Nobela1 | Daigdig ng Tag-init
7. Syete
Stomach (R)evolution
At kenitic Action papunta
Sa mystical Unwonderland kasama
Ang parang nagra-rallying mga ipis na
Nagbabadya sa paparating na delubyo...
Chum: Kaki Sonomono/ Lumpiang Togue w/ sawsawan na maraming sili.
Im home sweet home. Nakauwi na rin. Tulad ng kadalasan/inaasahan, wala pang tao sa aming tahanan. Gabi pa ang uwi ni Tatang galing sa pagtitinda ng balot, at ni ateng sumunod sa panganay naming nag-asawa na at ang tatlo kong nakababatang kapatid, hapon pa ang uwi galing eskwelahan. Kaya solo ko ang buong bahay. Walang ibang tao.
Pero may nadirinig akong kaluskos ng naghahabuluhan ng kung sino sa loob. Multo? Alam kong hindi magnanakaw yun o akyat-bahay gang. Walang mamahaling gamit na mananakaw sa bahay namin, maliban sa VCD player, telebisyong pag sinumpong ay kusang lumilipat ng channel at washing maching sira na ginawa na lang naming refrigerator. Siguro'y naggegerahan lang ang bawat kampo nina Mickey mouse vs. Stuart little (marami kaming alagang daga) sana pagbukas ko ng pinto ay maabutan kong mina-Mike tyson uli ni Mickey mouse si Stuart little -tulad noong nasaksihan ko isang araw habang nagbababad ako sa aming jalousie de palanggana while showering using a tabo . Nakita kong naknock-down si Stuart -little sa isang washing-blow pounch ni Mickey mouse. Ayon, mula sa kisame, lagapak sa sementong walang tiles si Stuart little (kala ko nga'y kailangan ko nang tumawag ng ambulasya, baka sakaling kahit dead on arrival na ang tagpo, masabi kong hindi ako nagpabaya) pero maya-maya lang bumangon ito. Kinawag ang nahilong ulo at tumakas (at tiyak maghahanda si Stuart little for the resbak). Kinapa ko ang saradura sa likod ng pinto. At presto! Hindi ko naabutan ang mga ito. Masyadong mahiyain at mailap ang mga alaga naming daga.
Switch on the light. Baba ng gamit. Deretso sa kusina. Nagwewelga na ang mga bulate ko sa tiyan. Kailangan nang humanap muna ng makakain. Baka kasi magboy-coat anumang oras ang ulirat ko dahil sa gutom. Buenas. May natirang kanin sa kaldero, tutong nga lang. Pero si Tatang mahilig sa tutong. Kwento nya nga. Sa indonesia daw o thailand ata e, miryenda nila ang tutong na kanin. Ibibilad daw muna sa araw yung hinugasang tutong, tapos ipiprito at lalagyan ng asukal, tapos gawa na ang sweet crispy fried rice puff. Pero alam ko namang ikwinento lang ni tatang yun dahil sa ayaw niyang nagsasayang kami ng kanin, maski na tutong, maski na bahaw, maski na panis. Konting hugas lang, konting bilad, konting prito and poof! Miryenda express.
Tinangka kong humanap ng ulam sa ref kahit tira-tira rin lang. Pero wala nga pala kaming refrigerator. Kaya deretso ako kay aling Pilar's carinderia para bumili ng ulam.
Masarap ang mga lutong ulam sa carinderia.
Hindi mo kasi alam kung ilang siklo ng ebolusyon ang nagaganap sa ilang tirang ulam. Hindi mo kasi mahahalata na ang karne ng baka ay nakaranas na ng ilang pagpag-hugas at preserba sa ref. Na matapos maging sinigang ay magiging masarap na potsero o metsado na ito kinabukasan; at magiging beaf steak o menudo naman kinabukasan o kung may matira parin ay magiging sahog sa gulay, maaaring ibalot sa lumpia wrapper at magiging lumpiang shanghai o maaarimg budburan ng bread crumbs para maging breaded beef fillet, o haluan ng patatas at batihan ng itlog para maging omelet naman kinabukasan; ang mga tirang pritong isda at manok ay maaaring maging sarsiadong tilapia kinabukasan o chicken carry o adobong manok kinabukasan; yung tirang laman ng papaitan, tanggalan lang ng sabaw ay pwede nang lagyan ng tomato paste para maging afritada ay pwede ring maging lumpiang togue naman kinabukasan, na siyang napagtripan kong bilhin ngayon.
Lumpiang togue, dalawa po. Hindi naman ako pihikan sa pagkain. Kahit anong ihain sa hapag, ayos lang sakin (basta malinis at walang lason). Hindi na rin ako naghahanap ng ideal na ulam. Para sakin, ideal lahat.
Masarap na yung hindi nakakabored kainin. Kung baga sa parte ng isang tilapya -ansarap sipsip-sipsipin at namnam-namnamin ng bahaging ulo. Ang malinamnam na utak ang nakadikit na laman sa tinik at palikpik, pati ang matubig nitong mata na kala mo'y nakatingin sayo kung titingnan mabuti. Yung ganung pakiramdam ng sarap. Ganun yung mga masarap at ideal na ulam. Tulad na rin lang nitong lumpiang togue -lalo na kapag maanghang yung suka -masarap kung malutong yung lumpia wrapper -tumutunog sa bibig. Minsan, trip ko ring paghiwalayin yung tangkay at ulo ng togue.
Ayoko ng tangkay nito. Meron pa kasing ugat 'yon e. Pero kapag wala ng tangkay yung togue ng lumpiang togue ko, naiisip kong hindi na pala togue ito at mukhang mas bagay tawaging lumpiang munggo. Para bang kung paghihiwalayin nating ang ulo ni Rizal sa kanyang katawan -ang tawag sa katawan ni Rizal ay katawan parin ni Rizal. Pero yung ulo ni Rizal? Maaari na nating tawaging "piso!".
Nahain ko na ang tirang kanin sa kaldero at ang nabiling lumpia. Nakapagdikdik na rin ng bawang para sa dagdag na lasa ng maanghang na suka, at nakapagtimpla na ng mainit na kape. Kopico Kapuccino ala starbucks.
Hindi kumpleto ang masarap na kain kung walang mainit-init na kape. Kape sa umaga, kape sa tanghali, kape sa gabi. Buong angkan kasi namin nagkakape: bunso namin minsan nagdedede ng kape; ako at mga kapatid kong mas bata sakin –sinasabaw sa kanin ang kape tuwing walang ulam; yung ate at kuya ko pampatulog nila ang kape sa gabi ; si Tatang, minumumog lang ang kape. Nagmumumog siya sa lahat ng araw, bawat oras, minu-minuto.
Ilang saglit lang, napansin kong unti-unting nagpupulasan ang mga alaga naming mga ipis sa kanya-kanya nilang lungga. Mukhang may paparating na delubyo, o hudyat lang iyon nang pagtulo ng malakas na ulan. Kung pagmamasdan ang mga ito.. Parang nagra-rally lang sila. Sama-samang pagkilos para maiparating ang kanilang karapatang umiral sa mundo, na nasasakal na ng mga pasistang nagmamalinis.
Ayos! May isang ipis na lumapag sa lamesa kung saan ako kumakain. Buti na lang malinis na agad ang plato ko. Lokong ipis, balak pa atang paglandingan ang launch meal ko. Inangat ko ang plato.
Sumara ang pakpak ng ipis, gumalaw ang anthena sa ulo, sabi, ang mga ipis daw mas matanda pa sa mga dinosaurs, at kung magaganap ang propesiya ng mga mayan tribe tungkol sa 2012 o ang nalalapit na pagkagunaw ng mundo, mga ipis lang daw ang matitirang buhay. Astig! But maybe this one can survive the destruction of the earth but not my step-in. Focusing the target. Bull's eye.
Sayang, di ko narinig ang last word nito. If it says, "do you mind if i hang-around?" Sayang talaga. Boses ipis kasi, kaya hindi ko narinig. Perfect. Lapat na lapat sa bago kong tsinelas na imitation ng Havaianas. Dumikit ang pisat na katawan ng ipis sa lamesa. Nagkalat ang laman-loob. Tumayo ako, tangan ang plato, deretso sa lababo. Hugas ng kamay sa plangganang may tubig. Naalala ko bigla yung eksenang naghugas ng kamay si Pilato ng Romano sa plangganag may tubig matapos parusahan ng cruxifition si Hesus, kasama ang dalawang bilanggo.
Tinitigan ko yung planggana, baka biglang kumulay ng pula yung pinaghugasan ko. Mga ilang saglit, wala namang nangyayari.
Bumalik ako sa lamesa, tangan na ang basang-basahan. Nakita kong maraming langgam na kulay pula sa paligid nang napisat na ipis. Binubuhat nila ito. Sama-sama, tulong-tulong ang hindi ko mabilang na maliliit na pulang langgam. Tinangkang iangat, buhatin ang nag-iisang ipis. May pagsasaluhang launch meal na ang mga maliliit na pulang langgam -ipis ang kanilang pananghalian. Prinsipyo de ti -Geometrik ang pagdami ng populasyon pero ang pagkain pa-aritmetik talaga sabi ni pareng Malthus. Buti na lang wala akong kaagaw sa pagkain at solo ko pa ang buong bahay.
Deretso sa papag. Banig. Unan. Higa. Sarap sundan ng tulog. Payapa. Walang ingay. Wala pa yung mga istorbo sa isang masarap na pagtulog. Haaaay!
Pero hindi naman ako takaw-tulog talaga at hindi na rin ako naniniwala na kapag natulog ka sa hapon ay tatangkad o lalaki ka. Tulad nang panakot ng mga matatanda sa amin. Bakit yung mga amerikano ba palaging natutulog kapag hapon, kaya ganun na lang sila katatangkad? Mas maniniwala pa kong sadyang tinuldukan na nga lang ng pituitary gland ko ang aking growth development on my physical aspects. Pero, wala na sakin yon. Ano naman kung tinukso ako dati ng mga klasmeyt kong girls nung 4th year highschool na "supot kaya bansot" ako.
Hindi naman totoo yun. Alam ko sa sarili kong hindi yun totoo at alam kong alam nilang hindi nila kakayanin sakaling ipakita ko sa kanila ang patunay. "wanna see my lion??" At alam kong hindi ko rin yun kaya.
Siguro, hindi (lang) yun ang dahilan, madalas lang yata akong puyat, kaya bagsak ang katawan sa hapon. Wala akong insomia. Ayoko lang patulugin ang sarili nang wala pang naiisip na magandang mapanaginipan. Parang ganito, bago ko tuluyang ipipikit ang mga mata ko ay mag-iisip ako ng bagay na nakakapagpasaya sakin o kaya yung mga magagandang alaala. Mga ganun. Tapos, iisipin kong naroon ako sa alaalang yun. Hanggang sa makita ko ngang naroon na ko at nananaginip, na ganun na ang aking panaginip.
Kaya lagi kong kasama si Jessica sa panaginip ko. Ganun kasimple. Nasa isip ang eksena ng panaginip kaya iisipin kong ako ang kumokontrol sa kaisipang yun. Ayon! Technique yun para makaiwas sa nightmares -sa nakatatakot na panaginip -na madalas kong maranasan noon. Psychotherapy rin yun na tinuro ng kapitbahay naming psychotic.
(note: no therapautic claim)
...anyways, sweetdreams.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento