POSISYONG PAPEL NG KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF)
KAPASIYAHAN NG KALUPUNAN NG MGA KOMISYONER BLG. 14-26 SERYE NG 2014 PINAGTITIBAY ANG KAPASIYAHAN NA NAGLILINAW SA TINDIG NG KOMISYON SA WIKANG FILIPINO (KWF) HINGGIL SA COMMISSION ON HIGHER EDUCATION (CHED) MEMORANDUM BLG. 20, S. 2013
SAPAGKAT, alisunod sa Artikulo XIV, Seksiyon 6-7 ng 1987 Konstitusyon, dapat magsagawa ng hakbang ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon;
SAPAGKAT, tungkulin ng KWF ang pagtitiyak sa higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ng iba pang mga wika sa Filipinas;
SAPAGKAT, ang CHEd Memorandum Order Blg. 20, s. 2013 ay nagtatanggal sa mga sabjek na Filipino sa General Education Curriculum, at sa halip ay pinapalitan ito ng Revised Core Courses na maaaring ituro sa Ingles o sa Filipino;
SAPAGKAT, ang nasabing Memorandum Order ay magbubunga ng pagkawala ng trabaho ng maraming guro;
SAPAGKAT, ang pagpapaubaya sa mga institusyon sa mataas na edukasyon (HEls) sa pagpili ng wikang gagamitin sa Core Courses ay maglalagay sa Wikang Filipino sa tagibang na posisyon dahil sa patuloy na pamamayani ng Ingles sa edukasyon at sa mga dominyo ng kapangyarihan;
SAPAGKAT, sa sitwasyong ito, nanganganib na mawala nang tuluyan ang Filipino, hindi lang bilang sabjek, kundi bilang wikang panturo sa antas tersiyari;
SAPAGKAT, bilang pagtupad sa tungkulin nito sa ilalim ng batas, ang KWF, matapos magsagawa ng Pambansang Konsultasyon sa Antas Tersiyari ay lumiham sa CHEd noong 16 Enero 2014 hinggil sa pagbibigay ng priyoridad sa paggamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa GEC sa antas tersiyari, at pagtitiyak na hindi mababawasan ang sahod o bababa ang ranggo ng mga guro sa Filipino na apektado sa pagpapatupad ng K-12;
SAPAGKAT, ang iba't ibang samahan ng mga guro sa Filipino, ay nagpahayag na ng kanilang pagtutol sa nasabing Memorandum Order sa paniwalang ito ay hindi umaayon sa mga tadhana ng Konstitusyon hinggil sa pagtataguyod at paggamit ng Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon;
DAHIL DITO, IPINAPASIYA, gaya ng ginagawang pagpapasiya ngayon, na iginigiit ang pagtuturo ng siyam (9) na yunit sa Wikang Filipino, na hindi pag-uulit lamang ng mga sabjek sa Filipino sa antas sekundarya, kundi naglalayong magamit at maituro ang wika mula sa iba't ibang disiplina-na pagkilala sa Filipino bilang pintungan ng karunungan at hindi lamang daluyan ng pagkatuto, at upang matiyak ang pagpapatuloy ng intelektuwalisasyon ng Filipino;
IPINAPASIYA pa, na tiyaking ang kalahati o apat (4) sa panukalang core courses, bukod sa kursong Rizal, na nakasaad sa Memorandum Order Blg. 20, s. 2013 ay ituro gamit ang Wikang Filipino;
IPINAPASIYA rin, na magsagawa ng mga retooling ng mga guro upang matiyak ang kanilang kahandaan sa pagtuturo ng core courses at edukasyong elektib;
IPINAPASIYA sa wakas, na himukin ang mga guro sa Filipino, at ang lahat ng mga naniniwala sa mahalagang papel ng Wikang Pambansa sa patuloy na pagbubuo at pagpapaunlad ng bayan na tatagan ang tindig at patuloy na isulong ang Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pangedukasyon sa lahat ng antas. Hayaang ang sipi ng kapasiyahang ito ay maipaabot sa CHEd, sa mga institusyong pang-edukasyon, at sa mga samahang pangwika sa bansa.
PINAGTIBAY ng Kalupunan ng mga Komisyoner ngayong 20 Hunyo 2014.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento