May Dahilan ang mga Tikom na Kamao
(Tula)
May dahilan ang mga barikada
at tinik na alambre
May dahilan ang mga tangke
ng tubig na pambala sa pag-atake
May dahilan ang mga truncheon at tirgas,
Armor shield, baril at posas
May dahilan ang Molotov cocktail
Lamang ay maling pagdadahilan;
Mas may dahilan ang barikadang bisig
Mas may dahilan ang mga placard, strimmer at bandila
Na iwinawagayway ng mga kamay
Na nganginginig na sa galit
Sa kalsadang pinagmamartsahan
Ng mga paang may patutunguhan
Mas may dahilan
ang sumisigaw na tinig
sa megapono
at mas may dahilan ang mga tikom na kamao
daan ito sa pagbabago
ng sistema ng mga pagdadahilan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento