SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Sabado, Oktubre 3, 2020

KULAY

KULAY
(Tula)

Makulay na kabaong ang nais kong higaan
kung ngayon ay mamamatay...
nang hindi magmukhang matamlay
sa aking lamay
mahilig sa green ang bunso kong kapatid
lagyan sana ng mga lobo at keyk
paborito ng ate ko ang violet
bulaklak sana yung lavander at may lasong nakadikit
si ina? wala akong maisip na kulay para sa kanya
bulag ang aking ina
bagamat bukambibig niya,
" kulay, lagyan mo ng kulay
ang buhay mo anak ko,"
habang nabubuhay ka
habang nabubuhay tayo...
Oo, at pinilit kong umalis sa mundong madilim
iniwasan kong kumapit sa patalim
pero kahirapan ang salarin
naging madilim na kulay
itong mga araw na walang maisaing
na halos bawat araw magdildil ng asin
o kung walang wala
gutom na sikmura'y titiisin
at madilim pang bukas itong paghinto namin
sa edukasyong pangarap abutin
nang mapulang dugo ang iniubo ni ama matapos patalsikin
sa pabrikang tanging inaasahan namin
binaon ng kulay putik na kamalasan itong kapalaran
Hiling parin ni ina sakin, "Kulay,
lagyan mo ng kulay yang buhay mo anak ko,"

Paano? nandilim ang paningin ko
nang napahandusay mga katawan
duguan silang gumagapang sa batuhan
silang mga pinatalsik ng gahamang may-ari ng pabrika
silang napilitang ipaglaban mga karapatan nila
kasama si ama,
sila'y pinaulanan ng bala

A,makulay na kabaong
ang hihigaan ko
matupad ko lang
hiling ni ina, "kulay,
lagyan mo ng kulay, yang buhay mo anak ko!"
naisip ko ito...
Oo, nang maagaw ko ang mahabang baril
at maiputok
habang naghihingalo si ama...

pipikit ako't makikitang
duguan ding hahandusay
silang mapagsamantala!

-081613

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...