Namaste! iniisip ko rin hanggang sa ngayon kung ano kayang pwedeng maisulat dito,
naisipan ko kasing magkaroon ng diary, pero gusto ko sana may babasa rin nito, kahit papano, malay ko ba... na baka makatagpo ako ng taong makakaintindi sa sinusulat ko. iyong tipo ng tao na hindi ka pagtatawanan matapos niyang mabasa ang mga kadramahan mo sa buhay. Na kahit na minsan ay wala namang kabuluhan, literal na kwentong walang kwenta, ngunit dahil sa walang magawang matino ay titipa ng keyboard kahit na minsan hindi naman alam ang isusulat. gaya nito na hanggang sa ngayon iniisip ko parin kung ano bang isusulat ko dito. hehe
Siguro, marahil Maaaring hindi ito yung pinagpipitagan at pinapangarap mong basahin o babasahin. Ngunit sa hindi anupamang kadahilanan, nais nitong bigyan tayo ng insintiba’t rekotitus na hindi nabibili sa bangketa at ukay-ukay na ang mga nakasulat sa blog na ito ay totoong katibayan ng isang likhang naghahangad lamang maging totoo at magpakatotoo. Saan man tayo dadalhin ng mga palipad-isip at hinabing mga salita, ng bawat pangungusap o ng bawat sugnay (makapag-isa man o di makapag-isa) ay nawang magdulot ng (hindi sana paghikab bagkus ay) kasiyahan at kabutihan sa mas mainam pang pagtipa ng mga sangkurot na diwa, kaisipan, kaalaman; at nawaý makatulong ang mga nakapaloob na konsepto sa ating ganap na pagmulat pa sa mas malawak na daigdig ng buhay at pakikipagsapalaran.
Tulad ng karaniwang nangyayari at nararanasan ng isang baguhang (ops! pwede namang sabing manunulat? wag muna! sabihin na nating ) nagsusulat na nauuwi sa litong isipan at pagkalito sa “kung ano ang dapat unahin sa dalawa: Magplano o Gumawa?” Pinagtitibay ng pagpaplano ang kahandaan at istilo o kalinangan pa sa pagsulat, subalit ang tanong ay “kailan ka magsusulat?”
Produksyon. Kailangan ang aksyon at pagbuo. Katibayan ito na may kahihinatnan ang bawat paghahanda, kahit na skeletal proceeds of one’s ideas. Basta lang may maipakita. Para bang pag-iipon sa sariling Bank Account, dapat may Maintaining Balance, dapat ay may deposit. Sa kabuuan, ang balik din ay sayo. Habang lumalaki’t dumarami ay magiging mas kapaki-pakinabang. Na hindi ko rin alam kung malabo nga ang halimbawa ko. Anong bank account? Hindi. Ano lang pala, parang pagtatanim, kapag may ipinunla, may tutubo. At malay natin pagdating ng tamang panahon, ng tamang pagkakataon, yung mga ipinunla, magiging halaman, tapos ay magiging puno matapos na diligan ng mga sansaglit na sandali, magbubulaklak, maililipat yung pollen by the help of the butterflies along the field, magbubunga, magiging mga puno. Tapos magiging gubat! Tapos magiging mga punong punong-puno ng bunga.
So, as of now
“ Welcome to the JUNGLE !!! ”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento