Booksale: Pagbasa sa Espasyong Tambakan ng mga Tinintahang Papel
(Ethnograpiya)
“Reading makes a full man; conference a ready man and writing an exact man”
-Francis Bacon
Hindi raw mahilig magbasa ng libro ang mga Pilipino. Kung may nagbabasa man, minsan ay pabaliktad pa”, ayon kay Bob Ong sa kanyang aklat na ‘Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino’. Pabaliktad man o hindi, anong uri man ng babasahin ang binabasa? ang mahalaga ay nagbabasa parin ang mga Pilipino. Nagbabasa nga ba?
Napamura ako sa unang pasok ko sa kung tawagin ko’y espasyong tambakan ng mga ibinibentang aklat o tinintahang papel, mula sa pabalat ng libro, nakadiket ang itiketa (tag price) na nagkakahalaga ng P5.00. May kakapalan din ang libro at matigas (hardbound) ang pabalat. Tiningnan ko ang iba pang libro, may mga nagkakahalaga ng P10.00, P20.00, P25.00, P40.00 pataas. Naalala ko bigla ang mga nabili kong libro sa ilang kilalang bookstore: Merriam and Webster Bookstore, C&E Publishing House, National Bookstore at iba pa. Sa lahat ng ito, walang bababa sa P150.00 at ang pinakamahal na yatang nabili kong libro ay nagkakahalaga ng P750.00. Nakaramdam ako ng panghihinayang, mahilig ako sa libro at pinag-iipunan ko ito, mula sa baon kong P100.00, nagtitira pa ko kahit P10.00 o P5.00. Kung tutuusin pwede kong sabihing kolektor ako ng libro, pero yung mga trip o gusto ko lang bilihin at syempre yung mga librong kakasya sa aking budget.
Kumanta tuloy sa isip ko ang paboritong mang-aawit, “Bakit ngayon ka lang, Bakit ngayon kung kelan ang aking bulsa’y, ubos na ang laman…” natawa tuloy ako at nanghinayang pang lalo, kung bakit kailan lang ipinakilala sa akin ang espasyong tambakan na ito na kung tawagin ay “Booksale”. Salamat sa aking ‘kritikong guro’ (na kolektor din yata ng libro at mahilig magbasa) nang minsan niya akong isama rito. Kung noon pa, malamang magiging tambakan na rin ng libro ang aking silid, mabubulunan ang mga estante ng libro sa aking munting kabinet, kung susumahin ko ang nabili kong pagkamahal-mahal na libro noon at ibibili ngayon ng mga mumurahing libro sa “Booksale”.
Napansin kong iisa ang mukha o pwesto ng bawat espasyong tambakan, walang masyadong pinag-iba sa iba pang branches ng Booksale. Puno ng libro, nasa maayos na lalagyang hile-helera, may kanya-kayang estante, magkakasama ang magkakaparehas na kategorya, textbooks, Magazines, pocket books, Medicinal books, religious books, drawing books, alamanac, dictionaries, comics at iba pa. May roon ding ilang mga school supplies: notebooks, pencil, ballpens, paper pads, clips at iba pa. Ang lahat ay nasa mas mababang halaga kumpara sa ibang bilihan. Kaya nga siguro Booksale ang pangalan ng store, sapagkat sale na ang lahat ng produktong naririto.
Tuwing maiisipan kong bumili sa “Booksale”, marami akong napapansing mga pumipili, tumitingin-tingin, nagbabasa-basa at bumibili, matanda, bata, binata, dalaga, empleyado, estudyante at iba pang uri ng tao, na waring labis rin ang kanilang tuwang nararamdaman (gaya ko) sa paghahalukay ng mga mumurahing libro sa espasyong tambakan na iyon, ang “Booksale”, sa branch ng SM Novaliches. Patunay lamang na marami rin talaga ang nagbabasa.
Mas madalas ako sa branch na ito ng Booksale sa SM Novaliches sapagkat mas malapit ito sa aking pinapasukang paaralan sa QCPU kung saan ako ay Student Teacher, nagtuturo ng asignaturang “Pagbasa at Pagsulat tungo sa Pananaliksik”, bagamat napapadpad din ako sa iba pang mga branch ng Booksale sa Maynila. Kung tutuusin may mga pagkakaiba rin ang bawat branches sa aspeto ng layo ng lugar, dami at ganda ng libro at maging sa pagkakaiba-iba ng mga presyo. Halimbawa, ang Booksale sa Farmers Cubao ang pinakaayoko, dahil bihira akong makakita nang mas murang libro doon, kakaunti lang ang mga may presyong sampu, bente pesos o mas mababa pa doon. Karamihan ay P50.00 pesos pataas, at minsan ay wala akong nakikitang magagandang libro na magugustuhan ko. Maaaring dahil sa kakaunti lang ang nagagawi sa branch na ito, at ibinabagsak dito ang ilang napu-pull-out na librong hindi nabibenta sa ibang branch. Gaya ng sinabi ni kuyang salesman ng Booksale sa branch ng Sm Novaliches nang minsang naitanong ko kung bakit may mga branch na ganito,
“depende rin sa dagsa ng tao, gaya dito…” paliwanag niya sa akin.
“at dito nagrerequest talaga ako nang mas maraming mura, P10.00, P20.00, P40.00, kasi maraming estudyante ang bumibili at karaniwang kunukuha nila’y mga ganitong halaga.”
Minsan nakadepende rin pala sa mga mamimili ang mga ibinibenta nila, gaya na lamang siguro ng sa akin, kalahati ng mga nabili kong libro ay sa branch ng Sm Novaliches nabili dahil nga doon ay mas maraming mas mura. Subalit napansin ko rin na umiikot lang ang mga libro sa iba’t ibang branch, kapag napagpilian na, matagal nang hindi nabbibili at dapat nang i-pull-out, ibabagsak ito sa ibang branch. Kaya minsan parang magkakamukha ang mga nakikita kong libro. Parang dati ko nang nabasa pero hindi nabili, o nabili ko na pero hindi ko lang nababasa kaya bibilihin ko ulit at malalaman kong nakabili na pala ako nang ganoon ding libro.
Marami na kong nabiling libro na karamihan o halos lahat ay galing ng Booksale. Karamihan nilulumot na o inaanay na dahil sa tagal nang nakatambak sa bahay, at sa wala pang panahon para pag-ukulan ng oras sa pagbabasa. Naalala ko tuloy ang sinabi ni Stephen king “kung wala kang panahon sa pagbabasa, wala ka ring panahon at kagamitan sa pagsulat.” Magkaakibat ang dalawang kasanayan na ito sa bawat pagkakataon. Di ka makakapagbasa kung walang nakasulat at paano makakapagsulat kung wala ang pagbabasa (ng mga simbolo at kaganapan sa kapaligiran). Sa ganang ito, waring nasagot ko na rin ang tanong ko sa isip na “nagbabasa nga ba ng libro ang mga Pilipino?”. Papaanong magbabasa ang mga Pilipino, kung wala namang mga libro (partikular sa Filipino). Pansinin ang mga bookshelves (estante ng libro sa National Bookstore o sa iba pang bookstore) dominante ng librong Ingles, librong gawang banyaga. Kung may lokal na akda man nasa wikang Ingles rin, na gawa ng mga Pilipinong nagsusulat sa wikang Ingles. Kung may nasa wikang Filipino naman ay asahang may kamahalan ang presyo. Kung may mura man, ito yung mga maliliit na librong may temang “magpakilig”, ang mga Pocket books Kung tawagin. Nakalulungkot isipin na sa Booksale mismo, wala akong mahagilap, mahanap na librong nakalimbag sa Filipino. Hindi ko tuloy maiwasang mangarap na sana dumating ang araw na sumikhay ang paglilimbag ng mga aklat sa Pilipinas na nakasulat sa wikang Filipino. At sa Booksale, ang mga lokal na libro ang nakikita, mabibili nang mura.
Sa tapik ni kuyang salesman, nagulat ako. Nalaglag ang hawak kong libro. At doon nagbalik ako sa realidad na nasa loob ako ng Booksale. Napangiti ako sa sinabi ni kuyang Salesman, “ pasensya na, bawal po ang private reading…” Pinulot ko ang nalaglag na libro at agad ibinalik sa pinagkuhanan kasama ng iba pang nakahanay na mga libro. Bawal ang private reading. Kapag napansin ka ng bantay, na 20 minuto ka nang nagbabasa sa iisang librong hawak, sisitahin ka. Ilang beses na kong nakaranas na masita at masabihang “bawal po ang private reading”. May ilan akong napansin na dahilan ng mga nagpa-private reading. Una: may mga librong makakakuha ng atensyon ng isang bumibili, babasahin niya ang ilang pahina, magagandahan, titingnan ang itiketa sa pabalat, mahal ang libro at hindi kasya ang budget. Kung hindi niya mabibili ngayon, ay tiyak may makakakuha nito, ngunit hindi talaga mabibili dahil sa walang sapat na pera, kaya babasahin na lang niya ang ilan pang pahina, hanggang sa masita siya. (nangyari ito sakin noong nakaraang linggo) Pangalawa: gaya ng napansin kong binata, mga 15 minuto na ang nakakalipas ay hawak lang niya ang iisang libro na iyon. Lihim kong pinagmamasdan ang kanyang kilos at ayos, nasa isang sulok lang siya, at sa pwestong walang masyadong nagagawi, sa bawat paglipat niya ng pahina’y mapapansin kong mapapangiti siya, mangingisi, manlalaki nang bahagya ang mga mata, pinagpapawisan rin siya (bagamat malamig naman ang lugar, dahil nasa loob ito ng mall ) ,ano kaya ang kanyang binabasa. pumunta ako sa kanyang pwesto, at nang masilip ko’y nalaman kong ito pala ay “Photograph Magazine” ng mga nakahubad na babae. Nakaramdam ang binata, ibinaba ang hawak, ibinalik sa kinuhanan at lumabas rin agad ng Booksale. Ikatlo: May napansin naman akong nagtetext habang tangan ang isang libro, ilang minuto na rin na tangan niya ang iisang libro na iyon, akala ko’y may katext siya. Nang mapalapit ako sa kanya, at sinadyang patagong sumilip sa kanyang selpown, nakumpirma kong hindi nga siya nagtetext para magpadala ng mensahe, kundi isinusulat niya ang mga quotes na nasa librong iyon.
