SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Martes, Oktubre 6, 2020

Tatang X : Pirata ka ba? o sadyang Pilipino ka lang?


Tatang X
Pirata ka ba? o sadyang Pilipino ka lang?
(Ethnograpiya)

Dapat bang ipagbawal ang pagbebenta ng mga pirated DVDs kung dito lang nakasalalay ang pamumuhay ng iilan nating kababayan? Kung ang tawag sa mga gumagawa at nagtitinda ng mga pirated na DVDs ay mga namimirata ano naman ang tawag sating mamimili? Pirata ba? Tama bang idahilan natin na kaya tayo bumibili ng mga piniratang gamit ay dahil tayo ay sadyang Pilipino na praktikal lamang? 
Ang layunin naming magkakagrupo sa etnograpiyang ito ay makapaglahad ng aming mga naobserbahan tungkol sa aming paksa upang mabuksan namin ang mga bulag na mata, bingi na tenga, at tulog na kaisipan ng ating mga kababayan. Gusto namin na mabigyan ng pansin ang mga mahihirap nating kababayan na gustong magkaroon ng trabaho, ang nangyayari kasi ngayon ay marami sa ating mga kababayang mahihirap ay kumakapit sa illegal na trabaho dahil kulang ang mga oportunidad sa trabaho dito sa ating bansa. Gusto din namin ipakita sa etnograpiyang ito na hindi lahat ng mga nagbebenta ng mga illegal na bagay ay masasamang tao, ang iba ay sadyang wala ng iba pang mapagkakakitaan pa dahil sa hirap maghanap ng trabaho; ang iba naman ay matatanda na, at yun nalang ang kaya nilang pagkakitaan, katulad nalang ng aming paksa na si tatang x.
Sa umpisa palang, alam naming magkakagrupo na ang pag-gawa ng isang written documentary o etnograpiya ay isang mahirap na bagay. Alam din namin na marami kaming haharaping mga problema sa pagkuha o pagkalap ng impormasyon sa aming paksa at sa pagbuo nito. 
Ang aming propesor ay nagpagawa ng isang aktibidades sa kada grupo, dapat daw namin isulat sa papel kung ano sa tingin namin ang magiging hadlang; kung ano ang mga inaasahan naming makuha pagkatapos naming magawa ang aming etnograpiya; kung saan dapat kami pumokus; at kung ano ang mga bigat o hirap na aming dadanasin sa pag-gawa ng etnograpiya. Nagtipon-tipon kaming magkakagrupo upang pag-usapan ang tungkol sa mga bagay na ito. Mas madali kasing matapos ang activity na ito kung kaming magkakagrupo ay magbibigay ng kanya-kanyang mga ideya tungkol sa mga bagay na ito. 
Inuna naming pag-usapan ang tungkol sa mga takip o hadlang sa gagawin naming etnograpiya. Para sa amin, ang pinakahadlang sa lahat ay ang oras, bakit? Ika nga ng karamihan Time is Gold. Para sa amin, ang oras ay isa sa mga mahirap tantiyahin, kailangan munang magplano ng maayos bago gawin ang isang bagay upang hindi ito masayang ang oras. Kami ay mga estudyante, pumapasok kami simula lunes hanggang sabado at nag-uumpisa ang aming klase nang maaga at matatapos ito nang tanghali at minsan naman ay hapon. Konti lang na oras ang natitira sa amin, paano pa kung may mga takdang-aralin o proyekto o report saamin na ibinigay? Mas mahirap iyon, dahil baka kulangin kami ng oras sa paggawa ng etnograpiya namin dahil kailangan naming gawin ang mga proyektong naatas sa amin. Sabihin na nating pagkulang ang oras, kaunting impormasyon lang ang makukuha; pagkulang ang oras, hindi agad matatapos ang mga bagay na dapat tapusin. Kung ang oras ay sapat mas mapapadaling gawin ang isang bagay, hindi ba? Isa din sa mga hadlang ay ang lugar, ang lugar ay kaugnay ng oras. Pag malayo ang lugar ng aming paksa, kakain ito ng oras dahil sa byahe; Pag malayo ang lugar ng aming paksa, sigurado ang iba saamin ay hindi na makakasama dahil sa hindi sila pinayagan ng kanilang mga magulang. Isa din sa mga hadlang ay ang panahon. Kung sakaling may itinakdang araw na kami ng obserbasyon namin para sa aming paksa tapos biglang magsusungit ang panahon (bagyo), maaring hindi ito matuloy dahil sa delikado ito higit sa lahat, mahihirapan kaming sumakay: papunta sa lugar kung saan kami mag-oobserba at pabalik ng aming bahay. Kung sakali mang matuloy, ay maaring kokonti lang kami at baka hindi kami makapokus nang husto dahil ang isip namin ay nakatuon kung pano ang aming pag-uwi sa aming mga bahay, at kung maayos lang ba ang kalagayan ng aming mga pamilya. Yan ang mga hadlang sa ginagawa naming etnograpiya.
Pinag-usapan din namin ang tungkol sa bagay na pwede naming makuha pagnatapos namin itong etnograpiyang ito. May mga bagay kami na inaasahan na magiging kapalit ng aming paghihirap. Aminin natin na sa lahat ng ating mga ginagawa ay meron tayong mga kapal o inaasahang makuha. Ano nga ba ang inaasahan namin na makuha dito sa ginagawa naming etnograpiya? Inaasahan namin na marami kaming malalaman na dahilan kung bakit pa nagtitinda si tatang na kahit matanda na siya, ay sige pa rin siya sa pagtitinda at paglalako ng mga DVDs at kung bakit iyon ang napili niyang hanap-buhay sa kabila ng pagiging illegal nito. Inaasahan din namin na makakapulot kami ng maraming aral dito sa gagawin/ginagawa naming etnograpiya. Gusto namin na magkaroon ng ideya kung papaano namumuhay ngayon ang ating mga kababayang mahihirap; gusto naming marinig kung ano ba ang kanilang mga hinanakit, upang mabuksan ang mga diwa o isipan naming sarado o bulag at bingi; gusto naming marinig kung ano ang kanilang mga pananaw sa buhay upang kahit papano, mai-apply namin yun sa aming mga sarili. Higit sa lahat, inaasahan namin na magkakaroon kami na sapat na grade base sa aming ginawang etnograpiya. Kami ay mga estudyante, at alam naman nating lahat na, lahat ng estudyante ay naghahangad na makakuha ng sapat na grade sa bawat effort na ginagawa nila. Umaasa kami na makakakuha kami ng sapat na grade sa aming ginagawang etnograpiya para kahit papano, mapawi at masuklian ang aming mga paghihirap sa paggawa nito.
Ang taas ay pokus ng paksa. Ang pokus ay limitasyon. Sa aming etnograpiyang ginagawa, kami ay pumopokus sa aming paksa. Inilalagay lang namin ang aming tuon sa aming paksa upang ito ay hindi mapunta sa kung saan-saan na bagay. Ang aming paksa ay Tatang X dapat ito ay tungkol sa isang matandang nagtitinda ng mga pirated dvds; dapat ito ay tungkol sa buhay niya lamang, hindi dapat mapunta ang kwento tungkol sa alaga niyang namatay (kung meron man) hindi ba? masyadong malayo na kasi iyon sa paksa. Hindi na din dapat na halukayin pa namin ng husto ang buhay ni tatang, di na naming kailangan pang itanong kung ilan ang naging girlfriend niya nung kabataan o kung ano ang dahilan ng paghihiwalay ng kaniyang asawa, dahil iyon ay masyado ng pribado at sakaniya na lamang iyon at tiyaka hindi naman iyon konektado sa aming paksa.
 
Ang paggawa ng isang written documentary ay hindi madali. Kailangan itong punan ng mga makatotohanang mga bagay tungkol sa isang paksa. Kung gagawa ka ng isang etnograpiya, dapat ikaw ay pursigido at pasensyoso. Bakit? Kasi alam mong mayroon kang mga problemang susuungin matapos lang ito, parang kami, alam namin na isang mabigat na pasanin itong ginagawa namin kaya hinahabaan namin ang aming mga pasensya upang matapos namin ito ng maayos at kami ay nagpupursigidong matapos ito upang mailahad namin ang lahat ng mga bagay na aming naobserbahan sa aming paksa. 
Sa bigat makikita kung gaano kami nagkakaisa bilang isang grupo. Dito kasi makikita kung paano namin bubuhatin ang mga mahihirap na bagay. Para sa amin, ang isa sa mabibigat na bagay sa aming ginagawang written documentary ay ang pera. Alam nating lahat na ang pag-iipon ng pera ay hindi madali at alam nating halos lahat ng bagay ay kailangan ng pera. Ang paggawa ng isang etnograpiya ay nangangailangan ng pera, dahil sa pagpunta pa lamang sa lugar na aming oobserbahan ay kailangan namin ng pamasahe diba? Ang kada print ng aming ginagawang etnograpiya na na ipinapasa namin sa aming propesor, kailangan pa din ng pera diba? Ang pag-interview kay tatang, kailangan namin siyang bigyan kahit papano ng pabuya bilang isang pasasalamat dahil pinayagan niya kaming makapanayan siya, pera pa din. Sadyang para sa amin ang pera ay isa sa bigat sa amin dahil halos kaming magkakagrupo ay ibinabawas na lamang ang mga gastusin sa aming mga baon upang hindi na masyadong makadagdag sa matrikula sa aming mga magulang. Isa din sa bigat ay ang pagsabay-sabay ng mga proyekto. Pwede kasing mahati ang oras namin kung sabay-sabay ang proyekto na aming gagawin, katulad ngayon, malapit na ang pasahan ng proyekto namin sa isang subject, ayan tuloy naghahabol kami ngayon sa oras. Kaming magkakagrupo ay hindi masyado nagkakaisa ngayon dahil may kaniya-kaniya kaming ginagawang proyekto, kaya ang nangyayari ngayon ay hindi mabilis ang paggawa ng aming written documentary. 
Bago namin ilahad ang aming mga naobserbahan at ang mga impormasyon na nakuha namin sa pakikipagpanayam kay tatang nais muna naming ilahad ang mga bagay na aming napredik bago namin kapanayamin at obserbahan si tatang. Hindi naman talaga mawawala ang prediksyon o mga inaasahang mangyari sa kada gagawing proyekto hindi ba? Bago kami gumawa ng aming obserbasyon para sa aming etnograpiya, nagkaroon kami ng mga inaasahang mga bagay at prediksyon ukol dito. 
Una, kami ay mahihirapang mag-obserba tungkol sa aming paksa na si tatang dahil hindi kami sigurado kung kailan namin siya pwedeng maobserbahan o mainterview, kung saan-saan kasi siya naglalako ng mga pirated DVDs kaya mahirap siyang tyempuhan. 
Pangalawa, kami ay kukulangin sa oras na makapanayam si tatang dahil sa haba at tagal ng aming byahe. Ang epekto nito ay mahihirapan kaming makakuha pa ng maraming impormasyon tungkol sa aming paksa at malamang kokonti ang aming maoobserbang mga bagay-bagay na konektado sa aming paksa. 
Pangatlo, napredik namin na magkakahiyaan kaming magkakagrupo at ni tatang habang nangyayari ang pag-iinterview dahil sa hindi pa kami magkakakilalang lubusan. 
Pang-apat, inaasahan naming magkakagrupo na hindi lahat ng kaniyang nadanasan sa buhay ay maikwekwento niya at hindi lahat ng tanong namin sa kaniya ay masasagot niya ng maayos. 
Panglima, inaasahan namin na maraming mga bagay-bagay ang maituturo sa amin ni tatang tungkol sa pamumuhay dito sa mundong ibabaw; at marami kaming makukuhang aral tungkol sa kaniyang buhay na base sa kanyang experience.
At huli sa lahat, napredik namin na ang aming gagawing etnograpiya ay magiging maayos dahil kaming magkakagrupo ay magtutulungan sa pag-obserba sa aming paksa at sa paggawa nito. Inaasahan din namin na makakuha ng sapat na grado base sa aming ginawang etnograpiya.
Napagtanto namin na ang iba sa mga napredik at mga inaasahan naming mga bagay-bagay na mangyayari bago ang aming obserbasyon, ay nagkatotoo. Ngayon, ilalahad na namin ang mga naobserbahan at nakuha naming impormasyon tungkol sa aming paksa.
Ano nga ba ang pinagka iba ng orihinal na DVDs/CDs sa piniratang DVDs/CDs? Ang pinirata kung sa kalidad ng palabas. Ito ay kadalasang malabo, merong sakto lamang ang kalidad ng video, at kung magkakaroon man ng malinaw o halos katulad ng sa orihinal ay bibihira o tsambahan lamang. Kahit na iyong sabihin na depende sa may ari ng bala , ang piniratang CD ay mas mabilis masira kung iyong ikukumpara sa orihinal na kopya ng CD. Sa aking palagay ang ikinaganda lang talaga ng mga piniratang CD ay mas mababa ang presyo nito kaysa sa talagang presyo ng orihinal na CD. Ngunit ngayon hindi na lamang palabas ang kanilang mga pinipirata o binebenta sapagkat maski mga anti-virus , games , OS at iba pang mga application o gamit na pwedeng mai-install sa pc ay kanila na ring nagawan ng mga pekeng kopya o piniratang mga CD na halos o minsan ay kasingtulad na talaga ng isang tunay o orihinal na kopya. Ang mga Pilipino ay sadyang matipid kayat kung ito ay kanilang mapapakinabangan at kung maiintindihan o mapapanuod naman ng maayos ang kanilang biniling CD na kahit pa ito ay pinirata lamang ay kanilang mas pipiliing bumili ng pirata upang sila ay mapamura o mapababa ang presyong kanilang babayaran. 
Ang pagbebenta ng piniratang CD ay isang trabahong mababa man ang iyong makukuha ay mas maganda na sapagkat ito ay kadalasang mas tinatangkilik ng iba dahil ito ay mura lang kung iyong ikukumpara sa mga orihinal na kopya.  Sa aming palagay, dalawa ang uri ng paraan na kanilang ginagawa sa pagtitinda ng mga piniratang DVDs at CDs. Ang una ay ang pagtitinda na may pwesto at ang isa naman ay ang pagtitinda sa kalsada habang naglalakad at naglalako. 
Ang una kong ilalahad ay ang aming obserbasyon sa mga nagtitinda na may pwesto. Ang lugar na pinakapinagpe-pwestuhan ng mga nagbebenta ng piniratang CD ay ang palengke kung saan marami ang tao na nagtutungo. Kahit na sa kalagitnaan man ng init ng panahon o panahong maulan, kahit na roon ay may maalisangsang na amoy, mausok na hangin, maduming kapaligiran at kahit na dito ay maraming gulo at maingay. Sila ay patuloy na nagtitinda ng kanilang binebentang mga CD upang sila ay magkaroon ng kita na panggastos sa araw-araw. May mga araw akong nakitang maraming nagtutungo sa kanila upang bumili ng mga CD pero may mga araw rin namang matumal o kakaunti lamang ang tumitingin o bumibili sa kanila gayunman mas madalas pa rin naman ang araw na marami ang sa kanilay nagpupunta at bumibili sa kanilang mga binebentang CD. Base sa aking alam at naririnig-rinig ang presyo ng isang CD sa bangketa ay 35 pesos at minsan ay meron pang mga offer na 3 for 100 pesos o tatlong CD sa isangdaang piso kung saan ay makakatipid ka ng konti kahit papaano. Ang mahirap lang sa may pwesto ay ang dahil kapag ang pwesto ay hindi sakanila at kanila pang nirerentahan ay naibabawas pa sa kanilang kita at minsan ay nagkakaroon pa ng hulihan sa mga palengke na kadalasan ay pinaka maraming nag-bebenta ng mga piniratang CD kung saan sila ay nagmamadali upang sila ay hindi mahuli at hindi makumpiska ang kanilang mga binebenta. Bukod sa mga katunggali nilang ibang vendor din ng piniratang CD, isa pa sa pinaka-kalaban nila ay ang ibang mga pulis na nanghuhuli sakanila at kinukumpiska ang kanilang mga CD at ang iba naman ay hindi nga hinuhuli nangongotong naman o minsan ay nanghihingi ng libreng CD upang sila ay hindi hulihin. Kahit na ganoon sila ay bumabalik at patuloy parin na nag-aantay na may lumapit sa kanilang pwesto at bumili ng kanilang mga tinitindang piniratang CD at nang sila ay may maiuwing pera sa kani-kanilang mga bahay.
Ang pangalawa namang uri ng pagtitinda ng pirated DVDs/CDs ay ang paglalako sa kalsada o matatawag natin ito sa ingles na walking bazaar. Meron kaming nakita na isang matanda na nagtitinda ng mga pirated DVDs/CDs at siya ang aming inobserbahan.
Isang mainit at matirik na araw ang sumalubong sa amin nang matapos namin ang aming pagsusulit sa unang araw ng exam namin. Nararamdaman ko na ang tagaktak na pawis na tumutulo sa aming mukha papunta sa aking leeg. Maaga namin natapos ang pagsusulit namin kaya napagdesisyunan namin na yun na lang din ang araw na makakapanayam namin si tatang at sinabi na rin ng aming mga propesor na wala na kaming klase kinabukasan. 
Habang tinatahak namin ang daan papunta sa Bagong Silang na kung saan ay doon namin makakausap at makakapanayam si tatang ay mapapansin sa mga mukha ng aking mga kasama ang excitement at kasiyahan na para bang ngayon lamang nakasakay at nakasama sa pagsakay sa pampublikong sasakyan.
Pagdating sa Maligaya, ay marami ng pasahero ang mga sumakay at tila para ba kaming mukhang sardinas na nagsisiksikan sa loob ng jeep at humihirit pa ang driver ng 5 pa. Mabute na lamang at payat ang aking mga katabi para mapagkasya ang mga hindi pa nakakaupo. Doon mas naramdaman ko ang pagtulo ng aking mga pawis na kung iimagine-nin mo ang mga mukha namin ay kamukha na namin ang mga basang sisiw. Natatawa na nga lang ako sa aking kinauupuan habang tinitingnan ko ang aking mga kamag-aral dahil sa mga daan na tinatahak namin. May mga daan na maayos pero may nadadaanan din kaming lubak lubak, dahil doon ay para kaming nasa circus na lumulundag sa aming kinauupuan. At mas malala pa ay may parte sa aming kinauupuan ang may nakalitaw na pako at may parte rin na lubog, mabuti na lamang at nakapwesto ako sa parteng malambot kung hindi ay iiyak ang aking pwet sa kakataas baba ng aming katawan. Pero kahit ganoon ay di namin alintana yun dahil mas matimbang ang halakhak na maririnig mo sa aming mga bibig. Nang makababa na kami sa jeep, na kung saan ay sa tapat ng paaralan ng elementarya ay mapapansin na ang iba sa kanila ay pauwi na sa kanilang mga tirahan at ang iba naman ay papasok pa lamang kasabay ng kanilang mga magulang. Napansin ko na marami ang mga tindahan sa gilid ng paaralan na tila naging kolorete na sa paligid dahil sa mga ibat ibang kulay ng kanilang mga paninda. May mga tindahan ng school supplies at may iilan ding tindahan ng mga pagkain lalo na ang mga tumatambay talaga na kariton sa harap ng paaralan. Nang malapit na kami sa bahay nila Era, ay napansin ko na sila ay payuko kung maglakad. Nung tumingin din ako sa baba, ay muntikan na akong makaapak ng di kanais nais na bagay na nilabas ng mga aspin/askal na nagkakalat sa kanilang lugar. Tila pinababayaan na lamang ito ng mga tao doon na magkalat ng mga dumi ang mga aso doon. Kaya nagmumukhang palamuti na ang mga dumi doon at napapansin ko na walang nagkukusa upang linisin ito. Siguro kung may maglilinis man, magsisilbi itong bayani sa kanilang lugar. Alas dos na ng tanghali nang marating namin ang bahay nila Era ngunit wala pa doon ang aming puntirya.
Habang nag-aantay kami, kinulit ko muna ang nakababatang kapatid ni Era na si Ryu tutal mahilig ako makipagharutan sa mga bata. Gusto rin naman ni Ryu dahil wala rin sya kalaro kaya binabato nya ako ng bola at binabato ko rin sya ng bola. Mabuti na lamang at hindi pamatay sa kasiyahan si Ryu, kung hindi kanina pa sya umiyak sa lakas ng bato ko sa kanya sa ulo. Siguro nakaramdam na ng pagod si Ryu kaya kinuha nya ang remote control ng kanilang telebisyon at niyaya niya ko manuod nalang kaysa magbatuhan ng bola. May inaabangan siyang palabas ngunit napaaga ata yung bukas nya. Kaya wala siyang magagawa kundi mag-antay na lamang. Sumunod na rin ang iba kong kasama dahil wala rin silang ibang mapagkaabalahan. Ang palabas ay isang talk show tungkol sa kanilang mga kinahihiligan na koleksyon. Napansin ko na ang mga bisita doon ay mukha mayayaman at ang kanilang mga koleksyon ay siguradong mahal. Nagtanong ang tv host sa kanyang mga bisita kung orihinal ba lahat ng kanilang mga koleksyon, sagot naman ng isa ay Oo naman, hindi ako bumibili ng mga peke dahil mababa ang kalidad ng mga telang ginagamit nila at madali lang ito masira. Sa isip isip ko ay may punto naman siya sa mga sinabi nya pero paano naman ang mga mahihirap na di ito kayang bilhin? Habambuhay na ba sila makakaranas ng puro peke ang mga gamit na ginagamit nila? Siguro nga silang mayayaman kayang bumili ng kanilang mga gusto at mga kinahihiligan dahil may sapat silang kayaman para bumili ng mga ito. May isa pang humirit na galing din sa mga bisita nya Kung mangongloketa ka rin naman ng pansarili mong kinahihiligan ay dapat yung hindi na peke.
Napatigil na lamang ang pagtuon ko sa aking pinanunuod nang sumigaw ang nanay ni Era. Nandyan na si Tatang sa ibaba! Dali-dalian mo at tawagin na sya baka lumagpas na naman sya. Ang sambit nya na may halong pagmamadali at pagtataranta. Agad din namang sumagot si Era Opo ma! na agad-agad na humakbang sa hagdan. Kami namang tatlo ay dali dali naghanda ng aming mga kwaderno at panulat at agad na ring sumunod kay Era sa ibaba.
Unang pansin ko kay Tatang ay may kakaibang aura na di mo makikita sa ordinaryong vendor na naglalako rin sa mga kalye. Ngunit dala na rin ng sobrang dami ng problema na nararanasan natin araw-araw ay makikita mo rin kay tatang ang katatagan ng loob sa mga pagsubok na kinakaharap niya lalo na siya lang mag-isa ang kumakayod sa kaniyang pamilya.
May halong kaba at pag-aalinlangan ang nadama ko tungkol sa mga usapan na magaganap dahil ngayon lamang ako makakaranas ng isang panayam na ni minsan ay hindi man lamang namin ito kilala. Pero hindi ko ugaling isang tingin lang ay alam mo na agad ang ugali ng isang tao. Binugad namin sya ng isang ngiti at pagsambit ng pangangamusta. Ngiti rin naman ang kanyang naging kasagutan at ilang sandali ay sinabi rin nang marahan Okay lang naman ako. Halata sa kanyang boses ang kapaguran ngunit itinatago lamang ng ngiting pinakikita sa amin ni tatang. Marahil napansin ng kapatid ni Era na wala na siyang kasama doon manuod at sumunod ito sa ibaba at tinawag niya ang aking pangalan nang pasigaw. Bigla naman akong napalingon at bigla na lang ngumiti ang aking mga labi. Ewan ko ba at masyado akong malapitin sa mga bata na kahit minsan ay kinaiinisan ko ito dahil sa sobrang kakulitan nila o baka depende na rin sa nagiging mood ko. Agad ko namang narinig ang isang matinis na boses na galing sa ina ni Era, Ryu wag ka dyan! May ginagawa sila ate, halika dito at manuod ka nalang ng cartoons. Malapit na lumabas yung inaantay mo oh! Oh eto na yung Thomas and Friends. Dahil doon ay agad na pumanhik si Ryu at sinabihan akong Ate pagkatapos mo dyan, nood tayo sa taas ha?. Syempre bilang matanda at ugaling mang uto ng mga bata ay sinabi ko na lamang ay  Oo sige ba basta antayin mo lang ako doon ha? Bibilisan namin tapos laro tayo ng batuhan ulit ha? sabay tawa. Ang sagot na lamang ni Ryu nang makatuntong na sya sa itaas ay Opo ate na may halong tuwa ng sinabi nya iyon.
Umakyat si Era para kunin ang camera para maumpisahan na namin ang unang araw ng pakikipanayam kay tatang. Habang inaantay namin si Era na kunin ang kanyang camera, ay tinitigan ko si tatang. Ang kanyang kutis na tila kasing kulay ng isang tangkay ng puno na di naman maitatago dahil sa araw-araw na paglalako nya sa ilalim ng sikat ng araw. Sa kanyang mukha ay mapapansin ang kulubot ng kanyang balat at balbas sarado na aabot hanggang sa kanyang patilya. Sino ba naman ang hindi mangingitim kung araw araw ba naman nagtitinda at ang kanyang panangga lamang ay ang kanyang sumbrero, maikling manggas at pantalon na kupas. 
Sa kanyang paa na isa sa mahalagang kasangkapan upang makahanap sila ng mapagkakakitaan pang araw-araw. Saplot na goma lamang ang tanging nagsisilbing proteksyon nito sa matinding init ng singaw na nagmumula sa kalsada. May dala dala ring backpack si tatang na kung saan ay doon nya inilalagay ang mga DVD at CD na ibinebenta sa mga nagiging suki nya
Pagkababa ni Era mula sa kanyang silid, agad na namin inayos ang mga upuan at pinaupo na si tatang. Halata sa mga kilos ni tatang na medyo naiilang pa sya sa amin dahil nga ito ang una naming pagkikita. Agad naman nagtanong si Aprill nang may halong pagkuha ng loob ni tatang ng ano po buong pangalan nyo tatang? sabay ngiti. Ang buong pangalan ko ay Rufino a.k.a ROPENG Nedroda. Dahan-dahan nyang sambit. Sinundan ng tanong ni Aprill na kung ilang taon na siya, at ang sagot lang ni tatang ay Magse-72 na ako sa july 10. Napaisip na lamang ako na sa ganyang edad ay iilan na lamang ang may kakayahang magtrabaho pa rin kahit na matanda na sila. Si tatang ay may asawa na at may anim na anak sa huli niyang asawa. Siguro nga kaya may huling asawa ay baka marami na siyang napagdaanan na di maganda sa kanyang nakaraan. At mabuti ng wag nalang natin iyong alamin dahil masyado na iyong pribado. Mayroon siyang Labintatlong apo mula sa kanyang anim (6) na anak.
Hanggang sa nagkwento na si tatang ang kanyang naging buhay bago pa sya napunta sa pagiging vendor ng isang piniratang DVD at CD sa kalye.
Umabot siya ng sampung taon sa pagiging head checker sa North Harbor sa isang barko na kung saan ay naging maganda ang takbo ng kanyang buhay. Nag desisyon lang siya na mag-resign sa kaniyang trabaho noon dahil sa binenta ng kompanyang pinagtatrabahuhan niya ang barko kung saan siya naka-assign bilang isang head checker; at dahil din sa hindi na niya nakayanan ang pang-gigipit ng mga empleyado sa kanilang opisina. Naikuwento nya ng pagmamalaki na kahit hindi siya tapos sa sekondarya ay siya pa rin ang napili sa mataas na posisyon. Dagdag niya pa kung bakit siya ang napili imbis na yung mga nakatapos na ng pag-aaral at may kaya sa buhay ay dahil mayroon siyang kakayanan na ipakita sa kanila na kahit hindi siya tapos ng pag-aaral ay mayroon siyang determinasyon at pagpapakita ng kagalingan sa kanilang trabaho. Nagsimula na siyang maging vendor ng ice cream (Magnolia) ngunit di rin iyong nagtagal dahil hindi ito tinangkilik ng mga tao. Hindi kasi sapat ang kinikita niya sa paglalako ng ice cream kaya hininto niya na lamang ito.
May isang kaibigan ang nag-alok kay tatang ropeng na pumasok sa pagtitinda ng mga piniratang DVD at CD. Siya naman ay pumayag na magtinda nito, sa kadahilanang wala na siyang mahahanap pang trabaho na tutugma sa kaniyang edad at sa kadahilanang wala ng ibang maasahan sa pamilya niya kung hindi siya lamang. Hanggang sa ngayon, ay patuloy pa din si tatang sa pagtitinda ng mga pirated DVDs at CDs dahil ito daw ay isa sa mabilis na paraan upang kumita ng pera upang matustusan ang pangangailangan nilang magkakapamilya sa pang araw-araw. 
Lingid sa ating kaalaman na ipinagbabawal talaga ang pamimirata at pamemeke ng mga kagamitan. Ngunit maraming tao ang gumagawa nito at sumasakay sa hamon ng buhay, gaya na lamang ni tatang na na-engganyong subukin ito dahil hindi ganoon kahirap ang paglalako ng mga produktong gaya ng mga ito. Minsan naisip din ni tatang Roping na bumalik ulit sa dati niyang trabaho kung bibigyan pa siya ng pagkakataon upang mas guminhawa ang kanilang buhay dahil sa aming pakikipag-panayam sa kanya sinabi niyang malakas pa ako, at kaya ko pang magbanat ng buto kung papalarin ulit akong makapagtrabahong muli sa barko ay iiwan ko na ang paghahango ng mga piniratang mga DVD at CD. Pumukaw sa aming damdamin ang mga binitawang mga salita ni tatang dahil ramdam namin ang mga paghihirap niya upang maitaguyod lamang ng maayos at ginhawa ang kanyang pinakamamahal na pamilya. Sa dami ng kanyang anak na hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral gaya nilang mag-asawa dahil sa hirap ng buhay ay mas pinili na lamang na magtrabaho ng maaga sa kanyang murang edad ay natutuhan ni tatang ang kapalit ng mga bagay na hindi niya naranasan noong siyay binata pa. Ang mga kasiyahan sa pag-aaral tulad na lamang ng JS prom, mga paligsahan, at ang pinaka masayang parte ay ang field trip at foundation day kung saan ginaganap ang selebrasyon ng pagtaguyod ng eskwelahan at mga aktibidades na ipinapagawa ng mga guro kapag nasa huling baitang na ng sekondarya gaya na lamang ng pagsasaliksiko pag-iinterbyu sa ibat ibang tao, ang mga ito ay parte lamang ng karaniwang estudyante. Sa kaso ni tatang, kabaliktaran ang kanyang mga karanasan sa buhay. Mas marami ang hirap na pinagdaanan nito ngunit sa kabila ng mga dagok sa kanyang buhay ay nalampasan naman niya ang mga ito. Maghapon man siyang maglako ng kanyang mga hinango para sakanya ay mas marangal naman ito. Sa aking palagay mas maganda naman ang kanyang hangarin sa buhay, kung ikukumpara mo ito sa mga masasamang taong walang halang ang mga kaluluwa na gaya ng mga holdaper, snatcher, at iba pang mga gawaing sangkot ang pananakit at pagpatay sa mga kababayan natin. Hindi naman porket nagtinda ng mga piratang plaka ay masama na siyang tao. Masama nga marahil ang pagtitinda ng mga ganitong produkto sa mata ng batas, ngunit sa mata ng mga nakararaming dukhang gaya natin ay marangal pa rin ang ganitong Gawain. Walang ibang pagpipilian si tatang kundi tanggapin ang inalok sa kanyang trabaho ng kanyang kaibigan. Sana ay makita rin ng ating gobyerno na ang kanilang mga repormang ipinaglalaban senado ay hindi ganoon kakumbinsido sa mga gaya ni tatang upang maging maginhawa ang pamumuhay. Dahil kung tutuusin ay hindi naman biro ang katayuan ni tatang ngayon at ng kanyang pamilya.  Isa pang panayam ni tatang ang tama na tumatak sa gaya naming mag-aaral na dapat sinusuportahan at pinag-aaral nila ang anak ng mga mahihirap na gaya namin, dahil wala pa rin pagbabago sa bansa natin, ang mga mayayaman lamang ang lubos na nakikinabang at payaman nang payaman samantalang ang gaya ko ay mahirap pa rin at di umuusad ang sistema ng pamumuhay. Hindi pa namin ramdam ang sinasabing pag-unlad ng bansa sabi ng pangulo nating si P-noy. Sana ay maipaabot sakanila ang hinaing ng tulad kong kapos sa kita. 
Ibinahagi sa amin ni tatang ang listahan ng kanyang kadalasang kita sa paghahango ng mga piratang plaka sa ibat ibang parte ng kalookan. Pinaka mataas tuwing papalapit na ang pasko ay 500, pinakamababa 200. Minsan sapat kadalasan hindi.
Binahagi din ni tatang ang kanyang sikreto upang mapanatili niyang suki ang mamimili sa kanya, na sa tuwing my bibili sa kanya ay binabalikan niya ang mga ito at binibigyan ng discount pakunswelo at pinapalitan ang mga my depektong mga plaka. Nakakapagod man ang kanyang trabaho ay hindi na ito iniinda ni tatang sapagkat sanay na siya sa ganitong ikot ng kanyang pamumuhay. Di alintana ang saya kapag siya ay nagkakaroon ng kalakihang kita sa paglalako bunga ng kanyang dugo at pawis. Sa kalagayan ni tatang ngayon ay kuntento na siya dito. Di man katulad ng laki ng kita niya sa dating trabaho sa barko ay nakakasama naman niya ang kanyang pamilya sa araw-araw. Ang kanyang asawa naman ay nangangamuhan sa San Juan bilang isang kasambahay na isa o dalawang beses sa isang linggo kung ito ay umuwi. Ang mahalaga kay tatang ay naibabahagi niya parin ang kanyang kita sa kanyang mga apo kahit na kapos sa buhay ay nabibigyan niya parin ang mga ito ng kaunting grasya na may kasiyahan sa kanya sa tuwing makikita niya ang mga ngiti sa mga labi ng mga ito. Balewala ang hirap niya kung ito naman ang kapalit ng kanyang mga pagsisikap. Ibinahagi din ni tatang na mahilig siyang tumaya ng lotto araw-araw kung may pagkakataon at nagbabakasali din siyang mabago pa ang katayuan nila. Na kung papalarin man na tumama ang kanyang mga taya ay siyempre ay bibitawan na niya ang ganitong hanap buhay at magsisimula ng panibagong maganda at legal na negosyo. Biniro namin siya ng kaunti na kung siya ay palarin na manalo sa lotto ay gugustuhin niya pa bang pumunta sa ibang bansa? Ito ang sagot niya sa kanyang panayam ay siyempre, gusto kong pumunta dun at pangarap ko yun kasama ko ang aking pamilya. At ibabahagi ang iba sa mga kamag-anak ko, at sa aking nanay. Sinabi niya din sa amin na kapag nakauwi siya sa kanilang lugar na kinalakhan ay hinihiling ng kanyang ina na pagawan ito ng kabaong at himlayan sa paghahanda ng kanyang nalalapit na pakikipaloob sa poong Diyos na maykapal. Sa mukha ni tatang ay mababakas ang kasiyahan sa pagkukwento tungkol sa kanyang buhay at siyempre ay lingid din naman sa aming kaalaman na nahihirapan siya siguro ay dala na din ng kanyang edad. Madami siyang pangarap sa buhay. At hanggang ngayon ay patuloy parin naman siyang nangangarap sa maginhawang buhay. Naibahagi din niya na kung may pagkakataon pa ay gusto naman niyang tapusin ang kanyang pag-aaral ngunit nahihiya na siya sa kanyang makakasama dahil malayo ang agwat ng edad ng mga batang nag-aaral sa sekondaryng di niya natapos. Nagsisilbing mabuting mamamayan parin si tatang dahil ang kanyang isip ay nakatuon pa din sa pagpapaunlad ng pamumuhay nila. 
Sa aming pangalawang araw ng pakikipanayam kay tatang ay di na alintana ang kaba o takot na naramdaman niya di tulad noong una naming siyang nakapanayam ay naiilang pa siyang magkwento dahil na rin siguro nakikiramdam siya sa mga taong kaharap niya. Sa pangalawang pagkakataon ay ikinuwento niya ng buo ang kanyang mga karanasan sa buhay na walang pag-aalinlangan na muntik na niyang ibulalas sa amin ang buong kwento ng kanyang buhay pag-ibig ngunit siyempre ito ay pribado na kayat hinayaan na naming itago niya iyon. Kung tutuusin ay maprinsipyo parin si tatang dahil busilak ang kanyang puso na walang masamang hangarin sa ibang tao. Kundi magtrabaho o magbanat lamang ng buto. Masaya ang aming naging karanasan sa aming pakikipagpanayam kay tatang. Noong una ay kinailangan talaga naming magtanong ng magtanong upang magsalita si tatang dahil kabado pa ito sa amin. Ngunit sa huling araw ng aming pakikipagpanayam ay nakapalagayang loob na namin siya nang lubusan. Nakikipagtawanan na siya ng walang ilang at magkwento ng kusa ngunit, di rin naman maiiwasang magtanong kami sa kanya kapag wala na siyang masabi tungkol sa kanyang mga naranasan. 
Natanong namin sakaniya kung ano ang kaniyang motto. Sabi niya ang kanyang motto ay time is gold wala siyang dapat sayangin na oras sa pagtatrabaho dahil kung hindi siya magbabanat ng buto ay magugutom ang kaniyang pamilya. Kami ay napasang-ayon sa kaniyang motto, totoo naman kasi ang kaniyang sinabi.
Bago matapos ang aming panayam kay tatang, humingi kami ng kaniyang opinyon tungkol sa ating ekonomiya ngayon. Ang sinabi niya ay:
Sabi ng iba, tumino daw ang ekonomiya ngayon. Para sakin, hindi naman ramdam ng mga mahihirap na katulad ko ang pagkatino ng ekonomiya. Ang mayayaman lang palagi ang nakakaramdam sa unti-unting pagkatino ng ekonomiya. Kumbaga, sila lang palagi ang nakikinabang sa mga benepisyo, yung mga lebel nila Henry Sy, yan lang lagi. Kung tatanggalin lang siguro sa ating sistema ang mga taong (opisyales) corrupt; kung tutuunan lang talaga ng pansin ng ating gobyerno ang edukasyon sa ating bansa; kung magbibigay lang sila ng maraming oportunidad para magkatrabaho; kung tataasan lang ang mga sahod ng mga manggagawa marahil maramdaman naming mahihirap ang pagkaganda ng ekonomiya.
Kung tutuusin, totoo ang mga sinabi ni tatang. Palaging merong limitasyon ang pagbibigay benepisyo ng gobyerno sa mga mahihirap. Kung gusto talaga nilang i-angat o tulungan ang mga mahihirap, dapat gumawa sila ng paraan hindi yung hanggang pangako na lamang, hindi ba?
Binigyan din niya kami ng payo, kaming mga kabataan:  
Bilang estudyante, dapat magsikap at mag-aral kayo ng mabuti dahil ito ang magiging paraan upang maging mas maginhawa ang inyong pamumuhay sa darating na panahon at sa inyong pagtanda, ito ay magsisilbing bahagi ng inyong alaala na kayo ay nagtagumpay sa isang bahagi ng inyong pagkatao, at ito rin ang magsisilbing pabuya sa inyong mga magulang kapag kayo ay nakapagtapos ng pag-aaral o magsisilbing sukli sa hirap ng pagpapalaki sa inyo ng inyong mga magulang. Dapat mas maging matatag pa kayo sa hamon ng buhay. Dahil umpisa pa lamang ito ng inyong pakikisalamuha sa mga taong mas nakataas. Huwag kayong basta-basta magpapaakit sa tukso dahil iyon ang makakasira sa inyong mga pangarap. Tandaan niyo lang lagi na ang lahat ng bagay ay makakapaghintay.”
Pagkatapos ng aming panayam kay tatang, Nagbigay kami ng kaunting pakunswelo sa kaniya at bumili din kami ng mga DVD sakanya upang magsilbing pasasalamat at tulong na din sa kanya dahil pinahintulutan niya kaming makapanayam siya. 
Ano nga ba ang pinagkatulad ng dalawang uri ng pagtinda ng pirated DVDs at CDs? Ang kanilang pinagkatulad ay ang ginaganawa nila ito upang sila ay magkaroon ng maipangkakain at maipantugon sa kanilang mga kailangan sa kanilang sarili, sa kanilang pamilya o sa kanilang bahay. Kahit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga piratang CD ay patuloy parin nila itong ginagawa dahil sa ito ay isa sa mga pinakamadaling trabaho na makukuha at hindi mo kakailanganin ng masyadong malaking kapital o puhunan at hindi namimili ng kung sino ang magtatrabaho. 
Talagang laganap na sa ating bansa ang mga piniratang mga gamit at sadyang tinatangkilik natin itong mga ito kahit alam natin na ito ay illegal. Hindi naman siguro tayo masisi kung patuloy nating tangkilikin ang mga ito, sino ba naman ang bibili ng mga gamit na pagkamahal-mahal kung pwede naman makabili non sa mura o abot kayang paraan? Ika nga nating mga Pilipino,"Maging praktikal tayo sa lahat ng oras" at yun na nga ang nangyayari ngayon, sa sobrang praktikal ng mga pinoy, ang mga gamit ng karamihan sa atin ay puro pirata na. Matatawag pa ba natin na pagiging 'Pilipino' lang ang mga pagbili natin ng mga pirated na bagay o dapat siguro ang itawag nalang saatin ay mga 'Pirata'? 
Ikaw, 'Pirata ka ba? o sadyang Pilipino ka lang?'





MGA BENEPISYO / INAASAHANG PAKINABANG:
Sa aming pananaliksik, karamihan sa mga mamamayang Pilipinong gaya namin,di makakaila na mas abot kamay nila ang mga murang pinaratang DVD/CD kesa sa pagbili ng mga orihinal na DVD/CD na nabibili sa mga kilalang pasyalan gaya ng SM Fairview. Kung titingin ka ng mga ibinebentang mga plakang palabas ay triple ng presyo na ibinibenta ni tatang x na kung tutuusin ang sobrang pera na maiipon mo kung ikaw ay tatangkilik ng pekeng plaka na hinahango niyang mga paninda ay mailalaan mo pa sa pambili ng pagkain ng iyong pamilya. At mas mapapagaan mo ang mabigat na mga patong na presyo sa mga orihinal na plaka.Kung tutuusin kaya naman nating bumili ng mga orihinal na DVD/CD sa mga taong may kaya sa buhay,dahil nakakatulong tayo sa pag-unlad ng ekonomiya sa ating bansa dahil tumatangkilik tayo ng mga produktong sariling atin gaya na lamang ng mga palabas sa nakaraang MMFF (Metro Manila Film Festival).Kung ang mga mayayaman o may kaya sa buhay ay manunuod ng sine sa halagang abot kaya nila ay mainam din naman para maramdaman natin ng kahit kaunti ang pag-unlad ng ating bansa. At sa mga kababayan nating di kaya ang kamahalan sa pagbili ng mga orihinal na plaka o sapat na pambayad sa panunuod ng sine, mainam na din siguro na hayaan natin silang tumangkilik ng mga produktong na sa mata ng batas ay ilegal gaya ng mga pineratang plaka upang sa ganoon ay maranasan naman nilang makapanuod ng mga may kayang tao sa mundo ng realidad na sa tingin nila ay kapag napanuod nila ay sasaya ang kanilang pamilya. Hindi naman siguro natin maiwasan na maging praktikal sa buhay dahil na rin sa hirap ng buhay ngayon, na mataas ang bilihin ngunit di sapat na sweldo sa mga nagtatrabahong malaki ang populasyon ng kani-kanilang pamilya. Gaya na lamang na mama ng aming kaklase, sa aming nakita ay mas naging praktikal ito dahil mas pinili nitong bumili ng pineratang DVD upang makapanuod ng magagandang palabas na patok sa sinehan ngayon dahil malaki ang maitatabing pera at abala ito sa pag-aalaga sa kanila ng kanyang bunsong kapatid at abala din ito sa mga gawaing bahay kaya marahil mas pinili na lang nito na tangkilikin ang mga hinangong mga pirating plaka. Mas mapapdali ang gawain nito dahil sa maghapon ay nakagawian na nito ang mga gawaing bahay bilang isang ina at sa gabi ay kapag wala na itong ginagawa ay ito na lamang ang libangan nito sa kanilang bahay bilang pamukaw sa pagod nito. Ito ang pabuya niya Sa kanyang sarili.

AMA Computer College
Fairview Campus

Ipinasa nina:
Laxamana, Rochelle Anne May O.
Delos Santos, Aprill Marie R.
Origines, Patrick Brendonn
Mediavillio, Reybiezon B.
Garcia, Era Nikka F.
Bustalinio, Joshua
Paraiso, Audrey
Olesco, Micko

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...