DALUBTALA
Sinunod ko ang pagtirik ng kandila sa aking palad
ang liwanag nito'y wari isang bitwin
nakanginginig sa pagbilang ng bawat patak
habang nalalaglag ang luha nito'y may apoy na kayakap.
nag-aantilaw, at unti-unting dinidilaan ang dilim sa aking kwarto.
naalala ko ang nakakatakot na kwento ng mga matatanda
tungkol sa pagtitirik ng itim na kandila
ng ina para sa hindi matahimik na kaluluwa ng kanyang anak.
hindi raw makarating sa dapat kapuntahan pagkat hindi mahagilap ang liwanag
. . . Nagtawa, at nagkantiyaw ang ilang nakapakinig
bukod tanging ako lang ang nauto sa kwento.
may nahabing tanong sa aking pangungusap "ano pa kaya ang kandila sa bayang makabago"
Ano nga ba ito kung mas maliwanag pa ang teknolohiya,
wala nang naliligaw na kaluluwang naghahanap pa ng kandila
at isang pagkabigla -nang biglang nawala ang dilim
may kumapa ng sindi ng bombilya,
at agad nitong kinain ng buo
ang kadilimang hindi magupo ng aking abang kandila
nasa ganun akong pagiisip
nang lumatag ang apoy sa aking harap
kumapit sa mantel ng aking higaan,
mabilis na kumakalat
tila nakikipagsabayan sa agham
-ang lumalaking liwanag. . .
ang waring bitwin ay naging araw.