SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Huwebes, Agosto 12, 2021

ANG MGA LIRIKO NI GARY GRANADA BILANG REPLEKSYON NG PULITIKA, NASYONALISMO AT KALAGAYAN NG BANSA


ANG MGA LIRIKO NI GARY GRANADA BILANG REPLEKSYON NG PULITIKA, NASYONALISMO AT KALAGAYAN NG BANSA

 (bahagi ng pananaliksik ni Joel Costa Malabanan)
    
                
Binary contrast o dalawahang pagtutunggali ang ipinapakita ng liriko sa 
awiting “Bahay” at “Manggagawa” sa pagitan ng mga mahihirap at mayayaman. Sa awiting “Bahay” ay pinagkumpara ni Gary Granada ang labinlimang mag-anak na nagsisiksikan sa isang barung-barong na sira-sira at sa isang mansyon na halos walang nakatira. Binigyang diin niya sa awit na kahit ang Maylikha ay posibleng magtaka kapag nakita ang tirahan ng mga mahihirap nating kababayan na inilarawan bilang “pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato / hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito ay 
bahay?” Sa awiting “Manggagawa” naman ay binigyang diin ang pagiging manhid ng mga kapitalista sa karaingan ng mga manggagawa lalo pa sa usapin ng pagtataas ng kanilang suweldo. Matindi ang sumbat ng huling saknong ng awit na may sumusunod na linya: “Samantalang may isang panginoong may kapital/ ang nagdiwang at nagdaos ng hapunan 
at kabilang sa hapag ng panauhing pandangal / ang tanyag at ang banal sa ating lipunan/ halos ang bawat isa’y makapangyariha’t matagumpay/ dahilan sa isang taglay na katangian / ang matibay na loob na magsawang mabusog / habang may nangangatog sa hapdi ng tiyan.” 
 
Ganitong-ganito ang kalagayan sa pagitan ng mga manggagawang kontraktuwal sa ating lipunan at sa mga kapitalistang nagkakamal ng yaman mula sa lakas-
paggawa ng manggagawa. Kung mas marami sana ang gagamit ng kantang “Bahay” at “Manggagawa” sa mga guro ng paaralan ay mas mailalapit nila ang reyalidad sa kanilang mga estudyanteng ipinaghehele ng eskapismo mula sa pinagkakaabalahan nilang social 
network.
             
Ang awiting “Dam” naman ay naglalaman ng protesta sa mga development projects
 ng gobyerno na nagwawasak sa kapaligiran at sa pamumuhay ng mga
katutubo. 
 
Sa ngalan ng huwad na kaunlaran / Ang bayan ay sa utang nadiin / At ito na ang kabayaran /Ang kanunununuang lupain / Ang mga eksperto'y nagsasaya / At nagpupuri at sumasamba / Sa wangis ng diyus-diyosan nila / 

Ang dambuhalang dam. Taong 1989 nalikha ang awit na halaw sa pakikipaglaban ng mga katutubo sa Cordillera na tumutol sa pagtatayo ng Chico Dam. Noong Abril 24, 1980 ay nagbuwis ng buhay si Macliing Dulag, isang lider ng mga katutubong Kalinga na 
pinaslang ng mga militar dahil sa pagtutol nito sa Chico Dam na wawasak sa kalikasan at sa kanilang pamumuhay. Napigil ang pagtatayo ng dam at ang kamatayan ni Macliing Dulag ay naging simbolismo ng kabayanihan at ngayon ay ipinagdiriwang bilang “Araw ng Cordillera”. Ang kantang “Dam” ni Gary Granada ay hindi lamang awit na nagpapakita ng pagmamahal sa bayan kundi awit rin na nagpapakita ng pagmamahal sa kalikasan. Hanggang ngayon, ang mensahe ng awit ay patuloy pa ring nanunumbat habang walang pakundangan rin ang pagwasak sa kapaligiran kapalit ng kaunlaran. 
                
Maiuugnay naman sa kalagayan ng mga manggagawa ang nilalaman ng kantang 
“Hatinggabi sa Picket line” na literal na tumatalakay sa mga manggagawang nagwewelga. Nagpapakita ng realismo ang refrain ng awit na may linyang “Hangga’t manggagawa’y 
nakagapos / ang welga’y hindi matatapos/ hangga’t naghahari ang pera’t baril / ng mga uring naniniil” at nagpaaalala sa pinaslang na labor leader ng Nestle na si Diosdado Fortuna noong Setyembre 22, 2005 at sa pakikibaka ng mga manggagawa ng Philippine Airlines noong Setyembre 30, 2011. Ang mga ganitong tema ng awit ay mainam na gamitin upang mamulat ang mga estudyante hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa sa 
Pilipinas at hindi nalalayo sa mga akdang pampanitikan na matatagpuan sa mga
panghayskul na aklat sa Filipino tulad ng kuwentong “Aklasan” ni Brigido Batungbakal, “Ang Dyanitor” ni Aurelia Vicente at “Gutom” ni Clodualdo del Mundo. Ang mga kuwentong ito, tulad ng mga awit ni Gary Granada ay repleksyong ng kalagayan ng mga mahihirap nating kababayan sa lipunan na dapat magkaroon ng puwang sa mga talakayan 
sa klase sa hayskul man o sa kolehiyo.
             
Ang mga awiting “EDSA” at “Kanser” ay kapwa inilabas ni Gary Granada noong 
1989 at kasama sa album na “Ugat: Pagsamba at Pakikibaka Vol. 2” na isa sa 
pinakamatapang na album na kanyang inilabas. Ang liriko ng “EDSA” ay pagtuligsa sa kawalan ng pagbabago pagkatapos na mapatalsik si Marcos at mailuklok sa puwesto si Pangulong Cory Aquino.
  
Ayon sa awit, “Ang EDSA’y tulad ng paglaya natin sa mga Kastila/ sa halagang dalawampung milyong dolyar/ sa anyo ng demokrasya ay angkop at kasyang-kasya/ ang base militar at sandatang nukleyar.” Malinaw na ginamit ni Gary Granada ang kasaysayan para maikumpara sa Treaty of Paris noong 1898 ang EDSA Revolution noong 1986 na ayon sa awit ay simbolismo ng huwad na kalayaan. Sa panitikan, ganito rin ang tema ng kuwentong “Ugat” ni Genoveva Edroza Matute kung saan ang pangunahing karakter na si Lolo Tasio ay nais nang umalis ng Pilipinas nang mapagtanto 
niya na wala namang naganap na pagbabago sa kalagayan ng bansa pagkatapos ng EDSA Revolution. Samantala, ang kantang “Kanser” naman ay tumatalakay sa sakit ng lipunan partikular sa pagsasamantala ng mga mayayaman sa mahihirap na ang salosyon ay “totoong rebolusyon”. Lumilitaw na ang awit ay bahagi rin ng pagtuligsa sa huwad na kalayaang natamo ng sambayanan matapos na mapatalsik ang diktaturya ni Marcos.
             
Ang awiting “Pablong Propitaryo” ay sinulat ng Palanca awardee na si Tom Agulto ngunit nilapatan ng musika at inawit ni Gary Granada. Tinalakay sa awit ang abusadong panginoong maylupa, pulitiko at propitaryo na si Pablo. Kagaya sa Kabanata IV ng “El Filibusterismo” kung saan pinaslang ang paring si Padre Clemente na kumamkam ng lupa ni Kabesang Tales, binaril rin at napatay ang mapagsamantalang si Pablong Propitaryo:  “Tingga ay naglagos sa dibdib, sa utak/ sinong walang puso kaya ang umutas?” Ang ganitong eksena ay nagtataglay ng element ng Marxismo kung saan ang dahas ang tanging solusyon upang wakasan ang pagsasamantala. Ganito ring solusyon ang ginamit ni Efren 
Abueg sa kanyang kuwentong “Ang Kamatayan ni Tiyo Samuel” kung saan ang balisong ni Felipe ang kumitil sa mapagsamantalang si Tiyo Samuel. Sa konteksto ng lipunang Pilipino, nananatiling pinakamatandang kilusan sa Asya ang armadong pakikibaka ng New 
Peoples Army sapagkat tanging dahas lang ang pinaniniwalaang nalalabing paraan sa mga magsasaka at mahihirap nating kababayan na kasapi nito. 
               
Satiriko naman ang kantang “O Kay Sarap” at “Holdap” na parehong tumatalakay 
sa kalagayan ng pamahaalaan. “Hindi tumatanggap ng lagay ang mga pulis/ Ang record ng ating militar, kay linis-linis/ kay bilis pa ng serbisyo ng pamahalaan/ walang under the table dito sa ating bayan” , ang tila nakalolokong paglalarawan sa Pilipinas.
  
Ito ay kabaligtaran ng kalagayan ng bansa at isa lamang ilusyon lalo pa at patuloy ang katiwalian sa PNP at ang mga militar ang inaakusang nasa likod ng pagdukot sa aktibistang sina Jonas Burgos, Karen Empeno at Shirlyn Cadapan. Laganap pa rin ang sistemang lagay na siyang 
isa sa pangunahing ugat ng korapsyon. Ang liriko naman ng kantang “Holdap” ay may linyang “Nanakawan na at naholdap si Juan/ ngunit ang nagnakaw pa nasa pamahalaan” na patama ni Gary Granada sa mga pulitikong nasangkot sa katiwalian subalit patuloy na nagwawagi sa eleksyon. Ang ganitong mga tema ng awit, kung palaging maririnig ng mga ordinaryong tao ay magtutulak sa kanilang mag-isip at maging mapanuri sa nagaganap sa 
lipunan. Sa paaralan naman, ang pagsusuri sa liriko ng mga awit na tulad ng “Holdap” at “O Kay Sarap” ng mga estudyante ay magpapatalas sa kanilang pag-iisip at magpapahusay ng kakayahan nilang mangatwiran sa pagpapaliwanag ng mensahe. Higit sa lahat, makatutulong ang mga ganitong awit upang mamulat ang mga kabataan sa mga isyung panlipunan na tuwiran at hindi tuwirang nakaaapekto sa kanilang pamumuhay.
           
Kung ang islogan ng gobyerno ni Gloria Macapagal Arroyo ay ‘strong republic” at 
kung ang kay Pangulong Benigno Aquino III naman ay “daang matuwid”, ginamit rin ni Gary Granada ang musika upang batikusin ang islogan ni dating pangulong Fidel Valdez Ramos na Philippines 2000 sa awit na gayon din ang pamagat. Sa liriko ng kantang “Philippines 2000” ay inilahad ni Gary Granada ang linyang “Gutom ay huwag intindihn/ sakit ay huwag indahin/ manalig ka sa gobyerno/ brown-out, demolition, basura at inflation/ tiyaga at konti pang sakripisyo/ magtiis sa sahod, ilang taon na lang/ eto na ang 
NIChood, isang igkas na lang/ welcome to the future: Philippines 2000!”
 Future ang salitang ginamit sapagkat 1996 nang isulat ang awit subalit natapos ang termino ni FVR ngunit nanatiling pangako ang kanyang islogan. Walang ipinagkaiba ang islogan ni GMA na “strong republic” sa islogan ni FVR na magiging “newly industrialized country” na ang 
Pilipinas pagkatapos ng taong 2000.
  
Dahil dito, magagamit rin ang kantang “Philippines 2000” upang suriin naman ang katotohanan o kasinungalingan sa pangakong “tuwid na daan” ng kasalukuyang pamahalaan.
  
                
Ang awiting “Values Education” ang pinakamatapang na awit na nilikha ni Gary
Granada bilang protesta sa dayaan sa halalan noong taong 2004.
  
Sa genre na reggae at kasama ang tinig nina Noel Cabangon, Cooky Chua at Popong Landero, masarap pakinggan ang awit at may liriko na “ Huwad na eleksyon kick-back at kumisyon/ Suhol, lagay, Graft and corruption/ Ano ang solusyon , ang sabi ng leksyon/ Ika’y ay values education huwag kang mandadaya/
  
Huwag kang magsinungaling, ang mga panata/ At pangako’y tuparin/ Huwag kang manggugulang/ Huwag kang magsasamantala/ Huwag kang manlalamang ng iyong kapwa/ Gloria Huwag kang manggu-Gloria!”. Ginamit ng 
awit na metonomiya ang pangalang “Gloria” bilang katumbas ng pandaraya at siyempre, hindi pinatugtog sa mga radyo ang awit kundi sa mga kilos-protesta laban sa rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Ang huling bahagi ng awit ay nagbibigay ng payo sa mga nakikinig na matuto sa kasaysayan ng ating bayan sa pamamagitan ng lirikong “Ang pahalagahan/ Kailangan ng bayan/ Bahay, pagkain, kalusugan/ Makapag-aral,
trabahong marangal/ Hustisya at kapayapaan / Ngunit inuuna ng gobyerno ang utang/ Pinatitindi pa ang logging, mining, at digmaan/ Dahil di malaya sa dikta ng dayuhan/ Lalong lumalala ang kahirapan/ Gloria! Huwag kang manggu-Gloria/ Huwag kang mang-e-Erap, Ramos,
  
Cory Marcos, Gloria, Huwag kang manggu-Gloria!”. Batay sa awit, walang ipinagkaiba ang gobyerno ni GMA sa mga nakaraang adiministrasyon sapagkat hindi nito natugunan ang mga pangunahing serbisyong kailangan ng bayan at sa halip ay inuna pa ang pagbabayad ng utang sa IMF-WB at ang paglalala ng problema sa logging, mining at digmaan na nagaganap pa rin sa kasalukuyan. 
 
          
        Bago pa nilikha ni Gary Granada ang kantang “Values Education” ay may 
nauna na siyang awit na nilikha noong 2001 na ang pamagat ay “Mga Kanta ni Goryo” at kinatatampukan ng mga tono ng mga pangunahing traditional songs sa Pilipinas gaya ng “Atin Cu Pung Singsing,” “Pamulinawen,” “Sarung Banggi” at marami pang iba. Ang nakatutuwa sa liriko ng awit ay ang paglalahad ni Gary Granada ng mga pangunahing isyung panlipunan sa paraang nakatatawa (novelty) at nakaaaliw.
  
Ang mga tinuligsa sa awit ay ang “bangkang papel” ni GMA, money laundering ni Ping Lacson, ang mga 
nawawalang load sa kompanyang Smart, Globe at Sun, ang sabwatan ng mga militar at Abu Sayaff at ang mga pangakong hindi natutupad sa pamahalaan ni GMA matapos na 
patalsikin sa pagkapangulo si Joseph Estrada noong taong 2001. Narito ang bahagi ng liriko ng awit sa tono ng kantang “Bakya Mo Neneng”: “ SONA ni Gloria bongga at madrama/Ngunit may bakas pa ng mga dating SONA/ Parang kamukhang  SONA ni Cory/At SONA ni Ramos at SONA ni Estrada/ Ang ganda-ganda Ng SONA ni Gloria/ Ng SONA ni Cory at ni Ramos at Estrada/ Di naman kaya ang SONA ni Gloria/ Ay kanyang kinopya sa SONA ng tatay niya!”. Ibig 
sabihin, iba’t iba man ang naging pangulo ng bansa magmula 1986 hanggang 2001 ay wala namang nagbago sa kalagayan ng bansa. “Paulit-ulit ang kwento/ Papalit-palit ng tao/ Pare-parehong gobyerno / 
Mamamaya’y ginagantso/ Manggagawa’t magbubukid/ Kinakapos, nagigipit/ Kinikita nila ay kay liit-liit/ Samantalang si gobernor/Si congressman at senador/ Yumayaman by serving the poor!” ang dagdag pa ng awit nagpapakitang wala naman talagang naging pagbabago sa bansa kahit pa dalawang beses na naganap ang EDSA Revolution. Nagbago lamang ang mga pangalan ng mga pinuno subalit nanatiling baon sa kahirapan ang sambayanang Pilipino. 
          
Hindi rin nalalayo ang isinasaad ng kantang “Dahil sa Hirap ng Buhay” na naglalahad naman ng mga suliranin ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na napipilitang umalis ng bansa upang bigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya subalit kung minsan ay napapahamak lamang tulad ng sinapit ni Flor Contemplacion noong Marso 
17, 1995 na nabitay sa Singapore. Malungkot ang katotohanang sinabi ng 
liriko ng awit: “Habang karamihan ay aba/ ang mayama’y yumayaman pa/ Dahil sa hirap ng buhay”.
        
Subalit hindi naman lahat ng nalikhang kanta ni Gary Granada ay nagpapakita ng pagtuligsa sa pamahalaan. Ang kantang “Sinisintang Bayan” na inawit ni Bayang Barrios at ang “Tagumpay Nating Lahat” na pinasikat ni Lea Salonga ay nagpapakita ng nasyonalismo at pagbibigay puri sa lahing Pilipino. 
“Taglay ko ang hiwaga ng Silangan /At saan mang bayan o lungsod/ Maging Timog, Hilaga at Kanluran/ Ang Pilipino ay namumukod/ Sama-sama nating abutin / Pinakamatayog na bituin / At ang aking tagumpay / Tagumpay ng aking lahi / Tagumpay ng aking lipi / Ang tanging minimithi at hinahangad / Hangad ko'y tagumpay nating lahat!”  ang positibong mensahe ng kantang “Tagumpay Nating Lahat”. Hango naman sa Cebuanong awit na “Buhi sa Kanunay” ang melodiya ng “Sinisintang Bayan” na nagsisilbing panawagan sa mga Pilipino: “
Sa lupang sagana/ Aba ang karamihan/ 
Kung kaya kasama/ Ng buong sambayanan/ Sa digmang payapa/At digmang digmaan/Ilulunsad, iluluwal/ Ang maunlad na bayang may dangal. Nasa 
pagkilos ng sambayanan ang paglikha ng isang lipunang maunlad at marangal. Ang ganitong mga liriko ay hindi matatagpuan sa alinmang komposisyon ni Ryan Cayabyab, Rey Valera at kahit ng mga iniidolong tulad nina Ely Buendia, Bamboo o Rico Blanco. Pinatatag nito ang 
posisyon ng mananaliksik na talagang dapat pag-aralan ang mga awit ni Gary Granada bilang yaman ng ating panitikan, musika at kultura. Kahit si Freddie Aguilar na nakilala sa kantang “Anak” , “Ipaglalaban Ko”, “Bayan Ko” at maging si “Florante de Leon” na lumikha ng mga awit gaya ng “Ako’y Pinoy”, “Handog” at “Upuan” ay kukulangin kapag ikinumpara ang kanilang mga nalikhang kanta sa lawak at dami ng mga awiting makabayan 
na nalikha ni Gary Granada.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...