SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Huwebes, Oktubre 1, 2020

J-PEPA o kung mabilis napatupad ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement

 J-PEPA o kung mabilis napatupad ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement



Ilang ulit nagkislapan ang mga ilaw sa loob ng silid na iyon. Nahinto saglit ang mga nakaputing kamisetang pang-mag-aaral ng medisina, sa kanilang pag-eeksperimento sa pinag-aaralang bangkay. Nagsigalawan ang mga larawan sa dingding, nanginginig; Mga larawan ng medicinal arts, maliban sa pinakatatanging larawan ng isang Geisha na may nakatitik na Haiku; Ang mga kasangkapan sa lamesa: Istetoskopyo, sphygmomanometer,maykroskopyo at iba't ibang gamit –mga instrumentong pangmanggagamot. Naman ay palakas nang palakas ang panginginig ng buong silid, nagsipagbagsakan, at nangagbasagan. Lahat ay nakikisabay sa panginginig ng paligid.

"Hold on! Don't panic! please don’t panic!" paulit-ulit na sambit ng matabang babaeng nakaputing kasuotang pangmanggagamot, at sinundan ng wikang hindi maintindihan ni Dhea. Naiintindihan niya kung ano ang nagyayari. Itong sinasabi lang ng haponesang instruktor na nagwika ng kanyang linggwahe ang hindi niya naintindihan.

Nang maintindihan niyang kailangan niyang gumalaw sa kinatatayuan dahil kung hindi'y babagsakan siya ng mga tipak ng bato, mula sa mabilis na nagkakalamat na kisame at pader, ay agad sumilong siya sa ilalim ng lamesa, gaya ng ginawa rin ng kanyang kamag-aaral.

   

Naiintindihan niya iyon. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman. Kung bakit hindi siya makadama ng kung anumang kabang dapat maramdaman sa ganoong sitwasyon.

Hindi ito gaya noong hindi niya maintindihan ang sarili nang magdalawang-isip pang tanggapin ang alok sa kanyang libreng paaral sa ibang bansa. Para sa iba, malaking pribelehiyo ang inaalok sa gaya niyang may pangarap makapagtapos ng kolehiyo. Lalo't ang nais niyang pagnu-Nursing. Nais niya ito para sa kanyang ina. Pangarap talaga ng kanyang ina ang makatapos ng Nursing noong dalaga pa ito o maging sa kasalukuyan, lamang sa hindi inaasahang pagbubuntis, hindi nakatapos  ng sekondarya nang magalaw ito ng naging tatay niya ngayon -isang gabing pista sa Brgy. 185, lungsod Kalookan. Kaya mula noon, ang pangarap ng ina ay naisapinta na lang sa langit, sa kawalan. Na nakakamit at nahahawakan ng kanyang ina tuwing mamimintana ito, tuwing mapatatanaw sa kalangitan.

Kaya ninais ni Dhea ang mag-Nursing, nang tuparin  niya ang pangarap ng ina. Ang kanyang ina na nagtitinda ng lugaw sa umaga at naglalabada sa hapon; at isa ring dahilan ang makalayo sa paningin ng kanyang amang nagsusugal sa umaga at lasing naman sa hapon. Gayundin  nang patuloy niyang mapag-aral ang tatlong nakababatang kapatid. Hanggang kolehiyo rin sana. Nang magkaroon ng magandang buhay, ng mariwasang buhay.


Kaya noong maswerteng napili ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)ang kanyang ipinasang aplikasyon na para sa libreng paaral ng Nursing, para sa ipapadala sa Japan, waring nagbukas ang bintana ng langit para kay Dhea. Higit na ngang nakatulong ang kalahating porsyentong diskwentro ng Tuiton Fee sa paaralang pinapasukan, siya pa ang napili, mula sa ilang libong mag-aaral na nag-aaplay sa programang naisip ng pamahalaan. Napili siya bilang isa sa ipapadalang estudyanteng mag-aaral ng Nursing sa bansa ng mga Hapon. Libre ang buong pag-aaral, may allowance pa at sa pandinig ng malakolonyal na pag-iisip ng mga Pilipino -abroad kaya iyon.

Nang malaman niyang napili siya, agad niyang nadama ang kakaibang kaba. Maraming kaisipan ang nagtalo sa kanyang isip: Unang beses na makasasakay ng eruplano -kinakabahan siya; Makaaalis sa sinilangang isinusumpang barung barong -kinakabahan siya; Magdesisyon kung tatanggapin ba niya ang alok, kahit kusa siyang nag-aplay  -kinakabahan siya; Ang iwan ang ina sa pangangalaga ng masong kamay ng kanyang ama. Dangang paulit-ulit nahahampas sa pader ang mukha ng ina. Ang kamaong kinatatakutan niya na nasubukan niya noong pigilan, tanggalin sa pagkakasabunot sa buhok ng ina. " Tama na po 'tay, tumigil na po kayo!" ang awat niya hanggang sa natumba siya sa biglang pagkasampal sa kanya ng ama. Naumpog pa ang ulo sa bangkitong kahoy nang siya'y nasipa at bumalibag sa dakong pinaglalabahan ng kanyang ina, ngunit hindi niya ininda. Hindi niya na kayang atimin ang walang habas na pambubuntal nito. Sa tuwing makikita ni Dhea ang paghampas ng mukha ng ina sa pader. Agad ang pag-agos ng luha sa mga mata, ang dugo sa natamong galos,sugat, biyak na nguso, katawang puros pasa at ang labis na kapayatan ng ina. Tatakbo siya upang dumamay. May bigay kapanatagan sa matinding sakit, hirap, kirot at hapdi...

Lahat ng ito, dahil sa kanyang ama. Sa masong kamay  ng  ama na minsan nang dumapo sa kinaiingatang balat. Alam niya, nang minsang kahimbingan ng pagtulog  ay naramdaman niyang may gumagapang na kung ano sa kanyang katawan, gumagapang sa kanyang hita, sa kanyang dibdib, hanggang sa kanyang pag-aari. Napabalikwas siya.Dali-daling napabangon, madilim ang paligid.Wala nang sindi ang gasera. Mahimbing namang nakahiga ang kanyang mga kapatid  at kanyang ama na nakayakap sa kanyang ina. Palibhasa para silang Tinapa o sardinas sa pwestong iyon, siksikan. Hilerang nakahiga sa sahig  na nilatagan lang ng karton at butas-butas na banig. Nananaginip ba siya?Alam niya ang kamay ng kanyang ama: mabigat, magaspang.Walang dudang haplos nga iyon ng isang demonyo, naisip niya. Buong magdamag siyang gising, hindi na makabalik sa pagtulog. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa kusina. Kinuha ang matalas na kutsilyo. Pulido ang talim pagkat bagong hasa.Binalak niya -ngunit kinakabahan siya.


Ilang araw bago ang pinal na desisyon sa kanyang pag-alis, nabasag ang palayok niyang tangan na biglang nabitiwan noong minsang magsaing. Natapon sa sahig ang kakarampot na butil ng bigas nang makita niyang bumagsak sa sahig ang bunsong kapatid. Kasabay ng paggulong ng boteng may laman ng likidong gamit na paningas ng kahoy na panluto. Bumubula ang bibig at nangingisay ang kapatid niyang bunso. Dali-daling isinugod ito sa ospital ng kanyang paaralan. May kilala siyang Doktor doon. Ang Doktor na naging profesor niya sa isang asignatura. Ito ang Doktor na binigyan niya ng sulat  na pinagkapuyatan noong isang gabing hindi siya makatulog sa gitna ng pagdedesisyon kung dapat ba siyang umalis. Isang sulat ng pamamaalam para sa kanyang nararamdaman. Nakalagay rin sa sulat ang kanyang pagtatapat ng hindi niya masabi-sabi noon pa dahil sa labis na kaba at takot. Dalawang lihim na matagal na ring itinago: Una, ang sabihing nagbunga noon ang kanilang ginawa; Ikalawa: ang nagawa niyang pagpapalaglag sa kanyang dinadala.


Lumapit ang Doktor. Napansin ni Dhea na nag-iba na ang dating kislap sa mga mata na madalas ipukol ng Doktor sa kanya noon. Nakainom ng gaas ang kanyang kapatid, paliwag ng Doktor.“Mabuti’t naagapan at nalapatan mo ng paunang lunas Ms. Hedhedia. Ayos na siya ngayon…” dugtong ng doctor pero hindi rumirehistro sa pang-unawa niya ang mga sinasabi nito. Palibhasa’y may ibang katanungang nahahabi  sa kanyang isip. Pipigilan mo ba ako?Nais niyang itanong.Kahibangan.Pipigilan? Natahi niya na noon ang konklusyon na lahat ay haraya. Isang ilusyon. Isang matamis na ilusyon...


May iniabot ang Doktor –reseta ng gamot na dapat ipainom sa kapatid subalit makailang saglit siyang napatanga. Hindi niya magawang makuha ang pilas ng papel. Hindi dahil sa wala naman siyang sapat na salapi para bilihin ang anumang gamut na nakasulat doon (o hindi lang iyon) kundi dahil may iba siyang nais makuha, na ibigay ng Doktor. Humakbang siya papalapit dito.At muli niyang natikman ang gayong pakiramdam.Mariing pagkasiil ng halik. Gaya noong unang pagkakataon na isip lang ang nagpapagana sa indayog ng emosyon. Sa emosyon ng indayog. Sa malagkit na libog ng Doktor na may hawak noon ng kanyang pagkapasa sa asignatura. Subalit nang malaon ay kinasabikan ng mga labi, ilang beses hinanap-hanap ng kanyang pagkatao ang ibayong pakiramdam.

Lumapat ang palad ng Doktor sa kanyang pisngi. Agad na pamumula, na nagbunga ng biglang pagkapinid ng matamis na sandaling ito para kay Dhea. Sa pagkabigla, hindi niya malaman ang dapat gawin o sabihin. At gayun nga, tumakbo siyang lumuluha, papalabas ng ospital na iyon ng Santo Agustinong matatagpuan sa Maynila.


Noon din, inimpake niya ang dadalhing damit, ang lalamanin ng kanyang bagahe.

“nababasa na ‘yang mga damit mo ‘te” lumapit ang kanyang kapatid na lalaki. Hawak niya noon ang puting kasuotang pang-Nursing. Pinahid ang nangingilid na likido sa mga mata.

Bigla itong yumakap sa kanya, “kelan ka po aalis?” ani nito.

Wari namang sinakmal siya ng kirot sa tanong ng kapatid at ang simbuyo ng damdamin ay tumupok sa mabigat niyang nararamdaman.

“Magpakabait ka Intoy, tutulungan mo si inang, ha!” at ginantihan niya ng mas mahigpit pang yakap ang kanyang kapatid na wala na ring patid sa pag-iyak.

“Opo ate. Gagawin ko”

Bukas din ay magpapaalam siya sa lahat ng malapit sa kanya, sa lahat ng kakilala. Mag-aaral siya sa Japan. Dala ang pangarap na makapagsuot ng puting kasuotan. Matawag na isang Professional Registered Nurse, makapaglingkod sa mga tao –iyon lamang ay sa ibang bansa rin. Ayos lang, masikip na rin naman ang mga ospital sa Pilipinas. Mabuti nga’t naisipan ng Gobyerno ang ganitong proyekto? Pagkat alam ni Dhea na halos wala na rin naming mapapasukan ang libu-libong nagtatapos ng Nursing sa iba’t ibang paaralan ng bansa,  pribado man o pampubliko. Oo, nga’t malaki rin ang mundo ng Call Center, malaki ang sahod para sa pamantayan ng mga Pilipinong nasanay sa sobrang babang pasahod ng isang partikular na kumpanya. Kaysa naman matapos na pagkagastusan ang pag-aaral ay matitingga lang sa bahay pagkat wala pang trabahong angkop sa kanilang kursong kinukuha.

                Kaya aalis si Dhea. Buo na ang kanyang Desisyong mag-aral sa bansang Japan. Para sa wakas matupad ang pangarap na magkaroon ng magandang trabaho.

Bahagdan ng rason sa ginawang desisyon:

80% - libre ang pag-aaral.Hindi na mahihirapan ang magulang.

10% - Siguradong makakapagtrabaho pagkagradweyt (sa Japan nga lamang)

5%  - susog ng kakilala

2% - Abroad kaya iyon (state sites)

2% - Mainit (at magulo) sa Pilipinas

1% - Totally Broken Hearted


Nalalaglag ang talulot ng Cherry blossom nang dumating siya sa bansang iyon. Marami ang bago na dapat niyang kasanayan; bagong kultura, bagong temperatura, bagong buhay, bagong pakikisalamuha sa mga taong may estrangherong linggwahe sa kanyang pandinig. Kakaibang pakiramdam sa biglaang mga bago sa kanyang buhay.


Isang lumang araw sa loob ng silid-aralan habang tangan ang estetoskopyo, sa harap ng isang pinag-aaralang bangkay –noo’y nailagak ito nang nag-aagaw buhay, ngunit nang wala nang naisustento ang pamilya para sa mintina ng gamutan ay pinabayaan na.  iniwan at hindi na binalikan. Kaya’t naging specimen ng mga nag-aaral ng panggagamot nang bawian tuluyan ng buhay.

Nang mga sandaling iyon, may kakaiba siyang nararamdaman. May kaisipang kumakatok sa pinto ng kanyang isipan habang pinagmamasdan ang hubad na bangkay sa kanyang harapan. Nagsasalita naman ang matabang singkit na babae pero hindi niya ito masyadong maunawaan. May ibang boses siyang naririnig, nakakakiliti ang tunog na iyon sa kanyang isip –ang halinghing ng mga Oh at Ahh na sinasamahan pa ng paglangitngit ng kama; marahas na kalikot sa kanyang kabuuan na nagpapataas ng kanyang balahibo. Ang indayog ng mabagal na orasan sa piling ng lalaking itinatangi ng kanyang pagkababae. Naroon pa nga at gumuguhit sa pisara ang tagpong iyon sa kanyang balintataw. Ngunit biglang naging literal ang indayog. Ang indayog ng tagpong ito ay waring lumilikha ng panginginig ng puting pisara, sa kanilang harap. Kasunod namang nagsigalawan ang mga kagamitang pang medisina sa lamesa. Nanginginig ang mga larawan sa dingding: mga medisinal arts at ang larawan ng isang Geisha na nakasuot ng estetoskopyo at may nakasulat na tula sa gilid nito. Nagpahigpit ang kapit ng mga nasa loob. Nagsitilian.Palahaw ng kaba at takot. Hindi malaman kung saan pupunta ang ilan. Sumasabay ang buong katawan sa panginginig ng mga bagay-bagay. Nama’y palakas ng palakas ang panginginig ng buong silid. Nagsisipagbagsakan ang mga bagay na maaaring bumagsak at ang lahat ay nakikisabay sa matinding panginginig ng paligid. Sumilong sila sa ilalim ng mga mesa.  Makasaglit na nagpatay-sindi naman ang mga fluorescent sa dingding na mabilis na nagkakalamat, bumibitak. At nagsipagbagsakan na ngang tuluyan ang mga bahagi ng pader. Ganun-ganun lang nang nawalan ng malay-tao ang mga nailibing nang buhay.


Nagpanting sa tenga ng Pilipinas ang balitang 7.3 magnitutong lindol ang yumanig sa hilagang-silangan ng Tokyo, Japan at kasabay ng Tsunaming  lumamon sa milyun-milyong ari-arian, libu-libong tao at daan-daang kabahayan, pasilidad at mga gusali. Kumalat ang balita sa mga telebisyon, onlayn balita, radio, at mga pahayagan. Matapos ay ang hindi magkandaugaga sa pakikipag-ugnayan ang bansa para alamin ang kalagayan, mabigyan ng tulong ang mga naroong OFW’s.

Sumabog pa ang balitang pagkakaroon ng tagas sa plantang nuclear ng Japan at nangamba naman sa maaaring apekto nito sa katawan ng mga Pilipinong konserbatibo sa kalinisan at kalusugan: nagsuot ng Gas Mask, maya’t mayang check-up sa personal na Doktor ay pahid dito, pahid doon ng mga kung anu-anong mga gamot na inirereseta ng mga hindi nananamantalang Doktor.


Sa kabilang banda, may isang batang busabos na naglalakad sa bundok ng basura, wala siyang alam sa delubyong naganap sa bansa ng mga hapon. Ang alam niya ay kailangan niyang makahanap ng maipanglalaman sa sikmurang malimit ang pagkalam. Nang mga sandaling iyon ng pagkakalkal ng basura ay napansin niya ang isang ibong pabulusok. Sinundan niya ng tingin kung saan babagsak ang ibong iyon na nahiwalay sa langaylangayan ng mga kauring ibong nagmula sa Japan. At doon, malaking ibon ang nakita niyang kakawag-kawag pa ang pakpak. Nanghihina ito kaya’t madaling nahuli ng bata.Kumuha siya ng tali at iginapos ang dalawang paa ng ibon. Masaya siyang bumalik sa kanilang barung-barong at at tuwang-tuwa itong ipapakita sa naabutan niyang iyang kasalukuyang naglalaba.

“Inay, me nahuli akong ibon,” aniya na hindi maalis ang pagkakangiti sa mukha. “may pagkain na po tayo nay”

“Intoy! Saan mo naman nakuha ‘yan?” agad tumayo ang ina at inihinto ang pagkukusot ng damit.

“hulog po ng langit. Nakita ko pong nalaglag mula sa langit e, me tumirador po ‘ata” aniya.

Matapos ay may sumilay na ngiti sa kanilang mukha. Niluto ang ibon sa dalawang putahe .prito at sinabawan. Mga ilang saglit lang, naging masarap ang hapunan ng pamilya ng batang iyon. Bihira silang makatikim ng anumang karne ng hayop. Kaya’t sarap na sarap sila. Nakadalawang plato ng kanin ang bunsong sakitin; ginanahan si Intoy na nakadalawa’t kalahating plato naman –nagpaunahan pa silang tatlong makaunang matapos; habang tuwang-tuwa namang pinagmamasdan ang maganang pagkain ang kanyang mga anak, nitong inang sarap na sarap na rin sa kinakain; at nagawa niya pang pagbukuran ng pagkain ang asawang batid niya ay mayamaya lang ay darating na rin at sa kanya ay maghahanap ng makakain.

Lumipas ang ilang saglit, matapos mabusog, dumighay at mabundat ang mga tiyan ay napakamot ng leeg ang batang si Intoy. Naramdaman niya ang labis na pangangati. Gayundin ang dalawang nakababata nitong kapatid at maging ang ina. Nangati ang lalamunan nilang lahat. Matinding pangangati na halos ikapigtal ng kanilang hininga. At ikawala ng kanilang ulirat.


Sa di kalayuan, pasuray-suray ang lalaking lasing. Malayo pa ay maririnig na ang pagsigaw nito sa pangalan ng asawa. At nang makauwi na nga at maabutan niyang nakahandusay sa sahig ang kanyang mag-iina sinipa-sipa niya ang katawan ng asawa. Sumisigaw ng pagtawag sa akala niyang walang anumang pagtulog ng mga taong iyon sa inuwiang bahay. Nang mapansing walang imik, ni anumang pagtugon ang mag-iinang nakahandusay sa sahig  ay nahimasmasan siya sa kalasingan. Napansin niya ring bumubula ang bibig ng kanyang tatlong anak. Bumaling siya sa asawa, tinampal-tampal ang mukha nang magising. Ngunit namutla siyang lalo nang tumirik ang mata nito.Noon din, wala siyang ibang maisip na magaling kundi ang sumigaw ng pagtulong. Niyakap nang pagkahigpit-higpit ang asawa.Luhaang niyapos ang mag-iina.


Marami ang nakarinig sa palahaw na sigaw ng lalaking lasenggo; marami ang lumapit para tingnan ang nangyari; marami ang nakiusyuso ngunit sa daming iyon, walang naglakas-loob tumulong para isugod ang mag-anak sa pinakamalapit na ospital. Wala ni isa.


Lihim na dinala ang buong mag-anak at kunwari pa'y nilagak sa ICU ng pambansang ospital. Wala nang balak isalba pa ang kanilang buhay, pero ilang mga linggong pag-aaralan ang kanilang mga labi sa laboratory ng pagamutan. Iuulat naman ng Doktor na hindi marunong magtago ng lihim, sa asawang lalaking wala paring patid sa pagtangis –na ang kanyang mag-anak ay na-Food Poisoned lamang, nalason dahil sa pagkain ngunit ginawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya, magagawa.Magmamakaawa ang lalaki.Ngunit iiling ng kawalang pag-asawa ang Doktor.Walang anu-ano’y tatakbo ang lalaki palabas ng pambansang ospital, tatangis, at sasairin ang luha hanggang sa kusa nang malimot niya ang lumbay at kusang tatawa, hahalakhakan niya ang lahat ng kaganapang sinasabi pang lubhang mapait, pagkapait-pait  gaya ng unang tikim sa nakalalasing na inumin. Tatawa siya bago tuluyang tatalon sa ituktok ng billboard na may litratong nakabikini na matatanaw sa kahabaan ng EDSA.Mabilis pa sa alas kuatro ay makikita na sa mga monitor ng telebisyon , may nag-uulat ng malagim  na kinasapitan ng lalaking hinihinalang baliw kaya tumalon sa Billboard na iyong matatanaw nga sa kahabaan ng matrapik na EDSA. At kasunod ang isang balitang ulat pangkalusugan - “walang dapat ikabahala…” paliwanag ng tagapagsalita ng DOH.Malayo tayong magkaroon ng Radiation exposure at hindi na makaaabot ito sa ating bansa.Walang dapat ikabahala –ang paliwanag ng tagapagsalita ng DOH. Kaya’t mag-aantanda ang mga Pilipinong konserbatibo sa kalinisan at kalusugan. Salamat sa Panginoon at wala ngang dapat ikabahala. Wala.Kahit na matagumpay na nailihim sa publiko ang test-result ng mga nasawi di umano sa Food Poison –na sa totoo lang ay dahil sa ibong kinakitaan ng high evidence of radiation exposure. walang dapat ikabahala –ang paulit-ulit na paliwanag ng tagapagsalita ng DOH. W

Pagtahol ng Asong Askal

Pagtahol ng Asong Askal

Kumakahol-kahol
na parang ulol
sa mga pahayagan, peryodiko
habang binabantayan, pinagtatakpan
mga magnanakaw na amo

nang minsang nakihanay
sa mga Bulldog at K9 sa palasyo
naging komentarista minsan
ng nasyunal isyu
naging tuta ka na ng kung sino
at nang hainan ng papuri at pabuya
nabahag iyong buntot
alembong ng amuyong
na mapilit, mapilipit at mamaniobra
ang pagtahol ng katotohanan ng balita

At asong kalye kang tunay
sa iyong paglalaway
pagbabantay sa bayan
sa bayang paglilingkuran
naging pagbabantay
sa butong kinatatakaman
sa onor de adornong magbabantayog
ng iyong pangalan

sa pagkawag-kawag
ng mahabang buntot
humusay ang maniobra
tumahol-tahol nang tahimik
tuwinang maaamoy
alingasaw ng inhustisya
ng mga lisya at baliko
nagbihis anyo
mga salitang imberso at retaso
sa mga pahayagan, peryodiko

Bow! Aw! Aw!
Kapalit ng enbelop
na puno ng ginintuang buto.

Idealismo en Cerebro de Loco

Idealismo en Cerebro de Loco


Viva! Sunador de la Mancha
ikampay sa panagimpan mga alaala ng pag-asa
kalumbaya'y miminsang masawata
sa palad itatakda, itatadhana

Viva! Caballero en Rapido Caballo
suot-suot kalasag ng konkretong idealismo
hawak-hawak espadang nabaliko
ng nakatatawang kontraryo
habang sa paglalakbay
patungong de kahoy na kastilyo
magaganap
kaganapan ng pagiging ganap
na kabalyero

Viva! Yelmo de Oro en Cerebro Loco
sa daan ang liwanag, Dulcineang pinipintuho
halimuyak ng sampaguita
ang poso-negro't estero
sa kalasag ng kabaliwang ito
nasasagka kahit anong pagkabaho

Viva! Caballero, tocar la estrella
at sa pag-abot na ito
ako si Sanchong todo saludo
habang isinisigaw, "Viva!
Viva! Sueño de la Mancha, Viva!
huwag lang magising sa katotohanan



na lahat ay haraya

"Kung ang tula ay isa lamang”


kung ang tula ay isa lamang 

ni jesus santiago

Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.

mula sa tula ni Jesus Manuel Santiago

Ang tula ay damdaming nakapaloob sa mga piling salita.      Sinasabing ang tula ay maaring masulat na ‘sang upuan lamang, sa madaling salita’y  madaling gawin. Ayon nga kay Alexander Sinitsit kapag nakasulat ka ng tula ay para ka lang isang batang nang-aagaw ng laruan sa kapwa mo bata, kapag nakasulat ka naman ng isang kuwento ay para kang mandurukot o snatcher, pero kapag nakasulat ka ng isang nobela para ka ng Bank rubberier.  Pero hindi lahat ay ganito ang pagtingin sa tula. Ang tula ay isang uri ng ating mayamang panitikan, masarap man o manibalang ang lasa ay isa paring obra.
Ngunit paano nga kung ang tula ay isa lamang pumpon lamang ng mga salita? Gaya ng paksain sa tulang ito, “ kung ang tula ay isa lamang”   sa unang linya palang sinabi na kung ang tula ay pumpon lamang ng mga salita ay mabuti pang bigyan na lang siya ng isang taling kangkong o bungkos ng mga talbos ng kamote na sa kung saan lang tumutubo ngunit mas makabubusog sa kanyang tiyan.
          Ang ganitong mambabasa ng tula ay uhaw sa karunungan at gutom sa kaalaman. Gayon nga’y ang sikmurang gutom ay walang ilong at mata. Kaya’t hindi mapanglililo ng mga mababangong salita, magagarbong taludtud at mahuhusay na paghahabi ng wika. Masarap ngunit hindi nabubusog.
Anong damdamin nga ba ang makapupukaw sa bayan?        Binubulag ng sistema ang mga tao, kaya’t  kay husay at mangyaring mabuhay ang mga tulang naglalantad ng katotohanan, lumalaban sa inhustisya at nagmumulat sa piniringang mata ng masa. Sa tulang, “ Sa Napakaingat na makata” ni Prof Rogelio Ordones ay may puntong: ang makatang nagtatago ng katotohanan at takot na magpalaganap nito’y walang kahihinatnang manunulat, walang lugar ang karuwagan sa isang mahusay na manunulat. Maraming sakit ang  lipunan, maraming suliranin ang lipunan, maraming dapat na ihayag,  patotohanan, at iulat sa bayan.
Kaalinsabay ang sustansyang hinahanap sa isang magaling na tula. Mensahe ang pinahahalagahan ng isang manunulat, bagamat nakatutulong rin ang porma sa kasiningan ay hindi ito ang dapat mamayani. Yung mensahing mananatili o uukilkil sa kaisipan ng mga babasa. Yung mensahing may sustansyang hindi basta basta lang mawawala sa gunita. Yung mga tula sa pag-ibig o romansa, tumatagal ba sa panahon? Hindi. Parang making love rin, saglit lang. subalit ang mensahing maglulunsad ng pagbabago, ng pagkamulat, ay mananatili hanggat ang lipunan ay may sintomas ng ganitong sakit.
 Lunsuran ng masustansyang tula ay ang mayamang minahan ng brilyante ng karunungan -ang masa. Para sa mambabasa kung bakit tayo sumusulat, at ang kalakhang mambabasa ay ang karaniwang masa.       Sa gayon ang bawat tula ay hindi na isa lamang pumpon ng mga salita. Mas malinamnam pa sa anuman, makakain, malulusaw sa tiyan, ngunit hindi ilalabas ng butas sa puwetan.

ABITO

ABITO
Ang batingaw na iyon na may awit at kumpas, ang tanging kampana sa simbahan. Ang hudyat nitong nagpapaalala sa aking kamusmusan ay pilit dinadala ako sa iisang daan na iyon patungo sa lihim na hardin ng isang hasyenda ng malolos. Wala naming pinagkaiba iyon sa ibang hardin na nakita ko na. maliban sa isang puno sa pagitan ng malalagong mga bulaklak at konkretong bukal ng tubig na gawang kamay –ang punong mas matanda pa sa akin.


Iginala ko sa paligid ang aking paningin, mula sa mga dingding na puno ng mga larawan ng mga misteryo ng Sto. Rosaryo at ng Via Crucis ; ang pwesto ng mga koro –sa saliw ng kanta ni David Pomerance, ang awit na waring idinuduyan ang kaluwalhatian ng pag-iisang dibdib ng mga kerubin; ang labinlimang misteryo ng Santo Rosaryo na nakaguhit din sa kisame ng simbahan hanggang sa mga nagsidalo na ang ngiti ay wagas.
Oras na. Sa hudyat ng kalembang ng kampana ng simbahan ay dahan-dahang humahakbang sa rosas ang kanyang mga paa. Mabagal ngunit pulidong sinusulit ang mga yapak –tila ang bawat hakbang ay may katumbas na pagkabog sa kanyang dibdib; sa manipis na telang nakatakip sa kanyang mukha ay mapapansin ang pangingilid ng luha… luha ng kasiyahan marahil.
At iniabot na ang kamay sa kanya, mula sa ama ni Marivic, si mang Lukas na namumugto na ang mga mata… sa dalawang kasalukuya’y pinag-iisa’y may kung anong kakaibang kislap ang makikita, at wari ay hindi mawawala.
Kung hindi lang ako nawala nang matagal na panahon, di sana ay ako ang lalaking iyon na magdadala kay Marivic sa harap ng altar. Hindi naman talaga ang kuya ang naunang nakilala nito. Ako. Una niya akong nakilala at sa simbahan ding ito mismo. Naaalala ko pa, ang daan pabalik sa alaalang iyon ng aming kamusmusan. Ang panyong inalok niya sa akin. Nasa gilid ako noon ng hagdanang paakyat ng kampanilya ng simbahan. Nagtatago sa sulok at umiiyak sa hapdi ng natamong gasgas sa tuhod dahil sa pagkakahulog ko sa hagdan ng kampanilyang pinipilit kong akyatin upang Makita ang malaking kampana. Bata pa kami noon. Nagulat ako nang ilahad niya ang puting panyo sa kanyang palad. Nakangiti siya habang pinapanood ako.
“bakit mo ko tinitignan, pinagtatawanan mo ba ‘ko kasi umiiyak ako?!” pinunasan ko ang aking mukha at pinigil ang pagsinuk-sinok, pero hindi ko tinanggap ang panyo niya.
“bakit ka andito?” tanong ko sa kanya na hindi parin naaalis ang pagkakangiti.
“wala lang. narinig ko kasing may umiiyak, kaya hinanap ko. Bakit ka ba umiiyak? Nawawala ka ba?” mahina niyang tanong na kay bagal.
“hindi.” Sabi ko. “nadulas lang ako sa pag-akyat ko”
“may sugat ang tuhod mo”
“wala ‘to. H-hindi naman masakit e!” siguro ay naniwala siya.
“bakit ka ba aakyat diyan? Hindi ka ba takot na mahulog?” ang liit ng boses niya na parang may kausap lang ako na ipis.
“siguro, gusto mong Makita ang kampana?”
At napatigil ako. “alam mo kung ano ang nasa itaas?”
“Oo. Ang malaking kampana”
“kampana? ‘yon ba ang tumutugtog?”
“Oo,” walang pag-aalinlangan na sabi ng ipis niyang boses.
“nakita mo na?”
“P-pano sila tumutugtog? Anong hitsura nila?”
“hindi pa. Pero nakakita na ko ng maliliit na kampana, maputlang pula ‘yon na matamis kapag hinog na,” aniya na may kasama pang kumpas ng kamay sa hangin, waring nagsasabi siya ng totoo.
“tsk. Nandito ka ba para magsimba?” tanong ko.
“syempre! Ano pa bang ginagawa sa simbahan?”
“marami,” naalala ko ang pangaral sakin ni Padre Albason, “kung sa’yo siguro.. pagkukumpisal, nakakawala raw ‘yon ng kasalanan sabi ni Pader. Lalo ang pagsisinungaling.”
“sinong sinungaling?!” kumunot ang nuo niya.
“ikaw,” matapat kong tugon.
“hindi a, totoong nakakita na ‘ko ng kampana..”
“maliliit nga lang, pero totoong nakakain sila!”
“gusto mong Makita?”


Bigla, hinila niya ang kamay kong parang hindi nakita ang sugat ko sa tuhod. Pero, kinasabikan ko ang kanyang sinabi; maputlang pula na matamis kung hinog. Kung ganun ay palaging busog ang mga ibon sa tuktok ng simbahan, lalo na iyong madalas dumapo sa kampanilya. Busog sila sa laki ng isang iyon.
Nakalimutan ko na ang sakit ng pagkakahulog . parang balewala lang kasi sa kanya kung ngumiwi ako sa higpit ng kanyang pagkakakapit. Tulad na ‘yon marahil ng pagpapakasal niya kay kuya.
Huminto siya sa harap ng konkretong pader na may mga halaman sa ibaba, na nakapaligid. Hindi ako umimik sa gagawin niya, parang may hinahanap na butas sa halamanan.
At lumusot na rin ako matapos siya sa punpon ng mga matatabang halaman . May daanan nga doon. Butas ang pader na pwedeng magkasya ang isang tao kung gagapang siya papasok.
Isa ‘yong halamanan. Kay daming mga matitingkad na kulay ng iba’t ibang bulaklak. May paru-parong namimiesta sa katas ng naggagandahang mga rosas, daisies at hasmin. Isa iyong paraiso. May bukal na tubig na umaagos sa konkretong maliit na talon; At higit sa anuman ang maliliit na kampana. Ang sarap sa mata na parang papahinog nang prutas ng mansanas –yung manibalang palang ang pagkakapula. Para rin yung namumukadkad na pulang rosas sa dami na hindi yata mauubos sa isang linggong lantakan.
“nakakain ba talaga ‘yan bata?”
“hindi bata pangalan ko!”
“Ano pa lang pangalan mo?”
“Marivic! Maria Rivina Claudia dede Cornelio Sampin”
“ha? E, Anong pangalan mo dun?”
“yung palayaw kong Marivic.”
“tsk. Bahala ka na nga ipis,” sambit ko ng matuliro ako sa haba ng pangalang binanggit niya. Hindi sa totoong ayaw ko sa pangalan niya, lamang ay hindi ko matandaan ang kabuuan ng kanyang binanggit.
“T-teka, baka may lason naman ‘yan… o b-baka hindi masarap o di talaga ‘yan kinakain”
Kumunot na naman ang nuo niya. At itinuro ang bunga, “Ba’t di mo tikman?! Kumuha ka ng isa, o ng marami, para sakin rin!”
Tumingala ako sa may kataasang puno…
“Bilis!” pangungulit niya pang lalo.
May kataasan rin ang punong iyong hiwa-hiwalay ang ungos ng mga sanga, manipis at waring makinis ang balat kaya’t hindi madali ang pagkapit. Walang pupwedeng kapitan. Ngunit isang mabangong prutas ang nakae-enganyong matikman sa unang pagkakataon.
Sinubukan kong umakyat. Madulas ang paa ko. Siya nama’y naghanap ng patpat. Ewan kung bakit dinala ako ng pananabik sa itaas ng puno. Abot kamay ko na ang mga kampana. Ang bawat tunog ng pagpintig ng dibdib ko’y isang tunog ng kampana ng simbahan.


Hindi ko namalayan ang pagtungtong ni Marivic sa harap ng altar. Bakas na bakas sa kanya ang di matawarang kagandahan, ang kariktang pinalabas lalo ng kanyang suot na puting bestida na lantay sa seda. At makipot na labi, ang kanyang ngiti, ang malamlam na mata na mala-porselana ang tingkad ng loob… nang mga sandaling iyon, hindi ko mabaling sa iba ang aking paningin ay narining kong umaawit ang mga ibon. Ninais kong takpan ang aking tenga upang hindi marinig ang mga koro at ng tunog ng mga kampana sa aking isip. Subalit tinatangay ako ng himig sa ‘iyon. Malayang pumapasok sa aking pandinig. Nagbablangko sa isip ko ang nagaganap. Tila may ibang mundo akong kasalukuyang binabalikan, na hinahanap ko sa daan ng lihim na hardin ng aming hacienda.
Malambot sa bibig ang maliliit na kampana na may manamis-namis ang katas. Sa una kong tikim, tila iyon na ang pinakamasarap na prutas sa mundo. Marami akong kinuha. Pinuno ko ang dalawang bulsa ko at ang loob ng aking suot na damit at hindi ako bumaba hangga’t hindi ako nabubusog. Bawat mapitas ko’y diretso sa bibig kong sige ang nguya. Tumutunog sa tiyan ko ang maliliit na kampana. Anong sarap sa pandinig…
Ewan, kung papaano ako nakababa sa taas ng punong iyon. Sa liit kong iyon noon. Mas mataas pa sa akin ang alaga kong asong may mga batik-batik -kapag ito ay nakaupo. Siguro’t dala na marahil ng labis na galak.
Naging magkaibigan kami. Sa tuwing magkikita ay hindi mawawala sa usapan ang maliliit na kampana. Hanggang sa naging lugar na iyon ng aming palaruan, ansaya ko kapag nakikita siyang nakangiti habang ngumunguya ng pulang kampana. Masayang kumakabog ang aking dibdib.
Ngunit isang araw, habang Masaya kaming namimitas ng mga kampana ay biglang dumating ang isang may edad na lalaki. Kita ko ang panlilisik ng kanyang mata habang nagmamadaling papalapit sa amin. Kumabog ang dibdib ko nang malakas. Nang pagkalakas-lakas. Minadali ako ni Marivic na bumaba subalit hindi ko na kaya. Ang bigat ng tuhod ko, na hindi ko na maigalaw sa takot. Nakatatakot ang mukha ng matanda habang papalapit nang papalapit ito sa aking kinapupwestuhan. Kung tatalon ako’y baka ako mapilayan. Masyadong mataas. Ilang hakbang na lang ang agwat namin. Bumigay ang sangang kinakapitan ko at nawala ang balanse sa pagkakaupo. Ang alam ko’y nakatawid na si Marivic at naiwan akong mag-isa.


Gusto kong magsalita. Sabihing tumututol ako! Ihinto ang kasalang ito. Hindi ka dapat pakasal sa kanya. Kailangan kong sabihin ito, kung hindi ay sasabog ako. Isa..dalawa…tatlo!
tahimik ang paligid, waring naghihintay ng sakunang hihinto sa isang banal na seremonya.
“kung gayong walang tumututol sa kasalang ito, ipagpatuloy na natin ang banal na seremonya…” mabagal ang salita ng pare. Tila inulan ang araw ko. Nabasa ang mitsa ng pagbabalak. Wala nang pagsabog na magaganap. Nasayang ang pagkakataong kay hirap buklatin subalit hindi naman napasubaliang gamitin.
Sa pagkapatid ng kaganyakan ng naglalakbay na kamalayan, noon pa inakala ng hindi palaging pagkalunod ang dulo ng pagkalubog o pagkalito sa pagkalimut. Hindi pa. kung hindi siya tutugon,


“I do,” sagot ng kuya.


T-teka, hindi pa. kung malilimutan ni Marivic ang sasabihin. Wala sanang lumabas na boses sa bibig niya. Hindi sana niya masabi ang dapat sabihin.


“I do.”


Naalala ko kagabi, maaliwalas ang paligid sa muli kong pagbisita sa dati naming palaruan ni Marivic at doon ay kinausap ko siya. Mahirap para sa akin ang tanungin siya, “Mahal mo ba talaga ang kuya?” habang kunwari ay nasa akin ang lakas ng loob na marinig ang kanyang kasagutan.
Matamis ang kanyang pagkakangiti, sabay sabing,
“Oo.”
Musika sa pandinig. Napaluha ako nang hindi ko napapansin. Nagtaka siya at nagtanong, “ha, ah, w-wala ito! Labis lang akong nagagalak para sa inyo. Mabait ang kuya at alam kong liligaya siya sa piling mo… hangad ko ang inyong kaligayahan.”


Ngayon, dapat nang iwanan ang nakaraan. Hindi na dapat pang ibalik ang masasayang araw na kasama ko siya. Hindi na maaari ang pagbuhay sa mga kupas na larawan sa aking isip, tuwing nilalamig ako. Dapat na kong magsawa. Libangan ko lang naman ang mga liham ko sa kanya at susunugin rin lang naman iyon ng panahon. Sampung taon at higit pang mga buwang pagpapagaling sa Estados Unidos. Sa pagpapatuloy ng therapy session ng limang taon. Ang ngayo’y malaking pagbabagong naganap sa akin. Nakakapaglakad na kong muli sa tulong na rin ng baston. Ngunit hindi madaling humilom ang sugat ng puso –gawa ng pagkakawala ni Marivic sa akin.

Si Marivic. Ang pagkawala ni Marivic, alam ko at walang ibang dahilan kundi ang sakim na 'yon. Noon pa man kahit sa simpleng bagay, bakit hindi niya kayang umalis sa hindi naman talaga sa kanila, nang wala nang problema. Parehas siya ng kanyang ina -kung alam ko lang -pakawala, isang puta! at nadampot lang sa lagian ng mga kalapating mababa ang paglipad. Ang kanyang ina, hindi ko alam kung paano nauto nila si ama. Anong pinakain ng mga hampas-lupang 'yon! At akala niya tutulad ako't magpapauto rin? Sapat lang na nahulog ang babaeng iyon sa hagdan, sinadya man o hindi, masaya ako! Nabawasan ang mga mang-aagaw sa pagmamahal ng aking ama. Wala na! Madali na para sa akin ang kuya. Kuya?! kahit nakakaasiwa, nakaduduwal, masakit sa pandinig ang sabihin, ang tawagin siya sa ganoon. Nakatatawa. Para lang mapagbigyan at hindi na maungkat pa ang mga nangyari sa malanding iyon, pagbibigyan ko na at hindi na ko matitiis ng ama ko. Bakit hindi? Ako! Ang siyang tunay, ako at wala ng iba!

Ngunit, kung ayaw tumahimik ng nag-iingay, takpan ang tenga nang di marinig ang sigaw niya, “Ina ko! Wag mo kong iiwan.. Ina!” malakas ang kanyang palahaw nang patakbo siyang lumapit sa walang hiya niyang ina, nakahandusay na sa ibaba ng hagdan, may bahid ng dugo sa kanyang kamay nang haplusin niya ito. “I-ina kooooo!” di ko balak na pakinggan ang kanyang sigaw, pagmamakaawa,  subalit sa pagitan ng tengang pilit tinatakpan ng mga palad, sumisingit parin ang kanyang nakaririnding paghingi ng tulong, ang paulit-ulit na pagtawag sa pangalan ng kanyang ina. Tang ina!
At kung ayaw umalis ng pinaaalis, ikaw na nagpapaalis ang umalis. Kaya’t hindi na ko tumangging magpatuloy ng pagpapagamot sa Estados Unidos, sa lola. Ngunit nakakapagod pala na takpan ang tenga. Lagi sa isip ko ang mumunting tinig ng kampana at si Marivic. Si Marivic! Sinong nagsabing makikilala niya ang kuya. Teka, anong pinagkaiba ko sa talunan na piniling umalis, wala sa pinuntahan ko ang aking mundo, ang aking daigdig, naiwan ko si Marivic. At hindi ko akalain matapos ang sampung taon, sa aking pagbabalik ay gunaw na ang aking mundo, winasak na daigdig. Hindi. Dahil ito ay inagaw sa akin. Mang-aagaw! Sakim! Traydor! Bakit! Bakit!


"Kaawaan kayo ng puong may kapal," usal ng pari para sa pangwakas na panalangin. Kaawaan ng puong may kapal? Mga hangal. Kahangalan. Ang karamihan ay nakayuko at taimtim ang pagsamyo sa magarbong kasalan. Hindi pa. kung ang paring nakaputing abito ay maging marahas sa pagbuklat ng bibliya. Doon ay kukuhanin ko ang isang bagay na nakaipit. At isasakto ko sa pagbigkas ng Amen. Puputok ang baril… saglit. Nagulantang ang lahat, parang langgam na nabulabog, ang iba ay nanatiling estatwa sa pagkakatayo.
“H-hindeeee! Miko!” napatda ito sa aking harap at duguan ang puting kasuotan.
“M-Mikooo…” ang sigaw ni Marivic.
Lalapit siya sa akin pagdaka. “A-anong ginawa mo! Bakit?!” mariin ang pagkakakapit ng kamay ng Marivic sa suot-suot ko nang abito. Dumaloy ang palasak na luha niya sa kanyang mukha.
“Bakit!? Bakit!? Dios ko… Bakit?!” nabitawan ko ang baril dahil sa panginginig ng aking kamay. Nakita ko ang kuya, duguan.Ngunit hindi ko maramdaman ang awa, siguro ay ang pagdiriwang sa aking kalooban. Nailigtas ko si Marivic. Oo, at wala akong maisip na dahilan kung bakit hindi ko ito gagawin, mahal kita Marivic. Mahal na mahal.
Bakit ang kuya? Alam kong hindi ka liligaya sa kanya. Walang karapatang lumigaya ang mga mang-aagaw. Wala! Alam ko ‘yon, dahil sa akin ibinigay ng Diyos ang kalooban niya.
Narinig ko mula sa malayo ang mumunting kalembang ng mga maliliit na kampana, kasabay ng unti-unting paglikha ng mga kalabog sa aking dibdib.
“Ligtas ka na!”
Sa sinabi ko’y humigpit pang husto ang kanina nang mariing pagkakakapit niya sa akin, wari’y pinapainit pa ng hinagpis ang nanginginig niyang mga palad. Napansin kong nagusot niya na ang aking abito…
“MAaari mo nang hagkan ang iyong asawa,”
Lumakas ang hiyawan, nalusaw ang tagpong hinahabi ng aking isipan. Narinig kong muli ang kalembang ng kampana ng simbahan. Tapos na ang seremonya. Tinapos ito ng hiyawan at palakpakan. Bumaba na ang pari sa kanyang pulpito. Hindi. Ayoko ng nakikita ko. Binaling ko ang tingin sa iba. Napadungaw ako sa Istayon ng krus na nakadikit sa magkabilang gilid ng simbahan. Sabi’y ang isang nananalangin dito'y makakatagpo ng pakikipag-isa sa hirap, sakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon. Sinabi sa aklat ng Lucas, “Ang sinumang nais sumunod sa akin ay dapat na lumimot sa sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.”
Maya-maya ang tunog na nagmumula sa mga kampana ay tintawag ang aking pangalan. Ang kakaibang tunog na iyon. Agunyas? Ng pusong binatbat ng kapighatian. Iniwan ko ang aking pwesto. Nagmumula sa itaas ng kampanaryo ang tunog na waring binibigkas ang aking pangalan. Tinatawag ako ng tunog na iyon ng kampana. Inakyat ko ang kampanilya. Doon, mas lumakas ang musikang nagpapagaan ng aking pakiramdam. Waring umaangat ang aking paa sa kakaibang pakiramdam na ito. Umaawit ang kampana at sinasabing sumabay ako sa ritmo ng kanyang pagsaliw. Makasansaglit, napansin kong pinanunuod ako ng mga ibon. Ewan, kung natutuwa sila o natatawa. Iba ang tuwa sa tawa. Alam kong pinagtatawanan ako ng mga ito. Naisip ko, Huhulihin ko sila. Subalit mabilis ang pagkampay ng kanilang pakpak sa hangin. Masarap marahil ikampay ang mga kamay sa hangin at isiping ako’y ibon. Lilipad ako. Lilipad.
Narinig ko na lang ang mga tinig mula sa ibaba, “ May tatalon! Naku po, Maghunos dili ka…”
Napailing ako sa kanilang pagkabahala. Baliw ba sila. Hindi ako tatalon. Lilipad ako. Lilipad sapagkat ako’y ibon.

ABAKADA

ABAKADA (nina nana at tata)
a, aba
a, aba! baka bababa pa
pagtaas
pagkatas-taas na gasolina
a, aba, a baka?
baka hindi, baka wala
"ya wa! wala!? wala na namang kita"
ang tata
a, abang-aba
kalam na naman ng sikmura
wala talaga...
ha? hala!
walang papasada
a, aba! baka makikibaka si tata
a, aba, a baka daw sina nana at tata tataas!
itataas na naman sa daan
a, kilos-protesta sa lansangan

itataas kamao ng paglaban

Guho

Guho

Mabigat ang bagsak ng langit sa aking mga palad, sa aking katawan, sa aking pagkatao. Isang napakalaking paraiso sa ibabaw ng malambot na papag, 6.3 magnitude ng luwalhati sa pag-indayog, na walang taglay na tiyak na timbang, sukat at bigat. Alindog na di masukat sa ibabaw ng mga guho. Kung langit ang kalakip ng lupa ay ilang pilye kaya ang ilalalim ng pagkalubog?

Nakababahala ang ganitong kaisipan, ilang araw sa ilalim ng mga guho. Ilang kilometro na lang ang impyerno, mainit, nakasusulasok, hanging alikabok at usok. Nakababahala. Kung ang saliw ng halinghing, ng musika ng mga ooh at aahh ay maging panaghoy ng aking pagkakasadlak sa guhong iyon. Maabot pa kaya ang tinig , masagap ng mikroponong ibababa ng mga mananagip. Aahhh! May senyales pa ng buhay sa guhong ito. Pumipintig. Mabilis na kalabog, mabilis na pagpintig. Pabilis nang pabilis. Ang rurok? Papaano ang rurok? Ito ba ang pulot na ang tamis ay may lasa ng aftershock?

Bumibitak-bitak ang lupa, ang kutson, lumangitngit nang matindi ang pundasyon, ang pawis dahil sa karagdagang debris sa mga lansangan, sumirit ang malalakas na tubig dahil sa mga pagkakadispalinghado ng mga pipes at sewers. Sa anumang pagkakakawing, ito parin ang pulot ng rurok. Kahit kapiling mo sa ibabaw ng kama ay kuma-kamasutrang dambuhalang butsog na seksi sa paningin lamang ng isang lasing…

Ibong Migrante

Ibong Migrante

Pababa nang pababa
lipad
ng ibong migrante

mabigat ang pakpak
ni hindi na kayang umabante
paitaas

nilalamig
giniginaw
nanghihina

pabulusok na nang nakita
ng batang si juan
na kahapon pa kumakalam ang sikmura
itong ibong sa pagkampay, pagpagaspas ay nanghinawa

bumagsak sa lupa

nakangiting kinuha ng bata
at masayang bumalik
sa naghihintay na gutom na ring pamilya

...masaya nilang pinagsaluhan
ibong migranteng nahiwalay
sa langaylangayan
ng mga ibong kauring
nagmula sa japan



...at nangati nga ang lalamunan ni juan

YUNGIB NG MGA GINTO

YUNGIB NG MGA GINTO

Doon sa yungib
mga hunyango ay nagkakandirit
wala mang hanging haginit
may halakhak sa mga labi
may ngising walang tigatig
matikas ang tindig
nagbabantay, sabik na sabik
kahit pawisan at amoy
anghit
itong hunyangong nakakurbata
at kamisadentro ang damit

Doon sa yungib
may kaban-kabang pawis
patung-patong na pagtitiis
mga sakong palamuti
sa kwebang pusikit
buwig na naani sa bukid
na hugis bilyones
sa mga mata ng hunyangong bienes

ngunit nang lumuha ang langit
ng pagkalakas-lakas
doon sa yungib
may biglang tumubong uhay
sa mga sako na apaw
sa mga ginintuang tahip
nagkakulay lilang kabote
mayroong berdeng banil
na tumutubo lamang sa tubig
mula sa amag ng pag-iisip
ng mga hunyangong mapagkipkip...

Disin sana ay nagamit
nalasahan ng bibig
ng mga tiyang nanginginig
ng mga katawang nagbibihis buto
ng abang mga mukha na hugis bungo
na buong araw sa gutom ay nangagbubuno

Doon sa yungib
nag-iba ang tono
ng mga hunyangong naglilo
sa sanay kilo-kilong tulong pan-serbisyo
sa kamay nila ay naglaho
salaping pinipintuho

ngayong hapung-hapo
sako-sakong pagkabigo
bilyong piso ang samyo
naging sentimong mabaho
kawawang mga hunyango
lumuha ng dugo
sa labis na pag-iingat
at hangaring makapagtamo
makapagnakaw na naman

ng butil-butil na ginto.
-

Poppy

Poppy
(opiumistik)

Sa pagninilay ng usok saking bibig
sa tuyong pitalyang nakalubid
anong inam tuwing ititirik
kamalayang pinaslit ng ligalig
saglit na hitit
isang mariwasang pagtirik
sa inabang kaisipan
tulad ng walang kasing itim
na usok ng lipunan
ng daang bayan
sa masukal na kagubatan ng isipan
ng mga di nakatikim ng kahirapan
silang nagpapasasa sa kapangyarihan
ng kanilang upuan
na nagpapakalunod sa paggasta
sa kabang yaman
ngunit hindi sa pinagnakawan
kundi sa labas ng bayan
paggasta sa L.A, Nevada, Paris at Taiwan
nagpapawis sa karangyaan at kaluwalhatian
habang ginagasta ang pinagpawisan
ng aking mamamayan
na walang sukat pag-ibayuhin
ang pagdidilig ng dugo at pawis
sa ilang dekadang pagkasubsob
ng mga palad dito sa lupang sakahan
mga pagpasan
ng ilang toneladang pait ng mga pagawaan
at maamong pagpapaalipin
sa mga dayuhan
konting ligalig?
Anong inam na dahilan ng mga nagpapalamig
sa Switserland, Mongolia at Korea

Di nga nila alam
anong inam
humitit ng usok ng ligaya
at magpainit sa dibdib ng masa
na papag-alabin ng ilang buntong-hininga,
pagkalam ng sikmura
na pilit pinagkakasiya babaryang kinikita
mula sa paltusing palad na nakatanghod
sa mumo ng pinagtatrabahuhang kumpanya,
bulasing kinalaykay sa basura
bawndering binawasan
ng mga nangungotong sa kalsada
mga Trapiko-sultanang nagmana sa ama
na mahilig magplano
sa ilalim ng mesa
habang nakasukbit mga kamay sa bulsa

Usok
magpakalunod sa usok nang itirik nito
kamalayan sa dakong konsepto
ng katotohanan
sa hayag na kalagayan ng lipunan
nang maisip, walang kasing sarap
magnilay-nilay habang humihithit
nang maisip, babala ng mga tabako, hope, winston, marlboro at philip

"Cigarette's warning
Government is Dangerous to your Health"

Mapa ng Pilipinas

Mapa ng Pilipinas
Hihimasin ko ang Luzon ni Katrina, na parang nagha-hiking ako sa Siera madre o sa Mt. Mayon. Hihimasin nang walang tigil na kahit magkakalyo ang kamay, ang palad o paltusin ang paa sa pag-akyat ay lalamasin ko ang kanyang Luzon.


Kapag sawa na ko’y dahan-dahang magpapadausdus papunta sa tinutumbok na mahiwagang distinasyon. Ngunit tatawirin ko muna ang kapatagan ng kanyang Visayas. Hihipuin pababa ng paglalakbay ko sa kaparangan, sa pusod ng talampas ng visayas ni katrina.


Hanggang sa makarating sa Autonomous Region of Muslim Mindanao ni Katrinang laging nakabelo, nakabalot… ang hiwaga ng bataang pinagpipitagan ay tututukan ko ng kanyon ng pagmamahal.


At kakabayuin, aariin, kukuhanin, sasakupin, at gigyerahin na parang G.I Joe na bumibisita.


Ngunit walang Green o Black Agenda..

Umaapoy na ang kanyang Trono


Umaapoy na ang kanyang Trono
Nang mapasilip
mga mata ay naningkit
may banaag ng ningas
ang espasyong kubli
umaapoy ang langit?
nakasisilaw, silahis na tanglaw
iyon nga, kaning-ningan ng dilaw na araw
sa alapaap tumatanglaw...
halakhak?
nakaupo sa trono
buo na sa isip ko
si Kristo na may putong sa ulo.
humahalakhak?
nakalilito.
nakaupo sa trono, hawak ay balaraw?
naibulalas, tanong na "Sino"
nakasisilaw, may ning-ning ang lapad na lapad na bunbunan at nuo...

umaapoy ang langit
Pero bakit?
hindi na yata maikubli ng mga salita
init ng impyernong pagkatao ng nakaupo
mukhang nalulusaw
lupit ng pagbabalat-kayo
o sadyang nagbabalik lang
orihinal na kulay
sa demonyong anyo?

KALOG

KALOG

Nagdadalaga na si Nene
May esensya na ang puri
Sa  negosyong pang gabi
Kasangkapaý pag-aARI

Presyo ng pakalog
Para sa minimum na sahod
Bente bawat hipo
Sampung lalaki kada gabi…
10 X 20 pesos
Equals two hundred (200)
sa 31 araw = 6,200
“para sa munting pangangailangan
Ng nagdadalagang si nene”
Kung susumahin.
Kung minsan ay lampin
ang pamalit sa napkin…
Kailangan na shampoo,
Kailangan na pabango
Kailangang pampaganda mula buhok hanggang kuko
mga pangangailangang basiko

Presyo ng pakalog
Hipo ng matanda
bente na minimum
Sampung matanda
10 X 20 pesos = 200
Sa isang buwang kasiyahan
anim na libo (6,000)

Dalaga na si nene
Minsan ay lampin
ang pamalit sa napkin.
Sa kanyang inusenteng palad
Lalapag na bayad-serbisyo
ilang bungkos ng piso
matapos ipahawak,
ipakamot ang nangangating itlog
may ganting hipo
sa kepyas at suso…

Para sa esensya ng pakalog
Di na muna matutulog,
magpapakapuyat sa tugtog
ng mga Oh at Ah
ng mga malilibog
sa kaselanan doon iuumpog
inaalog, kinakalog
nang hingalin sa sariling pagkalubog



dikta ito ng lipunan; ang mga lumpen na itunutulak at sadya pang inilulugmok ng kahirapan!
walang ibang dahilan kundi ang bulok at sirang sistema ng lipunan! at kung may tunay ngang tuwid na daan,
malaking pagbabago ang ilulunasad nito sa buhay ng maralitang Pilipino. Patuloy nating isigaw ang tunay na paglaban sa lihis na landas! Isigaw ang paglaban! para sa tunay na pambansang kapakanan!!

Memorandum of Aggreement

Memorandum of Aggreement

MOA
(Security Center’s Top Secret)
Susugod na raw kami. Kailangang makabawi at mabawi ang pribadong pag-aari ng aming kasamahan. Kaya’t wala ng alinlangan kahit na walang Back-up. Susugod kami!!     Narinig ko kanina sa linya. Marahil, ito yung sinasabi nilang Defence Mechanism ng tao. Mukhang nagmumura kasi yung nasa kabilang linya. Paulit-ulit na “Betel garai!” ang sinasabi. “Betel garai mo mukha mo!!!” sagot ni commander leo alyas kesong-puti sa parang nag-Eespanyol na kausap, at dahil siguro sa inis ni commander sa kausap ay umakmang ihahagis nito ang mobile communicator sa dalampasigan. Sa baybay dagat na hindi bughaw ang kulay ng tubig at ilusyon na lang ang sariwang hangin. Pipigilan sana namin ang kanyang pagtatangka pero buti na lang napahinto ito. Naisip niya marahil na mahirap o sobrang hirap sumisid sa ganung ka… sa hindi masyadong malinis na tubig gaya ng Manila Bay.  
Isa pang counter-terror command strike forces, gaya ng dating hindi man lang naidadaan sa isang plano ang dapat sanang pinagpaplanuhan nang maigi. Gaya ngayon, nakatsinelas lang ako, walang laman ang wallet kundi isang daang ibinayad sakin ng klasmeyt ko. Malaking pasalamat ko nga at ngayon niya binayaran ang utang niyang nakaraang taon pa hiniram.
Humanay pa-platun ang tropa. Susugod na kami. Kaya’t nakihanay na rin ako sa kasama kong kuntodo-pustura, kapwa naka-ACU M-65 field jacket at may tatak na PM2 sa Beret flash na suot-suot nila sa kanilang ulo. Move! Move! Move! Si commander Leo alyas kesong-puti matapos maitago ang hawak niyang mobile communicator ay nagkasa ng tangan niyang M-16 baby armalite at saka sumakay sa halftrack humvee.
At kunwari may alam ako nang ikasa ko naman ang hawak na .38 caliber. Papaakyat na sa escalator ng Campo Uno, Security Center, napansin kong may nakaabang na Intel marahil. Mabilis na lumapit ang aming commander, “Co-chief, on alert na sa target?”
“The Ground is clear, commander” tugon nito. Matapos ay kapwa sila nagsalute sa isa’t isa. akala ko talaga ay isa siyang Intelligence ng Kalaban –upang magsagawa na naman ng isang tactical interrogation sabotage, mabuti at hindi.
Dinala kami sa Headquarters. Kasado na ang baril ko, kahit medyo nakakabadtrip ang suot kong tsinelas dahil sa nabasa na ito ng pasmado kong paa, alerto ako. “ Sir kami po yung may ari…” at pinapasok si jeslie sa loob ng opisina ng Security Center, ang klasmeyt kong may malinaw na paningin, pero walang pagtingin sa akin. Papasok pa sana kami, pero hinarangan kami ng aming hiya. Nakapustura ba naman kami ng pangsundalo. E, sinong hindi matatakot sa amin?! Kaya nakinig na lang ako mula sa labas ng office sa usapan ng naka-well attire na security officer at ang aming kasamahan. “…natatandaan ko po’y nailapag sa sopang inupuan kanina,” ani ni jeslie. Matapos ang mahaba-haba ring interrogation ay pinapirmahan ang Memorandum of agreement (MOA) na para sa mga nawawalan ng gamit. Hindi (naman!) burara ang klasmeyt ko. May mga bagay lang na sadyang nakatadhanang mawala, pero kung nakatadhanang magbalik ay magbabalik. Kahit pa maiwan mo ito sa pinaka malaking mall sa Asya.
Naisip ko lang kanina, kung ako ang nakapulot ng cellpown ni jes? hindi ko na iyon isasauli.
Hehe. Biro lang.

FLAG CEREMONY

FLAG CEREMONY
ni Reymond S. Cuison noong Huwebes, Nobyembre 18, 2010 nang 1:02 PM


Bayang magiliw, perlas ng silanganan
Alab ng puso, sa dibdib mo'y buhay...

Sa ritmo ng Pambansang Awit
sumasaliw, sumasabay
sa dibdib ni Andres
nakalagay ang kanang kamay
Sagisag na tunay na pagdadakila sa bayan
tunay na pagkamakabayan
sa lupang tinubos ng kasaysayan

Sa kaliwang kamay
isang karit na panabas ng damo sa bukid
hawak ay pinahihigpit ng galit
"nasaan na ang bunga ng aming paghihimagsik
piniga na ba ng mga gahaman at ganid
kinuha ang tamis
at iniwan ay pait
nagpapasasa sa bunga ng aming pagpapawis"
masisibang katutubo,
asendero't propetaryo
ang mga bagong kolonyo

mga bagong mananakop
sa lupaing pinipintuho
mga kastilaloy ang isip,
o mala-kano ang dibdib
parehong mangagsisimatay
sa aming mga bisig
at ngayon, mga gahamang katutubo
na nag-iibang anyo
burukrata-kapitalista
mga tuta ng kano
mapandayuan ang kokote
ng mga asendero't propetaryo
ng mga bagong kolonyo
kailangan nang tabasin, wakasan
ang pagmamalabis...

sa muling pagpupugay ng aming karit,
ng aming mga gurlis
naming ilandaang taon nang nakasubsob
ang mga kamay sa putik
naming dugo at pawis ang inalay
sa lupang sila lang ang nagpapasasa
sa mga bunga at ani
naming hindi na makatitiis ng pang-aapi
sa pang-aalipin
mga bagong kolonyo
mga kolonyong nag-iibang anyo
burukrata-kapitalismo
mga tuta ng kano!
asendero't propetaryo

kailangan nang wasakin, patayin
nang kami naman ang makatikim
ng aming mga tanim
hawak ang karit
na pinatalim ng inyong pambubusabos sa amin
sabay naming itataas, ibabandila sa langit
kanilang pugot na mga ulo
na tumutulo pa ang napakalansang dugo...

Nang masabi
"ako'y isang tunay na Pilipino!"
at malaya nang makaaawit
 nang maluwag sa puso

"Aming ligaya na pag may nang-aapi
Ang Pumatay nang dahil sa iyo..."

(J)OBERPASS

(J)OBERPASS

Oh! Mariong sakdal bulag
sa oberpas nakalahad
istilo sa pagbabanat
ng buto ay anong hirap?

Mga kamay nangangalay
habang nakaupo sa may tulay
pahinga lamang ay dighay
ay! ay! ay!

Nang naghulog ng barya
ang bukas palad kunwari
tunog man ay kaunti
ay anong sarap damahin
ay! ay! ay!
Si Mariong sakdal bulag
sumisimple ng tingin

Utak Pandesal

Utak-Pandesal?

 Si P-noy kung itambal
pwede rin sa pandesal
utak na kinukupal
ilako man ay mahal

QC's Queen of the Camera

QC's Queen of the Camera
ni Reymond S. Cuison noong Lunes, Oktubre 11, 2010 nang 10:24 PM

NADARAMA KO
GANYANG PAKIRAMDAM
IYONG PANANABIK NA MASILAYAN
UNANG SILAHIS NG DAKILANG ARAW
PAGKAT SA IYONG PAGHIHINTAY
NADARAMA KO
KABA AT TAKOT MO
SA LANGIT NA INAASAHAN SA IYO
NG MGA PITA AT MAKAMUNDONG PAGNANAIS,
PAGKAGUSTO

NADARAMA KO
PAGKAT TULAD NG SINUMANG ADAN
NA NAGHIHINTAY NG PANTAY-SERBISYO
SA ILALAAN NILANG BILANG NG BAWAT PISO
AY NAGHIHINTAY RIN AKO
SA PAGPINID MO NG SARSADURA
NG AKING KWARTO,
NG AKING HACIENDA'T PALASYO
UPANG AGAD MAIPINTA
NG MAKINARYA-PINTADO
ATING PANGANGABAYO
SA GANOON
MARIRINIG KO
PALAKPAKAN NG MGA TAO
SA HUSAY AT GALING NG IYONG TRABAHO
PANGANGARERA SA AKING KWARTO...

IKAW ANG KABAYO AKO ANG AMO...

Aydol ko si P-NOY

Aydol ko si P-NOY

ni Reymond S. Cuison noong Biyernes, Oktubre 01, 2010 nang 3:30 PM

I.D

I.D

by Reymond S. Cuison on Biyernes, Setyembre 03, 2010 nang 8:04 PM

PAGKAKAKILANLAN
Mahalaga ang aydentidad
para kapag naaksidente sa daan
o na Hit and Run (ng kartilla ng pilipinas)
ang iyong pagkatao
ay hindi mapagkamalang pulubi ka
na ginagawa mo lang kama ang lansangan
sa pagkahilata mo sa daan...
kaya't maraming mapagkawang-gawa,
Pulis, Medya, Red Cross... ang makasasaksi
at makakapiling mo sa di planadong pighati...
sa gayon maitatawag nila sa iyong pamilya
na si ganitong pangalan, Patay na!
at gayun din, mapaglalamayan ka
nang may kaluwalhatian,
nang may dignidad
pagkat pangalan mo'y batid ng lahat...
habang tumatangis sila
alam mong ikaw nga ang inaalayan nila ng luha

PAGKATAO
Batid mo kung sino ka.
subalit ang pagkatao
kung dumaan sa bibig ng ibang tao, nag-iiba.
para sa anak, isang responsable't
mapagbigay  ang kanyang ama
na nagpapalaki at nagpapakain sa kanya,
kidnaper man ang trabaho nito;
para sa mga ibang government official (hindi kasama ata si P-Noy)
ang kanilang mga Body Guard at mga Pulis
ay maaasahang tagapangalaga't tagapanatili ng kapayapaan,
kahit na pumapatay sila...
(hindi ko tinutukoy ang labing apat na magsasakang
nasawi sa Mendiola);

para sa tulad nating mga Deboto,
si kristo ay banal na santo...
kahit mukha siyang artista kapag nabihisan na at inilako.
hindi ko sinasabing
nagmumulto lang sa kaisipan ng mga tao
ang dibuhong maligno...
(pero pwede ko ring sabihin,
sabihin mo lang!);

Para sayo,
ikaw ay ikaw, kung paano mo pinakikita kung sino ka
kahit na para sakin, iba!

KAANYUAN
Ang kagandaha'y nasa kamay ng tumitingin,
(gayuun parin, ipagbunyi ang kadalisayan
ng mga bulag na mangingibig)
pagkat di tulad nila
binubulag tayo ng ating mga mata
dahil batid natin
walang kilay si Mona Lisa,
ang BigBen sa London ay nakalulula,
retokada ang dibdib ni Ruffa (hindi Guttierez o Quinto),
kamukha ng magulang  mo si santa,
ang pulang dugo at dugong bughaw ay magkaiba,
ang green minded sa open minded ay magkapamilya,
ang bawat salita sa tula ay mahalaga,
at mas mahalaga ang mga mambabasa kaysa sa pera...

nasa kamay kasi nila
kung ito ba ay maganda...

PANGALAN
kung madungisan man ay
kagagawan ng hindi mo pagkilala
sa kaanyuan ng sarili mong pagkatao...

Animeysyon

Animeysyon

Naroon sa salamin ng kahon
Ang iyong pag-iral
Nakakadena sa ilusyon
Ng pagiging hangal
Nakatakda ang emosyon
Ng bawat luha
Ng bawat tuwa
Ng bawat pag-asa
Akala moý tulad din
Ng lohika ng realidad
Ang naitala…

Sinukat ko na ang bilang
Binilang ang bawat sukat
Oo’t ikaw ang hari,
ang mahikero’t pantas,
ang makapangyarihan,
sa malawak na lupain
ng kahon...

subalit nandoon ako
nang humalakhak siya
na tilaý hawak na niya
ang huling halakhak
siya kasi ang sayoý lumikha
ang sayoý humulma,
ang nagtala…

naroon ako’t umaantabay
sa harap ng salamin ng kahon
at takang taka,
na wariý may kakaiba?

Bigla-bigla ang mga salita
Ninyoý nawala
Sa linya ng nagtala…
Bigla-bigla ang hanay
Ninyo’t kumapal
Naging kumpol ng mga hangal,
pinipilit niyong kumawala
sa salamin ng kahon,
pinipilit ibahin
ang itinakda, ang naitala !
ang isang ilusyon…

na wariý magaganap pa ang inaasahan
niyong papulahin ang silahis ng dapithapon

-05-05-10

The Exploration..

The exploration..


(Mond, Ate Sherly, and Luke)
 ... sa paglalakbay sa mga Dumagat Tribe, nakatagpo kami ng bagong pamilya, kaibigan! ...
 nice one antropolohiya! Masaya to!

EPIKO SA INANG KALIKASAN

 EPIKO SA INANG KALIKASAN

Ng Dulaang-Suhayfil at ABfilipino

Scene 1: Ang nilikha
Tsant / Movements/ Multi-Midya: kagandahan ng Kalikasan)

Babaylan: Nilikha ni Bathala
ang langit at ang lupa
at lahat ng magandang
tanawing makikita.

ang dalisay na agos
sa may talon at ilog,
ang nananahang hayop,
sa talampas at bundok,

sa mayamang bukirin
luntiang kapatagan,
sa ating karagatan
at inang kabundukan

Ang init na nagmula
Sa’ting dakilang araw
nagbibigay ng kulay
at liwanag sa buhay

at ang simoy ng hanging
malayang nalalanghap
at ang tubig na siyang
sa mundo’y yumayakap

oh! Kay sarap mabuhay
sa mundong mahiwaga,
paraisong nilikha
ni Dakilang Bathala…

/Instrumental (chanting with movements)
Scene 2: pag-aalay
Bathala (Invocation) / Multi-Midya : Mayamang kapaligiran
“Bathala”
Awit ni: Joey ayala
Scene 3: Pagkasira
Ethnic Dance/ Trival/ multi-midya: problema sa kapaligiran

Babaylan: Ngunit ang paraiso
Bakit biglang nagbago?
Kabunduka’y nakalbo
Naglaho mga puno,

Luntiang kapatagan
ay sinunog nang husto
Nilagyan ng hangganan
nang mga hasyendero
Ngayon ay tinayuan
ng gusali’t tahanan
na para sa kanilang
sariling kapakanan

Sa dagat, ilog, talon
na biglang dinumihan
Plastic, tingga, basura’t
Kemikal ang nanahan
Dumumi mga sapa
Namatay mga isda
Kabuhayan nawala
sadyang kaawa-awa!
Ngayon ay magtataka
sa matinding pagbaha?

Init mula sa araw
Ngayo’y nakasisilaw
Pagtanglaw na kay hapdi,
Balat mo’y tinutunaw

Hangin na nilalanghap
Kay itim kung mahagap
Paghinga’y hinahatak
ng pulusyon sa ulap

Oh! Wag nawang isumpa
ang mabuhay sa lupa,
at damhin mo ang pusong
may habag sa nilikha

Scene 4: Diskusyon ng kumunidad
 Tsant/ (Habang sumasayaw ng pag-ani ang mga mamamayan 
ay biglang papasok ang tagapag-balita)

Tagapagbalita: Kalatas! May kalatas,
Makinig sa kalatas
Na sa nayon nagmula

Pagbukas ng minahan
Sa inang kabundukan
ay pinagpaplanuhan,
Balak nang pasimulan

Tao 1: Minahan?!

Tao 2: Samakat’wid ay yaman
bungkos ng kayamanan
tiklis ng ginto’t pera
‘sang balitang kay ganda!

Tao 3: Tama! Ang aming dasal
ay matutupad na nga
Hinging kaginhawahan
makakamtan nang kusa!

Tao 4: Kaginhawahan nga ba?!
Ang inang kabundukan
ay pagsasamantalahan,
Lihim na nanakawan
ang nakatagong yaman

Tao 5: Sumasang-ayon ako!
Maghunos dili tayo,
Sa minahan ng dayo
tayo ba’y sigurado?
Anong pagpapala ba
ang ating matatamo?
Mayroon nga ba? Ano?

Tao 1: Hanapbuhay! Hustong suweldo!!
at ang balita ko nga
Magbibigay sila ng
Pataba at Abono,
sa humihinang ani
nitong palay at trigo 

Tao 4:    Sa humihinang ani
Nating palay at trigo?
Tanto naman natin na
Di panahon ng ani
Kaya’t di masisisi
Bakit tayo aasa
Sa minahan ng iba?
Kung kaya naman natin
Na tumayo’t magkusa

Tao 5: S’yang tama!

Tao 2: Sa’ting panahon ngayon
Maiisip pa ba yan?
ilang buwan na nga rin
Ang pagbubungkal nati’y
Nauuwi sa wala,
Pinepeste ang lupa.
Kaya’t ang ani natin
ay sadya ngang mahina

Taumbayan: tama! Tama nga naman!
(bulungan)

Babaylan: at isang pagtatalo
Ang naganap sa tribo
Mula sa may minahang
Dayo ang magtatayo

Tagapagsalita: Paparating ang Datu!
Magbigay galang tayo.

Datu: Nais kong mamagitan
sa usapin na iyan
una ko nang natanto
ang nasabing minahan
Batid ko rin ang daing
Oh! aking mamamayan
Marapat at dapat na
nating masulusyunan

Tao 3: Oo, Mahal na Datu
Kaya’t pagsang-ayon n’yo
sa minaha’y kelangan,
Sulusyon ‘tong madali
sa ating kahirapan

Taumbayan: Oo, Tama nga naman!
(ingay ng pagsang-ayon)

Datu: Sandali! Mga mahal,
Ang kailangan nati’y
sulusyong magtatagal,
ang padalusdalus ay
gawain ng napapagal

Batid kong ang problema
sa tanima’y malala
Kailangang masagot
problema’y sa’n nagmula?

Sa minaha’y tanong din
pag-unlad ba’y darating
alok ba nila sati’y
sulusyong matuturing?
Tradisyong pamumuhay
dapat nga bang ibahin?

Oh! Wag kayong namamanglaw
Sa’ting tinatahak
Sulusyong kailangan
Planuhin nating dapat
Problema’y malulutas
Mabibigyan ng landas

Batid n’yong mahina na
ang katawan ko’t gana
Paglutas sa problema’y
baka di na magawa

Ngayon, aking mungkahi
Lalaking natatangi
Magsisilbing haligi
sa aki’y hahalili
Handang-handang mag-alay
Katalinuhang taglay,
Katapangan at buhay
Kahit siya’y mamatay…

( ang mga bulungan ng mga tao’y mahihinto nang kumulog bigla, 
bubuhos ang ulan…gayong mataas ang sikat ng araw. 
Hiyawan ang mga tao, magpupulasan mula sa kanilang pwesto. 
maiiwan ang isang binatang tila malalim ang iniisip)

Scene 5: sa gitna ng ulan/

“ulan sa siyudad”
Awit ni: Joey Ayala

(Sa gitna ng pag-ulan, doo’y may nakatayo
ang binatang si lakman, binatang matipuno)


Scene 6: Panaginip
Tsant / multimedia /
(binatang si Lakman ay mahimbing ang pagtulog)

Isang Tinig: Ikaw, tao, Oh! ikaw
Ikaw Oh! tanging ikaw…

Sa iyong henerasyon
Daigdig mo’y babangon
Mula sa pagkalugmok
Sayong kahapo’t ngayon

(INSERT: MULTIMEDIA VOICE OVER)

Ikaw, ikaw oh! Tao,
Pagmalasakitan mo
Kapaligirang ito
Nagsusumamo ako…
Kaming lahat, sa iyo…

(magigising si Lakman)

Scene 7: Ang pagpili
(bulung-bulungan)

Tagapagsalita: mataas na pagbati
Sa’ting mahal na Datu
(yuyukod ang mga tao)

Tao 1: Aming mahal na Datu
Sa inyo po’y tanong ko,
Napupusuan ninyo
Hangad naming matanto

Taumbayan: Opo! Gayon din kami?!
Sino pong natatangi
Ang inyo pong napili?!

Datu: pagpili ba’y dapat o
Buluntaryong pagtanggap
Lahat, karapat-dapat
Mangalaga sa pangkat

Tao 6: ngalan po ni ka Barok
Kilala sa’n mang pook
Talino’y di maarok

Kilala naming higit
Mapagkatiwalaan
Siya na lang po kaya
Ang inyo pong inirang

Taumbayan: Si ka barok?! Siya nga!!!
(bulungan)

Pinagpala: Sa mahal naming Datu
Mawalang galang na po!
May alam akong taong
Mas pupwedeng magpuno
Ng hinging kasagutan
Sa ‘ting pangangailangan

Taumbayan: Sino?! Sino kaya ‘yun?

Pinagpala: Ako! Si Pinagpala
Kilalang Mandirigma
Sa sarili’y tiwala
Matapang, may kusa
Buhay man itataya!

Taumbayan: si pinagpala??! Tama!!!
Dakilang mandirigma!!!

Lakman: Mawalang galang rin po!
Aming mahal na Datu,
Sa’king panaginip po’y
Mayroong natanto

Lahat po’y itinakda
Ng dakilang batahala
na tagapangalaga
ng sinilangang lupa
Magtatanggol sa nayon
na kanyang pinagpala!

Tao 3: parang ‘yong sinasabi
Na ikaw ang napili
Lalaking hahalili’y
Tagapag-alay lamang
Bulaklak at papuri
tanging alam at gawi

Datu: sige lamang binata
Ikaw ay magsalita


Lakman: salamat po pinuno
sa mabuting loob n’yo
nais ko pong ikwento
itong panaginip ko

Doon po’y nakita ko’y
Luntiang kapatagan
na ginawang bakuran,
nilagyan ng hanggana’t
hayop ang pinatir’han

nakita ko po doon
ang dagat, ilog, talon
na biglang dinumihan
plastic, tingga, basura’t
Kemikal ang nanahan

ako po’y may narinig
‘sang mahiwagang tinig
sa aking panaginip
sila po’y humihibik

panangis nila’y “huwag
minaha’y itiwalag
doon po’y nakita ko
Kabundukang pinatag
Kinalbong walang habag
matapos na pagkunan
ng bato, ginto’t hiyas

sa tinig nila nagmula
na lahat ay tinakda,
ng dakilang bathala,
na s’yang mangangalaga
ng sinilangang lupa…

Tao 1: kung lahat itinakda
Maging ikaw na bata
Maaring mag-aruga?
Anong pangangalaga
Ang iyong mabibigay
Pano ‘to magagawa?

Tao 2: pa’no patutunayan
tinig ni bathala
ano ang iyong patunay
na maipapakita

tao 5: Panaginip ay tanda
ng mensaheng nagmula
kay dakilang bathala

Datu: Dunong ta kaalaman
Karunungang kaylangan
sa ‘ting karatig bayan
ay ating makakamtan
ngayon ay maglalakbay
Kayong tatlo’y hinirang

Pinagpala: Salamat aming datu
Galing nami’y natanto
Pagsubok man ito
O sami’y isang hamon
Kami’y hindi uurong!

Barok: S-s-s’ya? nga! Ako’y tataya

Lakman: isang karangalan po

Datu: aking itatalaga
Paglalakbay sa nayon
Ay pasimulan n’yo na!

sa layuning pagkalap
karunungang hangad
para sa kasagutan
problemang nailahad
(ritwal ng pagbabasbas)

Tagapagsalita: Datu’y nagdesisyon na
Di pwedeng ikundina
Paglalakbay sa nayo’y
Ngayo’y magsisimula

Scene 8: Unang paglalakbay
Tsant /multimedia: kagubatan…

Babaylan: Gayun na lamang sila
na magpas’yang magsimula
sa hilaga doon nila
ginuhit ang tadhana

kagubatang masukal
ang kanilang tinahak
sa sala-salabat na
gubat ay naglagalag

nang miminsang sila ay
may narinig na tinig
ng mumunting paghibik,
nakita ng tatlo ang
batang nasa panganib

(batang pinapalibutan ng mga masasamang lalaki… 
darating ang tatlo upang iligtas ang isa. 
Subalit hindi sanay sa pakikipaglaban gamit ang lakas -ang si barok. 
Siya’y matatamaan ng sibat ng kalaban)
Maililigtas nila si tiwadi. 
Tsant/ transisyon ng tribo ni tawadi –anak ng isang Datu. 
Pagpapasalamat sa dalawa…

(SA TRIBO NI TAWADI):
(Isang salusalo ang inialay ng datu sa mga nagligtas sa kanyang anak – kakain sa hapag si Pinagpila habang mag-uusap sina Tawadi’t Lakman)

DATU: Lubos ang pasalamat
Sa inyo’y ginagawad
Sa pagkaligtas niyo
Saking mahal na anak

(palakpakan, isang piging, kasayahan)

Pinagpala: Datu walang anuman
Ano pa ang dahilan
Ng aming kakisigan
Kung di makakatulong
Sa nangangailangan

Lakman: Wala pong anuman

Datu: Kasiyaha’y simulan

(piging)
(nag-uusap si lakman at tawadi)

Tawadi: pasasalamat sa’yo
Hatid ng aming tribo

Lakman: Sami’y walang anuman
Ito nga’y karangalan
Makatulong sa isang
D’wata ng kagandahan

Tawadi: wala akong masabi
sa tapang at kisig nyo
ngunit merong natanto
kayo pala’y bolero
karangalan din naman
makatagpo ng isang…
manlalakbay na hirang?

Lakman: manlalakbay na hirang?
Oo, manlalakbay nga.
May layuning dalisay
May dakilang adhika

Tawadi: dalisay na layunin?
Katulad po ng ano?
Kung mararapatin nyo
Nais ko pong matanto

Lakman: layuni’y karunungan
Sa kung pa’no ba namin
Mabibigay kasagutan
Pagbukas ng minahan
Sa aming kabundukan
Dapat bang sang-ayunan?

Tawadi: suliraning kay bigat
Ang inyong nasiwalat
Paano na ang gubat?
Karikta’y mawawasak
Paano na ang ibon
Sa panahon ng tag-ulan
Punong inaasahan
Di na mapugaran
Lalambot itong lupa
Tagasipsip ay wala
Ang malinis na hangin
Baka di na malanghap
Paano na ang tubig
Sa talon, ilog, dagat?
Pag-agos ay banayad
Pa’no ang kalikasan
Masisira bang lahat?
(luluha)

Lakman: Tahan na… pangamba mo
Hangad ko ay mawala

Tawadi: Ang Inang kalikasan?

Lakman: Di ko yan hahayaan

(biglang bubuhos ang ulan 
(insert SUGATANG LANGIT… 
magtatampisaw sa ulan si Tawadi at Lakman)

Datu: At bilang pagkilala
Tanggapin nyo nawa
Kwintas ng pagkadakila
Ito ay simbolo rin
Pagkakaibigan natin

(pagsasabit ng kwintas kay lakman at Pinagpala)

Babaylan: sa unang paglalakbay
nagbuwis man ng buhay
sa pagkam’tay ni barok
‘sang ritwal ang inalay

At muli nilang tinahak
Ang panibaging landas…

Scene 9 : pangalawang paglalakbay
sa silangang bahagi ng Luzon/

babaylan: dalawa’y nagpatuloy
sa muling paglalakbay
lakas sa puso’y taglay
ng panahong pinanday

ngunit sa paglalakbay
doon sa kabunduka’y
kanilang natagpuan
tribong nasa digmaan
na ngayo’y nagtatalo
sa lupai’t teritoryo

(dalawang tribo, nag-aaway sa hangganan ng kanilang lupain, 
darating sa pagitan sila lakman at pinagpala… 
papanig si pinagpala sa kabila at si lakman sa iba)
Pinuno 1: kayo ay mapag-angkin
Lupang ito’y sa amin

Pinuno 2: amin itong lupain
Ang dapat magmay-ari
Sa lupang binungkal n’min

PInuno 1: Malaking kahangalan

Pinuno 2: Ay hangal ka rin naman!

Pinagpala: Saglit! Katahimikan!
Bangayan ng bangayan!

Pinuno 2: Sino kang tampalasang
Sami’y nangingialam?!

Lakman: kami’y manlalakbay lang
Mula sa kung saan
Kapayapaa’y hangad
Ninanais makamtam

Lalaki: Pinuno… ang kwintas n’ya
(ituro si lakman)

Pinuno 1: bakit suot-suot nyo
Kwintas ng pagdakila
Mula iyan sa tribo
Na nagbigay sa akin
Nitong matabang lupa

Pinuno 2: hindi sa’yo! sa akin!

Pinuno 1: isang hangal kang tunay!

Lakman: Kwintas na ‘to’y nagmula
Sa nasabi nyong tribo

Pinagpala: kaibigan ko ang datu
Kaibigan nami’y datu

Labanan sa lupain
Inyong matutuldukan
Magkaroon ng labanan
Sa inyong pagitan
Sino man ang magwagi
Siyang may karapatan

Lakman: Hindi laging solusyon
Ang pagtugon sa laban
Kayo’y iisang tribo
Bakit nag-aalitan?

Bakit hindi na lamang
Ninyo ‘tong pagtulungan
Magkaisa’t alagaan
‘tong lupang tinitirhan
Na wala ng buhay na
Maaring matuldukan

(at sa wakas matapos ang alitan ng dalawa. 
Ginantimpalaan ng dalawang datu si lakman/ tsant)

Scene 10: pangatlong paglalakbay

Babaylan: Sa daang pabalik na
Sa tribong sinisinta
Si lakma’y napadaan
Sa lungsod ay napunta

(Multi-media/ mga nagtatayugang gusali, 
mga Sali’t salit na sasakyan, tren, jeep, lrt, bus, 
at sa himpapawid, mga pabrika, mga bagay na di karaniwan sa kanya)

Pinagpala: kayganda naman dito
Sadyang makabago
Hindi nakapagtataka
Ba’t buhay dito’y iba

Mas iibigin ko pang
Tumira nalang dito.
Lakman: wag ka nawang malinlang
ilusyon nitong bayan

Pinagpala: Kay gandang kalunsuran…
(may mapupulot na pahayagan si lakman,
Wari’y isang mahalagang bagay ang kanyang natagpuan… itinago niya ito)

Babaylan: sa daan makikita
Babaeng mahiwagang
Maaakit sa kan’lang
Samyo ng paghalina
(ang mahiwagang babae ay aakitin si lakman at pinagpala. 
Sayaw ng pag-akit. Babagsak sa kandungan ng babae si pinagpala)

Mistika : Makisig na binata
Langhapin mo ang samyo
Amoy ng pagbabago
Ng kalunsurang ito

Hipuin mo ang talas
Ng pag-unlad ng mundo
Ipasok sa sintido
Ibaon sayong puso
Itong modernalismo
Mundong sibilisado
Malayung malayo ba
Sa tribong sinisinta
Halika’t hagkan mo na
Sipingan ang hiwaga

Dito na lamang tayo
Dito lamang mahal ko…

(mamamatay ang ilaw, maiiwang lango sa kalituhan si pinagpala. 
Makikita ni lakman na lango na si pinagpala sa kaalindugan ng dalawa. Iiwan ni lakman si pinagpala.)

Pinagpala: Aaaahh…!

(nang siya na lang ang mag-isang naglalakbay 
ay napunta siya sa gitnang Luzon. 
At doon ay nakita niya ang kaunlaran ng lunsod, ang sibilisasyon.
Ngunit hindi naging maganda ang impresyon nito sa kanya… 
ang nagtatayugang gusali na halos hindi na maliparan ng mga ibon… 
ni wala nang mga puno na nagbibigay ng sariwang hangin sa tao. 
Kaya marahil ang usok ay naging itim na at hindi na sariwa… 
nakalalason ang usok ng mga sasakyan, sa himpapawid man o sa lupa.
At ang mga pabrika’y gayun ding may binubugang usok, at umaagos naman sa estero ang mga kemikal nito, na nagpapatuloy sa mga ilog hanggang makarating sa dagat…
Gabi. May nakilala siyang babae sa daan… isang babaeng maganda ang hubog ng katawan. At inakit siya nito. Sinabi pang magsama na sila. At huwag na siyang umalis, magsama na lang sila… huwag na siyang bumalik sa kanyang tribo… natulog silang magkatabi! nalaglag sa bitag si pinagpala…)

Scene 11: ang mga dayo

Babaylan: Lakman nasaan ka na
Ikaw ba’y nasukol na?
Ng iyong panghihina.

Mr. Mc Chow: oh! Mga minamahal
Batid n’yong ang minaha’y
Hindi na magtatagal
At ang pagpapagal nyo’y
Masasagot ding agad

Babaylan: mapambulag na sal’ta
Damdamin ay nakuha
Bigay na pagpapala
Abono at pataba
Pagkain at salapi
Gamit na natatangi
Sa salita’y nahabi
Dayuhan ay nagwagi
Tribo ay nakapili
sa pagsang ayon nauwi

(sa tribo ni lakman:/ may pagpupulong na nagaganap.
Ang nagsasalita ay ang kapitalistang si Mr. Mc Chow, 
sa kanyang litanya ibibibida niya ang mga magagandang bagay
tungkol sa pagpapatayo ng minahan sa kanilang lugar, 
sa kanilang kabundukan… nandiyan ang trabahong maibibigay sa kanila, 
ang ibibigay nilang pataba at abono sa kanilang pananim,
ang pagkakaroon ng linya ng kuryente na daan sa pagiging sibilisado ng kanilang lugar… 
at ang ilan pang pang-uuto 
upang hindi na nila magawa pang tanggihan ang pagbubukas ng minahan!)
Scene 12: Ang pag-uwi ni lakman
(sa kalagitnaan ng pagpupulong 
at pagbibigay ng mga pataba at pagkain 
ay biglang dadating si lakman)
Babaylan: mga taong binulag
Nitong pagkagahaman
Biglang pinabayaan
Si inang kabundukan

Lakman: isa ‘yang kahangalan!!
Oh! Aking kababayan!!!

Taumbayan: Si lakman!! Nagbalik na
Nagbalik s’yang mag-isa

Lakman: Tama! Ako’y nagbalik
Upang inyong mabatid
Ang mga dayuhang iyan
Ay pawang mga ganid

Narinig ko kanina pa
Huwad nilang salita
Huwag kayong padadala
Sa kan’lang winiwika

Silang may kagagawan
ng mga pagkasira
ng ating kabundukan,
at iba pang kabundukan
ng ating inang bayan
ng sinilangang bayan,

taumbayan: ngunit mabait sila
heto nga’t kay rami n’yang
bigay na pagpapala

Scene 13: ang Diskusyon (tribo at dayo)
Mr. Mc Chow: isa ka ngang bulaan
Sinisira mo lamang
Ang kanilang isipan

Lakman: ikaw ang s’yang bulaan
Batid ko na ang lahat
Na panlilinlang lamang
Ang dulot ng minahan

(ipapakita ni lakman ang pahayagan 
kung saan nasa diyaryong iyon ang balitang pagpapatayo ni Mr. Mc Chow) 
Hindi ba’t ikaw ito
utak ng pagtatayo
nitong mga minahan
sa iba’t ibang dako
matapos na gumuho
ang minahang tinayo
iiwanan na lamang
ng sira’t gulong gulo

Kayo!!! Ang sumisira
Kay inang kalikasan…

Mr. Mc Chow: malaki gastus namin
sa itatayong mining
huwag na wag gagawin

iyong pagpaumanhin
Kapangyarihan namin
Di mo kayang salingin

binatang ‘yan ay dakpin!

Scene 14: labanan
Babaylan: Nangagsindi ang mitsa
Bawat isa’y nagbanta
Kung may tututol kusa
Gulo’y magsisimula
Wala na ngang nagawa

Bawat isa’y nanubok
Dayuhan ay nag-amok
Pumitik ng ‘sang putok
Tribu’y tangan ay gulok

(movement/ tsant/ ingay
Sounds lighting/
Sa pagitan ng baril at itak)
( dadakpin nila si lakman… papalag ito. Manlalaban. mababaril sa braso ang si lakman, magkakagulo ang mga tao… ang mga matatanda ng tribo ay hindi makatitiis at lalaban sila sa nang-api sa kanilang mamamayan… ngunit baril ang hawak ng mga dayo at ang sa kanila ay gulok. Mapapalibutan sila ng mga dayo! Mayamaya pa, may darating na mga mandirigma mula sa tribo ng datung taga hilaga, ang tribo ni tawadi. Na iniligtas nila lakman sa panganib… mapapalibutan ng dalawang tribo ang mga dayo… makakatakas si Mr. Mc Chow)



Scene 15: Ang kasalan
(tsant/ mula umpisa hanggang wakas ng palabas)

Taumbayan: mabuhay!!!

Babaylan: salamat oh! bathala
Sa iyong mga gawa
Hindi mo hinayaang
Kalikasa’y masira
Salamat sa mga
Taong may Adhika
Salamat at ako ay
Iyong inaaruga



Mr. Mc Chow: lagi kami narito
At papasukin namin
Ganid niyong mga puso
Hahaha…. Hah! Ha!ha!ha!


*wakas*

AKLATAN

AKLATAN
(inalay kay LEOVIHILDA B. MARTIN-
librarian and adviser of IV-A batch 2008)

Silence means "YES"
kaya lahat kami may makapal na face
it means "NO" to keeping quiet
sa tambayan ng makukulit

In footrug quest no more amaze
bakit magsasapin e, kami ang taga linis
but not for all, law is a law
kaya lang samin walang kaso

No other place like library
na may seksing ngala'y "Mam.LEOVI"
in four corners witness to be
sa bawat tuwa maging pighati

Kabalikat lahat
in hue and cry or cheerful smile
subalit, but...ganun pa man
it will turn soundless if you are blind
-031508


PS; nanDun parin ba
Sya? o nagpakasal na sa iba?
pasok ka parin ha!, kahit walang dewey decimal
method sa bulsa...
basta't may footrug o kaya ay mag Paa!

Paghihinuha sa Ilang Mga Tula

paghihinuha sa ilang mga tula

“Sa Dagat Ng Apoy Ng Mga Bendita”
Ni Prof. Rogelio Ordoñez

Muling bumalot ang kahindik-hindik na pagmamani-obra ng mga bendisyon ng mga Kato(k)lisismo, mula sa planadong Messia hanggang sa alagad niyang nagpapakalat ng Pinabuting balita. Ilang dekada nang tumanggap ng benipisyo ang mga kaparian; ilang dekada nang umuulit ang siklo ng pagpapalaganap at pambubulag; ilang dekada nang umiinit sa kamay ng simbahan ang tinangang paniniwala sa mga Santo’t espirito na patuloy na nagmumulto sa isipan ng mga tao, ang pinabanal na larawan, pinabangong pangalan,at dinakilang kapanyakan ng kanilang hinirang…
Sa “Sa Dagat na Apoy ng mga Bendita” inilabas ng may akda ang sigaw ng rebolusyon. Sinangkutsa ang mga pinabanal na katawagang pansimbahan at hinalo sa maanghang na pag-aalsa. Dito’y nanaig ang simbolismo’t rasyunal na pagtingin, gaya ng ilan:  Ang pagluluwa sa may lasong ostiya na simbulo ng pagtanggi at pag-papalagay sa masamang dulot ng pagkain ng ganitong paniniwala; Ang pagtaas ng kalis na bungo at pagbuhos ng dugo sa santong rebulto at mukha ni kristo na maaaring pagpapakita sa  mukha ng katotohanan ukol sa pagpaplano ng mirakulo ng pagpapanggap; Pulpito ang puso ng masa gayong lubos ang panggagamit ng simbahan sa lipunan ay ba’t di naman papaghariin ang damdamin ng masang lumalaban; papagkumpisalin at paluhurin mga pari at mongha palabasin sa panty ng panginoon ang nagkukubling mga alagad ng pinabuting balita, sa gayon mabigyan man lamang ng hustisya ang hindi mabilang na pagkakasala ng mga ito sa bayan/ sa lipunan- ilang nobela kaya ang mabubuo sa buhay ng bawat isang kaparian; Estampita’t mga kandelabra sa altar ng dusa,butil ng rosaryo, malibag na kalmen at bibliya ng pera ang ipambabala sa nilikhang kanyon ng pakikibaka, itaboy pabalik sa kanilang mukha ang instrumentong kanilang pananggalang, na patuloy ibinambubulag sa lipunan; krus ng ubaning santo ilang libong taon ng naghihintay ang pinaasang kaluluwa, sa langit hindi malamang makita si pedrong may tangan ng susi sa pangakong mansyon sa kalangitan, pagkat naririto pa siya sa lupa, nagsasabong; ang layang kinulong ng puting demonyo  bantad ang pagbabawal ng simbahan sa simpleng kalayaang nagpapakita raw ng kaimoralan, simbahang hindi nagbabayad ng buwis, simbahang may sungay na sa politikang usapin, ang pagbabalatkayo ng mga may akda ng kaputian ay nawa’y matanggalan ng maskara nang malantad sa masa ang likas nilang bunto’t at sungay; at ang ilan pang halimbawa ng mga ginamit na simbolo sa tulang ito’y nagpapakita ng paglaban sa mahiwagang bendisyon ng pananampalataya.
Bakit hindi ang pag-aalsa? Gayong ilang libong taon na tayong minumulto ng mga anito; ng mga santo, ng mga papa’t pari sa mga kapilya’t kumbento; at matatakot nga tayo sa kaparusahan ng hindi pagsunod sa mga ito. Matatakot muli sa multong gawa-gawa rin lang ng malikhain, mapanlinlang na kaisipan… ngunit hindi mananatiling bulag ang mga tao, sasaan pa’t makikita rin ang pagbabalat kayo ng mga benduho, ng mga banal, ng mga kapariang negosyante at kriminal.
Nalunod na tayo sa kanilang taktika, at mula pagkasilang itinuturok na satin ang bakuna ng Pinabuting balita, pagbabayad natin ng utang na loob sa pagpapakilala nila sa atin ng nag-iisang Messia ay pag-iimpok naman nila ng masaganang benipisyo’t salapi sa kaban ng kanilang bilbil at bulsa. Hindi nakapagtatakang kung sa pagtatantya ay umabot ang pera ng simbahan noon sa $8,000 million, at sa kasalukuyan ay $35 billion na. napakalaking halaga para sa bansang Pilipinas na patuloy sa paghihikahos. Subalit anong gagawin ng simbahan sa salaping ito. Baka iyan na mismo ang ipambili nila ng mansyon sa langit upang ang mga kaluluwang ilang dekada ng naghihintay kay san pedrong may tangan ng manok at susi ay hindi na magdarasal ng mararahas na nota ng pakikibaka…

 Kung ang tula ay isa lamang”
Ni Jesus Manuel Santiago

Ang tula ay damdaming nakapaloob sa mga piling salita.      Sinasabing ang tula ay maaring masulat na ‘sang upuan lamang, sa madaling salita’y  madaling gawin. Ayon nga kay Alexander Sinitsit kapag nakasulat ka ng tula ay para ka lang isang batang nang-aagaw ng laruan sa kapwa mo bata, kapag nakasulat ka naman ng isang kuwento ay para kang mandurukot o snatcher, pero kapag nakasulat ka ng isang nobela para ka ng Bank rubberier.  Pero hindi lahat ay ganito ang pagtingin sa tula. Ang tula ay isang uri ng ating mayamang panitikan, masarap man o manibalang ang lasa ay isa paring obra.
Ngunit paano nga kung ang tula ay isa lamang pumpon lamang ng mga salita? Gaya ng paksain sa tulang ito, “ kung ang tula ay isa lamang”   sa unang linya palang sinabi na kung ang tula ay pumpon lamang ng mga salita ay mabuti pang bigyan na lang siya ng isang taling kangkong o bungkos ng mga talbos ng kamote na sa kung saan lang tumutubo ngunit mas makabubusog sa kanyang tiyan.
          Ang ganitong mambabasa ng tula ay uhaw sa karunungan at gutom sa kaalaman. Gayon nga’y ang sikmurang gutom ay walang ilong at mata. Kaya’t hindi mapanglililo ng mga mababangong salita, magagarbong taludtud at mahuhusay na paghahabi ng wika. Masarap ngunit hindi nabubusog.
Anong damdamin nga ba ang makapupukaw sa bayan?        Binubulag ng sistema ang mga tao, kaya’t  kay husay at mangyaring mabuhay ang mga tulang naglalantad ng katotohanan, lumalaban sa inhustisya at nagmumulat sa piniringang mata ng masa. Sa tulang, “ Sa Napakaingat na makata” ni Prof Rogelio Ordones ay may puntong: ang makatang nagtatago ng katotohanan at takot na magpalaganap nito’y walang kahihinatnang manunulat, walang lugar ang karuwagan sa isang mahusay na manunulat. Maraming sakit ang lipunan, maraming suliranin ang lipunan, maraming dapat na ihayag, patotohanan, at iulat sa bayan.
Kaalinsabay ang sustansyang hinahanap sa isang magaling na tula. Mensahe ang pinahahalagahan ng isang manunulat, bagamat nakatutulong rin ang porma sa kasiningan ay hindi ito ang dapat mamayani. Yung mensahing mananatili o uukilkil sa kaisipan ng mga babasa. Yung mensahing may sustansyang hindi basta basta lang mawawala sa gunita. Yung mga tula sa pag-ibig o romansa, tumatagal ba sa panahon? Hindi. Parang making love rin, saglit lang. subalit ang mensahing maglulunsad ng pagbabago, ng pagkamulat, ay mananatili hanggat ang lipunan ay may sintomas ng ganitong sakit.
 Lunsuran ng masustansyang tula ay ang mayamang minahan ng brilyante ng karunungan -ang masa. Para sa mambabasa kung bakit tayo sumusulat, at ang kalakhang mambabasa ay ang karaniwang masa.       Sa gayon ang bawat tula ay hindi na isa lamang pumpon ng mga salita. Mas malinamnam pa sa anuman, makakain, malulusaw sa tiyan, ngunit hindi ilalabas ng butas sa puwetan.






“MAGIC”
Ni Prof. Arlan Camba

Mahika ng pagkawala. At sa pagkakataon na ito hindi kulay ng matatamis na ngiti ang kinukunla ng bawat salita, hindi muna ang pagkamangha. Kundi ang limos na awa. Muling umukit sa aking balintataw ang pagkawala ng isang kilalang babae – si Ruby Rose Barameda, matapos ang dalawang taong  paghahanap ay natagpuan sa loob ng dram, nakasimento. Isang karumal dumal na pagpatay, isang krimeng patuloy na nagaganap sa lipunan. Sa mga inusenteng buhay na tinutultukan ng mga maiitim ang budhi, ng mga walang sinasanto, ng mga demonyo ang pagkatao.
Sa mga pagkakataong naaalala ko ang pagkawala ng ilang mga kababayan, sa panahon pa ng rehimeng Marcos sa panahon ng batas Militar. Ang mga hanggang ngayong hindi pa nahahanap na mga Desaparacidos, na parang mahika rin, nawala, walang bakas, walang ibang alingasngas na narinig na tila may kung anong hokus-pokus ang gamit ng mga mahikero upang maglaho na lang na parang bula ang mga buhay.
Ang tulang itong nagpapaalala sa kung paano nagiging mapait ang mga pangungulila. Matapat sa kaisipan. Payak at madaling maunawaan ang damdaming nakapaloob.  Sumasaglit sa isip ko ang tulang “Sa Bayan ni Juan” ni Prop. Ordones tungkol ito sa mga nangyayari sa mga taong makabayan na lumalaban para sa bayan na isalampak-bugbugin, pahirapan, kaladkarin, pahirapan, at pagsamantalahan sa bayan ni juan ay hindi parin nawawala sa lipunan, pauli’t ulit. Iba’t iba lang ang dahilan, iba’t ibang pagkakataon.


 “SONA Noon at ngayon sa Republikang mamon”
Ni Prof. Rogelio Ordoñez

          Bagong kasaysayan ang gumuguhit sa bansa sa pagbabago ng administrasyon. 
Isang salitang “SANA” ang nilalaman ng tula. Matipid ngunit nandoon  ang damdamin ng paghahangad sa tunay ngang pagbabago, ng tunay na daang hindi baliko, ng hindi pagdaan sa dating daang binago lang ang katawagan at ginawang ‘Tuwid na daan’. SONA ngayon? Naganap ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong  Benigno Aquino III noong ika-26 ng Hulyo, 2010 sa Sandigan Bayan. Naging maditalye ang paghahain  ng pangulo sa  imbentaryo para sa kasalukuyang kahaharapin; ang naipamanang problema at ang mga tagong iregularidad ng nagdaang administrasyon.
Saan na nga ba tayo? noong nakaraang administrasyon ay kumakalat ang mga linyang, “Ramdam na ang Kaunlaran”. Bagay na hindi masakyan ng masa, sapagkat hindi naman pag-unlad ang naranasan ng mas maraming pilipino kundi ang lalong paglala ng kanilang sitwasyon, ang pagkakalugmok sa kahirapan.  
   Nagkaroon nga ba ng pag-unlad? Marahil hindi nga isang panlilinlang ang patalastas sa telebisyon na umangat ang GNP. Kaya nga marahil nagngangalit ang kuponan ni dating pangulong Arroyo Sa mga nasabing katiwaliang naganap sa kanyang pamumuno; wala raw sapat na batayan ang mga akusa ng pangulo, isa raw na gimik ang litanyang nabanggit at  walang katotohanan ang mga naglahong pananalapi ng bayan, ang mas lumaking 196.7 billion na utang, ang  hindi naabot na kuleksyong tinatayang 23.8 billion pesos, at ang nagastos naman na lumampas na sa kaukulang budget para sa taong 2010. Magkano na lang ang pundo ng pilipinas?  Hay,  kung tatanungin kaya natin ang pangulo na may lie ditector na nakakabit sa kanyang bunbunan ay sasagutin niya kaya ang tanong kung saan napunta ang pera?  (kung tulad ng karaniwan ay hindi siya magsabi ng katotohanan, lagyan natin ng kuryente yung kable ng lie ditector!) kung nakatira kaya kami sa distrito ng Pampangga masasagot ko kaya ang aking katanungan? Naglagak daw kasi  doon ng malaking pundo ang dating pangulo. Kung doon nga ako nakatira sakaling bumagyo nga bigla ay hindi kami masyadong maaapektuhan di tulad noong panahon ni pepeng  at ondoy na nariyang nalubog ang lahat ng damit namin, nawalan ng makain, at natulog ng basa!  At nakainom ng malaputik na tubig ng NAWASA? Ayos na nga yung maputik na tubig kaysa sa wala talaga sa kabuuan na mainom na tubig galing sa NAWASA?  At ang ilan pang nakaririnding balita ng mga hindi marapat, at makatwirang  proyekto ng dating rehimen, ang priority safety project; ang mga piling piling nakakuha ng benipesiyo na hindi yata kabilang sa mga midnight appointies; ang katiwalian sa masunuring NAPOCOR; ang pagbili sa naluluging operasiyon ng MRT, ang pundo ng NFA at ang ilan pang pahimakas ng maling kalakaran…
Ang mahalaga daw ngayon ay kung saan tayo dadalhin ng bagong rehimen, ano-ano pa ang mga inaasahang tugon sa lumalalang krisis ng ating lipunan?  Marahil kung maihayag nga ng may pagmamahal sa bayan ng bagong Truth Commision sa pangunguna ni Chief Justice Hilario Davide, ang  mga katiwaliang ito, baka sakaling maging mas maayos ang bayan kahit papaano… magkaroon ng pagbabago, na  kukonti na kahit papano ang mga tiwali!  Nasa mahusay na layunin naman si P-noy , na pabor sa karamihan, na pabor sa interes ng mga mamamayan… sa gayon walang dahilan para hindi tayo umangat. Kung magtutulungan talaga, una sa pagiging tapat ng namumuno at sunod-sunod na ‘yan.
Ang mahalaga ngayo’y kung paano bibigyan ng sulosyon ng pangulo at ng kanyang rehimen,  ang mga nasabi/nabanggit na suliraning kinakaharap natin.  Parang nanuod tayo ng teleserye na pang primetime sa SONAng naganap,  yung tipong aabangan natin ang susunod na eksena? Ano kaya ang mangyayari sa bayan? Sa pilipinas? Hindi kaya magbago ang pangunahing tauhan, sana hindi nakabase sa kung anong iscript lang ng mga writers at director ang masunod, ang maging batayan ng kanyang pamamalakad.
Sana’y magkaroon nga ng tuwid na daan sa bagong administrasyon, sa gayon ay maiahon naman ang lumpong pagkatao ng mga pilipino. At masabi natin ng taas noo sa mundo na ako. Ako ay ang umuunlad na Pilipino. Sana.
          Sa unang SONA ni P-noy may pagkakaiba ba sa ilang SONAng narinig na natin sa mga nagdaang pang(g)ulo ng pilipinas na naghain ng kanilang  mga pangarap, plano, at paraan kung paano uunlad sa kasadlakang kinakaharap ang pilipinas.  Sana hindi lamang pagbabalat kayo ang mga pahayag, magaling sa pagkuha ng damdamin ang bagong pangulo. Sana naman matupad ang mga pagbabagong nabanggit sa kanyang Sona. SANA. Sana nga’y hindi natin malaman na ang pang-uuto na ito sa atin ng administrasyon ay  hindi isang taktikam ng muling pambibilog lang sa mukha ng Republikang mamon.

O, Inang Kalikasan
Ni Anthony Barnedo
Af4r45t5yIsang Tula para sa kalikasan. Pag-aalay at pagninilaynilay sa kapaligiran, napapansin kaya natin ang pagbabago nito. Ang wagas na pagmamahal ng isang manunulat sa kanyang kalikasan ay nakagagalak na pakinggan, kahit papano’y ang batid niyang may malaking gampanin ang tao sa kanyang tinitirahan. Kung ilalarawan natin sa isipan  natin at sa dadamahin ng ating puso ang paghihirap ni inang kalikasan ay maririnig natin ang kanyang daing. Ang pagsasamantala ng mga tao, lalo na ang mga ganid na kapitalistang ginawang pagkakapirahan ang likas nating yaman, higit ang pabubukas ng mga namumuno sa lipunan ng 100% pag-aari ng mga dayuhan. Ang pilipinas ay nagiging  bakasyunan na lang ng mga dayuhang may pag-aari dito. Ngunit ang karamihang Pilipino ay wala man lang sariling lupa sa pilipinas. Sino ba ang dayuhan, tayo ba o sila? Mas malawak kasi ang magmamay –ari nila sa lupain ng mga Pilipino.  Na nagiging daan naman ng malawakang pagkaubos, at pagkasira ng ating likas na yaman, n gating kapaligiran.
            Ang pagwawaldas at pagkamkam sa mahahalagang yaman nito at pagyurak sa natural na kagandahan ni Inang Kalikasan. Ang patuloy na illegal at legal na pagpuputol ng mga puno. Hindi man uso ang kalbo sa ating henerasyon ay walang magawa ang kabundukan. Patuloy at patuloy ang pagkalbo sa mga ito. Gayun din ang pagsusunog ng  daing luntiang kaparangan,  gayun parin upang gawing hasyenda ng mga ganid sa salapi, at upang patirhan lang ng kanilang mga alagang mga hayop (livestock) , kung alam lang nila na ang livestock na ito ang pangunahing  dahilan ng global warming o 70%  sa kabuuang maliban sa mga pulusyon, usok at paggamit ng mga may CFC gas na nakabubutas n gating ozone. Ang pagtatapon ng basura ng mga responsableng Pilipino sa mga ilog at karagatan ay siyang tagapagsira ng ating yamang tubig, higit lalo na kapag may Oil spill sa karagatan, patay lahat ng mga hayop. Kung ikokonekta lang natin lahat ng mga pangyayaring o ang mga suliraning kinakaharap natin ay makikita natin na ang tanging may dahilan nito ay ang mga Kapitalista, ang mga Negosyanteng salapi lamang ang  mahalaga sa kanila.
            Ang pagmamalasakit sa kapaligiran ay magandang bagay. Gaya ng tulang ito, na siyang pagmamalasakit sa Inang kalikasan.


O, Inang Kalikasan
-Anthony Barnedo
Jan. 6, 2008


Ninais kong umakyat ng isang mataas na bundok
Umiiwas sa nakakaasiwang maitim na usok
Manatili sa paraiso't punan ang pagkasabik
Sa Inang Kalikasan na maaaring makahalik.

Ako'y tutungo sa isang napakadilim na daan
Lilisanin ang naghihikahos at mahal kong bayan
Maglalakbay para sa hinahangad kong katuparan
Marating ang magandang pisngi ni Inang Kalikasan.

At nakita ko ang liwanag sa isang hatinggabi
Tila alitaptap sa kabundukan ay humahabi
kamangha-mangha pagsalubong, ito'y di ko mawari
O, Inang Kalikasan, Paano nga ba ito nangyari?

Ako ay di mapangiti sa pagsapit ng liwanag
Itong aking natatanaw ay sadyang kahabag-habag
At sa gitna ng kabundukan, 'tong puso'y nabagabag
O, Inang Kalikasan, Ito ba ang iyong tugatog?

Kasuklam suklam na larawan itong pinagmamasdan
Ganito na ba ang tao sa kanyang sarili bayan
Naglalakihang istraktura't sangkaterbang tahanan
Nasaan na ang kagubatan, O, Inang Kalikasan. 

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...