SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Miyerkules, Oktubre 28, 2020

Hindi ito katulad ng pagbubuhat ng bangko ng ilan… At sa mga taong nagsasabing pasensya na tao lang

 Hindi ito katulad ng pagbubuhat ng bangko ng ilan… At sa mga taong nagsasabing pasensya na tao lang


(Repost from: lakbay-Laguna 2010, kung masusukahin ka huwag mong basahin ‘to!)

Nakaupo ako sa trono at hawak ang sidron at kalatas ni Bathalang Aphrodite ng Grego nang narinig ko yung kanta ng namayapang Pop-icon na si Michael Jackson -yung kantang Yesterday. Yung pinagpasa-pasahan ng iba’t ibang nahilig sa POP songs ni M.J, tapos nag-karoon ng iba’t ibang bersyon. Mga humigit-kumulang 2,000 na interpretasyon ng mga kilala at hindi kilalang artists.

Yung kantang iyon na pinatugtog nung pumunta kami sa Laguna, noong nakaraang buwan bago ang buwan ng Abril. Sa totoo lang hindi ako nahilig sa mga kanta ni Michael Jackson, pero noong araw na ‘yon na unang pagkakataon kong narinig yung kanta ay napaindak ako. Pati yung mga kasama ko sa Bus na iyon, maging sila napapaindak rin yata. Pero hindi ko tiyak kung napapaindak sila dahil sa tugtog na Yesterday o mukha lang silang napapaindak dahil sa malubak yung mahabang daang dinaanan namin. Oo, yung lubak na ‘yon, na halos nang-aalog ng buong pagkatao. Para lang kaming mga itlog na binabati sa isang bowl, o parang kami yung nagbabati ng itlog. Ganun yung pakiramdam. Nakatatawa. Naisip ko yun habang nakaupo sa trono. Hindi yung pakiramdam na may background song na M.J sa kantang Yesterday, siguro ay yung pakiramdam na may dinadaanang lubak ang sinakyan naming Bus, tapos para kaming itlog na binabati, o yung taong nagbabati ng itlog na waring umiindak sa tugtog na Yesterday…

May naalala lang ako habang sumasalok ng tubig sa drum kanina. Naalala ko yung pinuntahan namin sa Laguna noong lakbay-aral (03/21-23/10); Pumunta kami sa World of life Camp Inc. Calauan, Laguna. Pero hindi pa ito yung inaalala ko kanina o yung naaalala ko habang sumasalok ng tubig sa drum. Dumaan kami sa U.P Los Banos Bakerhall, pero literal yung pagdaan namin. Daan lang talaga. Hindi kasi kami huminto o nagpark man lang dahil sa hindi namin malamang dahilan (tsaka lang namin malalaman pagka-uwi namin sa bahay, na matapos mapanood sa '24 oras' yung balitang pag-iistrike ng mga estudyante ng U.P Los Banos doon) Wow! Hindi ko masabi kung wrong-timing kami noong oras na ‘yon. Kung nalaman lang namin na on that time e, may strike yung estudyante ng U.P Los Banos ay sana nakatulong pa kami. Kung sinabi kaya naming, “taga P.U.P po kami!” doon sa humarang saming guard sa gate ng U.P, di sana mas lumakas yung pwersa ng mga nagwewelgang estudyante. “Taga PUP po kami! Sanay kami sa Rally! Sa ingay, sa gulo,.. Try us! Please, try us?! Sige kung ayaw niyo MAGWEWELGA KAMI!!” Hay! U.P Los Banos Bakerhall! Pero hindi pa ito yung naaalala ko habang sumasalok ng tubig sa Drum. Pumunta rin kami sa Mt. Makiling Botanikal Garden. Malapit na dito yung naalala ko habang sumasalok ng tubig sa drum. Pero promise, maganda rin at mahabang "Wow!" itong garden. Napakaraming bulaklak. Iba’t ibang mababango’t magagandang bulaklak, pero tulad ng sa panaginip hindi mo pwedeng dalahin o kunin yung napulot mong pera o kayamanan at pagkagising mo, panaginip lang pala ang lahat, pero isang magandang panaginip. “No Picking of Flowers” bawal din ang magLittering at magLoitering. Hanggang ngayon, hindi ko parin alam ang kahulugan ng Loitering, hehe! Nakakatamad magbuklat ng Dictionary. Buti na lang yung Littering ay alam na alam ko. Hindi na siguro ako masasabihang ‘tanga mo naman. College ka na pati meaning ng Littering hindi mo alam! Littering lang?! Sus! Noon pa nagLilittering na ‘ko! Bumili pa nga ako ng mga Coloring pen para mas maganda ang pagli-littering ko! He he. Anyway, babanggitin ko lang yung isang mahaaaaaabang Wow! Dito sa Mt. Makiling Botanikal Garden. Kung nakapunta ka na dito ay malamang humingal ka rin tulad namin, pinagpawisan tulad namin, nauhaw tulad namin at napasigaw ng isang mahaaaaaaabang Wow!! habang inaakyat ang mahabang hagdang-bakal na ‘yon tulad namin. Hindi ko naalalang magbilang ng kung ilang baitang ba yung inakyat namin, pero kung tatantyahin ang layo, ay para ka lang umakyat ng 20th floor sa isang gusaling walang elevator. Kapag nasa ituktok ka na ng hagdan na ‘yon ay makikita mo yung mga tao sa ibaba nito na parang mga duwende, o mga langgam pala kung wala kang magnifying glass, o isang butil ng buhangin kung singkit ka. Basta yung pakiramdam na nasa itaas ka nun ay parang nasa ibaba ka rin. Nung nasa baba ka parang iniisip mo ‘antaas naman! Ang hirap akyatin, ayoko na umakyat! Tapos nung nasa itaas ka na parang iniisip mo ‘Anlayo naman, ang hirap bumaba, ayoko na bumaba!’ pero naisip ko na rin, pa’no kung magpagulong na lang pababa para walang pagod, o itulak ko kaya yung kinaiinisan kong tao sa hagdan na ‘yon. Pasalamatan niya kaya ako dahil hindi na siya mapapagod sa pagbaba sa mahaaaaaabang hagdan na ‘yon ng Mt. Makiling Botanikal Garden? Hhmnn.

Pumunta kami sa Rizal Shrine sa Calamba. Ito na ‘yon, yung bigla kong naalala habang sumasalok ng tubig sa Drum. Pero tungkol ito sa isa kong matalik na kritiko. Si Kristina Malaya (sa mga nakauunawa ng lihim na kalungkutan at nakadarama ng lihim na kaligayahan, oo ito na nga yun! ) kung nakapunta ka na rin sa bahay ni Rizal ay malamang nakita mo rin yung balon doon na salukan ng tubig nila Rizal. Yung ginawa na lang wishing well. May rehas ‘yon na nagsisilbing takip ng balon na harang yata upang hindi manakaw yung mga baryang hinuhulog doon ng mga humihiling. At dahil sa iyon yung function nun ay naghulog na rin kami ng barya. Tapos ay sabay kaming nag-wish ni Kristina. Hindi ko na tinanong kung ano yung winish niya, baka kasi kapag nalaman ko ay hindi na matupad yung wish ko. Winish ko kasi na sana matupad yung wish niya. Pero sana winish niya rin na sana matupad yung wish ko, para naman mas malaki yung posibilidad na matupad nga talaga yung wish niya. Mutualism. Both sides are benefited.

Wala kaming ginawang dalawa kundi ang magbasa ng mga nakapaskil doong historical stories at ilan pang impormasyon tungkol sa bahay na ‘yon; sa pamilya ni Rizal, at kay Rizal. Biruin mong nakahihikab pa lang basahin ang lahat ng iyon. Sakto, walang pumapasok sa isip ko sa tagal ng pagbabasa namin. Siguro, siguro may iniisip lang ako noong oras na iyon. Nakatatawa lang kasi na iniisip ko noong oras na iyon kung saan ba ako sasalok ng tubig matapos kong makatuntong uli sa kubeta. Nakatatawang habang kasama ang matalik kong kritiko ay tinatawag ako ng tronong pinagpipitagan tuwinang nag-aalboroto ang aking tiyan. Nakatutuwa namang isipin na naisip ko ito kanina habang sumasalok ng tubig sa drum. Hindi yung pakiramdam na First time na makapunta sa bahay ng isang magiting na bayaning si Gat Jose Rizal, siguro ay yung pakiramdam na may kasama kang nagwi-wish sa wishing well na ‘yon, tapos ay maririnig ni a.k.a Kritiko ko, yung tugtog na 'Yesterday' sa dibdib ko.

Narinig ko yung pagbulusok ng tubig sa trono de buhos. Umikot ang tubig. Lumabusaw. May tumilamsik. Dumampi sa paa ko. Para yung pagtilamsik ng tubig ng swimming pool ng World of Life Camp Inc. may pagkamahinahon, pero may init din. Medyo mainit yung pagkamahinahon, na parang nakauumay kasi ilang beses mong maiinom. First time kong makaligo sa pool at mabusog sa tubig ng pool. Madami akong nalaman na akala ko dati’y alam ko na. Ganun pala yung feeling ng pulikat, parang pinilipit ng mga Amoeba ang ugat mo sa binti at paa; nalaman kong ganun pala ang lasa ng tubig sa pool –lasang Amoeba; nalaman ko rin na dapat palang mag-ingat sa pagkampay ng mga kamay kapag seryoso kang lumalangoy, dahil masasampal ka na lang bigla nang hindi mo alam o hindi mo inaasahan. May Foam kasing nakalutang sa pool na naka-spongebob custome na mala-bikini (top to) bottom ang dating at ayun nga nahawakan ko (nang hindi sinasadya) ang foam na yun na kinapa-kapa ko pa para malaman kung ano yung nahawakan ko dahil di ko makita dahil sa tubig sa mukha at bigla na lang sinampal ako ng may-ari ng foam na hawak-hawal ko.

Insert: Ang munting dula-dulaan na naganap sa swimming pool ng World of Life Camp In. "The Farting Time"

Nipa hut at the pool side/Interior/umaga.

Sa gilid ng pool, sa loob ng kubol, sa mesang may laman ng iba’t ibang sitsirya at tatlong bottled drinks na ang laman ay “The Bar” at Nestea Juice na ipinagbabawal ng Resort sa mga minor de edad na dahil may pinanghahawakan silang kasabihang “Masarap ang Bawal”! ay hindi nila iintindihin ang regulasyong ito!

Mga ilang Segundo lang ang nakalilipas ay mangangalahati na ang isang Bottled Drinks. Maya-maya pa ay tila biglang magugunaw ang mundo dahil sa lakas ng pagsabog na ‘yon. Walang tunog pero malakas ang epekto! At mapapatakip ng ilong ang lahat.

Galileo: (pasigaw) Takte! Ambaho tal’ga!!! (ito yung unang nagtakip ng ilong)

Jasper Kepler: Sinu ba yun?! Aroma de put@! Parang binurong daga ng ilang libong Years! (Magkakatinginan ang lahat, may magpapaypay ng kamay sa hangin, sa tapat ng ilong, at magsisiilingan ng pagtanggi!)

Einstein: ka bastos naman, parang walang Good Manners and Right Conductivity! (kukunot ang noo ng karamihan, mapapaisip tuloy yung walang gaanong isip!)

Sigmund: (kay Einstein) Anung Conductivity?! Teoryang Eng-Eng ka lagi noh! Ganyan ba ang epekto sayo ng Gatsby Wax! Good Manners and Right Conducts Yun, Bugok!!! (maririnig sa paligid ang malakas na tawa ng karamihan, mapapatingin ang ilang naliligo sa pool sa kanilang pwesto!)

Einstein: Tange! Conductivity, yung Transmission of heat through a solid by body… yun bang passing energy mula sa isang particle patungo sa isa pang particle! Ibig sabihin, wala sa tamang transmission yung utot ng kung sinuman sa lugar ng pinatunguhan! Right Conductivity. Haler! Nursery pa lang ako itinuro na ‘to! (biglang lalakas ang hiyawan at palakpakan ng mga nakapalibot, isang mabilis na lipat ng camera kay Sigmund na mahuhuling nagpupunas ng tissue sa kanyang ilong na nagno-nose bleed)

Franklin: (magkakamot ng ulo) WoW! Nose blood!

Sigmund: (HABANG NAKANGISI) Tsk! Fetus ka pa lang alam ko na ‘yan! Talagang dapat ay nasa tamang lugar tayo bago umut… (mapuputol ang sasabihin niya dahil biglang eeksena ang Cellphone ni Galileo na may True tone na EENIE MEENIE ni Justin Bieber, at mafofucos ang Camera kay Galileo)

Galileo: (nagtaas ng kamay) P're, Back-out muna! May tawag ako e, (sabay sibat na hawak sa kanang kamay ang CP habang ang kaliwang kamay ay nakatakip sa puwet)

Jasper Kepler: Unlimited Call ha! Call of Nature kamo! Pwe! (tawanan ang lahat maliban kay Marry jury na kasalukuyang binabanatan ang pulutang Junkfoods sa mesa)

MJ: kaya pala kanina pa Ambaho, nagpipigil lang si Gagolei! Paano kasi katabi si Antonnete! (sabay siko sa katabing kasalukuyang nagsasalin ng Chaiser)

Taumbayan: Uuyiee! (nagduet ang lahat. Duet ba ‘yon o koryo? Basta, nagkaisa silang tuksuhin ang Hot-Diva ng Grupo)

MJ: teka, Teka?! Umamin ka samin, Naka First-Base na noh? (lilipat ang camera kay Antonnete na magmemake-face pero walang anumang emosyon)

Taumbayan: UuyiieE! (mas malakas na tuksuhan ulit sabay tawanan yung iba, maliban kay Nina dahil Hagalpak ang sa kanya. Tawang walang bukas)

Antonnete: Guys! Please stop connecting me with that yucky Guy! (habang nagsasalin uli ng Chaiser at The Bar sa Plastik Cup) I have my Taste! And He is not my Type of person, owkey! (paliwanag niya with matching nguso at wiggling of head)

Eistein: OWS?! (hirit niyang parang hinuhuli ang dapat mahuli)

Antonnete: Tsk! Then don’t believe if you don’t! If I know Nagseselos ka lang!

Taumbayan: BooohH!!! (Lights spread-out) tawanan lang ang maririnig! At syempre mahuhulaan nating ang huling boses na malakas paring humahagalpak ay kay Nina!)

-cut-

"Mabilis lang lumilipas ang bawat sandali, ang mga masasayang ngayon saglit lang magiging masasayang kahapon. Ang mga alaalang magbabalik sayong isipan ay isang gintong walang katapat na halaga, pagkat napakahalaga…" -narrator

Bigla akong may naalala nang maalala kong yung diniposito kong ulam sa trono ngayon-ngayon lang ay ginisang ampalayang may itlog. Mula sa hindi ko masyadong gustong ulam ay maaalala ko yung lola ko. Matanda na siya at kulubot na rin ang balat, tulad ng sa ampalaya. At siguro kung buhay pa si lolo ay masisiguro ko kung magkasing lasa na rin ang hindi ko gustong ampalaya at si lola. Pero sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Matagal-tagal na rin noong huli ko siyang nakita, dahil nakatira siya sa panganay na kapatid ni nanay, doon sa Antipolo. Pero nito lang isang linggo ay dumalaw ang pamilya kila tita, kay lola. Dahil Mother’s Day nung araw na iyon ay hindi masyadong inatake ng sakit na kuripot syndrome si tatay. Siya ang nagbayad ng gastusin. Masayang alaala para kay lola, masayang alaala para sa pamilya, malungkot ang bulsa ng tatay ko. Malamang! Naalala kong hindi pala ako kasama sa masayang alaalang ‘to. Mas pinili ko kasing puntahan yung ka-eyeball ko. Na hindi ko inaasahang iindianin lang ako.

Hehe!! kalungkot kapag may maaalala kang masayang alaala, tapos hindi ka kasama…

WASTONG GAMIT NG MGA SALITA SA FILIPINO

 Wastong Gamit ng mga Salita 


 

Kila at Kina

Walang salitang kila. Ang Kina ay maramihan ng kay.

 

Hal. Pakidala ang mga laruang ito kina Benny at Maris.

Makikipag-usap ako kina Vic at Nona.

 

Daw/ Din at Raw/ Rin

Ginagamit ang daw/ din kapag ang salitang sinusundan ay nagtatapos sa katinig; at raw/rin kapag nagtatapos sa patinig.

 

Hal. May sayawan daw sa plasa.

Sasama raw siya sa atin.

 

Kung at Kong

Ginagamit ang kung bilang pangatnig na panubali. Katumbas ito ng if sa Ingles; ang kong ay panghalip na panao sa kaukulang paari

 

Hal. Matutulog na ako kung papatayin mo na ang ilaw.

Nabasa ang binili kong aklat.

 

Kung Di at Kundi

Ang kung di ay galing sa salitang “ kung hindi” o if not sa Ingles; ang kundi naman ay except.

 

Hal. Aalis na sana kami kung di ka dumating.

Walang sinuman ang pwedeng manood kundi iyong mga may tiket lamang.

 

Hagdan at Hagdanan

Ang hagdan ( stairs) ay ang baytang na inaakyatan at binababaan. Samantalam ang hagdanan 

(stairways) ay ang bahaging kinalalagyan ng hagdan.

 

Hal. Nagmamadaling inakyat ni Marving ang mga hagdan.

Ilagay mo ang hagdanan sa tapat ng bintana.

 

Ikit at Ikot

Ginagamit ang ikit para maipakita ang kilos na paggilid mula sa labas patungo sa loob. Ang ikot naman ay mula sa loob patungo sa labas.

 

Hal. Nakatatlong ikit muna sila bago nila natunton ang daan patungo sa loob ng kuweba.

Nahirapan pala silang makalabas ng tunnel. Umikut-ikot muna sila sa loob nito bago nila nakita ang daan palabas.

 

Hatiin at Hatian

Hatiin ( to divide) o partihin; Hatian ( to share) o ibahagi.

 

Hal. Hatiin mo sa amin ang pakwan.

Hinatian niya ng kanyang hamburger ang namamalimos na bata.

 

Nabasag at Binasag

Ang salitang nabasag ay nangangahulugan ng kilos na di sinasadya o di ginusto; ang salitang binasag naman ay nagpapakita ng sariling pagkukusa.

 

Hal. Galit na galit na binasag ng lalaki ang mga salamin ng kotse.

Nagmamadali kasi siyang maghusga kaya nabasag niya ang mga plato.

 

Bumili at Magbili

Bumili- to buy; Magbili- to sell o magbenta

 

Hal. Pumunta ang nanay sa Baguio para bumili ng mga sariwang gulay.

Ang trabaho ng tatay niya ay magbili ng mga lumang kasangkapan.

 

Kumuha at Manguha

Kumuha- to get; Manguha – to gather, to collect

 

Hal. Kumuha ng isang basong tubig si Neth para kay Jean.

Nanguha ng mga kabibe ang mga bata sa dalampasigan.

IDYOMA

 Idyoma (Idioms Tagalog)

 Idyoma - Ang isang sawikain o idyoma ay isang pagpapahayag na ang kahulugan ay hindi komposisyunal — sa ibang salita, hindi binubuo ng tumpak na kahulugan ang mga kanya-kanyang salita na nabuo. Ito ay di-tuwirang pagbibigay kahulugan at pagpapakita ng kaisipan at kaugalian ng isang lugar.


1. butas ang bulsa - walang pera - Palagi na lang butas ang bulsa mo dahil palagi ka nagsusugal

2. ilaw ng tahanan - ina - Magaling ang aming ilaw ng tahanan pagdating sa pagluluto

3. alog na ang baba - matanda na - Kayo ay alog na ang baba para magbuhat ng mabigat.

4. alimuom - baho - Ang alimuom naman po ninyo.

5. bahag ang buntot - duwag - Bakit ba bahag ang buntot mo?

6. ikurus sa kamay (o ibang bahagi ng katawan) - tandaan - Ikurus mo na sa noo mo, akong bahala sa iyo.

7. bukas ang palad - matulungin -Napakabukas-palad mo.

8. kapilas ng buhay - asawa - Ang aking ina ay may kapilas ng buhay.

9. nagbibilang ng poste - walang trabaho - Bakit ba siya nagbibilang ng poste?

10.  basag ang pula - luko-luko- Napaka basag ng pula mo.

11.  ibaon sa hukay - kalimutan - Huwag mo akong ibaon sa hukay.

12.  taingang kawali - nagbibingi-bingihan

13.  buwayang lubog - taksil sa kapwa

14.  pagpaging alimasag - walang laman

15.  tagong bayawak - madaling makita sa pangungubli

16.  pantay na ang mga paa - patay na

17.  mapurol ang utak - mahina sa larangan ng pag-iisip o mabagal mag-isip

18.  maitim ang budhi - tuso

19.  balat-sibuyas - mabilis masaktan

20.  pusong bakal - di marunong magpatawad

21.  putok sa buho - anak sa labas

22.  may bulsa sa balat - kuripot

23.  balat-kalabaw - matigas

24.  patabaing-baboy - tamad

TAYUTAY

 TAYUTAY


IBA’T IBANG URI NG TAYUTAY


A. PAG-UUGNAY O PAGHAHAMBING


1.      Simili o Panulad (Simile) – naghahambing sa dalawang magkaibang bagay sa di-tahasang paraan. Ginagamitan ito ng mga salitang pantulad tulad ng mga sumusunod:

tulad ng       mistulang      kamukha ng           

tila                parang          tulad ng                   

anaki’y          gaya ng        kawangis

Halimbawa: Tila porselana ang kutis ni Celia. (porselana at kutis)


2.      Metapora o Pawangis (Metaphor) – naghahambing ng dalawang magkaibang bagay sa   tahasang paraan. Hindi na gumagamit ng mga salitang pantulad.  

Halimbawa: Ikaw ang apoy na sumusunog sa aking puso. (ikaw at apoy)


3.      Alusyon  - nagbibigay – saanggunian mula sa kasaysayan, panitikan, pulitika, bibliya at iba pang aspekto ng buhay ng tao.

Halimbawa: Pinaniwala niya ang mga tao na siya ang kanilang tagapagligtas mula sa  delubyo.


4.      Metonomiya – pagpapalit – tawag ng isang bagay para sa isa pa.

Halimbawa: Ang ikalawang tahanan ng mga kabataan (tahanan – paaralan)

 

5.      Sinekdoke – nagbabaggit sa isang bahagi upang sakupin o tukuyin ang kabuuan.

Halimbawa: “Hanggang sa malibing ang mga buto ko”. (Buto – buong katawan)

 

B. PAGLALARAWAN

 

1.  Hayperbole (Hyperbole) – naglalabis sa paglalarawan ng mga bagay

Halimbawa: ‘luha’y umaagos” (sobrang dami ng luha)

                                          Nadurog ang kanyang puso

 

 

2.  Apostrope – isang madamdaming pakikipag-usap sa isang tauhan na malayo,  patay na o  hindi kaharap na para bang nasa harap.

Halimbawa: “Celiang talastas ko’t malabis na umid… dinggin mo ang tainga’t isip”.

 

3.      Ekslamasyon – isang paglalabas ng masidhing damdamin.

Halimbawa: Isa kang hanggal! “Flerida’y tapos na ang tuwa”.

 

4.      Paradoks – naglalahad ng salungat sa likas (o karaniwan) na kalagayan o 

                          pangyayari.

Halimbawa: Malayo ma’y malapit pa rin.

                    “Kung magbangis ka ma’t magsukab sa akin

                                Mahal ka ring lubha dini sa panimdim”

 

5.      Oksimoron – salita o lupon ng mga salita na nagsasalungat.

Halimbawa: Banal na demonyo

                         Bantang matanda

 

C. PAGSASALIN NG KATANGIAN


     Personipikasyon (Personification) – nagsasalin ng katangian ng tao sa mga bagay na abstrakto o mga walang buhay.

Halimbawa: Nagalit ang buwan sa haba ng gabi.

                  “Inusig ng taga ang dalawang leon.”

                   Sumasayaw ang mga dahon ng puno sa malamig na simoy ng hangin.

 

D. PAGSASATUNOG

1. Onomatopiya – paggamit ng mga salitang may angkop na tunog

                Halimbawa: Kinakabog ang mga dibdib ng mga kalahok.

                                         “tinataghuy-taghoy na kasindak-sindak”

 

2. Aliterasyon – paggamit ng mga salitang magsintunog ang m,ga unang pantig.

                Halimbawa: Gumagalang gutay-gutay na gagamba

                                         ‘mabigla magtuloy mapatid hiningang mahina.”

 

3. Repitasyon – pag-uulit ng mga salita o parirala upang bigyang – diin ang isang 

                            aspekto ng akda.

 

                Halimbawa: Ito nga! Ito nga! Itong nganga.

                  Saan, saan, ay saan makikita ang bayani ng bayan?

 

Ang tayutay ay isang sinadyang paglayo sa karaniwang paggamit ng mga salita upang madaling maunawaan, mabisa at kaakit-akit ang pagpapahayag. Nakadaragdag ito sa kalinawan, kapamagitan at kagandahan ng isang katha, pasalita man o pasulat.

 


Mga Uri ng Tayutay


1.      Pagtutulad (simile)

Ito ay isang payak at lantad na paghahambing at karaniwang ginagamitan ng mga salita’t pariralang: katulad ng, tulad ng, para ng, anaki’y, kawangis ng, gaya ng, kasing-, sing-, ga-, atbp.

Halimbawa: Ang tao ay kawangis ng Diyos.

 

2.      Pagwawangis (Metaphor)

Ito ay isang tuwirang paghahambing na di gumagamit ng mga salitang katulad ng at iba pa, ngunit nagpapahayag ng hambingan sa pamamagitan ng paglalapat ng pangalan, tawag, katangian, o gawain ng isang bagay na inihahambing.

Halimbawa: Matigas na bakal ang kamao ng boksingero.

 

3.      Pagtatao (Personification)

Ito ay tinatawag ding pagbibigay katauhan at personipikasyon. Pahayag ito na ang mga katangian, gawi at talinong sadyang angkin lamang ng tao ay isinasalin sa mga karaniwang bagay. Nagagawa ang pagsasalin sa paggamit ng pandiwa o pangngalan.

Halimbawa: Sumasayaw ang mga dahon sa pag-ihip ng hangin.

 

4.      Pagmamalabis (Eksaherasyon) (Hyperbole)

Ito ay isang pagpapahayag na lampas sa mahinahong larawan ng katotohanan sa hangaring magbigay-diin sa katotohanang pinagmamalabisan.

Halimbawa: Umulan ng pera sa pagtama ko sa lotto.

 

5.      Pagpapalit-saklaw (Synecdoche)

Ito ay ang pagbanggit sa bahagi bilang katapay ng kabuuan, o ng kabuuan bilang katapat ng bahagi.

Halimbawa: Ang panahong ito ng Hunyo ay maulan.

 

6.      Panghihimig o Onomatopeya 

Ito ang paggamit ng mga salitang kung ano ang tunog ay siyang kahulugan.

Halimbawa: Himutok na umaalingawngaw sa buong gubat.

 

7.      Panawagan (Apostrophe)

Ginagawa rito ang pakikipag-usap sa karaniwang bagay na para bang nakikipag-usap sa Isang buhay na tao o isang taong parang naroon at kaharap gayong wala naman.

Halimbawa: Diyos Ama, ituro nyo po sa amin ang tamang daan.

 

8.      Pag-uyam (sarcasm)

Mga pananalitang nangungutya sa tao o bagay sa pamamagitan ng mga salitang kapag kukunin sa tiyakan ay tila kapuri-puring mga pananalita ngunit sa tunay na kahulugan ay may bahid na pang-uyam.

Halimbawa: Ubod siya ng gara kung lumalabas! Napaka dumi naman ng bahay.

 

9.  Paglilipat-wika o Transferred Epithet 

Tulad ng pagbibigay-katauhan na pinasasabagay ang mga katangiang pantao, na ginagamit ang pang-uri.

Halimbawa: Patay tayo diyan.

 

10. Pagpapalit-tawag (Metonymy)

     Isang pansamantalang pagpapalit ng mga pangalan ng mga bagay na magkakaugnay.

      Halimbawa: Ang anghel sa kanilang tahanan ay isang malusog na sanggol.

Ang Tableta

 Ang Tableta


Napuno ang kanyang palad ng mga butil na gamot. Doon, sa kanyang kama ay dahan-dahang n’yang inilapag ang walang lamang botelya. Tinitigan ang nasa kanyang kamay at napako ang tingin niya dito…

 

Nasa isip niya marahil ang ginhawang matatamo matapos na maisubo ang lahat ng ito, pagkat nais nyang gumaling ang sugat ng kanyang pusong kasalukuyang kumikirot.

Pinahid nya ang nangingilid na likido sa kanyang mata at umayos ng pagkakaupo sa malambot na kama. Pagdaka’y dumakot ng isang butil (kung matalab ang isa’y paano pa ang marami –ang tila namamayani sa kanyang isipan sa pagkakataong iyon)

Sinentro nya sa maliit na takip ng botelya ng gamut ang kanyang hawak. May tatlong dipa trin ang layo ng takip, at sa tulad nyang may salamin ang mata at mahirap ang pag-asinta nito…

Initsa nya ang unang tableta, ngunit kapos. Ang pangalawa, at kapus din. Ang pangatlo, ngunit kapus parin… Hanggang ang pangdalawampu, ngunit wala paring pumapasok saloob ng takip… ni isa.

Lilimang butil na lang ang nasa kaniyang palad. Malapit na maubos… ang mitsa ng kanyang oras na sinisindihan ng kirot ng kaniyang puso –ay malapit ng matapos… kaya’t kinalkula ni Shiela ang paghagis sa isa sa limang natitirang tableta. Ang distansya mula sa timog kung saan sya naroon papuntang hilaga kung saan naroon ang takip ay aabutin ng 0.012 milya kada minutong itinatakbo ng isang paghagis.

 

At napangiti siya. Pumasok sa loob ng takip ang isang tableta. Agad siyang napatayo at tinungo ang takip. Nandoon ang isang tabletang ipinasok niya. Saglit na inayos ang suot na salamin, pinunasan ang lente nitong nabasa na nang tuluyan ng likidong hindi inaasahang magdaraan. Isinubo nya. Dumaloy sa bituka pababa sa gilingan sa tiyan -ang tableta’y nagkaroon unti-unti ng bisa. Guminhawa ang kaniyang pakiramdam. Kala niya’y aatakihin na siya… ng kaniyang pagkabagot!

Galit na galit ang isang babaeng nakaputi. Halos nagkakasalubong ang kilay at wari’y umuusok ang ilong. Masama ang tingin nito kay shiela. “Ang kulit mo talaga! Hindi ka ba magtatanda! Walang ano anu’y sinabunutan niya ito, mahigpit na hinawakan sa buhok at hinampas sa pader. Sinasayang mo ang gamot mo?! Sige! nang wala ka nang maiinom pa! Dinampot nito ang ilang nagkalat na tableta at walang habas na ipinasak sa bibig ni Sheila. Halos maduwal ito sa biglang pagkapuno ng bibig. Tinakpan ng babae ang bunganga ng pinagagalitan. Madiin at marahas na pagtakip sa bibig ng kaharap. Kung hindi pa tumirik ang mata’t bumula ang bibig ng bata’y hindi pa niya sana titigilan ito.

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...