SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Sabado, Oktubre 3, 2020

HUWAG MATAKOT SA MULTO

HUWAG MATAKOT SA MULTO
(Tula)

Nang ginambala natin
Pananahimik ng mga multo
Nangagsulputan mga lisyang konsepto
Baluktot, baliko, liko
Pinatulan natin ang mga anino
Naniwala tayong nakatatakot
mga multo

ngunit, nagpatotoo na
mga engkanto
na “hayop! Mas mapanganib
sadyang mapanganib
pa nga tayong mga tao”
Santo el demonyong pagkatao
Mga hayok sa laman
gaya ng mga buwitre at uwak
Walang iniwan sa mga wumawakwak
ng mga katawan
Lumalaslas ng lalamunan
sa kahabaan ng lansangan
Oyayi ng mga kanibal sa sangandaan
gaya ng ahas na nagpapatunaw
ng nilunok na sanggol sa tiyan
nilamon ng pagkagahaman
buong-buong sinaputan
ng kasakiman
may mga ganid
Halang na sikmura
Walang humpay na
sinisipsip ang katas
ng pulot-pukyutan
Hanggang sa matuyot
Sustansya ng birheng bulaklak
na tinuyot, ginusot
hiyas ng isipan ng mga bubot
na ginahasa at pinagsamantalahan
Ganyan, inalihan ni Satanas
mga gahaman na mapagkunwari
na nagtatago sa kinang ng salapi
nakasilong sa palda ng ina
At Tang ina!
Putang antas na likha ng mga walang hiya
Antas na pinatatakbo ng pera
Siste kapitalista con terorista
Planadong mga pagsabog
ng mga bomba
na itinanim
sa sinapupunan ng mga isla

Multo nga ba’y kakatakutan pa?
Huwag! Huwag kang matakot sa multo
Mas matakot ka sa kapwa mo tao
Silang naninipsip ng dugo
Litro-litrong dugo
sa imbakang kulay ginto
Kabisado na nila
ang sintomas ng pag-iinarte
ng mga maluluho…
Mas matakot ka sa kapwa mo tao
May mga mahuhusay magbalat-kayo
Doble-karang beterano
Makulay na bestido ng mga berdugo
at kalmot ng mga tupang maaamo?
Marunong silang magbendisyon
Tumatawag madalas sa Panginoon
at lumuluhod sa Poon.

A, mas matakot ka sa kapwa mo
Malabong makapanakit pa ang mga multo
Iniinda pa nila
Sakit, kirot, hapding dulot
ng pangangambala nating mga tao

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...