Pantay!
Hustisya! ilang damong nagkabulaklak pa ba ang tatapakan,
Hindi ka naman siguro tanga,
nasasaktan din sila!
Hayaan natin silang mamukadkad
kahit na magsilago sila hanggang sa gubat, buhat ng maipunla ang mga damong nagkabulaklak nang di sinasadya, doon nagsimula ang karapatan nilang umiral, mabuhay,
Hustisya! Ilang doughnut pa ba na walang butas sa gitna ang bababuyin
iiwan sa sulok, matapos tikman,
nang di nagustuhan ang lasa'y lalamukusin
ibabasura, isusumpa pa at mumurahin
dahil lang sa isa siyang doughnut na walang butas sa gitna
matapos iduwa sa bibig ay paliliguan pa ng maplemang dura
Hustisya! ilang nalamog na talong pa ba ang pagtatawanan
matapos silang gamitin, bilang laruan
ng mga nagkakasiyahang iilan
Di sila nabuhay para paglaruan!
Hindi ganun ang esensya ng kanilang buhay
manong napahalagahan sila
nang nakita sana ang dulot nilang sustansya sa ating katawan
Hustisya! ilang bubot na papaya pa ba ang pipitasin
Hindi pa sila hinog! bakit pinaranas nang biyakin
hilaw pa ang kanilang kabuuan, bubot din ang isipan
ngunit itinulak sila ng inyong kahayukan sa laman
Katarungan! Hustisya ang aming ipinaglalaban
karapatan!! Karapatan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento