Biyaya ng MayKapal
(When does human life begin?)
Tarantang taranta na si itay ngunit kita sa kanyang mukha ang kasiyahan. maaga pa siyang umuwi galing sa pagmamaneho ng malaking truck na mabaho, at dumaan pa siya sa palengke para bumili ng bagong thermos, gatas, biskuit at iba pang pagkain. siguro, sobrang saya niyang may bagong anghel na naman kami. ilan na nga ba kami; isa...dalawa...labing isa! labing isa na pala kami. kulang pa ng isa para isang dosena na-pero sino kaya ang hindi mag-uulam ng itlog na may pula pagkakain na. si ate? hindi. masiba yun e. si tatay? siguro. kasi paborito naman nila ang toyo kaysa sa isang dosenang itlog na binibili sa tindah- Ay! nakalimutan kong sabihin kay nanay na yung sabi ni aleng Marta, ...ano nga ba " ah -yung listahan daw pala -mahaba na... pero hindi ko yata masasabi kay nanay yun ngayun dahil abala pa siya sa pag-ire. nakakainis kasi yung matabang baboy na aleng Martang 'yon, nagmumura pa habang nang-uutos, "kung walang balak ang nanay mong bawasan ang listahan niya dito, pwes! ipagbabalik niyo ang pinagkukuha niyo. mga patay gutom!" haaay! siguro hindi nag-aaral yung matabang 'yon. nakakainis. palibhasa puno na ng uban ang buhok kaya pati pagbabawas ng listahan kinaiinitan ng ulo. makikita niya, kukunin ko ang gunting sa Bag kong Ultraman at ibibigay sa kanya. ewan ko na lang kung hindi parin siya marunong gumupit.
nginunguya ko pa yung biskuit na dala ni tatay nang nagtaka ko sa pagngiwi ng kanilang mukha. nag-aatungal na parang aso, si ate, lalo na ang tatay at ang ilang kapitbahay namin ay parang sinakluban ng langit-lupa. ano kayang meron sa loob. naisip ko- baka naging tyanak na ang baby namin. naninipsip ng dugo. maraming pangil. baka kinain na si lola. patay! may pangako pa naman sakin si lola na bibigyan ako ng limam piso. dalawa.
puno na ng tao ang bahay namin sa loob. wala na rin ang ingay ni nanay at ng lola kong nagpapaire sa kanya. natuwa ako nang narinig ang sabi ni ate, "lalaki po..." syempre may bago na akong kalaro ng wrestling, isi-six-one-nine ko siya pag naglaban kami. "sayang naman... di nyo na dapat pinagbubuhat ng mabigat kasi...inaal'gaan niyo dapat ang nanay niyo!" kumunot ang nuo ko. parang naiintindihan ko na -sa sermon ni aleng selya. lumapit si ate sakin. namatay daw si baby, naiwan yong katawan sa loob ng tiyan ni nanay. aaaah! kaya pala. akala ko si lola. kinuha ko yung plastik na dala ni tatay- nakasabit sa may pako sa dingding. nandoon ang biskuit, gatas at milo. (sa labas ko na lang papapakin ang milo. ayoko na yung may tubig pa.) bigla kong naisip si Ernie.
inimbitaha ko yung mga kalaro sa magiging piging. nautakan ko pa si Badong, ibinigay nya sakin ang holen niyang limahin. yung checkerd. kapalit ng masarap at mainit init pang kape at iba't ibang tinapay t'wing gabi. syempre, alam kong magiging bida ko sa lahat tulad ni Ernie noong nakaraang linggo. sayang nga lang, dalawang araw lang akong nakapunta. doon sa masayang lamayan sa kanila. masaya pa nga si Ernie- kahit patay na yung kuya nyang si Estong langit. hehe. matapos ang isang linggo -ako naman. tapos, bibili na ko ng bago 'kong laruang Let's Go.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento