SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Biyernes, Oktubre 2, 2020

TABLETA

TABLETA
(Kwento)

Pinahid nya ang nangingilid na likido sa kanyang mata at umayos ng pagkakaupo sa malambot na kama. Pagdaka’y dumakot ng isang tableta ng gamot, sinentro niya sa maliit na takip ng botelya ng gamot na kanyang hawak. Aasintahin niya ang takip na may tatlong dipa rin ang layo mula sa kanyang pwesto. Sa ganoong layo, mahirap din ang maipasok ang isa man.

Initsa nya ang unang tableta...

        Kanina nasa isip niya marahil ang ginhawang matatamo matapos na maisubo ang hawak na gamot, maaaring ang mabilis na paggaling o ang paghupa kaya ng iniindang sakit, ang kirot, hapdi o latay ng kapangahasan ng mga sandali ang naglalaro sa kanyang isip. Kaya't ibinuhos niya ang laman ng botelya at  napuno ang kanyang palad ng mga butil na gamot at dahan-dahan niyang inilapag ang walang lamang botelya. Tinitigan ang nasa kanyang kamay at napako ang tingin niya dito…

“Maglalaro tayo. Halika, huwag kang matakot! Di ba gusto mong maglaro tayo?!”         ipininid ng kanyang kuya ang pinto at sinigurado ang pagkasara.

“Ako ang tatay, ikaw daw ang nanay!” anito.

“Sige, matutulog na raw tayo” wala siyang pagtutol sa simula kahit marahas ang paggapang ng kamay sa pagkakalatag ng kanilang katawan. May bagyo sa kanyang isip, malakas ang pagbabadya ng hangin sa tanggulang katawan ng kanilang bahay-bahayan. Sa lakas ng hangin na waring kumakatok sa pininid na pintuan ngunit anong lakas niyang pagbuksan ang hangin ay wala rin pala siyang lakas na hindi ito papasukin. Ang kaya niya lang ng mga oras na iyon ay ang matakot, ang mangamba na baka malagot ang pundasyon. Nakatatakot ang panginginig ng haligi at ilang mga larawang nakasabit sa dingding dahil sa lakas ng bagyo sa kanyang isip. Malakas ang buhos ng ulan. Ang bagsak ng bawat patak na kasing laki ng sa kamao, kasing bigat ng sa yapak ng paa. A, mahapdi ang bagsak ng patak ng ulan. Halos maluha-luha ang bubong ngunit sa mahapding bagsak ng malakamaong ulan ay ano ang magagawa niya. Pipi ang bubong. Kahit na may bibig o kahit pa may boses…

             ...ngunit kapos ang kanyang inihagis. Hindi pumasok ang unang tableta sa takip na may tatlong dipa rin ang layo mula sa kanyang kinauupuan. Umiling-iling siya at ngumiti nang bahagya, nang patago na waring ikinahihiya sa kung sinumang makakakita ng kanyang kakarampot na ligaya na nagpapahiwatig rin  na ayos lamang ang mintis sa unang paghagis. Ang tagumpay ay malimit na nasa pangalawang subok o sa mga susunod na paghahagis.

Kaya’t dumakot siyang muli. Tatlong tableta ang nasa kanyang palad at mabilis na initsa iyon patungo sa takip. Muli siyang umiling-iling. Bumaling-baling ng tingin sa kaliwa at sa kanan. Wala siyang nakitang tao.

“Eee! A-ayaw! Aaaa!” nadinig niya. Hinanap niya ang pinanggagalingan ng boses.

“Tanga! Tatanga-tanga ka! Di-ba-ilang-ulit-ko-nang-sinabi-sayo…!” at kinaladkad siya ng asawa ng kanyang kuya. Hila-hila ang kanyang patilya. Wala siyang ginawa kundi ang magpatianod kung hindi lang sa matinding kirot. Huminto sila sa isang kabinet na yari sa isang matibay na kahoy. Hinawi ang laman niyon at pagdaka’y itinulak siya papasok sa loob. Nauntog pa sa bandang sintido nang bigla siyang sipain. Nang tuluyan siyang mabuwal, ikinandado ang pinto ng kabinet. Palahaw ang kanyang pag-iyak, nalalasahan ang pagtulo ng sariling sipon, pawisan. Masikip at mainit at madilim,

“A-ayaw! Ateeee!!” Sa pagitan ng daigdig ng kahon na iyon , walang nakaririnig sa kanya. Walang nakaiintindi ng kanyang boses kahit na may boses siya.
  
            Basa na nang luha ang kanyang mukha, tuluyan nang dumaloy ang likidong hindi inaasahang magdaraan. Nangingiig ang palad nang dinakot niya ang lahat ng tableta sa sahig at mabilis na initsa sa kinaroroonan ng takip.

At napangiti siya.
Pumasok sa loob ng takip ang isa sa maraming tabletang iyon. Agad siyang napatayo at tinungo ang takip. Nandoon ang isang tabletang ipinasok niya. Pupulutin niya na ito nang bigla siyang napahinto, natigilan… Sa sahig nakita niya ang isang puting unan.

“N-naa. A-aaah! Nanaaa!” at niyakap niya nang pagkahigpit-higpit ang unan. Tumatangis at waring wala nang kasing pait ang kanyang naramdaman sa unan na natagpuan sa sahig. “Aaaah. Nanaaa!”

Bumukas ang pinto.

Galit na galit ang isang babaeng nakaputi. Halos nagkakasalubong ang kilay at wari’y umuusok ang ilong. Masama ang tingin nito kay shiela.

“Walang hiya ka talaga! Hindi ka ba magtatanda!” At walang ano-ano’y sinabunutan niya ito, mahigpit na hinawakan sa buhok at iniuntog sa pader.

“Sinasayang mo ang gamot mo?! Sige! nang wala ka nang maiinom pa!”

 Dinampot nito ang ilang nagkalat na tableta at walang habas na ipinasak sa bibig ni Sheila. Halos maduwal ito sa biglang pagkapuno ng bibig. Tinakpan ng babae ang bunganga ng pinagagalitan. Madiin at marahas na pagtakip sa bibig ng kaharap. Kung hindi pa tumirik ang mata’t bumula ang bibig ng bata’y hindi pa niya sana ito titigilan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...