SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Sabado, Oktubre 3, 2020

2. DOS. SA DILIM NG KARIMLAN MGA NAGBA-BANSAK-SAKAN

Nobela1 | Daigdig ng Tag-init

2. Dos

Sa Dilim ng Karimlan
Mga nagba-BANSAK-sakan


Chum: Cobage Oningko/ Kilawing Tanigue at Tofu with chili sauce


            Yung butas na binabalik-balikan, parang pinto sa panibagong mundo para sakin. Sabihin na nating pampubliko pero inari ko iyon na talagang sakin na. Private property ika nga. Yung butas na kita ang mundo ng mga taong may kakaibang kultura, kagawian at uri ng pamumuhay. Sa butas na iyon, naisip ko ang kamunduhan, ang realidad ng tunay na kaganapan sa daigdig ng dilim, ng tunay na pagkapit sa patalim.

            Isa iyong uwang ng dingding sa Sayaw-One Club ng pugad-langaw. Isang maliit na butas na kapag sinilip mo/ sumilip ka ay makikita mo ang entablado at ilang bahagi ng kaloob-looban ng bar. Bata pa ko noong madiskubre ang butas na iyon, o bata pa ko noong ginawa ko ang maliit na butas na iyon sa dingding na plywood lang yata kaya mabilis na naukaan. Hindi ko naman talaga sinasadya ang pagkakaroon ng butas niyon. Naglalaro lang kami ng bansak -isang gabing maliwanag ang buwan. Taya si Burnok (masarap burutin kasi nagpapaburot naman). Kina-career ang pagtatago sa taya, minsan sama-sama, minsan hiwahiwalay. Ubusan kasi ang rule. Kapag naubos na lahat ng kalaban, yung unang na 'bang' ang siyang susunod na matataya.

      Sa pagba-bang, kasama dapat ang pangalan. Halimbawa: bang Mikoy!, Bang Tisoy!, Bang Kulot!, mga ganun. Dapat kilala mo silang lahat sa kanilang pangalan. Dahil kapag maling pangalan ang nabanggit mo, halimbawa: binang Tisoy mo si Kulot; o binang Mikoy mo si Burnok, ay buririt ka na. Ibig-sabihin, taya ka ulit. Sa mga ganitong sitwasyon, umaayaw na ko agad. Mahina kasi ako sa memorization ng pangalan. Kahit kilala ko lahat  ng kasali, hirap parin akong tandaan ang mga pangalan nila. Alam ko kasing kapag nataya ako ay mabuburirit na ko palagi.

      Sa rule: iba-bang mo lahat ng nagtatagong kasali sa laro. Pero pwede kang mataya uli kapag na- Sak ka: "Sak!" Ibig-sabihin, ikaw uli ang taya.

      Humiwalay ako ng tago. Sumiksik sa masikip na gilid ng isang bar -na kasya ang katawan mo kung tatagilid ka. Madilim sa sulok na iyon. Hindi mo halata kung may manunuklaw na bang sawa (may natagpuan kasi doon na ilang dipa rin ang haba, siguro ngayon anaconda na ito kung hindi lang ginawang pulutan ng mga nakahuli); hindi mo rin alam kung makakalabas ka pa nang buhay sakaling lumindol bigla.

      Doon, sa maliit na espasyong kubli ang maliit at enosenteng katauhan ng batang nagtatago doon ay makikita ang takot. Takot na makita ng kalabang kasalukuyang nagroronda para mantaya, takot na maunang mataya, takot mismong mataya. Sa aking pwesto, dinig ng tenga ko ang iba't ibang ingay; ang ugong ng karaoke; ang sigawan ng mga lalaking nagbubulol-bululan, ang hiyawan, ang kanta na Careless Whisper na theme song dati ng clip film nina Katrina at Haiden Co na binura na sa You-Tube, ang mga tao sa kabilang dingding na tila tinatawag ang pangalan ko.

Guest: sa'n na sala-miko? Hik.
          Sala-miko (paulit-ulit ang tawag na iyon)

Girl:     (nakaupo yata sa kanlungan ng lalaki) teka, bhe miko-to sa balikat mo oh!
           Kunin ko lang ha! (madidikit ang dibdib sa mukha)

      Miko! Miko! Miko! Paulit-ulit. Dahil dito, ninais kong masilip kung anong mayroon sa likod ng dingding na iyon. Ninais kong makita kung tiniris ba ng babae sa mismong balikat ng lalaki yung kuto o kinain na lang basta. Dahil doon, binutas ko ang dingding. Salamat sa matulis na bagay na nadampot kung saan. Nilagyan ng butas ang dingding na tila plywood nga lang kaya madaling nabutas. Sumilip ako sa butas ng dingding at nakita ang mga hindi dapat nakita ng isang musmos na gaya ko:

      Isa-isa ang pagpapakilala ng bar host sa mga tagapagpalabas. Naka-dim pa ang light, medyo shattered. Tapos, i-spot sa pinakikilala. May lumabas sa entablado. Isang babaeng may hawak ng isang matalim na espada, matulis at mahaba.

Gumiling ito. Mabagal ang indayog ng balinkinitang katawan, kinampay sa hangin ang hawak na espada. Lumikha pa nga ng tunog ang bawat unday niyon. Hanggang sa nagulat kami nang dahan-dahang ipasok ng babae sa bibig nito ang hawak-hawak na mahabang espada. Sa haba niyon, akala koý ikaduduwal niya, pero hindi. Gumiling pa ito habang nilululon ang espada. Naghiyawan ang mga tao. Manghang-mangha sila sa nakikita. Tapos, may sumipol nang malakas. Napahinto lahat. Lumapit yung babae sa mesa ng nakakurbatang lalaki, ito yung sumipol. May hawak-hawak rin itong isang mahabang espada. Sa tantya ko ay doble ang sukat nito kaysa sa una. Sumenyas ito sa babae na lulunin ang tangan. Sobrang haba niyon, akala koý tatanggi ang babae.  Ngunit bigla-bigla, nilulon nito nang buong-buo ang napakahabang espada na iyon. Muling naghiyawan ang mga tao.

May pangalawang lumabas sa entablado. Isang babaing may napakanipis na damit at may hawak-hawak na apoy. Nagniningas sa kanyang palad. Gumiling ito. Umaayon sa tugtog. Nakamamanghang hindi napapaso ang babae sa hawak niyang apoy. Mabagal ang indayog sa una, tapos pabilis nang pabilis. Nangamba ako nang mapansing kumakalat na ang apoy sa kanyang braso. Kapag mabilis daw kasi ang paglalaro ng apoy, maaaring matupok agad ang kabuuan ng kakapitan nito.  At nangyari nga, kumapit ang apoy sa suot nitong manipis na tela. Mabilis na tinutupok ng apoy ang kanyang damit. Naghiyawan ang mga tao. Tapos, biglang tumayo ang ilang mga lalaki, pasuray-suray na lumapit. Mga bombero rin pala sila. Hinawakan nila ang kanya-kanyang waterhose, at itinutok sa nagliliyab nang babaing wala ng kasuotan dahil natupok na ng apoy. Tapos, isang malakas na aaaahh ang nasabi ng babae. Napatay sa wakas ang apoy. Iniwang basang-basa ng mga bombero ang init na init na babae. Ang akala ko nga ay hindi na siya makaliligtas sa insidenteng iyon.

          Tapos, biglang nag-dim uli ang ilaw kasabay ng nakabibinging tugtog. Maya-maya nagpalit ng kulay ang ilaw ng entablado. Tapos lumitaw ang mga babaeng wala nang saplot sa katawan. Siguro natuto na sila na ang pagsusuot ng manipis na tela ng damit ay mabilis na natutupok ng apoy . Kaya marahil naisip nilang huwag na lang magsuot ng damit.      Dahan-dahan silang naglakad pababa ng hagdan ng entablado papunta sa bawat mesa. Tig-iisang mesa ang mga babae. Gumiling. Tapos biglang sumampa sa upuan, tuloy-tuloy hanggang sa ibabaw ng lamesa. Gumiling sila. Sabay-sabay na indayog ng katawan sa ibabaw ng lamesa. Nagsihiyawan ang lahat. Maya-maya naglabas ng perang papel ang mga lalaki sa bawat lamesa, matapos ay inipit sa bunganga ng bote ng alak. Muli, sabay-sabay na gumiling paibaba ang mga babae. Sinentro pa nila ang kinapupwestuhan ng perang papel na nakalagay  sa bibig ng bote ng alak. Gumiling pababa. Pababa nang pababa. Sabay parin sa saliw ng tugtog. Tapos, biglang naghiyawan ang lahat,  nagpalakpakan pa ang ilan.  Nawala na pala ang mga perang papel sa bawat bote ng alak. Magic. Naglaho ang perang papel. Nagkaroon ng standing obation. Mas lumakas ang hiyawan.

          "Sak!"

At isang malakas na kalabog sa dibdib ko dahil sa gulat. Si Jessica. Tila nagtataka siya sa reaksyon ko.

“anong sinisilip mo d'yan?” Usisa niya.

Tinakpan ko ang butas para hindi niya makita, pero nahawi niya rin. Lumakas ang kalabog ng dibdib ko. Nag-e-evaporate ang tubig sa katawan. Pawisan. Sumilip siya. Mga ilang saglit. Kinabahan ako sa maaari niyang maging reaksyon. Sumiksik siya sa aking gilid. Nakikisiksik sa aking pwesto. Nasiksik ako.

“ba't ka andito?!” Tanong ko habang tinutulak siya papalabas.Nakasilip parin siya sa butas na ginawa ko.

“ba't ka nansa-sak e, hindi naman ako ang taya?!” Tanong ko uli. Hindi siya matinag.

“bugok ka tal'ga! Nag-ayawan na kaya lahat!” Sagot niya, na hindi parin naaalis ang mata sa butas.

“ang galing nila no?” Siya uli.

“magaling? Baliw ka ba, umalis ka nga diyan!”

Hinawi ko siya. Eksaktong malakas ang pagkakatulak ko sa kanya. Mawawalan kami ng balanse at matutumba parehas.


      "Miko! Miko!!" si Tatang.

Nadinig kong tinawag niya ang pangalan ko. Narinig ko rin yung careless whisper sa Sayaw-One Club. Hindi ko pa tuluyang mamulat ang mga mata kong tila saglit na nasanay sa dilim. Panaginip.

"Tatang.." agad kong tugon, nakahihiyang nakatulugan ko ang pagtulong sana kay Tatang.

"mauna ka nang umuwi't makatulog ka nang maayos, me pasok ka pa bukas.."

      Si Tatang nga. Gising na gising parin ang paligid. Mag-aalas dose y medya na. Hindi ko alam kung paano ako Naka-idlip sa bangkito habang nakasandal sa poste. Nananakit ang likod ko sa pagtalungko-upo. Osteoporosis. Hay! Nakakakuba ang pag-idlip nang hindi nakalapat sa banig ang buong katawan. Iminulat ko nang isang malaking pagmulat ang aking mata. Pilit ginigising nang tuluyan ang diwa.

“Opo tang”

      Sansaglit, lumatag sa akin ang paligid: ang mga Christmas lights, mga bumibili ng balot, ang bar, ang tugtog -nasa huling stanza na yung careless whisper.  Naalala ko si Jessica. Panaginip. Pati ba naman sa panaginip nambubulabog.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...