ABAKADA
ayokong magkasya lang sa iisang kahon
binabaliw sa sikip, sinisikil, kinakapon
kamangmangan ang itinuturo ng ilusyon
daigdig ng puson; puson ng daigdig
eksibisyon ng pambubulag ng engkantadong mangingibig
ginagapos mo ang galit, init, alab, tuwing kinikilig
hilig na paglalakbay sa taludtud ng pag-ibig
inaakay ka sa bitag, sa mapanlinlang na yungib
labas-pasok ang utak sa lagusan ng panganib
muni-munihin mong hindi pa natatapos ang laban
naroon sina Juana’t Juan: lugmok, alipin, pinagsasamantalahan
ngakngak ng palahaw, nguyngoy ng hapdi, kirot sa latay ng kanilang katawan
obrerong inalisan ng karapatan, magsasakang di makatikim ng pinagpawisan,
pikit-matang tinitiis ang pang-aalipin, pambubusabus sa masang anakpawis
rebolusyon ng tiyan, sikmurang malimit sa pagkalam
sikmurain ang iniiwasan mong makitang realidad, katotohanan
tuwing naglalakbay ang utak mo sa mundo ng kalibugan
unti-unting pinapanawan ng ulirat, nag-aagaw buhay ang sambayanan
wala kang ginagawa , di nakikisangkot, di kumikilos, di lumalaban!
yakap, kahalikan, kasiping lamang ang mga basura ng isipan.
A, BAKA DAhil takot ka!
A, BAKA DAhil takot kang masilayan, tunay na paglaya!
ABA! ABA! ABA! Wala nang maraming tanong sapagkat iisa lang ang aming sagot! LUMAYA!
KALAYAAN PARA SA ABANG BAYAN!