I.D
by Reymond S. Cuison on Biyernes, Setyembre 03, 2010 nang 8:04 PM
PAGKAKAKILANLAN
Mahalaga ang aydentidad
para kapag naaksidente sa daan
o na Hit and Run (ng kartilla ng pilipinas)
ang iyong pagkatao
ay hindi mapagkamalang pulubi ka
na ginagawa mo lang kama ang lansangan
sa pagkahilata mo sa daan...
kaya't maraming mapagkawang-gawa,
Pulis, Medya, Red Cross... ang makasasaksi
at makakapiling mo sa di planadong pighati...
sa gayon maitatawag nila sa iyong pamilya
na si ganitong pangalan, Patay na!
at gayun din, mapaglalamayan ka
nang may kaluwalhatian,
nang may dignidad
pagkat pangalan mo'y batid ng lahat...
habang tumatangis sila
alam mong ikaw nga ang inaalayan nila ng luha
PAGKATAO
Batid mo kung sino ka.
subalit ang pagkatao
kung dumaan sa bibig ng ibang tao, nag-iiba.
para sa anak, isang responsable't
mapagbigay ang kanyang ama
na nagpapalaki at nagpapakain sa kanya,
kidnaper man ang trabaho nito;
para sa mga ibang government official (hindi kasama ata si P-Noy)
ang kanilang mga Body Guard at mga Pulis
ay maaasahang tagapangalaga't tagapanatili ng kapayapaan,
kahit na pumapatay sila...
(hindi ko tinutukoy ang labing apat na magsasakang
nasawi sa Mendiola);
para sa tulad nating mga Deboto,
si kristo ay banal na santo...
kahit mukha siyang artista kapag nabihisan na at inilako.
hindi ko sinasabing
nagmumulto lang sa kaisipan ng mga tao
ang dibuhong maligno...
(pero pwede ko ring sabihin,
sabihin mo lang!);
Para sayo,
ikaw ay ikaw, kung paano mo pinakikita kung sino ka
kahit na para sakin, iba!
KAANYUAN
Ang kagandaha'y nasa kamay ng tumitingin,
(gayuun parin, ipagbunyi ang kadalisayan
ng mga bulag na mangingibig)
pagkat di tulad nila
binubulag tayo ng ating mga mata
dahil batid natin
walang kilay si Mona Lisa,
ang BigBen sa London ay nakalulula,
retokada ang dibdib ni Ruffa (hindi Guttierez o Quinto),
kamukha ng magulang mo si santa,
ang pulang dugo at dugong bughaw ay magkaiba,
ang green minded sa open minded ay magkapamilya,
ang bawat salita sa tula ay mahalaga,
at mas mahalaga ang mga mambabasa kaysa sa pera...
nasa kamay kasi nila
kung ito ba ay maganda...
PANGALAN
kung madungisan man ay
kagagawan ng hindi mo pagkilala
sa kaanyuan ng sarili mong pagkatao...