By Efren Abueg
(Maikling kwento)
I. SI MANG ITOY
Ayaw maniwala si Mang Itoy sa ibinabala ng kanyang pakiramdam, na nakaabang sa kanya ang kamatayan. Habang papalapit ang sinasagwanan niyang bangka sa guhong tulay ay ipinagdurumiinan niya sa sarili na siya'y mabubuhay, na makalulusot siya sa pakikipagsapalarang iyon nang walang panganib, na ang nadarama niya'y ipinipitlig lamang ng kanyang guniguni. Mabubuhay ako, pagka't hinihintay ako ni Maring. Kailangang-kailangan ako ni Maring, naisaloob pa niya habang patuloy ang alalay niyang pagsagwan.
Kaya nang mapatapat siya sa guhong tulay ay parang hindi niya narinig ang malakas na sigaw, ang nag-uutos na sigaw: Tigil! Tumabi ka rito! Sa halip ay naakit siya ng malaking aninong itinatapon sa tubig ng guhong tulay. Sa biglang pagkilos ng kanyang isip ay naipalagay niyang iyon ang kanyang kaligtasan. Makalalampas na ako, Maring! Darating na ako, Maring! Subalit kasunod ng mabilis na pag-angat at pagsakyod ng sagwan sa tubig ay iglap na binasag ng masinsing mga putok ang katahimikan sa buong ilog.
"Hintay! Huwag kayong magpaputok!" hiyaw ng kanyang isip na hindi na niya nasambit dahil sa bilis ng pangyayari.
Ngayong kakatiting na lamang ang hibla ng buhay na kinakapitan niya nang buong paghihirap ay muli't muli niyang ninais sa iilang iglap na nalalabi ang maupo sa tatatlong baitang na hagdan ng kanilang dampa. Matitiis niyang mabuhay kahit paulit-ulit na siyang nakadama ng kamatayan tuwing maririnig niya ang sapin-saping ubo ni Maring. Matitiis din niyang makita ang nagdadalagang si Clemenia habang ito'y umiiyak sa pagkakalupagi sa tabi ng ina at walang panghihinawa sa paghagod sa dibdib ng maysakit. Makakaisip siya ng ibang paraan upang mayroon siyang pagkakitaan nang masagip ang asawang ipinaparool sa kung saan ng paninikip ng dibdib at pangangatal ng buong katawan. Hindi tulad ng ginawa niya ngayong huling-huli na upang pagsisihan.
Hindi pumayag si Mang Itoy nang alukin siya ni Karyo. Ibinubunsod na niya ang kanyang bangka upang pandawin ang mga iniumang niyang bintol sa ilog at ayaw na niyang makinig kay Karyo, nang parang mangingisda itong naglawit ng masarap na pain.
"Balita ko'y masama ang lagay ng iyong asawa," nagpahiwatig agad si Karyo.
Gustong dayain ni Mang Itoy ang kanyang sarili. Pinigil niya ang dagsa ng iba't ibang kaanyuan ni Maring habang naghihirap sa higaan. Ang mga luha ni Clemenia.
"Malarya ang dumapo sa iyong asawa at ako'y may ilang tabletas dito ng atabrin...bibigyan ko kayo ngayon din.”
Isang dukwang lamang pala ang buhay, naisaloob ni Mang Itoy. Isang tango lamang niya'y makaliligtas na si Maring. Makatatanggi ba siya? Sa panahong ang gamot ay tagadiin sa timbangan ng buhay at kamatayan?
"Wala kayong gagawin kundi ilampas sa guhong tulay ang malaking baul na isasakay natin sa bangka at ilunsad iyon sa Wawa, sabi pa ni Karyo.
"At ang panganib? Ang pumapatrulya sa tulay?" bigla niyang naisagot pagkagunitang hindi iilang Makapili at sundalong Hapones ang nagpapalipas ng hatinggabi sa pampang ng guho.
“Kilala kayong mangingisda sa ilog na ito...mapapansin pa kayo?" nagtatawa pa si Karyo at nadarama ni Mang Itoy na parang tinitiyak nitong malalamuyot siya.
Sa ilog ngang iyon siya pinutian ng buhok. Mapupuna pa nga ba siya? At bakit niya iintindihin ang mapuna? Ang mahalaga'y ang gamot. Ang ibibigay na tabletas ni Karyo. Iyon lamang ay papayag na siya. Ayaw na niyang makaranas ng paulit-ulit na pagkamatay tuwing maririnig ang sapin-saping ubo ni Maring.
At pinangakuan pa ni Karyo si Mang Itoy ng isang bayong na salapi. Isang bayong na kuwarta? Yaon ay hindi kayamanan sa panahong iyon, subalit sapat nang gamitin sa pag-agaw kay Maring sa kuko ng kamatayan.
"Lalabas ako ngayong gabi, Clemenia," pagsisinungaling niya sa anak nang makapaghapunan na sila. "Babayaran ko kay Karyo ang tabletas na iyan!"
Nakita ni Mang Itoy sa mga mata ni Clemenia ang tingin sa isang bathala. Nadama niyang hindi pa nalalansag ang kabuuan niya bilang ama ng kanilang tahanan. Lumakas ang kanyang loob.
Kaya nang ilulan sa bangka ang malaki at mabigat na baul ay walang agam-agam si Mang Itoy bagama't batid niyang ang laman niyon ay mga baril at bala. Bilog na bilog ang buwang parang gintong itlog na nakalutang sa tubig nang tumulak siya patungong Wawa.
II. SI CLEMENIA
NANG makaalis si Mang Itoy ay dinama ni Clemenia ang noo ni Aling Maring. Mainit-init pa ang maysakit. Naipainom na niya ang gamot at natigil na ang pag-ubo at pangangatal nito.
Napahinga nang malalim si Clemenia. Tumindig siyang nag-iingat na makalikha ng kahit katiting na ingay. Lumapit siya sa bintana. Tahimik na tahimik ang gabi. Pasungaw siyang tumingala at natanaw niyang walang kaulap-ulap ang langit. Ang buwan ay napalilibutan ng libu-libong bituin.
Sumandal siya sa makitid na palababahan at mariin siyang pumikit. Ibig niyang takasan kahit ilang sandali ang dampang iyon. Nahahapo na siya sa paninirahan sa daigdig na iyon. Wala roon ang kanyang mga pangarap. Malayong matanaw niya sa pook na iyon ang isang magandang kinabukasan.
May itinatago si Clemenia na isang magasing puno ng magagarang larawan ng isang lungsod, ng magagandang kuwento ng pag-ibig, ng pag-asa at ng mga tagumpay. Sa loob ng tatlong taong ipinagdigma ng kung ilang lahi ay sa magasing iyon naganap ang malimit niyang pagtakas sa katotohanan. Sa mga kinatha-kathang pangyayari roon lumikha siya ng isang huwarang daigdig na ginagalawan niya kung mga gabing siya'y natutulog. Doon siya nakadadalo sa mariringal na pagtitipon, doon siya nakakatagpo ng makikisig at mga nag-aaral na binata at doon siya namimili ng kanyang kasintahan. Ipinakalihim niya ang magasing iyon kay Mang Itoy kahit batid niyang laging abala ito upang magkaroon pa ng panahong makialam sa kanyang mga pangarap. Ayaw lamang niyang mangamba. Ibig niyang sarilinin ang daigdig na itinayo niya roon.
Subalit sa katotohanan ay ibang-iba sa pangarap ang daigdig ni Clemenia. Ang daigdig na iyon ay nasisimula sa dampang iyon na tila isang dangkal lamang ang taas sa lupa, lumiliku-liko sa maliit na landas patungo sa ilog at nagtatapos sa makapal na kawayanang parang kastilyong nakatindig sa gitna ng kasukalan. Kasama niya sa daigdig na iyon ang kanyang ama at ina, si Karyo at ang ilang kanayong napapadako sa kanilang maliit na bakuran.
Napakislot si Clemenia pagkagunita kay Karyo. Kangina'y natanaw niyang kausap nito sa may ilog ang kanyang ama. At dagling sumagi sa kanyang isip ang madalas iparinig nito sa kanya.
"Maganda ka, Clemenia...kung mag-aasawa na ako'y ikaw ang kukunin ko!"
Pangit na lalaki si Karyo, magaspang at marahas kumilos. Ibang-iba ito sa lalaking nakikita ni Clemenia sa daigdig niya sa pangarap. Tuwing makikita niya si Karyo ay pumipikit siya't tumatakas sandali sa kasalukuyan. Ayaw na ayaw niyang maisip si Karyo.
Umahon si Karyo sa pampang pagkaraang makipag-usap sa kanyang ama. Nakita na lamang ni Clemenia na ito'y nasa kanilang hagdanan at siya'y pinagmamasdan. Lumayo siya sa durungawan at mabilis siyang pumasok sa kanyang silid. Ngunit may sinabi itong mabilis na nagpabalik sa kanya.
"Narito ang dalawang tabletas...ipainom mo agad!"
Natanaw naman ni Clemenia na nasusumagsag na papauwi ang kanyang ama, subalit bago ito nakasapit sa bahay ay nakatalikod na si Karyo at nakapag-iwan ng salita sa kanya.
"Kung may kailangan ka'y huwag kang mahihiya...lumapit ka sa akin!"
Batid ni Clemenia ang kahulugan ng sinabi ni Karyo. Sa madalas na pagtungo nito sa kanila ay hindi na niya mapagkakamalan ang mga pahiwatig nito. At iyon ay malabis na ipinandidiri niya.
.... kung may kailangan ka...huwag kang mahihiya.
"Diyos ko!
Matagal na nakasandal sa may palababahan si Clemenia. Sapupo ng isang palad niya ang kanyang noo. Sa pagkakapikit niya ngayon ay hindi siya makatakas sa katotohanan. Hindi siya makapasok sa daigdig na itinindig niya sa mga kinatha-kathang pangyayari sa isang lumang magasin. Nasa malapit na sulok lamang ng bahay ang kanyang ina. Matatakasan ba niya ang kalagayan nito?
Dumilat si Clemenia. Himbing na himbing ang kanyang ina. Naitanong niya sa sarili kung magtatagal iyon. Batid niyang hindi lamang malarya ang idinadaing ng kanyang ina, kundi pati dibdib, pati lalamunan. Magagawa kaya niyang talikuran ang katotohanang iyon? Si Karyo lamang ba ang pag-asa? Diyos ko!
Tumanaw si Clemenia sa dako ng ilog. Wala pa ang kanyang ama. Batid niyang mahuhuli si Mang Itoy. May isang linggo lamang ang nakalilipas sapul nang bumaha. Magtatagal ang Tatay, naisaloob niya. Marahan siyang lumapit sa kinahihigan ng kanyang ina. Tahimik pa rin si Aling Maring. Hindi ito malalaman ng Tatay o ng Nanay...
Saglit na nag-atubili si Clemenia. Subalit nang manlalim sa kanyang paningin ang mga guhit sa mukha ni Aling Maring ay maliksi niyang dinampot ang isang panyuwelong itim sa sandalan ng silya at ipinugong iyon sa kanyang buhok. Masasal na masasal ang dibdib, pumanaog siya ng bahay at sinundan-sundan siya ng buwan hanggang sa pintuan ng bahay nina Karyo.
III. SI ALING MARING
SA simula' y parang isang matamis na panaginip ang mabuti niyang pakiramdam. Hindi na siya umuubo. Napawi na ang ginawna nagpapakatal sa buo niyang katawan. Matagal din siyang nakatulog. Ang ilaw na tinghoy sa ibabaw ng lumang aparador ay masayang nilalaru-laro ng hangin.
Nakaramdam ng uhaw si Aling Maring. Tigang na tigang ang kanyang bibig
"Menyang...Menyang, marahang tawag ng matanda.
Tumagilid si Aling Maring. Tinanaw niya sa may papag sa tabing bintana si Clemenia. Nang hindi niya ito nakita ay tumagilid uli siyang pagawi naman sa hagdanan. Wala sa hagdanan si Mang Itoy. Bahagyang nakaawang ang sawaling pinto.
Nasa ilog marahil si Itoy, naisaloob ni Aling Maring. Naisip rin niyang natutulog na marahil si Clemenia sa silid nito. Pumikit siya at sinikap na makatulog uli.
Subalit sa pagkakapikit ni Aling Maring ay waring sumasayaw-sayaw sa talukap ng kanyang mga mata ang anino ng ningas ng ilaw na tinghoy sa ibabaw ng lumang aparador. Pabagal nang pabagal ang galaw ng ningas at sa guniguni ng maysakit ay mayroon siyang ipinakahuhulugan. Ngunit hindi siya nakadama ng takot, bagkus inisip niya nang inisip ang kahulugan sa kanyang guniguni hanggang sa dumilat siya. Nabalingan niya sa dakong tagiliran ang ilaw na unti-unti nang pinapanawan ng ningas.
Saglit na iwinaksi ni Aling Maring ang kanyang guniguni at inisip niya si Mang Itoy. Parang nakikita niya ang asawang hanggang baywang na nakalubog sa tubig, hawak ang lambat at matamang nag-aabang ng kawan ng mga isda. Hindi maiinip si Mang Itoy, naisaloob pa ng matandang babae. Magbabantay ito sa ilog hanggang sa umumaga. Magbabantay ito kahit sa habang panahon dahil lamang sa kanya.
Tumagilid na muli si Aling Maring at nakita na naman niya ang ilaw sa ibabaw ng lumang aparador. Bahagya na lamang ang galaw ng ningas. Nabalik na naman ang matanda sa kanyang guniguni at hindi niya tinangkang iwasang isipin ang bagay na iyon. Wala siyang nararamdamang takot. Nakahanda siya kahit dumating iyon sa ano mang sandali.
Ngunit papaano si Clemenia kung wala na siya, naitanong ni Aling Maring. Mapag-iisa ito sa bahay kapag nangingisda kung gabi si Mang Itoy. Dalaga na si Clemenia. Hindi ba't madalas magparinig si Karyo sa kanyang anak kapag ito'y napapadako sa kanila?
Sa kagipitang naiisip ni Aling Maring tungkol sa kinabukasan ng kanyang anak ay naitanong niya sa Panginoon kung bakit itinapat pa ang pagdadalaga ni Clemenia sa panahong magulo't walang katiyakan ang katahimikan. Hindi kaya mainam na ito'y manatiling bata muna at saka na lumaki pagkatapos ng digmaang iyon?
Inuyam ni Aling Maring ang sarili dahil sa kabaliwang iyon. Nawika niya sa sarili na talagang ganoon ang nalalapit sa kamatayan, laging may iniisip na kabaliwan. Nais pa sana niyang tumawa, ngunit nararamdaman niyang mabigat at masikip ang kanyang dibdib. Ngayong mapagtuunan niya ng pansin ang kanyang kalagayan ay saka pa naging mahirap ang kanyang paghinga.
Huminga nang malalim si Aling Maring. Bigla ang pagsakit ngkanyang dibdib at pagkati ng kanyang lalamunan. Mayamaya'y umubo siya; basag at tuyo. Saglit lamang iyon at ang matanda'y muling natahimik sa pagkakahiga. Pumikit na siya. Ninais niyang makatulog upang huwag na niyang maramdaman ang pananakit ng kanyang dibdib.
Subalit parang tuksong gagalaw-galaw sa talukap ng mga mata ni Aling Maring ang anino ng ningas ng ilaw na tinghoy. Mabagal na ang galaw, ngunit parang dumadantay iyon sa kanyang mga mata. Dumilat siya uli at nakita niyang parang isdang papalag-palag na lamang ang ningas. Ilang sandali na lamang at mamamatay na ang ilaw, naisip ng matanda. Marahil naman ay darating na si Itoy bago mamatay ang ilaw.
Ang uhaw na naramdaman niya nang siya'y magising ay bumalik na naman. Tigang na tigang ang kanyang bibig. Ang kanyang pag-ubo'y lalo lamang nakapagpatindi sa kanyang uhaw. Bumaling siya sa gawi ng silid ni Clemenia at ibinuka niya ang kanyang bibig,
"Menyang... Menyang... paos at mahina ang kanyang tinig.
Inulit ni Aling Maring ang pagtawag, pag-uulit ay inilalakas hanggang sa ang matanda ay sasalin ng ubo. Samantala, ang ilaw sa ibabaw ng aparador ay biglang namatay.
Sa pagitan ng sapin-saping pag-ubo sa maikling sandali ng pagsagap ng malinis na hangin ay parang lumatay sa isip ng maysakit ang isang mapait na pagkaunawa. Bumibigat at higit na sumasakit ang kanyang dibdib. Iisa lamang ang kahulugan! Nasa hagdanan na marahil si Itoy! Magigising si Clemenia...lalabas na siya mula sa silid.
Pamayamaya'y biglang napatigil ang pag-ubo, saglit na namayani ang hinahabol na paghinga at nang maputol iyon ay animo tuksong sumungaw sa bukas na durungawan ang buwang wari'y pumapanaog mula sa karurukan.
- Nalathala sa Ang Quezonian (Hunyo 23, 1959), opisyal na pahayagang pang-estudyante ng MLQ University