Ang pagtakas...
Demo Nori-2
“Bitwan mo ‘ko!” sa mahigpit na pagkakagapos niya sa akin, halos hindi ako makahinga. Papalag-palag ako, pero malakas siya. Umisip ako ng paraan, wala akong kahit na anong armas maliban sa kamao ko at kuko. Sa mata niya ay dali-dali kong itinusok ang aking kukong matutulis… sinundot ko hanggang sa kaya ng kamay ko. At lumuwag ang pagkakagapos niya sa akin. Tumagas ang berdeng dugo sa kanyang luwang mga mata.
Ngayon ay halata na ‘ko ng mga nasa likuran ko. Kaya hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Agad pinagana ang binti at paa. Habang kumakaripas ng takbo’y narinig ko pang sumigaw ang isa, “ He run this way!” kaya walang lingon-lingon kong binagtas ang daan. Sa mga tiangge na nagbebenta ng mga burloloy na kabibe, purselas at mga damit, sa tindahan ng softdrinks at footlong, sa mga bendor ng mangga at sa iba pang nakapalibot sa amin.
Hindi ako dapat madapa. Mabilis ang mga humahabol sa akin… may mga pakpak sila at para lang akong uod sa tuka ng mga inahing manok. Kahit na alam kong malayo-layo na ‘ko sa kanila ay hindi ko iniba ang bilis ng aking pagtakbo. Hanggang sa… napasinok ako nang tumambad sa aking harapan, ang kampon ni taning. Nakangisi sa akin. May hawak siyang higanteng tinidor na akmang itutuhog sa akin… sablay. Nagpang-abot kami. Nasuntok ko siya sa tiyan. Nasipa ako sa tagiliran. Naagaw ko ang sibat niya. Pero nabawi niya rin. Nasipa ko ang sibat… lumayo. Pero nasakal niya ako. Hindi ako makahinga, “Tulong!” bulalas ng isip ko. Nakita ko ang mga taong nakatingin sa akin. Yung mga namamasyal, mga bendor, mga turista na pawing nakakunot ang nuo. Nakatitig sa akin, lahat.
May isang pulis na papalapit. Sinit-sitan ako, “Hoy!” naalala kong hindi nga pala nakikita ng mortal ang mga espirito. Kaya isip ng paraan… pinagana ko aking mga paa. Isang malakas na sipa ang aking pinakawalan sa sumasakal sa akin. Sapul. Sumambulat siya. Mabilis ang mga pangyayari… saktong malapit sa’kin ang higanteng tinidor. Dinampot ko at buong pwersang isinaksak sa kanya, itinarak.
Napatingin ako sa pulis na akmang bubunot ng baril, at sa kanyang likuran, ang iba pang lumilipad na demonyo… “A-andyan na!!” kumaripas uli ako ng takbo. Mas mabilis sa kanina. Walang hinto. Pabor sa akin ang pag-iwas ng mga tao sa daraanan ko… papalubog na ang araw, ang swerte ko at tutulong pa sa akin ang dilim para maligaw ang mga demonyong ito.
Sa malayo, natanaw ko na ang palasyo. Dali-dali ako. Katakot-takot na hingal at parang dram na pagtambol ng puso ko. Luminga-linga ako… wala na ang mga humahabol sa akin, nakahinga na ‘ko nang maluwag. Agad pumasok sa loob.
Umupo ako sa isa sa mga nakahilerang mahahabang upuan. Medyo malawak rin ‘to. (pero mas malaki ang sa Mall) ngunit hindi katulad ng sa Mall ay bukas ‘to sa lahat, maging sa mayaman, sa mahirap, sa magsasaka, sa pulubi at sa tulad ko. “isa akong Soul-dier dati (di na ngayon), sa tagalong tagapatay ng kaluluwa. Isa akong demonyitong Prinsipe (ang nakatakdang papalit sa hari). Mga demonyo rin ang mga humahabol sa akin. Sila ang mga Soul-superior –mga armadong demonyong may kakayahang maging puting kalabang anghel, pero hindi marunong magdasal. Ako si Lousi Ferer. Iginagalang ako ng mga mamamayan naming, dahil sa anak ako ng isang hari. At syempre sa palasyo ako nakatira. Pero bakit nila ako hinuhuli?
Siguro, dahil tumiwalag ako sa angkan naming. Ayoko na kasing maging masama. Gusto ko nang maging mabuti, mabait. Nais ko na nang pagbabago… makatakas sa mainit na mundo, sa asupreng naglalagablab, sa umaalingasaw na singaw ng apoy na putik na nanunuot sa aking balat, sa apoy na hindi namamatay ang dulot na init, sa mga uod na hindi namamatay sa apoy, na lumalabas-pasok sa bibig, sa ilong, sa tenga, at saan mang bahagi ng katawan; at sa mga demonyong nasa paligid, may mga sungay at pangil na naglalaway… ayoko na sa kanila at maging tulad nila. Hindi na, hindi ako kauri nila. Hindi ako demonyo. Hindi! Hindi!
Mula sa pagkakaupo ko sa isa sa mga mahahabang upuan, pinagmasdan ko ang mga tao, mga seryoso ang lahat; seryosong nagkukwentuhan, seryosong natutulog, seryosong nagkakamot at seryosong nakatingin sa malaking Krus. Tumingin na rin ako. Pero sino ba siya? Inaninag ng aking mata. Medyo pamilyar ang kanyang mukha para sa akin. A, siya ang haring mortal na matalik naming kaaway. Pero bakit? Nahuli siguro siya. Paano? Ang galing! Malakas talaga ang angkan ko… p-pero sila nga ba ang pumatay sa kanya? Baka hindi. At hindi pa siya patay. Dahil kinakausap siya ng karamihan.
Luminga-linga ako sa nakapalibot sa akin. Pinagana ko ang aking Psychic power upang mabasa ang inuusal ng kanilang utak (at nabasa ko sa utak ng isang ale)
Ale: Hoy! Mr. krus! Magbayad ka na sakin. Mother Father! Malalasap mo na ang pagkasunog ng iyong kaluluwa… hatid ng utang mong sa palugit ay tapos na. at hindi mo man lang ako binayaran ni singkong halaga… at kung noon, pinitas mo ang kamalig niring puso, kumprontahin mo man ngayon, mga kamag-anak mo, bugbog ka ‘pag dumaan ka samin.
Napahalakhak ako sa tawa… ha! Ha! Ha! Ha! ha! Tanga tanga tal’ga. Talagang nakakatawa ang mga tao. Kita nang nakapako tapos ay hahanapan pa ng bayad, hehehe! Ito pang bata? Hindi na kailangan ng Psychic power, ang ingay e,
Bata: maganda po sa langit, walang pangit… wala ni isa mang tsuper na masungit
na madalas nambubulyaw na bumaba na kami sa jeep nila . Bumaba!
E, di bumaba! Hindi naman sila ang binibigyan ng sobre. Kahit bigyan ko sila
Hindi naman nila lalagyan yun! Malamang hindi yun pupunta sa langit.
Ang tatay ko kaya! Saan ko kaya siya makikita… totoo kayang walang masamang tao sa langit. E, di sa empyerno ngayon ang tatay ko! Sana Makita ko siya sa empyerno. Papano kaya ako… demonyita ba talaga ako? Basta, sana magkita kami sa empyerno. Pagnamatay ako gusto ko sa empyerno 'ko mapunta, kung saan andoon si papa. Papa ko…ang papa! Gusto ko kay papa!
huh!? Hindi kaya ng pang-unawa ko yung sinasabi ng batang ‘yon. Ang gulo ng mga salita… kinakain pa yung tumutulong luha! Baliw yata! Ewan. Sa iba naman ako luminga… at nakuha ng kinang ng pulseras ang aking atensyon nang tumama dito ang sinag ng ilawan. Isang ale. Mukhang mayaman. Nangingintab ang hikaw. Babasahin ko sana ang sinasabi ng utak niya nang bigla siyang tumayo. Nag-umpisang lumakad… papalapit sa pinto. Pinagmasdan ko siya, inaninag ang mukha. Bigla, nagulat ako nang napukol ang kanyang tingin sa’kin. Nagkatitigan kami.
Natakot ako. Baka bigla akong pag-tripan nito. Lalo akong nagtaka nang napalapit na siya sakin… ginamit ko ang aking Psychic power pero sa oras na iyon ni hindi ito gumagana. Nagsitayuan na lang ang mga balahibo ko sa takot nang huminto siya sa aking harapan. Biglang bumilis ang pintig ng puso ko. Baka isa siyan Soul-superior na naghahanap sa akin. Nagpalit sa katauhan ng isang ale? Napaurong ako nang bahagya. Lumapit siya sa akin. Namumula ang mga mata niya. Mag-iibang anyo na siya. Gusto ko sanang tumakbo o sumigaw pero nanginginig na ang katawan ko.
Nagulat ako nang kumapit siya sa akin. Ginapos ako ng kanyang katawan, mahigpit. Gusto kong humilagpos, pero maya-maya pa’y nagkapangil siya, nagkapakpak, yumabong ang balahibo, tumuli ang mga kuko. Hindi ko alam ang gagawin, walang lumalabas na boses sa bibig ko at hindi ko dinig ang inuungol niya. At sa talim ng kanyang pangil, tila bumaon sa puso ko. Masakit. At biglang dumilim. Napapikit ako, pero parang gising ang diwa ko. May bumuhat sa akin…
“j-jonny, jonny! Kay tagal kitang hinanap. Jonny, anak ko, anong nangyari sayo… jonny ako ‘to! Jonny”
“Mam?” tugon ng drayber. “Bilisan mo. Dalhin natin s’ya sa pinakamalapit na ospital! Bilis!” ang utos ng ale.
Sa loob ng humahagibis na sasakyan, nag-aalalang hinahaplos ng ale ang marungis na binata. “M-mam, s-sino po s’ya?” tanong ng kanyang drayber.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento