Sintang Lupain ng mga Malaya
Bakas ang hudyat ng pulang bandila
At magpapantig sa tenga ng lupa
Hanggang sa mabuwal nitong pagsala
Sa bangis ng mga nagpapangil na adhika…
Bukas ang talatang diniligan ng dugo
Nagbunga ng kalinisan ang ipinunlang bungo
Mula sa suso ng inahing bilanggo
Nagsipsipang ang mga buwitreng may buslo…
Anihang nagwakas sa pesteng nangagsidalaw
Sakahang nauwi sa libingang pambayan
Guminhawa ang buhay nang nailatag sa higaan
Mas mabuting naratay sa sariling bayang sinilangan…
Ang natatangi nyang ina ang kanyang hahagkan
Ito’y halik ng uliling palaboy sa sariling
Paraisong nilikha ng kanilang pangarap
Ngayo’y natupad, ngunit di natikman…
Mapalad kayong may paningin –malayang tumatanaw
Mapalad kayong nakaririnig –alam nyo ang alingawngaw
Mapalad kayong may buhay –pag-asa nyo’y walang pagpanaw
Ang kapalaran ng isang walang buhay … ay patlang.
-102009
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento