Pagbagsak ng pamumuno ng Espanya
Ang pamamahala ng Espanya sa Pilipinas ay sandaling naputol noong 1792 nang salakayin ng mga Ingles ang Maynila na naging sanhi ng pagpasok ng Espanya sa Digmaan ng Pitong Taon. Ang Kasunduan sa Paris ng 1763 ang nagbalik sa pamamahala ng mga Kastila at nilisan ng mga Ingles ang bansa noong 1764. Ang sandaling pananakop ng mga Ingles ang nagpahina sa kapangyarihan ng Espanya at nagdulot ng mga rebelyon at mga demanda para sa kalayaan.
Noong 1871, itinatag ni Gobernador-Heneral Jose Basco y Vargas ang Economic Society of Friends of the Country. Noong panahong iyon, ang Pilipinas ay direktang pinamamahalaan ng Espanya. Ang mga kaganapan sa loob at labas ng bansa ay nakatulong sa pagdadala ng mga bagong kaisipan sa Pilipinas. Ang pagbubukas ng Kanal Suez noong 1869 ay nagpaikli ng panahon ng paglalayag patungong Espanya. Naging sanhi ito ng pagdami ng mga ilustrado na naging kasama ng mga creoles, isang mataas na antas ng mga Pilipino, sapagkat maraming mga kabataang Pilipino ang nakapag-aral sa Europa. Itinatag ng mga illustrado ang Kilusang Propaganda noong 1882.
Naging layunin ng Kilusang Propaganda ang pagbabalik ng representasyon ng Pilipinas sa Kongreso ng Espanya (Spanish Cortes), ilang reporma at hindi nagtagal, ang kalayaan ng bansa. Si JosƩ Rizal, ang pinakamatalino at pinakaradikal na illustrado noong panahong iyon, ang nagsulat ng mga nobelang Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo, na naging inspirasyon upang matamo ang kalayaan. Noong 1892, itinatag ni AndrƩs Bonifacio ang Kataastaasang, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) na naging layunin ang pagkakamit ng kalayaan sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa mga Kastila. Si Bonifacio ang naging supremo (pinuno) nito.
Unang watawat ng mga rebolusyonaryong Pilipino.
Emilio Aguinaldo, Unang Pangulo ng Pilipinas mula 1899 hanggang 1901.
Nagsimula ang rebolusyon noong 1896. Napagkamalan si Rizal na siya ang nagpasimula ng rebolusyon na naging sanhi ng kanyang pagkamatay noong ika-30 Disyembre 1896. Ang Katipunan sa Cavite ay nahati sa dalawa, ang Magdiwang na pinamunuan ni Mariano Alvarez (kamag-anak ni Bonifacio sa pamamagitan ng kasal), at ang Magdalo, na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo. Ang alitan sa pagitan ni Bonifacio at Aguinaldo ang nagdulot sa pagpatay kay Bonifacio ng mga sundalo ni Aguinaldo noong ika-10 Mayo 1897. Sumang-ayon si Aguinaldo sa mga kondisyon ng Kasunduan sa Biak-na-Bato at siya at ang kanyang mga kasamang rebolusonaryo ay ipinatapon sa Hong Kong.
Sesyon ng kongreso ng Unang Republika ng Pilipinas.
Nagsimula ang Digmaang Espanyol-Amerikano noong 1898 nang pasabugin ang USS Maine at lumubog sa daungan ng Havana, na ipinadala sa Cuba upang mabuo ng isang mapayapang resolusyon sa pagitan ng mga ambisyon ng Cuba na maging malaya at ang kolonyalismo ng Espanya. Matapos matalo ni Commodore George Dewey ang mga Espanyol sa Maynila, inimbitahan niya na bumalik si Aguinaldo sa Pilipinas, na ginawa niya noong ika-19 ng Mayo 1898. Nang nakarating ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas, nakuha na ng mga Pilipino ang kontrol sa buong Luzon, maliban sa Intramuros. Noong ika-12 ng Hunyo 1898, ipinahayag ni Aguinaldo ang kasarinlan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite, na nagtatag ng Unang Republika ng Pilipinas sa ilalim ng unang demokratikong konstitusyon ng Asya.
Kasabay nito, dumating ang mga sundalong German at idineklarang kung hindi kukunin ng Estados Unidos ang Pilipinas bilang isang kolonya, kukunin ito ng Germany. Nakuha ng mga Amerikano ang lungsod mula sa mga Espanyol sa Labanan ng Maynila. Ang labanang ito ang nagtapos sa pakikipag-usapan ng mga Pilipino at Amerikano, dahil sa pagpigil sa mga sundalong Pilipino sa pagpasok sa lungsod ng Maynila, isang kilos na tinutulan ng mga Pilipino. Nagpadala ng mga komisyoner ang Espanya at Estados Unidos upang pag-usapan ang mga kondisyon ng Kasunduan sa Paris na nagtapos sa Digmaang Espanyol-Amerikano. Si Felipe Agoncillo, ang representatibo ng Pilipinas ay tinanggal sa mga sesyon dahil ang pamahalaang rebolusyonaryo ay hindi kinilala ng ibang mga bansa. Kahit mayroong mga pagtututol, nagdesisyon ang Estados Unidos na hindi isasauli ang Pilipinas sa Espanya, at hindi rin pumayag na kunin ng Germany ang Pilipinas. Maliban sa Guam at Puerto Rico, napilitan din ang Espanya na ibigay ang Pilipinas sa Estados Unidos bilang kapalit sa US$ 20,000,000.00, na sinasabi ng Estados Unidos na "regalo" nila sa Espanya. Nagrebelde ang Unang Republika ng Pilipinas laban sa okupasyon ng Estados Unidos, na nagdulot ng pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano (1899–1913).