SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kwento. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kwento. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Lumang tipanan (when they play at the tree-house)

 Lumang tipanan (when they play at the tree-house)

Reymond Cuison



Lumang tipan; henesis

Wala na kong alam na batis na kasing lamig at linaw ng sa yungkuban. Malinaw ang pagkakagaya nito sa kanyang mukhang walang bakas ng pangamba. Nakikita ko sa kanyang mata na hindi na nga siya binabagabag ukol sa desisyon ng mga kurro. Ayus lang, at mangyayari din naman ‘yon sakin –balang araw kapag nakahanap na sila ng kapapanagayan ng loob para sakin.


                Kumula ang tubig sa pagkanlaw ng kanyang paa. Lumabo ana pigura ng tubig,  kasabay ng pagbuo ng alon bunga ng pagkahampas. Muli siyang pumwesto na aktong sisisid muli. Ang bikas niya, hiniling ko’y sana maipagkasundo rin ako sa tulad ni ka Badjo. Kung kasing bait at tapang niya ang kabiyak ko’y wala na kong mahihiling pa. at muli siyang sumisid. Bumilang ako sa isip, at humula ng bilang ng kanyang pag-ahon. Madalas inaabot siya ng singkwentang bilang, at aahon na siyang gagap ang hininga.  Noo’y tinuruan nya kong sumisid para naman daw makasali ako sa paliksahan nilang patagalan ng hininga sa ilalim. Pero nabubusog lang ako sa tubig pagdaka’y iiyak sa kanyang bisig dahil sa takot kong malunod. “tahan na sirin, hindi naman kita hahayaan malunod e,” ang maririnig ko sa kanya. At hihinto nga ‘ko sa pag-iyak.


                Dapat lumitaw na siya. Sa pagbilang ko’y dumoble ang hinulaan kong oras ng pag-angat ng kanyang ulo. Nag-alala ako, “ka jo! Wag kang magbiro ng ganyan!” lumapit ako pag k’wan tahimik na ang tubig. Sa pangalawang pagkakataong pagtawag ko’y hinatak niya ang mga paa ko’t dinala sa tubig. Lumatay ang lamig sa aking lalamunan. Akala niya’y matutuwa ako sa birong ‘yon. Hindi ko nga tinigilan ang palo ko sa kanya, kahit pa namumula na ang mga braso ko sa tigas ng dibdib niya.


            …kinumutan kami  ng mga dahong nalalaglag. May dakot ng init ang kanyang paghinga. At kay gaan ng pakiramdam kong may kakaibang pagpintig sa puso. kung ilang oras din ang nakalipas ay hindi ko na alintana. Bagama’t napakasaya ko’y may takot ding umuusbong saking isip, dumudungaw sa bintana.


            “magdadapit-hapon na…” ang kulay ng ulap ay hindi na bughaw nang oras na iyon.”Tama na nga ang paglalaro’t baka kaganina pa tayo pinaghahanap ng inang… marahil nag-aalala na ‘yon,” aniya. Marahil nakita niya ang aking pagkabagot. Inilahad niya ang kanyang palad upang tuluyan na kong tumayo. –ang kamay nya’y sing tigas ng sa bakal, tanda ng kasipagan. “Pwede na ‘to…” at binigay nya ang kamiseta kong pinatuyo sa sikat ng araw. “Suutin mo na madali’t baka pa magkasakit ka” hinatak nya ang tali ng bintana. At inayos ang ilang kalat sa lapag. Paanong hindi niya liligpitin ang kalat at mag-ayus sa bahay na itong nasa itaas ng puno. Ay pinagpaguran nya ang paggawa nito,  na sabi niya’y para sa akin daw –kahit na pakakasal siya sa iba… Andito ang alaala naming dalawa, mula ng bata kaming madalas manguha ng mga kaimito’t santol… Nagpatiuna siyang bumaba upang alalayan naman ako. Ang ingay ng lagaslas ng tubig sa batis at ang alingasngas ng mga dahon at sanga –ng punong ito ay magkasabay kong naririnig. Pumipintig ang lupa at nararamdaman ko. Muli’t muli; tuwing muling lalapag ang aking paa sa tuyot na mga dahon. Wari’y pagpintig sa sinapupunan ng lupa ang sa akin…

SA LANGIT, WALANG ROCK!

 SA LANGIT,  WALANG ROCK!


Bato bato sa langit, ang tamaan…


            Kanikanina lang binato ko ng maliit na bato ‘yong kapatid ko.  Tapos ‘yun… umiyak! (lagot!) nag-alala ko nang umiyak na sya. Hindi dahil sa naramdamang sakit ng kapatid ko, kundi baka marinig ni tatay yung iyak ng kapatid ko.


            Ang babaw nga ng dahilan ko sa pagbato sa kanya –ayaw nyang sumunod sa utos ko. Bibili lang ng suka. (utos ni nanay sakin) e, may ginagawa akong mahalagang hindi pwedeng ipagpaliban (kalaban ko na si oxzordick; hindi pa pwedeng i-pause) then, tapos, ako na lang ang bumili ng suka. At pagdating ko. Nakita ko yung kapatid kong binato ko ng maliit na bato. May hawak syang malaking bato (‘sing laki ng kamao ko)  at… ibinato nya sakin. Sa bilis, hindi ako nakailag. Sapul ang noo ko, bumaha ng dugo. Naging red sea yung paligid ng bahay namin. Nagising si tatay…     kumuha ng plangganang may tubig. Tapos ay naghugas ng kamay . nakita kong naging pula yung tubig sa tabo – matapos nyang paghugasan. Ang tubig? Hindi na ‘yon malinaw. Tulat ng panulat ko… may kaangkinang Malabo.


May matigas… May matigas… May…


Minsan naisip ko, buti pa yung bato kahit na ilang ulit ibato, hindi nasasaktan. Kasi nga bato ito. Hindi rin nababato. Kasi bato na nga… (ang labo noh?)


            Astig ang mga bato: malakas, tahimik, hindi maramdamin, hindi nagkakasakit, hindi rin namamansin…             Ngayon-ngayon lang. sabi ng bestfriend kong babae habang nakasakay kami ng bus. Sabi nya, “bato ka ba?” tapos. Napatingin sya sakin. (napatingin ako sa kanya, mali yung una) naisip ko na baka nagpaparamdam na sya. Gusto nya bang ligawan ko na sya. Na baka nahuhulog na siya sakin. “maging Gentleman ka naman, si Lola nakatayo o, paupuin mo!!!” bigla akong napatayo (kala ko ‘yon na) tapos, inalay kay lola yung upuan ko. Hehe. Hahahahaha!


            Siguro tinamaan rin yung ibang lalaking nakaupo sa Bus na ‘yon. Hindi lang ako. Ewan ko ba. Parang nawawala na ang pagiging Gentleman ng mga Pilipino. Ako? Oo, (minsan) aminado ako. Minsan napapayuko na lang ako kapag nahihiya magpaupo. Kunwari tulog-pero hindi. Hay! Bato talaga. Astig! Walang pakiramdam. Minsan naiisip ko, unfair kasi e, lalo na kung hindi lang isa ang nakatayo. Hindi sila sinuswerte. Ano o sino ang dapat piliin. Sino dapat ang alayan ng upuan, sino ang hindi dapat?!!  O dapat nga ba ‘yon?!! Dapat yata o marapat!


Bato-bato sa langit, ang tamaan… PANGET!!!

TIYANAK

 TIYANAK

Ni Reymond salvador


Gabi. Nakaupo sya sa may bangkitong gawa sa kawayan. Nagmumuni-muni habang pinapakain ng tirang tinik ng isda si Meomeo -ang alaga nyang pusa. Katatapos lang nilang kumain. Subalit gaya noong nakaraang araw hindi ginalaw ng kaniyang ina ang plato nito ni sumubo ng isa man lang. Paano’y may dinaramdam na karamdaman kaya’t bibihirang dalawin ng gana sa pagkain. Puros tubig lamang ang hinihingi nito at ang isang tableta ng gamot na bago  inumin ng ina ay may ritwal itong hatiin muna sa gitna ang gamot upang maging dalawa. Mga ilang lingo lang na ganito ang kalagayan ng kanyang ina ay malaki na ang ikinapayat nito. Tuloy hindi rin sila makakain ng masigla dahil sa pag-aalala, lalo na ang kanyang nakatatandang kapatid. Kaninang kumakain sila ay agad itong umalis. Nakita nyang nagbihis  ito at nagbilin sa kanya na bantayan muna ang ina pagkat may bibilhin lamang daw sa tindahan. biskuit, o prutas o gamut ang hinulaan nyang bibilhin ng kapatid. Marahil sa mall ang punta nito dahil bibihirang isuot ng kanyang kapatid an gang natatanging damit na huhling iniregalo ng kanyang ina sa kaarawan ng kapatid bago ito maratay dahil sa sakit. Noong nagtatrabaho pa ang ina sa Morayta.

“meow…moew” ang halinghing ng kanyang pusa.  Nakita nyang napatingin si meomeo sa kanya na tila nang-aalok ngpagkain. Napangiti siya. Pinagmasdan ang alaga pusang muling bumalik sa pag-kain ng mga tinik ng isda. “Mabuti pa si Meo meo…”  naisip nya, mabuti’t naging  kaibigan nya si Meo meo –ang tanging nakikinig sa kanya tuwing malungkot siya at walang makausap, tuwing walang nais na makipaglaro sa kanya, tuwinang nagiging tampulan siya ng tuksuhan sa kanilang lugar.  Muling sumagi sa isip niya ang isang kaisipan: "Putok sa Buho!!!" ang malimit ipintas sa kanya ng mga kaedad. Ngunit papasok-lalabas lamang ito sa kanyang malaking tenga na lito at hindi parin nauunawaan ang ibig ipakahulugan ng pintas na 'yon. Ipagtanong man niya sa iba ay walang sumasagot, tanungin man niya si meomeo ay wala itong maisagot, bukod sa meow meow nito! Kaya’t sarili na lang ang lagi niyang tinatanong. Maraming sagot ang kaniyang sarili. Hindi niya nga lang alam kung tama ang sagot na 'yon. maaaring ang 'putok sa buho' ay simbolismo lamang ng mabaho niyang kilikili, maaari ring ito'y dumi nyang binabalot lang sa papel o plastik na pagdaka'y ihahagis sa ilog, papaanurin sa sapa o iiwan na lang sa kung saan; maaaring pauso lang ‘yon na salita tulad ng ABNORMALITES, ASHTIGS, BWAKANABITS, BRUTATETS, SHENELYNS,CHURVAH,...o anu pa man. Kung may tama man sa sagot niya ay hindi niya alam. Basta’t ang mahalaga'y hindi s’ya apektado ng salitang iyon... (Hindi masyado)

    Malinis na ang kainan ni Meomeo. Simot ang tinik nitong kanina lang ay parang bundok sa dami. Galing pa 'yon sa sosyal na restawran. Kaya si Meomeo ang alaga ni Melchor, sosyal! (Paano’y sosyal din ang amo -madalas galing sa sosyal na resto ang inilalaman ng tyan) mabait kasi yung waiter sa may sosyal na restaurant. Lahat ng tira-tira ay sa kanya na, libre, ibinibigay sa kanya. Nakaestayrofoar pa at nakapackage sa loob ng itim na plastic bag. Doon sa likod tambakan ng sosyal na resto.

Sa kanyang harap makikita niya ang isang dagang tatakbo sa harap ni Meomeo. Tila nagpapahabol (parang may iniwawagayway na telang pula). Nakita ni Melchor na nanliyab ang mata ni Meomeo –tila may Kristal ang loob ng mata nitong bilog na bilog… mabilis na susundan ang tumatakbong daga. Hinabol ito ng kanyang pusa. At wala ring nagawa si Melchor kundi sundan ang alaga “meomeo –sandali. Kakakain lang! meow…baka magkaapendisitis ka meow…” ang sigaw niyang may pag-aalala.

Sa harap niya, makikita niya ang kanyang pusa na mapapadaan sa harap ng isang asong askal. Tila nagpapahabol ang pusa sa aso. Pero kumahol muna ito bago tuluyang humabol. Hinahabol ng pusa ang daga. Hinahabol nya ang kanyang pusa. Hinahabol sila ng aso. Napalingon sya sa likod. Aso. Naglalaway ang pangil nito. Anlaking aso… mas binilisan niya ang takbo… hanggang sa nakarating sila sa bukana ng eskinita –sa kanto ng morayta; kung saan ang gabi ay kasalukuyang nagbibihis. Pumasok sila sa looban ng likhang-isip road. Masikp, makipot at medyo madilim ang daan. Dahilan ng pagkawala ng alaga sa kanyang paningin. “meo… meo… swisss-swisss-swiiissss…meow-“ ang paulit-ulit n’yang pagtawag sa kanyang alaga. Tahimik pa ang gabi… at  tila ayaw magpaistorbo sa pagbibihis na ginagawa. 

Maririnig ni Melchor ang halinghing ni Meomeo… sinundan nya ang tunog. “meo… meo…!” At doon sa silong ng isang pandalawahang palapag na bahay –na sa pagkakaalam nya’y bahay ito ni ka pechong na isang talamak na fixer ng lungsod- Sa silong nun ay maririnig niya ang kanyang pusa. Tila sa wakas ay nahuli na ang nagpapahabol na daga. Nanaog narin si melchor sa silong ng bahay… mahinang tatawagin niya ang pusa. madilim ang paligid sa kanyang pwesto. Maya maya’y malinaw nyang maririnig ang tunog na sa pandinig nya’y nakakatakot… tila yun ungol ng isang aswang “…aaahh!” mabagal pero paulit-ulit. 

Hinagilap nya ang pinanggagalingan ng tunog, “aahh…aaahh!” mahina subalit malinaw na natatanggap ng kanyang tenga ang kakaibang alingawngaw na ‘yon. Sa silong ay may makikita syang maliit na butas. Bahagyang natakpan ng maitim na ulap ang silahis ng liwanag ng bilog na bilog na buwan. Agad siyang sumilip. At nakita nya ang dalawang aninong magkadikit, tila asong nag-uungulan ang mga ito. Pilit n’yang inaninag ang hitsura ng kung sino, bahagyang lumiwag pa nang madaplisan ng liwanag ng buwan, naniningkit ang kanyang mata. nakita nya ang isang babae. kay amo ng mukha nito… at tila nga nakita na nya ito. Saan nga ba? Doon yata sa basag na salamin. Oo tama. Sa basag na salamin -tuwing mananalamin siya. Ang hugis ng mata, ang lapad ng ilong, ang kaniyang mukha… kamukha niya ang babae. Muli syang sumilip, pilit tinitingnan ang hitsura ng babae... at napagtanto niya. Lumiwanag ang paligid ng mahawi ang maitim na ulap sa mukha ng maliwanag na buwan. Subalit bakit naroon siya, “hindi! Bakit s’ya… alam ko hindi siya ang …” mahina s’yang bumubulong sa sarili ngunit biglang napahinto nang may napansin s’yang mga yapak. ilang mga yapak na paparating -sa kanyang kinaroroonan. Maya-maya maging s’ya ay nagulat nang biglang bumukas ang pinto. Lulan nito ang ilang lalaking may dalang 45’ Caliber Colt Premium (baril) …sa isang iglap, matapos ang maklaglag tutuling pagputok ay Bumulagta sa sahig si ka Pechong at ang isang babae. Sa butas, si Melchor ay walang kakurap-kurap sa pagsaksi nakita niya ang dalawang kapwa walang kasuotang suot. Napaluha sya… humihibik pero di nya nilakasan. Sa butas malinaw nyang nakikita ang maamong mukha ng babae… ang nag-iisa niyang ate… nakadilat ang matang tila humihingi sa kanya ng tawad. Ang kanyang ate… ang ate n’ya…

Pumatak ang dugo sa silong. Nagulat pa si melchor sa pagdampi ng pulang likido sa kanyang noo, sa mukha, sa buong mukha. …at lalabas si melchor sa silong na nliligo ng dugo. Mapapasigaw ang isang makakakita sa kanya, “multoooo!!!” 


MEDALYA

 Medalya (Liwanag ng Dilim) 

(Maikling Kwento)

Sa madilim na kwarto. Sa paligid na kontento na sa pusikit na ilaw ng gasera, si Mia ay kandong ng malambot na kama. Aninag parin ang maamo nyang mukha, ang kanyang kagandahan sa malamlam na liwanag ng ilawan… Pero tulad ng dati, umaagos ang luha sa kanyang mukha, kahit na sanay na ang kanyang paningin sa dilim –hindi parin n’ya malabanan ang lungkot. Umaagos ang luha nya. Ang luha ng kalungkutan sa kanyang mata… Hindi pa sya tulog. Kahit nakapikit ang kanyang mata’y gising ang kanyang diwa.

Blog! Biglang bumukas ang pinto. Agad syang napabangon. Nagkaroon ng konting liwanag na galing sa labas ng kwarto. Maraming tao, sa isip isip nya; dahilsa ingay sa labas ng kwartong iyon… ingay ng mga nagkakasiyahan. Ngunit anong meron? At sino ‘to? Titig ang kanyang matang pilit inaaninag ang taong nakatayo doon. Agad syang kinabahan. Tila may gumapang na kuryente sa kanyang katawan at agad nagsitayuan ang kanyang balahibo nang nag-umpisa na itong maglakad… papalapit sa kanya.

Malakas ang kalabog sa kanyang dibdib. Nais na nyang tumakbo papalayo ngunit nanginginig na sya sa takot. Ni hindi na nya maigalaw ang kanyang katawan. Papalapit na ito. Mga ilang hakban na lang mula sa kanya. Palasak ang ingay ng mga yapak nitong tila kasing lakas ng tibok ng kanyang puso at biglang… Aaah! Nakita na lang nya ang sarili na sakal-sakal ng nilalang na nanlilisik ang mata, at naglalaway ang matutulis nitong ngipin. “HALIMAW! HALIMAW!” malakas ang sigaw nya subalit parang hindi sya naririnig ng kahit na sino. Pumapalag-palag sya, sumisigaw. Ngunit sobra ang lakas nito. Sobrang higpit  ng pagkakagapos nito sa kanyang leeg. Madiin, masakit, marahas. “Huwaaaag! Tama na. t-tama na… pagod na kooohh! Wag! ayoko na… A-ayoko na. Aaah! Parang awa nyo na, tigilan nyo na ko! …tigilan nyo na ‘to… tigilan nyo na- “ Butil-butil ang pawis sa kanyang nuo. Hinahabol nya ang kanyang mukha. “Panaginip. Panaginip,”naibulalas nya.


Maliwanag na sa labas. Sumisilip ang liwanag sa bahagyang bukas na bintana. Umaga na! bumaling sya sa kanyang orasan, at saglit na natigilan… baka mahuli sya. Hindi sya maaaring mahuli sa isang kaganapan pinakahihintay nya. na napakahalagang kaganapang ni sa panaginip ay hindi nya inakalang mararating –ang makatapos ng Kolehiyo. Agad syang nagbihis. Minadali sya ng kanyang pagkasabik at hindi matatagong kasiyahan… sa wakas. Sa wakas.

Pinaghalong emosyon ang kanyang naramdaman nang tinawag na ang kanyang pangalan. Sa harap ng taong kapwa nya kaeskwela, mga guro at bisita. Sya’y nasa entablado sa harapan ng madla. Ramdam nya ang kasiyahan, dahil sa nakapagtapos sya. Dahil sa nalagpassan nya ang pagod at hirap sa kabila ng lahat… dahil na rin sa ang guro nya ang magsasabit ng kanyang medalya –ng pagtatapos bilang Suma Cum laude sa kursong Business Administration. Ang gurong itinuring nyang parang tunay na ina. Gayun din, ramdam nya ang kalungkutan ng mga oras na iyon. Dahil wala doon ang kanyang magulang, dahil kahit sa pagkakataong iyon umaasa parin syang makadadalo sila. Kahit tila sinasabi ng kanyang isip, Wala na sila. Wala. Wala.

Malakas ang palakapakan nang mapansin nyang basa na naman ng luha ang kanyang mata… unti-unting bumalik sa kanyang gunita… ang nakaraan, ang lahat, ang kahapon.

-Sa masayang tahanan nilang tatlo: ang kanyang ama, ina at sya. Ang ngiti kanyang magulang (mulig nailarawan sa kanyang isipan) nakita nya ito na nakaupo sa bandang likod. Sa hanay ng mga magulang. At sila’y pumapalakpak. ginagawaran sya ng labis na kagalakan sa naipamalas na husay at kasipagan –ng kanilang anak. Pahina nang pahina… unti-unting kukupas sa kanyang matang pinalalabo ng luha ang pigura ng kanyang magulang. Ito’y uukit ng katotohanang emahinasyon nya lang kanyang nakita. Wala na sila. Wala. Wala. Biglang nawala sa kanyang isipan ang kasiyahan, ang tawanan (umaagos ng walang patid ang luha nya) ang matatamis na ngiti nila’y napalitan ng galit…   ng poot… ng sumpa… ng hinagpis…

o Ang malakas na sigawan

o Ang pasa sa mukha ng kanyang ina

o Ang bagahe ng ina

o Luha sa mata ng ama

o Ang PasaPorte

o Ang bote ng alak at upos sa mesa

o Ang payat na katawan ng ama

o Ang pagkaubos ng gamit nila

o At ang hindi na pag-uwi nito

o Ang ingay ng katahimikan sa kwarto ni Mia

o Ang disco

o Ang dilim sa loob ng kanyang kwarto

o Ang halimaw sa kama nya

o Ang ibang mundo sa eskwela… at ang mudong kinilala nya –sa Disco.

Ragasa na ang luha sa mata ni Mia. Pinahid nya ‘to nang bumalik ang pansin nya sa mga pumapalakpak, sa mga guro at mga kaklase, sa lahat. At ngumiti na sya. Ngiti na may galak, umaapaw sa kaligayahan.


Natapos na ang araw ng kanyang pagtatapos at mabilis lumipas ang lahat. Hindi na sya nakatira sa squatters area. Ibang iba na sya. May sarili ng bahay at may kotse… di na sya tulad ng dati. Ngayo’y supistikadang manamit. Hindi na maputik na kalye ang nilalakaran pauwi. Sa opisina na sya naglalagi. Walong taon din ang lumipas mula ng araw na iyon.


Sa kalsada, marami na ang napilitang maglakad. Mga taong nagmamadali… nagmamadali rin si Mrs. Michelle Ban Calle. Buong pangalan ni Mia. At wala na nga pala si MiA, mula ng kinalimutan nito ang lahat tungkol sa kanyang masaklap na nakaraan. Bagamat madalas syang dalawin ng kanyang kapighatian sa tuwinang pagtulog. Matagal din syang hindi pinatulog ng halimaw sa kanyang kwarto. At matagal bago sya nakalimot.

Habang tinatahak nya ang kahabaan ng kalsada… (Matrapik ang EDSA ng araw na iyon. At araw-araw pala ang trapik sa EDSA) mahaba ang pila ng mga sasakyan, hindi man lang umuusad ni kaunti. Kahit yata anung aga nito ay mali-late pa din sya sa flight –to meet the target client na mga koreanang di mahusay mag ingles. But it is not a big deal for her, thus she study the Korean language one month before the convention. Kahit na nagmamadali sya ay hindi sya maaaring maglakad -tulad ng iba- sa kalasada… maingay na ang paligid , kanya kanyang plitan ng busina. Sa loob ng kanyang kotse na medyo naiinis na sya sa daloy ng trapiko ay hindi sinasadyang napalingon sya sa isang dako… sa isang lugar na tila may humatak ng kanyang pansin. Makailang saglit syang natigilan, sa di kalayuan ay inaninag nya ang isang taong abala sa ginagawa. Binuksan nya ang bintana ng sasakyan. Tinanggala ang suot nyang salamin. At tila may humatak ng kanyang paa, bumaba sya sa kotse.

Sa tambak na basurang pinagpipyestahan ng mga uod at bangaw. Umalingawngaw ang kanyang tinig… ngunit mistulang bingi ang paligid at sya lang ang nakaririnig sa sinasabi nya. Napalapit sya sa isag taong grasang nangangalkal ng kayamanan sa basurahan pero wala itong imik, pilit nyang inaaninag ang mukha ng kaharap… at ang isa’y walang hinto sa pangangalkal sa nakatambak na basura… napaluha si MiA. Napahagulgol. Natiyak nyang ito nga ang kanyang ama. Hinawakan nya ito ng mahigpit. Sa unang pagkakataon, sa loob ng labing walong taong paghahanap nya rito –sa wakas nagkita rin sila… nahanap nya rin ito.

Nagpumiglas sa kamay ni MiA ang lalaki ngunit wala syang balak na bitawan ito. Ngayon pa, namaganda na ang buhay nya at hinbdi na sya naghihirap sa pera. Hindi! Hindi nya ito bibitawan dahil ito ang pangako nya sa sarili… ‘pag nakapagtrabaho sya, muli nyang hahanapin ang ama. At isusumbat ang pagtakas sa responsibilidad nito bilang isang AMA. At ngayon hawak nya na ‘to… oras para isakatuparan ang matagal na kinikimkim na pangako sa sarili. Mahigpit na mahigpit ang kapit nya sa kanyang ama at may nangingilid na rin na luha sa kanyang mata. Pero hindi galit, kundi luha ng pananabik… “tay…  a-ako ‘to! Ako ‘to! Ang anak nyo. …’tay tumigil kayo,” pilit nyang ipinipilit ang sarili, iginigiit, at inaamo… “si Michelle ‘to! Tay ako ang anak nyo…” tumutulo na ang luha nya sa mukha. Walang patid. Walang pagtutol sa pagdaloy. Ngunit pumapalag ang lalaki, Pilit ding kumakawala sa kamay ni MiA… maya-maya’y  sa isang iglap magkasabay na umaagos ang kanyang luha at ang dugo sa kanyang nuo, na nahampas ng kung anong matalim na bagay.

“Hoy!” sigaw ng isang pilis sa kanilang likuran. At nagulat ang taong-grasa (ang ama ni MiA), Agad itong humagibis ng takbo, mabilis… habang unti-unting namang nawawala sa paningin nya ang taong-grasa, “A-ama… sandal-“ dumilim ang paligid.

“AMA!” sigaw ni Michelle nang biglang mapabangon. Butil-butil ang pawis sa kanyang nuo. Hinahabol ang kanyang hininga… luminga-linga. Tila isang buhay na panaginip. Panaginip?!  Wala ang kanyang ama sa paligid, tahimik ang paligid na panay matamlay na kulay ng puti… wala sa isip nya ang Convention na dapat sana’y nadaluhan… ;wala sa isip nya ang kotseng naiwan sa kahabaan ng mtrapik na EDSA. na Oo, mukhang nakadagdag ito sa dulot na trapik sa daan; Wala sa isip nya ang sermon ng kanyang half Filipino-half Chinese nyang boss –ano naman kung tanggalin sya nito… basta’t ang iniisip nya sa pagkakataong iyon ay ang kanyang Ama.  Panaginip! Buhay na panaginip na lagi nyang iniisiip. At hinihiling na isang araw ay maging totoo…magkatotoo. Subalit mukhang bigo sya, na isang panaginip lang yata ang lahat nang muli nyang makita ang ama sa tambak na basurang pinagpipyestahan ng mga uod at bangaw… panaginip lang yata ang lahat!

Sinubukan nyang bumaba sa kanyang kama, ngunit nabigla pa sya nang kumirot ang nuo nyang nagkaroon ng benda. Ilang araw na ba ang lumipas. Hindi. Hindi nga ‘yon isang panaginip, naisip nya. Ang mukha ng ama nya. Muling umukit sa kanyang isipan ang hitsura nito. 

…At gaya ng nakasanayang gawian nya, muli syang lumuha…”AmaaaahhHH!!!” 

Linggo, Oktubre 4, 2020

PINK BIG BOX

"Pink Big Box"
By Reymond Cuison
(Kwento)

Psychoanalysis ang tema ng story ko- magsisimula ang kwento sa pagfocus ng kamera sa isang medyo malaking box. Mababasa ang sulat kamay na address  at pangalan.
To: Mercy D. Patungkulan
Add: #37 Silver Heights, tabon Malaria Caloocan City.

Maririnig yung tunog ng nakangingilong masking tape na inilalagay sa palibot ng malaking box. Kamay ng isang lalaki sa unang tingin ang nagmamasking tape sa box. Oo, kamay ng lalaki yun,  malapad na kamay,  mabalahibo, may mga singsing at may polseras na parang sa buddha beads o rosaryo... magsu-zoom out ang camera at makikita hindi pala kamay ng isang lalaki yun, kundi kamay pala ng isang bakla, binabae,  syokla, beki (pero lalaki parin pala yun, kahit na femine ang kilos niya,  at kumekending tuwing naglalakad na parang nasa beauty con. na rumarampa, isa lang ang lagi niyang pinuproblema kapag lumalakad nang ganun,  yung umbok ng harap niya... mula pa noon,  iyon na ang problema niya, though may sulusyon na ngayon sa problemang iyon... kaya lang mahal ang magpaputol, hindi pa sapat ang ipon niyang pera. Tiis ganda muna sa pagma-masking tape ng problema niya.) Heto nga't pauwi siya at kaunti lang ang maipapadala sa pamilya. 
Tapos na siyang mag-masking tape. Yung box galing sa Japan kung nasaan siya,  na ipapadala niya sa mama at papa niya...


2nd scene... nasa airport na siya, may taxi driver na susundo sa kanya,  ang nasa isip niya ay yun yung taxing driver na kinausap ng tatay niya para masundo siya...


"Mam, dito po tayo, "
 sabi ng mamang driver ng taxi. Ako ba ang tinatawag ng mamang yun? Tanong niya,  at itinuro niya pa ang sarili,  teka siya ba ang susundo sakin?


"Manong teka may sundo po ako,"
 ang paliwanag niya pagkalapit.


"Ako po ang sundo ninyo,  tara na po, akin na po,  ako na pong magsasakay niyan,"

Kinuha ng mama ang mga bagahe. Sa wakas ay gumaan ang pakiramdam niya, mabigat ang kanyang bagahe kaninang pagbaba ng eroplanong galing Japan, iniisip niya kung paano yun ibababa, masisira ang pustura niya dahil sa baka pagkamalan siyang kargador,

"Andami po nito mam ah," natutuwa siya dahil sa magalang ang mama, pinagmasdan niya ito habang dala-dala ang bagahe, siguro mga nasa 30 na taon na, ang musscles parang puputok, banat sa trabago malamang -pero wag ka! Walang amoy, walang firecracker. "Mam okay ka lang?"


Nakita siya ng mama na napahinto na inaamoy niya ito, "may bonus ka sakin, anong pangalan mo kuya?"
Namula ata ang mama, "ay, hindi na po mam,"


Kampante siya sa pagkakaupo, iniisip ang magiging reaksyon ng kanyang pamilya sa kanyang pagdating... "kuyaaaaaaaa! Anong pasalubong mo samin? 
Sakin dapat dalawa, kasi yung isa regalo mo sa birthday ko nung Dec 21 tapos yung isa nung pasko..." 
Si JJ talaga, sana magustuhan niya yung binili ko sa kanyang PSP at Nike shoes - naku branded yun ha!
Kay Jelai- dahil dalaga na yun, kikay kit. Sureness magugustuhan niya yung bagong branded na make-up na dala ko. Babagay sa kanya yun, naku -masusulusyunan na yung mga naglalakihang tagyawat niya. Hahaha

Si Papa, alam kong magpaparinig na naman yun dahil dun sa luma na niyang cellphone, pangkaskas pa daw ng yelo yung gamit niya ngayon, hay! Si Papa talaga,  e natuto lang magtext, nawili na sa kanyang mga text mate - pati nga ako noon e pinapadaanan ng gm niya.  S3 para kay tatay... dapat ingatan niya yun kasi di ko pa tapos hulugan yun. 

Kay mama naman? Hay! Wala akong alam kung ano ang bibilhin para sa kanya kasi hindi naman yun nagsasalita sakin sa kung ano ang gusto niyang matanggap, okay na daw sa kanyang makitang masaya ang mga anak niya... hay! Si mama talaga, miss ko nang mayakap si mama. Sana kasya sa kanya yung binili kong bestida, may kasama pa yun na apron at mini oven, mahilig kasing magbake yun ng cup cake e...


Huminto ang taxi.

Hinatak siya papalabas at dinala sa isang abandunadong gusali. Paanong hindi niya nahalata ang taxi driver na yun? Dahil sa pananabik, nakalimot mag-ingat.
Hinaras siya ng drayber at ng dalawa pang lalaking nandoon, minaltrato, binugbog at sa dulo ay itinali... yung mga gamit pinagkukuha ng mga sanggano, wala siyang magawa kundi ang umiyak at sumigaw sa sarili, hindi siya makasigaw nang malakas dahil sa nakatarak sa dila niya ang isang patalim.
 Yung mga gamit na binili niya para sa kanyang naghihintay na pamilya... lahat ng gamit na yun pinapakita sa kanya kung paano ginagamit, sinusuot,  winawalang hiya ng mga sanggano. Sa huli papatayin siya at hiwahiwalay ang katawan na ilalagay sa box.


3rd scene, yung box dadalhin na sa bahay, doon sa address na nakasulat.
Tuwang-tuwa ang pamilyang nakatanggap ng balikbayan box. Inaasahan din nila ang kanilang ofw'ng kapatid ng mga sandaling iyon, ngunit wala siya. Nalungkot sila ng mga ilang minuto tapos bumalik na ulit ang tuwa nang maipasok na nila sa bahay yung box.

Tumili si Jelai, " ano kayang regalo ni kuya sakin? Dali! Buksan niyo na, buksan niyo na! "

"Teka, ano yun? Ang sakit sa ilong"
 sabi ni JJ. May naaamoy silang mabaho.

"Karne ata?"
 Sabi ng kanilang ina
 Sa isip nila - bakit kaya si kuya e hindi nag-iisip na pwedeng mabulok ang karne? Hay! (At pagkabukas sa box,  malalaman nila na iyon yung tinadtad na katawan ng mahal nilang baklang kapatid/ anak na inilagay sa isang plastik,  kala nila ay karne ng kung anong hayop)


"Bakit ito lang?"
 Ang bulalas nila. Dismayado, dahil hindi nila makita ang inaasahan. Nagtataka sila, bakit ang nandoon ay isang damit na pambabae (yung suot nung bakla kanina) nandoon rin yung suot niyang singsing, hikaw at mga wig)


"Joker talaga yun si kuya!"
 Ang nabanggit na lang ng bunsong si JJ.
Zoom- out nang konti/ internal/bahay: may ilang maliliit na box sa loob ng malaking balikbayan box. Kinuha yun ng ina at dahan-dahang bubuksan. Isang close up sa ina. Tapos, mangingilid yung luha niya, manginginig, kikilabutan, mabibitawan ang maliit na box.
Yung tatay... dali-daling tatakpan ang mata ng dalawang anak. Si JJ at si Jelai, hindi alam kung ano ang nangyayari? Kung ano ba yung nakita ng ina sa maliit na box. Maglalakas loob siyang tanggalin ang kamay ng tatay niya. 

Nang matanggal ang takip sa kanyang mata ay natawa siya, "kaninong titi yan?" Mababanggit ni JJ.
Initial reaction ng ama? Masasampal niya ang anak at yung dalawa ay paaakyatin sa kwarto. Maiiwan silang dalawang mag- asawa. Gulat. Kinakabahan. Kinikilabutan. Natatakot.


Niyakap ng lalaki ang kanyang asawa, mas lumakas naman ang pag-iyak ng babae, "Hayop sila! Sinong mga baboy ang gumawa nito sa anak natin?!!" Maririnig lang ang panangis ng ina.


***


"Wait lang" napahinto ako sa pagtatype sa biglang pagsasalita ni Mina.

"Kahit na pang indie- film yan na masyadong malaya sa style, maging conscious ka naman!"
 Napatingin ako kay Mina


"Conscious? ? In what sense?"
 Paano e sub-Conscious ko ang pinagana ko sa pagsusulat ng kwentong 'to

"Bakit yung parteng iyon pa? Pwede bang palitan mo, ang sagwa e," napakunot ako ng noo

"Alin? Yung titi?"


"Aray!"


"Bakit mo ko binatukan?"


"Binanggit pa talaga e noh!"


"Bakit kailangang may batok??"


"Gusto mo isa pa?" Tanong niya sakin. Napangiti ako.
May iba akong naisip sa sinabi niyang isa pa.

"One round tayo?" Tanong ko kay Mina. Kakaiba ang ngiti ko, nakakunot naman ang nuo niya,

"Aray! 
Ang sakit ha pangalawa na yan!" Binatukan niya na naman ako.

Sumeryoso ako, humarap uli sa laptop, "ano bang problema sa word? Iyon naman talaga ang tawag dun di ba? E kung... papalitan ko naman yung sinabi ni JJ, 'kaninong penis yan?' Hehe, parang ang awkward?'"

"Yun nga e, filipino readers don't like to read that...
Kaya palitan mo na lang ng ibang parte,"
Papalitan? e kasi... gusto ko sanang kahit papano e makalaya rin yung character kong bakla, mula bata siya parang nakagapos siya ng sistema dahil sa parte na yun na ayaw niya, atleast kahit man lang sa sandali ng buhay niya ay naramdaman niyang lumaya??   


"Sige, teka... pag-iisipan ko,"

Humarap ako kay Mina at nakatingin lang ako sa katawan niya, ano kayang bahagi ng katawan ang pwede? Napaturo ako sa dibdib niyang may kalakihan din...
Natawa naman ako, mukhang pwede kung breast na lang? Hindi ko naman nabanggit kung plat chested yung character o hindi e, so pwede yang bahagi na lang na -

" aray!Bakit nambatok ka na naman?!"


"Mikko alam mo, ang manyak mo talaga!

Kailangang ituro pa talaga?? Hay naku!
Sige na, tuloy mo na nga yan,"

Humarap ako ulit sa laptop ko at sinave ko yung nai-type ko at humarap ulit kay Mina, "ahmmn, tama na muna 'to, tinatamad na ko e,"

"E paano mo yan matatapos kung tinatamad ka?"
 E kasi naman e,


"Tuloy natin..."
 sabi ko.

"Tuloy natin?"
 Balik na tanong niya sakin. Nakakunot na naman yung noo niya.

"Alin? Yung story?"
Umiling ako, "tuloy natin..."
I grab her, "yung one round..."

"Ano ba Mikko!"

Sumimangot ako, "Grabe ka ha... nakatlong batok ka sakin kanina!Tapos ako, ni hindi man lang nakakaisa sayo,"


"Tsk! Ang corny-corny mo!"
 She kiss me.

"Cute naman," I give my response.

***

Sabado, Oktubre 3, 2020

SANLA

SANLA
(Kwento)

Alahas:
"mga magkano po ba sanla n'yan?" tanong niya sa kahera ng cebuana lhuillier. Sinipat maigi ng babae ang iniabot niyang gintong kwintas.
Kumuha ito ng kung anong likido, acid solution, ipinatak  at sinipat. Tapos ay tinimbang uli.
"magkano po bang kaya?" tanong niya ulit.

"sandali ah," tanging sagot ng ale sa sanlaan, pansin niyang maingat ang ale sa ginagawa, ang kapinuhan ng isang sanay sa pustura pa lamang mapapansin na sa tindig, sa pananamit, sa dampi ng pulbos sa mukha na malabnaw na pula sa pisngi.
"sasagad na po ba? Aabot po ng kinse mil," napalunok siya sa sinabi ng babae. Kinsi mil? Ilang libong madami yun, di niya alam ang laki ng ganung bilang..
Ni hindi pa nga siya nakakahawak ng isang libo e. Sa isip niya, ilang libong ibong may dagit ng ginto ang dadapo sa kanyang palad. Tapos, naisip niya rin, kahit ilang bulaklak sa dangwa, yung bukey ba tawag dun, pwede niyang bilhin o pwedeng mga prutas at gulay sa palengke para kay dhalia at marami pang iba.
"sige po," sagot niya sa babae.

Muli siyang napalunok ng sariling laway, pinunasan niya agad ang malapot na pawis na namumuo sa kanyang noo, nababahala siya. Kinakabahan. Kahit na walang dapat ikabahala o walang dapat ikakaba sa kung anong isipin ng kahera sa kanyang hitsura.
Sa isip niya, hindi naman siguro iniisip ng kaherang ito na ninakaw niya yung kwentas na yun na sinasanla niya.
Hindi dapat isipin ng kahera na siya -si lucas de gracia ay tahimik na nag-aabang, aali-aligid, sinusundan ang isang matabang babaeng pusturang mayaman, doon sa kahabaan ng simbahan ng Quiapo, nangingintab sa suot ng mga alahas.. Ngunit saglit lang. Kasing bilis ng kidlat nang hablutin ang gintong kwintas sa leeg ng babaeng mayamaya na lang ay parang ginagaroteng baboy, mapatid-litid na pagsigaw,
"tulooonggg!! Tulooooongg! Magnanakaw!" paulit-ulit na isisigaw nito.
"miss hindi ko yan ninakaw noh!" gusto niyang sabihin sana sa babaeng kahera ng sanlaan.

Hindi siya magnanakaw at hindi naman pagnanakaw ang pagpupulot ng basura sa malawak na karagatan ng estero sa Baseco. Wala namang nagmamay-ari ng mga basura ngunit para sa kanya isa itong napakahalagang pag-aari.
Noong nakaraang linggo, nakaabang na ang kanyang sako sa kayamanang naglulutangan sa malawak na karagatan. Sasagwan siya gamit ang mahabang patpat na kawayan nang umayon sa nais na direksyon.
Ang paglalayag gamit ang etayrofor bilang bangka-bangka. Gaod dito, gaod doon... At walang hinto na paggaod ang kakailanganin niya kung lilibutin ang kabuuan ng estero na iyon sa ilalim ng tulay sa isang look ng Maynila.
Ngunit gaya ng mga araw na minamalas sa pagbabasura, ang kahapong pangangalakal ay hindi naging maganda. Wala halos nailaman sa sako nilang bitbit, paano'y napakalakas ng ulan noong mga nagdaang araw. Inanod malamang ng ragasang tubig-ulan ang mga kayamanan sa estero. May bagyo na naman, signal no. 2 sa balitang narinig sa radyong de baterya ng kapitbahay.
"malas todits!" nag-uusap ang magkakaibigan habang naghihiwalay ng mga kaunting napulot na basura.
"paksyet na bagyong yan!" sabi nung isa.

"pakshet ka lukas, e tatay mo kaya ang bagyo!" paasar ni carmelo alyas melotots, sa kanya.

"sabihin mo ke mang milenyo, hinay lang todits!"

"kung hindi naku! Magtatampo si aling bebang martis, the chicharong gulays, wala nang benta junkshop niya," dugtong nito.

"baka biglang pumayat yon!" hirit ng isa at bulalas ng tawa.

"pakyu ka noy, wag mo nang asahan tatay ko, wala nang pag-asa yun!" pagtatanggol ni lucas sa sarili.

"dehins todits!" sabay akbay kay lucas nitong si ninoy alyas abnoy at short for noy.

"kanina lang nakita ko tatay mo! Nangutang sa tindahan nila pipay ng 'sang kahang pag-asa!!" at tumawa siyang bigla.

"eberlasting hope!" hirit uli ng isa.

"tsaka dios!" hirit uli ni buknoy!

"dios??" tanong niya.

Tumango ang tinanong, "ou, pomelo dios, may kasama pang gin!" tawanan uli sila.

"gago!" sabay batok kay buknoy na kasalukuyan namang pinipitpit ang incan at alum na napulot. Tawanan uli sila. Tawang wagas!

"oh, lucas, lucas.. Pag-asa ka ng bukas..." si Melotots.

"damit mo butas-butas," dugtong ni Raprap.

"bumili ka na ng sardinas, at 'sang kilong bigas," pang-aalaska ni Melo na kumukumpas pa sa hangin.

"boom!"

"tumula ang makata-e wagas!" putol ni abnoy at tawanan uli sila. Mas malakas na tawa. Bwahahahahaha.

"lupit mo boy-bakat!"

"pwede na mag-asawa, bilog na utot!" dugtong ng isa pa.

"hahahaha" at mas lumakas pa sa kanina ang tawanan nila, maliban kay lukas na biglang natahimik.

"todits anu yan???" tanong ng isa kay lukas na may hawak ma garapon na nakuha sa kanyang sako.

"ewan," isang garapong may lamang plastic na transparent.

"baka kayaman ng onepiece, tsong alahas yan!"

"bukasan mo dali!" napatigil silang apat na magkakaibigan: si lucas, Raprap, Carmelito, at Abnoy, lahat sila namangha sa nakita pagkabukas ng garapon.


Bilog ang mundo para sa lahat, hindi mo nga lang alam kung kelan ka mapupunta sa itaas o mapupunta sa ibaba. Para sa limang ito, hindi pa bilog ang mundo. Ayaw pa kasi nilang maniwalang bilog nga ito, na maaari nang umikot paitaas.
Kumikinang na singsing na may bato, pulseras, pares ng hikaw at kwintas ang nasa garapon.
"parang japeks!" kinuha ni Raprap ang singsing at kinagat.

"todits! Matigas?"  tanong ni Lucas sa kaibigang biglang napahawak sa pisngi, nadurog ang isang bulok niyang ngipin. Inamoy pa niya at napasinhot, biglang bulalas ng tawa ang apat.

"tunayntipayb!" sagot niya.

"lucas, bakas kami dyan ha, hating magkakatropa, todits para peyr," mungkahi ni abnoy.

"jakpat todits, trilyonaryo na tayo!" 
Si lucas lang ang di nagsasalita, di makapaniwala sa natapuan, paanong magkakaroon ng kayamanan, sa isang estero at sinong baliw na magtatapon ng kayaman, ang mga nasa isip niya.


"isasauli natin 'to, hindi to satin," wika ni lucas.


"AY BOKLOGS!" napakamot ang lahat sa ulo. At parang biglang naging biyernes santo ang mga mukha ng magkakaibigan, maliban kay Lucas..
 ***


Ahas:
"mga magkano po ba sanla n'yan?" tanong niya sa kahera ng cebuana lhuillier. Sinipat maigi ng babae ang iniabot niyang gintong kwintas. Kumuha ito ng kung anong likido, acid solution, ipinatak  at sinipat. Tapos ay tinimbang uli.
"magkano po bang kaya?" tanong niya ulit.

"sandali ah," tanging sagot ng ale sa sanlaan, pansin niyang maingat ang ale sa ginagawa, ang kapinuhan ng isang sanay sa pustura pa lamang mapapansin na sa tindig, sa pananamit, sa dampi ng pulbos sa mukha na malabnaw na pula sa pisngi.
"sasagad na po ba? Aabot po ng kinse mil," napalunok siya sa sinabi ng babae. Kinsi mil? Ilang libong madami yun, di niya alam ang laki ng ganung bilang..
Ni hindi pa nga siya nakakahawak ng isang libo e. Sa isip niya, ilang libong ibong may dagit ng ginto ang dadapo sa kanyang palad. Tapos, naisip niya rin, kahit ilang bulaklak sa dangwa, yung bukey ba tawag dun, pwede niyang bilhin o pwedeng mga prutas at gulay sa palengke para kay dhalia at marami pang iba.


"sige po," sagot niya sa babae. Nakikita niya ang perang binibilang ng ale, hind niya akalain na ganun ang halaga ng alahas na yun, hindi nga yun japeyk.

binigay sa kanya ng babae ang papel na dapat pirmahan, kukunin na niya sana ang ballpen nang may humawak sa kanyang kamay, "Boy, nasan na yung alahas?? " lumingon siya, binigwasan siya ng mamang nakasumbrero. Napaluhod siya, iniinda ang sakit, nakita niya yung mama na may hawak na baril at nakatutok sa kahera, tatlong lalaki na nakabonnet, nakatutok ang baril sa nag-iisang gwardya. Nang pumalag ito ay biglang pinaputukan sa bandang dibdib. tumili ang nasa loob ng sanlaan, nanginginig.  "lahat, lahat ilagay mo dito!" may ibinigay na itim na supot ang mama doon sa kaherang takot na takot, nakatutok ang baril sa kanila.  Nanginginig ang kamay ng babaeng kahera sa paglagay ng mga alahas sa loob ng supot, nang natapos na ay kumindat muna ang mama sa kahera, sabay alis ng mga ito.

Tatayo pa sana si lucas nang may naramdaman siyang matigas na kung anong humampas sa kanyang ulo, bago siya mawalan ng malay, nakita niya ang kanyang mga kaibigan, "m-melo? rap? tray - trayd- or kayo,"  umalis ang magkakaibigan, naiwan siya.

PUTIK SA PALTUSING MGA PAA

PUTIK SA PALTUSING MGA PAA
(Kwento)
 Ni Donfelimon poserio


Time Check: 12:45 pm ; Recon Taxi: TWG075
:Hindi siya

Bumuntong hininga. Kalahating oras pa lang naman siyang nakaupo sa may waiting shed. Muling titingin sa wrist watch na seiko ang tatak na emitation lang na hindi pa tapos hulugan sa kaibigang business minded.
-minsan natatawa na lang siya kapag naaalala ang pakiusap ng kaibigan, "please naman! Abonado na naman ako nito e, sa katapusan ha!" pakiusap ng kaibigan at tatango lamang siya. Abunado. Tiyak iyon! Avonado siya, dahil ni sa hinagap wala siyang balak bayaran ang kaibigan. Napakarami ng katapusan  at walang kasiguraduhan ang bilang ng kanyang pangako, iyan ang sigurado.

Muling humihip ang hanging panghapon, nagkalat sa kalsada ang mga  fliers na kanina lamang tangan iyon ng babaeng realstate agent. Ibinibigay sa sinumang magdaraan pero hindi siya binigyan kahit nakatitig siya sa babaeng iyon nang sadyang dumaan kanina sa harap nito. Marahil may pamantayan ang babae sa kung sinuman ang bibigyan -yung tipong may kakayahang bumili sa kanyang inaalok. Naitanong niya tuloy sa sarili na halata bang wala siyang pera sa bulsa at wala pa siyang kakayahang bumili sa ngayon?
Sa ngayon! Ngingisi siya. "sa ngayon wala pa.." aniya habang nakatingala at nakamasid sa kalangitan. Pero balang araw! Luluhod ang mga tala. (napangisi siya, ang drama.) Pati buwan-pati araw  luluhod sakin, pangako yan! Magiging hari rin ako ng mundo at si felisa .. (napangiti siya at muling napatingin sa suot na wrist watch. Tapos, lumingon-lingon sa dakong maaaring panggalingan ng kung sinuman.
Ano ba!! Anong oras na! Tsk!! Pabulong niyang sambit sa sarili. Matapos na mabasa ang maliit na kamay ng kanyang orasan.
Time Check: 3:05pm ;Galore FX Taxi SUA743 ; Hindi pa rin

Muling babaling ng tingin sa mga taxi-ng hihinto upang magbaba ng pasahero. At bubuntong hininga matapos mabigo sa inaasahan. Kung mainipin lang marahil ang lalaking iyon di siguro siya makakaabot ng higit sa kalahating oras na nakaupo doon sa waiting shed na pininturahan ng alikabok ng maghapon. Putsa! Anong nangyari kaya dun! Mukhang iindianin ako nun a!

May mga fliers na nagkalat na sa lansangan na hatakin-kaladkarin ng hangin sa kahabaan na iyon ng EDSA. Mula sa hindi kalayuan, natanaw niya ang isang batang nakayapak, puno ng putik ang katawan.. Butas-butas ang mahabang suot na damit. Buhaghag ang kulot-kulot na buhok. Napakunot noo siya nang mapansin niyang may hawak itong fliers na waring binabasa ng marusing na bata napangisi siya nang mapansing wari may malalim na pinag-iisipan ang batang iyon.
Lumangitngit ang malambot na kama sa kanyang pagtaluntalon sa malambot na kutson. Inihagis, malalambot at kay babangong unan. Nang nangulo ang tiyan -pagkalam ng sikmura dulot ng ilang araw na paglalakbay sa lansangan. Sinikap niya na sa paghalungkat-kalkal sa basurahang pinagpipyestahan ng mga langaw, bangaw, niknik at mga uod ay may makuhang mailalaman sa tiyan. Ngunit anong malas ng araw na iyon na ni tinapay na may amag, ni kaning kaunti pa lang ang pagkapanis o anumang ulam na kahit may amoy ay maaari nang pagtyagaan -subalit wala.  Huminto ang bata sa pagtalon talon, biglang nginatngat ng bata ang mga unan, naglalaway na bibig na waring sarap na sarap sa kinakain. Bumusina ang isang sasakyan, nagulat ang gusgusing bata at agad na umalis sa kinatatayuan. Nagmura ito at dinuraan muna ang kotse tsaka umalis. Mabilis na tumakbo palayo.  

Time Check: 3:30pm; Raymund Taxi ATU777; Kala niya si Felisa pero kamukha lang pala.

Narinig niyang kumulo ang kanyang tiyan. Naalala niyang di pa siya nanananghalian. Umalis siya sa bahay nang palihim, tangan ang bag na may lamang ilang gamit, mga damit, di niya rin kinalimutan ang envelope niyang naglalaman ng kanyang pagkatao, mga sertipiko, resume etsetera na batid niya kakailanganin niya sa paghahanap niya ng trabaho matapos na makarating na sila ni Felisa sa uukupahan nilang munting kwarto sa isang paupahan sa Sta.mesa, kailangan niyang makapagtrabaho agad kung sakali. Hindi madali ang gagawin nila sa panahon ngayong hindi maganda ang takbo ng ekonomiya. Mahirap ang buhay, sabi nga ng iba. Pero kailangan niyang magpakatatag at ni Felisa. Pinag-isipan niya na ito nang ilang ulit. Dalawang buwang buntis si Felisa at may pananagutan siya, mga ilang buwan lang magiging ama na siya. Isisilang ni Felisa ang kanilang anak. Kung lalaki isusunod niya sa kanyang pangalan. Joselito Bernalde Jr. Kung babae, wala pa siyang naiisip. Bahala na. Nakikinita niya sa isip ang magiging masaya nilang pamilya. Malayo sa matritidang biyenan, malayo sa humahadlang sa kanilang pag-iibigan, malapit sa mapayapa’t  masayang pagsasama nilang dalawa at ng kanyang magiging anak. Si felisa na masayang maghahain ng masarap na pagkain habang takam na takam silang dalawa ng kanilang anak. Muling kumulo ang tiyan niya.

"iho mukhang andami mong dala a,? Naglayas ka ba?" bati ng isang matandang may tangan ng panindang sigarilyo at kendi. Sa wari niya'y nasa sisenta na ang edad.
"hindi po sa ganun, fortune, dalawa po"
Bakit siya sasagot, ano nga bang pakialam niya sa matanda "pasindi po," 

 iniabot sa kanya ang lighter, at umupo ito sa tabi niya. "pasensya ka na iho, kangina pa kita pinagmamasdan. Naalala ko kasi ang sarili ko sayo."
Anas ng matanda, habang inaayos ang tangang kahon ng paninda. "naglayas po kayo dati?" Ewan kung bakit natanong niya ito, pero naisip niyang mabuti nang may makausap nang di ganong mainip sa paghihintay sa di niya sigurado kung susulpot pa ba o hindi.
"hindi sa naglayas iho, pero parang ganun na rin" mabagal na tugon nito. 

"paano pong paraang ganun?"napakunot siya at sumeryoso ng ayos. 
"may mga dala rin akong mga balutan, diyan mismo sa kinapupwestuhan mo. May hinihintay ako noon."

"babae? Kasintahan niyo po" napatingin sa kanya si manong, parang siya kay Felisa. Parehas sila ng matanda, naghihintay sa magkaparehong lugar.
"Ou, pero di dumating si Celina."
Nagulat siya. Napangisi, nagtanong
"Celina po?" "ba't di naman nagpakita?” Seryoso niyang tanong pero may tumawag sa matanda, bibili sa kanya ng sigarilyo. Agad tumayo ito ngunit nagsalita muna bago agad na lumapit sa tsuper.

"hindi ko na nalaman ang dahilan iho."
Nabahala siya sa iniwang sagot sa kanya ng matanda,

"hindi ko na nalaman ang dahilan."

Balak niya pa sanang hintayin uli ang matanda para sa kwento nito tungkol sa hindi pagsipot ng kanyang katipan pero nawalan siya ng pag-asa nang sumakay ang matanda sa humintong bus.
"si manong.. Parang manghuhula ah." nabanggit niya sa sarili. Tingin sa relos. 


Time Check: 4:05; Rainmill Taxi CRY693 ;nakita niya si Felisa , walang dala.

KRISTINA MALAYA

Kristina Malaya
(Kwento)

        Hinahanap ni Kristina Malaya ang kanyang 4.5 Mega Pixel Dual Flash Sonny Video Camera. Ang huli niyang naalala may lumapit sa kanya habang kumukuha ng larawan sa isang gilid sa kahabaan ng madugong Mendiola habang nagkaka-riot ang mga pulisya at ilang grupo ng kabataan. Maya-maya nasinghot niya ang amoy na iyon ng tirgas na biglang hinagis sa kanilang pwesto, mapanganib na usok na magpapatuyo sa lalamunan, magpapangati at ikauubo at ikalalabo ng paligid. Wala siyang maaninag. Ubo. Ubo. Masakit sa mata ang usok, naririnig niyang nagtatakbuhan ang ilang kabataan. Malakas ang palahaw ng sigaw, may naaninag siyang may hawak ng batuta bago siya mawalan ng malay-tao. Masakit ang kanyang batok, may humampas sa kanya at hindi niya alam kung ano, basta matigas na bagay. Gising ang diwa, alam niyang may bumubuhat sa kanya sa pagkakadapa, hindi niya lang magalaw ang katawan niya o malaman kung sino ba sila?

Nang nagising siya sa loob ng kwartong iyon nangingirot parin ang kanyang batok. Bigla kinabahan siya sa nadinig na yabag ng kung sinong papalapit. Nilakasan niya ang kanyang loob. Hindi siya dapat matakot, alam na niyang mangyayari ito sakaling mapabilang siya sa libo-libong mamamahayag na nakararanas ng extra judicial killings. Pero kinakabahan parin siya, gaya nang naramdaman niyang kaba tuwing makukunan niya ng larawan ang mga nasa aktong kapulisang gumagawa ng katiwalian. Gaya kanina sa Mendiola: hinampas ng truncheon ang binatang napadaan lang. napagkamalang lider ng aktibista, kinaladkad nang ayaw sumama sa kanila. Binugbog, pinagtulungan. Sa lente ng kanyang kamera sariwang dugo ang tumilamsik, lupasay sa duguang kalsada, wala ng malay ang binatang iyon. Nakita siya ng pulis na kinukuhanan niya ang nangyari. Hinabol siya, sumisigaw ang pulis, mabuti’t nakatakbo siya agad.
Takbo. Takbo, nang may maapakan siyang paa ng isang dalagang nakahandusay sa daan. Sinubukan niyang tulungan itong tumayo. Nagulat siya nang hawakan ito sa braso, ale bangon, bangon. Naramdaman niyang bali ang braso ng babae, lantang gulay. Waring di na nakakabit ang buto sa balikat. Marungis ang babae, maaaring nadapa o natulak nang nagkatakbuhan sa piket layn. Nais niyang tumulong ngunit papalapit na ang isang pulis.

Sa pagbukas ng pinto ng kwartong iyon, pumasok ang dalawang lalaki. Isang may katangkaran, naka-army cut at isang medyo pandak na parang kabuwanan na sa taba ng tiyan. Alam niyang pulis ang dalawa. Kapwa may sukbit ng baril sa tagiliran.
Nais niyang sumigaw subalit mahigpit ang pagkakabusal sa kanyang bibig at namamaga na rin ang kanyang kamay sa pilit na pagkalag sa kanyang pagkakatali, mahigpit din ang pagkakabuhol ng alambre kaya’t nang mapagod, tinikom na lang ang kamao. Tiim-bagang na nagmumura sa isip, “Mga hayop!! Mga Demonyo kayo!!!”

        Lumapit ang isa, “May gusto kang sabihin? Huling habilin?” tanong ng lalaking biglang naglabas ng patalim. Agad, malakas na kalabog sa dibdib ni Kristina nang lumapit ito sa kanya.  Pinigtal ang pagkakabusal sa bibig gamit ang matalim na patalim. Nakahinga siya ng mas maayos “Mga hayop kayo!! Ibalik niyo sakin yan!” paulit ulit, hawak ng isang lalaking mataba ang kanyang kamera. Napapikit siya nang bigla itong mag-flash sa kanyang mukha.

“…pakawalan niyo ko dito!”  sigaw niya. Nais niyang sumabog sa galit “Mga demonyo kay-”  sinupalpal agad siya ng lalaki, mabigat ang pagkakahawak sa kanyang bibig.  

“Ang daldal mo rin pala!!”
Lumaban siya ng titigan, nanlalaki ang mga mata,

“Mga taksil kayo sa bayan!” pinandilatan niya ito, pinanghahawakan ang natitira pang tapang sa dibdib.
Bigla ang bulalas ng tawa ng lalaki, “Miss Malaya, may prinsipyo kami. Peace ang Order. Sa kamay namin nagmumula ang katahimikan. At kung sinong nag-iingay, pinuputulan namin ng dila.” 

Nagbabanta ang matalim na patalim sa kanyang mukha. Mas mahigpit ang pagkakariin ng kamay ng lalaki sa kanyang bibig.
Dinuraan niya ito bigla sa mukha. Napamura ang lalaki. Nanlilisik ang mata, sinampal naman siya nito.

“Marami ka nang atraso samin. Pero wag kang mag-alala, wala kaming sama ng loob sayo. Sumusunod lang naman kami sa utos sa itaas, walang personalan,”
“sa tuta mong boss?!” pasigaw na wika ni Kristina. Ngumisi lamang ang lalaki.
“Hindi siya pwedeng tawaging boss, titulado na yun ng masa at hindi sa amo namin” napangisi ito, binitiwan siya. Tumayo. Kumuha ng sigarilyo. Nagsindi.
“Wala kayong mga kaluluwa, mga taksil kayo sa bayan…”
Napatawa bigla ang lalaki. Hithit. 
“nagsalita ang nagmamalasakit sa bayan. Miss Malaya, magkano na ba ang kinikita mo sa mga kolum mo sa tabloid? Tsk!! Ginagamit mo ang bayan, ang masa, ang mga tao…”
Buga ng usok sa hangin. “Wag kang magmalinis, ang mga kinukuha mong mga larawan, mga istorya… Tsk!”
        Muli siyang nasilaw sa ilaw ng kanyang kamera. Binusalang muli sa bibig. Inaayos ang anggulo. Siya ang nasa lente ng kanyang kamera. Larawan. Larawan. Bawat anggulo niya, bawat pwesto niya, bawat luha, bawat pagmamakaawa niya ay malinaw sa lente ng kanyang kamera.



        Malamig na umaga dahil sa ulan. Sa nanginginig na kamay ay halos malukot ang larawang tangan, na nababasa na rin dahil sa walang patid na pagpatak ng luha ni Ginang Lourdes Malaya- ina ni Kristina Malaya. Sa larawan, may busal ang bibig ng kanyang anak, may pasa ang mukha, may mga galos, punit at gula-gulanit na damit, wala nang pang-ibaba. Nakagapos ang kamay, nakatali ng alambre ang dalawang paa, nakabuka ang hita sa ibang larawan. Sa iba naman, may bote ng alak na nakapasak sa kanyang ari, nakangudngod sa lupa, nakatuwad sa lamesa, pinapasakan ng kung ano-ano ang mga bahagi ng katawang mayroong butas. Ang huling larawan, isang sunog na bangkay…
Pumatak. Malalakas na patak ng ulan ang maririnig, ngunit mas malakas parin ang pagtangis ng isang ina. Inang higit sa awa ang nadarama, kundi pagkasuklam, pagkapoot sa mga taong gumawa nito sa kanyang anak. Mga hayop! Walang kaluluwa..mga.. mas masahol pa sa demonyo. D-Demonyo! Dem… nagkalat ang mga larawan nang mawalan ng malay ang nananangis na ina. Hustisya. sa kanyang diwa marahil.. Hustisya para sa nag-iisa’t pinakamamahal, iniingatang anak, na noon ni lamok ay di makadadapo. Minsa’y balot ng belo ang ulo kahit hindi Muslim. Bantay-sarado nang tumungtong ng hayskul at may curfew hours nang nagkolehiyo. Journalism ang kinuha, kahit gusto niya para sa anak ay nurse. Magnursing ka na lang, kinausap ko na ang amiga ko na may-ari ng isang pribadong ospital. Head-nurse ka agad.
Umiling siya, noon pa nais niya nang magsiwalat ng katotohanan. Nais niyang magsulat ng balita, magmulat at mamulat sa bulok na kalakaran ng lipunan, sa sistemang panginoong may lupa, kapitalista, may katungkulan lang ang sinasamba, may salapi lang ang makabibili ng hustisya at karapatan. Matapang si Kristina, matapang ang kanyang anak… at nangamba siya para sa anak. Kahit noong nasa hayskul pa ito, nang masaksihan ni Kristina, Makita ng mismong dalawang mata ang faculty teacher sa eskwelahan sa loob ng science laboratory. May eksperimentong ginagawa ang kanyang guro sa kanyang kaklaseng babae . Walang malay na estudyanteng nakahandusay sa sahig. Kitang-kita ni Kristina ang lahat, ang pagpatong ni Mr. Amburyao sa kaklase. Siya, si Kristina Malaya na ‘tin-tin’ pa noon ang bansag ng mga kamag-aaral. Siya ang naging dahilan ng pagkakakulong nito noon, agad isinumbong sa prinsipal ng eskwelahan na noo’y ayaw pang maniwala.
“Diyos na mahabagin…” ang nasabi na lang ng prinsipal nila nang ipakita ang aktong kuhang larawan sa kanyang bagong black berry Touch Screen Cellphone. Salamat sayo Kristina Malaya at inaresto ng awtoridad ang mahalay na guro. Nakulong si Mr. Malibog, ngunit ang kanyang klasmeyt. Hindi na pumasok mula noon. Yung klasmeyt niyang iyon, na-trauma siguro sa ginawa sa kanya. Kaya ngayon, hanggang ngayon tumatambay ito sa Malate,natakot sa liwanag kaya naglagi na lang sa dilim. Gumigiling-giling. Ang nakatutuwa nito, si Mr. Amburyao nakalaya na at oo, matagal na, at buti na lang nagtuturo na uli siya sa isang private school na hindi nakaregister sa Dedped.
Sa isang pitak sa Dyaryo na tabloid na minsang pambalot ng tinapa at pampunas minsan ng salamin at bintana, siya ay isa ng journalist, isang lisensyadong mamamahayag. At para may maisulat sa sariling kolum kailangang magsiwalat ng katotohanan, kahit magkaroon pa ng banta sa sariling buhay, kahit pa mawalan ng career bilang mamamahayag nang minsang pasaringan niya ang isang kongresman na nanggahasa ng isang dalagita. Muntik na siyang ipakulong ng konggresman sa kasong libelo, paano’y umatras ang tinakot na bata sa pagtestigo. Hay! Para may maisulat sa sariling kolum, inilagay niya na ang isang paa sa hukay tuwing may iko-cover na balita. Gaya nang magkaroon ng malawakang kilos-protesta ang mga kabataang estudyante sa iba’t ibang unibersidad. Mass mobilization ng mga SUC’s upang ipaglaban ang kaukulang bugdet sa edukasyon. Kristina Malaya, inihanda mo ang isang paa sa hukay nang sa tapat ng tarangkahan ng Mendiola habang naggigirian at nagkakaroon ng tulakan, putukan, batuhan at paluan, pinangahasan mong masabak sa napipintong kapahamakan ang isa mo pang paa.   

Ngayon, Kristina Malaya sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Saang lupa ka man nakabaon.

Biyernes, Oktubre 2, 2020

TABLETA

TABLETA
(Kwento)

Pinahid nya ang nangingilid na likido sa kanyang mata at umayos ng pagkakaupo sa malambot na kama. Pagdaka’y dumakot ng isang tableta ng gamot, sinentro niya sa maliit na takip ng botelya ng gamot na kanyang hawak. Aasintahin niya ang takip na may tatlong dipa rin ang layo mula sa kanyang pwesto. Sa ganoong layo, mahirap din ang maipasok ang isa man.

Initsa nya ang unang tableta...

        Kanina nasa isip niya marahil ang ginhawang matatamo matapos na maisubo ang hawak na gamot, maaaring ang mabilis na paggaling o ang paghupa kaya ng iniindang sakit, ang kirot, hapdi o latay ng kapangahasan ng mga sandali ang naglalaro sa kanyang isip. Kaya't ibinuhos niya ang laman ng botelya at  napuno ang kanyang palad ng mga butil na gamot at dahan-dahan niyang inilapag ang walang lamang botelya. Tinitigan ang nasa kanyang kamay at napako ang tingin niya dito…

“Maglalaro tayo. Halika, huwag kang matakot! Di ba gusto mong maglaro tayo?!”         ipininid ng kanyang kuya ang pinto at sinigurado ang pagkasara.

“Ako ang tatay, ikaw daw ang nanay!” anito.

“Sige, matutulog na raw tayo” wala siyang pagtutol sa simula kahit marahas ang paggapang ng kamay sa pagkakalatag ng kanilang katawan. May bagyo sa kanyang isip, malakas ang pagbabadya ng hangin sa tanggulang katawan ng kanilang bahay-bahayan. Sa lakas ng hangin na waring kumakatok sa pininid na pintuan ngunit anong lakas niyang pagbuksan ang hangin ay wala rin pala siyang lakas na hindi ito papasukin. Ang kaya niya lang ng mga oras na iyon ay ang matakot, ang mangamba na baka malagot ang pundasyon. Nakatatakot ang panginginig ng haligi at ilang mga larawang nakasabit sa dingding dahil sa lakas ng bagyo sa kanyang isip. Malakas ang buhos ng ulan. Ang bagsak ng bawat patak na kasing laki ng sa kamao, kasing bigat ng sa yapak ng paa. A, mahapdi ang bagsak ng patak ng ulan. Halos maluha-luha ang bubong ngunit sa mahapding bagsak ng malakamaong ulan ay ano ang magagawa niya. Pipi ang bubong. Kahit na may bibig o kahit pa may boses…

             ...ngunit kapos ang kanyang inihagis. Hindi pumasok ang unang tableta sa takip na may tatlong dipa rin ang layo mula sa kanyang kinauupuan. Umiling-iling siya at ngumiti nang bahagya, nang patago na waring ikinahihiya sa kung sinumang makakakita ng kanyang kakarampot na ligaya na nagpapahiwatig rin  na ayos lamang ang mintis sa unang paghagis. Ang tagumpay ay malimit na nasa pangalawang subok o sa mga susunod na paghahagis.

Kaya’t dumakot siyang muli. Tatlong tableta ang nasa kanyang palad at mabilis na initsa iyon patungo sa takip. Muli siyang umiling-iling. Bumaling-baling ng tingin sa kaliwa at sa kanan. Wala siyang nakitang tao.

“Eee! A-ayaw! Aaaa!” nadinig niya. Hinanap niya ang pinanggagalingan ng boses.

“Tanga! Tatanga-tanga ka! Di-ba-ilang-ulit-ko-nang-sinabi-sayo…!” at kinaladkad siya ng asawa ng kanyang kuya. Hila-hila ang kanyang patilya. Wala siyang ginawa kundi ang magpatianod kung hindi lang sa matinding kirot. Huminto sila sa isang kabinet na yari sa isang matibay na kahoy. Hinawi ang laman niyon at pagdaka’y itinulak siya papasok sa loob. Nauntog pa sa bandang sintido nang bigla siyang sipain. Nang tuluyan siyang mabuwal, ikinandado ang pinto ng kabinet. Palahaw ang kanyang pag-iyak, nalalasahan ang pagtulo ng sariling sipon, pawisan. Masikip at mainit at madilim,

“A-ayaw! Ateeee!!” Sa pagitan ng daigdig ng kahon na iyon , walang nakaririnig sa kanya. Walang nakaiintindi ng kanyang boses kahit na may boses siya.
  
            Basa na nang luha ang kanyang mukha, tuluyan nang dumaloy ang likidong hindi inaasahang magdaraan. Nangingiig ang palad nang dinakot niya ang lahat ng tableta sa sahig at mabilis na initsa sa kinaroroonan ng takip.

At napangiti siya.
Pumasok sa loob ng takip ang isa sa maraming tabletang iyon. Agad siyang napatayo at tinungo ang takip. Nandoon ang isang tabletang ipinasok niya. Pupulutin niya na ito nang bigla siyang napahinto, natigilan… Sa sahig nakita niya ang isang puting unan.

“N-naa. A-aaah! Nanaaa!” at niyakap niya nang pagkahigpit-higpit ang unan. Tumatangis at waring wala nang kasing pait ang kanyang naramdaman sa unan na natagpuan sa sahig. “Aaaah. Nanaaa!”

Bumukas ang pinto.

Galit na galit ang isang babaeng nakaputi. Halos nagkakasalubong ang kilay at wari’y umuusok ang ilong. Masama ang tingin nito kay shiela.

“Walang hiya ka talaga! Hindi ka ba magtatanda!” At walang ano-ano’y sinabunutan niya ito, mahigpit na hinawakan sa buhok at iniuntog sa pader.

“Sinasayang mo ang gamot mo?! Sige! nang wala ka nang maiinom pa!”

 Dinampot nito ang ilang nagkalat na tableta at walang habas na ipinasak sa bibig ni Sheila. Halos maduwal ito sa biglang pagkapuno ng bibig. Tinakpan ng babae ang bunganga ng pinagagalitan. Madiin at marahas na pagtakip sa bibig ng kaharap. Kung hindi pa tumirik ang mata’t bumula ang bibig ng bata’y hindi pa niya sana ito titigilan.

ISANG PANGAKO SA WAITING SHED

ISANG PANGAKO SA WAITING SHED
(Kwento)

That's the beauty of above ground tomb here in the Philippines...
Kalahating oras na akong nakaupo sa waiting shed. Nag-aabang ng dyip habang nagtetext sa kaibigan. Nakakainip maghintay ng masasakyan, lalo na kung hindi mo alam kung sasakay ka talaga. “kelan lang ay nag-alay ako ng bulaklak sa puntod ni Rhiza,” sabi ng katabi ko. Ewan, kung ako ang kausap niya. Pero sakin siya nakaharap. Dalawa lang kami sa upuan na ‘yon sa waiting shed.
“kay laki ng pinagbago ng lugar. Wala na iyong puno sa harap ng puntod. Iyon lang sana ang nagsisilbing payong ni Rhiza sa mga oras na tirik na tirik ang araw. Duhat ‘yon. Puno ng Duhat na sa tuwing dadalaw ako’y walang bunga. Di ko alam kung nagkakataon lang o baka nakararamdam rin ang punong iyon ng panganib na dulot ng aking pagbisita. Wala na rin nga yung nilagay kong palatandaan sa lugar. Tinanggal na siguro ng bagong bantay sa mga puntod.
Ngayon sigurado na akong ako nga ang kausap niya. Nakalimutan ko ng magpapara pala‘ko ng jeep. Nakakapraning si manong e, lakas trip… di muna ko sasakay.
 “Masisisi ba nila ‘ko kung hanapin ko sa kanila yung bandanang dilaw, doon sa rehas ng bakod. Na siyang palatandaan na katapat niyon ay ang kinalalagyan ni Rhiza. Tinanong ko lang ang Guwardiya. Sabi nilang hindi nila alam. Hindi nila alam at wala silang pakialam… pero hindi pwedeng hindi nila alam. pakiusap!! pakiusap!! ang paulit-ulit kong sabi sa kanila. At hindi ako tumigil kahit na dumudugo na ang noo ko nang mahampas sakin ang baril ng isa. Lumuhod ako sa harap nila… pakiusap kong walang tigil”
Wow! Daig pa ni manong si Lea Salongga sa Cinderella, sa isip-isip ko. Ang bilis magpalit ng damit ni Manong. Siguro dating Artista sa teatro. Characterized ‘yung dialog… “Pasalamat ko ng malaki nang ipakita ng bantay ang dilaw kong bandana. S-si Rhiza. Nasaan na po si Rhiza?!” pinatayo ako ng guwardiya at itinuro niya ang banda roon. Hindi ko maulinigan, at madilim ang hapong iyon. Wala akong makita. Tinungo ko ang banda roon. Gagap ko sa isip ang lapidang may ukit na pangalan ni Rhiza.
Ang hanay ng ataul ay hindi ko nilaktawan sa paghanap kay Rhiza. Wala akong Makita! Wala na ang harang na pumapagitan dati sa puntod ng mahal kong si Rhiza. Saan nga ba? Saan po ba? Muli kong pakiusap at sinabayan ko ng pag-uyog sa manggas ng unipormeng kaki ng bantay. Ngunit di ko maunawaan kung bakit nila ipinagkakait ang madalaw ko ang puntod ni Rhiza. Kahit ang puntod lamang niya… ang banda roon, ay mga sako lang naman na may kung anong laman. Itinuro ng gwardiya na tanggalin ko sa pagkakasara ang isa sa mga sako.
At nakita ko ang aking anak. Rhiza?… Rhiza, ikaw nga! Kamusta na ang anak ko… ang maganda kong anak… Rhiza! Rhiza…”
OA sa emote si manong. Para siyang may kargang hangin. Inuuyog. Idinuduyan ng bisig. Parang baliw. Parang may sapak. Gusto kong makisakay sa trip ni Manong. Kaya, hinipo ko ang ulo ng karga niya. Malamig ang hanging para kong tangang hinaplos. Oo nga… at maganda si Rhiza nang makita ko siya sa aking isip. Pero si manong, nagulat ako nang siya ay napahinto. Sabay titig sa akin. Nagulat ako sa pinukol niyang tingin. Nakita ko ang nanlalaki niyang mata, walang tinag na nakatitig sa akin. Agad akong kinabahan, pero ngumiti siya pagdaka at tumakbo nang mabilis… papalayo. Na walang lingon-lingon sa kanan o sa kaliwa… maliwanag kong nakita ang masaya niyang pagtakbo bago siya tuluyang matumba. Humagis pang parang papel nang masagi siya ng isang malaking bus. Bigla akong napatayo sa’king kinauupuan sa lilim ng waiting shed.

May bakas ng pulang likido ang salamin ng bus.

Napasigaw ang ilang nakasaksi. Ang tingin ng lahat ay sa taong nakahiga… habang tikom ang bibig kong tila nangatal sa pagkabigla. Si Manong… Napalunok ako ng hangin at hindi parin makapaniwala. Nakita kong ngumiti siya sa akin bago tuluyang mapapikit. Ang ngiti ni Manong… parang sinasabi sa aking alagaan ko si Rhiza. Napatingin ako sa langit. Bughaw ang ulap. Alam kong mahal na mahal niya ang kanyang anak. Malinaw kong nakitang kumapit sa kamay ko si Rhiza at lumuluha pang nagpapaalam sa kanyang ama –si Manong. Napaluha ako. Pagdaka’y bumulong ngunit matapat na pangakong nagmumula sa’king puso. Mabagal kong sinabi ang mga kataga… Aalagaan ko si Rhiza. Pangako, aalagaan ko siya. 

NUCLEUS (Looking back to alaala)

NUCLEUS (Looking back to alaala)
(Kwento)

Binuklat ko ang dating diaryng inaamag na sa sulok ng kabinet ko. iyon yung binayaran namin ng 60pesos kay Mam. Corazon bilang project namin sa VALUES. Binili namin 'yon ng wala pang design. yung pang project talaga na ikaw mismo ang bubuo, magdedesign.
kumpleto ang materials: isang mini diary book (dedesignnan), may mga maliliit na butones, durog na marmol, pinulbos na ascobar, glitters (na mahirap tanggalin sa mata), at isang plastik ng malagkit na glue -na mabaho (yung pangdesign).
sa iyong artistry, sa kung anong design mo gusto, sa mahika ng krieytibiti mo ibabase ni Mam yung makukuha mong grade. no count kung pinag-ipunan mo man ang ipinambayad mo o niluhuran ng katakot takot sa magulang ang 80pesos na pambayad ng nasabing project. (yung bente para sa pagod) pero ang sabi ni Mam, basta't walang design, wala ring grade... as is.
ang gusto ni mam, may malawak na emahinasyon, may effort talaga, yung makulay, yung ginamitan daw ng utak at puso (yung gamitan ng utak pwede pa, pero pag gamit sa puso. parang malabo) highblood kaya tatay  ko. na namana ko pa bago siya mamatay.
malawak kasi ang emahinasyon ni mam -madalas siyang magkwento ng kababalaghan tungkol sa iskul namin (oo't marami kaming nauto niya) kung idedescribe: madalas siyang nakabestida, yung medyo may kaluwangan -na hindi masasabing mataba siya. dahil tago ang nag-aalugang mga beltbags (bilbils) sa loob ng damit. hindi naman masyadong mataba si mam. (medyo chuby lang konti ang pagka-chubbiness) tapos parang pilit pinaliliit ang leeg sa kanyang suot na kwintas (oo nga naman, napapansin kasi ng mata -yung mga bagay na makintab o kumikinang, nakalagay man yun sa putik o tae ng kalabaw) na kung pumupulupot yung kwentas sa kanyang leeg ay para siyang ginagaroteng inahing baboy sa paraang pagsakal ng lubid pero walang talab (kasi hindi makabaon) sa halos lumuluwang taba ng buong katawan (yung balakang ko hita niya lang)
naninilaw madalas si mam sa suot niyang gintong alahas: hikaw, singsing, pulseras, relos at kwintas. walang dudang ginto ang mga 'yon. -mayaman kasi si maam. siya lang ang alam kong may pinakamagarang kotse na nakapark sa tapat ng covered court ng eskwelahan namin na hindi naman sadyang ginawa bilang parking lot. ewan ko kung galing sa mayamang pamilya si mam. o galing sa pamilyang mayaman ang yaman ni mam. (baka  nakapamikot ng Rich -na bulag) o kaya, maaaring galing sa hirap at pagod ni mam ang kanyang yaman ngayon mula sa ilang taong pagiging guro; pinag-iisipan pa lang daw ng mga magulang ko na buuin ako e, nagtuturo na siya - ibig sabihin (napakaraming estudyante ang hindi agad grumadweyt, dahil sa kanya) si mam ay isang masipag at matipid na guro (sa tipid niya nabawasan ang paborito niyang pampalipas ng oras -ang pagkaing hindi na limang beses sa isang araw -4 1/2 na lang).
sa katipiran niya: malamang inipon niya lahat ang mga nakolekta sa mga sobrang class fund (may hinala akong hindi talaga alamat ang pagkawala ng class fund namin), naitatabi niya lahat ang mga gamit ng Bond paper, mga papel, written report, mga test paper at paper profile ng kanyang nagiging estudyante. syempre sa tagal niyang nagturo -malamang nakaipon siya ng ilang truck ng mga papel, o ilang bodega, o isang planetang puno ng papel. tiba-tiba siya sa halaga nun oras na maipatimbang na sa junkshops. o kung tutuusin maaari siyang magpatayo ng ng ilang pabrika ng mga recycled paper- yung mga luma't gamit ng papel ay gagawing bago uli, o kaya pabrika ng Artworks, Displays-Handicrafts na mula sa naipon niyang papel... dahil may malawak na imahinasyon nga si mam, hindi na siya siguro nahirapan sa pagdedesign. malamang ring yumaman siya dahil sa pagpapaclearance ng mga estudyante. (lagot ang mga incomplete)
Sa dami ng mga hinihinging requirements para sa mahirap at nakakapagod na gawaing pagpirma sa clearance sheets ng mga masisipag nilang mag-aaral… bawat estudyanteng magpapapirma ay magbibigay ng basahan , bunot at floorwax o folder at manila paper… syempre mas malaking halaga kapag nabenta na ito. Walang puhunang nilabas (maliban sa ilang pawis at dugong pumatak sa mahirap at nakakapagod niyang pagpirma) at grabe ang kita. Pero tiyak mas ikakayaman ni Mam ang kumbinasyon ng lahat ng ito; sabi ng ilang mga naging guro ko hindi ka raw yayaman sa pagiging titser. Ganun? Siguro nga , lalo na sa panahon ngayong machine base na ang eleksyon. (since 2010). Mawawala na siguro sa mga phonebook nina mam sila palakaibigang Politiko.

Marumi na ang balot ng diary book ko. Sira na rin yung Design (kung design man Ć½on) na talagang pinagkapuyatan kong pagandahin (at sa tingin koĆ½ pinakamaganda na Ć½on sa lahat ng mga proyekto kong in-Overnight din)
Karamihan sa mga klasmeyt ko ginawa nilang Autograph Book o Dedication book Ć½ong Diary Book nila. Dahil sa last month na namin sa highschool noon –tinuring na naming last message yun sa isa’t isa “mi ultimo aDios…” ang tema. Gumaya rin ako. Kainggit naman kung hindi gagaya sa mga nauna nang nainggit na gumaya rin sa iba… pinasulat ko sila, pinasulat nila ‘ko. Nagsulatan kami ng mga last message namin sa isa’t isa. Naaalala ko pa kung ano yung mga sinulat ko sa mga Diary con Autograph nila. Ɲung mga salitang hindi ko akalaing isusulat/maisusulat sa mga ganoong pagkakataon, na may ganitong konotasyon:
Insert:
The Counted Bliss…

The shadow of days shed the yells
The moonlight covers the wounded dreams
The blissful bonds built my fears
Of longing in days of unceaseless hails

The river will flood the passageway
A path of past by the river of years
So hold the torch with fire this day
To burn the look warm cheery play

But before the night destroy our feast
I’ll bondage the scars of ours to heal
I’ll vomit all my unchewed will
To bring back the smile to seal

And I’ll calmly wait to the counted bliss
My inkless mind longs these places
I knew it brings luck not untraced
With tears of parting yet undigested

At ilang pangyayaring hinihingan ng hindi paglimot kundi ang pagsariwa sa nakaraan. Ilang mga larawan na nabubuhay sa loob ng apat na sulok ng kwadrado ng ating isipan, na patuloy na hihitik, mamumunga at uugat sa ating pagkatao, ng ating pagiging tao. Mga larawan ng kasalukuyang pangmumuni patungo sa nagdaang mga araw –ang larawan ng nakaraang kahapon, ang mga alaala ng noon, ng nilimot ng panahon…

Binasa ko uli Ć½ung mga nakasulat sa inaamag ko ng Diary Book sa sulok ng kabinet –yung mga last message ng mga naging kaklase ko… na hindi ko lang naging mga kaklase–kundi naging kaibigan ko pa: na kahit isang taon ko lang sila naging kaklase sa loob ng masikip na silid –na walang bentilador (kundi butas na mga salamin ng bintana ang lagusan ng hangin, ay parang kilala na nila ko, nakakatawa, /nakatutuwa ka!, ayus ka!, mabait ka!... mga ganitong pagkilala. Parang kilala? Parang lang. hindi pa kasi nila ko talagang kilala. Yung kilalang kilala. Sabi nila ang makakakilala lang ng tunay na ikaw ay ikaw mismo. ...pero parang malabo pa Ć½on ngayon, kasi yung ako mismo na kikilala sa tunay na ako e, hindi parin kilala ang tunay na siya. Parang...naghahanapan. parehas missing Identity. Yung hindi pa alam kung sino siyang talaga. Iyong totoong siya. Parehas naghahanapan ng tunay na pagkatao. Ɲung totoong tao:
Naghanap sila sa bundok ng basura, sa sta. Mesa, sa malaria, sa amparo, sa baguio, sa tala, sa balara, sa pasay, sa laguna, sa mga mall… pero Wala ?!
Binungkal nila ang lupa, binutasan ang daigdig, nakita ang mantle layer, pati yung core… nabutas ang ibabaw at ilalim ng daigdig –parang earth axis na pagkakabutas… Pero Wala ?!
Hinanap sa kung saan, gumawa ng Space Rocket… at itinali sa sarili yung Space Rocket, (o sarili ang itinali sa Space Rocket ) …naghanap sa Space, bagamat pinabagal dahil sa Gravity… Pero Wala?!
Tapos bumalik uli sa umpisa, parang isang mahabang Koro ng kanta. Tapos, magfe-fade after instrumental habang patuloy na naghahanap… walang sinasayang na oras sa pagsasayang ng ilang pilas ng mga papel, patuloy na naghahanap –di tumitigil hanggang may mapala. Bumigkas ng Quotes, “wala pa naman ang wakas, ngayon palang ang simula.“

The Farting Time

The Farting Time
(Kwento)

Nipa hut at the pool side/interior/umaga

Sa gilid ng pool, sa loob ng kubbol, sa mesang may laman ng iba’t ibang chitchiria at tatlong Bottled Drinks na ang laman ay “The Bar” at Nestea Juice na ipinagbabawal ng Resort sa mga Minor De edad na dahil may pinanghahawakan silang kasabihang “Masarap ang Bawal”! ay hindi nila iintindihin ang Regulasyong ito!
Mga ilang Segundo lang ang nakalilipas ay mangangalahati na ang isang Bottled Drinks. Maya-maya pa ay tila biglang magugunaw ang mundo dahil sa lakas ng pagsabog na ‘yon. Walang tunog pero malakas ang epekto! At mapapatakip ng ilong ang lahat.

Galileo: (pasigaw) Takte! Ambaho tal’ga!!!
(ito yung unang nagtakip ng ilong)

Jasper Kepler: Sinu ba yun?! Aroma de put@! Parang binurong daga ng ilang libong Years!
(Magkakatinginan ang lahat, may magpapaypay ng kamay sa hangin, sa tapat ng ilong, at magsisi-ilingan ng pagtanggi!)

Ienstein: ka bastos naman, parang walang Good Manners and Right Conductivity!
(kukunot ang noo ng karamihan, mapapaisip tuloy yung walang gaanong isip!)

Sigmund: (kay Ienstein) Anung Conductivity?! Teoryang Eng-Eng ka lagi noh! Ganyan ba ang epekto sayo ng Gatsby Wax! Good Manners and Right Conducts Yun, Bugok!!!
(maririnig sa paligid ang malakas na tawa ng karamihan, mapapatingin ang ilang naliligo sa pool sa kanilang pwesto!)

Ienstein: Tange! Conductivity, yung Transmission of heat through a solid by body… yun bang passing energy mula sa isang particle patungo sa isa pang particle! Ibig sabihin, wala sa tamang transmission yung utot ng kung sinuman sa lugar ng pinatunguhan! Right Conductivity. Haler! Nursery pa lang ako itinuro na ‘to!
(biglang lalakas ang hiyawan at palakpakan ng mga nakapalibot, isang mabilis na lipat ng camera kay Sigmund na mahuhuling nagpupunas ng tissue sa kanyang ilong na nagno-nose bleed)

Franklin: (magkakamot ng ulo) WoW! Nose blood!

Sigmund: (HABANG NAKANGISI) Tsk! Fetus ka pa lang alam ko na ‘yan! Talagang dapat ay nasa tamang lugar tayo bago umut…(mapuputol ang sasabihin niya dahil biglang eeksena ang Cellphone ni Galileo na may True tone na EENIE MEENIE ni justin bieber, at mafofucos ang Camera kay Galileo)

Galileo: (nagtaas ng kamay) P're, Back-out muna! May tawag ako e,
(sabay sibat na hawak sa kanang kamay ang CP habang ang kaliwang kamay ay nakatakip sa puwet)
Jasper Kepler: Unlimited Call ha! Call of Nature kamo! Pwe!
(tawanan ang lahat maliban kay Marry jury na kasalukuyang binabanatan ang pulutang Junkfoods sa mesa)

MJ: kaya pala kanina pa Ambaho, nagpipigil lang si Gagolei! Paano kasi katabi si Antonnete! (sabay siko sa katabing kasalukuyang nagsasalin ng Chaiser)

Taumbayan: Uuyiee! (nagduet ang lahat. Duet ba ‘yon o koryo? Basta, nagkaisa silang tuksuhin ang HotDiva ng Grupo)

MJ: teka, Teka?! Umamin ka samin, Naka First-Base na noh? (lilipat ang camera kay Antonnete na magmemake-face pero walang anumang emosyon)

Taumbayan: UuyiieE! (mas malakas na tuksuhan ulit sabay tawanan yung iba, maliban kay Nina dahil Hagalpak ang sa kanya. Tawang walang bukas)

Antonnete: Guys! Please Stop Connecting me with that yucky Guy! (habang nagsasalin uli ng Chaiser at The Bar sa Plastik Cup) I have my Taste! And He is not my Type of person, owkey! (paliwanag niya with matching nguso at wiggling of head)

Eistein: OWS?! (hirit niyang parang hinuhuli ang dapat mahuli)

Antonnete: So don’t believe if you don’t! If I know Nagseselos ka lang!

Taumbayan: BuUH!!! (Lights spread-out) tawanan lang ang maririnig! At syempre mahuhulaan nating ang huling boses na malakas paring humahagalpak ay kay Nina!)

end

Huwebes, Oktubre 1, 2020

J-PEPA o kung mabilis napatupad ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement

 J-PEPA o kung mabilis napatupad ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement



Ilang ulit nagkislapan ang mga ilaw sa loob ng silid na iyon. Nahinto saglit ang mga nakaputing kamisetang pang-mag-aaral ng medisina, sa kanilang pag-eeksperimento sa pinag-aaralang bangkay. Nagsigalawan ang mga larawan sa dingding, nanginginig; Mga larawan ng medicinal arts, maliban sa pinakatatanging larawan ng isang Geisha na may nakatitik na Haiku; Ang mga kasangkapan sa lamesa: Istetoskopyo, sphygmomanometer,maykroskopyo at iba't ibang gamit –mga instrumentong pangmanggagamot. Naman ay palakas nang palakas ang panginginig ng buong silid, nagsipagbagsakan, at nangagbasagan. Lahat ay nakikisabay sa panginginig ng paligid.

"Hold on! Don't panic! please don’t panic!" paulit-ulit na sambit ng matabang babaeng nakaputing kasuotang pangmanggagamot, at sinundan ng wikang hindi maintindihan ni Dhea. Naiintindihan niya kung ano ang nagyayari. Itong sinasabi lang ng haponesang instruktor na nagwika ng kanyang linggwahe ang hindi niya naintindihan.

Nang maintindihan niyang kailangan niyang gumalaw sa kinatatayuan dahil kung hindi'y babagsakan siya ng mga tipak ng bato, mula sa mabilis na nagkakalamat na kisame at pader, ay agad sumilong siya sa ilalim ng lamesa, gaya ng ginawa rin ng kanyang kamag-aaral.

   

Naiintindihan niya iyon. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman. Kung bakit hindi siya makadama ng kung anumang kabang dapat maramdaman sa ganoong sitwasyon.

Hindi ito gaya noong hindi niya maintindihan ang sarili nang magdalawang-isip pang tanggapin ang alok sa kanyang libreng paaral sa ibang bansa. Para sa iba, malaking pribelehiyo ang inaalok sa gaya niyang may pangarap makapagtapos ng kolehiyo. Lalo't ang nais niyang pagnu-Nursing. Nais niya ito para sa kanyang ina. Pangarap talaga ng kanyang ina ang makatapos ng Nursing noong dalaga pa ito o maging sa kasalukuyan, lamang sa hindi inaasahang pagbubuntis, hindi nakatapos  ng sekondarya nang magalaw ito ng naging tatay niya ngayon -isang gabing pista sa Brgy. 185, lungsod Kalookan. Kaya mula noon, ang pangarap ng ina ay naisapinta na lang sa langit, sa kawalan. Na nakakamit at nahahawakan ng kanyang ina tuwing mamimintana ito, tuwing mapatatanaw sa kalangitan.

Kaya ninais ni Dhea ang mag-Nursing, nang tuparin  niya ang pangarap ng ina. Ang kanyang ina na nagtitinda ng lugaw sa umaga at naglalabada sa hapon; at isa ring dahilan ang makalayo sa paningin ng kanyang amang nagsusugal sa umaga at lasing naman sa hapon. Gayundin  nang patuloy niyang mapag-aral ang tatlong nakababatang kapatid. Hanggang kolehiyo rin sana. Nang magkaroon ng magandang buhay, ng mariwasang buhay.


Kaya noong maswerteng napili ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)ang kanyang ipinasang aplikasyon na para sa libreng paaral ng Nursing, para sa ipapadala sa Japan, waring nagbukas ang bintana ng langit para kay Dhea. Higit na ngang nakatulong ang kalahating porsyentong diskwentro ng Tuiton Fee sa paaralang pinapasukan, siya pa ang napili, mula sa ilang libong mag-aaral na nag-aaplay sa programang naisip ng pamahalaan. Napili siya bilang isa sa ipapadalang estudyanteng mag-aaral ng Nursing sa bansa ng mga Hapon. Libre ang buong pag-aaral, may allowance pa at sa pandinig ng malakolonyal na pag-iisip ng mga Pilipino -abroad kaya iyon.

Nang malaman niyang napili siya, agad niyang nadama ang kakaibang kaba. Maraming kaisipan ang nagtalo sa kanyang isip: Unang beses na makasasakay ng eruplano -kinakabahan siya; Makaaalis sa sinilangang isinusumpang barung barong -kinakabahan siya; Magdesisyon kung tatanggapin ba niya ang alok, kahit kusa siyang nag-aplay  -kinakabahan siya; Ang iwan ang ina sa pangangalaga ng masong kamay ng kanyang ama. Dangang paulit-ulit nahahampas sa pader ang mukha ng ina. Ang kamaong kinatatakutan niya na nasubukan niya noong pigilan, tanggalin sa pagkakasabunot sa buhok ng ina. " Tama na po 'tay, tumigil na po kayo!" ang awat niya hanggang sa natumba siya sa biglang pagkasampal sa kanya ng ama. Naumpog pa ang ulo sa bangkitong kahoy nang siya'y nasipa at bumalibag sa dakong pinaglalabahan ng kanyang ina, ngunit hindi niya ininda. Hindi niya na kayang atimin ang walang habas na pambubuntal nito. Sa tuwing makikita ni Dhea ang paghampas ng mukha ng ina sa pader. Agad ang pag-agos ng luha sa mga mata, ang dugo sa natamong galos,sugat, biyak na nguso, katawang puros pasa at ang labis na kapayatan ng ina. Tatakbo siya upang dumamay. May bigay kapanatagan sa matinding sakit, hirap, kirot at hapdi...

Lahat ng ito, dahil sa kanyang ama. Sa masong kamay  ng  ama na minsan nang dumapo sa kinaiingatang balat. Alam niya, nang minsang kahimbingan ng pagtulog  ay naramdaman niyang may gumagapang na kung ano sa kanyang katawan, gumagapang sa kanyang hita, sa kanyang dibdib, hanggang sa kanyang pag-aari. Napabalikwas siya.Dali-daling napabangon, madilim ang paligid.Wala nang sindi ang gasera. Mahimbing namang nakahiga ang kanyang mga kapatid  at kanyang ama na nakayakap sa kanyang ina. Palibhasa para silang Tinapa o sardinas sa pwestong iyon, siksikan. Hilerang nakahiga sa sahig  na nilatagan lang ng karton at butas-butas na banig. Nananaginip ba siya?Alam niya ang kamay ng kanyang ama: mabigat, magaspang.Walang dudang haplos nga iyon ng isang demonyo, naisip niya. Buong magdamag siyang gising, hindi na makabalik sa pagtulog. Hanggang sa maisipan niyang pumunta sa kusina. Kinuha ang matalas na kutsilyo. Pulido ang talim pagkat bagong hasa.Binalak niya -ngunit kinakabahan siya.


Ilang araw bago ang pinal na desisyon sa kanyang pag-alis, nabasag ang palayok niyang tangan na biglang nabitiwan noong minsang magsaing. Natapon sa sahig ang kakarampot na butil ng bigas nang makita niyang bumagsak sa sahig ang bunsong kapatid. Kasabay ng paggulong ng boteng may laman ng likidong gamit na paningas ng kahoy na panluto. Bumubula ang bibig at nangingisay ang kapatid niyang bunso. Dali-daling isinugod ito sa ospital ng kanyang paaralan. May kilala siyang Doktor doon. Ang Doktor na naging profesor niya sa isang asignatura. Ito ang Doktor na binigyan niya ng sulat  na pinagkapuyatan noong isang gabing hindi siya makatulog sa gitna ng pagdedesisyon kung dapat ba siyang umalis. Isang sulat ng pamamaalam para sa kanyang nararamdaman. Nakalagay rin sa sulat ang kanyang pagtatapat ng hindi niya masabi-sabi noon pa dahil sa labis na kaba at takot. Dalawang lihim na matagal na ring itinago: Una, ang sabihing nagbunga noon ang kanilang ginawa; Ikalawa: ang nagawa niyang pagpapalaglag sa kanyang dinadala.


Lumapit ang Doktor. Napansin ni Dhea na nag-iba na ang dating kislap sa mga mata na madalas ipukol ng Doktor sa kanya noon. Nakainom ng gaas ang kanyang kapatid, paliwag ng Doktor.“Mabuti’t naagapan at nalapatan mo ng paunang lunas Ms. Hedhedia. Ayos na siya ngayon…” dugtong ng doctor pero hindi rumirehistro sa pang-unawa niya ang mga sinasabi nito. Palibhasa’y may ibang katanungang nahahabi  sa kanyang isip. Pipigilan mo ba ako?Nais niyang itanong.Kahibangan.Pipigilan? Natahi niya na noon ang konklusyon na lahat ay haraya. Isang ilusyon. Isang matamis na ilusyon...


May iniabot ang Doktor –reseta ng gamot na dapat ipainom sa kapatid subalit makailang saglit siyang napatanga. Hindi niya magawang makuha ang pilas ng papel. Hindi dahil sa wala naman siyang sapat na salapi para bilihin ang anumang gamut na nakasulat doon (o hindi lang iyon) kundi dahil may iba siyang nais makuha, na ibigay ng Doktor. Humakbang siya papalapit dito.At muli niyang natikman ang gayong pakiramdam.Mariing pagkasiil ng halik. Gaya noong unang pagkakataon na isip lang ang nagpapagana sa indayog ng emosyon. Sa emosyon ng indayog. Sa malagkit na libog ng Doktor na may hawak noon ng kanyang pagkapasa sa asignatura. Subalit nang malaon ay kinasabikan ng mga labi, ilang beses hinanap-hanap ng kanyang pagkatao ang ibayong pakiramdam.

Lumapat ang palad ng Doktor sa kanyang pisngi. Agad na pamumula, na nagbunga ng biglang pagkapinid ng matamis na sandaling ito para kay Dhea. Sa pagkabigla, hindi niya malaman ang dapat gawin o sabihin. At gayun nga, tumakbo siyang lumuluha, papalabas ng ospital na iyon ng Santo Agustinong matatagpuan sa Maynila.


Noon din, inimpake niya ang dadalhing damit, ang lalamanin ng kanyang bagahe.

“nababasa na ‘yang mga damit mo ‘te” lumapit ang kanyang kapatid na lalaki. Hawak niya noon ang puting kasuotang pang-Nursing. Pinahid ang nangingilid na likido sa mga mata.

Bigla itong yumakap sa kanya, “kelan ka po aalis?” ani nito.

Wari namang sinakmal siya ng kirot sa tanong ng kapatid at ang simbuyo ng damdamin ay tumupok sa mabigat niyang nararamdaman.

“Magpakabait ka Intoy, tutulungan mo si inang, ha!” at ginantihan niya ng mas mahigpit pang yakap ang kanyang kapatid na wala na ring patid sa pag-iyak.

“Opo ate. Gagawin ko”

Bukas din ay magpapaalam siya sa lahat ng malapit sa kanya, sa lahat ng kakilala. Mag-aaral siya sa Japan. Dala ang pangarap na makapagsuot ng puting kasuotan. Matawag na isang Professional Registered Nurse, makapaglingkod sa mga tao –iyon lamang ay sa ibang bansa rin. Ayos lang, masikip na rin naman ang mga ospital sa Pilipinas. Mabuti nga’t naisipan ng Gobyerno ang ganitong proyekto? Pagkat alam ni Dhea na halos wala na rin naming mapapasukan ang libu-libong nagtatapos ng Nursing sa iba’t ibang paaralan ng bansa,  pribado man o pampubliko. Oo, nga’t malaki rin ang mundo ng Call Center, malaki ang sahod para sa pamantayan ng mga Pilipinong nasanay sa sobrang babang pasahod ng isang partikular na kumpanya. Kaysa naman matapos na pagkagastusan ang pag-aaral ay matitingga lang sa bahay pagkat wala pang trabahong angkop sa kanilang kursong kinukuha.

                Kaya aalis si Dhea. Buo na ang kanyang Desisyong mag-aral sa bansang Japan. Para sa wakas matupad ang pangarap na magkaroon ng magandang trabaho.

Bahagdan ng rason sa ginawang desisyon:

80% - libre ang pag-aaral.Hindi na mahihirapan ang magulang.

10% - Siguradong makakapagtrabaho pagkagradweyt (sa Japan nga lamang)

5%  - susog ng kakilala

2% - Abroad kaya iyon (state sites)

2% - Mainit (at magulo) sa Pilipinas

1% - Totally Broken Hearted


Nalalaglag ang talulot ng Cherry blossom nang dumating siya sa bansang iyon. Marami ang bago na dapat niyang kasanayan; bagong kultura, bagong temperatura, bagong buhay, bagong pakikisalamuha sa mga taong may estrangherong linggwahe sa kanyang pandinig. Kakaibang pakiramdam sa biglaang mga bago sa kanyang buhay.


Isang lumang araw sa loob ng silid-aralan habang tangan ang estetoskopyo, sa harap ng isang pinag-aaralang bangkay –noo’y nailagak ito nang nag-aagaw buhay, ngunit nang wala nang naisustento ang pamilya para sa mintina ng gamutan ay pinabayaan na.  iniwan at hindi na binalikan. Kaya’t naging specimen ng mga nag-aaral ng panggagamot nang bawian tuluyan ng buhay.

Nang mga sandaling iyon, may kakaiba siyang nararamdaman. May kaisipang kumakatok sa pinto ng kanyang isipan habang pinagmamasdan ang hubad na bangkay sa kanyang harapan. Nagsasalita naman ang matabang singkit na babae pero hindi niya ito masyadong maunawaan. May ibang boses siyang naririnig, nakakakiliti ang tunog na iyon sa kanyang isip –ang halinghing ng mga Oh at Ahh na sinasamahan pa ng paglangitngit ng kama; marahas na kalikot sa kanyang kabuuan na nagpapataas ng kanyang balahibo. Ang indayog ng mabagal na orasan sa piling ng lalaking itinatangi ng kanyang pagkababae. Naroon pa nga at gumuguhit sa pisara ang tagpong iyon sa kanyang balintataw. Ngunit biglang naging literal ang indayog. Ang indayog ng tagpong ito ay waring lumilikha ng panginginig ng puting pisara, sa kanilang harap. Kasunod namang nagsigalawan ang mga kagamitang pang medisina sa lamesa. Nanginginig ang mga larawan sa dingding: mga medisinal arts at ang larawan ng isang Geisha na nakasuot ng estetoskopyo at may nakasulat na tula sa gilid nito. Nagpahigpit ang kapit ng mga nasa loob. Nagsitilian.Palahaw ng kaba at takot. Hindi malaman kung saan pupunta ang ilan. Sumasabay ang buong katawan sa panginginig ng mga bagay-bagay. Nama’y palakas ng palakas ang panginginig ng buong silid. Nagsisipagbagsakan ang mga bagay na maaaring bumagsak at ang lahat ay nakikisabay sa matinding panginginig ng paligid. Sumilong sila sa ilalim ng mga mesa.  Makasaglit na nagpatay-sindi naman ang mga fluorescent sa dingding na mabilis na nagkakalamat, bumibitak. At nagsipagbagsakan na ngang tuluyan ang mga bahagi ng pader. Ganun-ganun lang nang nawalan ng malay-tao ang mga nailibing nang buhay.


Nagpanting sa tenga ng Pilipinas ang balitang 7.3 magnitutong lindol ang yumanig sa hilagang-silangan ng Tokyo, Japan at kasabay ng Tsunaming  lumamon sa milyun-milyong ari-arian, libu-libong tao at daan-daang kabahayan, pasilidad at mga gusali. Kumalat ang balita sa mga telebisyon, onlayn balita, radio, at mga pahayagan. Matapos ay ang hindi magkandaugaga sa pakikipag-ugnayan ang bansa para alamin ang kalagayan, mabigyan ng tulong ang mga naroong OFW’s.

Sumabog pa ang balitang pagkakaroon ng tagas sa plantang nuclear ng Japan at nangamba naman sa maaaring apekto nito sa katawan ng mga Pilipinong konserbatibo sa kalinisan at kalusugan: nagsuot ng Gas Mask, maya’t mayang check-up sa personal na Doktor ay pahid dito, pahid doon ng mga kung anu-anong mga gamot na inirereseta ng mga hindi nananamantalang Doktor.


Sa kabilang banda, may isang batang busabos na naglalakad sa bundok ng basura, wala siyang alam sa delubyong naganap sa bansa ng mga hapon. Ang alam niya ay kailangan niyang makahanap ng maipanglalaman sa sikmurang malimit ang pagkalam. Nang mga sandaling iyon ng pagkakalkal ng basura ay napansin niya ang isang ibong pabulusok. Sinundan niya ng tingin kung saan babagsak ang ibong iyon na nahiwalay sa langaylangayan ng mga kauring ibong nagmula sa Japan. At doon, malaking ibon ang nakita niyang kakawag-kawag pa ang pakpak. Nanghihina ito kaya’t madaling nahuli ng bata.Kumuha siya ng tali at iginapos ang dalawang paa ng ibon. Masaya siyang bumalik sa kanilang barung-barong at at tuwang-tuwa itong ipapakita sa naabutan niyang iyang kasalukuyang naglalaba.

“Inay, me nahuli akong ibon,” aniya na hindi maalis ang pagkakangiti sa mukha. “may pagkain na po tayo nay”

“Intoy! Saan mo naman nakuha ‘yan?” agad tumayo ang ina at inihinto ang pagkukusot ng damit.

“hulog po ng langit. Nakita ko pong nalaglag mula sa langit e, me tumirador po ‘ata” aniya.

Matapos ay may sumilay na ngiti sa kanilang mukha. Niluto ang ibon sa dalawang putahe .prito at sinabawan. Mga ilang saglit lang, naging masarap ang hapunan ng pamilya ng batang iyon. Bihira silang makatikim ng anumang karne ng hayop. Kaya’t sarap na sarap sila. Nakadalawang plato ng kanin ang bunsong sakitin; ginanahan si Intoy na nakadalawa’t kalahating plato naman –nagpaunahan pa silang tatlong makaunang matapos; habang tuwang-tuwa namang pinagmamasdan ang maganang pagkain ang kanyang mga anak, nitong inang sarap na sarap na rin sa kinakain; at nagawa niya pang pagbukuran ng pagkain ang asawang batid niya ay mayamaya lang ay darating na rin at sa kanya ay maghahanap ng makakain.

Lumipas ang ilang saglit, matapos mabusog, dumighay at mabundat ang mga tiyan ay napakamot ng leeg ang batang si Intoy. Naramdaman niya ang labis na pangangati. Gayundin ang dalawang nakababata nitong kapatid at maging ang ina. Nangati ang lalamunan nilang lahat. Matinding pangangati na halos ikapigtal ng kanilang hininga. At ikawala ng kanilang ulirat.


Sa di kalayuan, pasuray-suray ang lalaking lasing. Malayo pa ay maririnig na ang pagsigaw nito sa pangalan ng asawa. At nang makauwi na nga at maabutan niyang nakahandusay sa sahig ang kanyang mag-iina sinipa-sipa niya ang katawan ng asawa. Sumisigaw ng pagtawag sa akala niyang walang anumang pagtulog ng mga taong iyon sa inuwiang bahay. Nang mapansing walang imik, ni anumang pagtugon ang mag-iinang nakahandusay sa sahig  ay nahimasmasan siya sa kalasingan. Napansin niya ring bumubula ang bibig ng kanyang tatlong anak. Bumaling siya sa asawa, tinampal-tampal ang mukha nang magising. Ngunit namutla siyang lalo nang tumirik ang mata nito.Noon din, wala siyang ibang maisip na magaling kundi ang sumigaw ng pagtulong. Niyakap nang pagkahigpit-higpit ang asawa.Luhaang niyapos ang mag-iina.


Marami ang nakarinig sa palahaw na sigaw ng lalaking lasenggo; marami ang lumapit para tingnan ang nangyari; marami ang nakiusyuso ngunit sa daming iyon, walang naglakas-loob tumulong para isugod ang mag-anak sa pinakamalapit na ospital. Wala ni isa.


Lihim na dinala ang buong mag-anak at kunwari pa'y nilagak sa ICU ng pambansang ospital. Wala nang balak isalba pa ang kanilang buhay, pero ilang mga linggong pag-aaralan ang kanilang mga labi sa laboratory ng pagamutan. Iuulat naman ng Doktor na hindi marunong magtago ng lihim, sa asawang lalaking wala paring patid sa pagtangis –na ang kanyang mag-anak ay na-Food Poisoned lamang, nalason dahil sa pagkain ngunit ginawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya, magagawa.Magmamakaawa ang lalaki.Ngunit iiling ng kawalang pag-asawa ang Doktor.Walang anu-ano’y tatakbo ang lalaki palabas ng pambansang ospital, tatangis, at sasairin ang luha hanggang sa kusa nang malimot niya ang lumbay at kusang tatawa, hahalakhakan niya ang lahat ng kaganapang sinasabi pang lubhang mapait, pagkapait-pait  gaya ng unang tikim sa nakalalasing na inumin. Tatawa siya bago tuluyang tatalon sa ituktok ng billboard na may litratong nakabikini na matatanaw sa kahabaan ng EDSA.Mabilis pa sa alas kuatro ay makikita na sa mga monitor ng telebisyon , may nag-uulat ng malagim  na kinasapitan ng lalaking hinihinalang baliw kaya tumalon sa Billboard na iyong matatanaw nga sa kahabaan ng matrapik na EDSA. At kasunod ang isang balitang ulat pangkalusugan - “walang dapat ikabahala…” paliwanag ng tagapagsalita ng DOH.Malayo tayong magkaroon ng Radiation exposure at hindi na makaaabot ito sa ating bansa.Walang dapat ikabahala –ang paliwanag ng tagapagsalita ng DOH. Kaya’t mag-aantanda ang mga Pilipinong konserbatibo sa kalinisan at kalusugan. Salamat sa Panginoon at wala ngang dapat ikabahala. Wala.Kahit na matagumpay na nailihim sa publiko ang test-result ng mga nasawi di umano sa Food Poison –na sa totoo lang ay dahil sa ibong kinakitaan ng high evidence of radiation exposure. walang dapat ikabahala –ang paulit-ulit na paliwanag ng tagapagsalita ng DOH. W

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...