SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Sabado, Oktubre 3, 2020

5. SINGKO. HOT SEAT SA LOOB NG KWEBANG MAPANGHE

Nobela1 | Daigdig ng Tag-init

5. Singko

Hot seat
Sa loob ng kwebang mapanghe

Chums: futaka kuni / mixed nuts, p.o cheese stick

Ilang segundo pa lang ang lumipas nang makaupo ako sa silyang walang sandalan. Nag-uunahan parin ang kalabog ng dibdib ko at pawis na di maawat sa pagtagaktak kakamadali. Ayos lang, para akong nag-sauna sa tirik na tirik na sikat ng araw.

Sa corridor, may mga militanteng-estudyanteng nagsasagawa ng silent march. Hindi sila sumisigaw sa pagkakataong ito, pero naririnig ko yung mga nakasulat sa mga bitbit nilang banner at plakards. Stop rationalization on education. Imperialist regimn oust. LFS. Upgrade antique facilities. Edukasyon, hindi komersyalisasyon. No to tuition fee increase at iba pa.

Saglit lang na dumaan. Nangangalabit siguro para makinig kami o mas maganda kung sumama sa isang kilos-protesta para kundinahin ang pagtataas ng matrikula sa sintang paaralan. Malaking usapin nga naman kung tumaas ang tuition fee naming na  12 peso per yunit na balak gawing p200 per yunit bawat semestre.

Kapag nagkataon, mababago ang kasaysayan ng sintang paaralan ko bilang isa sa pinakamurang unibersidad sa Maynila o sa Pilipinas. At makikihanay na ito sa mga pina-privatized ng gobyerno na mga unibersidad, tulad ng paaralan kung saan ginawaran ng most outstanding student award si dating pangulong gloria macapagal arroyo, ang unibersidad ng pilipinas.

Ayos! Kapag nagkataon, saan kaya kami pupulutin ng mga katulad kong umaasa lang sa murang bayad ng tuition fees at pagiging iskolar ng bayan. Malamang nito, babalik kami sa pagpupulot ng basura at muling magiging dream-static ang mauudlot naming mga pangarap.

Tapos pagtatakhan ng gobyerno kung bakit mas dumami ang mga tambay, drug-addict, tulak, prosti at iba pang sinasabing salot daw sa lipunan. E, heneral pala sila ng mga bugok !  Paanong hindi magkakaganito, gayung unti-unti na nilang sinasarhan ng pinto yung mga mahihirap na walang pambayad sa mala-private school's tuition fees nilang eskwelahan. Kaya nga nauuwi sa pagiging salot daw sa lipunan yung mga anak nina manong drayber, ni tentay petchay, ni pinong araro at ni juang kalakal ay dahil sa wala na rin silang pagpipilian. Kung hindi tumulong sa trabaho ng magulang ay maghahanap ng mapagkakakitaan, para lang hindi maging pabigat o kahit makatulong man lang sa magulang sa paraang alam nila. Nakababahala ang unti-unting pagsasara ng pinto ng paaralan sa mga maralitang gaya ng karamihan ay siya namang pagbubukas ng tarangkahan sa mga investor at mayayamang nilalang na magdadala (raw) ng malaking salapi sa unibersidad.

Nakatatakot ding isipin na bukas pagpasok ko ay makikipagpatintero sakin yung mga kotse ng mga  mayayamang estudyante (tulad sa PR University) na nag-uunahan sa pagpa-park ng kanilang magagara't nagkikintabang sasakyan. At maninibago ako sa katahimika ng lugar, dahil maya na lang ang humuhuni, aso na lang ang nag-iingay, busina ng magagarang kotse na lang ang sumisigaw, yung mga militanteng estudyante't mga aktibista ay napalayas na sa sintang paaralan.

Sa panahon na iyon, marahil hindi na de-susi kundi de-microships na ang mga kokote ng administrasyong namamahala sa paaralan kong sinisinta. Kung may araw nang paghuhukom siguro ay ganitong bersyon iyon: nakatapak ka nga sa langit, wala namang live-band concert ng chicosci at spongecola o dance showdown ng manuevers at sexbomb; buti pa sa langit ng mga muslim may sandaang kababaihang may bitbit ng coconut virgin oil ang sasalubong sayo. Kung magiging ganito ang paghuhukom, walang kasing sarap magpasabog ng twin tower nang ilang beses, nang paulit-ulit pero sisiguraduhin kong nandoon ang may-ari nito, ng 9th eleven.

Kung may kanya-kanyang konsepto ng katarungan ang bawat isa, sino kaya ang lalabas na tama? Ang lalabas na makatarungan o ang may tamang hatol sa bawat isang katarungan lang ang hinihingi. Iniisip kong lumabas para makihanay sa panawagan ng mga nakataas ang kamao at humawak na rin ng banner at plakards na nakabibingi na ang sigaw pero malamang, makatarungang bagsak na singko ang muling sisigaw sa classcard ko sakaling hindi ko maipasa ang dapat ipasang requirements ngayon at hindi makapag-exam (uli) sa subject kong paboritong (tulugan) pasukan.. Dahil paparating na ang profesor naming tauhan sa alamat ng clubhouse at tatlong pari sa buhay ni Rizal.

Good mood si sir Fortune. Pumasok siyang nakangiti sa aming kwarto. Ngiting anghel, (hindi halatang pustiso lang ang ngipin niya sa bandang itaas) siguro'y galing Halina. Yung lugar pahingahan na may logo na babaeng may ring sa ulo.

Insert question: ano sa filipino ang house?
Sagot: bahay
Question: ano sa filipino ang home?
Sagot: tahanan
Question: ano naman sa filipino ang hotel?
Sagot: tirahan. TI-RA-HAN?

"anyways..."  putol niya sa anumang sinabi niya.

Agad pinaayos ang hanay ng mga upuan. Eksam agad. Ang hanay ng mga upuan ay pinaghiwalay sa apat. Sinisigurong hindi kami makapagkokopyahan sa hayagang paraan. Pero kahit yata patago, hindi rin uubra ang mag-cheat. Wala kasing hinihinging ispisipikong sagot.

Walang enumeration, walang choices at walang clue. Purgahan ng essay ang eksam ni Sir. Sanaysay ang labanan. Ang buong semestre ng kanyang pagtuturo tungko sa buhay at sinulat ni Rizal ay huhusgahan sa kung anong mailalapat mo sa papel. Sa kung anong maaalala, base sa naituro niya.

Kung may paborito akong propesor, si Sir na yun. Mabait kasi sir, maunawain at mapagbiro. Naalala ko kung paano niya naunawaan ang klasmeyt ko na natutulog sa klase niya at sasabihin niya,

"hayaan n'yo na, baka puyat 'yan kagabi, wag nang gisingin."

Nakatutuwang isiping nauunawaan niya ang mga ganitong sitwasyon. Siguro, dahil alam niya ang epekto ng madalas na pagpupuyat tuwing gabi. Dahil siguro'y may insomia si Sir. At dahil tuwing gabi lang nagbubukas ang mga mahiwagang kweba sa Escolta.

Dati kasing presidente ng internasyunal na samahan ng mga minero (miners) si Sir fortune.

Naalala ko nga yung kwento niya tungkol sa pagmimina nila sa isang kweba sa Las Vegas, Nevada U.S.A -noong pinasok daw nila yung kweba (kasama ang ilang kasamahang minero) ay naligaw daw sila. Nagkahiwa-hiwalay ang grupo. Biglang nawala yung mga kasama ni Sir sa loob. Mag-isa na lang siya. Kahit anong sigaw niya ay walang nangyayari. Nag-i-echo lang ang boses ni Sir sa loob ng kweba. Ilang beses siyang nagparoo't parito sa mga lagusan para makalabas. Naubusan na rin daw ng baong tubig si Sir at maging ng lakas. Hanggang sa mapagod siya, sa paroo't parito sa mga lagusan. Isang araw natagpuan na lang ni Sir ang sarili sa loob ng isang kwarto at nakapagtatakang nagkaroon siya ng makapal na bigote, gayung natatandaan niyang nag-shave siya bago pumasok sa kweba ng Las Vegas, Nevada U.S.A -at nakapolo't nakapantalong maong.


Tapos na ang exam. Ipinasa na ang papel. Kung palinisan ang labanan, tiyak panalo na ko. Kasunod ang mga dapat nang ipasa sa kanya, tapos na ang obligasyon ni Sir. Grades na lang ang poproblemahin niya. Ilan kaya ang babagsak? Ilan kaya kaming hindi makapapasa?

Ayos! Uwian na! Nag-announce ang class president, may meeting ang faculty, ibig sabihin wala si mam. Walang biology. Isang subject lang para sa araw na ito. Mukhang sayang ang pamasahe pero atleast nakapag-exam ako. Magno-nobena na lang muna ko sa simbahan sa Quiapo, para magkaroon ng milagro't makapasa naman. Bago ako tumayo, ilang katok ang iniwan ko sa aking kinauupuan. Supla. Supla. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...