February 12, 2010 by plumaatpapel ni Gat Rogelio L. Ordonez
(Tula)
sa bayan ni juan
mortal na kasalanan
ang maging makabayan
baka pulutin ka sa kangkungan
o saanmang basurahan
lasug-lasog ang katawan
utak at mukha’y pinagpipistahan
ng mga langaw at langgam
baka di ka na rin makita kailanman
kapag isinilid sa dram
sementuhan at ipalamon
sa pusod ng karagatan.
sa bayan ni juan… pakatandaan
huwag kang magsasabi ng katotohanan
basta paniwalaang umuunlad ang kabuhayan
kahit lugaw at asin ang nagliliwaliw
sa bituka ng maraming mamamayan
dumarami man nagkakalkal ng basura
para magkalaman ang tiyan
milyun-milyon man damit ay basahan
bata-batalyon man palaboy sa lansangan
mga parke’t damuhan man ang himlayan
o nagtitiis paalipin sa banyagang bayan
basta isiping mahalimuyak ang buhay
sa bawat pagsikat ng araw sa bayan ni juan
ugaliing itaas ang mga kamay
maghosana sa kaitaasan
maghaleluya sa mga diyus-diyosan
laging may glorya raw sa bayan ni juan.
sa bayan ni juan
huwag mong isasaysay sa sambayanan
hokus pokus at kahiwagaan
ng kung anu-anong pandarambong
sa pondo ng bayan
huwag palalabasin sa lalamunan
inhustisya’t kasuwapangan
ng iilang hari-harian sa lipunan
baka dila mo’y hiwain
mga ngipi’y lagariin
pati mata ay dukitin
iturnilyo’t mga labi’y pasabugin.
.
sa bayan ni juan
huwag na huwag makipagkaisa
sa mapagpalayang adhikain
ng manggagawa’t magsasaka
huwag makipagtaling-pusod sa masa
sa uring alipin at ibinartolina
ng balintunang sistema
huwag kang sasama
sa kanilang sagad-langit na protesta
laban sa uring mapagsamantala
babansagan kang subersibo’t terorista
banta sa seguridad ng republika.
sa bayan ni juan
malupit mga senturyon ng impakto
kaya huwag matigas ang ulo
kapag dinampot ka’t pinalad na ikalaboso
at hindi naging desaparecido
bababuyin ka ng mga utak-kurtado
paaaminin kang rebelde laban sa estado
ingungudngod ang mukha mo
sa mataeng inodoro
hubo’t hubad kang pahihigain
sa bloke ng yelo
pipilitin kang uminom nang uminom
ng tubig na naninilaw sa mikrobyo
hanggang pumintog nang pumintog
ang tiyan mo
saka biglang tatadyakan ng demonyo
di ka titigilan kapag di umaamin
sa nilubid na mga kasalanan
bayag mo’y kukuryentihin
isasaksak sa titi mo
bagong sinding palito ng posporo
o bibigtihin ng kuwerdas ng gitara
lupaypay na ulo nito
o diyos ni abraham
malilibog ang senturyon ng demonyo
kung babae kang isinalampak sa kalaboso
lalaruin ang suso’t kiki mo
saka kakabayuhin ka nang husto
matapos laspagin ang puri mo
at hingal-aso ang berdugo
iiwan pang nakapasak sa ari mo
anumang boteng nakatuwaan nito.
talagang ganyan sa bayan ni juan
dinuduhagi’t sinisikil ang mga makabayan
ipinagkakait ang demokratikong proseso
mapapalad lamang ang basalyos ng impakto
at kauri nilang salabusab at tuso
mga payaso’t sirkero
mga batikang salamangkero
nilalaklak nila ang dugo ng bayan
nilalamon ang laman ng mamamayan
sa paulit-ulit na pagtatanghal
sa karnabal ng kasinungalingan
isasakay sa ruweda ng panlilinlang
hinihilong masang sambayanan
iduruyan sa ilusyon ng huwad na kaunlaran
at doble-karang katarungan
talagang ganyan sa bayan ni juan
ang taksil sa pambansang kapakanan
at interes ng kumain-diling mamamayan
silang mga tulisan sa kalunsuran
silang nagpipista sa mesa ng kawalang-hiyaan
may lakas ng loob pang mangalandakan
na sila’y lantay na makabayan.
sa bayan ni juan… talagang ganyan
mortal na kasalanan ng masang sambayanan
ang maging makabayan
at maghayag ng sagradong katotohanan
pero di habang panahong laging ganyan
sa bayan ni juan
naglalagablab na ang liwanag sa silangan
bumabangon na sa dilim ng nagdaang gabi
ang mga alipin
upang sa wakas mga sarili’y palayain!
https://plumaatpapel.wordpress.com/2010/02/12/sa-bayan-ni-juan/
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento