SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Sabado, Oktubre 3, 2020

9. NYUBE. ANG TOTOONG PANGYAYARI

Nobela1 | Daigdig ng Tag-init

9. Nyube

Ang Totoong Pangyayari


“sunog!” Me sunog! Lumabas na kayo r’yan!”

          At ilan pang kalampag sa pintuan. Mabilis na ngang lumatag ang apoy sa bawat bahagi ng dingding. Nagngangalit ang apoy sa kisame. Bumubuga naman ng itim na usok ang kagamitang natutupok. Lumalatag sa buong kabahayan, kaya’t malabo ang daraanan. Sanhi ng paninikip ng hininga, masakit sa lalamunan ang itim na usok, at nagpapahapdi sa mata kaya’t hirap tunguhin ang daan palabas.

          Nangagsisipagbagsakan ang mga kahoy na nagniningas. Mapanganib pang lalo’t tangan ko si Tatang, ang tatlong nakababatang kapatid.  Nanginginig ang kamay ng kapatid kong bunso na nakahawak maigi sa laylayan ng aking damit. Nananangis sila’t di inaagwatan ng pagpatak ng luha dahil sa matinding takot. Dasal nang dasal si Tatang. Iisang pangalan lang ang binabanggit. Sinipa ko pagdaka ang pintuang nilalamon na rin ng apoy. At mabilis tumakbo palabas.

Nagkakagulo ang mga tao. Tangan ang balde ng mga lalaki at sinasabuyan ng tubig ang kani-kanilang nasusunog na kabahayan. Di magkandaugagang kipkip ng  mga kababaihan ang kanilang mga sanggol, habang ang mga anak na nakapaglabas ng iilang gamit ay naroong nagbabantay. Mga kagamitan na dahil sa pagmamadali, ng pagkataranta ay nabitbit palabas.

Iisang mukha ng lahat habang pinagmamasdan ang kanya-kanyang kabahayang mabilis. Nilalamon ng apoy. Mukha ng panangis para sa mga ari-ariang naipundar ng ilang taong pinagtrabahuhan. Na ang ilan pa nga’y di pa natatapos bayaran: mukha ng matinding takot, ng panangis, ng panlulumo at panangis.
        Wala pang tumitilaok na manok, nasa kalagitnaan pa lang ng pambubuwisit ang mga lamok, na biglang nabulabog dahil sa hindi inaasahang pagkapal ng usok, ng napakaiitim na usok. Noon ay kinaiilagan ng mga tagapagdala ng dengue at malarya ang usok lamang na likha ng mga lion at baygon, pero noong mga oras na iyon, nagsilikas ang mga ito. Bitbit ng mga lamok ang kanya-kanyang balutan.

Walang maliwanag na buwang makikita sa kalangitan. Nakatago marahil sa mga ulap, na pinaiitim pang lalo ng mga pangyayari. Pero hindi importante ang maliwanag na buwan ng mga oras na iyon. Napakaliwanag na kasi ng paligid, parang isang napakalaking bonfire sa palibot ng mga taong nagmumukhang duwende sa dami at liit. Nagiging panggatong ang mga kabahayan. At pinagniningas pang lalo tuwing may sasabog ng mga tangke ng shellane, M-gas o kerosene. Tanggap na ng ilan ang maliwanag na pagkawala ng mga pangyayari, ari-arian, ng buong kabahayan. Maliwanag na abo na lang ang buong kasasapitan nila.

          Umalingawngaw ang lansangan mula sa dako kung saan. Napalingon sa paparating ang mga residenteng nakapaligid sa nasusunog na kabahayan. Ang alingawngaw ng pag-asa na makapupula sa nagngangalit na apoy. At nagbigay ng daan ang mga tao sa ilang fire truck na rumiresponde.
Nagsibabaan ang mga bumbero, hinawi ang mga tao. Inihanda ang naglalakihang hoss at sinimulang pahinahunin ang lumalamon sa kabahayan. Nadagdagan naman ng lakas ng loob ang mga kalalakihan, kaya’t hindi nila lalong tinigilan ang pagsasaboy ng tubig gamit ang kanya-kanyang balde. Nanginginig. Kumakabog nang malakas ang dibdib, hindi maipaliwanag ang pakiramdam. Halo-halong emosyon. Pinahid ng isa ang nangingilid na luha sa mga mata. Hindi pagkaduwag ang ibig-sabihin ng pagluha ng lalaking iyon. May mga pagkakataon lang na tinatalo ang paniniwalaang tatag ng labis na pagmamahal. At sa kanya ang tanging naipundar. Kanina pang kinakalampag ng lalaking iyon ang tarangkahang bakal, ang kanyang bahay na nilalamon ng rin ng apoy. Naka-padlock pa ito. Marahil tulog pang mga tao sa loob. Paulit-ulit na malalakas na kalabog-katok ng lalaking hindi na malaman ang gagawin kung paano gigisingin ang mga nasa loob. Dumampot siya ng bato. At inihagis sa may pintuan habang sumisigaw ng pangalan. Lumikha ng malakas na ingay ang inihagis na malaking bato. Kumalabog. Ngunit wala paring sumasagot mula sa loob. Walang pwedeng daanan maliban sa tarangkahang iyon. Palibhasang naka-konkretong bakal ang buong harapan. Kandado ang gate at sinamahan pa ng sobrang init na nagmumula sa naglalagablab na apoy na mabilis nang kumakalat sa buong bahagi ng kabahayan.
Sinipa-sipa niya ang konkretong bakal ng tarangkahang iyon. Nagsasayang lamang siya ng lakas –nakakandado itong maigi. Lumingon-lingon siya. Hindi mawari ang hitsura ng lalaki. Alangang inis at panangis. Humagilap ng anumang pwedeng ipampukpok sa kandado. Dumampot muli ng bato. Ubod-lakas na inihampas sa kandado, ngunit sulidong bakal ito. Hindi uubra lalo’t pahirapan ang hampas, nasa loob ang pagkakasara at masyadong mababa para maabot.

“ba’t ayaw nyo pang magsilabas diyan!!” Sigaw niyang wari’y umabot na sa sukdulan ang pagtitimpi, sa galit.  Ibinato niya ang hawak sa nagniningas nang pintuan ng kanyang bahay at pagdaka’y bumaling sa may tangan ng hoss. Walang anu-ano’y kinuha niya ito sa bumbero. Sapilitang inagaw ang pamatay sunog.

“A-ang-mag-ina-ko!!” At pinihit niya sa pagkatodo-todo ang hoss. Kasunod ang biglang pagpilandit ng mas malakas na pag-alagwa ng tubig. Nakatutok sa kanyang bahay na nagliliyab.

Nilalamon na ng apoy ang kabuuan ng bahaging harapan ng kanyang bahay. Nagliliyab ang pintuan. Umabot na sa poste ang ningas ng apoy, sa kable ng kuryente. Napakataas.

“trabaho po namin ‘to. Amin na po.” Anas ng bumbero sa aligagang lalaki.

“hindi pwede! Puta! Ang mag-iina ko, nasa loob pang mag-iina ko.” Wala nang patid ang daloy ng luha ng lalaki, nakikiusap ang boses nito, nagmamakaawa para sa pag-asang baka maapula ang apoy na iyon na unti-unti nang nilalamon ang buong kabahayan.

"kami na lang pong bahala," pakiusap ng bombero. Matapos ay pilit kinuha ang water hoss sa lalaki at sumenyas sa kasamahan na may tao pa nga sa loob. Ngunit sa pagkawala ng tangan, kinuyom ng lalaki ang kanyang kamao at At sinikaran sa mukha ang bumbero   

"nasa loob pang mag-iina ko! Putang na!"
Nabigla rin ang mga nakakita sa ginawa ng lalaki
"asang silbi nyo?! Kanina pa me sunog dito!" at ang reaksyon ng nakapaligid ay ang pag-awat sa lalaki. Lalo pa't kwinelyuhan nito bigla ang bomberong di naman nanlalaban.
"ba't ngayon lang kayo! Tang na nyo!" ulit ng lalaking nag-aalab na rin sa galit.
"tama na adre!" at pinagtulungang hawakan ang isa. Iginapos sa kanilang mga bisig. Doon ko lang nakilala ang mukha ng lalaki -si mang Ismael iyon.
Kakauwi lang niya galing sa trabaho. Si mang Ismael...? Napalingon ako bigla sa kanilang bahay. Sobrang laki na ng apoy, na nagngangalit sa paglamon ng tanging pasukan. Walang pag-asang makaraan doon. Hindi pupwede... Ang mag-iina ni mang Ismael, maaring nakulong na sa loob. Hindi pwede.. Noon din. Iniwan ko sa kinapupwestuhan sila Tatang. Naisip kong magbuhos ng isang timbang tubig sa katawan. Makatutulong ito nang mabawasan kahit paano ang matinding init. Mas madali sana kung ang kisame o dingding ay gawa sa kahoy. Kaso hindi. Isa sa mga bahay na halos kabuuan ay bato ang kila mang Ismael. Bakit hindi, kung mayroon namang ipambibili. Malaki ang sahod ng isang operator ng elevator sa isang first class hotel sa Makati. Dagdag pang malaki-laki ring sahod ang sa anak na call center agent. Kaya't masasabing may sinasabi na sa buhay. Kaya nga't ikinulong sa bakal ang harapan ng bahay, na ngayon e, pahirapang pasukin dahil sa pagkakandado at sa nagliliyab na apoy.
          Makitid ang tungtungang pader sa pag-akyat ko sa bakod, na harang sa pagitan ng estero't mga kabahayan. Isang kibot lamang o isang maling hakbang ay tiyak kong ikahuhulog. Pero hindi ko ikinabahala ang anuman nang mga oras na iyon. At para saan? Nang hindi ko siya mailigtas. Sila, na nasa loob pa.  Natitiyak kong ilang mga sandali pa'y hindi na nila kakayanin pang manatili roon. Lubhang malaki na ang apoy sa tarangkahan ng bahay na iyon ni mang Ismael. Marami nang nagtutulong-tulong na mabuksan ang kandado nito at paulit-ulit na mapatid-litid na sigaw ng mga tao. Nasa panganib ang mga nasa loob. Hindi pupwede. At minadali ako ng labis na kaba't pag-aalala. Iisa lang ang naiisip kong maaring daanan. Pagtungtong ko ng bubong, agad kong tinungkab ito. Lumangitngit. Naka-konkreto ang pagkakapako ng bubong na iyon. Ilan pang ubod lakas na pagtungkab ay nagkaroon na ng uwang. Lumabas ang maiitim na usok. Maari nang magkasya ang isang tao roon. Agad ang apuhap ko sa kung sino. Madilim ang buong kabahayan dahil sa maiitim na usok, sa naglalagos na maiitim na usok sa buong paligid ng kabahayan. Sige ang sigaw ko nang mabatid nilang naroon ako. At hindi nga ako nagkamali, narinig ko nang may tumatawag ng pangalan ko. May naaninag na kong naroon. May pinagtutulungang iangat ang dalawa na isang hindi ko pa masyadong makita kung sino.
"abutin mong kamay ko! Kapit!"  ang sigaw ko sa kanya at buong lakas kong hila-hatak papaangat nang mahawakan ko ang kamay niya. Ang bigat, na sinamahan pa ng pahirap na usok. Nalalanghap ko na,'t nagpapatindi ng bigat. Masyadong mausok. Madilim. Masakit sa lalamunan. Sa mata. Tumitindi ang singaw ng init. May apoy na nagmumula sa ibaba. Mabilis nang kumakalat. Hinigpitan kong pagkakakapit sa kanyang kamay. Humanap ng makakapitan. At isang ubod lakas kong hatak sa kanya. Natumba kami. Napayakap siya sakin. Noon din nasilayan ko ang kanyang mukha. Isang malaking pasalamat ko. Tahan na Jess.. Tahan na. Pang-aalo ko sa kanya na sige na ang pag-iiyak at panginginig ng buong katawan.
"h-hindi pwede! Sina mama-s-si ate-tricia. Na-nasa loob pa...” sa ani niyang iyon ay bigla kong naalala ang dalawang nag-aangat kanina. Kahit hindi ko halos maaninag ang mga mukha. Naroon pa sila. Naiwan pa sila doon. Agad akong naalarma, pero may kung anong humarang sa pagtatangka kong muling lumapit sa butas. Biglang napahigpit ng kapit sakin si Jessica. At naramdaman ko ring biglang lumangitngit ang bubong. Mukhang bumababa nang kinatutungtungan namin. Napaatras kami. "sina mama..!" giit niya sakin. Ngunit biglang lumagos ang apoy sa uwang ng bubong. Hinarangan na ng apoy ang tanging maaaring daanan. Naramdaman ko naman ang malakas na paglangitngit ng tinungtungan namin. Napa atras pang lalo kami. Babagsak ng kinatutongtungan namin. Bibigay na anumang oras. Napapikit si Jessica at kumapit nang husto sa akin. At ilan pang atras namin. Hindi ko na namalayan, natapakan ang marupok na na kahoy. Napasigaw si jess nang mawalan kami ng pagkabalanse.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...