SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na At iba pa.... Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na At iba pa.... Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Abril 3, 2022

kaugnayan ng wika sa kultura

 Ano ba ang kaugnayan ng wika sa kultura?

Ang wika ay nalilinang dahil sa kultura, ang kultura ay nalilinang dahil sa wika at ang wika ay ang kultura mismo. Maari natin itong ituring bilang batayang gabay sa matibay na kaugnayan ng wika at kultura bilang mabisang kasangkapan sa pagtataguyod ng pagkakakilanlan nating mga Pilipino.

Ang wika ay nalilinang dahil sa kultura. Ayon kay Walt Whitman, ang wika ay hindi abstraktong nilikha ng mga nakapag-aral o ng bumubuo ng diksyunaryo, kundi ito ay isang bagay na nalikha mula sa mga gawa, pangangailangan, kaligayahan, panlasa ng mahabang talaan ng henerasyon ng lahi at nagtataglay ito ng malawak na batayang makamasa (Peña et. al 2012). Malinaw na ang wika ay nalilinang at napagtitibay sapagkat ang kultura ang nagbibigay katuturan sa ipinapahayag na kaisipan ng wika. Ginagamit ang wika dahil ito ay daluyan ng komunikasyon upang magpasimula ng isang tiyak na pagkilos o paggawa. Ito rin ay pangangailangan ng tao sa pakikipag-ugnayan sapagkat siya ay itinuturing na may pangangailangang sosyal. Ang wika ay nakapagpapahayag din ng iba’t ibang damdamin at natutukoy din dito ang pananaw sa iba’t ibang bagay napagpapasiyahan kung ano ang magiging kalugod-lugod sa atin, ang pagpapasiyang  mayroong  impluwensiya mula sa ating kapuwa at ng kabuuan ng lipunang ating kinabibilangan.

Gayunpaman, maari ring sabihin na ang kultura ay nalilinang at napagtitibay din ng wika. Binigyang kahulugan ni Virgilio Almario ang wika bilang katutubong halagahan o value para sa marangal na buhay ng ating mga ninuno, isang dakilang pamantayang nararapat sundin saanman at kailanman tungo sa wastong pakikipagkapuwa-tao, isang banal na tuntuning kailangang tupdin upang hindi ‘maligaw ng landas’. Hindi mapasusubalian na ang ating sariling wika ang siyang midyum na ginamit ng ating mga ninuno sa pagpapahayag ng mga itinakdang batas at pamantayan sa lipunan pasalita man o pasulat. Sa batas ni Maragtas at Kalantiaw, malinaw na nakapaloob sa kaisipang ipinapahayag ng wikang ginamit ang pamantayang itinakda ng batas na ito na siya namang pinagbabatayan ng pamumuhay at pagkilos ng isang mamamayang Pilipino sa lipunan na kaniyang kinabibilangan. Matagumpay ding naipabatid at naipasa sa bawat henerasyon ang mga paniniwala at pamamaraang Pilipino bunga ng sabi-sabi o ‘word of mouth’. Samakatuwid, natutukoy ang mga pamantayan gayon na rin ang kultura ng lipunang Pilipino gamit ang wika sa diskursong pasalita at pasulat.

Ang kultura ay nalilinang dahil sa wika. Ang wika ay daluyan ng komunikasyon at sa pagkakaroon ng komunikasyon ay naisasakatuparan ang ugnayan ng isang tao sa kaniyang kapuwa. Sa pagkakaroon naman ng ugnayan ay maaring bumuo ng pagkakasunduan at dahil ang tao ay tunay na isang sosyal na nilalang, ang pagkakasunduang ito ang maghahantong upang  magpasya upang makisama sa kapuwa at ang pagkakabigkis na ito ay nagkakaloob sa mga tao upang magtaguyod  ng isang lipunan. Ang isang lipunan ay may tiyak na kultura na nakasalig naman sa napagkasunduang katotohanan. Ito ay nabuo sapagkat may pagkakasundo bunga ng komunikasyon na mauugat naman sa katangian ng wikang maging daan na nag-uugnay ng mga kaisipan.

Ang isang partikular na kaisipan na bahagi ng kultura ay ganap na nagiging bahagi ng kultura kung ito ay naipakikilala at naitataguyod. Kung wala ang wika bilang panuluyan ng mga ideyang bumubuo sa kultura tungo sa kaisipan ng mga tao sa isang lipunan ay magiging imposible ito. Sapagkat ayon sa Encyclopedic Supplement, Living Webster Dictionary of the English Language, ang mga ideya ay nabubuhay dahil sa wika, ito ay katulad ng pagbibigay-katawan sa kaluluwa (Bernales et. al 2011). Kaugnay nito, maaring bigyang patotoo na may kakanyahan ang wika na maging ina ng karunungan ayon kay Krank Kruas (Peña et. al 2012) Samakatuwid, pinangatwiranan ng librong Social Dimensions of Education, ang pagkatuto ng isang kultura ay sa pamamagitan ng wika. Mula dito ay nagkakaroon tayo ng kolektibong alaala tulad ng mga alamat, pabula, salawikain at iba pa na naaayon sa ating kaalaman sa kultura, gayundin ang pagsulat, sining, at kung anu-ano pang mga midya na humuhubog sa kamalayan at makapag-ipon at makapagbahagi ng kaalaman

Ang wika ay ang kultura mismo. Kung pagbabatayan naman natin ang winika ng karakter na si  Simoun ng El Filibustersimo ni Dr. Jose Rizal na ang wika ay paraan ng pag-iisip ng tao, samakatuwid tinatanggap natin na ang wika ay ang kultura mismo. Dahil nga ang kultura ay pamamaraan ng pagkilos at pamumuhay ng isang tao ay nakabatay sa kaniyang pag-iisip, ito ang pangunahing pinagmumulan ng kaisipan ng kultura.

Paano nga ba magagamit ang wika upang malinang ang pambansang kultura?

Ang wika ay may kakayahan upang sumisid sa pinakamalalim na kaalamang bayan, liparin ang pinakamatayog na karanasan upang maibalik sa lupa at maipatalas ng ibayong talastasan at praktikang panlipunan (Bernales, et al. 2011). Ang ating wika ang nagkanlong at nagtago ng hiwaga, kasaysayan, at mayamang kaalaman ng ating bayan kung saan nahubog ang katauhan ng ating lahi na bumubuo sa ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Nakapaloob sa kaalamang ito ang dakilang nagawa ng magigiting nating mga ninuno. Sa paggamit ng wika ay mapagtitibay ang mga kaalamang ito sa kaisipan na isang mabisang sangkap upang maiwaksi ang kolonisadong pag-iisip sapagkat natatamnan ito dahil sa pagpapatibay  ng pamamaraang Pilipino. Binigyang-diin nga ni Samuel Johnson na ang wika ang nagdadamit sa ating kamalayan, samakatuwid ito ang magbibihis sa atin ng pagkakakilanlan, ang magkakaloob ng isang tatak na siyang tatak ng ating lahi.

Hindi nagtatapos sa paglikha ng bagong pananaw ang paglilinang ng wikang Filipino tungo sa paglinang din ng pambansang kultura tungo sa pagkakakilanlan, o hindi nga maaring sang-ayunan pa ang paglikha lamang ng isang bago at wastong pananaw bagkus ang pagsasangkot ng sariling wika sa pagkilos ng sariling dila. Ang wika ay maari ring itulad sa isang pirasong papel na ang kabilang mukha ay ang kaisipan at ang kabila ay ang tunog ayon kay Ferdinand de Saussure. Hindi maaring sa paggupit ng papel, mahahati ang kaisipan at ang tunog. Anumang bahagi ng putol, magtataglay kapuwa ang mga ito ng kaisipan at tunog. At ang pagtataglay ng wika na kaisipan at tunog ay kakanyahan nito (Peña et. al 2012). Bigyan ng higit na pansin na ang kaisipan at tunog ay hindi mapaghihiwalay sa wika. Kung nakapaloob sa wika ang kaisipan ng kultura at ang wika ay mamumutawi sa ating dila, hindi ba’t mamumutawi rin naman ang kultura sa atin at sa pagkaalam ng kultura ay matutukoy natin ang ating pagkakakilanlan? Kaya naman, nararapat na  ang wikang Filipino ay higit na nararapat maunawaan higit sa mababaw na pagkaunawa lamang upang nararapat na magkaroon tayo ng kritikal na pag-unawa sa ating kultura.

Walang anumang pagsasanay ang makalilikha ng pinakamainam at pinaka-epektibong pagkatuto at pag-unawa ng isang wika kung hindi ang mismong paggamit at pagpapadaloy nito sa sariling dila. Pinapatotohanan ng aklat na Social Dimensions Of Education na ang wika ng isang nilalang ay ang repleksyon ng kaniyang pagkatao at ang pamamaraan at pagkilos na inaasahang aasalin niya. Dagdag pa, ang wika ay ang susi sa tagumpay ng pag-usbong ng isang lahi sa paglikha at pagpapanatili ng kultura sapagkat kung walang wika, ang kakayahan upang makabuo ng mga kaisipan at tradisyon ay hindi makatotohanan.

EROLD JHON DELA CRUZ
https://www.academia.edu/37857689/Ano_ba_ang_kaugnayan_ng_wika_sa_kultura

 

 

Huwebes, Agosto 12, 2021

Buod: Desaparesidos ni Lualhati Bautista

Buod: Desaparesidos ni Lualhati Bautista
Ang librong Desaparesidos, ginawa ni Lualhati Torres Bautista, ay naglalaman ng hango-sa-tunay-na-pangyayaring mga kuwento ng pang-aapi, pang-aalipusta, pagtortyur, at pagpatay sa mga tinaguriang makakaliwa o tulisan noong rehimeng Marcos. Ito ay naglalayong magmulat sa mga itinagong kuwento ng karahasan bago makamit ang inaasam na paglaya at kuwento ng pagtangis ng mga inagawan ng karapatang magkaroon ng disenteng pamilya noong panahon ng diktakurya.

            Nagsimula ang kuwento sa paglalarawan ni Sis. Lourdes, isang madre, sa mga patuloy na naghahanap ng katarungan sa marahas na pangyayari noon. Kabilang dito si Anna, Ka Leila kung tawagin sa kilusan, na nakikinig sa mga paglalarawan ng madre. Sa puntong ito, unti-unti niyang binalikan ang masalimuot na karanasang kanyang hinarap.
            Ibinalandra ng mga sundalo ang mga makakaliwang napatay (kahit ang totoo’y pinatay) daw sa isang engkwentro ng mga sundalo at NPA. Kasama rito ang asawa ni Anna na si Nonong. Habang tinitignan ni Anna, kasama ang kanyang anak na si Malaya, ang kanyang asawa, minamatyagan ng mga sundalo ang mga maaaring pagbintangang kasali sa kilusan sa pamamagitan ng kanilang reaksyon sa mga namatay.
            Naisip ni Anna na hindi ligtas ang kanyang anak kaya pinili niya muna itong ihabilin sa pamilya ni Roy, isa sa mga kasapi sa pag-aakas, kahit na may pag-aalinlangan. Iniwan niya ito sa pangangalaga ni Karla na nasa pamilya ni Roy. Lumisan silang dalawa ni Roy upang bumalik sa pakikibaka.
            Dumating ang panahon na hinahalughog ng mga sundalo ang bawat baryo’t bayan upang maghanap ng tulisan. Sa kabutihang palad, natunugan ito ng ama ni Roy at gumawa ng plano kung paano maipupuslit si Karla kasama ang anak nito at si Malaya mula sa mga sundalo. Isinakay niya ang mag-ina at si Malaya sa likuran ng sasakyang hinihila ng kalabaw at tinakpan. Sa kabilang banda, hinanap ng mga sundalo ang pamilya ni Roy sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga tao kung sino ang nakakakilala rito. Umamin ang kanyang ama na ang tinutukoy ng mga sundalo ay ang kanyang anak. Dahil ayaw sabihin ng kanyang ama ang kinaroroonan ng kanyang anak, pinagpapatay at sinunog sa loob mismo ng kanilang bahay ang buong pamilya ni Roy.
            Nakarating ang ‘di-kumpletong balita kina Anna at Roy. Dahil sa naising malaman kung ano ang kinahinatnan ng kanyang anak, lumabas muna ng kilusan si Anna kasama si Jinky, isang makakaliwa. Nagtungo muna sila sa bahay ng isa nilang kasama sa pakikibaka ngunit ito pala’y nasakop na ng mga sundalo. Nahuli si Anna at Jinky, Dito ikinuwento ang malagim nilang karanasan sa kamay ng mga sundalo. Ginahasa at pinagsamantalahan silang dalawa sa magkahiwalay na lugar dahil ayaw nilang sabihin ang lugar ng kanilang kilusan. Hindi naman natiis ni Jinky ang ginagawa sa kanya kaya’t napilitan siyang sabihin ang hinihingi ng mga sundalo.
            Dito pumasok ang kuwento ng pagkakahuli kay Roy. Nahuli si Roy, kasama kanyang mga kapatid sa kilusan, sa mismong pinakukutaan nila. Naranasan niya sa kanyang pagkakahuli ang pagpapahirap na ipinararanas ng mga sundalo sa mga nahuhuling tulisan. Matapos pahirapan, ikinulong si Roy kasama ang iba pang tulisan. Dito ikinuwento ang kalbaryong dinanas ng mga bilanggong pulitikal kung saan walang bisita, nakakulong sa masikip na kwarto, at kulang sa mga pangunahing personal na gamit. Isa sa mga pigil-hiningang tagpo ay ang pag-awit nila ng isang makabayang awitin habang lubog sa baha ang kanilang bilangguan.
      ‘Di naglaon ay naging malapit siya kay Sgt. Reyes, isang matandang pulis na nakadestino sa bilangguan ni Roy. Nauutusan siya ni Sgt. Reyes na maglabas ng basura sa labas ng kulungan. Dito siya nakapagplano kung paano makakataas at nakakuha naman siya ng magandang tyempo. Nakalabas si Roy at hinanap si Anna. Nang makita, pareho nilang binalikan ang bahay ng pamilya ni Roy at inalala ang malagim na pangyayaring nakapaloob sa naabo nilang bahay.
         Ang ikalawang yugto ng Desaparesidos ay bumabagtas sa kuwento ng anak nina Roy at Anna na si Lorena. Dito nakapaloob ang mga kuwestiyon, pagtataka, at pagtangis ng isang anak ng mga makakaliwa.
      Siya ay iniiwan sa mga kasama (o mga kasapi sa pakikibaka) kapag umaalis ang kanyang mga magulang. Natutunan ni Lorena ang iba’t ibang bagay kagaya ng pinagmulan ng kanyang pangalan at paglalayo ng kanyang loob sa mga magulang. Sa kanyang pag-iisa nakatagpo siya ng isang kaibigan. Ang kaibigang ito ay anak din ng mga makakaliwa at naging kakuwentuhan niya.
         Kasama sa yugtong ito ang pagbabalik ni Malaya upang hanapin ang tunay niyang mga magulang. Dito ikinuwento ang magkaibang buhay ng magkapatid na sina Lorena at Malaya na parehong hinarap ang mundo kaakibat ng pagiging anak ng mga tulisan.

          Ikinuwento rin dito ang ang karanasan ng isang makabagong aktibista na si Eman. Kanyang hinarap ang buhay na mayroong baluktot na gobyerno at kaakibat na problema nito.

Pandemya sa gutom at kahirapan, idudulot ng mga lockdown at restriksyon

Pandemya sa gutom at kahirapan, idudulot ng mga lockdown at restriksyon

Pandemya ng gutom at “hindi mawaring epekto sa kalusugan at ekonomya” ang idudulot ng matitinding restriksyong ipinataw ng mga estado kaugnay ng pandemyang Covid-19. Ito ang babala ng United Nations (UN) na nagsabing posibleng mas marami pa ang mamamatay dulot ng mga hakbang na ipinatupad para lunasan ang sakit.
Hirap at sakit
Pinatitindi ng mga lockdown ang dati nang mga di pagkakapantay-pantay sa mga lipunan. Lalo nitong itinulak sa kahirapan ang dati nang mahihirap na bahagi ng populasyon. Ayon pa sa UN, ang mga restriksyon at lockdown na nakatuon sa “pagsugpo” ng Covid-19 ay nagpakitid sa mga merkado at pumigil sa trabaho ng milyun-milyon  at bumura  sa  kanilang kakayahang bumili ng mga kinakailangan. Milyun-milyon na ang nawalan ng trabaho sa buong mundo, pangunahin ang mga kontraktwal at mala-proletaryado. Pangunahing naapektuhan ng kawalan ng kita ang kakayahan ng mga pamilya na bumili ng sapat ng pagkain.
Kasabay nito, maaring sumirit ang presyo ng mga pagkain sa pandaigdigang merkado dahil sa pagkaputol sa daloy ng suplay hindi lamang ng pagkain, kundi pati ng mga gamit sa produksyon. May mga paghina na rin sa ani at operasyon ng mga kumpanyang agrikultural sa malalaking bansang eksporter ng pagkain.
Lubos na maaapektuhan ang mga bansang nakaasa sa pag-angkat ng batayang pagkain, tulad ng bigas, kung ipagkakait o itataas ang presyo ng mga ito ng mga bansang  eksporter. Babala ng UN, hindi magiging panandalian at hindi madaling masosolusyunan ang daranasing hirap ng mamamayan.
Isa ang Pilipinas sa inilalarawan ng UN na mga bansang dati nang may mataas na insidente  ng  gutom. Ang mga dumaranas ng gutom, na matatagpuan hindi lamang sa siksikan na mga komunidad sa mga syudad kundi pati sa malawak na kanayunan, ay may mataas na rin upang mahawa ng Covid-19 at iba pang karaniwang sakit dahil sa malnutrisyon. Sila rin ang nasa mga lugar kung saan walang mga klinik, at matinong patubig at sanitasyon. Ang mga nasa syudad ay walang espasyo para maipatupad ang tamang social distancing o pagkwarantin ang kanilang mga may sakit na kapamilya. Sa kanayunan, salat na salat ang gamit at kasanayang medikal, gayundin ang mga pasilidad para sa mga mahahawa ng sakit. (Tingnan ang artikulo sa Ang Bayan, Abril 7 .) Tulad sa kalunsuran, milyun-milyong mamamayan sa kanayunan ang dumaranas ng gutom dulot ng kawalan ng trabaho, mababang kita at kawalan ng lupa.
Lalong magdurusa ang mahihirap dahil sa pagkasira ng mga ekonomya na idinulot ng mga lockdown at restriksyon. Ang matitinding restriksyon sa byahe at produksyon ay nagdulot ng pagkaputol sa daloy ng suplay ng mga produkto at paggawa. Kasama ang Pilipinas sa mga bansang nawalan ng kita mula sa turismo at remitans ng mga migranteng manggagawa. Nakatakdang mawasak ang dati nang mahihinang imprastruktura ng lokal na ekonomya. Dahil pinili ng estado na umutang kaysa baguhin ang mga alokasyon sa badyet nito, dekadekada pang pagdurusahan ng mamamayan ang gastos sa lockdown.
Gutom sa ngayon at hinaharap
Ayon naman sa World Food Programme (WFP), mahigit 30 bansa ang daranas ng kakulangan ng pagkain. Sampu sa mga bansang ito ay dati nang may mahigit isang milyong  populasyon na walang nakakain bago pa ang pandemya. Mangangailangan ng  $350  milyon para mapakain ang pinakanagugutom. Dagdag na problema ng mga ahensyang internasyunal na hindi nila maihatid ang pangkagipitang ayuda dahil sa mga pagbabawal at mahihigpit na restriksyon sa pagbyahe.
Sa ngayon, tinataya ng grupo na 812 milyon na katao ang dumaranas ng gutom araw-araw. Nasa bingit naman ng gutom ang 135 milyon. Madadagdagan pa ang bilang na ito ng 130 milyon sa pagtatapos ng taon.
Kabilang sa kailangang abutin ng grupo ang 30 milyon na buong nakaasa sa WFP para sa araw-araw na pagkain. Kung hindi aabot sa kanila ang ayuda, posibleng 300,000 ang mamamatay sa loob ng tatlong buwan.
Sa Pilipinas, apektado ang daloy at siklo ng produksyon ng pagkain nang higpitan ang  transportasyon ng sariwang pagkain mula sa mga prubinsya tungo sa mga syudad at sa pagitan ng mga prubinsya. Malaki ang idudulot na pinsala ng restriksyon sa galaw ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa darating na taniman ng palay at mais.

GMA NEWS ONLINE. Kasaysayan ng Wikang Filipino

BASAHIN ANG ARTIKULO MULA SA GMA NEWS ONLINE.

Kasaysayan ng Wikang Filipino
Published August 31, 2009 8:11pm

Mahalagang maintindihan ang kasaysayan ng Wikang Pambansa – kung paano ito nagsimula bilang Tagalog (kung saan umalma ang mga Bisaya), naging Pilipino, at ngayon nga ay Filipino na. Isang arkipelago ang Filipinas kung kaya nagkaroon ito ng maraming katutubong wika. Ang maganda sa penomenong ito ay nagkaroon din ng kaniya-kaniyang literatura ang bawat etnolingguwistikong grupo. Dahil dito, maraming mulat na mga kritiko katulad ni Isagani R. Cruz ang nagsasabing “isa sa pinakamayamang literatura sa mundo ay ang literatura ng Filipinas." Noon pa mang sinulat ang 1935 Konstitusyon, nabanggit na ang pagkakaroon ng wikang pambansa. Nakasaad sa Artikulo 14 Seksiyon 3 na, “Ang Konggreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika." (Art. 14, Sek. 3) Noong 1936, itinatag ni Pangulong Manuel Quezon ang Surian upang mamuno sa pag-aaral at pagpili sa wikang pambansa. Tungkulin ng Surian na magsagawa ng pananaliksik, gabay at alituntunin na magiging batayan sa pagpili ng wikang pambansa ng Filipinas. Si Jaime de Veyra ang naging tagapangulo ng komite na nagsagawa ng pag-aaral, at napili nito ang Tagalog bilang batayan ng “Wikang Pambansa." Ipinalabas ni Pangulong Quezon noong 1937 ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nag-aatas na Tagalog ang batayan ng wikang gagamitin sa pagbubuo ng wikang pambansa. Dahil sa pagsusumikap ni Pangulong Quezon na magkaroon tayo ng wikang pagkakalilanlan, hinirang siyang “Ama ng Wikang Pambansa." Noong 1940 ipinalabas ni Pangulong Quezon ang Kautusang Tagapaganap Blg. 203 na nagpapahintulot sa pagpapalimbag ng Talatinigang Tagalog-Ingles at Balarila sa Wikang Pambansa. Pinasimulan din nito ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa. Noong 1959 nagpalabas si Kagawaran ng Edukasyon Kalihim Jose Romero ng Kautusang Blg. 7 na nagsasaad na Pilipino ang opisyal na tawag sa wikang pambansa. Sa 1973 Konstitusyon noong kapanahunan ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos, nakasaad sa Artikulo 15 Seksiyon 2 at 3 na “ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino. Hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas." Noong panahon naman ng Rebolusyonaryong Gobyerno sa ilalim ni Pangulong Corazon C. Aquino muling binago ang Konstitusyon noong 1987 kung saan nakasaad sa Artikulo 14 Seksiyon 6 na: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika." Mahalaga ang papel ng mga wikang katutubo sa pagpapayaman ng Filipino, na sa ngayon ay nagbabago ang anyo. Idinagdag sa alfabetong galing sa Tagalog ang mga letra na f, j, q, v, at z. Dahil dito, ang dapat na maging baybay ng pangalan ng ating bansa ay Filipinas at ng pambansang wika ay Filipino, gaya ng ipinanukala ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura Virgilio Almario sa kaniyang librong Filipino ng mga Filipino: Mga Problema sa Ispeling, Retorika, at Pagpapayaman ng Wikang Pambansa. Tama rin na isama ang mga letrang tulad ng f at v kung gusto nating makapag-ambag talaga ang mga wikang katutubo sa wikang pambansa. Halaw ang mga ito sa mga magagandang wika ng mga Ivatan, Ifugaw, at Manuvu na katutubong grupo sa bansa. - John Iremil E. Teodoro


TAGUAN ni Rolando Bernales



TAGUAN ni Rolando Bernales

Taguan
(Maikling Kwento)

Eli, Eli, lema sabachtahani?- Mateo 27:46

Kayhimbing ng tulog ko’t kay linaw ng aking panaginip.

Kristal…. Kristal… Kristal!

Halos mapugto ang litid ko sa pagsigaw habang tinatahak ko ang pasilyo ng lumang eskwelahan. Bawat pintuang aking maraana’y aking sinisilip. Ginagalugad ng aking paningin ang bawat lumang mesa at mga iika-ikang silya sa loob ng bawat silid. Tama. Baka nga naman doon sa ilalim o sa likod ng mga ito’y nagtatago si Kristal. Ngunit iiling-iling kong lilisanin ang mga iyon upang bigong tumungo sa susunod na silid.

Taliwas sa madalas na mangyari tuwing Sabado o Linggo, ako ang nakababad na taya. Madalas, si Kristal ang taya. Sa simula’y s’ya ang magtatago upang sa loob lamang ng ilang sandali’y Makita ko sa likod ng mga paso ng mga halos mangalantang halaman o di kaya’y sa likod ng isang pinto. Dangan kasi’y tako s’yang magpakalayu-layo at magtago sa kung saan-saang sulok na di n’ya kabisado kung kaya’t madali ko s’yang natataya.

- Pung! Kristal! O, ikaw naman ang taya.

Magugulat pang bahagya si Kristal!
- Ay! Ang daya naman e, Nanilip ka kuya, ‘no?

- Oy, hindi a,

Pupungas-pungas pang tutungo si Kristal sa pader sa dulo ng pasilyo. Ihihilig niya ang kanyang braso sa pader at isasandal ang noo sa braso. Papilit s’yang sisigaw.

- Pagbilang ko ng sampu, nakatago ka na!

Dali-dali akong magtatago sa paborito kong taguan… doon sa kabilang dulo ng pasilyo.

- Isa… Dalawa… Tatlo…

Sa dulo niyo’y naroon ang banyo. Madilim doon, wala kasing mga bumbilya. Hindi doon nagpupunta si Kristal. Takot s’ya sa dilim. Mula sa loob niyo’y kitang-kita ko s’ya sa pamamagitan ng isang maliit na butas.

- Apat…
- Lima…
- Anim…

Sabi ni Noknok, kalaro ko, nahuli raw s’ya minsan na namboboso sa mga kaklase niyang umiihi. Takam na takam s’ya sa pagsipat sa mga binti at puwit ng mga kaklase sa butas na iyon mula sa labas ng banyo nang mahuli s’ya ng kanilang titser. Buking na buking naman kasi ang pamboboso n’ya, dangan kasi’y namimilipit pa s’ya sa pagsilip. “Di na s’ya pinapasok ng Nanay n’ya matapos siyang pagsasabunin. Pinatawag kasi nu’ng titser si Aling Ima, sabi raw ay binobosohan s’ya. Ang lokong si Noknok, pinagtanggol pa ang sarili. Sabi nama’y di naman ‘yung titser ang binibosohan n’ya kundi ‘yung kaklase niya. Ayun,
binugbog pa s’ya ni Aling Ima. Buti nga!

- Pito… Walo… Siyam…

Wala pang sampu’y lilinga-linga na ni Kristal.

- Sampu!

Magpapalipat-lipat ng silid si Kristal, magbabaka-sakaling makikita ako sa isa sa mga
iyon, upang pagdating sa huli’y maluha-luha s’yang iiling-iling, sabay bubunghalit at mag-aanyong kaawa-awa.

- Kuya… kuya naman, e. Uwi na tayo!

Sa ganoong tagpo’y kaaawaan ko ang kanyang inosenteng mukha na lalong pinaamo ng nangingislap-ngislap n’yang mga mata sahil sa mga namumuong luhang nagbabadyang pumatak. Lalabas ako’t magkukunwang walang kaalam-alam sa kanyang pagmumukhang-tanga sa paghahanap at dahil sa pagmamakaawa upang bigyan lamang s’ya ng kaligayahan sa pag-aakalang nataya n’ya ‘ko.

-Pung! Kuya Openg!

Ngunit sa panaginip ko’y ako ang taya at hirap na hirap sa paghahanap. Hindi ako makapaniwala. Pati ang banyong madalas kong pagtaguan ay tiningnan ko na ngunit wala rin doon si Krista. Saan kaya s’ya nagsuot? Paanong nakapagtago s’ya sa kung saan gayong dati-rati’y takot s’yang magpakalayu-layo sa ‘kin?

- Kristal! Kristal!

- Bangon na, oy! Aba’t kukupad-kupad pa ‘tong batugang baklang ‘to!

Aba, aba… ‘yung bakla, matatanggap ko. Totoo ‘yun. Pero ‘yung batugan, hindi ko masisikmura. Pa’no ba nama’y katitirik pa lang ng araw, bitbit ko na’y kahon ng sigarilyo habang palipat-lipat sa mga bus at pasabit-sabit sa mga jeep habang si Tatay ay Tanduay o Ginebra na ang hawak. Batugan pa pala ako gayong ako itong napapagod at napupuyat sa paggala-gala kung saan mataong kalsada tuwing umaga hanggang hapo’t gabi at kung minsan pa’y katu-katulong ni Nanay sa pagtitinda ng karne sa palengke samantalang si Tatay ay pahilik-hilik lang na nakatihaya sa bahay.

Pupungas-pungas pa ‘kong babangon. Wala nang mumugan ay dadamputin ko ang kahon ng sigarilyo. Kagabi’y bilang na bilang ko ang laman niyon… tatlong kaha ng Marlboro, dalawang Philip at Hope at isang Winston. Ngayo’y kulang ng isang kaha ng Marlboro. Madaling napawi ang aking Pagtataka. Paano’y nanghahaba ang nguso ni Tatay sa paghithit-buga ng sigarilyo sa isang sulok habang sinasabayan ng pagtangu-tango ang makapananggal-tutuleng kantang metal na nagmumula pa sa kabilang bahay.

- Iwanan mo’ko ng sampu bago ka umalis. Baka hindi ako pautangin ni Aling Pinang, e.

Sampu… sampung piso lang para sa bilog o lapad o sa kahit na anong nakapanlalasing. Nakikini-kinita ko nang susuray-suray na naman si Tatay mayamaya lang sa kung sang iskinita habang pilit na hinahanap ang daang pauwi sa aming barung-barong o di kaya’y hihilik-hilik na nakasalampak sa tabi ng kung sang estero.
Sabi ni nanay, hindi naman daw dating ganyan si Tatay. Dati’y nagtatrabaho daw si Tatay doon sa pabrika ng sabon sa Makati. Nang magbawas ng mga trabahador sa pabrika, isa s’ya sa mga minalas na nasisante. Mula noon, nagsimula nang makitagay si Tatay sa kung saan-saang kanto, hanggang sa magsawa ang kanyang mga kainuman at matuto siyang makipagkwentuhan sa sarili habang solong nagpapakalasing. Buti sana kung katulad s’ya ng iba na kung nalalasing ay walang kibo lang sa isang tabi o di kaya’y mahimbing na natutulog. Si Tatay, kapag nalalasing, madalas ay naghahamon ng away at kung may siga-sigang magkakamaling pumatol ay uuwing pasa-pasa ang mukha. O di kaya’y kung
minamalas, si Nanay, si Kristal o ako ang napagdidiskitahang regaluhan ng dagok o tadyak. Aba, nawili ‘atang parang-haring titiha-tihaya’t pautos-utos na lang sa bahay si Tatay, lumalamon kahit painum-inom lang ng alak buong maghapon. Kung minsan tuloy, naiisip ko kung ano ang naging kasalanan ko at ni Kristal at binigyan kami ng Diyos ng Tatay na batugan. At si Nanay, bakit nag-asawa ng lasenggo!
WALA akong maibigay na tubo kay Nanay.

- Nagkulang po kasi ng isang kaha ng sigarilyo, e.

Hindi ko masabing kinuha ni Tatay ‘yung isang kaha kulang pa sa puhunan ang napagbilihan ko. Baka ‘kako marini ni Tatay at mapagbintangan akong nambibintang, gayong tiyak ko naming s’ya ang kumuha nu’n. E, sino pa ba? Naku, ‘pag narinig ‘yo’y tiyak na magpapanig na naman ang kanyang tenga at kahit na may hang-over ay tiyak na
sapul na naman ang ulo ko ng malutong na batok at kung mamalasin pa’y may bonus pang sipa’t tadyak. Kaya nga ingat ako sa pagsasalita.

Matama kong pinagmasdan si Nanay sa kanyang pagkakaupo sa harap ng isang
lumang lamesita. Halos magsalubong ang kanyang mga kilay at halos magkandakunut-kunot ang kanyang noo sa pagbilang ng mga perang papel. Batid kong inihihiwalay n’ya ang puhunang pambili ng mga karne para bukas o di naman kaya’y pilit n’yang pinagkakasya ang tubo sa mahabang listahan ng aming mga utang sa tindahan ni Aling Pinang. Dangan naman kasi, sa inutang na alak lang ‘ata ni Tatay, kulang na ang tinubo ni Nanay. Ngayon ko lamang napansin, ang laki na nang itinanda at ipinayat ni Nanay. Marami na ang guhit sa kanyang noo at ang kanyang mga braso ay yayat na’t may mga balat nang lumalawlaw. Marahil ay pagkaluwang-luwang na sa kanya ng kanyang kupas na bestida. Ilang taon na nga ba si Nanay? Sa pakiwari ko’y sadyang napakatanda na ng kanyang hitsura sa kanyang edad.  Napag-isip-isip ko, pinatanda na si Nanay ng trabaho at sakripisyo… ng pagod at perwisyo… ng bunton at konsumisyon!
Naalala ko, umaga nu’n, bitbit na ang kahon ng mga sigarilyo nang masalubong ko si Kristal na sisinghap-singhap habang basing-basa ang mga mata sa luha.

- Kuya, sabi ni Milet… ano… ano… bakla ka raw. Tinukso n’ya ko e… Kuya ko raw… ano… bakla! Huhuhu….

- Lekat, pagagalitan ko nga ‘yung matabil na batang ‘yon!

Pinagalitan ko nga si Milet, kalaro at halos kasing edad ni Kristal. Ewan ko ba, pero hindi ko matiis si Kristal. Gusto kong madama n’ya na may kakampi s’ya.
Hindi ko napansing nagtititili na pala ako sa harap ng batang walang kalaban-laban. Nu’ng una’y si Kristal ang ipinagtatanggol ko pero nu’ng kalagitnaa’y napansin ko ng sarili ko na ikinakatwiran ko. Sa isip-isip ko, oo na, bakla na kung bakla, pero hindi na ‘yun kailangang ipamukha pa. Alam na naman ‘yun ng lahat at hindi ko ‘yun ikinakaila. “Yung iba nga sa looban, mandurugas, krimina, mamamatay-tao, putsa – sa madaling salita, di hamak na mas masama kaysa sa ‘kin, kung masama nga ‘kong maituturing – hindi naman sila bakla, ah. Bakit ba ang kabaklaan ng mga bakla ang madalas na pinagdidiskitahan ng mga pakialamera? Kasalanan b ang maging bakla?

- E, ano ngayon kung bakla? Ang nanay mo nga e….. e….. ano….. nagpapaano… kung kani-kanino nagpapaano!

Saka ko lamang napansing parang nagsesermon na’ko at ang sinenermonan ko’y di na lamang si Milet kundi ang marami pang ibang tagaloob.

Bago pa ‘ko nakapagpatuloy at sisinghap-singhap na rin si Milet habang lumuluha katulad ni Kristal kani-kanina.

- Isusumbong kita sa Nanay ko… isusumbong kita! Huhuhu…

Aba’y kahahatid-hatid ko pa lang kay Kristal sa bahay nami’y dinig ko na agad ang matitinis na tili ni Aling Beth.

- Hoy, Openg! Anong ginawa mo kay Milet ko?

Sa harap ng aming pintuan, mga ilang hakbang ang layo ay naroo’t nakapamaywang si Aling Beth habang si Millet ay nagtatago sa likod ng kanyang kanang binti. Halos pumutok ang kanyang dibdib sa masikip niyang tube-blouse na pula. Inilalantad ng kanyang maikling maong na shorts ang kanyang mapuputing binti. Samantala’y nagpapakasasa naman sa katititi kay Aling Beth ang mga kalalakihang nangag-ipon na sa harap ng bahay naming habang ang mga kababaiha’y nakaabang sa susunod na mangyayari upang mamaya’y may paksa na naman silang mapagtsitsismisan.

- Pa’no ho’y pinaiyak n’ya si Kristal, e.

- E ano’t sinabi mo pang nagpapaano ako sa kung kani-kanino? Ano bang pakialm mo?!

Napag-isip-isip ko, hindi ko nga pala dapat sinabi ‘yon. Totoo, wala na ‘kong pakialam do’n, tulad ng kawalan nila ng pakialam sa kabaklaan ko. Sabagay, alam na ‘yon ng lahat. Alam ng lahat ng tagalooban na si Aling Beth ay nabuntis ng dati n’yang kasintahang anak ng isang konsehal. Pero sa halip na panagutan ang kanyang dinadala, tinakbuhan s’ya ng lalaki at binalaan pa s’ya ng konsehal na huwag gagawa ng eskandalo. Hindi rin lihim sa lahat na nang makapanganak s’yay nagpalipat-lipat s’ya ng pagsasayaw sa kung saan-saang beerhouse hanggang sa humantong s’ya sa isang mumurahing cabaret. At nitong huli, dahil medyo laspag na raw, ay umaasa na lang s’ya sa barya-barya mula sa kung sinu-sinong tagalooban o dayong gusting magparaos ng init.
Ngunit napasubo na’ko at kailangan kong mangatwiran.

- Dangan kasi’y si Milet naman ang nauna!

S’yang pasungaw ng Tatay ko sa pintuan, halatang naalimpungatan sa pagkakaidlip.

- How, Castor! ‘Yang mga anak mo, binastos ako’t pinaiyak ‘tong si Milet ko!

Ewan ko ba kung bakit kinailangan pang lakasan ni Tatay at iparinig sa kanila ang bawat sermon at mura kasabay ng paghagupit ng yantok ng walis-tambo sa aming binti, pigi, braso at sa kung saan-saan. Ewan ko kung bakit kinailangang lumagabag pa nang malakas ang nabuwal na mesa’t mga nangaglaglagang platong lata.
Ngawa nang ngawa nu’n si Kristal. Ngunit dinig na dinig ko ang banta ni Aling Beth bago sila umalis.

- Kastiguhin mo ‘yang mga anak mo, Castor! Kung hindi’y hindi na kita bibigyan ng diskwento sa susunod!

LINGO nu’n, isang lingo mula nu’ng pagalitan ko si Milet at bugbugin kami ni Tatay. Nakalimutan na nina Kristal at Milet ‘yun at wala na rin ang mga pasa sa katawan naming magkakapatid.

Pagod na kaming magtaguan sa eskwelahan nina Noknok, Milet at Kristal kayat napagkaisahan naming maglaro ng aral-aralan.
Bakit nga naman hindi, total tuwing Sabado o Linggo lang naman kami nakakapasok sa eskwelahan, dangan nga lamang ay hindi upang mag-aral kundi upang maglaro. Grade Sixn asana, samantalang si Kristal at Milet ay Grade two na sana. Ewan ko ba kung bakit hindi kami makapag-aral gayong mahihirap din naming tulad naming ang mga nag-aaral doon. A, siguro nga’y mas mahihirap kami!

- Si Openg na ang titser natin.

- E, sino pa?

Okay na rin, total pangarap ko rin naming maging titser. Kaya lang, ayaw ni Tatay. Dinig na dinig ko pa nga ang usapan nila ni Nanay isang gabi.

- Sayang naman, Castrol, kung matitigil si Openg. Gusto pa naman daw n’yang maging titser.

- Ku… ano bang titser-titser, kapurol-purol ng utak niyan! Paturuan mong maggupit at magkulot do’n sa parlor, total babakla-baka, e! Buti pa ‘yon, arawan ang kita.

Inis na inis ako no’n kay Tatay. Kontrabida talaga! Aba’y hindi ‘ata mapurol ang utak ko.

- O sige, tayong mga pulis ni Ser Openg.

- Hoy, Mam Openg! Hahaha…

Batukan ko nga si Noknok. Mapang-asar kasi. Titser (daw) ‘ata ‘ko. Di tuloy siya makaganti.

- O sige, sagutin n’yo ‘to. Sino ang ilaw ng tahanan?

- E di… bumbilya! Hahaha…

Mahilig talagang magpakwela si Noknok. Kaya naman inis sa kanya ang titiser n’ya. Busero na, pilosopo pa.

- Tanga! Ang ina ang ilaw ng tahanan. Ngayon, sino naman ang haligi ng tahanan?
Si Noknok uli.

- Ama?

- Tama!

Pero hindi makapaniwala si Noknok. Naalala ko, ‘yun nga palang pulis n’yang tatay ay may kinakasama na raw sa Pasay na mas bata at mas maganda kaysa nanay n’ya. Usap-usapan nga minsan sa looban na Japayuki raw ‘yung bagong asawa ng tatay ni Noknok at sila ng nanay n’ya ay kinalimutan na raw. Sabagay, haligi nga nama’y suporta, pundasyon. Paano nga naman maniniwala si Noknok na ang ama ang haligi ng tahanan kung ang tatay n’ya mismo ay di sila sinusuportahan. At si Milet, nasaan na nga pala ang tatay n’ya? Aba’y maging ang mga tsismoso sa looba’y nagsagawa na rin sa panghuhula!
Pero ewan ko, minsan naiinggit ako kina Noknok at Milet. Minsan kasi, naiisip ko, sana mawala na rin ang tatay ko.

Isang hapo’y sinadya ko si Nanay sa palengke. Mahalaga ang aking pakay. Maselan ang aking sasabihin. Sa gitna ng pag-alis-pagparito ng mga mamimili ay paputul-putol kong naisalaysay kay Nana yang sinabi sa ‘kin ni Kristal.

- Kuya, kanina naglaro uli kami ng bahay-bahayan ni Tatay.
Gitla si Nanay at di-makapaniwala.

- S’ya raw ang Tatay at ako ang Nanay. Tapos… hinubaran n’ya ‘ko ng damit…

Ako ma’y di-makapaniwala nang ikwento sa ‘kin ‘yon ni Kristal.

- Tapos… tapos… naghubad din s’ya.

Matatalim ang titig sa ‘kin ni Nanay… mapang-usig.

- ‘Wag kang magbibiro ng ganyan, Openg!

Hind maaaring magsinungaling si kristal. Hindi s’ya maaarin magsinungaling sa ‘kin.

- Sabi n’ya ‘wag ko raw sasabihin kay Nanay. Bukas pa nga raw malalaro ‘uli kami. Tapos, kuya, binigyan n’ya ng limampiso… eto o.
Ilang sandaling natigilan si Nanay. Sa pakiwari ko’y naghahagilap siya ng sasabihin. Ngunit kitang-kita ko ang panginginig ng kanyang mga kamay at ang pangangatal ng kanyang panga.

- Ale, bili ba ho kayo…

Garalgal ang lumabas na tinig sa bibig ni Nanay.

- Ku…. Nagpapaniwala ka sa batang ‘yon! Gawa-gawa n’ya lamang ‘yon!
Sana nga…

- Ale, bili na kayo…
Sana…

Maagang naubos ang mga paninda ni Nanay kayat niyaya n’ya ‘kong sumabay sa kanya sa pag-uwi. Bitbit ko ang bayong na lama’y mga kagamitan sa pagtitinda samantalang sakbit ni Nana yang palumpon ng mga barya’t perang papel na pinagbilihan. Magkasabay naming tinatahak ang landas patungo sa looban.

Sa daan, walang-imik si Nanay. Sa pakiwari ko’y binabagabag s’ya ng kwento sa ‘kin ni Kristal. Pilit kong iwinawaksi ang pangyayaring ‘yon sa ‘king isipan ngunit madalas pa rin akong natutuliro at natutulala sa pag-aalala. Ilang araw pinag-isipan at pinagdalawahang isip kung dapat ko ngang sabihn. ‘yon kay Nanay. At ngayo’y ewa ko kung tama ang naging desisyon ko.
Ilang sandali lamang ay nasa harap na kami ng aming barung-barong. Marahang binuksan ni Nanay ang pintong hindi natatrangkahan. At… at… at kapwa kami nagitla ni Nanay sa aming nakita… si Tatay, halos hubo’t hubad na nakakubabaw kay Kristal at sapu-sapo ang bibig ng kaawa-awa kong kapatid na walang-muwang sa pang-aabuso sa kanyang kahinaa’t
kawalang-muwang. Napabalikwas si Tatay. Hindi pa man siya lubusang nakababangon ay nasugod na siya ni Nanay.

- Walanghiya ka, Castrol! Walanghiya!

Pinagbubugbog ni Nanay ang dibdib at mukha ni Tatay. Ang mga mata ni Nanay ay nag-aapoy sag alit. Dama ko ang nagpupuyos na suklam, muhi at poot sa kanyang dibdib.

Hinawi s’ya ni Tatay, hinablot sa buhok at sinuntok, tinadyakan, tinulak. Bumalandra si Nanay sa lamesita. Nagkalampagan ang mga latang plato. Nabasag ang mga basong dati’y sisidlan ng kape. Kitang-kita ko nang umagos ang dugo mula sa mga labi Nanay. Kitang-kita ko…

Nandilim ang aking paningin. Dali-dali kong kinapa ang laman ng bitbit kong bayong. Sumakamay ko ang kutsilyong gamit ni nanay sa palengke. Nagsusuot ng pantaloon si Tatay nang s’yay aking sugurin. Ubod-lakas ko s’yang inundayan sa kanyang likuran.

Napaharap s’ya sa ‘kin, napahinuhod. Nanlaki ang kanyang mga pulang mata. Parang
biglang nawala ang kanyang kalasingan. Sa kanyang bibig ay may tumakas na ilang utal na salita.

- O… O… Openg… hu… hu… wag…

Ngunit sa kanyang mukha’y nakita ko ang larawan ng tatay ni Noknok, ‘yung pulis na umiwan sa kanilang mag-ina.

Muli kong inundayan s’ya ng saksak sa dibdib…

-Para kay Noknok!

Naalala ko ‘yung anak ni konsehal, ‘yung umabandona kina Aling Beth at Milet.

Isa pa, sa tiyan…

-Para kay Milet!

Nakita ko si Nanay… gitla at tulala. Naalala ko ‘yung pagpapakahirap n’ya sa pagtatrabaho habang si Tatay ay nagpapalaki ng ano sa kahihilata sa bahay. Naalala ko ‘yung bugbug n’yang iniluluha n’ya na lang at madalas ay pilit n’yang itinatago sa ‘min.

Isa pa sa tagiliran…

-Para kay Nanay!

Naalala ko ‘yung pag-aaral ko ng nahinto, ‘yung panlalait sa kabaklaan ko, ‘yung maraming batok at tadyak at ‘yung bawat pasa sa katawan ko na oo nga’t naghilom ay nag-iiwan naman ng latay sa puso ko’t isipan.

Isa pa, sa balakang….

- Para sa ‘kin!

Tiningnan ko si Kristal… duguan ang binti at hindi magkamayaw sa kangangawa sa harap ng nasasaksihang karahasan. Naalala ko ‘yung kamusmusan n’yang inagaw ni Tatay, ‘yung kahinaan niyang sinamantala ni Tatay, ‘yung kalinisan niyang dinungisan ni Tatay at ‘yung pagkababae niyang niluray ni Tatay.

Isa pa, sa ano…

-Para kay Kristal!

Nanaginip ‘uli ako.
Nakaharap sa pader sa dulo ng pasilyo si Kristal, nakahilig ang kanyang noo sa braso.

- Pagbilang ko ng sampu nakatago na kayo!

Isa… Dalawa… Tatlo…

Nakita ko ang silid sa kaliwa’t kanan ng pasilyo: Doon sa isa sa mga iyo’y madalas kaming maglaro ng aral-aralan nina Noknok, Milet at Kristal. Sa kabilang dulo ng pasilyo’y naroroon pa rin ang banyong madalas dating pambosohan ni Noknok.

-Apat… Lima… Anim…

Mula sa butas ng banyong iyo’y kita-kita k si Kristal. Wala pa ang sampu’y lilinga-linga na s’ya.

- Pito… Walao… Siyam…

Sinilip niya ang unang silid.

- Sampu!!!

Ginalugad niya ng tingin ang mga lumang mesa’t mga iika-ikang silyang naroroon. Napalipat-lipat ng silid si Kristal… palinga-palinga… naghahanap… upang pagdating sa huli’y maluha-luha s’yang iiling-iling, sabay bubunghalit at mag-aanyong kaawa-awa.

Sa gayong tagpo’y kaaawaan ko ang kanyang inosenteng mukha na lalong pinaamo ng nangingislap n’yang mga mata dahil sa mga namumuong mga luhang nagbabadyang pumatak.
Ngunit hindi pangalan ko ang tinatawag ni Krista. Hindi ako ang hinahanap n’ya…

- ‘Nay… ‘Nay… Nanay?

Marahan kong hinaplos ang buhok ni Kristal at maamong tinitigan ang kanyang maamo at kaawa-awang mukha.

- “Wag kang mag-alala Kristal, Bukas dadalawin natin sa presinto si Nanay…

-wakas-

ANG MGA LIRIKO NI GARY GRANADA BILANG REPLEKSYON NG PULITIKA, NASYONALISMO AT KALAGAYAN NG BANSA


ANG MGA LIRIKO NI GARY GRANADA BILANG REPLEKSYON NG PULITIKA, NASYONALISMO AT KALAGAYAN NG BANSA

 (bahagi ng pananaliksik ni Joel Costa Malabanan)
    
                
Binary contrast o dalawahang pagtutunggali ang ipinapakita ng liriko sa 
awiting “Bahay” at “Manggagawa” sa pagitan ng mga mahihirap at mayayaman. Sa awiting “Bahay” ay pinagkumpara ni Gary Granada ang labinlimang mag-anak na nagsisiksikan sa isang barung-barong na sira-sira at sa isang mansyon na halos walang nakatira. Binigyang diin niya sa awit na kahit ang Maylikha ay posibleng magtaka kapag nakita ang tirahan ng mga mahihirap nating kababayan na inilarawan bilang “pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato / hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito ay 
bahay?” Sa awiting “Manggagawa” naman ay binigyang diin ang pagiging manhid ng mga kapitalista sa karaingan ng mga manggagawa lalo pa sa usapin ng pagtataas ng kanilang suweldo. Matindi ang sumbat ng huling saknong ng awit na may sumusunod na linya: “Samantalang may isang panginoong may kapital/ ang nagdiwang at nagdaos ng hapunan 
at kabilang sa hapag ng panauhing pandangal / ang tanyag at ang banal sa ating lipunan/ halos ang bawat isa’y makapangyariha’t matagumpay/ dahilan sa isang taglay na katangian / ang matibay na loob na magsawang mabusog / habang may nangangatog sa hapdi ng tiyan.” 
 
Ganitong-ganito ang kalagayan sa pagitan ng mga manggagawang kontraktuwal sa ating lipunan at sa mga kapitalistang nagkakamal ng yaman mula sa lakas-
paggawa ng manggagawa. Kung mas marami sana ang gagamit ng kantang “Bahay” at “Manggagawa” sa mga guro ng paaralan ay mas mailalapit nila ang reyalidad sa kanilang mga estudyanteng ipinaghehele ng eskapismo mula sa pinagkakaabalahan nilang social 
network.
             
Ang awiting “Dam” naman ay naglalaman ng protesta sa mga development projects
 ng gobyerno na nagwawasak sa kapaligiran at sa pamumuhay ng mga
katutubo. 
 
Sa ngalan ng huwad na kaunlaran / Ang bayan ay sa utang nadiin / At ito na ang kabayaran /Ang kanunununuang lupain / Ang mga eksperto'y nagsasaya / At nagpupuri at sumasamba / Sa wangis ng diyus-diyosan nila / 

Ang dambuhalang dam. Taong 1989 nalikha ang awit na halaw sa pakikipaglaban ng mga katutubo sa Cordillera na tumutol sa pagtatayo ng Chico Dam. Noong Abril 24, 1980 ay nagbuwis ng buhay si Macliing Dulag, isang lider ng mga katutubong Kalinga na 
pinaslang ng mga militar dahil sa pagtutol nito sa Chico Dam na wawasak sa kalikasan at sa kanilang pamumuhay. Napigil ang pagtatayo ng dam at ang kamatayan ni Macliing Dulag ay naging simbolismo ng kabayanihan at ngayon ay ipinagdiriwang bilang “Araw ng Cordillera”. Ang kantang “Dam” ni Gary Granada ay hindi lamang awit na nagpapakita ng pagmamahal sa bayan kundi awit rin na nagpapakita ng pagmamahal sa kalikasan. Hanggang ngayon, ang mensahe ng awit ay patuloy pa ring nanunumbat habang walang pakundangan rin ang pagwasak sa kapaligiran kapalit ng kaunlaran. 
                
Maiuugnay naman sa kalagayan ng mga manggagawa ang nilalaman ng kantang 
“Hatinggabi sa Picket line” na literal na tumatalakay sa mga manggagawang nagwewelga. Nagpapakita ng realismo ang refrain ng awit na may linyang “Hangga’t manggagawa’y 
nakagapos / ang welga’y hindi matatapos/ hangga’t naghahari ang pera’t baril / ng mga uring naniniil” at nagpaaalala sa pinaslang na labor leader ng Nestle na si Diosdado Fortuna noong Setyembre 22, 2005 at sa pakikibaka ng mga manggagawa ng Philippine Airlines noong Setyembre 30, 2011. Ang mga ganitong tema ng awit ay mainam na gamitin upang mamulat ang mga estudyante hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa sa 
Pilipinas at hindi nalalayo sa mga akdang pampanitikan na matatagpuan sa mga
panghayskul na aklat sa Filipino tulad ng kuwentong “Aklasan” ni Brigido Batungbakal, “Ang Dyanitor” ni Aurelia Vicente at “Gutom” ni Clodualdo del Mundo. Ang mga kuwentong ito, tulad ng mga awit ni Gary Granada ay repleksyong ng kalagayan ng mga mahihirap nating kababayan sa lipunan na dapat magkaroon ng puwang sa mga talakayan 
sa klase sa hayskul man o sa kolehiyo.
             
Ang mga awiting “EDSA” at “Kanser” ay kapwa inilabas ni Gary Granada noong 
1989 at kasama sa album na “Ugat: Pagsamba at Pakikibaka Vol. 2” na isa sa 
pinakamatapang na album na kanyang inilabas. Ang liriko ng “EDSA” ay pagtuligsa sa kawalan ng pagbabago pagkatapos na mapatalsik si Marcos at mailuklok sa puwesto si Pangulong Cory Aquino.
  
Ayon sa awit, “Ang EDSA’y tulad ng paglaya natin sa mga Kastila/ sa halagang dalawampung milyong dolyar/ sa anyo ng demokrasya ay angkop at kasyang-kasya/ ang base militar at sandatang nukleyar.” Malinaw na ginamit ni Gary Granada ang kasaysayan para maikumpara sa Treaty of Paris noong 1898 ang EDSA Revolution noong 1986 na ayon sa awit ay simbolismo ng huwad na kalayaan. Sa panitikan, ganito rin ang tema ng kuwentong “Ugat” ni Genoveva Edroza Matute kung saan ang pangunahing karakter na si Lolo Tasio ay nais nang umalis ng Pilipinas nang mapagtanto 
niya na wala namang naganap na pagbabago sa kalagayan ng bansa pagkatapos ng EDSA Revolution. Samantala, ang kantang “Kanser” naman ay tumatalakay sa sakit ng lipunan partikular sa pagsasamantala ng mga mayayaman sa mahihirap na ang salosyon ay “totoong rebolusyon”. Lumilitaw na ang awit ay bahagi rin ng pagtuligsa sa huwad na kalayaang natamo ng sambayanan matapos na mapatalsik ang diktaturya ni Marcos.
             
Ang awiting “Pablong Propitaryo” ay sinulat ng Palanca awardee na si Tom Agulto ngunit nilapatan ng musika at inawit ni Gary Granada. Tinalakay sa awit ang abusadong panginoong maylupa, pulitiko at propitaryo na si Pablo. Kagaya sa Kabanata IV ng “El Filibusterismo” kung saan pinaslang ang paring si Padre Clemente na kumamkam ng lupa ni Kabesang Tales, binaril rin at napatay ang mapagsamantalang si Pablong Propitaryo:  “Tingga ay naglagos sa dibdib, sa utak/ sinong walang puso kaya ang umutas?” Ang ganitong eksena ay nagtataglay ng element ng Marxismo kung saan ang dahas ang tanging solusyon upang wakasan ang pagsasamantala. Ganito ring solusyon ang ginamit ni Efren 
Abueg sa kanyang kuwentong “Ang Kamatayan ni Tiyo Samuel” kung saan ang balisong ni Felipe ang kumitil sa mapagsamantalang si Tiyo Samuel. Sa konteksto ng lipunang Pilipino, nananatiling pinakamatandang kilusan sa Asya ang armadong pakikibaka ng New 
Peoples Army sapagkat tanging dahas lang ang pinaniniwalaang nalalabing paraan sa mga magsasaka at mahihirap nating kababayan na kasapi nito. 
               
Satiriko naman ang kantang “O Kay Sarap” at “Holdap” na parehong tumatalakay 
sa kalagayan ng pamahaalaan. “Hindi tumatanggap ng lagay ang mga pulis/ Ang record ng ating militar, kay linis-linis/ kay bilis pa ng serbisyo ng pamahalaan/ walang under the table dito sa ating bayan” , ang tila nakalolokong paglalarawan sa Pilipinas.
  
Ito ay kabaligtaran ng kalagayan ng bansa at isa lamang ilusyon lalo pa at patuloy ang katiwalian sa PNP at ang mga militar ang inaakusang nasa likod ng pagdukot sa aktibistang sina Jonas Burgos, Karen Empeno at Shirlyn Cadapan. Laganap pa rin ang sistemang lagay na siyang 
isa sa pangunahing ugat ng korapsyon. Ang liriko naman ng kantang “Holdap” ay may linyang “Nanakawan na at naholdap si Juan/ ngunit ang nagnakaw pa nasa pamahalaan” na patama ni Gary Granada sa mga pulitikong nasangkot sa katiwalian subalit patuloy na nagwawagi sa eleksyon. Ang ganitong mga tema ng awit, kung palaging maririnig ng mga ordinaryong tao ay magtutulak sa kanilang mag-isip at maging mapanuri sa nagaganap sa 
lipunan. Sa paaralan naman, ang pagsusuri sa liriko ng mga awit na tulad ng “Holdap” at “O Kay Sarap” ng mga estudyante ay magpapatalas sa kanilang pag-iisip at magpapahusay ng kakayahan nilang mangatwiran sa pagpapaliwanag ng mensahe. Higit sa lahat, makatutulong ang mga ganitong awit upang mamulat ang mga kabataan sa mga isyung panlipunan na tuwiran at hindi tuwirang nakaaapekto sa kanilang pamumuhay.
           
Kung ang islogan ng gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo ay ‘strong republic” at 
kung ang kay Pangulong Benigno Aquino III naman ay “daang matuwid”, ginamit rin ni Gary Granada ang musika upang batikusin ang islogan ni dating pangulong Fidel Valdez Ramos na Philippines 2000 sa awit na gayon din ang pamagat. Sa liriko ng kantang “Philippines 2000” ay inilahad ni Gary Granada ang linyang “Gutom ay huwag intindihn/ sakit ay huwag indahin/ manalig ka sa gobyerno/ brown-out, demolition, basura at inflation/ tiyaga at konti pang sakripisyo/ magtiis sa sahod, ilang taon na lang/ eto na ang 
NIChood, isang igkas na lang/ welcome to the future: Philippines 2000!”
 Future ang salitang ginamit sapagkat 1996 nang isulat ang awit subalit natapos ang termino ni FVR ngunit nanatiling pangako ang kanyang islogan. Walang ipinagkaiba ang islogan ni GMA na “strong republic” sa islogan ni FVR na magiging “newly industrialized country” na ang 
Pilipinas pagkatapos ng taong 2000.
  
Dahil dito, magagamit rin ang kantang “Philippines 2000” upang suriin naman ang katotohanan o kasinungalingan sa pangakong “tuwid na daan” ng kasalukuyang pamahalaan.
  
                
Ang awiting “Values Education” ang pinakamatapang na awit na nilikha ni Gary
Granada bilang protesta sa dayaan sa halalan noong taong 2004.
  
Sa genre na reggae at kasama ang tinig nina Noel Cabangon, Cooky Chua at Popong Landero, masarap pakinggan ang awit at may liriko na “ Huwad na eleksyon kick-back at kumisyon/ Suhol, lagay, Graft and corruption/ Ano ang solusyon , ang sabi ng leksyon/ Ika’y ay values education huwag kang mandadaya/
  
Huwag kang magsinungaling, ang mga panata/ At pangako’y tuparin/ Huwag kang manggugulang/ Huwag kang magsasamantala/ Huwag kang manlalamang ng iyong kapwa/ Gloria Huwag kang manggu-Gloria!”. Ginamit ng 
awit na metonomiya ang pangalang “Gloria” bilang katumbas ng pandaraya at siyempre, hindi pinatugtog sa mga radyo ang awit kundi sa mga kilos-protesta laban sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Ang huling bahagi ng awit ay nagbibigay ng payo sa mga nakikinig na matuto sa kasaysayan ng ating bayan sa pamamagitan ng lirikong “Ang pahalagahan/ Kailangan ng bayan/ Bahay, pagkain, kalusugan/ Makapag-aral,
trabahong marangal/ Hustisya at kapayapaan / Ngunit inuuna ng gobyerno ang utang/ Pinatitindi pa ang logging, mining, at digmaan/ Dahil di malaya sa dikta ng dayuhan/ Lalong lumalala ang kahirapan/ Gloria! Huwag kang manggu-Gloria/ Huwag kang mang-e-Erap, Ramos,
  
Cory Marcos, Gloria, Huwag kang manggu-Gloria!”. Batay sa awit, walang ipinagkaiba ang gobyerno ni GMA sa mga nakaraang adiministrasyon sapagkat hindi nito natugunan ang mga pangunahing serbisyong kailangan ng bayan at sa halip ay inuna pa ang pagbabayad ng utang sa IMF-WB at ang paglalala ng problema sa logging, mining at digmaan na nagaganap pa rin sa kasalukuyan. 
 
          
        Bago pa nilikha ni Gary Granada ang kantang “Values Education” ay may 
nauna na siyang awit na nilikha noong 2001 na ang pamagat ay “Mga Kanta ni Goryo” at kinatatampukan ng mga tono ng mga pangunahing traditional songs sa Pilipinas gaya ng “Atin Cu Pung Singsing,” “Pamulinawen,” “Sarung Banggi” at marami pang iba. Ang nakatutuwa sa liriko ng awit ay ang paglalahad ni Gary Granada ng mga pangunahing isyung panlipunan sa paraang nakatatawa (novelty) at nakaaaliw.
  
Ang mga tinuligsa sa awit ay ang “bangkang papel” ni GMA, money laundering ni Ping Lacson, ang mga 
nawawalang load sa kompanyang Smart, Globe at Sun, ang sabwatan ng mga militar at Abu Sayaff at ang mga pangakong hindi natutupad sa pamahalaan ni GMA matapos na 
patalsikin sa pagkapangulo si Joseph Estrada noong taong 2001. Narito ang bahagi ng liriko ng awit sa tono ng kantang “Bakya Mo Neneng”: “ SONA ni Gloria bongga at madrama/Ngunit may bakas pa ng mga dating SONA/ Parang kamukhang  SONA ni Cory/At SONA ni Ramos at SONA ni Estrada/ Ang ganda-ganda Ng SONA ni Gloria/ Ng SONA ni Cory at ni Ramos at Estrada/ Di naman kaya ang SONA ni Gloria/ Ay kanyang kinopya sa SONA ng tatay niya!”. Ibig 
sabihin, iba’t iba man ang naging pangulo ng bansa magmula 1986 hanggang 2001 ay wala namang nagbago sa kalagayan ng bansa. “Paulit-ulit ang kwento/ Papalit-palit ng tao/ Pare-parehong gobyerno / 
Mamamaya’y ginagantso/ Manggagawa’t magbubukid/ Kinakapos, nagigipit/ Kinikita nila ay kay liit-liit/ Samantalang si gobernor/Si congressman at senador/ Yumayaman by serving the poor!” ang dagdag pa ng awit nagpapakitang wala naman talagang naging pagbabago sa bansa kahit pa dalawang beses na naganap ang EDSA Revolution. Nagbago lamang ang mga pangalan ng mga pinuno subalit nanatiling baon sa kahirapan ang sambayanang Pilipino. 
          
Hindi rin nalalayo ang isinasaad ng kantang “Dahil sa Hirap ng Buhay” na naglalahad naman ng mga suliranin ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na napipilitang umalis ng bansa upang bigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya subalit kung minsan ay napapahamak lamang tulad ng sinapit ni Flor Contemplacion noong Marso 
17, 1995 na nabitay sa Singapore. Malungkot ang katotohanang sinabi ng 
liriko ng awit: “Habang karamihan ay aba/ ang mayama’y yumayaman pa/ Dahil sa hirap ng buhay”.
        
Subalit hindi naman lahat ng nalikhang kanta ni Gary Granada ay nagpapakita ng pagtuligsa sa pamahalaan. Ang kantang “Sinisintang Bayan” na inawit ni Bayang Barrios at ang “Tagumpay Nating Lahat” na pinasikat ni Lea Salonga ay nagpapakita ng nasyonalismo at pagbibigay puri sa lahing Pilipino. 
“Taglay ko ang hiwaga ng Silangan /At saan mang bayan o lungsod/ Maging Timog, Hilaga at Kanluran/ Ang Pilipino ay namumukod/ Sama-sama nating abutin / Pinakamatayog na bituin / At ang aking tagumpay / Tagumpay ng aking lahi / Tagumpay ng aking lipi / Ang tanging minimithi at hinahangad / Hangad ko'y tagumpay nating lahat!”  ang positibong mensahe ng kantang “Tagumpay Nating Lahat”. Hango naman sa Cebuanong awit na “Buhi sa Kanunay” ang melodiya ng “Sinisintang Bayan” na nagsisilbing panawagan sa mga Pilipino: “
Sa lupang sagana/ Aba ang karamihan/ 
Kung kaya kasama/ Ng buong sambayanan/ Sa digmang payapa/At digmang digmaan/Ilulunsad, iluluwal/ Ang maunlad na bayang may dangal. Nasa 
pagkilos ng sambayanan ang paglikha ng isang lipunang maunlad at marangal. Ang ganitong mga liriko ay hindi matatagpuan sa alinmang komposisyon ni Ryan Cayabyab, Rey Valera at kahit ng mga iniidolong tulad nina Ely Buendia, Bamboo o Rico Blanco. Pinatatag nito ang 
posisyon ng mananaliksik na talagang dapat pag-aralan ang mga awit ni Gary Granada bilang yaman ng ating panitikan, musika at kultura. Kahit si Freddie Aguilar na nakilala sa kantang “Anak” , “Ipaglalaban Ko”, “Bayan Ko” at maging si “Florante de Leon” na lumikha ng mga awit gaya ng “Ako’y Pinoy”, “Handog” at “Upuan” ay kukulangin kapag ikinumpara ang kanilang mga nalikhang kanta sa lawak at dami ng mga awiting makabayan 
na nalikha ni Gary Granada.


"Ang Mundo Sa Paningin Ng Isang…"

 "Ang Mundo Sa Paningin Ng Isang…"

March 23, 2008 by plumaatpapel ni Rogelio L. Ordonez

(Maikling kuwento — iniantolohiya sa SUBVERSO ng Alliance of Concerned Teachers o ACT)


KAGABI, matapos ang halos kalahating araw na pakikipagpulong, pakikipagtawaran at pakikipagsigawan sa mga opisyales ng unyon sa pabrikang iyon ng tabakong pag-aari ng pamilya Riego de Dios, nagmumurang umuwi ang kanyang amo, hindi nagdaan sa paborito nitong mamahaling otel sa tabing dagat ni sa pangmayamang kapihan sa Malate upang maghanap ng babaing makakapiling nito sa loob ng ilang oras o sa buong magdamag. Kahit sitenta anyos na, binata pa rin ito, malakas pa rin at matikas ngunit waring takot mag-asawa, kaya parang nasisiyahan na at hindi nagsasawa sa saglit na pakikipagrelasyon sa kung sinu-sinong babae na, kalimitan, pinakamatagal na ang isang linggong pakikipagkalantarian.


Ikinatuwa niya ang pag-uwi agad nito sapagkat tiyak niyang hindi siya pipiliting magtrabaho, di gaya kung nagbubumabad ito hanggang madaling-araw sa mga lugar na palipasan ng oras at aliw at pasyalan ng mga babaing mababango, makikinis, husto sa tindig at sukat, at waring mahihiyang lapitan ni kausapin ng karaniwang mga lalaki lamang na kukulu-kulo ang tiyan at walang maipagyayabang na kayamanan at kapangyarihan. Kung maaari nga lamang, ayaw na niyang paglingkuran ang kanyang amo sapagkat mahaba-haba na ring panahon ang kanyang ipinagtrabaho anumang oras nitong magustuhan, araw man o gabi, katanghalian man o madaling-araw, o kahit dapat na muna siyang magpahinga para manumbalik ang sigla niya’t lakas na matagal nang hinuhuthot at kinakatas.


Pagpasok na pagpasok ng kanyang amo sa maluwang, alpomprado at naiilawan ng aranyang mula pa sa Paris na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park, agad nitong tinawag ang pandak, mataba at kikimbul-kimbol na katulong na si Bebang na dose anyos pa lamang yata nang magsimulang maglingkod sa mga Riego de Dios nang ang amo niyang si Miguelito — kilala ngayon sa daigdig ng negosyo bilang Don Miguel na — ay kinse anyos naman. Nagpakuha ito ng isang kopita, malamig na tubig at isang boteng Dom Perignon, tatlong ulit na mabilis na lumagok, at biglang nagtungayaw nang mabungaran sa napakalaking telebisyon ang panggabing balita tungkol sa naganap na demonstrasyon sa Mendiola ng libu-libong mga manggagawang idinadaing ang kahirapan ng buhay at miserable nilang kalagayan kaya humihingi ng dagdag na sahod na P125 bawat araw.


“Punyeta! Mga b’wisit!” Umalingawngaw ang mataginting na tinig ni Don Miguel sa kabuuan ng salas, naglagos hanggang sa kusina, kaya nagmamadaling bumalik ang katulong na si Bebang, nilalamulamukot ang puting uniporme sa bandang tiyan at waring bariles na mabubuwal.


“Bakit po?”


“Tonta! Di kita tinatawag,” halos sairin nito ang lamang alak ng kopita. “Ano pa ang gusto nila? Mabuti nga, may trabaho pa sila.”


“Sino pong sila?” parang naguguluhang tanong ng namumutlang si Bebang.


“Letse… di kita kinakausap.” Muli nitong sinalinan ng Dom Perignon ang kopita at parang walang anumang tinungga.


Napangalahati ng kanyang amo ang lamang alak ng bote, at bigla siyang kinabahan nang magtungo ito sa banyo, matagal na naligo, nagsabon nang husto at, pagkatapos, kinuha ang paboritong pabangong Bulgari, winisikan ang leeg, maging ang dibdib at umuusling tiyan. Naisip niyang baka siya piliting magtrabaho, gaya noong di na mabilang na araw at gabi na para siyang minerong paulit-ulit na palulusungin at paaahunin sa makipot, madilim, malalim at maalingasaw na lugar na iyon na ikinaiigting ng mga ugat ng kanyang leeg, ikinapupula ng kanyang ulo sa galit, ikinababaligtad ng kanyang sikmura hanggang sa tuluyan siyang masuka at manlupaypay sa sobrang hirap ngunit, sa kabilang banda, para namang nasa glorya si Don Miguel at siyang-siya sa ipinagawa sa kanya.


Kailan nga ba nagsimula ang kanyang kalbaryo?


Malabo at pira-piraso na ang mga gunita noong anim na taon pa lamang ang edad ni Miguelito – ngayon nga’y si Don Miguel na – ngunit malinaw niyang natatandaan ang kasaysayan ng pamilya Riego de Dios sapagkat, matapos ang marangyang hapunan habang tumutugtog sa ponograpo ang maindayog na mga awiting Kastila, nakaugalian na nilang pag-usapan ang pinagmulan ng semilya ng pamilya sa beranda ng lumang mansiyong iyon sa kalye Arlegui sa Quiapo, at waring hindi iyon pinagsasawaang sariwain noon upang ipagmalaki marahil na hindi sila karaniwang Indio lamang kundi dumadaloy sa kanilang mga ugat at puklo ang dugo ng isang taal na peninsulares.


Bantog na bantog noon diumano ang ama ni Miguelito – si Don Segismundo Manuel Riego de Dios y Echevarria – sa mataas na lipunan ng Andalucia, hindi dahil sa kagandahang lalaki sapagkat sa edad pa lamang na tatlumpong taon, bahagya na itong nakakalbo, medyo usli na ang tiyan, muntik nang matawag na pandak batay sa karaniwang taas, at bilugang parang buwan ang malamang mukha ngunit, sa kabilang banda, hinabul-habol ito at inambisyong maangkin ng naggagandahang mga senyorita dahil sa pinakaimportanteng katangian – ang labis na kayamanan.


Bago pinakasalan ni Don Segismundo ang pinakamagandang senyorita sa Andalucia – si Donya Flordeliza Luz Montealegre y Mercader na kamukhang-kamukha diumano ng inimbentong larawan ni Birheng Maria at may katawang mala-Venus de Milo – naging kaibigan pa nitong matalik ang bantog na manunulat na Amerikanong si Ernest Hemingway at nakahumalingan nilang manood ng mga corrida de toros, humanga nang husto sa mga matador, lalo na kay Antonio Ordonez na naging paborito rin ng mga artistang sina Orson Welles at Rita Hayworth, at nagsusumigaw sila at masigabong pumapalakpak kapag nalulugmok na ang sumisingasing na toro dahil sa ulos ng matalim na espada. Nalahiran diumano ng ugali ni Hemingway si Don Segismundo, naging mainitin ang ulo, naging medyo barumbado, naging lasenggo at bohemyo.


Wala pa silang isang taong kasal ni Donya Flordeliza, isang matipuno, matikas, dalawampu’t pitong taon lamang ang edad at gupit-Alponsinong binatang Pranses ang malimit nilang bisita, nag-aalok kay Don Segismundo ng kung anu-anong negosyo, ginagabi sa pakikipagkuwentuhan sa mag-asawa kahit pilipit ang gramatika sa wikang Kastila ngunit sapat naman para maunawaan ng kausap hanggang, nang malaon, nagbubumabad ito doon lalo na kung wala si Don Segismundo at kasama ni Hemingway sa mga panggabing aliwan ng mga buhay bohemyo.


Nagulat na lamang ang alta sosyedad ng Andalucia nang isang umaga, parang apoy sa talahibang kumalat ang balitang nag-alsa balutan si Don Segismundo, iniwang humahagulhol ang magandang asawa na muntik nang mahulog sa marmol na hagdan nang ipagtulakan at tadyakan niya habang yumayakap sa kaliwa niyang hita at nagmamakaawa. Saglit na nanatili sa Andalucia si Don Segismundo matapos iwan ang asawa, nagpalikwad-likwad sa mga bahay-aliwan at mamahaling mga otel at, kalimitan, kasa-kasama at kainuman si Hemingway.


Hindi naglipat-buwan, isang prayleng matagal na namalagi at yumaman nang husto sa Pilipinas ang nagbalik sa Espanya, hindi sinasadyang nakausap si Don Segismundo, ipinagyabang kung paano niya naloko ang maraming Indio habang pinalalaganap ang Katolisismo at ang mga aral ni Kristo, lalo na ang linyang “mapapalad ang maralita at mapapasakanila ang kaharian ng langit” o “madali pa para sa isang kamelyong makapasok sa butas ng karayom kaysa sa isang mayaman sa pinto ng langit.” At, ilang araw mula noon, tuluyang iniwan ni Don Segismundo ang Andalucia at sumakay ng barkong papuntang Pilipinas.


Naging interesado si Don Segismundo sa industriya ng tabako sapagkat mahal na naibebenta sa Europa ang mga produkto nito, sigarilyo man o abano o maging maskada, at nang mabalitaan niyang sa Vigan at sa iba pang panig ng Ilokos ang malalawak na taniman, agad niyang pinuntahan ang kura paroko doon – si Padre Ramon Labrador, isa ring peninsulares na gaya niya ngunit hindi taga-Andalucia kundi mula sa Catalonia at kahit apat na taon pa lamang nanunungkulan sa Vigan, may daan-daan nang ektaryang lupain doon, may matatapat na katiwala at masisipag na magsasakang sanay na sanay magtanim ng tabako at mangalaga sa mga iyon laban sa mapaminsalang mga insekto, hanggang anihin at patuyuin ang mga dahon at iluwas sa Maynila.


“Bakit bibili ka pa ng lupa? Gamitin mo ang iyong pagka-Kastila,” nakangising sabi ni Padre Labrador nang nagpapahanap si Don Segismundo ng mga isandaang ektarya upang makapagsimula siya sa naturang industriya. “May isang dalagang India dito, debotong Katoliko, at kailan lamang, nakamana ng mga dalawang libong ektarya nang gilitin ni Kamatayan ang leeg ng kanyang ama. Pagkatapos ng agunyas, maaga tayong maghapunan. Papasyalan natin at ipakikilala kita. Alam kong gustung-gusto niyang makapag-asawa ng isang Kastila batay sa malimit niyang ikumpisal kapag mayroon siyang pinagnanasaan.” Tumaginting sa kumbento ang halakhak ng kura paroko.


Wala pang dalawang linggong nagpabalik-balik si Don Segismundo sa malaking bahay-Kastila ng pamilya Baterina sa Vigan at nang buwang ding iyon, kahit may iniwan siyang asawa sa Andalucia, magarbong ikinasal ni Padre Labrador si Don Segismundo kay Petra Baterina na beynte kuwatro anyos na noon, matingkad na kayumanggi gaya ng maraming Ilokana, mga limang piye at isang pulgada ang taas, medyo pango, matulis ang baba, at halatang tabain lalo na kapag nanganak na. Natural, si Don Segismundo na ang lubos na namahala sa dalawang libong ektaryang lupaing minana ni Petra, pinatamnan niya agad iyon ng tabakong mula pa diumano ang binhi sa Cuba hanggang makapagtayo sila ng pabrika sa Marquez de Comillas sa Maynila at mabili ang mansiyong iyon sa Arlegui na, noong 1935, sa kabila ng dalawampu’t isang taon nang pagsasama, at hindi na nga inaasahang magkaanak pa sa edad na kuwarenta’y singko na, biniyayaan sa wakas ng diumano’y mahabaging Diyos – at itinuring pa ngang milagro ng mga relihiyoso — si Donya Petra ng isang malusog na sanggol na mestiso na walang nakuha ni mata sa ina kundi sa lakas marahil ng dugong Kastila ni Don Segismundo, mahihirapang paniwalaang ang ina’y isang taal na Ilokana. Iyon nga si Miguelito, ngayo’y Don Miguel na kahalubilo ng mga Zobel de Ayala, ng mga Soriano y Cia, at kung sinu-sino pang kilala sa daigdig ng malalaking kapitalista.


Hindi na niya matandaan ngayon kung paano, mulang Andalucia, dalawang nakababatang kapatid na babae ni Don Segismundo ang biglang dumating sa mansiyon sa Arlegui, doon na nanirahan at naging katuwang sa pagpapatakbo ng negosyo ng pamilya Riego de Dios. Bago ibinalik ng Amerika noong Hulyo 4, 1946 ang inagaw nitong kasarinlan ng Pilipinas, magkasunod na namatay sina Don Segismundo at Donya Petra at naiwan sa kalinga ng dalawa niyang Espanyolang tiya ang labing-isang taong gulang pa lamang na si Miguelito, gayundin ang pagpapatakbo sa industriya ng tabako ng pamilya. Sa mga tiya nga ni Miguelito, pagkatapos ng marangyang hapunan, malimit niyang marinig ang paulit-ulit na ikinukuwento ng mga ito na kasaysayan ng semilya ng pamilya sa harap ng parang namamalikmatang si Miguelito at, sa kabilang banda, waring iniiwasan ng mga iyong banggitin man lamang ang pamilya Baterina.


Hindi na rin malinaw sa kanya nang umalis na sa mansiyon sa Arlegui ang dalawang tiya ni Miguelito nang ito na ang nagpapatakbo ng negosyo sa edad na beynte y kuwatro, kung nagsipag-asawa pa o nagpakatandang mga dalaga dahil isinusuka noon pa man ang mayayamang binatang Indio na hindi miminsang umaali-aligid sa mga ito. Hindi niya rin alam kung bumalik ang mga iyon sa Andalucia at doon na hinintay ang pagkaubos ng hininga sa piling ng mga kapwa peninsulares na mahilig magpasiklab sa alta sosyedad at waring ang dugong dumadaloy sa kanilang mga ugat, pusod at puklo ang siya lamang natatanging dugong bughaw sa daigdig ng diumano’y mga maharlika.


Kailan nga ba siya nagsimulang maglingkod kay Don Miguel?


MALIWANAG ang nakalilito niyang kabataan sa piling ni Miguelito, gayundin ang paulit-ulit at nakapanlulupaypay niyang pagtatrabaho nang magbinatilyo na ito hanggang sa kasariwaan ng sigla ng katawan at daluyong ng mainit na dugo sa singit at puson at, ngayon na lamang, dala na rin marahil ng edad at lumipas na sulak ng damdamin, malimit na siyang makapagpahinga at nagagawa na niyang tanggihan si Don Miguel kapag pinipilit siyang magtrabaho kapalit ng mga mura at insulto at, kahit sakalin pa siya nito, o ipasakal sa kasama nito, nagagawa niyang payapain ang sarili, iniwawaksi ang galit sapagkat, batay sa kanyang karanasan, tuwang-tuwa ang kanyang amo kapag siya’y galit na galit dahil agad na napagtatrabaho at napipilit pasukahin kahit namimilipit at mawalan ng ulirat sa hirap.


Ngayon niya lamang nauunawaan ang kanyang kalituhan sa panahon ng kamusmusan ni Miguelito. Noon, labis niyang ipinagtaka kung bakit kailangan pang hiwain ang kanyang balat malapit sa ulo para makapanungaw siya at makita ang munti niyang daigdig. Bumunghalit ng iyak si Miguelito nang hinihiwa siya, at tumahimik lamang nang bendahan na ang kanyang sugat. Ilang araw din siyang nakabenda noon pero, tuwing umaga, nilalanggas naman ang kanyang sugat, pinapalitan ng benda hanggang sa tuluyang mangati-ngati, matuyo at maghilom.


Nang magsimulang mag-aral si Miguelito sa elementarya ng Ateneo de Manila, malimit itong manghabol ng suntok o mambato kaya kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga – siya nga na hindi makahiwalay at kakambal na ng kanyang amo saanman ito magpunta. Hanggang maaari, pilit siyang itinatago ni Miguelito, ayaw ipakita kaninuman, at nasusulyapan niya lamang ang kanyang mga kauri sa loob ng mga kubeta sa Ateneo kapag halos sabay-sabay silang pinasusuka ng madilaw-dilaw na likido ng kani-kanilang amo.


Magaan lamang ang kanyang trabaho noon, iyon lamang, ang sumuka ng madilaw na tubig anumang oras magustuhan ni Miguelito ngunit, nang trese anyos na ang kanyang amo, labis niyang ikinagagalit kapag nilalaru-laro siya, hinihimas sa ulo, lalo na kapag lihim na binubuklat ni Miguelito sa loob ng nakapinid na kuwarto ang ilang de kulay na magasing itinatago nito sa ilalim ng kama. Sinasakal siya habang nilalaro nang husto, masidhing hinihilang pataas-pababa ang kanyang balat sa may leeg, hanggang maramdaman niya ang pagpupuyos ng damdamin at waring pagbaligtad ng kanyang sikmura, at bigla siyang masusuka, manlalambot na waring pagod na pagod kasabay ang impit ngunit nasisiyahang daing o halinghing ng kanyang amo.


Malimit nang gawin iyon ni Miguelito, dalawang beses, kung minsa’y tatlo sa isang araw, lalo na kapag binubuklat ang nakatagong magasin o sa mga pamamasyal, nakakakita ito ng makinis na binti’t lampas-tuhod na palda sa simbahan man kung Linggo o sa mga mamahaling restawrang paboritong kainan ng mayayaman kasama ang mga anak na dalagitang mababango’t makikinis, mahilig sa maarteng pagbungisngis, at sinasadya yatang ipakita ang maputing mga hita kapag napapansing pinagmamasdan sila ng mga binatilyong hindi mapakali sa upuan at nanlalaki ang mga mata sa katititig sa kanila. Kung noon, ikinagagalit ni Miguelito kapag tinutuksong malaki ang kanyang alaga, buong kayabangan namang ipinagmamalaki na siya nito sa mga kabarkada, sinasabing hindi siya basta-basta at tiyak na mananalo kung may paligsahan ng mga batuta.


Natiis pa niya ang gayong trabaho, ang laru-laruin at galitin siya, saka madaliang pasukahin ngunit, nang lubusang magbinata na si Miguelito at magbumabad sa mga panggabing aliwan, makisalamuha sa piging at handaan ng mga mayayaman at makahalubilo ang naggagandahang mga kababaihan, sumidhi ang daloy ng umaalimpuyo nitong dugo sa puson at, sa bawat gabi, isinasabak siya sa trabaho at, kalimitan, madaling-araw na kung siya man ay pinagpapahinga, lupaypay sa hirap at halos hindi na makagulapay at manunumbalik lamang ang kanyang lakas kapag naligo na ang kanyang amo at sabunin siya nang husto saka magana at saganang mag-aalmusal sa primera klaseng otel na naging lunduyan ng maligayang daing ng magdamag.


Ayos lamang naman sana sa kanya kung pinagtatrabaho man siya ng kanyang amo pero, nang malaon, tumimo sa kanyang kamalayan ang miserable niyang kalagayan. Anumang oras na gustuhin nito, katanghalian man, hatinggabi man o madaling-araw, puwede siyang piliting sagad-sarang magtrabaho hanggang manlupaypay siya sa hirap. Masakit nga na kahit dapat na oras na ng pagtulog at pamamahinga, bigla siyang patatayuin at hindi niya maiwasang labis na magalit at maghimagsik na halos ikabalatay ng mga litid niya sa leeg, ikapula ng kanyang ulo at ikapanigas ng kanyang kalamnan. Alam niya, batay sa nakasusuklam niyang mga karanasan, waring hindi pinagmamalasakitan ng kanyang amo ang kanyang kalusugan. Para siyang minerong lusong-ahon, dahan-dahan sa simula, ngunit aapurahin kung malaon, sa madilim, makipot, malalim at maalingasaw na butas na iyon. Patitigilin nga lamang siya ng kanyang amo kapag bumaligtad na ang kanyang sikmura at tuluyan siyang masuka’t hindi na makagulapay. At ano lamang ang kanyang pabuya? Ang paliguan at sabunin nang husto matapos ang walang habas na pagtatrabaho?


Sa kabilang banda, labis niya namang ikinatatakot kapag naligo nang husto ang kanyang amo kahit hindi pa siya nakapagtatrabaho, magwiwisik ito ng pabango, magsesepilyo’t magmumumog ng pampabango din ng hininga at sa dinami-dami ng mga damit na pamporma, nakakailang sukat-palit bago makapagpasiya kung ano ang tuluyang isusuot. Paulit-ulit na kakausapin siya, ipagdidiinang huwag siyang ipapahiya sa kanyang makakasama sa magdamag kaya kailangan niyang pagbutihin ang nakagawiang ipagawa sa kanya. Kapag gayon, natitiyak niya, matagal ang oras ng kanyang trabaho. Naroroong matagal na dila-dilaan ng kasama nito ang kanyang ulo at wala siyang magawa kundi magalit kahit pilitin niyang payapain ang damdamin. Naroroong sakal-sakalin siya hanggang sa halos hindi na siya makahinga hanggang tuluyan siyang itulak papasok sa entrada ng minahan, at magsisimula na nga ang waring walang katapusan niyang kalbaryo ng pag-aahon-lusong, ang pag-igting ng kanyang mga ugat, ang panginginig ng kanyang kalamnan at, sa wakas, ang pabugso niyang pagsuka na waring saglit niyang paglaya sa buhay-busabos sapagkat matagal-tagal siyang makapagpapahinga ngunit, kung minamalas, kahit kababalik lamang ng kanyang lakas, biglang-bigla siyang pababangunin ng kanyang amo upang piliting muli na namang magtrabaho.


Sa buong panahon ng kasiglahan ng kanyang amo hanggang unti-unti na itong nakakalbo, miminsan niyang inakala na pinagmamalasakitan din siya nito nang isang gabi, mula sa isang sikat na kapihan sa Malate, pinilit isama ni Don Miguel sa silid ng isang otel – katumbas marahil ng pabuyang kinse mil pesos – ang isang babaing mestisahin, makinis, balingkinitan, may naghuhumindig na dibdib, halatang wala pang dalawampung taong gulang at maituturing nang apo ng kanyang amo kung ito’y hindi natakot mag-asawa’t magpamilya. Kung udyok ng babae o hindi, noon lamang siya maingat na sinuotan ng kapote ng kanyang amo bago pinalusong at pinagtrabaho sa maalingasaw na minahan ngunit, matapos ang paulit-ulit, paulit-ulit na paglulusong-ahon, laking gulat naman niya nang sa mismong mukha niya naman sumambulat ang gustung-gustong ipasuka sa kanya ni Don Miguel. Nasabi niya tuloy sa sarili: mabuti pang hindi na siya sinuotan ng kapote.


MATAGAL na niyang pinaghihimagsikan ang gayong buhay, ang busabos niyang kalagayan sa mahabang panahon ng paglilingkod kay Don Miguel at nang magsimula itong tumuntong sa edad na sisenta y singko hanggang ngayong sitenta na, saka niya lamang unti-unting naipadama sa kanyang amo ang tahimik niyang pagpoprotesta. May mga sandaling kahit ano ang gawin ni Don Miguel – pahiran man siya sa ulo at katawan ng kung anu-anong krema, laruin man siya o ipalaro, padila-dilaan man ang kanyang ulo, sakal-sakalin at hilahin pataas-pababa ang balat sa leeg – nananatili siyang nakayuko lamang at hindi pinapansin ang anumang pagmumura ng kanyang amo. Ilang beses na nga niyang narinig na wala na siyang silbi, inutil, at bihirang-bihira nang mapakinabangan hanggang dumating ang puntong labis na siyang ikinahihiya ng kanyang amo sa mga pumapatol pa ring makaniig ito. Sa marami nang pagkakataong iyon, malakas na punyeta at punyeta ang laging lumalabas sa bibig ng kanyang amo habang pigil na humahagikhik ang kapiling nito. Gayunpaman, bihirang-bihira na, may pagkakataong saglit siyang nagagalit ngunit mabilis din naman siyang nanlalambot kahit kalulusong lamang at hindi pa sumusuka sa maalingasaw na butas na iyon na lalong ikinaiinis at ipinanggagalaiti ni Don Miguel.


Kahit hindi na niya magawa ngayon ang dating trabaho, hindi pa rin nagsasawa si Don Miguel sa pagpapalipas ng oras sa paborito nitong primera klaseng mga lugar aliwan kung saan walang itulak-kabigin sa mga babaing nag-aagawang maupo sa tabi nito. Waring nasisiyahan na lamang ngayon si Don Miguel sa pakikipag-usap at paghimas-himas sa mga iyon at, kung isama man sa kuwarto ng isang otel, milagro ng mga milagro kung mapilit siyang saglit na magtrabaho. Uuwi tuloy si Don Miguel na mainit ang ulo at, bago mananghalian, pupunta agad sa opisina nito sa pabrika ng tabako, gagala sa planta at bubulyawan ang sinumang trabahador na tatamad-tamad diumano at hindi ayos ang ginagawa.


“Kung tinatamad kayo, umuwi na kayo! Huwag na kayong babalik. Punyeta.” Malimit nitong isalubong sa mga trabahador, lalo na nga kung noong nagdaang gabi, hindi siya nito napilit magtrabaho at mapasuka.


Sa pabrikang iyon ng tabako ng mga Riego de Dios, si Don Miguel ang Diyos at may hawak ng buhay at kapalaran ng mga manggagawa doon. Noong una, kapag napag-initan ang sinumang trabahador, lalo na ang mga umaangal sa suweldong dapat matagal nang naumentuhan dahil lumolobo ang presyo ng mga bilihin at sobra-sobra naman sa kabilang banda ang tinutubo ng kompanya, agad iyong ipatatawag ni Don Miguel sa opisina, sisinghalin at papupuntahin sa kahera upang ipakuha ang huling suweldo at anumang karampot na benipisyo. Kahit lumuha at magmakaawa, sukdulang lumuhod man, sadyang matigas ang puso ni Don Miguel at hindi na mababago ang pasyang tanggalin sa trabaho ang manggagawang matagal na ring naglilingkod sa kanyang pabrika.


“Magreklamo ka sa Dole, punyeta!” pabulyaw pang sasabihin nito.


Laking gulat na lamang ni Don Miguel nang isang araw, ilang manggagawa ang pumasok sa opisina nito, may dalang sulat at ipinatatalastas sa kompanya na may unyon na ng mga manggagawa at, katunayan, may sertipiko na at nakarehistro na sa Kagawaran ng Paggawa. Nagmura man nang nagmura si Don Miguel, sa payo na rin ng abogado ng kompanya, napilitang kilalanin nito ang unyon, nakipagtalastasan nang malaon tungkol sa mga kahilingan, hanggang kangina ngang umaga, nagharap sa opisinang pangkomperensiya ang dalawang panig at, kahit halos maghapong nag-usap at nagpaliwanagan, lumilitaw na wala pa ring malinaw na napagkasunduan. Matigas ang mga opisyales ng unyon sa kanilang mga pahayag at kahilingan, lalo na nga ang tungkol sa umento sa sahod, bayad sa sobrang oras ng paggawa, libreng gamot at pagpapagamot, kaseguruhan sa trabaho, at iba pang itinadhana na ng batas ngunit matagal nang nilalabag ng kompanya. Sa takbo nga ng usapan kangina, lumilitaw na nagmamatigas si Don Miguel at binigyang-diin pa na utang na loob ng mga manggagawa na pinagtatrabaho pa nito ang mga iyon sa kompanya ng tabako ng mga Riego de Dios.


Tuwang-tuwa naman siya sa nangyari sapagkat, sa init ng ulo, dumeretsong umuwi ang kanyang amo at waring nakalimutan ang nakagawiang aliwan sa piling ng mababango, makikinis at malalambing na babaing halatang namumulupot kay Don Miguel hindi na dahil sa husay niyang magtrabaho kundi sa lalo nitong pagiging galante. Kinabahan nga lamang siya nang matapos lumaklak ito ng Dom Perignon, naligo ito nang husto at nagpabango pa ngunit, nang humilata na ito sa kama – napagod marahil ang isip sa mga problema ngayon sa kompanya – tiyak na tiyak niyang lubos siyang makapagpapahinga hanggang umaga, at hinding-hindi siya pipiliting galitin, ni ipagalit sa sinumang kapareha, upang pagtrabahuhin pa kahit paano, kahit mabilis siyang nanlalambot gayong saglit lamang ang kanyang paglusong at pag-ahon sa dinadalaw nitong minahan. Kalimitan nga – na labis na ipinagtutungayaw ni Don Miguel kasabay ng panlalait sa kanya – ni hindi na siya makapasok man lamang sa entrada ng minahan dahil agad siyang nalulugmok sa panlalambot. Naisip tuloy niyang matagal na ngang nahuthot at nakatas ang kanyang lakas sa ilang dekada na rin namang paspasang pagtatrabaho niya para masiyahan lamang ang kanyang amo sa matapat niyang paglilingkod.


MAAGANG nagising kinaumagahan si Don Miguel, humingi lamang ng isang basong sariwang gatas kay Bebang, saglit na namalagi sa banyo, ipinahanda ang kulay asul na terno at, pagkabihis, habang hinihintay ang itim na Mercedes Benz at tsuper na si Mang Benito, parang hindi ito mapakaling palakad-lakad sa kabuuan ng maluwang na salas ng mansiyong iyon sa Forbes Park. Malimit kumunot ang noo nito saka biglang sisigaw ng punyeta habang nakadukot ang kaliwang kamay sa bulsa ng pantalon. Akala niya tuloy siya na naman ang minumura nito tulad sa bawat pagkakataong hindi na niya ito mapaglingkuran nang lubusan buhat nang magka-edad. Ngayon, kung tutuusin, parang ang muli niyang pinagsisilbihan ay si Miguelito sa panahon ng kamusmusan nito at wala na siyang obligasyon kundi ang magbuga na lamang ng madilaw na tubig sa naghihintay na palikuran ng mga kauri niya ngunit hindi na sumisirit na gaya noon kundi, kalimitan, matamlay na matamlay sa paglabas at pagpatak.


Wala na nga ba siyang silbi? Iyon ang malimit niya ngayong marinig na paratang ni Don Miguel. Iyon ang hindi niya matanggap at ikinasasakit ng damdamin hanggang nagsusumigaw sa kanyang isipan ang paghihimagsik sapagkat, sa abot ng kanyang pang-unawa, ni hindi man lamang minamahalaga ngayon ni isinasaalang-alang ng kanyang amo ang matagal na niyang paglilingkod na nagdulot din naman ng ibayong kaligayahan at kaluwalhatian sa sulak ng dugo ng binatang si Miguelito at, gayundin, nang si Don Miguel na ito. Kasalanan ba niya kung hinuthot ng kanyang amo ang dati niyang sigla at lakas, kung halos hindi na siya pagpahingahin sa walang oras na pagtatrabaho? At ano ngayon ang gantimpala? Ang pagbuntunan ng sisi? Ang paratangang inutil? Gusto tuloy niyang sumigaw, manawagan sa mga kauri niya, upang labanan na ang kani-kanilang amo at putulin, sa wakas, ang tanikala ng matagal nang sa kanila’y pambubusabos ng uring kanilang kinagisnang paglingkuran. Hindi niya tuloy naiwasang itanong sa sarili kung bakit ngayon lamang siya namulat sa kahabaghabag niyang kalagayan. Bakit hindi noon pa nang malakas siya at masigla?


Kabubukas lamang ng maluwang na tarangkahan ng bakuran ng pabrika nang dumating si Don Miguel at nagmamadaling pumasok sa opisina. Ilang saglit lamang, nasa kani-kanilang puwesto na ang mga manggagawa, paanas na nag-uusap at ipinagtataka marahil kung bakit gayong kaaga ng kanilang amo dahil, kalimitan, halos alas onse na o makapananghalian bago ito sumulpot sa pabrika. Makaraan ang ilang minuto, nagmamadaling pumasok sa opisina nito ang abogado ng kompanya, may dala-dalang kung anu-anong papeles na pahapyaw lamang pinagtuunan ng pansin ni Don Miguel.


“Kausapin mo ngayon ang presidente ng unyon ng mga punyeta. Bilhin mo… suhulan mo para iurong ang mga reklamo sa Dole, “ utos ni Don Miguel sa abogado.


“Matigas po, talaga. Nagbanta na nga po silang magwewelga kapag di natin naibigay ang mga hinihingi nila.”


“Mga walang utang na loob, punyeta! Mag-isip ka ng paraan kung paano sila tatanggaling isa-isa… kahit sinong opisyal nila, lalo na iyong b’wisit na presidente. Tingnan mo rin sa mga trabahador ang p’wedeng palayasin na… iyong matatanda na at di na gaanong makapagtrabaho. Iyong mga inutil na.”


Naisip niya, siya yata ang pinariringgan ng kanyang amo, pero malinaw namang mga trabahador sa pabrika ang tinutukoy nito. Padaguk-dagok sa mesa si Don Miguel, at ilang beses na tumawag sa telepono; may narinig pa siyang tinawagang kung sinong heneral, sinabing baka magkawelga sa pabrika at kailangan nito ng ayuda ng mga pulis. Huli niyang narinig ang paulit-ulit nitong salamat, salamat, salamat. May tatawagan pa sana ito, ngunit waring nagdalawang-isip, kaya tuluyan nang ibinaba ang telepono at kumunut-kunot ang lumapad nang noo dahil sa bahagyang pagkakalbo.


Ilang ulit pang nakipagnegosasyon ang unyon, ngunit ang abogado lamang ng kompanya ang humaharap, at sinabi nitong nalulugi ang pabrika kaya imposibleng maipagkaloob ang hinihinging umento at benipisyo ng mga manggagawa. Idinagdag pa nitong mapipilitang magbawas ng mga empleyado ang kompanya para hindi magsara at malamang na pagretiruhin na ang lampas na ang edad sa sisenta.


“Nalulugi? Imposible!” alsa-boses na sabi ng presidente ng unyon. “Noong nagdaang taon, ang laki nga ng binayarang buwis ng kompanya. Ibig sabihi’y malaki ang tinubo. Mali ba ang rekord sa BIR, Attorney? O talagang s’wapang si Don Miguel?”


Saglit na hindi nakakibo ang abogado, saka banayad na sumagot.


“Ipinararating ko lamang sa inyo ang panig ng kompanya. Tingnan natin, baka magawaan pa natin ng paraan. Kakausapin ko nang husto si Don Miguel.”


Sa ilang araw na iyon, ikinatuwa niyang laging mainit ang ulo ng kanyang amo. Waring nakalimutan na nito ang nakaugaliang paghahanap ng kaparehang makakausap at mahihimas man lamang habang pinipilit siyang magalit upang mapagtrabaho kahit panandalian man lamang, kahit alam nitong agad siyang manlalambot at hindi na mapilit sumuka anuman ang gawin sa kanya ni Don Miguel, murahin man at insultuhin, o pagtawanan man ng kapareha nito. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, unti-unti na siyang nakalalaya sa matagal nang pagsasamantala sa kanyang lakas sa ilang dekada nang walang habas na pagtatrabaho, hinuthot iyon nang husto, lalo na nga noong kasiglahan ng kanyang amo at umaalimpuyong lagi ang dugo sa mga ugat hanggang puson. Noon, bihira nga siyang makapagpahinga, lupaypay na bago sabunin at paliguan, at tuluyang patulugin nang mahimbing habang naglalaro pa sa bilugang mukha ng kanyang amo ang ligaya’t kaluwalhatian. Gayunpaman, naisip niya, ano pa ang halaga ng kanyang paglaya kung ubos na ang kanyang lakas?


Isang umaga, wala pa si Don Miguel sa pabrika, biglang pumutok ang welga ng mga manggagawa doon, binarikadahan ang tarangkahan, ipinamukha sa mga nakasulat sa plakard at kartelon ang inhustisyang dinaranas ng mga manggagawa sa pabrika ng tabako ng pamilya Riego de Dios, ipinagdiinan ang pagiging tuso, ganid at makaharing pamamalakad ni Don Miguel, at magkakawit-bisig – lalaki man o babae – buong tatag nilang hinarang sa pagpasok ang ilang trak ng kompanya, gayundin ang mga kotse ng ilang opisyal nito. May mangilan-ngilan ding manggagawang hindi nakiisa sa welga, nagtangkang magsipasok, ngunit waring nangatakot at umatras nang makitang dudumugin sila ng mga welgista.


Pero bago magtanghalian, nagdatingan ang mga isandaang pulis, mga nakabatuta, armadong parang lalaban ng giyera, at agad na kinausap ng pinuno nito ang presidente ng nagwewelgang unyon, sinabihang ilegal iyon, kaya makabubuting itigil na ang piket, papasukin sa tarangkahan ang mga gustong pumasok dahil, kung hindi, mapipilitan silang buwagin iyon. Lalong nagkawit-bisig ang mga welgista, nagsigawang walang aalis at, biglang-bigla, dinaluhong ng mga pulis ang piketlayn, walang habas na binatuta ang mga welgista pati mga babae, at napilitang ipagtanggol ng mga nagwewelga ang kanilang hanay hanggang sa magkahambalusan, magpangbuno, magkabatuhan at, sa isang iglap, ilang sunud-sunod na putok ng baril ang nangibabaw sa kaguluhan.


Tatlo sa mga welgista, babae pa ang isa, ang duguang tumimbuwang. Ang iba’y nagpulasang umaagos ang dugo sa mukha dahil sa pumutok na ulo sa hambalos ng batuta, may mga nabalian ng braso, nagkapasa sa katawan, napilay at halos hindi na makalakad at, sapagkat walang kalaban-laban, walang nagawa kundi magmura at magtungayaw habang tumatakbo at napilitang iwan ang piketlayn. Ilan pa sa kanila ang puwersahang dinampot ng mga pulis at isinakay sa mobile car.


“May araw din kayo! Mga putang ina n’yo.”


Agad na nalaman iyon ni Don Miguel, at nalaman din niya, nang magkasunud-sunod ang tawag sa telepono sa mansiyon nito sa Forbes Park. “Madadala na ang mga punyetang iyan. Magdemanda sila. Tingnan ko kung mananalo sila sa akin sa korte. Aba, madali silang palitan,” nagyayabang pa nitong sabi sa kausap sa kabilang linya. Sa buong araw na iyon, namalagi sa mansiyon ang kanyang amo, lumaklak na lamang ng Dom Perignon, at waring hindi ikinatigatig ang marahas na nangyari sa pabrika.


Nang magising ang kanyang amo kinaumagahan, agad itong naligo ngunit hindi na siya gaanong sinabon at binanlawan at waring tuluyan na nga siyang nakalimutan. Pagkaalmusal, agad itong nagbihis, ipinahanda ang Mercedes Benz, sinabihan ang tsuper na dadaan muna sa pabrika saka may kakausapin sa Manila Hotel. Nang palabas na sa bukana ng Forbes Park ang kotse, tatlong lalaking nakamotorsiklo ang biglang sumulpot at agad na umagapay sa kotse, isa sa likuran at dalawa sa tagiliran, saka narinig na lamang ang sunud-sunod na mga putok. Bumulwak ang dugo sa bahagyang nakakalbong ulo ni Don Miguel hanggang tumimbuwang ito sa upuan pisil-pisil ang dumurugo ring dibdib.


Habang naghihingalo ang kanyang amo,bigla niyang naitanong sa sarili: “Malaya na ba ako? Kailan lalaya ang mga kauri ko? Kailan?”#

Huwebes, Nobyembre 12, 2020

DOMINADOR B. MIRASOL

DOMINADOR B. MIRASOL

     Supling ng mag-asawang Aklanon at Bikolana, nagkaugat si Dominador B. Mirasol sa Tondo, Maynila. Labingwalong taong gulang siya nang magsimulang sumulat at nang mag-aral sa kolehiyo, naging patnugot siya ng pitak sa Pilipino ng The Quezon, opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng MLQ University. Pagkaraang makapag-aral ng journalism, naging kagawad siya ng Aliwan, kapatid na babasahin ng Liwayway na nilipatan niya pagkaraan. Isa siya sa baguhang mga manunulat na sinanay sa palihan ng Liwayway at inilathala ng Bagong Dugo, pitak na pinamahalaan ng kagawad noon ng Liwayway na si Liwayway A. Arceo.

Nasa kolehiyo pa lamang, nagtamo na ng Unang Gantimpala (kategoryang maikling kwento) ang kanyang kathang "Mga Aso sa Lagarian" sa patimpalak ng taunang Carlos Palanca Memorial Awards (1963). Hango ang kuwento sa obserbasyon niya sa kanyang ama na naging manggagawa sa isang lagarian. Nang taon ding iyon, ang nobela nila ng katuwang na si Rogelio L. Ordoñez, Apoy sa Madaling-Araw ang pinagkalooban ng pangalawang gantimpala sa timpalak ng nobela ng Liwayway (1963). Sinundan ito ng nobelang Mga Halik sa Alabok na napiling unang gantimpala sa timpalak ng Liwayway noong 1966. Noong 1970, nagwagi uli ng unang gantimpala sa timpalak ng Palanca ang kanyang kuwentong “Mga Bangkay sa Dalampasigan ng mga Uwak."

Inilathala rin ng Liwayway ang kanyang nobelang Magkabiyak na larawan noong 1973-74. Sa taon ding 1973 inilathala ng magasing Sagisag ang kanyang nobelang Ginto ang Kayumangging Lupa na pinagkalooban ng Tanging Gantimpala sa Timpalak ng Nobela ng Cultural Center of the Philippines (CCP) noong 1979.

Nagtrabaho siya sa mga dyaryo, nagturo pasumandali sa U.P. of naging matagal na guro sa Filipino sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Yumao siya may limang taon na ang nakalilipas (2004).

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...