WIKA AT KALIKASANG SAPAT, PARAISONG BUKAS ANG KATAPAT
SA WIKA NG DIYOS NAGMULA ANG KALIKASAN
Sa wika ng Maykapal naganap ang lahat!
Nang mangusap ang Diyos sa sangkawalan...
Nalikha Niya ang langit at ang lupa (Gen. 1:1)
At sa magkakasunod na anim na araw ay sinabi ng Diyos ang ganito:
Magkaroon ng liwanag;”(3) … at naganap!
Magkaroon ng kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapuwa tubig. (6) … at nangyari! Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako. (9) tunay na kamangha-mangha!
Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kaniyang pagkakahoy, na taglay ang kanyang binhi sa ibabaw ng lupa. (11) … at nagkaroon ng hininga ang daigdig!
“Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw, at mga taon; (14) at itinakda ang bilang ng pagdaan ng nakalipas, pagharap sa kasalukuyan at paghihintay sa kinabukasan!
“Bukalan ng sagana ang tubig ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng himpapawid. (20) Walang magugutom! Mga kinapal ay may kalayaan!
Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa --- maamo, mailap, malalaki, at maliliit. (24) balanse ang lahat! Itinakdang komplimentaryo at magkatuwang ang magkasalungat!
“Ngayon, likhain natin ang tao Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliliit (26) utos Niya: Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig at kayo ang mamahala nito. (27) At silay nalikha na babae at lalake! Nilikha silang may iisa ring wika!
Tunay na sa Wika ng Diyos nagsimula ang lahat! Kalikasan ang una Niyang nilikha, sapagkat dito iinog ang buhay, ito ang pagmumulan ng kulay, ng emosyon at ekspresyon at ng panibagong paglikha, at maging ng panibagong wika.
Sagana ang sangkalupaan; walang nagmamay-aring sinuman; Lahat ay nakikinabang. Sa malawak na kagubatan, kahit sino, kahit ano, maaaring manginain, maaaring mag-angkin. Ang mga nilalang sa kagubatan, may kasapatan sa pangangailangan!
Sa walang hangganang katubigan ay makukulay at di mabilang ang mga bakawan; ang mga isda at iba pang may buhay na sa tubig namimilbi ay nakikipaghabulan sa along nilalaro ng hangin sa kalawakan. Sinasalamin ng langit ang kanyang mukha sa nagkukulay-asul ding tubig ng karagatan.
Walang sumapat na pakpak ng ibon upang malibot ang kalawakan. Sa mga punong malalabay sumisilong ang mga ibon kung abutin ng pagod, ng ulan, ng init, o kung nais makipaglampungan sa mga dahon.
At kung mauuhaw ang mga halaman at puno ay aalon ang karagatan o kayay bubuhos ang ulan upang matighaw ang pagkauhaw. Sisikat naman ang haring araw upang magbigay-init at sasabayan ng hanging mahalumigmig upang malamigan.
Sa kamatayan ay may buhay. Magsisilbing pagkain ng mga insekto ang mga patay na hayop at magsisilbing pataba ng mga halaman ang labi nito. Ang insektong kumain ng patay na hayop ay magiging malakas makalilipad makagagapang makalilikha ng sarili niyang mapagsisilungan. Ang matabang lupa ay pananahanan ng mabungang mga halaman; yayabong at tutuluyan ng mga ibon at ng iba pang sa himpapawid ay nakikiraan. Kailangan ng mga halaman ang kamatayan ng mga hayop na nagpataba sa lupang sa kanya ay bumubuhay; Kailangan ng hayop ang mga halamang kanya ring pagkain na pang-araw-araw. Ito ang balikang relasyon ng kalikasan; ang maging kapakinabangan ng isat isa upang mapanatili ang sirkulo ng buhay.
PAG-ASAM SA KABILA NG KAWALAN
Nang itinakda ng Diyos na makapangyari ang tao sa lahat, ipinagkaloob ng kalikasan ang lahat ng kailangan ng tao nang walang pagtutol kahit pa ito ay nagdulot ng kapahamakan sa siyang nagbibigay ng kapakinabangan. Ngunit ang anumang inaabuso ay nauubos o kayay nanghihina at kumukupas; at sa halip na itoy muling payabungin, palakasin at pakinangin; pinalitan ng artipisyal at ang natitirang pagkalinga sa likas na yaman ay dahil sa itoy maaari pang pakinabangan; at ang mga hindi na itinuring na likas na bunga ng pagtungo sa kawalan.
Nang pinatag ng mga tao ang mapunong bundok at kinalbo at ipinantay ito sa kabukiran ay nawala ang sumasangga sa mga along humahampas sa mga bundok at sumasalo sa mga ulang iniluluwa ng kalangitan. Ang dating nakikipag-ulayaw na mga alon at ulan sa bundok ng katatagan, at pinipigil ng mga ugat ng mga punong sabik sa kanyang lamig na hatid ay tumagos sa kapatagan at nagpakita ng pagluha na nagpalubog sa mga kabayanan.
Nang hinuli ng mga tao ang mga kidlat at ikinulong ang tubig sa mga dam, nalikha ng tao ang elektrisidad na nagbibigay-enerhiya upang paandarin ang ibat ibang makinaryang makapagpapadali at makapagpapabilis ng produksyon. Ginawang kombinyente ang pamumuhay; samantalang walang pagkalinga ang sa may kaloob ng luho ay ibinigay. Sa sama-sama, sabay-sabay at walang kapahingahang paggamit ng elektrisidad ay nakaramdam ng pagkahapo ang mundong sa atiy kumakalinga. Sa tindi ng init na kanyang tinitiis, nabutas ang kanyang balat na nagbibigay-proteksyon sa mga nilalang na kanyang kinakanlong.
Kung nakuntento sana ang tao sa pamamaypay o kayat pakikipag-ulayaw sa hangin sa halip na gumamit ng aircon o lectric fan ngunit hindi! Kung napagtiisan sana niyang maglakad nang mahaba-haba at itoy maybunga pang pampalakas ng katawan, sa halip na umarkila ng sasakyang bumubuga ng usok na nakapagpaparumi ng hangin ngunit hindi! Kung napagpasyahan sana ng tao na gamitin ang kanyang mga kamay at bisig sa pagkutingting at pagkukumpuni; ang kanyang mga paat binti sa pagpedal at paghakbang sa halip na gumamit ng mga de susi at de butones na makinarya, disin sanay marami ang may hanapbuhay na ang lakas ng isandaang nilalang ay di makasisira ng kalikasan kumpara sa iisang makinaryang oo ngat mas higit ang produksyon, ngunit nang-agaw ng hnapbuhay, at kumitil pa ng maraming buhay ng likas nating yaman ngunit hindi!
Kinasanayan na ng tao ang kombinyenteng pmumuhay na tinatamasa ngayon. May mangilan-ngilang marahil ay ibig humakbang pabalik, urong-sulong, ngunit parang nahihiyang magpakabayani! Pagpapakabayani ang pagtatanim ng puno. Nakahihiyang pumulot o pamulutin ng basura. Sakripisyo ang pagpipigil sa pamimigil ng paninigarilyo. Nakahahapo ang paglalakad sapagkat kahit malapit lamang ang pupuntahan ay nagsasasakyan. At sa halip na gumamit ng mga kasangkapang maaari pang paulit-ulit na gamitin ay bibili na lamang ng mga kagamitang minsan lamang magagamit, bastat wala nang huhugasan, wala nang liligpitin, bagkus, itatapon na lamang.
Ang isang kislot ng liwanag ay pag-asa ng mga taong nasa gitna ng kadiliman; ang isang patak ng tubig ay dagat ang katumbas sa disyertong puro buhangin; ang liwanag na di mapigil ay nakabubulag ng paningin; ang ulang walang patid, lumulunod ng pananim at gutom ang hatid. Kung ganito ang iyong kalagayan, pagpapakabayani ba ang humakbang nang pabalik?
Pagpapakabayaning itinuturing ang pagtungo ng mga ama o ina ng tahanan sa ibang bayan dahil naisasalba nila ang ekonomiya ng bansa mula sa mga dolyar na naipapasok nila sa sariling bayan. Kahit giyera sinusuong ng mga OFWs, di alintana ang sariling kapakanan, dahil diumano, may naipapakain sa pamilya, kahit pa walang katiyakan kung hanggang kailan makaiiwas sa bala. Sa pangingibang-bayan ay may oportunidad na nakikita upang tugunan ang pangangailangan ng pamilya. Ang isalba ang sariling pamilya sa kagutuman ay pagpapakabayani! Ang gampanan ang responsibilidad bilang haligi o ilaw ng tahanan ay pagpapakabayani!
Marahil ay gusto rin nating magpakabayani upang sagipin ang nag-iisa nating daigdig! Hanggat may panahon pa! Hindi kailangang umiwas sa bala! Hindi rin kailangang iwanan ang pamilya! Ang dapat, may adbokasiya! Di dapat mag-urong-sulong Di dapat mag-agam-agam! Huminto nang saglit. Tanggalan ng laman ang iyong isip. Isandal nang banayad ang sarili. Ipikit ang i mga mata. Huminga nang malalim. At sa muling pagmulat ng mga mata, mungkahi ko, manindigang ito ay tupdin:
Sampung Utos Pangkalikasan
Ibigin mo ang kalikasan, pangalawa sa Diyos at sa iyong sarili;
Huwag kang puputol nang pananim kung walang ipapalit;
Igalang ang mga karapatan ng mga likas na yaman;
Iwasan ang pagtangkilik sa mga kagamitang ngbubunga ng polusyon: sa hangin, sa tubig, o sa lupa man;
Itapon ang mga basura sa tamang pagtatapunan;
Panatilihing malinis ang sarili at ang kapaligiran;
Bawasan ang pagbili ng mga di kailangang bagay;
Gawing kapaki-pakinabang ang mga bagay na itatapon na maaari pang gamitin;
Paghiwa-hiwalayin ang mga bagay na nabubulok, hindi nabubulok at maging ang mga maaari pang iresiklo;
Maging mapanuri sa pagtangkilik; mapamaraan sa paggawa; at higit sa lahat mapagmahal sa Inang bayan!
Ngayon ay panahon ng teknolohiya at pag-unlad. Panahong ang lahat ay pinadadali at minamadali. Maging ang panahon ay pinagmamadali. Mabilis makamit ang anumang ibig, mabilis ding pinatatanda ang buhay ng daigdig. Isang buton lang ang kapalit, at lahat-lahat ay makakamit. Isang buton din lamang ang ipihit at lahat ay maaaring masawi. Hindi nga bat nang nilukob ng isang higanteng kabute ang langit sa Hiroshima at Nagasaki, tinawag man ang lahat ng kilalang santo ay di na napigil ang pagdating ng impyerno!
Kayat ngayon pa lamang, maging handa sana ang lahat na magbago. Magsimula kay Ako, haplusin at gisingin si Sila, at mangagkapit-bisig Tayo. Mahirap mang humakbang pabalik, kung nasisilip na sigla ng mga sanggol na isisilang ay may pag-asang muling masisilayan ang pagbagsak ng talon ng Hinulugang Taktak at makapagtatampisaw sa Ilog Pasig; muling mayayakap ang hanging malamig na papawi sa matinding init ng araw at mga makinaryang nakapalibot na sa daigdig; muling maririnig ang sagutang huni ng ibong nagpapalipat-lipat sa mga punong masaya rin namang nakikipaglaro. Isanib sa kasalukuyan ang buti ng nakalipas sa pagtanaw na may mayabong na likas na yaman pa sa hinaharap.
BANAL ANG WIKANG LIKHA NG DIYOS
Nang pasimula pa lamang ng pagkakalalang, kasama ng mga kalikasan ang mga katawagan kung paano ito ngangalanan: ang liwanag ay tinawag na araw, ang dilim ay gabi; langit ang itinawag sa kalawakan, lupa sa katuyuan, at dagat naman ang kapisanan ng tubig. Wika ang nagtakda sa lahat! Kalikasan ang itinakda ng wika ng Diyos! Banal ang wika at kalikasan, kaloob tangi ng Maykapal!
Kaya ngat noong unay sinamba ng tao ang mga puno, mga hayop, mga bundok, ang araw, ang buwan, at maging ang tubig at kalawakan! At sa kanyang pagsamba, wikang may tinig, wikang may himig, wikang nagsusumamo, wikang nagsasaya, at wikang nagdadakila ang kaloob ng tao upang ang kalikasan ay magpatuloy sa biyayang ipinagkakaloob nito.
Iisang wika ang ipinagkaloob ng Diyos sa tao. Tanging wika na ang Diyos at ang tao lamang ang nagkakaunawaan. Ito ang tanging tulay kung paanong kakausapin ng tao ang Diyos, kung paano ring kakausapin ng Diyos ang tao. Hindi ng tao sa hayop; hindi ng tao sa halaman. Hindi rin ng Diyos sa hayop; at hindi ng Diyos sa mga halaman.
Sa wikang kaloob ng Diyos sa tao, bumuo ang tao ng bagong lungsod at itinayo ang Tore ng Babel. Ang wikang kanyang ginagamit sa pakikipag-usap sa Diyos ay ginamit niyang kasangkapan upang higitan ang sa kanyay naglalang. Sa isang iglap ay binawi ng Diyos ang wika ng unawaan! Nagkagulo. Nagkaawayan. At ang dapat sanang tore na bunga ng unawaan ay naging tore ng kalituhan!
Sa saganang biyaya na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, hindi niya kailangang magbanat ng buto upang palipasin ang maghapon; kalikasan ang tumutugon sa araw-araw na pagkaing nagbibigay-lakas; nagbibigay-proteksyon sa lamig at init; nagtitighaw ng uhaw; at musikang nagbibigay-aliw sa pamamagitan ng paghuni ng ibon, malamig na haplos ng hangin, at sa pag-indak ng dahon sa saliw ng lagaslas ng tubig na malayang namamalisbis sa mga batuhan.
Sa kabila ng kabutihang-palad na tamasa ng tao, anupat nalinlang ang tao sa wikang kanyang narinig! Nang kausapin si Eva ng palalong ahas sa gitna ng Eden, pinili niya ang prutas na ipinagbabawal bunga ng kyuryosidad at sariling kapakinabangan. sa halip na makuntento sa biyayang nasa kanya ring palad. Tinikman ang bunga ng kanyang kapangahasan. Ganyan talaga ang kahihinatnan, kahit pa sapat ang naipagkakaloob ni Inang Kalikasan, tila kung ang wala at bawal ay makamtan, ay siyang masasabing dagliang tagumpay ngunit habampanahong pagsisisihan. At ang saglit na lasap ng sarap, nagpalayas kay Eba at Adan sa hardin ng pangarap.
Sa maling gamit ng wika ay naguho ang ugnayan ng tao sa Diyos. Sa kamit na kapakinabangang pansarili gamit ang kalikasan ay panghabang panahong pagbubungkal at pagpapawis ang kapalit. Sa kawalan ng responsibilidad na gamitin ang wika at kalikasan sa tamang paraan, taong may sala nito ang nagdusang tunay.
Ngunit tunay na mapagpatawad ang Diyos sa tao. Kung noong panimulang panahon ay biniyayan ng Diyos ng iisang wika ang mga tao upang ganap silang magkaunawaan, at ang hindi wastong paggamit dito ay nagbunga ng kapahamakan at pagkakawatak-watak, sa pagkakawatak-watak ay wika rin ang nagbuklod. May magkakatulad na wika ang may magkakatulad na ugali, kapaligiran, pananampalataya at pakikipamuhay. At may mga katawagang natatangi para sa pangkat na kinabibilangan. Ang mga kaalaman sa uri ng isda at lamang-dagat ay karaniwan sa mga naninirahan sa katubigan, samantalang ang mga katawagang pangkalupaan ay higit na batid ng mga nasa kapatagan; gayong ang sa mga hayop at halaman ay simple lamang para sa mga nasa kabundukan at kagubatan.
Pinatunayan ni Conant na may pepet vowel rule ang mga Ilocano; may R language ang mga taga-Rizal; mag-alopono ang /e/ at /i/ ng Tagalog at Hiligaynon; may ekspresyong ala, eh ang Batangas, ga ang Bicol at Visayas, at bang sa halip na ang ang mga taga-Angono.
Kinakapitan ng san ang ngalan ng mga hapon bilang tanda ng respeto; samantalang sa mga Pilipino, marapat na may po o opo ang pagtugon kung ang kausap ay nakatatanda. Aspirado ang /t/ ng mananalitang Ingles-amerikano kung ang tunog ay nasa inisyal na posisyon; gayong wala itong tinig kung bibigkasin naman ng Pinoy. Tunay, makikilala sa dila ang magkakalahing binubuklod ng wika.
Ngunit ang wika ay isang bagay na likas na nagpapalit-palit. Umaayon ito sa takbo ng panahong lumilipas at dumaraan din. Itinatakda ang wika ng pangangailangan ng mga nilalang at nakaagapay ito sa kung ano ang kalakaran sa pagpapatakbo ng kanyang kapaligiran. Hispanisado ang mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila; Amerikanisado naman, noong panahon ng Amerikano, sabi ni Panganiban.
Nang Hispanisado ang mga Pilipino ay kinutab ang mga puno at ginawang santo. Sinamba ang mga punong inanyuan na noong unat binabale-wala at ginagawang panggatong lamang. Ang mga bagay na libre o walang bayad, nang lumaon ay binibili nang itoy maanyuan. May kapalit na buti ang pagyukod at pag-aalay ng indolhensya. Inalayan ng mga prutas at gulay si San Isidro Labrador, kasama ang kalabaw ng magsasaka na tila isang bayaning tagapagligtas sa kagutuman. Panalangin ng mga mananampalataya, mas masaganang ani (na sa mga ganid at hindi sa mga Pilipino napupunta) ang sana ay makamit. Anupat ang lahat ng nananalig at umuusal ng wikang-panalangin, iisa ang pangarap ang makabalik sa Lupa ng Eden, sagana sa lahat ng bagay; walang gutom at walang pagod, lahat ay pawang masaya kapayapaan ay walang hanggan. Ang Bayang nilikha ng Diyos sa banal na wikang kanyang ipinangusap.
Nang Amerikanisado ang mga Pilipino ay nagbago ang wika nito. Pinalasap ang buting dulot ng language of convenience kapalit ng language of identity. Dolyar at edukasyon ang bunga ng maalam sa bagong wika ng dayuhang mapagkandili, mapagpalaya at mangingibig ng demokrasya. Ang pagpapagamit ng wika ng mananakop sa Pilipinas na kanyang sinakop ang nagpatibay sa bigkis ng mananalita sa wikang kanyang gamit. At higit itong mapang-alipin! Higit na matibay ang epekto ng ilang panahong pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas, gamit ang wikang kinasangkapan; kumpara sa tatlong daang pananakop ng mga Kastila na nagkait ng kanilang wika sa mga Indyo.
Sa kabila ng ganitong kalagayan ay may tungkulin ang wikang mapanatili ang pagkakakilanlan ng kanyang lahi, mapalakas ang pagka-ako upang mapatibay ang kakanyayahan at kagalingang pagkamamamayan. Ika ni Dr.Pineda sa tulang Pilipino: Isang Depinisyon:
Ilukanoy Ilukano,
Kapampangay Kapampangan
Bikulanoy Bikulano,
Pangasinay Pangasinan
Ang Pilipinoy Pilipino!lano, pangasina', ako'sa at pagsulat
Ang malakas na rehiyonalismo at ang matibay na pagka-Pilipino ang pinakamalakas na sandata ng bansa upang mapanatili ang sariling identidad.. ang sariling kaakuhan. Binubuklod ng wikang Ilokano ang mga Ilokano; ng Kapampangan ang mga Kapampangan; ng Bikolano ang mga Bikolano; ng Pangasinense ang mga taga-Pangasinan; at ng wikang Pambansang Filipino ang mga Pilipino.
Malayo na ang nilakbay ng Wikang Filipino. Mula sa kawalan ng katawagan dito bilang wikang pambansa at masalimuot na pagpapatanggap bilang tagapagbuklod ng lahing pinaghiwa-hiwalay di lamang ng mga kapuluang binuklod ng tubig, kundi maging ng daan-daan ring wika na dito ay ginagamit, sa katawagang Tagalog, Pilipino at Filipino, sinasalita at kinikilala na di lamang mula sa pinakahilaga at pinakatimugang bahagi ng bansa, kundi maging sa mga kapit-bansa.
Habang pinagkakakilnlan ng lahi ang unang wika, pinag-uugnay naman ng iba pang mga wika ang mundo. Sa pamamagitan ng sariling wikang nakikipag-ugnayan sa mga wika ng kalapit-kalayong-bansa, nakilala ng buong mundo ang Pilipino; at kinikilala ng Pilipino ang buong mundo. Sa ganito napananatili ng wika ang kanyang buhay sa patuloy na pakikipagsalimbayan sa ibat ibang wikang pinatitibay ng kalikasang kanyang pinaghahanguan ng hininga at buhay.
Ang pakikipag-ugnayan ng mga Pilipino sa mga kalapit-kalayong mga bansa ay naghahatid sa bagong anyong Filipino. Ito ang takda sa wika. Ang patuloy na magbago. At sa pakikisabay sa pagbabago, napananatiling buhay at nakikiayon sa sirkulo.
ANG UGNAYANG WIKA AT KALIKASAN
Kung ang mga bagay sa paligid na nilikhaan ng katawagan ay lumilipas at nagpapanibagong sibol; at kung maging ang tao na pangunahing gumagamit at lumikha ng wika ay namamatay, nangangawala rin ang mga katawagang panumbas sa likas na yaman, na ngayon ay halos di na rin masilayan. Nang walang pakundangang harangan ng mga iskwater ang mga batis at sapa upang pagtayuan ng kanilang matutuluyan, nagmistulang kanal ang daluyan ng tubig, kanal na pinagtapunan ng anumang ibig. Umitim ang tubig. Bumaho. Nagbara. Hanggang sa tuluyang naglaho. Naglaho ang batis. Naglaho ang sapa. At kapag tinukoy ang kanal, ang nasa isip ay tubig na marumi, mabaho, at nagdudulot ng sakit.
Hindi na kilala ang mga katawagang talon, at bukal na libreng nagkakaloob ng ginhawa at kalakasan; bagkus hinalilinan ng dam at reservoir na sa tuwing aangat o kukulangin sa timpla ng tubig ay nagdudulot ng kaba. At ang bawat patak, may presyong katapat. Kung walang maipambayad, dilat sa gutom at uhaw ang mararanasan. Simple ang pahiwatig sa itaas. Naglalaho ang katawagan ng mga nangawawala ring kalikasan. Kung nangawawala ang kalikasan, magbubunga ng kasalatan.
Masasalamin ang pahiwatig ng Diyos sa tao. Para sa tao ang wika. Para sa tao ang kalikasan. Tao ang mangangalaga sa wika. Tao rin ang mangangalaga sa kalikasan. Kung wika ay mapababayaan tao ang may responsibilidad. Kung kalikasan ay mapababayaan tao rin ang may likha ng kapahamakan. At kung suliranin ay kakaharapin, tao rin ang papasan ng krus ng kasalanan.
At sapagkat nilalang ang tao na di lamang bibig at sikmura ang taglay; kasama sa arkitekto ng pagkakalalang sa kanya ang pagtataglay ng dalawang kamay, dalawang mata, dalawang butas ng ilong, dalawang tenga, dalawang paa, dalawang hemispera ng utak at isip at pusong titimbang sa mabuti at masama; maliwanag at madilim, maliit at malaki; masarap at mapait; malungkot at masaya.
Sa uganayang tao at kalikasan, ang taong makapangyayari sa lahat ay huhuli ng isda na kanyang kakainin upang siyay maging malakas; kung siyay malakas na ay maaari niyang diligin ang mga halaman, tistisin ang mga puno at pangalagaan ang mga hayop. Ang mga puno at halaman ay magkakaloob ng hanging mabuti sa katawan at bungang magbibigay-nutrisyon sa kaninuman. Sa mga hayop matatagpuan ang iba pang pantuwang upang malunasan ang gutom. Sa pagtutuwangang ito, mag-uusap ang mga tao kung paano pangangalagaan ang lahat. Kung mag-uusap, wika ng unawaan ang gagamiting kasangkapan.
Ganyan din dapat maging balanse ang wika at kalikasan; dalawang pananaw ang nararapat na tingnan: pananaw-wika at pananaw-kalikasan. Kung pananaw-wika ang titingnan, marapat na sapat ang mga katawagan at tuntunin sa paggamit at pangangalaga ang kailangan. Kung may pagkilala, marunong gumamit, kung may karunungang gumamit, marunong dapat na magmalasakit. At kung pananaw-kalikasan ang sisipatin, hindi lamang ang biyayang dulot nito ang nararapat na tingnan; kundi maging ang epekto ng lakas ng taong sa kanya ay itinakdang mangalaga. Ang epekto ng dalawang kamay, dalawang paa, dalawang mata, dalawang butas ng ilong , dalawang hemispera ng utak, at tagapagbalanseng puso at isip na taglay ng tao. Ang buti kayang dulot ng kalikasan sa tao, ay buti ring dulot ng tao sa kalikasan? Sapagkat kung hindi, ang kakulangan ng pananaw sa isa, ay magdudulot ng panganib sa dalawa! Sa kalikasang nagkakaloob ng pangangailangan! At sa taong may sapat na isip na siyang binibiyayaan nitong kalikasan.
Wika ang isa sa mga dahilan kung paano pangangalaagan ang kalikasan, Dagdag ang mabuting puso ng nilalang at tamang pagpapahalagang sa kanya ay naikintal, walang imposible sa dakilang layuning muling matamo ang balanseng biyaya ng kalikasan. Ang pagpapahalaga sa pangangampanya upang magkaroon ng wasto at sapat lamang na paggamit at makatotohananag pagmamalasakit sa kalikasan sa pamamagitan ng wikang unawa ng lahat, mawawala ang kamangmangan; at ang mga bagay na di alam o di inaalam ay tiyak na mapagkakasunduan. At dahil may pagkakasundo, maaari nang mangarap na makakamit muli ang paraisong bukas.
Huwag ring kalimutan na tanging Pilipino ang magmamalasakit sa likas na yaman ng Pilipinas, ipanalanging kamtin natin ang masaganang bukas. Kaya sa tinatangi ring wikang alam ng lahat, nawa ay tumimo sa bawat puso, ang panata ng isang Pilipinong may pag-ibigs a bayan, sa wika at sa kalikasan:
Panata ng Makabayan sa Matapat na Pangangalaga ng Kalikasan
(hinalaw sa Panatang Makabayan)
Iniibig ko ang Kalikasan,
Ito ay aking iingatan;
Ito ay aking pangangalagaan;
Akoy kanyang binubusog at pinasisigla
Upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang.
Bilang ganti ay iiwas akong pumutol ng mga puno at halaman kung walang kapalit na pagtatamnan;
Pangangalagaan ko ang mga hayop at insektong kapaki-pakinabang;
Tutuparin ko ang pag-iwas sa paggamit ng styrofor at mga kagamitang nakabubutas sa mga ulap at kalangitan;
Paglilingkuran ko nang walang pag-iimbot si Inang Kalikasan ;
Sisikapin kong maging kasangkapan sa pagpapanatiling malinis ng kapaligiran, sa isip, sa salita, at maging sa gawa.
Harinawang isang masagnang bukas ang sa ating lahat ay naghihintay.
Author: Unknown