“Pennykulang Pilipino”
(Tula)
Nena… Nena… gumising ka!
Tapos na ang palabas
Lumabas na ng sinehan ang lahat
Humarap tayo sa katotohanan
na sa likod ng pinilakang tabing
may sistemang nagdidikta
sa pelikulang Pilipino.
Malayung-malayo na tayo
sa mga madulaing sarswela
Wala ng mga sumasayaw
ng pandanggo sa ilaw
nakasuot ng baro’t saya
at may panyong pula.
A, salamat sa ating makanluraning pundasyon
na lubhang kapitalista at anti-Pilipino
na hindi nagtatalakay ng pambansang sitwasyon
Walang pagtaas sa antas
ng pulitikal at kultural na kaalaman
Anong Pambansang pagkakakilanlan?
Walang sariling katauhan
Nena… Nena… gumising ka!
Tapos na ang palabas
Lumabas na ng sinehan ang lahat
Silang tulad mong bumili
ng pagkamahal-mahal na tiket
silang nagbayad
para lang tumakas saglit sa realidad
silang lumimot saglit sa magulong buhay
habang sa malaking kahon nakatunghay
A, silang sa pambubulag dinala
Nabusog ang mata sa Pelikulang basura
Nena… Nena… gumising ka!
Huwag ka nang managinip
Mas makulay ang pelikulang ilusyon
Pangarap mo ang itinutunghay ng malaking kahon
Halika’t sabay kayong lumuha ni Nora Aunor
o makipaglaban gamit ang espada
ni Ramon Bong Revilla Jr.
o pasakitin ang tiyan sa katatawa
o painitin ang puson sa digmaang pangkama
muling ginilingan ng kamera sina Sharon Cuneta,
Dolphy, Vic Sotto, Dingdong Dantes at Marian Rivera,
o silang nagpapaluwal ng mas mabilis na kita
A, monopolisasyon sa indutriya
Viva! Kontratang Regal, Star-studio, GMA films etchetera
Viva! Booking System ng mga nagsisipagyamang artista
Viva! Kolonyalismo at tatak kapitalista, Viva!
E, paano sina Lino Brocka?
Ishmael Bernal, Eddie Romero, Mike de leon at Marilou Diaz Abaya?
o ang mga susunod pa sa kanila
Na silang makapagsisimula
ng malawakang pagbabago
Sila! Sila dapat ang pinanonood mo Nena!
Nena… gumising ka!
Tapos na ang palabas
ng may bahid ng kolonyalismo’t kapitalismo
Umiikot na ang rolyo
ng tunay na Pelikulang Pilipino
Si nena ay mayroong JUNKSHOP sa Diliman, sa Q.C
Sabi pa, kiumikita si Nena sa mga Basura,
kaya mahal na mahal niya ang mga basura
Nena… gumising ka!
Humarap sa katotohanan
at kumilos para sa pagbabago!
-080311