SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Sabado, Oktubre 3, 2020

37. MILINDA, IKAW BA TALAGA YAN?

Nobela2 | The Hitler Girl I Know

37. Milinda, ikaw ba talaga yan?


[Felimon 'tatang' Poserio Salvador's Point Of View]


Sabi ng tatay ko huwag daw bibilangin ang sisiw kung hindi pa napipisa ang itlog dahil walang kasiguraduhan kung mabubuhay ang lahat ng sisiw sa pagkapisa ng itlog, pero heto ako ngayon, nagbibilang ng sisiw sa mga bugok na itlog, kasi alam kong may kasiguraduhan na sa bawat balot na binubuksan ay may naroong sisiw -kaya lang patay na pero ang mahalaga ay meron, sigurado akong may roong sisiw doon,

kasiguraduhan lang naman ang isa sa hinahangad natin e,

"Tatang pabili nga po, limang penoy," gaya nito, siguradong customer, may siguradong kita ako

"balot ayaw mo? pampatibay ng tuhod,"

"hindi po akin 'to, pinabili lang po,"

"ganun, hay naku Carmelo.. O ito isang balot, libre na yan,"

ayaw pang tanggapin? "ay salamat Tang," naku sa susunod may bayad na yan! wala nang libre sa panahon ngayon. Kung hindi ka lang crush ng anak kong dalaginding -si Dayang- hay mga bata talaga oo!


"Tatang bakit po hanggang ngayon e nagtitinda pa kayo ng balot?" kita mo na talaga itong batang ito.. ano bang tanong yan?

"Melo hijo, kasi wala akong maisip na dahilan kung bakit hindi ako magtitinda,"

"Tatang e, may malaki na po kayong bahay a, pati nga po bahay ng ibang tao e pinaayos niyo na po, tsaka po di ba si kuya Mikko e nangibambansa -di mayaman na kayo,"

sigurado akong marami pang dapat malaman ang batang ito sa kalakaran sa buhay, "hindi porket sagana ka ngayon ay hihilata ka na lang sa karangyaan, hijo e mayaman nang mga anak ko ngunit ako'y hindi. Sila pinagpala dahil sila'y nagsusumikap

kaya ikaw magsumikap ka," kung gusto mong makatuluyan ang anak ko, naku! kita mo 'tong batang ito e kakamot-kamot lang, ang mga kabataan talaga ngayon may sariling konsepto ng pagsisikap,


"puro pinagsisikapan mo'y panliligaw!"


"ay hindi naman po Tatang, actually gagraduate na po ako next year e," ga-graduate? hindi ko naman nabalitaang nag-aaral ang batang ito ah,

"nag-aaral po ko sa UD, 4th year na po ko ng I.T"

"Teka saan ba ang U.D? bagong paaralan ba 'yon?" alam ko lang UM -university of Manila, UP, tsaka UE

"UD po, di niyo po alam? DOTA University po,"


"Ay anak ka nang!-" hahambalusin kong batang ito e, karipas agad ng takbo,

"Sigee tang, salamat po sa libreng balot,"

"HAY!! Maloko talaga ang mga bata ngayon ah," noong panahon namin -tampal sa bibig ang inaabot ng mga batang sasagot-sagot! Hay naku!


"Tatang," may humintong sasakyan at nakilala ko agad kung kanino,

"oh Jenny anak, saan ka pupunta?"

"Tatang kagabi pang di umuuwi si Mikko, e nasa presinto pala. May tumawag lang po sakin," nasa presintong anak ko? kararating lang ng bansa ay nasa presinto na agad?!


"Teka sa-sasama ako," agad kong ligpit sa mga paninda ko, at isinakay sa bagong sasakyan ng anak ko. “Naaawa na talaga ko sa kapatid mong yan, naku! kakabalik lang may problema agad,"


"Tatang me kakambal atang malas yang si Mikko e," naku jenny, alam kong mahal na mahal mo rin yung kapatid mong yun. Si Mikko ang bunsong lalaki ko, at si Jenny ang panganay ko (na hanggang ngayon ay hindi pa nag-aasawa) at si Dayang ang dalaginding kong anak aasta-astang lalaki. Pero mapalad ako sa mga anak ko dahil sila'y nagtutulungan.

"Bakit daw ba nakulong? ano na namang ginawa?"


"nasa bahay po sila Xhiang, e ang sabi'y pinaaresto raw nung Granny nila -yung lola ni Buntis,"

Akala ko ay maayos nang lahat nang makilala ko ang tatay ni Buntis -si Scooth -at pinagtapat sa akin na may magiging apo na ko sa anak niyang si Cassandra, ang laking tuwa ko. Ang biyas ko pang pumunta samin, ibig sabihin ay tanggap nila ang anak kong si Mikko. Mula noon lagi nang dumadalaw ang mag-ama sa bahay, naalala ko nga nung unang araw na bumisita ang mag-ama andami nilang bitbit na pagkain (iyon din ang araw na ibinigay ko kay Buntis ang isang bagay na hindi naibigay ni Mikko nang kaarawan nito-yung sapatos na alam kong pinagkagastusan ng anak ko, tuwang-tuwa si Buntis nung araw na yun)

Maswerte ngang anak ko sa kanila. Lalo na't mabait ang ama ng batang iyon, pero nagtataka lang nga talaga ako kung bakit hindi pinagtapat noon ni Scooth sa anak ko ang lahat, bago ito umalis ng bansa, naalala kong siya pang huli nitong nakausap bago sumakay ng eroplano.

"Kala ko ba nama'y kasalan na lang ang hinihintay natin sa dalawang iyon,"

"may sinabi ka anak?" bigla-bigla na lang nagsasalitang 'tong batang ito,

"anlalim ng iniisip niyo e, sabi ko po kala ko e kasalan na yung dalawa,"
iyon din ang buong akala ko,

"nagsinungaling pa ko kay Mikko, sabi kong magpapakasal ako para lang umuwi yun, kahit ang totoo sila ang dapat ikakasal,"

"hay, ayun nakauwi nga kaya lang me kontrabida pa pala,"

"yung lola ni Buntis? e bakit ngayon lang natin ba nalaman?"

"kasi raw kakauwi lang din nun ni matandang Granny galing Hongkong e, walang kaalam-alam sa mga apo -na buntis palang apo niya -nung malaman daw e ayun, nagwala,"

Granny? "Mukhang mahihirapan si Mikko na pakibagayan yung matandang yun, e di ba may dugong intsik daw ang pamilya ni Buntis?" May naalala tuloy akong taong malapit sakin -tsinoy ang kanyang pamilya -iba ang ugali ng mga magulang nun, masyadong istrikto.


"Naku lang tatang, kala ko nga e magkakaroon na ko ng kapamilyang foreigner, pero mukhang epic fail ang love story ng kapatid ko,"

ha? "anong epic fail?"

"Tatang ang ibig kong sabihin: hindi happy ending ang kwento nila-"

"wag ka sanang mag-dilang anghel," alam kong maaayos din ang lahat.. alam kong malalagpasan ni Mikko ang mga ito.

"Tang alam kong mukha akong anghel pero hindi ko rin naman hinihiling na maging epic fail ang buhay ng kapatid ko -sabi nga sa 3 IDIOTS: All is well tatang! All is well,"


Huminto ang sinasakyan namin sa may prisento, agad akong bumaba at binitbit ang pinaglalagyan ko ng aking tinda, nasa isip kong bigyan sila ng balot pakunswelo kumbaga. Kung ano-anong nasa isip ko para sa anak ko, baka binugbog na naman gaya nung dinala daw siya sa kulungan at binugbog ng mga preso doon. Sana ayos lang ang anak ko.

Nang mapiyansahan na't pagkalabas ng anak kong si Miko'y agad kong yakap sa kanya , lugmok ang hitsura niya at alam kong di nakatulog sa pag-aalala at sa lungkot.

Iniuwi namin siya sa bahay at pinagpahinga.
Kinabukasa'y ikinuwento niyang lahat sa amin. Ang nangyari kay Cassandra, ang pagpapa-aresto sa kanya ng Granny

"kuya Mikko, pasensya na po kung hindi ko agad nasabi sayo, nung tumawag po kasi ako sayo e naabutan ako ni Granny," mabuti at nandito si Xhiang para magsabi sa amin ng lahat.

"Ligtas na po si ate Cassandra, at ang anak niyo si Cherryline po,
kaya lang si Granny po ang problema-"

Cherryline? iyon ang pangalang binigay sa apo ko, parang me kapangalan siya -di ko lang matandaan,

"bakit ba ang init ng dugo ng granny niyo kay Mikko?" tanong ko kay Xhiang, nakapalibot kami sa lamesa, inihahain ni Jenny ang almusal.

Matagal na walang sumasagot, sa mukha ng anak kong si Mikko alam kong alam niya na ang dahilan kung bakit nga ba ganoon na lang ang tingin sa kanya ng matanda,"Galit si Granny kasi -dapat magpapakasal na kami ni Cassandra," pagkabukas ng pinto ay nagsalita si Kelvin, kasama niya si Kristina ang kapatid ni Buntis, at ang ampon nila Mr. Scooth si Intoy -ilang beses na rin silang nakapunta dito sa bahay dahil kay Buntis. Buntis ang tawag nila kay Cassandra.

"magandang umaga po Tatang," si Kelvin at si Kristina,

"mano po," nagmano sakin ang tatlo,

"tamang tama kayo, upo na at mag almusal na tayo, wag kayong mahiya,"

"sa-salamat po," unang umupo si Intoy, nagkamustahan sila.

"totoo ba yun Kelvin," basag na tanong ni Jenny sa biglang katahimikan namin. Tumango ang tinanong,

"you mean, pinagkasundo na kayong dalawa ni Cassandra?" tumingin muna ang binata kay Kristina,

"Ah oho, ate Jenny,
kaya lang pinikot ako ni Kristin- AAWWW!" Nangurot sa tagiliran itong si Kristina, nagharutan pa ang dalawa at nakakatuwa silang pagmasdan, "Biro lang, tine"

sumeryoso siya ng ayos, "kasi po mas mahal ko si Kristina," namula ang pisngi ng dalaga at nansiko pa sa nagsasalita,

"at alam ko po kasing magagalit si Sir," tumingin siya sa anak kong si Mikko, matagal bago nagsalita ang anak ko,

"kaya lang di ko na alam kung anong mangyayari samin, sinampahan ako ng kaso ni Granny, hindi ko alam kung paano makakalapit sa mag-ina ko," naawa akong talaga sa anak ko, paano kaya ako makakatulong sa kanya.

"Kaya mo yan sir Mikko, boto kami sayo," sabay-sabay ang tatlo: si Xhiang, Kristine at Kelvin. Lumapit naman si Intoy sa anak ko at yumakap. (magaling na ang batang si Intoy, inoperahan daw ang dila -pwede na pala ngayong dugtungan ang naputol na dila? grabeng katalino na ng henerasyong ito.


"M-Miko -ma-mahal -ate -B-Buntis, at-te Bun-tis mahal ku-kuya Mikko," hindi ko alam ang kwento ng batang si Intoy , pero masasabi kong maswerte siyang bata, nanakatagpo siya ng pamilya -nang ampunin siya ni Scooth at ipagamot pa.

"ou Intoy, mahal na mahal ko si ate Cassandra mo,

Intoy patawarin mo ko ha, andami kong kasalanan sayo noon, natutuwa ako't nandito ka na," yumakap lang ang bata kay Mikko, para bang matagal na silang magkakilala.


"k-kuya Mikko? tutuwa kay Intoy? ta-talaga po?" tumango si Mikko, lahat kami natutuwa sa batang ito. Si Jenny nahuli kong nagpahid bigla ng luha.

"si-si Buntis sasabi -mahal na ma-mahal ka niya, sabi- niya -sab-sabihin ko na mahal mamahal na -mahal ka niya,"

naiiyak na si Mikko, "galing kami sa hospital, ayos na sila Cassandra, malusog ang bata," usal ni kristina.

Umaliwalas naman ang mukha ng anak ko, "gusto kong makita ang mag-ina ko Xhiang, ate Kristine,Kelvin tulungan niyo ko," nagkatinginan silang tatlo. Sa dulo'y nakatingin kaming lahat kay Xhiang.


"S-sige po, gagawa ako ng paraan kuya Mikko, ka-kaya lang kasi natatakot din po ako kay Granny. Kasi isa daw ako sa naglihim sa kanya, akong paborito niyang apo -pinaglihiman ko siya," sagot ni Xhiang sa lahat.


"Xhiang pakiusap," hiling ni Mikko,

Gusto ko ring tulungan ang anak ko, alam kong nararamdaman ng anak kong si Mikko -masakit ang malayo sa iyong minamahal.

*** *** ***


Umalis ako na lingid sa kaalaman nila, pupunta ako sa hospital ngayon para kausapin ang sinasabing Granny nila. Makikipag-ayos ako para sa anak ko.

Ayokong matulad siya sa akin noon, ayokong mahiwalay siya sa kanyang minamahal. Ayokong gaya namin ni Milinda ay hindi nagkatuluyan dahil sa pinaghiwalay kami at kailanman hindi na muling nagkita. Mula noon- mula noong araw na iyon.

Hindi ko hahayaang mangyari yun sa anak ko. kakausapin ko ang kanilang Granny, kung kailangan kong lumuhod gagawin ko o kahit na humalik sa paa niya -lahat gagawin ko!

***
"Felix? i-ikaw ba yan?"

Napalingon ako sa tumawag sakin, nang pagkababa ko ng taxi, sa harap ng hospital, FELIX? Isa lang ang tumatawag sakin ng Felix - at matagal nang panahon iyon.

Namamalikmata lang ata ako, s-si

"M-Milinda??" pababa siya ng kotse, sa loob ng mahabang panahon, hindi ako makapaniwala. Hindi ko akalaing makikita ko siya, na muling magkakaharap kami.

"I-Ikaw ba talaga-"
parang walang lumalabas na boses sa bibig ko, totoo bang nasa harap ko?

"Felix, ikaw nga,"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...