Katotohanan Lamang ang Magpapalaya!
(Tula)
Hindi kailangang mangamba
Kung wala kang masamang ginawa
Ipagtatanggol kang tiyak
ng katotohanan
kung totoong wala kang kasalanan?
Ipagkanulo man ng dahon
ang pagpatak ng ulan
ulap kang mahinahon sa kalangitan
itanggi man ng mga isda
kaluwalhatian ng paglangoy
dagat kang payapang nagpapatuloy
sa marahang pag-alon
huwag ka munang lumingon
sa pangako ng kahapon
hindi ka ipagtatanggol
ng bansot na halaman
sa hardin ng palasyo
abala pa siya
sa pagtatanggol sa sarili
kung wala kang masamang ginawa
hindi kailangang lumuha
hindi kailangang magbayad pa
ng kung sinong maniniwala
wala ka namang ginawa
para malugmok sa putikan
ang masang sanaĆ½ nang binabalewala
ng hustisyang inaasahan
hindi ka naman pumapatay
ng mga inosente
o tumatanggap ng bayad
mula sa mga galante
Hindi ka nanggagahasa
ng mga babae
o nanggagarote ng mga lalaki
Hindi nangungunsinti?
Huwag kang mabahala sa anuman
Katotohanan lamang
ang magpapalaya
sa mga inaakusahan
Lamang
Kung wala ka nga talagang kasalanan?