ETHNOGRAPIYA: ISANG METODOLOHIYA SA PANANALIKSIK
(ang kanilang pagsilip sa kalagayang sosyo-kultural na paksain)
Ng:
SECTION ___
2nd Sem, S.Y. 2020-2019
Para sa kahingian ng Asignaturang
Filipino sa Iba't Ibang Disiplina (FILDIS)
Global Reciprocal Colleges
Gracepark, Caloocan City
February 2021
PAGHAHANDOG:
Ang Ethnograpiyang ito ay malugod na inihahandog unang-una sa Panginooon na may lalang ng lahat ng bagay sa daigdig at naging dahilan ng pag-iral ng sangkatauhan,
Sa mga magulang ng bawat isa, na laging nariyan upang sumuporta sa amin, sa pinansyal, sa pisikal at sa malawak na pang-unawa at pagmamahal,
Sa Global Reciprocal Colleges
Gracepark, Caloocan na aming paaralan, at sa bawat guro namin na matyagang nagtuturo, naghuhubog sa aming kaalaman at naglalaan ng kanilang mahabang pasensya sa bawat estudyante,
Sa aming kamag-aral, na naging kabahagi sa bawat karanasan -lalo na sa pagbuo ng ethnograpiyang ito, na nakasama namin sa panahon ng pag-oobserba at sa panahon ng paglalapat nito sa papel,
Sa mga taong naging kabahagi ng aming paksa, mga nagpaunlak na maging pokus ng ethnograpiya ng bawat grupo, mga nakapanayam at malugod na nagbigay ng kanilang kaalaman, pahayag at opinyon,
Sa mga susunod pang mag-aaral na gagawa ng ethnoggrapiya -sana'y maging ehemplo ito sa inyo -bagama't alam naming maraming pang dapat na isaayos upang mapaunlad ang kakayahang magsaliksik at magsulat,
Gayunpaman, sa lahat... para sa inyo po ito.
-Mga Mananaliksik
PASASALAMAT:
Lubos naming pinasasalamatan ang dakilang Diyos na makapangyarihan, na puno't dulo ng lahat sa daigdig at patuloy na nagbibigay ng pagkakataon sa bawat nilalang na masaksihan ang kagandahan ng kanyang nilikha,
Salamat sa aming mga magulang na hindi nagsasawang gumabay sa amin, at sumuporta sa amin sa aspeto ng pinansyal, pisikal at sa kanilang pag-unawa, at pagmamahal na hindi matatawaran,
Salamat din sa Global Reciprocal Colleges
Gracepark, Caloocan na aming paaralan na aming lunduyan ng katalinuhan at karunungan, at sa bawat gurong naririto na naghahandog ng kanilang kahusayan sa kanilang larangan, naglalaan ng kanilang oras, buhay at di matatawarang dedikasyon sa pagtuturo at paghubog sa aming kaalaman, salamat po mga mahal naming guro,
Salamat sa aming mga kamag-aaral, na nakasama namin sa proyektong ito, naging kabahagi ng ng bawat karanasang nabuo dahil sa etnograpiyang ito,
sa mga taong nagpaunlak sa amin na makapanayam at maging kabahagi ng aming pananaliksik, maraming salamat po.
-Mga Mananaliksik
PANIMULA
Ang Etnoggrapiyang ito ay isang metodolohiya ng pananaliksik na ang layunin ay tingnan ang kultural na kalagayan, kaugalian at kalikasan ng isang paksa -ang tao – kung saan ang pagtingin ay sa pamamagitan ng pag-oobserba at pagpapartisipa sa paksain.
Gayundin, ito ay tumatalakay sa biyolohikal, sosyal at kultural na kaligiran na pangunahing talakayin sa “Antropolohiya” -bagamat naging popular na rin sa mga Agham-Panlipunan sa pangkalahatan ang gawaing ito. Sa madaling sabi, ang ethnograpiya ay isang proseso ng pag-oobserba, pagtingin, pagsipat at pagbibigay ng analohikal na pag-unawa sa pamamagitan ng pagpapartisipa sa isang tiyak na paksa -grupo ng tao o indibidwal man. Inaasahan namin na makatulong ang gawaing ito upang maunawaan ang gawi o kalikasan ng isang henerasyon o ng iba pang grupo ng tao na nakasasalamuha natin sa araw-araw.
Sa kadahilanang iba na ang takbo ng lipunan sa ngayon, at napakalaking pagbabago ang nagawa ng teknolohiya sa sangkatauhan. Isipin pa na pinapatakbo na ng makina, at teknolohiya ang buhay ng tao. Oo, na naglunsad ito ng sinasabing pag-unlad at mabilisang paglikha ng mga bagay-bagay sa lipunan ngunit hindi natin napapansin na may dulot din ito ng hindi maganda sa bawat isa sa atin.
Mahirap na ang panlipunang pagtingin -lalo na sa mga kabataan- dahil sa epekto ng teknolohiya, nagiging makasarili ang ilan, at nawawalan na nang konsepto ng pakikipagkapwa. Ano nga ba ang pakialam natin sa hindi natin kauri, o ng iba sa atin? Bakit pa kailangang pansinin ang kalagayan ng iba, lalo na sa mga tinatawag nating nasa marginal society, o mga hindi napapansin sa lipunan?
Isa sa katotohanan, nasa paligid natin sila at nakakasalamuha sa araw-araw, gaya din nating nakikipagsapalaran sa buhay para umiral, ano man ang kanilang kalagayan:
Kaya nga, sinisikap ng ethnograpiyang ito na magamit ang sosyo-kultural na pananaw ng mga mag-aaral, upang maunawaan at makakuha ng aral sa buhay -hindi lamang sa pang-akademya kundi sa personal na pag-unlad, pakikipagkapwa, pagiging matulungin, maunawain at mapagmahal sa lahat ng nilalang ng Panginoon.
Nag-obserba at nagpartisipa ang mga mananaliksik batay sa kani-kanilang inihaing paksain, gamit ang kakayahan sa pag-unawa, at limang pandama: isinulat ng mga mananaliksik ang anumang kanilang narinig, nakita, nahawakan, nadama, o naamoy man o nalasan, maging ang sariling pagtingin sa naobserbahang kalagayan, anuman ang kanilang paksain: pagtingin sa kalagayan ng pag-inom ng alak ng mga kabataan? Ang kalagayan ng isang working student. Pagtingin sa kalagayan ng mga street vendor – sa kung paano kaya kung ikaw ang nasa kalagayan nila? Na buong maghapong nakatayo, nagtitinda, naghahanap ng perang maipangtatawid sa nagugutom na tiyan, na iuuwi sa kanilang pamilya -na paano kung hindi sapat ang kinitang pera? paano kung wala talagang nabenta?? at iba pa.
Sa pag-aaral na ito, na may pamagat na ETHNOGRAPIYA: ISANG METODOLOHIYA SA PANANALIKSIK (ang kanilang pagsilip sa kalagayang sosyo-kultural na paksain), tapat ang hangarin ng mga mananaliksik na maipakita, sa pamamagitan ng paglalarawan at pagsasalaysay ng kanilang karanasan upang maintindihan ang pagtinging sosyo-kultural, kritikal na pagsusuri, at kakayahang makaunawa sa kalagayan ng lipunan. Semi-pormal ang pagkakasulat ng bawat kwento, free style o malayang istilo ng pagsulat ang ginamit ng bawat pangkat upang mas mailahad nang matapat, magaan basahin (na di gaya ng mga nakakahong sistema ng pagsulat na hindi mo na makitaan ng pagkamalikhain, at ng kritikal na pagtingin). Gayunpaman, paumanhin sa mga mambabasa, kung makitaan man nang butas, pagkakamali, at kakulangan ang pananaliksik na ito - patunay lamang na dapat na magpatuloy ang ating pag-aaral at kaalaman, lalo na sa pagsipat sa tama at mali, sa kakulangan, at kasapatan ng isang gawain.
Sa wakas, masayang pagbabasa.
G. Reymond S. Cuison
Filipino Instructor