FLAG CEREMONY
ni Reymond S. Cuison noong Huwebes, Nobyembre 18, 2010 nang 1:02 PM
Bayang magiliw, perlas ng silanganan
Alab ng puso, sa dibdib mo'y buhay...
Sa ritmo ng Pambansang Awit
sumasaliw, sumasabay
sa dibdib ni Andres
nakalagay ang kanang kamay
Sagisag na tunay na pagdadakila sa bayan
tunay na pagkamakabayan
sa lupang tinubos ng kasaysayan
Sa kaliwang kamay
isang karit na panabas ng damo sa bukid
hawak ay pinahihigpit ng galit
"nasaan na ang bunga ng aming paghihimagsik
piniga na ba ng mga gahaman at ganid
kinuha ang tamis
at iniwan ay pait
nagpapasasa sa bunga ng aming pagpapawis"
masisibang katutubo,
asendero't propetaryo
ang mga bagong kolonyo
mga bagong mananakop
sa lupaing pinipintuho
mga kastilaloy ang isip,
o mala-kano ang dibdib
parehong mangagsisimatay
sa aming mga bisig
at ngayon, mga gahamang katutubo
na nag-iibang anyo
burukrata-kapitalista
mga tuta ng kano
mapandayuan ang kokote
ng mga asendero't propetaryo
ng mga bagong kolonyo
kailangan nang tabasin, wakasan
ang pagmamalabis...
sa muling pagpupugay ng aming karit,
ng aming mga gurlis
naming ilandaang taon nang nakasubsob
ang mga kamay sa putik
naming dugo at pawis ang inalay
sa lupang sila lang ang nagpapasasa
sa mga bunga at ani
naming hindi na makatitiis ng pang-aapi
sa pang-aalipin
mga bagong kolonyo
mga kolonyong nag-iibang anyo
burukrata-kapitalismo
mga tuta ng kano!
asendero't propetaryo
kailangan nang wasakin, patayin
nang kami naman ang makatikim
ng aming mga tanim
hawak ang karit
na pinatalim ng inyong pambubusabos sa amin
sabay naming itataas, ibabandila sa langit
kanilang pugot na mga ulo
na tumutulo pa ang napakalansang dugo...
Nang masabi
"ako'y isang tunay na Pilipino!"
at malaya nang makaaawit
nang maluwag sa puso
"Aming ligaya na pag may nang-aapi
Ang Pumatay nang dahil sa iyo..."