Pula sa mga Palito ng Posporo
(Tula)
Sa Posporo
ilang mga bangkay na magkakapatongpatong
na kapwa pula ang mga ulo
may pulang dugo… dugo ito!
Duguan silang naikahon
mga palitong sumubok sundin ang layon
ng himagsikan na sisilab sana
sisiklab sana kung di inabanduna
ng mga ganid na kapitalista
sa malagim na kasasapitan
ng kabaong na nilagyan ng presyo..
na tinubos sa halagang dalawang piso
ng amang magpapaningas sa de-uling na kalan
kakarampot na butil na bigas
sa mauling na kardero...
posporo, tinubos kayo sa halagang dalawampiso
ng isang inang nagtitirik ng kandila
sa harap ng kanyang tirahan
na sako lang ang pintuan
liwanag para sa kaluluwang anak
na natagpuang sunog na bangkay sa damuhan
posporo kayong tinubos sa halagang dalawampiso
ng mga estudyanteng nagsisindi ng gasera
sa gabing magpupuyat
makabasa lang sana ng aklat
at panindi ng sigarilyo
ng ilang katawang payat,
na pipiliin na lang mag-almusal ng usok
at itanghalian ang syabu o bato
pampalit ng pagkaing di naman din makikita
sa hapagkainan
at walang kamalay-malay
na mauupos ang diwa ng inyong pagsasakripisyo
mga palito ng pusporo
para sa bayang binubulag
ng kakarampot na kalayaan
ngunit posporo kayong, di mawawalan ng kabuluhan
darating ang araw
lahat kaming may tangan ng mga palito
sabay sabay na magsisindi ng apoy
at sisilaban ang kwadra
ng mga hayop ng mga hasyendero
sisilaban pati mga simbahang baluktot at liko
lalamunin ng apoy
mga pabrika
ng mga ganid na boss nating imperyalista
at ganid sa patubo't sweldo
hinding-hindi mawawalan ng kabuluhan
mga katawang sinilid sa iisang kahon
ng posporo
lilikha tayo ng apoy
para sa kalayaan
hanggang sa ang mga nagpapanggap na panginoon
tutupukin nang buhay,
hanggang sa maABO.