Nakarating na ko sa Dumpsite sa Payatas, sa tambakan ng basurang pinagpipyestahan ng mga langaw, bangaw at mga nangangalakal. Ang larawang ito’y sumagi sa aking balintataw nang marinig ko ang nag-uusap na dalawang lalaki na naghahalukay rin ng mga libro.
“Basura na ‘to sa ibang bansa, binibili pa rin natin…” ,anas ng isang binatang naka-uniporme.
“Gago ‘pre ginto yan!”, wika naman ng kasama nito.
“Ou nga! May ginto sa basura”
“hehe.. limampisong ginto o!”, wika niya sabay tawanan ang dalawa.
Nangamoy ang ideyang ito sa marupok kong bunbunan, sadyang masinop ang mga Pilipino. Napapakinabangan nga natin ang mga bagay na tinatapon ng iba. Ngunit, isang malaki nga bang tambakan ng basura ng ibang bansa ang Pilipinas? Naalala ko, nang nilagdaan ni Manuel L. Quezon ang Bill Trade Act, matapos ang WWII, itinuring ng mga Pilipino na isa itong regalo ng bansang Estados Unidos, ang pagbubukas ng kalakal ng ibang bansa nang walang taripa o buwis upang makabangon (daw) ang Pilipinas sa malawak na pagkawasak. Matapos ang 50 taon, sa pagtatapos ng kasunduang ito, walang pasubaling pinirmahan naman ng “amboy” na si Manuel Roxas ang Parity Right na nagsasaad na bukas na kalakalan sa ibang bansa nang walang taripa o buwis at sa habang panahon. Kaya nga’t nagdatingan ang mga Surplus, o sobrang produkto ng ibang bansa, minsan ay mga basura na nila ay pinapadala sa Pilipinas at tayo naman ang kukonsumo. Gaya ng mga librong ito, 2nd hand na halos, bagamit maayos pa naman, ang mahalaga nito nagagamit ito nang Pilipinong mahilig magbasa.
Ang kailangan lang marunong kang pumili nang aklat. Tuwing kasama ko ang aking Kritikong guro, napapansin ko kung paano siya pumipili ng libro, bawat sulok ay sinusuyod niya, maging ang mga librong nasa pinakailalim na o mga natatabunan na. Binabasa, sinisipat niya ang pabalat ng aklat, ang titulo at sub-titulo ay mahalaga para malaman agad ang paksain ng isang libro. Minsan ay dapat din daw na dumipende sa kung ano ang kinahihiligan mo, para tiyak na magagamit at masusulit mo talaga ang librong nabili mo. Lahat naman ng tema at paksain ay makikita mo, lamang kung matututo kang maghalungkat at magtyaga. Sabi nga kung may tyaga may librong makukuha na medyo medyo pa lang ang pagkaluma. Kahit ano pa man, salamat sa Booksale, at sa pagkakataong nakakalusot sa pagpa-private reading.
Maikwento ko lang, may isa akong kalokohan na nagawa sa Booksale noon, may magandang libro akong nakita ngunit nagkakahalaga ng P125.00, gustong-gusto ko ang libro, pero nakakainis dahil sa sobrang mahal nito. Nakakita ako ng isang libro na may mababang presyo, tinanggal ko ang presyo at dali-daling ipinalit sa nais kong libro. Binayaran ko lang ng P20.00, nakalusot ako. Sa bus papauwi, habang nanabik na basahin ang libro pagnakauwi na sa bahay, malas namang nakatulog ako at nagising na lang sa bus na laslas na ang aking suot na pantalon, nilaslas yata gamit ang blade ng kung sinumang walang hiya! nawala na ang aking wallet na may lamang P200.00, at naputol pa ang aking I.D lace. Mura ang nabili kong libro! Mura!Mura!! Mura!!! Mura!!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento