The way back Home…
ika-anim na kapitolo (Excerpt from
Daigdig ng Tag-init ni Reymond Salvador C.)
Dumadalas na ang pag-uwi ko nang nag-iisa. Kapag mag-isa ko lagi kong naiisip
na mas Masaya pala ang may kasama…
Tahimik kong binabagtas ang daan ng Aurora Cubao patungong sakayan ng Bus.
Mag-isang naglalakad madalas. Hindi ko na pinapansin ang mga nagtitinda ng mga
gulay, candy, sigarilyo, dyaryo, DVDs, kakanin, at prutas sa may bangketa.
Tulad ng isang aleng kasama ang kanyang tatlong chikiting na puros busog yata
dahil sa mga bundat na tiyan. (o sadyang pinaglihi lang sila sa Butete… silang
tatlo) nakaupo sila sa may simentong nilatagan lang ng karton ng noodles
enriched Sodium Glutamate. Nandoon silang matamang naghahantay sa kung sinong
magtatanong kung magkano ang tumpok ng tinda nilang santol. (ganun yata) o
mukhang mula pa kahapon ay naghahantay na sila sa sinumang lalapit at
magtatanong kung magkano ang tumpok ng tinda nilang santol. Ganun nga yata.
Ilang beses ko na ring pinipilit alamin ang pakiramdam ng maghapong nagbanat ng
buto pero walang kinita ni singko o tinderang walang nabenta sa buong maghapong
pagtitinda. Kasi ako , kahit na naranasan ko na ang magtinda e, nakakaabenta
naman ako. Minsan nga ay Sold-out pa! (patunay ‘yan na malakas talaga ang
appeal ko)
Naaalala ko pa, nung summer, karamihan ng tao ay naghahanap ng mapaglilibangan.
Puno ng tao ang beach, lansangan, ang daan, maraming nagbabakasyon sa
probinsya, at maraming nagpapakaabala sa pagtitinda...
Tulad ng pamilya ko: kikiam, turon, halo-halo, kwek-kwek, ang nilaman sa mini
tinda-tindahan namin na nakalagay lang sa isang matibay na lamesa. Ang tema: si
ate ang sales lady sa Mini tinda-tindahan at ako ang taga-Lako ng maasukal na
turon (magFi-first year lang ‘ata ko nun) Grabe. Ang saya ko nga nun, iniiisip
ko pa lang kung sakali kayang Makita ako ng Crush ko dala ang paninda, ano kaya
ang reaaksyon niya sa reaksyon kong pagpupunas ng luha, pati uhog, pati laway,
bago sapilitang sinuong ang nakatakda.
Ganun pa man, sa mga pagkakataong hawak ko na ang tray na puno ng maasukal na
Turon, binalak kong:
-Tumikhim ng ilang piraso sa tinda ko, mga 10.
-Palitan ang presyo na P 2.50 ang isa, para maging P 5.00 ang tatlo. Para mas
abot kaya ng masa (at para makauwi ako agad)
-Sabihing wala akong nabenta ni isa sa layo ng napuntahan kong lugar (pero
hindi ko sasabihing hindi ako umalis)
Sa mga ganung pagkakataon, naaalala ko yung mga matatamis na salita sakin ng
inang, yung “Walang Hiya kang Bata ka!!!” (sabay palo sa p’wet kong hindi niya
alam na may kartong nakasukbit) ayon, epektib. Tumitibay ang loob ko kahit
papano. Maedyo nawawala ang hiya ko, medyo nagiging walang hiya ako. Ang labas?
Negosyante.
Sa lahat ng iyon , matapos ang halos dalawang buwang paglalako, akalain mong
nasiyahan din pala ‘ko. (kahit papano!) lalo na tuwing umuuwi akong walang
laman ang bitbit kong tray, tuwing nakakaubos. May premyo kasi akong malamig na
Halo-halo sa malaking lalagyan, tapos bibigyan pa ako ng bente (P 20) ni ate.
Panalo!!! Dagdag pa yung kinupit kong P 30. Grabe ang hirap at saya. Kay sayang
libangan, pero ang hirap paglibangan. Buti na lang at mabilis lumipas ang oras.
Parang Fast-Break sa pagsalo ng isipan tuwing binabalik-balikan…
Hindi ko na detalyadong ikukwento kung paano sa isang iglap tila dinaanan ng
whirlwind ni Tazmanian yung matibay na lamesang pinagpapatungan ng aming
Halo-Halo, kikiam at kwek-kwek na may sawsawang suka, at iba pang tinda…
Salamat sa pagsasabong ng dalawang nagngangalit na magkaribal na aso. Nasanggi
ang pundasyon, nabali ang isang paa ng matibay na lamesa, at iyon! Goodbye na
Tray, Goodbye turon, at Goodbye kahihiyan.
Unang buwan ng pasukan; 2nd year na noon si ate. Comsci yung kinukuha
(vocational lang); yung isa ko pang ate kumukuha ng passport Visa sa Japan
(pangarap din yatang maging Geisha) pero hindi makaaalis kahit na nakapag Down
na siya ng P 15,000 sa mabait na illegal Recruiter; Tapos si kuya, nasa 4th
year na. Graduating (kukuha ng special Project after ilang buwan, para
makapasa); yung isa ko pang kuya nag-aalaga ng pananim sa Bicol (kinuha ng
Auntie ko noong bata pa siya); tapos ako, 1st year na nun. Kay tatang din
kumukuha ng pamasahe’t pambaon. Yung nakababata kong kapatid na babae, Grade 4.
Madalas makakuha ng medal at Ribbon; yung isa ko pang nakababatang kapatid
Grade 1, madalas mangupit (mas madalas kaysa sakin); yung bunso, sa suso ng
botelya kumukuha ng kailangang Nutrients ng katawan. Parang collector’s item
yung gatas niya, mula Bona 1,2,3,… hanggang Bonamil at Bonakid
Naalala ko yung panahong sinukat-sukat ko ang lawak ng aming bahay. At tiyak
ngang nagkaroon ng kaluwangan. Mga ilang pulgada siguro. Ito yung mga araw na
hindi na umuuwi si ateng panganay… sabi nila nagtanan? May nakapagsabing nakita
raw sa Pangasinan. Kaya sinundan, pauuwiin, susunduin. Parang the parable of Prodical
Son nga raw nung nagkita sila ni tatang at nanay. Mahigpit na niyakap pa adaw
ni nanay si ate. Mahigpit na mahigpit. Halos hindi na makahinga sa higpit
(hanggang magkalas kalas yung mga buto) pilit ipinaluluwa yung dinadalang
maliit na tao sa sinapupunan… (ganun yata kapag nagtanan, matapos malunok yung
ulo, magiging tao yung ‘yon…)
Sa awa ng Diyos, nakatungtong ng entablado si Ate nang malaki na ang tiyan.
Hindi lang halatang buntis dahil kulay itim yung Toga niya. Mga ilang buwan ang
lilipas, may mamamanhikan para sa isang kasalan. Tapos ganap na niyang
lilisaanin ang aming tirahan. Magkakanya na raw. Tantananantantan! ‘Dagdag na
Espasyo na naman sa aming masikip na Barong-barong’ .
Nakasakay na ‘ko ng Bus. Bandang likuran ako pumuwesto, malapit sa bintana.
Sakaling tayuan na e, hindi obligadong tumayo para mag-alay ng upuan sa mga
aleng nagpaparamdam sa mga tulad naming Gentleman. Lumapit na yung Konduktor.
Naisip ko lang bakit kaya konduktor ang tawag sa mga Konduktor? May kinalaman
kaya ang mga Duktor sa trabaho ng mga Konduktor? Anong pagkakapareho ng dalawa?
Siguro kasi Parehas lang silang nakabase sa OPERA?
Isang halimbawa ng paghahambing:
Doktor
-kumukonsulta sa Doktor Yung pasyente.
-Tatanungin ng Doktor kung Ano o saan ang masakit…
-Magbibigay ng reseta sa pasyente
-(kung mayaman, kahit ‘di Malala yung sakit) tiyak OPERA ang suggest ng Doktor
konduktor
–yung pasahero sa Konduktor Kukunsulta
-Tatanungin ang Pasahero kung saan bababa o ano ang bababaan…
-Magbibigay ng Tiket sa pasahero
-(Mayaman ka man o mahirap, basta ‘di ka kilala ng Konduktor o Driver) ay
kailangan
mo maglabas ng “o, PERA?!”
Tulad ni kristo Hesus na may labindalawang alagad o sa pinagandang Tawag ay mga
apostoles, si Lucifer sa kanyang mga Demonyeto’t Demonyetang alagad at si Santa
Cluse na may mga Elves, ang mga Doktor ay may mga Nurse…
Gusto kong maging Nurse noong 1st year highschool ako, iyon yung sinagot ko sa
tanong ng Substitute teacher namin sa science –sa kung anong gusto naming
maging paglaki. Ewan ko kung bakit tumawa yung katabi ko sa sagot ko… Inisnaban
ko nga!!! Tapos inabangan ko yung isasagot niya, para ako yung unang tatawa sa
kanya… ang sabi niya, gusto niyang maging Doktor. Tinawanan ko sarili ko.
Siguro, kaya naging Demonyo si Lucifer (Dating Anghel) ay dahil sa ayaw niyang
magpasakop kay Hesus. Yung para bang nakaramdam ng inggit. Na si Hesus ang
tangi niyang niyuyukuran, sinasamba, sinusunod; na may Boss siyang kailangang
sambahin, na siya ay isang tagasunod, tagapagsilbi. Kaya naghangad na matulad
kay Hesus, na may tagasunod/tagayukod; siguro ganun. O siguro masama nga yung
kaisipan niyang ayaw magpalamang sa iba, pero masama rin kaya ang naisin mo
kahit man lang ang ating pagkapantay-pantay. Yung walang Diyos, walang alipin;
walang panginoon. Wala si GMA, walang mahihirap na lalong naghihirap… lahat ay
pantay-pantay base sa lebel ng lipunan, ng karapatan, ng pag-aari, ng
kaangkinan?, yung ganun, mas OK kaya? Pero pano na ang kagandahan ng pagkakaiba-iba?
Ang kaibahan ng iba’t ibang nilalang. kung ano ang pinagkaiba natin sa iba o ng
iba sa atin. Bilang natatangi. Bilang buhay na patunay ng kagandahan ng daigdig
o bilang daigdig ng mga buhay.
Bakit ba tayo magkakaiba-iba? Dahil hindi tayo nakatira sa iisang lugar. Hindi
makapagtatanim ng palay yung mga iskemo tulad ng mga magsasakang hindi
makakapangisda sa bukid nang nakaSweater Jacket –dahil magkaiba ang Geological
Location nila; Hindi sasamba’t yuyukod sina Scooby at pulgoso kay Garfield na
Diyos ng mga pusa, o yuyukod at sasambahin nila Felix at Tom(sa tom and jerry)
si Snoopy na diyos ng mga aso –kasi magkaiba ang kanilang Relihiyon; magkakaiba
ang pananaw ng isa’t isa kasi may magkakaibang ideolohiya; hindi magsasalita ng
Bisaya yung mga Amerikan Citizen (makaintindi man sila ng Gay lingo o G-words
ng mga pinoy), tulad ng mga pilipino sa latin (bagamat wika na natin ang
Ingles) –kasi nga magkaiba ang lenggwahe nila, natin sa kanila; Ano pa ang ita
kung tulad din sila ng mga puti (mahahaba tit*); hindi naman nagsusuot ng Bahag
o Barong-Tagalog ang Ibanag –at sasayaw ng Tinikling… -dahil iba ang kanilang
Etnicity at Kultura; Kaya dumadami ang tao, kasi iba ang Gender ng babae sa
lalaki. (iba rin ba yung sa bakla at lesbian? E, parehas lang naman sila ng
Pag-aari. At bakit kaya patuloy ang pagdami ng mga bakla? Hindi naman sila
nabubuntis?); Kaya nga nananatili ang Pilipinas bilang 3rd World Country kasi
may 1st World Country na tagapagpalubog sa mga 3rd world Country na daan upang
manatili sila bilang 1st –na maayos ang Economic Condition like European at
Amerikan Country… Kaya asahan na nating mas maganda ang trabahong nilalaan ng
Gobyerno ng 1st world sa kanyang mamamayan, kasi kaya nilang magpasweldo ng
ilang daang presidente, ilan libong Government officials, ilan daang libong
General… Pero yung Trabahong nakalaan sa mga mamamayan ng bansang nasa 3rd
World ay hindi first come, first serve Basis. Iyon bang sa isang kompanya may
isan daang Aplikante. Nauna ka man sa pila o nahuli o naningit lang –ay out of
100 na applicants, kalahati lang ang kukunin, o bente, o sampu, o limang
mapapalad at Rumble Selection. Pero syempre yung salang –sala na nila. Dehado
parin yung walang mataas na pinag-aralan sa mga may mas mataas na Credibility
daw, at syempre kawawa ang mga HighSchool Graduate lang, dahil mas malaki ang
pag-asa ng mga College Graduate na maging Boss yung kasabayan nilang nag-apply
na may Masteral Degree… kasi nga, yung mga nakalaang pampasweldo (dapat) sa
milyun-milyong magtatrabahong Pilipino sa Pilipinas ay nilaan na ng gobyerno sa
suswelduhin ng Presidente, mga government official, at mga Generals… at iba
pang kawaning-kapit ng Gobyerno, (Ganun yata, kaya nag-uunahang makaupo ang mga
ito sa napupusuhan nilang pwesto, ilang beses man sila mandaya o madaya
(kuno)), Pasalamat na rin daw tayo at may tira-tira pa para sa mga Social
Services. Dahil nga sa Priority rin ng Gobyerno ang pagbabayad ng utang sa mga
mababait na nagpapautang sa atin… at ganun nga siguro talaga, May mga lumulubog
at may mga tagapagpalubog.
May kanya-kanya kasi tayong papel na ginagampanan sa mundong ito, kanya kanyang
Gawain, (wag ng magtataka sa mga taong mapapel, dahil iyon na marahil ang papel
nila sa mundo) at dito makikita ang malaking bahagdan ng ating pagiging iba sa
bawat isa, ng pagkakaiba-iba sa kakayanan, talento, kalikhaan, panlasa at
interes ng bawat isa. Dahil meron na tayong tinatayang 5,000 ethnicities sa
buong mundo; sa ngayon 4,500 mga wikang naitala, buhay man o patay –ng mga
sosyolohista; dahil ang mundo ay nahahati na sa kulang kulang 250 na bansa…
dahil sa kabila ng lahat ng ito, merong babae at lalaki, mayaman, mahirap at
mas mahihirap, at alipin (sagigilid man o mamamahay); itim at puti, may hepa,
at kayumanggi; katoliko at Protestante, Rizalista’t Arabe, Hindu at Muslim;
Dahil ang planeta natin sa ngayon ay tinitirhan na ng humigit-kumulang 6.5
billion na tao, (hindi pa kasama diyan ang mga kahayupang naglalagi sa ating
pamahalaan, tulad ng mga Buwitre, uwak at mga Buwaya) at nadadagdagan pa ng 90
million kada taon. Ibig sabihin 6.5 billion tayo na may pagkakaiba-iba, at
humihigit pa kada araw; Dahil lahat tayo’y larawan ng natatanging nilalang
(unique human being) at may katangi-tanging pag-aari, propyedad, at kagalingan
na humuhubog sa pag-unlad ng lahi ng tao. Ang pagkakaiba-iba ay dahilan ng
ating problema at suliranin. Gayunman, ang solusyon at kasagutan ay natutugunan
din ng ating mga pagkakaiba-iba. (Global Recall)
Iba pala yung naiabot kong ticket. Paano ba naman kasi e, biglang nangalabit si
Inspector Clavio sa gitna ng aking mahimbing na pag-idlip. Hindi ko malaman
kung saan sa panaginip ko nahulog/nalaglag yung ticket… para tuloy akong lasing
na hindi malaman kung saan isusuka ang kahihiyan. Nakatingin parin yung iba sa
akin, at para ‘kong tanga sa pagkalaykay ng bag ko. Si Inspector Clavio
naghihintay. May hawak siyang papel na anumang oras handa niyang lamukusin at
bilugin para ipasak sa bibig ko; Tapos yung Ballpen, baka may electric shock
wave na anumang oras handa niyang ipangkuryente sa maputi kong singit, na
anumang oras magiging silya Elektrika yung kinauupuan ko. “Nagbayad ka ba
‘toy?” pag-iimbestiga ni Inspector. “O-Opo,” matapat kong tugon. Luminga ako’t
naghanap ng kakampi, saktong papalapit si manong Konduktor. Ayus! (may
starwitness na ko, pero paano kung itanggi niyang nagbayad nga talaga ako.
Lagot, baka bigla niya 'kong ipagkanulo. Nagdadalawang isip tuloy ako kung
nagbayad nga ba kong talaga o sa panaginip ko lang 'yon ginawa) “Nalaglag po
‘ata, di ko po alam kung saan na napunta” depensa kong tila maamong tuta…
siguro, may dumaan na hangin at lumamig ang umiinit niyang bunbunan. Hindi na
muling nag-usisa si Inspector.isang mahabang Haay!!! Meron na yatang konklusyon
–sa tulong ng mga ibedensiyang pinatotohanan ng ilang Pasahero at si Manong
Konduktor (buti na lang hindi niya kamag-anak si Judes Iscariotes) at nailigtas
niya ko sa banta ng Kuryente, hindi sa sermon ni Inspector, “Itatabe n’yo kase
ang tiket niyo, gusto niyo ‘atang magbayad ule…” banat niyang may puntong
malapot na Bisaya.
Bumaba ako ng Bus nang nakayuko. Hindi ko parin malaman kung saan ba napunta
yung ticket ng Bus. Dalawa lang ang nakikita kong posibilidad: una, Itinago yun
ng katabi ko. O pangalawa, Ninakaw yun ng katabi ko.
Madalas na ang pag-uwi ko nang nag-iisa. Kapag mag-isa ‘ko, lagi kong naiisip
na mas masarap pala ang may kasama…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento