Pagsusuri ng mga tula
ni Reymond Cuison
ABF III-I
Ipinasa kay
Prof. Rogelio Ordoñez
(1)
“Sa Dagat Ng Apoy Ng Mga Bendita”
sa wordpress.com na plumaatpapel ni Rogelio L. Ordoñez (2007)(Tula)
Sa dagat ng apoy ng mga bendita
tayo’y magmimisa…
habang iniluluwa may lasong ostiya
sa mga simbahan at mga kapilya
ating itataas kalis na bungo
at bubusan ng sariwang dugo
santong rebulto at mukha ni kristo.
sa dagat ng apoy ng mga bendita
tayo’y magmimisa…
pulpito natin ang puso ng masa
bayaang magsermon tabak at pulbura
papagkumpisalin lahat ng may sala
piliting lumuhod ang pari at mongha
pahaliking lahat sa paa ng indio
himurin sugat ng mga anino.
sa dagat ng apoy ng mga bendita
titipunin natin namuong luha ng mga kandila…
bawat estampita’t mga kandelabra
sa altar ng dusa
butil ng rosaryo sa mga sakristiya
mailbag na kalmen sa dibdib ng masa
at bibliya ng pera
ipambabala sa nalikhang kanyon
ng pakikibaka.
sa dagat ng apoy ng mga bendita
bayaang bungo’y mabiyak
habang nagmimisa…
isabog dugo at utak sa mga kalsada
sa bukid at lungsod
sa burol at bundok
sa lupang binaog
ng salot na krus ng ubaning santo
at ng mga ganid sa mga kumbento.
sa dagat ng apoy ng mga bendita
tayo’y magmimisa…
bendisyon ng tabak at koro ng bala
himno ng pulbura’t mga dinamita
wawasaking lahat mga bartolina
ng layang kinulong ng puting demonyo
at magbabanyuhay lahing Pilipino.
sa dagat ng apoy ng mga bendita
dadasalin natin marahas na nota ng pakikibaka…
di na tayo luluhod na muli
habang nagmimisa
upang maglagablab mga bulaklak
upang amiha’y humalakhak
upang talahib ay umindak
at sa basbas ng ngitngit ng lintik
iwawagayway natin nagdurugong bandila
sa bawat dampa ng mga inalila
bawat luha’y magiging punglo ng paglaya!
/ Sunday Inquirer, Enero 25, 1995
Ni Prof. Rogelio Ordoñez
(Pagsusuri)
Muling bumalot ang kahindik-hindik na pagmamani-obra ng mga bendisyon ng mga Kato(k)lisismo, mula sa planadong Messia hanggang sa alagad niyang nagpapakalat ng Pinabuting balita. Ilang dekada nang tumanggap ng benipisyo ang mga kaparian; ilang dekada nang umuulit ang siklo ng pagpapalaganap at pambubulag; ilang dekada nang umiinit sa kamay ng simbahan ang tinangang paniniwala sa mga Santo’t espirito na patuloy na nagmumulto sa isipan ng mga tao, ang pinabanal na larawan, pinabangong pangalan,at dinakilang kapanyakan ng kanilang hinirang…
Sa “Sa Dagat na Apoy ng mga Bendita” inilabas ng may akda ang sigaw ng rebolusyon. Sinangkutsa ang mga pinabanal na katawagang pansimbahan at hinalo sa maanghang na pag-aalsa. Dito’y nanaig ang simbolismo’t rasyunal na pagtingin, gaya ng ilan: Ang pagluluwa sa may lasong ostiya na simbulo ng pagtanggi at pag-papalagay sa masamang dulot ng pagkain ng ganitong paniniwala; Ang pagtaas ng kalis na bungo at pagbuhos ng dugo sa santong rebulto at mukha ni kristo na maaaring pagpapakita sa mukha ng katotohanan ukol sa pagpaplano ng mirakulo ng pagpapanggap; Pulpito ang puso ng masa gayong lubos ang panggagamit ng simbahan sa lipunan ay ba’t di naman papaghariin ang damdamin ng masang lumalaban; papagkumpisalin at paluhurin mga pari at mongha palabasin sa panty ng panginoon ang nagkukubling mga alagad ng pinabuting balita, sa gayon mabigyan man lamang ng hustisya ang hindi mabilang na pagkakasala ng mga ito sa bayan/ sa lipunan- ilang nobela kaya ang mabubuo sa buhay ng bawat isang kaparian; Estampita’t mga kandelabra sa altar ng dusa,butil ng rosaryo, malibag na kalmen at bibliya ng pera ang ipambabala sa nilikhang kanyon ng pakikibaka, itaboy pabalik sa kanilang mukha ang instrumentong kanilang pananggalang, na patuloy ibinambubulag sa lipunan; krus ng ubaning santo ilang libong taon ng naghihintay ang pinaasang kaluluwa, sa langit hindi malamang makita si pedrong may tangan ng susi sa pangakong mansyon sa kalangitan, pagkat naririto pa siya sa lupa, nagsasabong; ang layang kinulong ng puting demonyo bantad ang pagbabawal ng simbahan sa simpleng kalayaang nagpapakita raw ng kaimoralan, simbahang hindi nagbabayad ng buwis, simbahang may sungay na sa politikang usapin, ang pagbabalatkayo ng mga may akda ng kaputian ay nawa’y matanggalan ng maskara nang malantad sa masa ang likas nilang bunto’t at sungay; at ang ilan pang halimbawa ng mga ginamit na simbolo sa tulang ito’y nagpapakita ng paglaban sa mahiwagang bendisyon ng pananampalataya.
Bakit hindi ang pag-aalsa? Gayong ilang libong taon na tayong minumulto ng mga anito; ng mga santo, ng mga papa’t pari sa mga kapilya’t kumbento; at matatakot nga tayo sa kaparusahan ng hindi pagsunod sa mga ito. Matatakot muli sa multong gawa-gawa rin lang ng malikhain, mapanlinlang na kaisipan… ngunit hindi mananatiling bulag ang mga tao, sasaan pa’t makikita rin ang pagbabalat kayo ng mga benduho, ng mga banal, ng mga kapariang negosyante at kriminal.
Nalunod na tayo sa kanilang taktika, at mula pagkasilang itinuturok na satin ang bakuna ng Pinabuting balita, pagbabayad natin ng utang na loob sa pagpapakilala nila sa atin ng nag-iisang Messia ay pag-iimpok naman nila ng masaganang benipisyo’t salapi sa kaban ng kanilang bilbil at bulsa. Hindi nakapagtatakang kung sa pagtatantya ay umabot ang pera ng simbahan noon sa $8,000 million, at sa kasalukuyan ay $35 billion na. napakalaking halaga para sa bansang Pilipinas na patuloy sa paghihikahos. Subalit anong gagawin ng simbahan sa salaping ito. Baka iyan na mismo ang ipambili nila ng mansyon sa langit upang ang mga kaluluwang ilang dekada ng naghihintay kay san pedrong may tangan ng manok at susi ay hindi na magdarasal ng mararahas na nota ng pakikibaka…
(2)
Kung ang tula ay isa lamang”
Ni Jesus Manuel Santiago
(Pagsusuri)
Ang tula ay damdaming nakapaloob sa mga piling salita. Sinasabing ang tula ay maaring masulat na ‘sang upuan lamang, sa madaling salita’y madaling gawin. Ayon nga kay Alexander Sinitsit kapag nakasulat ka ng tula ay para ka lang isang batang nang-aagaw ng laruan sa kapwa mo bata, kapag nakasulat ka naman ng isang kuwento ay para kang mandurukot o snatcher, pero kapag nakasulat ka ng isang nobela para ka ng Bank rubberier. Pero hindi lahat ay ganito ang pagtingin sa tula. Ang tula ay isang uri ng ating mayamang panitikan, masarap man o manibalang ang lasa ay isa paring obra.
Ngunit paano nga kung ang tula ay isa lamang pumpon lamang ng mga salita? Gaya ng paksain sa tulang ito, “ kung ang tula ay isa lamang” sa unang linya palang sinabi na kung ang tula ay pumpon lamang ng mga salita ay mabuti pang bigyan na lang siya ng isang taling kangkong o bungkos ng mga talbos ng kamote na sa kung saan lang tumutubo ngunit mas makabubusog sa kanyang tiyan.
Ang ganitong mambabasa ng tula ay uhaw sa karunungan at gutom sa kaalaman. Gayon nga’y ang sikmurang gutom ay walang ilong at mata. Kaya’t hindi mapanglililo ng mga mababangong salita, magagarbong taludtud at mahuhusay na paghahabi ng wika. Masarap ngunit hindi nabubusog.
Anong damdamin nga ba ang makapupukaw sa bayan? Binubulag ng sistema ang mga tao, kaya’t kay husay at mangyaring mabuhay ang mga tulang naglalantad ng katotohanan, lumalaban sa inhustisya at nagmumulat sa piniringang mata ng masa. Sa tulang, “ Sa Napakaingat na makata” ni Prof Rogelio Ordones ay may puntong: ang makatang nagtatago ng katotohanan at takot na magpalaganap nito’y walang kahihinatnang manunulat, walang lugar ang karuwagan sa isang mahusay na manunulat. Maraming sakit ang lipunan, maraming suliranin ang lipunan, maraming dapat na ihayag, patotohanan, at iulat sa bayan.
Kaalinsabay ang sustansyang hinahanap sa isang magaling na tula. Mensahe ang pinahahalagahan ng isang manunulat, bagamat nakatutulong rin ang porma sa kasiningan ay hindi ito ang dapat mamayani. Yung mensahing mananatili o uukilkil sa kaisipan ng mga babasa. Yung mensahing may sustansyang hindi basta basta lang mawawala sa gunita. Yung mga tula sa pag-ibig o romansa, tumatagal ba sa panahon? Hindi. Parang making love rin, saglit lang. subalit ang mensahing maglulunsad ng pagbabago, ng pagkamulat, ay mananatili hanggat ang lipunan ay may sintomas ng ganitong sakit.
Lunsuran ng masustansyang tula ay ang mayamang minahan ng brilyante ng karunungan -ang masa. Para sa mambabasa kung bakit tayo sumusulat, at ang kalakhang mambabasa ay ang karaniwang masa. Sa gayon ang bawat tula ay hindi na isa lamang pumpon ng mga salita. Mas malinamnam pa sa anuman, makakain, malulusaw sa tiyan, ngunit hindi ilalabas ng butas sa puwetan.
Kung ang tula ay isa lamang
Ni Jesus Santiago
Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako'y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya'y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako'y nagugutom
at ang bituka'y walang ilong,
walang mata.
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita.
(3)
“MAGIC”
Ni Prof. Arlan Camba
ibinistay sa ilusyon
ang nagitlang mga mata;
haka-hakang kinabaka
ng magulat sa dalumat
ang bigla mong pagkawala,
'di mahanap sa apuhap
kung saan ka nagpunta
'di makita sa hinagap
ang nadurog na gunita
'di ka man lang nagpaalam;
nang humilam sa paningin
ang biglaang pagkaparam
huwag naman...
huwag naman...
nakatitik, nakatatak
sa lapida ng labanan
sumipot kang sementado
sa loob ng isang dram!
(Pagsusuri)
“MAGIC”
Ni Prof. Arlan Camba
Mahika ng pagkawala. At sa pagkakataon na ito hindi kulay ng matatamis na ngiti ang kinukunla ng bawat salita, hindi muna ang pagkamangha. Kundi ang limos na awa. Muling umukit sa aking balintataw ang pagkawala ng isang kilalang babae – si Ruby Rose Barameda, matapos ang dalawang taong paghahanap ay natagpuan sa loob ng dram, nakasimento. Isang karumal dumal na pagpatay, isang krimeng patuloy na nagaganap sa lipunan. Sa mga inusenteng buhay na tinutultukan ng mga maiitim ang budhi, ng mga walang sinasanto, ng mga demonyo ang pagkatao.
Sa mga pagkakataong naaalala ko ang pagkawala ng ilang mga kababayan, sa panahon pa ng rehimeng Marcos sa panahon ng batas Militar. Ang mga hanggang ngayong hindi pa nahahanap na mga Desaparacidos, na parang mahika rin, nawala, walang bakas, walang ibang alingasngas na narinig na tila may kung anong hokus-pokus ang gamit ng mga mahikero upang maglaho na lang na parang bula ang mga buhay.
Ang tulang itong nagpapaalala sa kung paano nagiging mapait ang mga pangungulila. Matapat sa kaisipan. Payak at madaling maunawaan ang damdaming nakapaloob. Sumasaglit sa isip ko ang tulang “Sa Bayan ni Juan” ni Prop. Ordones tungkol ito sa mga nangyayari sa mga taong makabayan na lumalaban para sa bayan na isalampak-bugbugin, pahirapan, kaladkarin, pahirapan, at pagsamantalahan sa bayan ni juan ay hindi parin nawawala sa lipunan, pauli’t ulit. Iba’t iba lang ang dahilan, iba’t ibang pagkakataon.
(4)
“SONA Noon at ngayon sa Republikang mamon”
Ni Prof. Rogelio Ordoñez
(Pagsusuri)
Bagong kasaysayan ang gumuguhit sa bansa sa pagbabago ng administrasyon.
Isang salitang “SANA” ang nilalaman ng tula. Matipid ngunit nandoon ang damdamin ng paghahangad sa tunay ngang pagbabago, ng tunay na daang hindi baliko, ng hindi pagdaan sa dating daang binago lang ang katawagan at ginawang ‘Tuwid na daan’. SONA ngayon? Naganap ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III noong ika-26 ng Hulyo, 2010 sa Sandigan Bayan. Naging maditalye ang paghahain ng pangulo sa imbentaryo para sa kasalukuyang kahaharapin; ang naipamanang problema at ang mga tagong iregularidad ng nagdaang administrasyon.
Saan na nga ba tayo? noong nakaraang administrasyon ay kumakalat ang mga linyang, “Ramdam na ang Kaunlaran”. Bagay na hindi masakyan ng masa, sapagkat hindi naman pag-unlad ang naranasan ng mas maraming pilipino kundi ang lalong paglala ng kanilang sitwasyon, ang pagkakalugmok sa kahirapan.
Nagkaroon nga ba ng pag-unlad? Marahil hindi nga isang panlilinlang ang patalastas sa telebisyon na umangat ang GNP. Kaya nga marahil nagngangalit ang kuponan ni dating pangulong Arroyo Sa mga nasabing katiwaliang naganap sa kanyang pamumuno; wala raw sapat na batayan ang mga akusa ng pangulo, isa raw na gimik ang litanyang nabanggit at walang katotohanan ang mga naglahong pananalapi ng bayan, ang mas lumaking 196.7 billion na utang, ang hindi naabot na kuleksyong tinatayang 23.8 billion pesos, at ang nagastos naman na lumampas na sa kaukulang budget para sa taong 2010. Magkano na lang ang pundo ng pilipinas? Hay, kung tatanungin kaya natin ang pangulo na may lie ditector na nakakabit sa kanyang bunbunan ay sasagutin niya kaya ang tanong kung saan napunta ang pera? (kung tulad ng karaniwan ay hindi siya magsabi ng katotohanan, lagyan natin ng kuryente yung kable ng lie ditector!) kung nakatira kaya kami sa distrito ng Pampangga masasagot ko kaya ang aking katanungan? Naglagak daw kasi doon ng malaking pundo ang dating pangulo. Kung doon nga ako nakatira sakaling bumagyo nga bigla ay hindi kami masyadong maaapektuhan di tulad noong panahon ni pepeng at ondoy na nariyang nalubog ang lahat ng damit namin, nawalan ng makain, at natulog ng basa! At nakainom ng malaputik na tubig ng NAWASA? Ayos na nga yung maputik na tubig kaysa sa wala talaga sa kabuuan na mainom na tubig galing sa NAWASA? At ang ilan pang nakaririnding balita ng mga hindi marapat, at makatwirang proyekto ng dating rehimen, ang priority safety project; ang mga piling piling nakakuha ng benipesiyo na hindi yata kabilang sa mga midnight appointies; ang katiwalian sa masunuring NAPOCOR; ang pagbili sa naluluging operasiyon ng MRT, ang pundo ng NFA at ang ilan pang pahimakas ng maling kalakaran…
Ang mahalaga daw ngayon ay kung saan tayo dadalhin ng bagong rehimen, ano-ano pa ang mga inaasahang tugon sa lumalalang krisis ng ating lipunan? Marahil kung maihayag nga ng may pagmamahal sa bayan ng bagong Truth Commision sa pangunguna ni Chief Justice Hilario Davide, ang mga katiwaliang ito, baka sakaling maging mas maayos ang bayan kahit papaano… magkaroon ng pagbabago, na kukonti na kahit papano ang mga tiwali! Nasa mahusay na layunin naman si P-noy , na pabor sa karamihan, na pabor sa interes ng mga mamamayan… sa gayon walang dahilan para hindi tayo umangat. Kung magtutulungan talaga, una sa pagiging tapat ng namumuno at sunod-sunod na ‘yan.
Ang mahalaga ngayo’y kung paano bibigyan ng sulosyon ng pangulo at ng kanyang rehimen, ang mga nasabi/nabanggit na suliraning kinakaharap natin. Parang nanuod tayo ng teleserye na pang primetime sa SONAng naganap, yung tipong aabangan natin ang susunod na eksena? Ano kaya ang mangyayari sa bayan? Sa pilipinas? Hindi kaya magbago ang pangunahing tauhan, sana hindi nakabase sa kung anong iscript lang ng mga writers at director ang masunod, ang maging batayan ng kanyang pamamalakad.
Sana’y magkaroon nga ng tuwid na daan sa bagong administrasyon, sa gayon ay maiahon naman ang lumpong pagkatao ng mga pilipino. At masabi natin ng taas noo sa mundo na ako. Ako ay ang umuunlad na Pilipino. Sana.
Sa unang SONA ni P-noy may pagkakaiba ba sa ilang SONAng narinig na natin sa mga nagdaang pang(g)ulo ng pilipinas na naghain ng kanilang mga pangarap, plano, at paraan kung paano uunlad sa kasadlakang kinakaharap ang pilipinas. Sana hindi lamang pagbabalat kayo ang mga pahayag, magaling sa pagkuha ng damdamin ang bagong pangulo. Sana naman matupad ang mga pagbabagong nabanggit sa kanyang Sona. SANA. Sana nga’y hindi natin malaman na ang pang-uuto na ito sa atin ng administrasyon ay hindi isang taktikam ng muling pambibilog lang sa mukha ng Republikang mamon.
(5)
O, Inang Kalikasan
-Anthony Barnedo
Jan. 6, 2008
Ninais kong umakyat ng isang mataas na bundok
Umiiwas sa nakakaasiwang maitim na usok
Manatili sa paraiso't punan ang pagkasabik
Sa Inang Kalikasan na maaaring makahalik.
Ako'y tutungo sa isang napakadilim na daan
Lilisanin ang naghihikahos at mahal kong bayan
Maglalakbay para sa hinahangad kong katuparan
Marating ang magandang pisngi ni Inang Kalikasan.
At nakita ko ang liwanag sa isang hatinggabi
Tila alitaptap sa kabundukan ay humahabi
kamangha-mangha pagsalubong, ito'y di ko mawari
O, Inang Kalikasan, Paano nga ba ito nangyari?
Ako ay di mapangiti sa pagsapit ng liwanag
Itong aking natatanaw ay sadyang kahabag-habag
At sa gitna ng kabundukan, 'tong puso'y nabagabag
O, Inang Kalikasan, Ito ba ang iyong tugatog?
Kasuklam suklam na larawan itong pinagmamasdan
Ganito na ba ang tao sa kanyang sarili bayan
Naglalakihang istraktura't sangkaterbang tahanan
Nasaan na ang kagubatan, O, Inang Kalikasan.
(Pagsusuri)
O, Inang Kalikasan
Ni Anthony Barnedo
Isang Tula para sa kalikasan. Pag-aalay at pagninilaynilay sa kapaligiran, napapansin kaya natin ang pagbabago nito. Ang wagas na pagmamahal ng isang manunulat sa kanyang kalikasan ay nakagagalak na pakinggan, kahit papano’y ang batid niyang may malaking gampanin ang tao sa kanyang tinitirahan. Kung ilalarawan natin sa isipan natin at sa dadamahin ng ating puso ang paghihirap ni inang kalikasan ay maririnig natin ang kanyang daing. Ang pagsasamantala ng mga tao, lalo na ang mga ganid na kapitalistang ginawang pagkakapirahan ang likas nating yaman, higit ang pabubukas ng mga namumuno sa lipunan ng 100% pag-aari ng mga dayuhan. Ang pilipinas ay nagiging bakasyunan na lang ng mga dayuhang may pag-aari dito. Ngunit ang karamihang Pilipino ay wala man lang sariling lupa sa pilipinas. Sino ba ang dayuhan, tayo ba o sila? Mas malawak kasi ang magmamay –ari nila sa lupain ng mga Pilipino. Na nagiging daan naman ng malawakang pagkaubos, at pagkasira ng ating likas na yaman, n gating kapaligiran.
Ang pagwawaldas at pagkamkam sa mahahalagang yaman nito at pagyurak sa natural na kagandahan ni Inang Kalikasan. Ang patuloy na illegal at legal na pagpuputol ng mga puno. Hindi man uso ang kalbo sa ating henerasyon ay walang magawa ang kabundukan. Patuloy at patuloy ang pagkalbo sa mga ito. Gayun din ang pagsusunog ng daing luntiang kaparangan, gayun parin upang gawing hasyenda ng mga ganid sa salapi, at upang patirhan lang ng kanilang mga alagang mga hayop (livestock) , kung alam lang nila na ang livestock na ito ang pangunahing dahilan ng global warming o 70% sa kabuuang maliban sa mga pulusyon, usok at paggamit ng mga may C0C gas na nakabubutas n gating ozone. Ang pagtatapon ng basura ng mga responsableng Pilipino sa mga ilog at karagatan ay siyang tagapagsira ng ating yamang tubig, higit lalo na kapag may Oil spill sa karagatan, patay lahat ng mga hayop. Kung ikokonekta lang natin lahat ng mga pangyayaring o ang mga suliraning kinakaharap natin ay makikita natin na ang tanging may dahilan nito ay ang mga Kapitalista, ang mga Negosyanteng salapi lamang ang mahalaga sa kanila.
Ang pagmamalasakit sa kapaligiran ay magandang bagay. Gaya ng tulang ito, na siyang pagmamalasakit sa Inang kalikasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento