SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Lunes, Oktubre 12, 2020

"DUGO sa ULO ni CORBO"

"Dugo sa Ulo ni Corbo"
ni Efren R.  Abueg
(Maikling Kwento)

Pinaurong na ang ikalawang hanay ng tanggulan sa pambansang lansangan sa Bagak; ang mga kaaway ay nakalusot sa isang natuyuang salog at mula roon ay nagpapaputok ng kanyon, niluluba ang mabababaw na hukay at dinudurog ang nagngangang gilid ng bundok. Maraming naiwan sa mahabang hukay sa gilid ng lansangan-ang mga bangkay ay nakasubsob, nakatingala, nakatagilid nakayukayok at ang may nakadilat pang tmga matay waring hindi na nasanay sa kalagiman ng paligid; ang mga sugatang kumakalmnot sa lupa o nagpipilig ng ulo o nanginginig sa salakay ng kirot o takot o pagkabaliw ay patuloy na kinakandong ng karimlang nilalagim ng liwanag ng kamatayan. Kabilang sana sa mga sugatang iyon si Ador; nabatak ko lamang siyang paahon sa hukay, naisaklay ko ang isang bisig niya sa aking balikat at kami'y tumakbong palayo sa tumitinding putukan. Dinala ko siya sa lungga, pinalapatan ng lunas at habang inaampat ang dugong bumubukal sa kanyang dibdib ay nagsasalita siya, hindi ng digmaan, hindi ng kamatayan, hindi kapaitan, kundi ng kamusmusan. Aywan ko, ngunit si Ador sa mga sandali ng panganib at kawalang-katiyakan ay kaugnay ng kamusmusanng isang payapang nayon, ng isang malawak na palayan, ng isang kalabaw na nagngangalang Corbo. 
Hindi si Ador ang ikukuwento ko, kahit siya'y naging matalik kong kaibigan sa Larangan. Ang ikukuwento ko, na lagi niyang ikinukuwento sa akin, ay si Corbo, ang kalabaw.

HUMAHAPLIT ang ulan sa mga punungkahoy, nilalagas ang mga dahon, kinukulkol ang lupa sa mga tanim na gulay, habang ang bahay na pawid ay payapang nakahimlay sa dibdib ng gabi, habang sa kural, ang mga kalabaw ay umuunga, pumupulas paminsan-minsan, na waring may ipinaaalam. Ang batang si Ador ay nagising, sandaling pinakinggan ang tsiit tsiit ng ulan sa bubong na pawid, ang plaap plaap ng tubig na galing sa pansol at bumabagsak sa malaking dram. Hindi panay na malakas ang bugso ng ulan; kung humina'y waring naglalangkap at nagiging isa ang mga ugong ng gabi. Sa paghinang ito ng ulan, ang unga ng mga kalabaw ay lumutang sa hangin at narinig iyon ni Ador.
Ibig niyang bumangon, ngunit malamig ang gabi't madilim ang kabahayan. Naisip niyang baka giniginaw si Inahin; sandali lamang naman-naisip niyang hindi agad-agad giniginaw ang kalabaw. Subalit buntis si Inahin. Hindi kaya ginawin ang buntis na kalabaw?
Ang Tata Pedro niya ay nakabaluktot sa kanyang tabi, ang talampakan nito'y sumasanggi sa kanyang binti kapag siya'y gumalaw at ang lamig niyon ay nakaiigtad. Kaya hindi na siya kumilos, nakinig na lamang sa iba't ibang ugong ng gabi, hanggang sa mapuna niyang tumitila na ang ulan. Nakapikit siya habang nakikinig sa mga ingay na dumarating sa kanya, ngunit sa pagtila ng ulan, dumilat siya, luminga siya at sa siwang ng nakapinid na bintana ay may nakita siyang sumisilip na manipis na liwanag. Umaga na.
Bumangon si Ador. Ang katsang kumot ay ibinalot niya sa katawan, saka marahan siyang lumakad, patiyad patungo sa hagdanan. Sa dingding, inabot niya ang nakasabit na sombrero. Isinuot niya at siya ay nanaog. Nakabakya, tinahak niya ang matubig na looban patungo sa kural. Kakaiba ang pulasan ng mga kalabaw, habang sa kaluskusang iyon ay namamaibabaw ang isang ungang hindi niya kilala.
Ibinukas niya ang pinto ng kural, pumasok siya at ang unang nayapakan niya ay isang malambot na tumpok. Pinilit niyang angatin ang bakyang nakabaon sa tumpok, humakab iyon at nang maalis ay nagbuntot ng marahang plup. Ang ungang hindi niya kilala ay pumupuno sa kanyang pandinig.
Kaladkad sa nagpuputik na kural ang nagpuputik na ring bakya, tinungo niya ang punong kalyos na kinatatalian ni Inahin at sa manipis na liwanag ng umaga ay nakita niyang nakasalagmak ito sa putik, nakataas ang ulo sa kanya, samantalang sa tiyan ay nakayupyop ang isang guyang umuunga.
Ang katuwaan ay parang ulang biglang bumuhos sa kanyang katawan. Hindi pansin ang katsang kumot na sumasayad na sa putik, siya ay tumingkayad sa tabi ng guya, hinagod ito sa ulo at sinalat ang tubuan ng sungay. Tumigil sa pag-unga ang guya, ipinaling ang ulo sa kanya, bago muling yumupyop sa tiyan ni Inahin. Nakita niyang sinisipsip nito ang namumulang suso ng kalabaw.
Nagtindig si Ador. Ang bakya niyang bumaon sa putik ay hindi na maangat ng kanyang paa, kaya't hinubad na niya't binitbit, ang kumot na napuna niyang naputikan na ang laylayan ay kinipit sa dalawa niyang siko. Sa lamig ng umaga't alingasaw ng malambot na tumpok, ang mga paa ni Ador ay naging magaan; ang kanyang dibdib ay may kinakandiling kasiyahan.
At numipis ang karimlan; ang liwanag ng umaga y unti-unting bumaha sa paligid, nagpakislap sa mga butil ng tubig sa mga dahon ng kahoy at halaman, umapaw sa bukas nang bintana, at pumukaw sa mga nangahihimbing sa bahay. Si Ador ay pumanhik, ang mga paang ikinuskos sa lumang sako sa puno ng hagdan ay may bahid pa ring putik, ang katsang kumot ay nakapulupot sa isa niyang kamay.
"Tata...Tata...nanganak na si Inahin!" sigaw ni Ador na lumilinga at hinahanap ang ama.
May narinig siyang mga yabag sa kusina at doon nagtuloy si Ador. Ang kanyang Tata Pedro ay nagkukuhit ng muta sa mga mata at ipinapahid iyon sa puwitan ng abuhing de kurdon nito.
Tata...may guya na tayo...nanganak na si Inahin!
"O...lalaki ba o babae?" usisa ng kanyang Tata Pedro na patuloy sa ginagawa.
    Nabigo si Ador sa kalamigan ng kanyang Tata sà balitang hatid niya. Saglit siyang natigilan, napatungo siya at saka lamang niya nakitang may putik ang kumot sa kanyang kamay.
"Ano? Nagbalita ka rin lamang, e, hindi mo pa hinusto," anang Tata niya.
Nagbalik ang katuwaan kay Ador. Nagkaroon ng bagong pananabik na pumintig-pintig sa kanyang puso. Bakit nga ba hindi niya tiningnan kung lalaki o babae? O, lalaki sana. O, lalaki sana!
"Tena...tingnan natin," anang Tata Pedro niya.
Nagpauna nang bumaba si Ador sa hagdan pagkaraang ihagis ang kumot sa isang sulok. Hindi na siya nagbakya. Sumasalisod sa matubig na looban ang kanyang mga paa, yumayapak sa makapal na mga dahong laglag, bumabakli sa mga nagkalat na sangang marurupok. Ni hindi siya nangimi sa pagyapak sa malapot na mga tumpok ng kalabaw.
Pagdating sa punong kalyos, hinawakan agad niya ang buntot ng guya, binatak iyon at ang bagong silang na hayop ay mabuway na tumayo.
"Lalaki, Tata...lalaki!" bulalas niya.
"Alang kuwenta...ang gusto ko'y babae. Mapalalahian at magagatasan.
"Tata...ako na ang mag-aalaga sa kanya...ha, Tata?"
"Aalagaan siya ni Inahin," sagot ng kanyang Tata Pedro.
"Kami nang dalawa ni Inahin ang mag-aalaga sa kanya."
Dumaiti si Ador sa katawan ng guya. Ang kanang kamay niya'y humahaplos sa malagkit pang ulo nito.
"Hale...ikaw, pero bigyan mo siya ng pangalan," sang-ayon ng kanyang Tata Pedro.
"Pangalan? Ano ba'ng magandang pangalan, Tata?"
“Gusto mo'ng Corbo?"
"Ano ba'ng kahulugan ng Corbo?"
“Ewan ko, pero 'yan ang pangalan ng namatay na kalabaw ng Lolo mo.
Sinambit-sambit ni Ador sa sarili ang pangalang iyon, habang patuloy siya sa paghaplos sa ulo ng guya, hanggang sa mapangiti siya at mayapos ang munting kalabaw.
"Corbo..a, mula ngayon ay si Corbo ka na...Corbo."
     Ang guya ay umunga, mababang unga, at ipinitik-pitik ang buntot habang nakalinga kay Ador. Hinaplos naman niya sa ulo ang guya at noon lamang niya napunang ang lagkit na nasasalat niya ay dugo.
"May dugo sa ulo ni Corbo, Tata..," biglang naibulalas ni Ador
Ang kanyang Tata Pedro na parang may hinahanap sa paligid ni Inahin ay tumingin sa kanya
Pahimuran mo kay Inahin," anito. "Nasaan ba'ng inunan n'yan?
Pinagmasdang mabuti ni Ador ang kamay niyang may dugo Malansa iyon at ang pagkaunawang nakadikit iyon sa kanyang palad ay nagdulot sa kanya ng kakaibang pakiramdam. Gayong walang laman ang kanyang tiyan, waring may isinisikad iyong pataas sa kanyang lalamunan. Napaduwal siya.
"Dugo lamang, e...ang hina ng sikmura mo! puna ng kanyang Tata Pedro.
Nanginginig ang mga labi, pinigil niya ang sarili na mapaduwal. Tumingin siya sa guya. Nakayupyop na ito sa tiyan ng ina, habang ang ulo nito'y hinihimuran ng dugo.


       MAGKASABAY na naganap ang kamusmusan ni Ador at ni Corbo. Angguya ay lumaking masigla, ang matipuno nitong katawan ay may ipinangangakong lakas at kapangyarihan sa darating pang mga taon. Pagkagising sa umaga, hawak na ni Ador ang isang lubid, tatalian si Corbo at ilalabas iyon sa kural. Hila niya ito sa duluhan o sa hindi pa naaararong bukid kung tag-ulan o sa nagapas nang pinitak kung tag-araw. Doon inaabot ng kalam ng sikmura si Ador
     Maganda ang tubo ng sungay ni Corbo. Hindi matulis ang mga dulo niyon, ngunit maganda ang pagkakahubog. Bagama't iyon ay may kalahating dangkal pa lamang, may palatandaang magsasalikop iyon nang pantay. Makinis na tulad sa batong buhay ang mumunting sungay ni Corbo. Hindi ang mga musmos na kanayon ang kalaro ni Ador. Hindi siya lumalahok sa balatikan sa aplaya, sa pabilisan ng akyat sa punong bayabas, sa pagbalibag sa manggang hilaw sa looban ng may looban. Ang kalaro ni Ador ay si Corbo. Kung tapos nang manginain ang guya, hahawakan niya ito sa dalawang sungay pipihitin iyong parang manibela ng sasakyan, iuuntog ang kanyang ulo sa noo nito, uuntaging labanan siya ng suwagan. Ang guya ay uunga nang marahan, ikukulkol sa lupa ang dalawang paa sa hulihan, saka iuuntog sa ulo ni Ador ang noo. Lalong magiging masigla si Ador sa pag-untog sa guya, hanggang sa ito'y mainis, isasakyod nito ang nguso sa kanyang tiyan at siya'y mapapatakbo.
Si Ador ay hahabulin ni Corbo, pasikut-sikot sila sa bukid, palundag. lundag at madalas ay lalansihin ni Ador ang guya na malilito, at nagkakaroon siya ng pagkakataong hawakan ito sa buntot, hatakin iyon hanggang sa mag-uunga sa galit ang guya. Saka lamang titigil si Ador, lulundag sa likod ng guya, hahaplusin iyon sa ulo at ang hayop ay payapa nang manginginain ng damo.
Nang binatilyo na si Ador, si Corbo ay isinisingkaw na sa kareta. Sakay si Ador at ang kanyang ina, at ilang tiklis na gulay, hila na ni Corbo ang kareta patungo sa bayan. Ang kalabaw ay taas- ulong lalakad sa lansangang-nayon, ang bulaklak ng gumamela o bandera espanyola o amarilyo't palong-manok na inilagay ni Ador sa pamatok nito ay parang korona sa isang munting prinsipe. Sa nayon, si Corbo ang pinakasikat na kalabaw ng isang bagito. Si Ador ay kilala dahil kay Corbo. Mabilis tumakbo si Corbo. Kung kapistahan ni San Isidro, ilalaban ito ni Ador ng karera. Sakay siya, sisigaw lamang siya ng Bilis, Corbo ay pupulas na ito ng takbo, walang puknat na pagtakbo hanggang sa makarating sila sa hintuang itinalaga ng namamahala sa karera. Kung may kurakol, inilalaban din ito ni Ador ng languyan. Sumisingasing, iniiwan ni Corbo nangyarda-yarda ang mga kalabang kalabaw.
Kung takipsilim at pababa si Corbo sa pinangangainang paltok na sakay si Ador, ang mga magsasakang nakakatanaw sa kanila ay napapabuntong-hininga. Ang dalawa ay larawan ng kapayapaan ng isang nayon, ng kapayapaan ng kalooban ng isang bata, ng kapayapaan ng isang daigdig. Ang anino ni Corbo sa takipsilim, na uuyad-uyad pababa sa paltok ay larawan ng isang daigdig na walang pangamba
     Ngunit si Corbo ay lumaking malikot na kalabaw. Kung maluwag ang pagkakatali rito, bigla itong pupulas ng takbo, tatahakin ang mga halaman, lalansakin ang palayan. Habulin man ito ng limang lalaki, hindi ito maaabutan. Tanging si Ador, na marunong sumipol nang mahaba't malakas ang makapipigil kay CorboO. Ang panginoon ni Corbo ay si Ador lamang.
     Isang tanghali, itinali ni Ador si COrbo sa punong mangga sa kanilang duluhan. Iniwanan niya ito ng ilang bigkis na kumpay bago siya natulog sa bahay. Tatlong bagitong namamalatik ng batu-bato't marya kapra ang siningasingan ni Corbo nang ang mga ito'y mapatapat sa kanya. Nangapaurong ang tatlong bagito. Isa sa mga ito ang nayamot kay Corbo. Nilagyan nito ng bala ang tirador at pinuntirya sa batok ang kalabaw. Si Corbo ay napaigtad nang mahagip ng bato, napaunga nang mahaba, nagdadambang parang kabayo, hinahaltak ang lubid na nakatali sa puno, habang ang mga matang nagliliyab ay nakatuon sa tatlong bagito. Ang mga ito, pagkaunawang naglulumagot ang kalabaw ay nagpulasan ng takbo, samantalang si Corbo ay patuloy sa pagbaltak sa lubid, hanggang sa iyon ay malagot. Si Corbo ay pumulas ng takbo, humahabol sa nakalayo nang mga bagito, nakaumang ang maigsi pang sungay, sumisingasing, ang mga paa'y kumukutkot sa lupa't nagpapailanlang ng alikabok.
Nang magising si Ador, wala na sa punong mangga si Corbo. May nakapagsabi sa kanya tungkol sa nangyari. Dala ang isang lubid, hinanap niya si Corbo sa mga suluk-sulok, sa kawayanan, sa pampang ng ilog, sa bulaos, sa mga sanghilya, sa mga balot, sa mga masukal na paltok. Lumambong na ang gabi'y hindi pa natutunton ni Ador ang kalabaw. Nanlalatang bumalik si Ador sa bahay. Maagang nahimbing si Ador sa malaking pagod. Pagsayad ng kanyang likod sa banig ay naghikab siya, ang namimigat na talukap ng kanyang mga mata'y waring dinidiinan sa bigat. Sa dakong hatinggabi, pinukaw siya ng mahabang unga. Napabalikwas siya. Mabilis siyang nanaog, at sa liwanag ng buwan ay nakita niya si Corbo na nakasungaw ang ulo sa nakapinid nilang tarangkahan.
"Corbo!" sigaw ni Ador.
      kalabaw ay umunga nang marahan. Nang pagbuksan niya ng tarangkahan si Corbo at ipasok ito sa kural, napuna niyang parang nahihirapan itong huminga. Hinawakan niya ito sa ulo, pinagmasdan, at sa galaw ng lalaugan nito'y napaghinala niyang may nakaharang sa lalamunan ng kalabaw.
Kinaon niya ang kanyang Tata Pedro. Inumaga silang dalawa sa kural.
“May nakahirin sa lalamunan ni Corbo," anang albularyong pinatingin nila sa kalabaw.
Hindi makakain si Corbo. Ang bigkis ng sariwang kumpay sa paanan nito ay hindi nagagalaw.
"Palagay ko'y nanginain ito sa palayan at humalang sa lalamunan ang mga tangkay ng palay," anang Tata Pedro niya.
Si Corbo ay humahagok, ang waring bilasang mga mata'y may muta sa magkabilang tabi. Hinahaplos ito ni Ador sa ulo.
Si Corbo ay nabuhay lamang ng tatlong araw. Sa huling araw, ang tagpong nasaksihan ni Ador ay nalimbag sa kanyang katauhan, hindi pinawi ng panahon, kundi nag-iwan ng malinaw na bakas, na dinala niya hanggang sa digmaan.
Nang ikatlong araw, narinig niyang sinabi ng kanyang Tata Pedro sa tininte: Kaawa-awa lang si Corbo...mabuti pa'y madaliin na ang kanyang kamatayan.
Nangilabot si Ador sa pagkaunawang si Corbo ay mamamatay. Ang tininte ay tumango lamang, tinanaw si Corbo na nasa labas ng kural at nakatali sa punong mangga. Si Ador ay nanhik sa bahay, naupo sa papag, pagkaraa'y nahigang walang balak matulog. Hindi nagtagal, narinig niyang tinatawag siya ng kanyang Tata Pedro.
Mabilis siyang nanaog. Hindi na niya matagalang tingnan ang humahagok na si Corbo. Ang napagpakuan niya ng tingin ay ang masong dala ng anak ng tininte.
"Hindi na natin maililigtas si Corbo...ang mabuti'y karnihin na siya," anang Tata Pedro niya.
Nakatingin sa kanya ang tininte at ang anak nito. Hindi siya sumagot. Alam niyang kapag siya ay nagsalita, basag lamang ang tinig na maririnig ng tatlong kaharap at ayaw niyang masabi ng mga ito na siya ay maiiyak.
     Hawak ng dalawang kamay ang maso, nilapitan ng anak ng tininte ang naghihirap na kalabaw. Sinipat ang pinakatuktok ni Corbo, saka marahang lumapit. Si Corbo ay hindi kumikilos sa pagkakatayo, patuloy sa paghagok. Mabilis na itinaas ng anak ng tininte ang maso, saka ibinagsak sa ulo ni Corbo. Ang hayop ay napaigtad, napaunga nang mahaba't malakas, dahan-dahang nanlambot ang mga tuhod at sa isa pang bagsak ng maso'y tuluyang nalugmok.
Ang tuktok ni Corbo'y nabasag, ang dugo'y sumago roon, umagos sa lupa't madaling natuyo. Si Corbo ay pinanginginigan ng katawan nang mamatay. Si Ador, na hindi man kumilos ay pinandilatan ng mga mata, ang dugo ni Corbo sa ulo ay namuno sa kanyang utak, at waring nalanghap niya ang dugo mula sa inunan nito, maraming taon na ang nakalilipas, at nang wala na si Corbo ay ibig niyang maduwal...maduwal.
Ang takipsilim, nang hapong namatay si Corbo ay waring may kulapol na dugo; ang mga ibong magsisihapon sa puno ay waring balisa; ang mga dahon ng kahoy ay hindi gumagalaw, waring nagmamatyag.
Hindi nagtagal, ang alaala ni Corbo ay pansamantalang nilagom ng digmaan.

Hindi na nakaigpaw si Ador sa pagkahibang; ang saglit na gabi'y sinundan ng maapoy na araw, na nagwakas sa maalinsangang takipsilim na pinawi ng makapal na karimlan. Nang yumao si Ador, yumayanig pa ang larangan, waring ang dugo ng lagim ay patuloy na isinasaboy sa ulo ng mga kawal.

-Nalathala sa Sibol (Blg. 5), Journal ng Kagawaran ng Pilipino, Philippine Normal College (Unibersidad na ngayon)

"MABANGIS NA LUNGSOD"

"Mabangis na Lungsod"
By Efren R. Abueg
(Maikling Kwento)

Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki't maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal sa paghahanap ng lunas sa mga suliranin sa araw-araw. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa unang palapag ng mga gusali. Ang gabi ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi'y naroroon, hindi dahil sa may layunin kundi dahil sa naroroon lamang, katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi--at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong underpass, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi'y mailaw at maingay. Huwag lamang matitinag ang simbahan at huwag lamang mababawasan ang mga taong pumasok-lumabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng sweepstakes, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punungkahoy at halaman. At sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naaawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga nasa hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan, kundi sa mga taong may habag pang maglaglag ng singko o diyes sa maruruming palad.
     Napapaiyak na si Adong. Wating-wating ang tingin niya sa mga ilaw-dagitab na parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan. Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan. Nagsawa na ang araw sa kanyang likod na bahagya nang nadaramtan at nangawit na ang kanyang mga bisig sa kalalahad ng kamay, ngunit ang mga sentimong kumakalansing sa kanyang bulsa ay wala pang tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kanyang katawan.
"Mama...Ale, palimos na po.
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay ay hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay pagpapahalata ng pagmamadali -ng pag-iwas.
Singko po lamang, Ale...hindi pa po ako nanananghali!" Kung may pumapansin man sa pananawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. Pinaghahanapbuhay yan ng mga magulang para may maisugal, madalas marinig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat wala siyang magulang. Nasasaktan siya sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong luwasan ng simbahan.
Halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong mga pulubi. Alam niyang hindi maiwasan ang paghingi ni Bruno ng piso sa kanya, sa lahat.
"May reklamo?" Nakasisindak ang tinigni Bruno. Ang mga mata nito'y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
Sa gayong kalagayan ang mga kamay ni Adong ay manginginig pa habang inilalagay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga sentimong matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailanman ay hindi nakarating sa kanyang bituka.
"Maawa na po kayo, Mama... Ale...gutom na gutom na ako!"
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malaking bitak ng lupa. Ang mga tao'y waring bantad na sa paglilimos. Ang mga tao'y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.
Ang kampana ay tumugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng ilang sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga tao, papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakakaramdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa kanyang kinaroroonan.
"Malapit nang dumating si Bruno... ani Aling Ebeng na ang pinatutungkulan ay lahat na maaaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdaman niyang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpapatindig sa kanyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harapan ang mga tao: malamig, walang awa, nakadarama siya ng kung anong apoy sa kanyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kanyang gutom at pangamba. Kung ilang araw na niyang nadarama iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa't waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
Isang singkong bagol ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kundi inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang ang maninipis na kamay lamang ang malinis. Dali-daling inilagay ni Adong ang mga bagol sa kanyang bulsa. Lumikha iyon ng bahaw na tunog nang tumama sa iba pang sentimong nasa kanyang lukbutan. Ilan pang bagol ang nalaglag sa kanyang palad at sa kaabalahan niya'y hindi niya napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan. Nakita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang kumpas ng mga kamay ng pagwawalang-bahala, ang mga hakbang ng pagmamadali-ang pag-iwas.
Adong...ayun na si Bruno, narinig niyang wika ni Aling Ebeng. Tinanaw ni Adong ang inginuso ng matanda. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan. Ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga bagol. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kanyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya kangina pa ay mamatay. Mabhigpit niyang ikinulong sa kanyang palad ang mga bagol.
Diyan na kayo, Aling Ebeng.sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!" mabilis niyang sabi sa matanda.
"Ano? Naloloko ka ba, Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka na ni Bruno!"
Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatuloy pa rin sa paglakad, sa simula' y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahan ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga jeepney na mabagal sa pag-usad. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglakad. At akala niya'y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa isang poste ng koryente. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipan ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos na paghihimagsik, ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa nakatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula't mula pay nakilala niya at kinasukaman. Muling dinama niya ang mga bagol sa kanyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang pinakalansing.
"Adong! Sinundan iyon ng papalapit na mga yabag. Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkaroon ng kapangyarihang maghimagsik laban sa gutom, sa pangamba at sa kabangisan.
"Bitiwan mo ako, Bruno! Bitiwan mo ako!" naisigaw na lamang ni Adong.
Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya sa kanyang mukha ang malulupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

-Nalathala sa Ang Quezonian (Hunyo 29, 1961), opisyal na pahayagang pang-estudyante ng MLQ University

"MAPANGLAW ANG MUKHA NG BUWAN"

"Mapanglaw ang Mukha ng Buwan"
By Efren Abueg
(Maikling kwento)

I. SI MANG ITOY

          Ayaw maniwala si Mang Itoy sa ibinabala ng kanyang pakiramdam, na nakaabang sa kanya ang kamatayan. Habang papalapit ang sinasagwanan niyang bangka sa guhong tulay ay ipinagdurumiinan niya sa sarili na siya'y mabubuhay, na makalulusot siya sa pakikipagsapalarang iyon nang walang panganib, na ang nadarama niya'y ipinipitlig lamang ng kanyang guniguni. Mabubuhay ako, pagka't hinihintay ako ni Maring. Kailangang-kailangan ako ni Maring, naisaloob pa niya habang patuloy ang alalay niyang pagsagwan.
Kaya nang mapatapat siya sa guhong tulay ay parang hindi niya narinig ang malakas na sigaw, ang nag-uutos na sigaw: Tigil! Tumabi ka rito! Sa halip ay naakit siya ng malaking aninong itinatapon sa tubig ng guhong tulay. Sa biglang pagkilos ng kanyang isip ay naipalagay niyang iyon ang kanyang kaligtasan. Makalalampas na ako, Maring! Darating na ako, Maring! Subalit kasunod ng mabilis na pag-angat at pagsakyod ng sagwan sa tubig ay iglap na binasag ng masinsing mga putok ang katahimikan sa buong ilog.
"Hintay! Huwag kayong magpaputok!" hiyaw ng kanyang isip na hindi na niya nasambit dahil sa bilis ng pangyayari.
Ngayong kakatiting na lamang ang hibla ng buhay na kinakapitan niya nang buong paghihirap ay muli't muli niyang ninais sa iilang iglap na nalalabi ang maupo sa tatatlong baitang na hagdan ng kanilang dampa. Matitiis niyang mabuhay kahit paulit-ulit na siyang nakadama ng kamatayan tuwing maririnig niya ang sapin-saping ubo ni Maring. Matitiis din niyang makita ang nagdadalagang si Clemenia habang ito'y umiiyak sa pagkakalupagi sa tabi ng ina at walang panghihinawa sa paghagod sa dibdib ng maysakit. Makakaisip siya ng ibang paraan upang mayroon siyang pagkakitaan nang masagip ang asawang ipinaparool sa kung saan ng paninikip ng dibdib at pangangatal ng buong katawan. Hindi tulad ng ginawa niya ngayong huling-huli na upang pagsisihan.
Hindi pumayag si Mang Itoy nang alukin siya ni Karyo. Ibinubunsod na niya ang kanyang bangka upang pandawin ang mga iniumang niyang bintol sa ilog at ayaw na niyang makinig kay Karyo, nang parang mangingisda itong naglawit ng masarap na pain.
"Balita ko'y masama ang lagay ng iyong asawa," nagpahiwatig agad si Karyo.
Gustong dayain ni Mang Itoy ang kanyang sarili. Pinigil niya ang dagsa ng iba't ibang kaanyuan ni Maring habang naghihirap sa higaan. Ang mga luha ni Clemenia.
"Malarya ang dumapo sa iyong asawa at ako'y may ilang tabletas dito ng atabrin...bibigyan ko kayo ngayon din.”
Isang dukwang lamang pala ang buhay, naisaloob ni Mang Itoy. Isang tango lamang niya'y makaliligtas na si Maring. Makatatanggi ba siya? Sa panahong ang gamot ay tagadiin sa timbangan ng buhay at kamatayan?
"Wala kayong gagawin kundi ilampas sa guhong tulay ang malaking baul na isasakay natin sa bangka at ilunsad iyon sa Wawa, sabi pa ni Karyo.
"At ang panganib? Ang pumapatrulya sa tulay?" bigla niyang naisagot pagkagunitang hindi iilang Makapili at sundalong Hapones ang nagpapalipas ng hatinggabi sa pampang ng guho.
“Kilala kayong mangingisda sa ilog na ito...mapapansin pa kayo?" nagtatawa pa si Karyo at nadarama ni Mang Itoy na parang tinitiyak nitong malalamuyot siya. 
Sa ilog ngang iyon siya pinutian ng buhok. Mapupuna pa nga ba siya? At bakit niya iintindihin ang mapuna? Ang mahalaga'y ang gamot. Ang ibibigay na tabletas ni Karyo. Iyon lamang ay papayag na siya. Ayaw na niyang makaranas ng paulit-ulit na pagkamatay tuwing maririnig ang sapin-saping ubo ni Maring.
At pinangakuan pa ni Karyo si Mang Itoy ng isang bayong na salapi. Isang bayong na kuwarta? Yaon ay hindi kayamanan sa panahong iyon, subalit sapat nang gamitin sa pag-agaw kay Maring sa kuko ng kamatayan.
"Lalabas ako ngayong gabi, Clemenia," pagsisinungaling niya sa anak nang makapaghapunan na sila. "Babayaran ko kay Karyo ang tabletas na iyan!"
Nakita ni Mang Itoy sa mga mata ni Clemenia ang tingin sa isang bathala. Nadama niyang hindi pa nalalansag ang kabuuan niya bilang ama ng kanilang tahanan. Lumakas ang kanyang loob.
Kaya nang ilulan sa bangka ang malaki at mabigat na baul ay walang agam-agam si Mang Itoy bagama't batid niyang ang laman niyon ay mga baril at bala. Bilog na bilog ang buwang parang gintong itlog na nakalutang sa tubig nang tumulak siya patungong Wawa.


II. SI CLEMENIA

NANG makaalis si Mang Itoy ay dinama ni Clemenia ang noo ni Aling Maring. Mainit-init pa ang maysakit. Naipainom na niya ang gamot at natigil na ang pag-ubo at pangangatal nito.
Napahinga nang malalim si Clemenia. Tumindig siyang nag-iingat na makalikha ng kahit katiting na ingay. Lumapit siya sa bintana. Tahimik na tahimik ang gabi. Pasungaw siyang tumingala at natanaw niyang walang kaulap-ulap ang langit. Ang buwan ay napalilibutan ng libu-libong bituin.
Sumandal siya sa makitid na palababahan at mariin siyang pumikit. Ibig niyang takasan kahit ilang sandali ang dampang iyon. Nahahapo na siya sa paninirahan sa daigdig na iyon. Wala roon ang kanyang mga pangarap. Malayong matanaw niya sa pook na iyon ang isang magandang kinabukasan.
May itinatago si Clemenia na isang magasing puno ng magagarang larawan ng isang lungsod, ng magagandang kuwento ng pag-ibig, ng pag-asa at ng mga tagumpay. Sa loob ng tatlong taong ipinagdigma ng kung ilang lahi ay sa magasing iyon naganap ang malimit niyang pagtakas sa katotohanan. Sa mga kinatha-kathang pangyayari roon lumikha siya ng isang huwarang daigdig na ginagalawan niya kung mga gabing siya'y natutulog. Doon siya nakadadalo sa mariringal na pagtitipon, doon siya nakakatagpo ng makikisig at mga nag-aaral na binata at doon siya namimili ng kanyang kasintahan. Ipinakalihim niya ang magasing iyon kay Mang Itoy kahit batid niyang laging abala ito upang magkaroon pa ng panahong makialam sa kanyang mga pangarap. Ayaw lamang niyang mangamba. Ibig niyang sarilinin ang daigdig na itinayo niya roon.
Subalit sa katotohanan ay ibang-iba sa pangarap ang daigdig ni Clemenia. Ang daigdig na iyon ay nasisimula sa dampang iyon na tila isang dangkal lamang ang taas sa lupa, lumiliku-liko sa maliit na landas patungo sa ilog at nagtatapos sa makapal na kawayanang parang kastilyong nakatindig sa gitna ng kasukalan. Kasama niya sa daigdig na iyon ang kanyang ama at ina, si Karyo at ang ilang kanayong napapadako sa kanilang maliit na bakuran.
Napakislot si Clemenia pagkagunita kay Karyo. Kangina'y natanaw niyang kausap nito sa may ilog ang kanyang ama. At dagling sumagi sa kanyang isip ang madalas iparinig nito sa kanya.
"Maganda ka, Clemenia...kung mag-aasawa na ako'y ikaw ang kukunin ko!"
Pangit na lalaki si Karyo, magaspang at marahas kumilos. Ibang-iba ito sa lalaking nakikita ni Clemenia sa daigdig niya sa pangarap. Tuwing makikita niya si Karyo ay pumipikit siya't tumatakas sandali sa kasalukuyan. Ayaw na ayaw niyang maisip si Karyo.
Umahon si Karyo sa pampang pagkaraang makipag-usap sa kanyang ama. Nakita na lamang ni Clemenia na ito'y nasa kanilang hagdanan at siya'y pinagmamasdan. Lumayo siya sa durungawan at mabilis siyang pumasok sa kanyang silid. Ngunit may sinabi itong mabilis na nagpabalik sa kanya.
"Narito ang dalawang tabletas...ipainom mo agad!"
Natanaw naman ni Clemenia na nasusumagsag na papauwi ang kanyang ama, subalit bago ito nakasapit sa bahay ay nakatalikod na si Karyo at nakapag-iwan ng salita sa kanya.
"Kung may kailangan ka'y huwag kang mahihiya...lumapit ka sa akin!"
Batid ni Clemenia ang kahulugan ng sinabi ni Karyo. Sa madalas na pagtungo nito sa kanila ay hindi na niya mapagkakamalan ang mga pahiwatig nito. At iyon ay malabis na ipinandidiri niya.
.... kung may kailangan ka...huwag kang mahihiya.
"Diyos ko!
Matagal na nakasandal sa may palababahan si Clemenia. Sapupo ng isang palad niya ang kanyang noo. Sa pagkakapikit niya ngayon ay hindi siya makatakas sa katotohanan. Hindi siya makapasok sa daigdig na itinindig niya sa mga kinatha-kathang pangyayari sa isang lumang magasin. Nasa malapit na sulok lamang ng bahay ang kanyang ina. Matatakasan ba niya ang kalagayan nito?
Dumilat si Clemenia. Himbing na himbing ang kanyang ina. Naitanong niya sa sarili kung magtatagal iyon. Batid niyang hindi lamang malarya ang idinadaing ng kanyang ina, kundi pati dibdib, pati lalamunan. Magagawa kaya niyang talikuran ang katotohanang iyon? Si Karyo lamang ba ang pag-asa? Diyos ko!
Tumanaw si Clemenia sa dako ng ilog. Wala pa ang kanyang ama. Batid niyang mahuhuli si Mang Itoy. May isang linggo lamang ang nakalilipas sapul nang bumaha. Magtatagal ang Tatay, naisaloob niya. Marahan siyang lumapit sa kinahihigan ng kanyang ina. Tahimik pa rin si Aling Maring. Hindi ito malalaman ng Tatay o ng Nanay...
Saglit na nag-atubili si Clemenia. Subalit nang manlalim sa kanyang paningin ang mga guhit sa mukha ni Aling Maring ay maliksi niyang dinampot ang isang panyuwelong itim sa sandalan ng silya at ipinugong iyon sa kanyang buhok. Masasal na masasal ang dibdib, pumanaog siya ng bahay at sinundan-sundan siya ng buwan hanggang sa pintuan ng bahay nina Karyo.


III. SI ALING MARING

         SA simula' y parang isang matamis na panaginip ang mabuti niyang pakiramdam. Hindi na siya umuubo. Napawi na ang ginawna nagpapakatal sa buo niyang katawan. Matagal din siyang nakatulog. Ang ilaw na tinghoy sa ibabaw ng lumang aparador ay masayang nilalaru-laro ng hangin.
Nakaramdam ng uhaw si Aling Maring. Tigang na tigang ang kanyang bibig
"Menyang...Menyang, marahang tawag ng matanda.
Tumagilid si Aling Maring. Tinanaw niya sa may papag sa tabing bintana si Clemenia. Nang hindi niya ito nakita ay tumagilid uli siyang pagawi naman sa hagdanan. Wala sa hagdanan si Mang Itoy. Bahagyang nakaawang ang sawaling pinto.
Nasa ilog marahil si Itoy, naisaloob ni Aling Maring. Naisip rin niyang natutulog na marahil si Clemenia sa silid nito. Pumikit siya at sinikap na makatulog uli.
      Subalit sa pagkakapikit ni Aling Maring ay waring sumasayaw-sayaw sa talukap ng kanyang mga mata ang anino ng ningas ng ilaw na tinghoy sa ibabaw ng lumang aparador. Pabagal nang pabagal ang galaw ng ningas at sa guniguni ng maysakit ay mayroon siyang ipinakahuhulugan. Ngunit hindi siya nakadama ng takot, bagkus inisip niya nang inisip ang kahulugan sa kanyang guniguni hanggang sa dumilat siya. Nabalingan niya sa dakong tagiliran ang ilaw na unti-unti nang pinapanawan ng ningas.
     Saglit na iwinaksi ni Aling Maring ang kanyang guniguni at inisip niya si Mang Itoy. Parang nakikita niya ang asawang hanggang baywang na nakalubog sa tubig, hawak ang lambat at matamang nag-aabang ng kawan ng mga isda. Hindi maiinip si Mang Itoy, naisaloob pa ng matandang babae. Magbabantay ito sa ilog hanggang sa umumaga. Magbabantay ito kahit sa habang panahon dahil lamang sa kanya.
Tumagilid na muli si Aling Maring at nakita na naman niya ang ilaw sa ibabaw ng lumang aparador. Bahagya na lamang ang galaw ng ningas. Nabalik na naman ang matanda sa kanyang guniguni at hindi niya tinangkang iwasang isipin ang bagay na iyon. Wala siyang nararamdamang takot. Nakahanda siya kahit dumating iyon sa ano mang sandali.
Ngunit papaano si Clemenia kung wala na siya, naitanong ni Aling Maring. Mapag-iisa ito sa bahay kapag nangingisda kung gabi si Mang Itoy. Dalaga na si Clemenia. Hindi ba't madalas magparinig si Karyo sa kanyang anak kapag ito'y napapadako sa kanila? 
Sa kagipitang naiisip ni Aling Maring tungkol sa kinabukasan ng kanyang anak ay naitanong niya sa Panginoon kung bakit itinapat pa ang pagdadalaga ni Clemenia sa panahong magulo't walang katiyakan ang katahimikan. Hindi kaya mainam na ito'y manatiling bata muna at saka na lumaki pagkatapos ng digmaang iyon?
    Inuyam ni Aling Maring ang sarili dahil sa kabaliwang iyon. Nawika niya sa sarili na talagang ganoon ang nalalapit sa kamatayan, laging may iniisip na kabaliwan. Nais pa sana niyang tumawa, ngunit nararamdaman niyang mabigat at masikip ang kanyang dibdib. Ngayong mapagtuunan niya ng pansin ang kanyang kalagayan ay saka pa naging mahirap ang kanyang paghinga.
Huminga nang malalim si Aling Maring. Bigla ang pagsakit ngkanyang dibdib at pagkati ng kanyang lalamunan. Mayamaya'y umubo siya; basag at tuyo. Saglit lamang iyon at ang matanda'y muling natahimik sa pagkakahiga. Pumikit na siya. Ninais niyang makatulog upang huwag na niyang maramdaman ang pananakit ng kanyang dibdib.
Subalit parang tuksong gagalaw-galaw sa talukap ng mga mata ni Aling Maring ang anino ng ningas ng ilaw na tinghoy. Mabagal na ang galaw, ngunit parang dumadantay iyon sa kanyang mga mata. Dumilat siya uli at nakita niyang parang isdang papalag-palag na lamang ang ningas. Ilang sandali na lamang at mamamatay na ang ilaw, naisip ng matanda. Marahil naman ay darating na si Itoy bago mamatay ang ilaw.
Ang uhaw na naramdaman niya nang siya'y magising ay bumalik na naman. Tigang na tigang ang kanyang bibig. Ang kanyang pag-ubo'y lalo lamang nakapagpatindi sa kanyang uhaw. Bumaling siya sa gawi ng silid ni Clemenia at ibinuka niya ang kanyang bibig,
"Menyang... Menyang... paos at mahina ang kanyang tinig.
Inulit ni Aling Maring ang pagtawag, pag-uulit ay inilalakas hanggang sa ang matanda ay sasalin ng ubo. Samantala, ang ilaw sa ibabaw ng aparador ay biglang namatay.
Sa pagitan ng sapin-saping pag-ubo sa maikling sandali ng pagsagap ng malinis na hangin ay parang lumatay sa isip ng maysakit ang isang mapait na pagkaunawa. Bumibigat at higit na sumasakit ang kanyang dibdib. Iisa lamang ang kahulugan! Nasa hagdanan na marahil si Itoy! Magigising si Clemenia...lalabas na siya mula sa silid.
Pamayamaya'y biglang napatigil ang pag-ubo, saglit na namayani ang hinahabol na paghinga at nang maputol iyon ay animo tuksong sumungaw sa bukas na durungawan ang buwang wari'y pumapanaog mula sa karurukan.
- Nalathala sa Ang Quezonian (Hunyo 23, 1959), opisyal na pahayagang pang-estudyante ng MLQ University

"SA BAGONG PARAISO"

"Sa Bagong Paraiso"
By Efren Abueg
(Maikling Kwento)

At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na sinabi, "Sa lahat ng punungkahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." -Genesis 3:16-17

i
Sa simula'y mga bata silang may walong taong gulang-isang lalaki at isang babae. At ang kanilang daigdig ay isang malawak na loobang kinatitirikan ng dalawang tabla't yerong bahay, na ang isa'y nasa Silangan at ang isa'y nasa Kanluran; at sa pagitan niyon ay walang bakod na nakapagitan. Ang malawak na looban ay mapuno at mahalaman, maibon at makulisap at may landas doon na humahawi sa dawagan at tumutugpa sa dalampasigang malamig ang buhangin kung umaga, ngunit nakapapaso sa katanghalian.
Ang kanilang daigdig ay tahimik; ang kanilang kabuhayan ay hindi suliranin; ang kanilang mga magulang ay walang sigalutan- ang mga ito'y maka-Diyos at walang araw ng Linggo o araw ng pangilin na hindi makikita ang mga ito sa kanilang bisita sa dakong hilaga ng nayon. Ang mga ito'y may rosaryo sa kanilang mga palad at may usal ng dalangin sa mga labi.
At silang dalawa ang batang lalaki at batang babae ay nagsisipag-aral, kasama pa ng ibang bata sa maliit na gusaling may tatlong silid, sa gusaling nasa dakong timog ng nayon. Sila'y may mga pangarap, na ang sakop ay lumalakdaw sa hangganan ng nayong iyon, ng bayang iyon at ng lalawigang kinaroroonan niyon.

ii
Wala silang pasok kung araw ng Sabado at Linggo o mga araw na pista opisyal. Silang dalawa'y naglalaro sa loob ng bakurang iyon, mula sa umaga hanggang sa hapon. Umaakyat sila sa mga punong santol, sa punong bayabas, sa marurupok na sanga ng sinigwelas, sa maaligasgas at malulutong na sanga ng punong mangga. Nagagasgas ang kanilang mga tuhod, nababakbak ang kanilang mga siko, nagagalusan ang kanilang mukha at kung minsan ay nalilinsaran sila ng buto kung nahuhulog-ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nila iniinda; patuloy sila sa paglalaro.
Malamig sa ilalim ng punong mangga. Makapal ang damo sa sakop ng lilim niyon kung umaga at doon silang dalawa naghahabulan, nagsisirko, nagpapatiran at kung sila'y humihingal na ay hihiga sila sa damuhang iyon, titingalain nila ang malalabay na sanga ng puno, sisilip sila sa pagitan ng masinsing mga dahon at magkukunwaring aaninawin sa langit ang kanilang mukha.
“Loko mo... makikita mo ba ang mukha mo sa langit?" minsan ay sabi ng babae sa lalaki.
“Bakit hindi? Ang langit ay isang malaking salamin...sabi ng Tatay ko," sagot naman ng batang lalaki.
Ang batang babae ay makikisilip din sa pagitan ng masinsing mga dahon, na waring ibig patunayan ng sariling paningin ang sinabi ng kalaro. At pagkaraang tumingin sa langit nang matagal, sila'y lalagumin ng katahimikan--ang kanilang katawan ay nakalatag na parang mga kumot, hanggang sa sila'y makatulog at gisingin sila ng tawag mula sa kanilang bahay.
Kung minsan, ang batang lalaki ang unang magigising; kung minsan naman ay ang batang babae. Ngunit sino man sa kanila ang unang magising, kukuha ito ng kaputol na damo at kikilitiin sa tainga ang natutulog. At ang natutulog ay mapupukaw, mababalikwas at pagkarinig na siya'y pinagtatawanan ay magtitindig at ang nangilit ay mapapaurong naman at anyong tatakbo at sila'y maghahabulan sa damuhang iyon, magpapaikut-ikot hanggang sa ang isa yy mahapo at sila'y muling bumagsak sa kalamigan ng damuhan, magkatabi at hindi nila pinapansin ang paglkakadantay ng kanilang mga binti o ang pagkakatabi ng nag-iinit nilang katawan.
Kung sila'y nagsasawa na sa loobang iyon, sila'y nagtutungo sa dalampasigan kung malamig na ang araw sa hapon. Namumulot sila ng kabibe. Inilalagay ng batang lalaki sa bulsa ng kanyang putot na pantalon ang nakukuha niyang kabibe at ang nadarampot naman ng batang babae ay inilalagay nito sa sinupot na laylayan ng suot nitong damit. Kung hindi naman kabibe ang pinagkakaabalahan nila sa dalampasigan, naghuhukay sila ng halamis sa talpukan, o kaya'y gumagawa ng kastilyong buhangin o kaya y nanunugis ng mga kulukoy na kung hindi makapangubli sa malalalim na lungga ay lumulusong sa talpukan at bumabaon sa masigay na buhangin.
Ngunit hindi lamang iyon ang kanilang ginagawa: nagtutudyuhan din sila, naghahabulan at kapag nahahapo na, mahihiga rin sila sa buhanginan, tulad ng ginagawa nila sa damuhan sa looban, at sa kanilang pagkakatabi, nagkakatinginan sila. Minsan ay itinanong ng batang lalaki sa batang babae: "Naririnig mo ba...nmay tumutunog sa aking dibdib?"
Ang batang babae ay nagtaka. Bumangon ito at tumingin sa nakatihayang kalaro.
"Pakinggan ko nga" anang batang babae.
Inilapit ng batang babae ang kanyang tainga sa dibdib ng batang lalaki, dumadaiti ang katawan niya sa katawan ng kalaro at nalalanghap naman ng nakahiga ang halinmuyak ng kanyang buhok.
"Ang bango mo pala!" Ang batang lalaki ay nakangiti.
"Aba..hindi naman ako nagpapabango anang batang babae na lumupasay sa tabi ng nakahigang, kalaro, "Paglaki ko raw ay saka na ako magpapabango, sabi ng Nanay ko."
"Teka nga pala, narinig mo ba ang tunog sa dibdib ko? usisa ng batang lalaki.
"Oo...ano kaya ang ibig sabihin niyon?"
Nagkatinginan ang dalawa at ang lalaki ang unang nagbawi ng tingin. "Malay ko...tena na nga."
Bumangon ang batang lalaki, pinagpag ang buhanging dumikit sa kanyang bisig at sa kanyang pantalon at nagsimula nang lumakad. Sinabayan siya ng batang babae at habang isinasalisod nila kanilang mga paa sa buhanginan habang lumalakad, nakatanaw sila sa papalubog na araw.
"Ang ganda, ano?" naibulalas ng batang lalaki.
"Parang may pintang dugo ang langit."
"Oo nga, ano? Bakit kaya kulay-dugo ang araw kapag palubog na?" sagot naman ng batang babae.
Hindi sumagot ang batang lalaki. Nakatanaw ito sa mapulang latay ng liwanag ng araw sa kanluran.

iii
Puring-puri ang dalawang bata ng kanilang mga magulang, ng kanilang mga kanayon. At kinaiinggitan naman sila ng ibang batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makihalubilo sa kanila.
“Siguro, paglaki ng mga batang 'yan....silang dalawa ang magkakapangasawahan.”
Naririnig ng dalawang bata ang salitang iyon at sila'y nagtataka. Hindi nila madalumat ang kaugnayan ng kanilang pagiging magkalaro sa isang hula sa hinaharap. Higit pang nakaaabala sa kanilang isip ang sinasabi ng kanilang mga kaklase na silang dalawa'y parang tuko-magkakapit.
At minsan nga ay napalaban ng suntukan ang batang lalaki. Isang batang lalaking malaki sa kanya ang isang araw na pauwi na sila ay humarang sa kanilang dinaraanan at sila'y tinudyo nang tinudyo.
"Kapit-tuko! Kapit-tuko!"
Umiyak ang batang babae. Napoot ang batang lalaki. Ibinalibag nito sa paanan ng nanunudyong batang lalaki ang bitbit na mga aklat. Sinugod nito ang kalaban. Nagpagulung-gulong sila sa matigas na lupa, nagkadugu-dugo ang kanilang ilong, nagkalapak-lapak ang kanilang damit, hanggang sa dumating ang guro at sila'y inawat at sila'y pinabalik sa silid-aralan at pinadapa sa magkatabing desk at tumanggap sila ng tatlong matinding palo sa puwit.
Pagkaraan ng pangyayaring iyon, napag-usapan ng dalawang bata ang bansag sa kanila. At sila'y nag-isip, na lalo lamang nilang ikinalunod sa kanilang kawalang-malay.

iv
Namulaklak ang mga mangga, namunga, nalaglag ang mga bugnoy, dumating ang mamamakyaw at sa loob ng ilang araw lamang, nasaid ang bunga sa mga sanga. Namulaklak din ang mga santol at iyon ay tinanaw ng dalawang bata sa pagkakahiga nila sa damuhan at sila ang unang sumungkit sa mga unang hinog
Nangalaglag ang mga dahon ng sinigwelas, namulaklak iyon at dumaan ang mahabang tag-araw, at ang damuhan ay natuyo at ang kanilang naging tagpuan ay ang dalampasigan at madalas man sila roon ay hindi nila masagut-sagot ang bugtong kung bakit kulay-dugo ang silahis ng araw kung dapithapon. At sa wakas ay namunga ang sinigwelas, mga luntiang bubot na pinitas nila ang ilan at pagkaraang isawsaw sa asin ay kanilang tinikman at sila'y naasiman at idinalangin nila ang maagang pag-ulan-sapagkat sabi ng kanilang lola'y madaling bibintog at mahihinog ang bunga ng sinigwelas kapag naulanan. Silay naniwala at hinintay nila ang ulan, at nang pumatak iyon sa kalagitnaan ng Mayo, silang dalawa'y naghubad, naligo sa ulan, naghabulan sa looban at nayapakan nila ang mga tuyong damo, na waring bangkay ng isang panahong hinahalinhan ngayon. Pagkaraan pa ng ilang araw, nadungawan nilang hinog na nga ang mga sinigwelas. Nagmamadali silang nanaog at ang batang lalaki'y umakyat sa puno at ang batang babae naman ay naghanap ng sungkit.
At ang pamumulaklak, pamumunga at pamumulaklak at pamumunga ng mangga, santol at sinigwelas at ng iba pang punongkahoy o halaman sa loobang iyan ay nagpatuloy. Ang damuhan ay natuyo at muling sinibulan ng bagong supling; ang araw ay lunmubog at sumikat at hindi pa rin nagbabago ang kulay ng silahis niyon kung dapithapon.
Ang paaralan sa nayon ay malapit nang magpinid; ang guro ay naghanda na ng isang palatuntunan; ang mga magulang ay walang pinag-uusapan kundi ang katalinuhan ng kanilang mga anak.

v
Nang dumating ang pasukan, ang batang lalaki at ang batang babae ay sakay ng kalesa patungo sa bayan. Doon sila mag-aaral ng hayskul. Ngunit iba na ang kanilang ayos. Ang batang lalaki'y hindi na nakapantalong maikli-putot: siya'y nakalargo na at pantay na ang hati ng kanyang buhok sa nangingintab na pahid ng pomada. Samantala, ang batang babae ay may laso sa buhok na nakatirintas at ang kanyang suot na damit ay lampas-tuhod at hindi nakikita ng batang lalaki ang alak-alakan nito.
Dito dumaan sa kanilang buhay ang isang pagbabago, na hindi nila napigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ng tingin ang paraisong kanilang kinaroronan.
Sa paglawak ng kanilang daigdig, ang batang lalaki'y hindi na sa batang babae lamang nakikipaglaro-siya'y kahalubilo na rin ng maraming batang lalaking pumapasok sa magagapok nang gusaling iyon ng paaralan. Nakikipagharutan siya sa mga ito, nakikipagbuno, nakikipagsuntukan-at higit sa lahat, nakikituklas ng lihim ng isa't isa. Isang araw, sa likod ng paaralan, isang pangkat ng batang lalaki ang nakapabilog at isang batang lalaki ang nasa loob niyon at may ipinakikita sa kasamahan. Nakisiksik din siya sa mga batang lalaki at nakita niya ang isang bagay na hindi niya alam na kailangang mangyari sa kanya.
Umuwi siyang parang tulala nang hapong iyon at kinagabihan ay hindi siya nag-aral. Umupo siya sa baitang ng kanilang hagdan at nag-isip hanggang sa makita siya roon ng kanyang ama. Inusisa niya sa ama ang kanyang natuklasan sa paaralan at itinanong niya rito kung bakit kailangang gawin pa iyon.
Nagtawa ang kanyang ama. Tinapik siya nito sa balikat.
“Kailangan 'yon upang ikaw ay maging ganap na lalaki," sagot ng kanyang ama.
Natingala lamang niya ito at ang pamimilog ng kanyang mga mata'y nagpahiwatig ng pagkakaro on ng lamat sa kanyang kawalang malay.
"Hayaan mo... dugtong ng kanyang ama, isang araw, isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lamang sana..
Ibig niyang ipagtapat iyon sa batang babae, ngunit aywan niya kung bakit nahihiya siya. Ngayon lamang niya nadama iyon. Kaya kahit patuloy pa rin silang naglalaro sa damuhano kaya'y nagtutungo sa dalampasigan tuwing wala silang pasok, ang alalahanin ukol doon ay nakabawas sa sigla ng batang lalaki.
At isa ngang araw, Sabado ng umaga, isinama siya ng kanyang ama sa bahay ni Ba Aryo sa tabi ng ilog. Ngumata siya ng dahon ng bayabas, pumikit siya at pagkaraan ng iba pang ginawa, siyay itinaboy ni Ba Aryo upang maligo sa ilog.
"Ang damuho... pagkalaki-laki'y parang hindi lalaki!" Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo, kabuntot ng malutong na halakhak ng kanyang ama ay natanim sa kanyang isip at patuloy na nagpalaki sa lamat sa kanyang kawalang malay.

vi
Kasunod ng pangyayaring iyon, aywan niya kung bakit iba na ang kanyang pakiramdam. Gayong magaling na ang sugat na nilikha isang umaga sa harapan ng bahay ni Ba Aryo, hindi pa rin nagbabalik ang kanyang sigla. Natitigilan siya kung nakikipaglaro sa batang babae. Nangingimi siyang tumabi rito kung ito'y nakahiga sa damuhan o sa dalampasigan. Hanggang isang araw ay napansin niyang namumula ang mata ng batang babae nang dumating ito isang dapithapon sa tabing dagat.
"Bakit?" usisa niya.
"Wa-wala...wala! Nag-isip ang batang lalaki. Naisaloob niyang baka ang kawalang-sigla niya sa pakikipaglaro rito ang dahilan. Tinudyo niya ang batang babae, kiniliti, napahabol dito...hanggang sa mahawa ito at sila'y naghabulan na sa buhanginan, sumisigaw sila sa katuwaan hanggang sa manigas ang kanilang mga binti at kinakailangang humiga na naman sila sa buhanginan. Humahagikhik pa Sila nang mapatong ang kamay ng batang lalaki sa kanyang dibdib at madama niyang lalong malakas ang pintig doon.
"Tingnan mo...pakinggan mo ang tunog sa dibdib ko," anyaya ng batang lalaki.
Ngunit hindi kumilos sa pagkakahiga ang batang babae. Nakatitig lamang ito sa maaliwalas na mukha ng langit. Nagtaka ang batang lalaki. Bumangon ito at tinunghan ang nakahigang kalaro. Nangingilid ang luha sa mga mata nito.
"Bakit?"
Saka lamang tumingin ang batang babae sa batang lalaki. At ito'y umiyak at ang luhang tumulo sa pisngi'y pinahid nito ng palad at ang palad na iyong ipinatong sa buhanginan ay pinaniktan ng buhangin.
“Hindi na pala tayo maaaring maglaro...na tulad nang dati," anang batang babae sa basag na tinig,
"Hindi na?" Parang sasabog sa kawalang malay ang katauhan ng batang lalaki.
"Malalaki na raw tayo...malalaki nang tao. Hindi na raw maglalaon, tayo'y magiging dalaga...at binata."
"Sinabi 'yon ng Nanay mo?"
"Oo, sinabi niya...na hindi na tayo maaaring maghabulan, o kaya'y umakyat sa punungkahoy o kaya'y pagabi dito sa tabing-dagat," sabi pa ng batang babae.
“Kangina sinabi sa 'yo...ng Nanay mo?" Tumango ang batang babae.
“Ngayon daw...hindi na tayo bata. Ako raw ay dalagita na...at ikaw raw ay binatilyo na."
At waring ang batang lalaki'y nagising, napagmasdan niya ang kanyang mga bisig, ang kanyang katawan at sa harap ng kanyang kalaro ay naunawaan niyang totoo ang sinabi nito.
“Ayaw ka na palang papuntahin dito'y... bakit narito ka pa...gabi na!" paasik niyang naitugon sa batang babae.
Nagbangon ang kanyang kalaro. Humarap sa kanya. Palubog na noon ang araw at mapula ang silahis niyon sa langit. Ang mukha ng dalawa ay anino lamang mula sa malayo at ang pagkakahawak nila sa bisig ng isa't isa ay parang isang pagpapatunay ng tibay ng tanikalang bumibidbid sa kanilang katauhan.

vii
Hindi na nga sila mga bata. Siya'y dalagita na. Siya naman ay binatilyo na. Ang pagbabagong iyon ang nagpaunawa sa kanilang may tumataas nang dingding sa pagitan nila. Nagkikita pa rin sila sa looban, ngunit hindi nga lamang tulad nang dating nagtatagal ang kanilang pag-uusap. Ngayon, parang laging may nakatingin sa kanilang mga matang nagbabawal-sa looban, ang kanilang mga magulang, sa paaralan, ang kanilang guro. Ang kanilang tawa tuloy ay hindi na matunog; ang hiyaw ng dalagita ay hindi na matinis, malayo sa hiyaw nito noong araw; ang kanilang pag-uusap ay hindi na malaya at pumipili na sila ng mga salitang kanilang gagamitin.
At buwan-buwan, ang dalagita ay may kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kanyang katre at kapag tapos na sa paglalaba ang kanyang ina ay palihim niyang lalabhan iyon sa silong at ikukula sa kubling bahagi ng kanilang likod bahay.
Minsan ay natutop siya ng kanyang ina sa paglalaba sa silong at sinabi ito sa kanya: Hindi mo na kailangang dito pa labhan 'yan...

viii
Nagtapos sila ng hayskul. Nagkamay sila pagkaraang maiabot sa kanila ang kani-kanilang diploma. At nang magsayawan nang gabing iyon, magkatambal sila. Gayong hindi naman sila nahapo, ang tibok sa kanilang dibdib ay mabilis at malakas at ngayon ay hindi maungkat iyon ng binatilyo. Nagsayaw sila, nag-usap ang kanilang mga mata ngunit ang kanilang mga labi'y tikom at kung gumalaw man ay upang pawiin ang panunuyo o paglalamat niyon.
At hindi nila alam na ang tibok ng pusong iyon ay isa pang pangyayaring nagpalaki sa lamat sa kanilang kawalang malay.

ix
Maliwanag ang narinig na salita ng dalagita: Kung gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel. Naunawaan niya ang ibig sabihin niyon, ngunit ang pagtutol ay hindi niya maluom sa kanyang kalooban.
"Pero, Inay... kaibigan ko si Ariel!" May himagsik sa kanyang tinig.
"Kahit na...kayo'y dalaga at binata na. Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin,' may langkap na tigas ang sagot na iyon.
Alam niya ang kahulugan niyon: masama. Parang pait iyong umuukit ng kung anong bagay sa kanyang isip. At saglit iyong inagaw ng tinig ng kanyang ama.
Ibig kong magdoktora ka, kaya kalimutan mo muna ang lalaki!"
At ang pait na may iniuukit sa kanyang isip ay parang pandalas na pinukpok at ang kanyang katauhan ay nayanig at ang tunog ng pagpukpok ay nag-aalingawngaw ng: Lalaki! Lalaki! Hindi siya nakatagal sa harap ng kanyang mga magulang. Nakatiim ang mga labing pumasok siya sa kanyang silid.

x
lyon lamang at minsang dalawin siya ng binata sa dormitoryo ay natuklasan nila sa isa't isa na mataas na ang dingding sa kanilang pagitan. Matatag iyon at makapal at waring hindi nila maibubuwal.
"Huwag na muna tayong magkita, Ariel, sabi niya sa binata. Napatitig sa kanya si Ariel at nakita niya ang pamamantal ng noo nito at pagtataka, sa damdaming unti-unting nasasaktan.
"Ba-bakit...dati naman tayong.
"Ayaw nila...ng Inay, ng Itay...masama raw, at ang mga labi niya'y nangatal, kasabay ng luhang umahon sa kanyang mga mata.
Masama! Masama!
At si Ariel, ang kanyang kababata ay lumisang larawan ng isang bilanggong hindi makaigpaw sa isang mataas na pader.

xi
Minsan, ang binata ay umuwi sa lalawigan. Mapanglaw ang kanyang mukha at napuna agad iyon ng kanyang ama.
"Bakit?"
"Ayaw nang makipagkita sa akin si Cleofe."
Nagtawa ang kanyang ama, tulad ng nakaugalian nito tuwing may ilalapit siyang suliranin. Walang kuwenta yon. Makikita mo, kapag tapos na si Cleofe ay magkakalapit kayong muli. Hindi mo ba alam...na gustung-gusto ng kanyang mga magulang na maging doktora siya?
Pasigaw ang alingawngaw ng kanyang tinig sa kanyang isip.
"At habang nagdodoktora siya ay masamang kami'y magkita?"
"Tama ka," maagap na pakli ng kanyang ama. "Hindi mo ba alam na kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa tukso?"
Tukso! Tukso! Parang matalim na kutsilyong isinasaksak sa kanyang utak ang katagang iyon. Mahapdi. Makirot. Parang binibiyak ang kanyang ulo.
Napapikit siya. Nagunita niya ang luntiang damuhan sa looban, ang malamig na buhanginan kung hapon, ang mapulang silahis ng araw na parang dugo.

хіі
At ang dalawa'y hindi nagkita, gayong nasa isang lungsod na maliit at maglakad ka lamang sa mga lansangan ay hindi ka mawawalan ng masasalubong na kakilala. Mangyari'y iniwasan nila ang magkita, mangyari'y sinikil nila ang paglago pa ng halaman sa kanilang katauhan na pinapag-ugat at pinapag-usbong ng mga araw sa luntiang damuhan sa looban at malamig na buhanginan sa dalampasigan kung dapithapon. Hindi sila nagkita sapagkat inihasik sa kanilang isip na ang pagkikita nila'y magiging masama, tukso. At sa kanilang bagong daigdig ng mga aklat, ng mataas na gusali, ng malalayang kabataan sa kapaligiran, ang isiping iyon ay parang tabak na nakabitin sa tapat ng kanilang ulo o kaya'y tulad din ng isang mansanas, pulang mansanas na bibitin-bitin sa nakayungyong na sanga ng punungkahoy.
Hindi sila nagkita sa loob ng mahaba ring panahon, mga buwan at sana'y mga taon kung nakatiis sila...kung tuluyang nasikil nila ang halamang patuloy sa paglago sa kanilang katauhan.

xiii
Hindi nga sila nakatiis...isang araw na hindi sinasadya'y nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan. Kapwa sila napahinto sa paglakad at nababangga na sila ng mga tao sa bangketa ay hindi pa rin sila makakilos. Ang binata ang unang nagkalakas-loob at binati niya ang dalaga.
Hindi makasagot ang dalaga. Nakatitig lamang siya sa mukha ng binata at nang anyayahan siya nitong magpalamig sila sa isang kanugnog na restawran ay napasunod lamang siya, napatangay sa agos ng kanyang damdamin. At sa harap ng kanilang hininging pagkain, sila'y nagkatitigan at sila'y nakalimot at akala nila'y nasa luntiang damuhan sila sa looban sa lalawigan, nakahiga at nakabaling sa isa't isa.
At pagkaraan ng maraming sandali ng pagdidili-dili ng pagsusuri sa sarili, ng pagtantiya sa pandama, hinawakan ng lalaki ang kamay ng babae, pinisil at hinalikan at saka sa tinig na nababasag sa pananabikvat pangungulila ay sinabi: Ibig kong magkita tayo, kahit saan, kahit saan!
At ang babae ay hindi sumagot at tumango lamang at lalong ipinaubaya sa lalaki ang kanyang palad.
At sila'y nagkita sa Luneta, hindi lamang minsan, kundi maraming pagkikita...maraming marami at ang kanilang sikil na damdamin ay lumaya at sa unang pagkakataon, pagkaraan ng ilang buwang pagkakalayo, sila'y lumigaya.
Ngunit ang inihasik na binhi ng pagkakilala sa masama at sa mabuti sa kanilang isip ay sumibol na at nagpaunawa sa kanilang ang ginagawa nilang iyon ay masama. Ngunit sila'y uhaw sa gunita ng kanilang kamusmusan at sila'y naghihimagsik.

xiv
Malinaw ang sinasabi sa sulat: sa pook pa namang iyon, sa lahat ng pook na dapat mong pakaiwasan...doon kayo nakita. Hindi sana malubha kung nakita lamang kayo, ngunit nakita kayong magkahawak-kamay...sa karamihan ng tao sa paligid. Hindi na kayo nahiya!
Hindi na ipinagpatuloy ng dalaga ang pagbasa sa liham. Nagbabanta ang mga sumusunod pang talata: luluwas ang ama mo kapag hindi mo itinigil ang kabaliwang iyan.

xv
Ang binata'y hindi makatulog. Nalukot na ang suot niyang damit ay hindi pa rin niya hinuhubad. Ibig niyang lumabas ng bahay-paupahang iyon, maglakad sa lansangan at sa labas na paabot ng umaga.
...ipinaabot dito ng mga magulang ni Cleofe ang ginawa ninyo. Hiyang-hiya kami ng iyong anma. Ibig naming makatapos ka..at ibig naming ipaalaalang muli sa iyo na ang babae ay tukso...tukso!

xvi
Sinabi ng dalaga: Hindi na ngayon tayo maaaring magkita. Sinabi ng binata: magkikita tajyo, magtatago tayo..ililihim natin sa kanila ang lahat.
At sila nga ay nagkita, sa mga pook na hindi sana nila dapat pagkitaan, ngunit doon sila itinaboy ng kanilang paghihimagsik, ng takot na matutop at ng pangangailangan.
Sa mga pook na iyon pilit nilang iginupo ang dingding na ipinagitan sa kanila. At sa palagay nila, sila ay nagtagumpay. Naalis ang hadlang. Ngunit sa kanilang utak, nagsusumiksik at nanunumbat ang alingawngaw ng pagbabawal; lumalarawan ang mga nananalim na tingin: masama...tukso.

xvii
At ngayon, ang kanilang paraiso ay hindi na ang malawak na looban o kaya ang dalampasigang malamig kung dapithapong ang silahis ng araw ay mapulang parang dugo. Ang daigdig nila ngayon ay makitid, suluk-sulok, malamig din, ngunit laging hinahamig ng init ng kanilang lumayang katawan.

xviii
Maligaya sila sa kanilang daigdig. Maligaya sila sa kanilang bagong paraiso. Hanggang isang araw ay kumulog, dumagundong ang kalawakan at nangagulat ang mga ta0 sa lansangan; pamayamaya, pumatak ang ulan, na ang pasimulang madalang ay naging masinsin.
Ang dalaga ay dumungaw sa bintana masama ang kanyang pakiramdam. May kung anong nakatatakot na bagay sa kanyang katawan na ibig niyang ilabas, na ibig niyang itapon. At iyon ay waring umaakyat sa kanyang lalamunan.Humawak siya sa palababahan ng bintana. Tumingala siya upang pawiin ang pagsama ng kanyang pakiramdam. Natanaw niyang maitim ang langit at naisip niyang magtatagal ang ulan.
Tumungo siya at nakita niyang nililinis ng tubig ang bangketa. 
At kasabay ng kanyang pagtungo, parang may isinikad na pataas sa lalamunan ang kanyang bituka at siya'y napanganga at siya'y napapikit at siya'y napaluha at paghigpit ng kanyang hawak sa palababahan ng bintana ay napaduwal siya...at ang lumabas sa kanyang bibig ay tumulo sa bangketa at sandaling kumalat doon at pagkaraa'y nilinis ng mga patak ng ulan, inianod ng nalikhang mumunting agos sa gilid ng daan. At ang dalaga'y napabulalas ng iyak.

--Nalathala sa Ang Quezonian (Hunyo 6, 1963), opisyal na pahayagang pang-estudyante ng MLQ University

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...