Ikaw na Tenga ng Lupa
(Tula)
Iyon marahil ang pula
dugo ang amoy niyon
may alingasaw na nanunuot
sa ilong
mabagsik ang sangsang
-sa pagragasa ng dugo
mula sa nagnanaknak na sugat ng alimpuyo?
sa pagitan ng tunog –bakal na pader
matigas na rehas ang lunsaran ng hilahil
may naroong nagluluksa
dinig parin ang alingawngaw ng hikbi
“tulong!,” anilang paulit-ulit
Bulag ako nang maaninag ng aking kamay
ang kanilang anyo… nang mahipo
at hindi lang pala iisa ang humihikbi
na ngayo’y nananangis
laksa-laksa silang humihingi ng tulong
dumadaing
ng kanilang paghihirap, dusa at pait
na tinuring nang sumpa o walang lunas na sakit
laksa-laksa silang humihiling
tanikala ng pagkaalipin
sa leeg ay lagutin
damit ng kabusabusan
tuluyan nang hubarin
"husto na! "
bakit, kumukulilig sa tenga ko
laksa-laksang humihingi ng tulong
gaya ng kulog na sa langit dumadagundong
nagpanting sa tenga ng lupa
at tumugon ng pagkawalang bahala
bulag ako't hindi sila makita
ngunit naaninag ng aking kamay
ang kanilang anyo
nahipo ko’y bungo
-102509
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento