan na ng kaibigan ko yung dalawang tao at binantaan na tatawag ng barangay kung mangugulo uli sila. Habang pabalik sa guard house ang kaibigan ko at nakatalikod sa kanila, nasaksak ang kaibigan ko sa tagiliran. Biglang tumakbo sila at nawala na parang bula. Buti nakita siya ng isang may-ari ng village na pinaglilingkuran niya sa gitna ng daan sa entrance ng village. Dali-dali siyang dinala sa ospital at nakaligtas sa kamatayan., kuwento niya. Grabe naman po ang nangyari sa kaibigan ninyo. Kayo po kunwari may nangyari parang ganun dito sa school. May nag-aamok na tao sa labas. Handa na po ba kayong mag buwis ng buhay para lang sa mga binabantayang gusali at estudyante?, tanong namin. Napaisip ng matagal si Nocete sabay lagay ng kamay sa bulsa. Siyempre naman. Madami ang buhay ang pwedeng mawala at kawawa ang mga bata. Trabaho namin na protektahan ang mga tao dito. Kaya pag dumating ang pangyayaring iyon ay baka magaya din ako sa kaibigan ko., sagot niya. Mahirap na sinagot ni Nocete madaming tanong at damang dama mo sa kanya ang pag-iisip niya sa kanyang pamilya.
Habang dumadami ang mga estudyanteng pumapasok, nagpasya na kami na ihinto na ang pagtatanong dahil madami ang nakakarinig sa aming mga pinag-uusapan. Nagpasalamat kami kay Nocete sa kwetuhan namin at sa oras na binigay niya para sa amin kahit hindi niya alam na interview na pala ang ginagawa namin.
Matapos naming magawa ang interview, napagpasiyahan namin na pag-usapan ang aming paksa pagkatapos ng mahal na araw ay kailangan namin magbigay ng mga opinion namin sa isa’t-isa. Nalaman namin sa aming pakikipanayam kay Nocete na mahirap ang buhay ng isang security guard. Mahirap ang ginagawa nila sa pang araw-araw. Mapapansin natin na magalang, mabait, palangiti at madaling lapitan ang mga sikyo pero para silang mga nakamaskara na tinatago ang mga nararamdaman sa loob ng damdamin ng isang sikyo. Kahit lagi silang nandiyan para mag bigay ng tulong o impormasyon tungkol sa gusaling papasukan dadating ang oras na magiging mag-isa na lang sila sa loob ng isang napakalaking gusali. Walang makausap at walang kasama, nagagawa nilang tumagal ng ilang oras na nagbabantay ng kanilang nasasakupan. Kahit antok-antok na sila ay pilit nilang dinidilat ang kanilang mga mata sa oras ng duty. Kahit malungkot o may dinaramdam ay dapat magampanan ang trabaho ng 100%. Ang mga sikyo ay mga normal na tao rin kagaya natin. Kahit akala natin na para silang mga sundalo na matigas at matatapang, para silang mga sanggol na naghahanap ng kasama, umiiyak pagnalulungkot, nagugutom at nag-iisa. Naaapektuhan din sila ng kanilang mga emosyon at nararamdaman lalong lalo na kapag ang pamilya nila ang kanilang naiisip. Karamihan ay nahihiwalay sa pamilya para lang matustusan ang mga gastusin at pangangailangan ng pamilya. May iba naman na milya o mga pulo ang pagitan ang agwat nila sa kanilang pamilya. Wala silang ibang paraan kung hindi makipag-usap sa cellphone o mag-text. Kadalasan ay buhay ang nakataya sa pagbabantay ng isang sikyo. Hindi maiwasan na may mga masasamang loob ang gumagawa ng mga illegal na aksyon sa lugar ng sinasakupan ng mga sikyo. Mga magnanakaw, bandido, masamang tao o kriminal ang naiinkwentro ng isang sikyo. At kadalasan, buhay nila ang nasasakripisyo para lang mapangalagaan ang kanilang binabantayan.
Sa panahong ngayon, lalo na sa Pilipinas mapapansin na mahirap ang buhay ng mga sikyo. Kadalasan ay buhay nila ang nalalagay sa peligro. Halimbawa nito ay mga nasa balita na ang mga sikyo ay naiipit sa ginta. Sila ay pinapatay o kaya naman peligrong nasusugatan sa mga engkwentro sa mga masasamang loob na gumagawa ng mga illegal na bagay sa lugar ng sinasakupan. Kung ikaw ba naman ang kriminal at may masama kang balak sa isang lugar, siyempre kelangan mong siguraduhin na mapatumba mo ang mga guwardiya sa paligid pa maayos na magawa mo ang masamang plano mo.
Minsan naman ay baliktad ang nagiging pangyayari, imbes na ang mga sikyo ang tumutulong sa mga tao, sila pa ang nakakapagpahamak sa mga ito. Halimbawa nito ang trahedyang nangyari sa Paco Manila kung saan ay binaril at pinatay ng dalawang sikyo ang isang businesswoman dahil sa perang dala nito. Hindi lahat ng sikyo ay mabubuti, mayroon din mga ibang gumagamit ng dahas at kapangyarihan dahil sa kumakalam na sikmura. Kaya dapat mapanatili natin ang kalidad ng pagsasanay sa mga sikyo. Ang bata ng RA 5487 na nag sasaad An act to regulate the organization and operation of private detective, watchmen or security guards agencies. Sinasabi ng batas ang mga karapatan, requirements o pangangailangan ng isang sikyo.
Masasabi nating kulang ang mga binibigay ng batas. Kelangan ng mga insurance o tulong pinansyal ng mga sikyo dahil sa kaliitan ng mga sweldo. Ayon sa Jobstreets, ang sweldo ng mga security guard ay umaabot sa P10,000 hanggang P15,000 depende sa binabantayan. Ang seguridad ng isang bagay ay puwede maging asset ng isang nagmamayari ditto. Kaya kelangan pag tuonan ng pansin ang mga bagay katulad ng seguridad.
Paano ba masosolusyonan ang problemang pinansyal ng mga sikyo? Maaring maging solusyon dito ay ang pagtaas ng sahod. Alam natin na mahirap ang trabaho ng isang sikyo. Para lang silang mga magsasaka na kumakayod sa bukid, napapagod, nahihirapan, naalipusta, napapahamak at nasasaktan. Kaya kelangan din natin silang pangalagaan. Sila ang nagpo-protekta ng mga kagamitan natin at nagpapanatili ng seguridad sa lugar. Minsan nakalulungkot isipin na dahil sa kawalan ng pera ay nagagawa nilang gumamit ng dahas gamit ang mga bagay na pinagkatiwala sa kanila katulad ng mga armas at mga pangproteksyon na mga gamit. Kung maari lamang gumawa ng batas na nakahiwalay at nag tatalakay lamang sa mga sikyo. I prioritize ng batas na ito ang mga benepisyo, seguridad sa trabaho, insurance at mga tulong pinansyal sa mga sikyo.
Natutunan namin sa pag-aaral na ito na hindi lang pisikal ang hirap na nadarama ng isang sikyo kundi emosyonal at pinansyal din. Natutunan namin ang mga bagay na umiikot sa mundo ng isang sikyo. Nalaman namin ang mga basic knowledge na kelangan ng isang sikyo para maprotektahan ang binabantayan. Nalaman namin na ang mga sikyo ay dumaraan sa isang mahirap na pagsasanay para mapanatili at magampanan nang maayos ang kanilang mga trabaho. Ang mga pagsasanay na ito ay dumadaan sa isang masusing traing kung paano ang gagawin sa mga oras ng mga emergency. Nalaman din namin na ang mga sikyo ay kadalasang nagiging emosyonal sa mga panahon ng mga okasyon lalu nat nawawalay sila sa kanilang pamilya. Madalas ay namimiss nila ang kanilang mga pamilya sa mga oras na ito. Natuklasan din namin ang mga karapatan ng isang sikyo na nakasaad sa batas.
Nais namin na matulungan ang mga sikyo na nahihirapan sa mga lugar na kanilang binabantayan na hindi komportable sa isang tao. Ito ay para magampanan nila ang kanilang trabaho nang hindi nagkakasakit at walang lakas na nasasayang.
Malaking epekto sa aming buhay ang pag-aaral na ito dahil tumaas ang aming respeto sa mga sikyo na nakakasalubong namin. Naiisip namin ang kanilang mga sakripisyo para sa pamilya. Maituturing na mga modernong bayani ang mga sikyo dahil pinapahalagahan nila at binabantayan mabuti ang mga bagay na kanilang naatasang bantayan.
Isang araw sa pagpasok namin sa paaralan, nagulat kami na iba na ang guwardiya na nagbabantay at tumitingin ng mga gamit. Tinanong naming kung nasaan na si Nocete. Nagpalit na daw ng ahensya ang paaralan kaya lumipat na si Nocete ng lugar. Lungkot ang naramdaman namin dahil ilang linggo lang ang makalipas nang matapos namin ang aming etnograpiya. Kung kailan namin mas na-appreciate si Nocete bigla naman siya mawawala. Hindi mawawala sa mga isip namin ang buhay ni Nocete. At sa tuwing makakasalubong kami ng guwardiya ay respeto at pang-unawa ang aming mararamdaman dahil sa isang tao na handog ng kuwento ng kanyang buhay.
Kung nasaan man si Nocete ngayon ay mapalad ang kanyang mga binabantayan dahil matapang at mabait ito. Balang araw ay makikita din namin siya at masasabing Saludo kami sayo, sir!.
ISANG ETNOGRAPIYANG TUMATALAKAY SA BUHAY NG ISANG GUWARDIYA
AMA COMPUTER COLLEGE
FAIRVIEW CAMPUS
IPINASA KAY:
G. Raymond cuison
Ipinasa nina:
Mamoransing, Rhessan Jan R.
Poquiz, Princess Mae C.
Almendarez, Edjhir M.
Fabia, Almira Diora M.
De Guzman, Dheyjem
Liquiran, Ernalene Q.
Pugal, Reygan Jay
Casanova, Adrian
Abril 2013
Sangunian:
www.lawphil.net
www.wikipedia.com
www.guardnow.com
Google translate
www.ehow.com
www.gmanetwork.com
www.jezebel.com
www.jobstreet.com.ph
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento