SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Sabado, Oktubre 3, 2020

8. OTSO. MYSTICAL UNWONDERLAND'S STORIES AT ANG PAGLITAW NG MGA NAKASISILAW NA SILAHIS

Nobela1 | Daigdig ng Tag-init

8. Otso

Mystical Unwonderland's stories
At ang paglitaw ng mga nakasisilaw na silahis

Chum: Kopico Kapuccino ala starbucks coffee

          Malayo-layo ang paglalakbay na ito. Pero sasakay lang tayo sa ating mga tsinelas. Maglalakad. Wala kasi tayong pambayad sa cruise ship, airplane, stream ship, taxi o aircondition na bus. Pang tricycle lang siguro at pang jeep pero, gastos lang yun. Mas masarap parin ang maglakad. Gamit ang bagong biling havaianas..
Ay! Havanas nga lang pala..

Insert stories #1:         Ang Ritwal
          ...anim na pu't anim na tupa. Anim na pu't pitong tupa. Animnapu't walong tupa. Animnapu't siyam na tupa. An.. Aaahh (hikab) pitumpu na mga tupa. Pitumpu't isang tupa. Pitumpu't dalawang tupa. Pitumpu't tatlong tupa. Pitumpu't apat na tupa. Pitumpu't limang tupa. (hikab) pitumpu't anim na tupa . Pitumpu at pitong tupa. Pitumpu't walong tupa. Pitumpung s'yam na tupa. Pitum- walumpu. Walumpu't isang tupa. Walumpu't tat- (hikab) na tupa. Walumu't apat na tupa. Walumpung lima na tupa. Walumpungnganim na tupa. Walumpung.. Pitontupa. Walumpu't walong tupa. Walom... Walumpu't s'yam na tupa. S'yampu. Syampu't isang tupa. Syampu't dalwang tupa. Syampu- s-syam.. Sya... Ssss...zzzzzz
          Wala na ang mga tupa nang lumitaw ang nakasisilaw na silahis.

Stories # 2:    Banal na Abo
          Bukas ang bintana , kayat malayang naglalagos ang malamyang hanging pang hating gabi sa sa isang kabahayang puno  ng mga santo. Iba't ibang hugis, laki, bigat, hitsura ng mga niluluhurang banal na kahoy. Mula sa banal na kamay na umukit nito: may Santa Mariang mula sa banal na Sicamorro; Santa Fe na mula sa Mahogany na nakuha pa sa banal na kabundukan ng Trala-la; Santa Maria Magdalena mula sa punong hindi pa napapangalanan; ang maliit na banal na Nazarenong gawa naman sa tsok -na hindi mauuri bilang banal, pero dahil pinangalanan ay banal na rin; Santo Antonio na mula pa sa isang matandang paring Dominikano noong panahon pa ni Rizal; at may mga marmol ding banal. Isa si Santo Niñong puno ng mga beads ang nangingintab na damit. Sinulsi ito ng mga deboto sa Parokya ng Kristong Banal Church. Tangan ang Krus at koronang kulay ginto sa kaliwang kamay ng Santo Niñong naghihimala raw tuwing magiging kulay asul ang itim nitong mga mata; At marami pa.

  Ang ilan ay magkakasama sa banal na altar. Isang lamesang laging may haing kakanin at arnibal at hindi pinapatiran ng pagtirik ng kandila. Araw-araw may nakatakdang magtirik ng kandila rito at magdadasal ng Ave Maria nang tatlumpung beses ang sinumang hindi tutupad sa kanyang takdang tungkulin.
                    Ngunit nang gabing iyon, bukas ang bintana. Humihip nang malakas ang hanging mabilis naglagos sa buong banal na lugar. Natatangay ang bagong labang kurtina ng bintana, hanggang napalapit sa pakalahati ng kandila. Napadikit. Matutumba ang kandila at mabilis na kakapit sa tela ng damit ng mga banal na santo. Kakalat sa bagong labang kurtina. Gagapang sa kabuuan ng bahay. Ilang banal na kahoy na ang nagliliyab. Naglalagablab. Natutupok na dahil sa kandilang kanina naman ay malamlam ang pagtanglaw ngunit biglang lumikha ng nakasisilaw na liwanag.

Ang paglitaw ng nakasisilaw na silahis na madaling tutupok ng buong banal na lugar na iyon. Kabilang ang ilang banal na kahoy na sa malao't madali ay magiging banal na abo na.
Stories # 3:     Silabang-liha.
          Nagyoyosi si Fe habang nagkakape. Nakadungaw siya sa bintana, at pinagmamasdan ang maliwanag na buwan. Ang tanging liwanag na tumatanglaw sa kinatitirikan ng kanyang bahay. Walang ilaw sa kanyang munting dampang nirerentahan lamang. Hindi brown-out. Naputulan lang siya ng ilaw, noong nakaraang buwan. Pasong-paso na ang dalawang notice of dis-connection. Mas  inuna niya ang bayad sa renta ng bahay at bayad sa tubig. Maputulan na ng linya ng kuryente wag lang ng tubig. Ayaw niyang pumasok ng trabaho nang hindi naliligo. Baka langawin siya sa puwesto. Hindi mga parokyano kundi literal na langaw. Mahirap na. Mas lalong mawawalan ng pangkain o nang pambili ng gatas sana para sa kanyang sampung buwang gulang na anak. Nagising siya sa kwarto ng ospital nang wala na ang kanyang anak.
At ang kanyang walang hiyang hilaw na byanan ang kumuha. Tsk. Humigop siya. Isang lagok, kahit umuusok pa ang kape sa tasa. Naalala niya ang anak, dalawang buwan na itong nasa matanda. Kamusta na kaya ang anak ko, naibulong sa sarili. Nakakainom na kaya ng branded na gatas? Malusog na ngayon, alaga sa poder ng matanda.. Tsk! Maigi na ‘yon. Ano nga bang magagawa ng isang putang ina, kalinga? Aruga? Hindi sa isang tulad na maruming babaeng ang kaya lang pasusuhin ay mga parukyano.. Tsk! Puta nga e, tsk! Ang pwede lang malaan sa batang yun, bearbrand siguro.. Kape. Anong maipipilit e, sa hindi nga makapag breastfeed- breastfeed na yan. Himas-himasin ma't pigain ang tang inang susong 'to, pawis lang ang kayang ilabas.. Putang na, dugo siguro kung ngangatngatin tong utong ko! Puta! Shit kang puta ka! Sheeet!
Pinitik sa daliri ang nangangalahati palang na sigarilyo. Tikom na palad, may bahagyang panginginig. Waring nag-iipon ng pwersang binubuo ng siklab sa kanyang damdamin. Kinuha niya ang baso ng kape. Nanginginig ang kanyang kamay. Muling humigop. Ngunit bigla nabitawan niya ang baso. Nahulog. Natapon ang kape. Kumalat sa sahig. Ganoon man, hindi nabasag ang basong kapehan. Pinipigilan niya ang panginginig, ang galit, ang hinanakit. Hindi lang sa matandang babaeng kumuha ng kanyang anak. Kundi ay galit sa mundo at sa kanyang sarili. Hindi niya pinansin ang natapong kape. Kinuha niya ang kaha ng sigarilyo. Kumuha ng isa. Panindi? Kinapa sa bulsa. Hinagilap ang pusporong bagong bili lang sa tindahang inutangan niya ng isang kaha ng sigarilyo. Wala. Napatingin siya sa sahig. Nahulog roon ang pusporong hinahanap. Agad niyang pinulot at naglabas ng isang palito. Nanginginig ang kamay niya habang kinikiskis sa silabang-liha. Ilang kiskis. Ayaw. Tinapon niya ang isa at kumuhang muli ng isa pa. Nabasa ito ng kape. "tang na! Sumindi ka! Sindi naaaa!" nanginginig ang kamay, sinubukan niya ang iba pa. Kiskis sa silabang-liha. Kiskis. Pudpod. Kiskis uli.. Ba't ayaw mong sumindi putang posporo kang walang silbi! Tang na! Paulit-ulit na kiskis, at muling pagkapudpod ng ulo ng palito ay tumulo na ang luha ni Fe, ngunit ayaw paring sumindi ng kahit na isa man lang sa mga palito ng pusporo. Sa inis, inihagis niya ito, at akmang ihahagis din ang sigarilyong hindi naman masindihan nang bigla niyang natapakan ang basong kapehang nalaglag sa sahig. Nadulas siya. Nawalan ng panimbang hanggang sa matumba. Humampas ang ulo sa baso. Umagos ang dugo. Umaagos din ang luha sa kanyang mga mata. Dahilan ng panlalabo ng kanyang nakikita. Maliwanag ang buwan, pero unti-unti nawawala na ito sa kanyang paningin. Nawalan siya ng malay-tao. Kaya't sayang, hindi niya na naabutan ang mas maliwanag na silahis na mabilis kumakalat sa buong paligid. Hindi na nasaksihan ang biglang paglitaw ng nakasisilaw na silahis.

Stories # 4:      Litson De Letche
          Alog tunog. Silip sa butas ng hulugan ng kayamanang bilog. Tunog. Baryang bilog. Bilog na baryang ihinulog sa loob. Kutob. Aaah! Yugyog. Alog. Walang tunog? Mahina ang tunog dahil maraming laman. Tiniis kulo ng tiyan. Pinalipas recess sa eskwelahan. Pinagtiisan. Hulog. Tunog. Alog. Kayamanang natutulog sa loob. Natutulog sa loob ng alkansyang pabilog. Bilog na kulay asul. Ang alkansya ni buboy -baboy. Si Buboy hindi baboy. Payat siya. Yung alkansiya ang baboy. Hitsurang baboy ang alkansya ni Buboy. Kaya noong natulog si Buboy katabi ang kanyang baboy, nang nagpakita ang silahis- ang nakasisilaw na silahis ay biglang naging lechon ang baboy. Kasama si Buboy na hindi baboy. Payat siya. Pero ngayon patay na. Wala na. Walang abog. Mayroong tunog. Tunog ng palahaw na mayroong pag sinok. Inalog. Wala na yung tunog. Nawalang lahat nang sila ay natupok.

Stories # 5:          Jess..

           Kinabahan ako sa ikinikilos ni Jessica nang tumayo siya't lumabas ng kwarto. Waring may bumabagabag sa kanyang isip mula pang kaninang pinagsasaluhan namin ang paboritong leche plan. Kahit anong tamis sa bibig ay may kung anong pait sa pakiramdam. Nababasa ko sa kanyang mga mata. Umuulan sa labas. Bagamat hindi malakas. Naroong lumalagos ang mga patak sa mukha ni Jessica na di ko alam kung paano patitilain.
Sinundan ko siya. Balak kong magkwento sa kanya ng mga nakatatawa o biro. Yung may green humors. Yung nakaaalis ng kanyang lungkot ngayon. Hindi ako sanay  na ganoon siya. Alam ko, kahit hindi niya pa sabihin sakin. Kabisado ko na siya. Ang lahat sa kanya: kung ilan ang hibla ng buhok niya sa ilong, ilang beses siya maligo sa loob ng isang linggo; ilang baso ng tubig ang naiinom sa maghapon; kailan siya badtrip, kailan siya masaya, kailan siya mayroon at kung kailan pwede na...
Pero kanina, naghinala na ko nang sabihin niyang pwede na. Tiningnan ko agad ang kalendaryo. Petsa atrese. Linggo. Napakunot ako pero hindi na ko nag-usisa. Naisip ko na lang na siguro naisip niyang ang linggo ay para sa araw ng pahinga. Pahinga para sa mabibigat at nakapapagod na gawain sa latian. Para sa ikagagaan ng pakiramdam ko at niya rin marahil. Kaya sino ako para magkait at tumanggi sa muling pagbaba ng langit sa aming munting dampa.
Lumabas ako. Inabutan ko siya sa baybayin, sa tabing-dagat. Naroon siyang nakatanaw sa malayo, sa may laot, sa malawak na karagatan o maaaring sa nakaraan. Lumapit ako. Anong bumabagabag  sayo? Agad kong tanong kay Jessica. Kanina ka pang walang imik a, may maitutulong ba ko? At lumingon siya pagdaka kong masambit ang kataga, na waring nabuhayan ng loob. Malaki ang matutulong mo. Nakatitig siya sa mga mata ko na waring hinahanap sa kung saan ang katapatang maisusukli sa kanyang panambitan. Iligtas mo ang dagat tabang.. Ang mga baklad na nabuwal. Kumunot-noo ako sa sinabi niya. Kailangan mo kong tulungang papagtibayin ang bumbon, ang mga talaksan. Para sa sangkaragatan.
Hindi ko maintindihan ang  ipinapakiusap niya. Bakit niya inaalala ang sankaragatan? Inaalala mo ba ang mga isda? Mga hayop sa dagat? Lumapit ako't agad siyang niyakap. Dama kong mabigat ngang pag-aalala niya sa mga nilalang na nabubuhay sa karagatan. Inalo ko siya. Niyakap. Oo, huwag ka nang mag-alala, maaayos din ang lahat. Ngunit humilagpos siya sa pagkakayakap ko sa kanya. Humakbang palayo sakin.
          Mukhang di niya nagustuhan ang naitugon ko. Kung ayaw mo kong tulungan, ako na lang. Nag-iba ang timbre ng boses niya -sa tonong may pagtatampo. Malakas ang palahaw ng puso ng karagatan at di na ko makatitiis na magsawalang kibo na lang. ? . Kaya anong gagawin mo?
Ang marapat!! At matagal ko na dapat ginawa! At lalo pa't tinatawag na nila ko.
Napapakunot pang lalo ang nuo ko sa mga sinasabi niya pero mukhang seryoso naman siya. Jessica ano ba?! H-hindi kita maintindihan! Ang nasabi ko na lang dahil sa pagkalito. Hindi mo nga kailanman maiintindihan! Saglit nga Jess! Bak- naudlot ako. Bigla nagtanggal siya ng kanyang damit. Humantad sakin ang hubad niyang katawan. Ang kanyang kabuuan. Wala na siyang anumang suot na mas lalong nakapagpalito sa akin. Naguguluhan ako. P-para san yan? Bakit ba? Nababaliw ka na b- lumusong siya sa tubig. Ni hindi siya lumingon, ni bumanggit ng anumang salita, ni hindi pinansin ang sinasabi ko, bagay na nagpalala pang lalo sa isiping napapaano na nga ba si Jessica. Sinundan ko siya. Lumusong rin sa tubig. Subalit nabigla ako nang nakita ko... Buntot ng isang malaking isda. Makulay na buntot na nakadugtong kay Jess.. Si jess. I-isa syang sirena?? Taong isda.. S-sirena! Jessicaaa! Pero ni hindi man lang niya ko nilingon, malayo na ang kanyang nalalangoy. Malakas na ang alon. Kaya napa atras ako. Gulong-gulo parin at manghang-mangha sa nakikita. Totoo ba to? Nananaginip ata ako. Kinurot ko ang pisngi ko. Masakit. Ibig sabihin, totoo nga. Si Jessica... At nawala na siya sa paningin ko. Wala na siya. Wala na. Wala


          "kuya! Kuya gising! Gising dali me sunog!!" at napabalikwas ako sa tawag na yon ni Dayang. Nakasisilaw ang silahis na bumungad sa pagmulat ng aking mga mata. Totoong panaginip. Hindi. Totoo 'to. Hindi isang panaginip. Ang panaginip, nagkatotoo. Totoo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...