LAPU-LAPU ISLAND
Umalingawngaw ang sigaw ng langit. Muling papalo ang isang higanteng alon na ikahahampas ng aming mga katawan sa bawat kanto ng barkong Maricelles. Napakarami ng tumalon sa malamig na karagatang Artiko at mangilan-ngilan na lamang kaming lumalaban sa nagngangalit na alon dahil sa malakas na bagyo.
At muli’y isang malakas na kulog. Nakita kong natakot si Eula at napapikit ito. Sinubukan kong lapitan siya. At agad niyakap ng mahigpit.
Pinanatag ko ang kanyang loob kahit maging ako ay natatakot na rin sa maaaring mangyari sa amin.
Mabilis ang mga pangyayari, at muli… isang napakalaking alon na naman ang nabuo, sa pagkakataong ito maaari ng ikadurog ng barkong sinasakyan naming. An’ taas, alam ko nang hindi kami pagbibigyan nito. Hinigpitan ko ang yakap kay Eula. At ang isang kamay sa poste ng layag, hindi ko na alam ang susunod na maaaring gawin kaya’t napapikit na lang ako at umusal ng dasal sa isip. Nagdilim.
Masakit na sa balat ang sikat ng araw nang mamulat ang aking mata, halos hindi ako makagalaw sa sakit ng katawan ko. Parang lahat ng parte ko’y napilayan, nalamog at puros pasa. Agad kong pinagana ang paningin, sa malawak na pampang, nangagsikalat ang pyesa ng mga bagay bagay, ang aking bag at iba pang mga kung ano-ano. Tila wala namang tao sa islang ‘yon. Ni Isa. Si Eula? Pakling tanong ko sa sarili. Naglakad akong iika-ika, halos kinakaladkad ang nangingirot pang binti. “EULAAA!” malakas kong sigaw. Mga ilang ulit, ngunit tila wala talagang nakaririnig…
Tinungo ko ang kahabaan ng dalampasigan, hanggang nakaabot sa may batuhan, malagubat na may dinadaluyan ng tubig na galing sa karagatan. Nawawalan na ‘ko ng pag-asang Makita pa siya. Napahinto ako sa paglalakad nang may gumalaw sa damuhan. At doo’y lumabas ang isang malaking sibat. Mabuti’t nakalihis ako nang bahagya. Daplis lang sa kanang balikta. Akala ko’y naligtas na ko sa paglubog ng aming barko ngunit panganib parin yata ang napuntahan kong isla. Muling nagsigalawan ang mala-talahib na damo. At hindi lang isang sibat, kundi maraming sibat na hawak ng mga nakabahag. Tinangka kong tumakbo subalit huli na, mabilis nila akong pinalibutan.
Nagkamalay na lang ako sa sinag ng apoy sa aking harapan, at sa ingay ng nagkakasiyahang mga nakabahag. Tila isang Ritwal. Nakapalibot sila sa akin habang sumasayaw. Sa kalagitnaan ng seremonyang iyo’y biglang tumunog ang N70 ko, nagplay ang true tone kong ‘LOW’ ng black eyed peas. May tumatawag, at nagulat ang lahat. Sumenyas ako na pakawalan muna sandali upang makuha ko ang aking CP sa bulsa. Himalang pinagbigyan ako. Nasagot ko si Auntie pero mahina ang signal at lasing pa siya, “choppy ka Auntie! Auntie, Auntie!!!” kaya’t hindi kami nagkaintindihan…
Nag-empty battery pa ang cell. Napansin kong napatanga ang mga nakapalibot sakin, waring naghihintay sa mirakulong alulong ng bagong unit kong selpown. Doo’y nakaisip ako ng paraan para makaiwas sa banta ng kamatayan. Parang napanood ko na ‘to sa DVD na pirated na tungkol sa mga Inveronmental friendly-ng Cannivals. Ayaw kong kainin nila ko nang buhay. Kinuha ko lahat ng laman ng backpack ko. Pinakita sa kanila ang mga gamit na ‘yon: Ang Lighter, ang Swift Knife, ang Kutsara’t Tinindor, ang pang Shave (na Gillette Rubie pa ang tatak), ang Flashlight, 45’ Calibre, at ang lahat na meron ako…
Kaya’t namangha silang lahat. Ang islang iyon ay wala pa sa sibilisasyon, sa kabihasnan. Nagsiluhod sila. Lahat sa aking harapan. “Ra Ma Tsuktsitsua Ra…” paulit ulit nilang sambit. Ang gabing iyon ay naging Masaya; binigyan ako ng pang-VIP na kwarto at mga alilang Babae, pagkain at isang salu-salo. Pinaupo ako sa tabi ng marahil ay ang kanilang Datu at pinapanuod ang mga sumasayaw sa gitna ng bilog. Maya-maya’y Masaya nilang ipinasok ang isang bihag na nakatali sa kawayan. Nagpalakpakan sila at nangagsisigawan. Napaluha ako nang Makita si Eula… May tarak ng balaraw ang kanyang dibdib. Mula doon ay pinapainom sa akin ang pulang likidong nasa bao. Nakita ko pa kung paano kinuha ang Dugong ‘yon mula sa pagkakatusok ng balaraw sa dibdib ng kapatid ko, ang pagsirit ng sariwang dugo ni eula, ang pagsalo ng Dugo sa Bao. nakita nilang pagpatak ng luha ko, sa totoo lang ay hindi ko na mapigil ang habag, lungkot at pagkasuka… Dinahilan ko na lang na “Tears of Joy” ito.
At muli nilang iginiit na inumin ko ang laman niyon –ang dugo ng aking kapatid. Ngunit ininom ko rin bago nila ko paghinalaan.
Hindi nga sila nakahalata…
-052808
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento