Ang Kabaong: Higaang Panghabang-Buhay o Patay
Magandang araw sa mga aking mambabasa, aking ilalahad ang mga kaganapang nangyari sa amin, sa paggawa ng isang proyekyo sa asignaturang Filipino. Ang proyektong ito ay nagpabago sa aming mga ilang paniniwala naming at sa mga katanungan namin sa aming sarili.
Tanong ko sa aking ina noong bata pa ako, “Mama ano po ba yung tawag sa box na mahaba? At bakit diyan po nakalagay si Tito?” nang itanong ko ang aking tanong sa aking inay ay kasalukuyang nakaburol ang namayapa ko ng tiyuhin. At ang sagot ng aking ina ay “Kabaong ang tawag dyan, lahat tayo hihiga din diyan pag dating ng panahon, pero siyempre matagal ka pang hihiga diyan kasi bata ka pa naman.”. Talagang tumanim sa aking isipan ang salitang kabaong nung bata pa ako. Dahil siguro sa kakaibang itsura nito o kaya ay unang beses ko lang na makakita ng ganoong bagay.
Aminado akong takot akong Makita ng patay, dahil siguro sa mga kwentong nakakatakot na tungkol sa mga patay. Ngunit dati pa naman yun at ngayon ay hindi na. Halos laman naman ako ng burolan sa anim tuwing mayroong patay sa pamilya. Pinsan, Tiyuhin, at Tiyahin, ang mga nakaburol. Kahit na namatayan kami ay ang saya kasi kapag naglalaro kami ng aking mga pinsan ng baraha, chess, scrabble, at word factory.
Naalala ko ang lahat ng iyon ng matapos naming ang pagbre- brainstorming sa asignaturang filipino. Ang paksa kasi na aming napili ay tungkol sa paggawa ng kabaong. Medyo eksayting para sa amin ang gagawin naming pag oobserba at pagpapanayam sa mga pupuntahan naming warehouse, kung saan ay daang-daang kabaong ang ginagawa.
Una naming ginawa ay nag-search kami tungkol sa mga kabaong. May ibat-ibang uri pala ngayon ng mga kabaong.May kabaong na may halong ginto, may kabaong na simple lang, may kabaong na talagang pang mahirap lang, may kabaong na bongga, at sa panahon ngayon ay marami nang bago at modern tulad ng, kabaong na nirerentahan, at kabaong na maaari mong bigyan ng disenyo ang ipipinta sa kabaong. Hindi rin syempre papahuli ang mga artistang namayapa na. talagang pinaggastusan ang kabaong. Katulad na lang Fernando Poe jr., Milyones ang halaga ng kanyang kabaong dahil may halo itong ginto. Kay dating presidente Cory Aquino naman sa mukhang simple, dahil simple lang naman talaga si dating pangulong Cory, ngunit milyones din ang halaga ng kanyang kabaong.
Nagpunta ang grupo namin sa isang purinarya upang magtanung-tanong kung saan mayroon pagawaan ng mga kabaong. Itinuro niya kami sa warehouse sa Marilao, Bulacan. Mabuti at sinamahan rin kami ng babaing nagturo sa amin kung saan may warehouse. Itinanong namin kung bakit hindi siya nag-atubili na sumama sa amin. Ang sagot niya ay “Yung tatay ko kasi, doon siya nagta-trabaho. Tamang –tama naman na dadalhan ko siya ng pagkain at manghihingi rin pati ako ng pera dahil inutusan ako ng aking nanay.”. Nilibre na lang naming ng pamasahe si Ate upang makabawi kami sa kanya. Ang pangalan nga pala ni ate nang aming tanungin ay siya raw si Mercy. Habang nasa jeep ay medyo kinakabahan ako. Baka kasi nanloloko ang babaing ito at baka iligaw lang kami. Pero, mali lahat ng mga haka-haka ko dahil dumating na kami sa warehouse. Grabe ang init ng ma panahong iyon dahil tanghaling tapat. Sinamahan na namin si ate Mercy sa loob at nakita na namin ang kanyang ama. Kamuntikan na nga kami ng mga kagrupo kong hindi papasukin sa warehouse wala daw kaming ID ng mga empleyado. Ngunit nakapasok kami sa tulong ni ate Mercy. Paglapit ni Mercy, ay ito ang sinabi ng kanyang ama, “sino sila? Di ba sinabi ko naman na wag na wag kang sumama sa mga taong hindi mo lubos na kilala, lalo na at puro lalaki pa yan!”. Galit na galit ang ama ni ate Mercy na napag-alaman naming si Mang Bert. Hinayaan muna namin ang mag-ama na mag-usap upang maumpisahan na namin ang pagtatanong-tanong sa mga ilang manggagawa ng mga kabaong. Nakikilala naming si kuya Raf, tinanong naman namin kung anong oras ang kaniyang pasok, ang sagot niya ay “7:00am hanggang 3:00pm lang naman.”. sunod naming tanong ay “kuya, magkano naman po yung sweldo nyo? Sapat naman po ba sa inyo?”. Ang sagot niya ay “ Hindi kasi kami kinsenas, lingguhan o buwanan. Susuwelduhan ka dipende sa ayos at kung ilang yung magawa mong kabaong. Kapag pangit kasi ay ipapaulit o reject yung kabaong na ginawa mo. Bale, 100 kada isang kabaong, any sizes naman yun, tapos kung may reject, doble yung ibabawas sa lahat ng ginawa mo.”. tinanong ko ulit si kuya “kuya anu pong ibig sabihin niyo sa doble yung ibabawas?” sagot ni kuya “halimbawa tatlo yung nagawa kong kabaong sa isang araw, tatlong daang piso yung kabuuang kinita ko, tapos reject, kaya menos dalawang daang piso kada isang kabaong na reject. Katwiran ng may-ari ay malalaking mga porinarya ang nagpapagawa sa amin at sayang daw yung materyales na nagamit. Ang trabaho nga pala ay taga gawa lang nga kabaong, iba pa yung nag pipintura nito.” Dagdag pa ni kuya ay kahit na ganun ang patakaran ay wala naming nagrereklamo at awa naman daw ng Diyos ay hindi pa siya nakakagawa ng reject na kabaong. Ang sunod namang tinanong namin ay si aling Bhess. Ang trabaho niya sa warehouse ay tagapag-inventory ng mga naidedeliver na kabaong. Nang aming tanungin kung magkano ang kanyang sinusweldo ay nahiya siyang sabihin sa amin, kontrobersyal daw ito. Hindi namin siya pinilit na sabihin kung magkano ang kanyang sweldo, malamang siguro ay mababa lang. Ang huli naming tinanong ay yung may-ari si Mr. Chua, tinanong namin kung malakas ba ang kita ng ganitong negosyo. Ang sabi niya ay kung ikukumpara sa mga nakaraang taon ay tumataas ang kita namin ngayon dahil dumarami na rin kasi ang mga porinaryang nagpapagawa sa amin ng mga kabaong. Ang sunod na tanong naming ay kung mayroon pa na ba siyang ibang negosyo maliban dito. Ang sabi niya ay mayroon naman, bakery, at may trabaho rin ako sa isang kumpanya ng mga contructors. Ang huling tanong namin ay kung may balak ba siyang iwanan ang ganitong uri ng negosyo o kung balak ba niyang ipamana sa mga anak niya. Ang sagot niya ay “maganda rin naman yung negosyong ito kaya hindi ko ito bibitawan pero, malabong ipamana ko ito dahil ayokong ito ang negosyo ng mga anak ko.”. nagpasalamat kami sa Mr. Chua at makalipas nun ay saktong uuwi na ang mag-ama na naatira sa litex. Nagsabay-sabay na kami pauwi.
Kinabukasan habang papunta ako sa eskwelahan ay may libing akong nakita, ang ganda nung kabaong. Kulay ginto talaga ang nakita kong iyon at kumikintab pa. Bagaman naaliw ako sa itsura ng kabaong ay nadama ko ang kalungkutan ng mga nakipaglibing dahil talagang todo iyak sila habang naglalakad sa ilalim ng tirik na araw.
Nang sumunod na linggo ay sa pagawaan ng kabaong naman kami sa Maynila pumunta. Sige, kayod nangg kayod ang mga trabahador. Tila wala silang kapaguran sa paggawa. Bago ami magtanung-tanong ay nagpaalam naman kami sa may-ari na si ginang Perly kung maaaring kaming mang-usisa, at magiliw naman naman siyang pumayag. Kay manong Nestor kami unang nagtanong, unang tanong namin ay kung magkano ang kanyang sinusweldo. At agad naman itong nagkwento, ang sagot niya “lingguhan kasi ang swelduhan dito kaya ang sweldo ko ay 1200, kada linggo. Ang trabaho ko rito ay tagapinta ng ng mga kabaong. Medyo sensitive nga ang trabaho ko dahil bawal talagang nagkamali kasi agad-agad akong sesermonan at tatapyasan ng sahod dahil sa nasayang na mataryales.”. sunod na tanong ko, “ano po ba yung mga usually na kulay ang madalas na ginagawa niyo?”. Tumawa si manong at sinabing “ayan ohh. Diba nakikita niyo naman na puro puti ang mga kabaong. Ehh di malamang puti”. Medyo nainis ako sa inasta ni manong kaya lumipat na kami ng matatanungan. Sunod naming nakilala si mang Thom. Nagpakilala kami at hindi naman siyang tumanggi sa aming panayam. Unang tanong namin ay kung ano ang trabaho niya dito. Ang sagot niya ay “gumagawa ako ng kabaong.”. Sunod naming itinanong kung magkano yung kanyang sinusweldo. Hindi agad siya sumagot bagkus ay medyo sumimangot siya. Pero ang sinabi niya ay “sakto lang sa pang araw-araw na pantawid gutom sa pamilya”. Ang sagot niyang iyon ay medyo may halo ng ngiti sa kanyang mukha. Nag-umpisa na kaming mang-usisa sa manggagawang si mang Thom. Tinanong namin kung bakit parisukat ang kabaong. Ang sinabi niya ay ipinapantay lang naman kasi yung kabaong sa taas at lapad ng tao. Sabi pa niya ay hindi naman pwedeng bilog ang kabaong dahil masyaong malaki. Tanong ulit namin, “may nagawa na po ba kayo ng kabaong na mali yung sukat?” ang sagot niya ay “marami na, lalo na yung mga nagpapasadya ng sukat dahil alanganin yung sukat ng kanilang anak o kamag-anak. May standard kasi na sukat yung mga kabaong kaya madalas, yung mga purinarya ang nakikipag-coordinate sa amin”. Sunod na tinanong namin ay yung manager, dahil wala daw yung may-ari. Ang tanong namin ay kung kailan yung month na malakas yung kita. Nagulat ako sa sagot niya dahil sa niya ay summer, marami raw kasi ang nagkakasakit sa sobrang init kaysa sa mga panahong malamig o umuulan. Pabiro kong sinabi “eh di lalakas na naman ang kita niyo kasi mag sa-summer na naman”. Tumawa lang ang manager na si Ms. Joy. Sunod na tinanong namin ay kung anu-anong mga purinarya ang umo-order sa kanila ng kabaong. Ang sagot niya ay “marami rin kasi eh. Hindi ko na iisa-isahin”. Ang huli naming tinanong nung araw na iyon ay si manang Violy, isa siyang janitress sa naturang warehouse. Madalas siyang huli kung umuwi at nag-iisa. Tinanong namin kung hindi ba siya natatakot kapag mag-isa siyang naglilinis at maraming kabaong na nakapalibot sa kanya. Ang sagot niya ay “hindi naman, nasanay na kasi ako. Tuwing naglilinis ako sa gabi, inisip ko na lang na mga Sofa yung mga kabaong yan at naglilinis lang ako ng sala. At inisip ko rin na dyan rin tayo hihiga kapag namatay na tayo”. Sunod na tanong namin ay kung magkano naman ang kanyang sinusweldo. Ang sagot niya ay “75 araw-araw, alam kong medyo mababa at hindi sapat sa pamilya ko, pero kasi wala naman akong choice kasi hindi naman ako nakapagtapos at yung asawa ko kasi ay walang permanenteng trabaho kaya dalawa kaming nagkakayod para maibuhay ang lima naming mga anak.” Nagpasalamat na kami dahil hapon na at kailangan naming umuwi. Habang naglalakad kami ay may nadaanan kaming mga gumagawa ng mga bulaklak ng mga patay, pinilit kong mang-usisa doon. Nagtanong kami kung magkano ang pinakamurang korona na bulaklak, ang sabi niya 500 ang pinakamura at 10,000 ang pinakamahal. Ang mga bulaklak na malilit naman ay nagkakahalga naman daw ng 300 hanggang 1,000 ang halaga.
Tumanim sa isip ko ang tanong bakit parisukat ang kabaong. Kaya naman kinabukasan ay nag-survey kami ng mga kagrupo ko. Nang nag tanong –tanong na kami ay ang unang sinagot sa amin ay “ewan ko porinarya ba ako, makatanong naman kayo sa akin”. Talagang nagpanting yung taenga naming lahat sa sagot niya. Kamuntikan na siyang sapakin ng mga kagrupo ko. Yung sumunod naman na sumagot sa amin ay ang sagot niya “siguro, kaya square ang kabaong ay para makuha ang sukat ng patay”. Ang sumunod naman ay ang sabi, “yung mga sinaunang tao kasi, square lang yung alam na sukat, kaya square yung kabaong”. Yung isa naman ay “kasi, itinulad ang kabong sa mga box, nung unang panahon kasi, yung mga patay ay nilalagay sa box at nililibing”. Matawa-tawa ako sa sagot ng iba kasi halatang inimbento lang ang mga historyang ikinuwento nila.
Nang sumunod na linggo ay sa mga purinarya naman kami nang-usisa. Una naming pinuntahan ay ang Angel’s Funeral, sa litex. Nagtanong kami kung magkano ang mga kabaong nila, yung pinakamura ay 2000 at yung pinakamahal ay 20,000. Nagulat ako dahil wala sa itsura ng purinarya na may ganoong presyo ng sila ng kabaong. Nagtanong din kami sa mga services. Ang pinakamurang service nila ay 8,500 at ang pinakamahal ay 30,000. Ang sunod naman naming pinuntahan ay St. Peter, medyo nag-alangan nga kaming pumasok dahil sikat at talagang maganda kanilang office. Nang magpaalam kami kung pwedeng magtanung-tanong ay pumayag naman ang manager. Pinasyal niya kami sa lugar kung saan ay nakalagay ang mga kabaong, talagang namangha kami sa ganda ng mga makikintab na kabaong. Ang pinakamura nilang kabaong ay 5,000, sa pangsanggol pa lamang daw iyon. Ang pinakamahal nilang kabaong ay nagkakahalaga ng kulang-kulang isang milyon dahil may mga artistang kumukuha ng service nila at talagang nagpapasadya ng kabaong. Hindi rin siyempre namin pinalampas na pumasok sa photoboot ng naturang purinarya, yung kabaong kung saan pwede kang magpa-picture, pero hindi ako himiga kasi kinikilabutan, baka magkatotoo ang na talagang hihiga ako sa kabaong. Nang umuwi kami ay naisip ko na sana ay humiga na lang ako sa kabaong para naman naranasan ko kung ano ba ang pakiramdam ng nakahiga sa kabaong. Ang pangatlong purinaryang pinuntahan naming ay yung malapit lang sa bahay namin sa Bagong Silang ang St. Matthew Funeral, iyan ang kinukuhang service ng aming pamilya sa tuwing may namamatay, dahil nga siguro sa malapit lang sa amin at may-discount kapag pamilya namin ang may namatayan. Nang magtanong na kami ay pinapasok agad kami kasi kilala ng manager yung pamilya naming. Nagtanong muna kami kung magkano ang mga service nila, ang pinakamurang service nila ay 7,500 at ang pinakamahal ay 25,000. Nang magtanong kami sa mga presyo ng kabaong ay 5,000 ang pinakamura at ang pinakamahal ay 20,000. Dipende kasi sa presyo ng kabaong ang presyo ng service nila. Ang huling purinaryang pinuntahan namin ay ang Almo funeral, ito yung purinaryang nagservice sa pinsan ko na sanggol, libre kasi ng gobyerno kapag sanggol ang namatay sa naturang purinarya, namangha ako sa serbisyo nila kasi kumpleto, at may libre pang-isang timbang biskwit at may mga lamesa’t upuan na at may kasama ding tolda. Nang pumunta kami sa office nila dito lang rin sa Bagong Silang ay nagtanung-tanong kami sa mga pahinante, “ate magkano po yung pinakamurang kabaong niyo dito at magkano naman po yung pinakamahal?” ang sabi ni ate “yung pinakamura namin dito ay 2,000 at pinakamahal naman namin ay 20,000. Yung sa sevice naman, 2,000 yung pinakamura plus yung presyo ng kabaong. Yung pinakamahal na service ay 50,000 plus presyo ng kabaong”. Medyo mahal din pala ang mga kabaong at ang mga serbisyo ng mga purinarya.
Nung umuwi ako sa probinsya namin sa Marinduque, ay kasalukuyan nakaburol ang aking tiyahin, nang pinagmasdan ko ang kanyang kabaong ay simpleng simple lang talaga. Nang mamatay naman ang tiyahin ko dito sa Bagong Silang ay yung kabaong naman ay kulay puti na makintab. Yung namatay naman yung lolo ko ay ang kulay naman ng kanyang kabaong ay kulay tanso. Talagang mabilis kong napapansin ang mga itsura ng kabaong sa tuwing may pinupuntahan akong patay. Nakikilala ko nga sa Marinduque nung nagbakasyon ako si Tiyo Buboy, ang trabaho niya ay gumawa ng kabaong kaya naman nung panahong iyon ay sumama ako sa pagawaan niya sa bahay nila, tinuruan niya akong gumawa ng kabaong na pang sanggol. Una ay inalam ko muna ang sukat ng sanggol. Tapos naglagari ako ng apat na plywood, dalawang rektangulo at dalawang parisukat. Sunod ay gumawa na ako ng porma gamit ang cocolumber. Sunod ay ikinabit ko na ang mga plywood. Sunod kong ginawa ang takip ng kabaong, tulad ng una, gumawa muna ako ng porma gamit ang cocolumber, medyo nahirapan lang ako kasi, pakurba ang naturang takip, kaya pakurba rin ang ginaw kong porma ng cocolumber. Sunod at kinurba ko muna ang plywood para hindi mahirap ikabit sa takip. Tapos ay ikinabit ko na nga. Si Tiyo na ang disenyo pero ako parin ang nagkulay. Una ay pininturahan ko muna ng puti. Sunod ay inisprayan ko ng gold na pintura para makintab. Nag-enjoy naman ako sa paggawa ng munting kabaong kahit na medyo nahirap.
Hindi natin alam kung hanggang kailan tatagal ang ating buhay. Maaaring sa susunod na taon, susunod na buwan, sa susunod na linggo, sa susunod na araw o kaya’y mamaya lamang ay kuhain na ang buhay natin. Basta isa lang ang natutunan ko sa paggawa ng etnograpiyang ito, iyon ay harapin ang takot ko sa kamatayan. Sa totoo lang kasi ay takot akong mamatay, o kaya’y makakita ng simbolo ng kamatayan. Pero nang matapos namin ang aming pagtatanung-tanong tungkol sa paggawa ng kabaong ay naliwanan at nasagot na ang mga tanong sa aming isipan, kung ano ba ang pakiramdam sa paggawa ng kabaong, at kung anu-ano ba ang mga karanasan nila sa trabaho nila. Basta isa lang masasabi ko sa lahat, sa ayaw at sa gusto mo ay hihiga’t hihiga ka sa kabaong sa oras ikaw ay malagutan ng hininga. Dito na po nagtatapos ang aming etnograpiya sa asignaturang Filipino 2.
Ang Kabaong: Higaang Panghabang-Buhay o Patay
AMA Computer College Faiview Campus
Ipinasa nina: Kristian Renz Ezperanza; Jarley Adrian Duano; Steven Van Maceda; Lance Cedrick Cruz; Rommel Almonte; Joseph Musico; Mark Manalo
Ipinasa kay: Prof. Reymond Cuison (Abril 2013)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento