Lumang tipanan; henesis
(when they play at the tree-house)
Wala na kong alam
na batis na kasing lamig at linaw ng sa yungkuban.
Malinaw ang
pagkakagaya nito sa kanyang mukhang walang bakas ng pangamba. Nakikita ko sa
kanyang mata na hindi na nga siya binabagabag ukol sa desisyon ng mga kurro.
Ayus lang, at mangyayari din naman ‘yon sakin –balang araw kapag nakahanap na
sila ng kapapanagayan ng loob para sakin.
Kumula ang tubig sa pagkanlaw ng kanyang paa. Lumabo ana pigura ng tubig,
kasabay ng pagbuo ng alon bunga ng pagkahampas. Muli siyang pumwesto na aktong
sisisid muli. Ang bikas niya, hiniling ko’y sana maipagkasundo rin ako sa tulad
ni ka Badjo. Kung kasing bait at tapang niya ang kabiyak ko’y wala na kong
mahihiling pa. at muli siyang sumisid. Bumilang ako sa isip, at humula ng
bilang ng kanyang pag-ahon. Madalas inaabot siya ng singkwentang bilang, at
aahon na siyang gagap ang hininga. Noo’y tinuruan nya kong sumisid para naman
daw makasali ako sa paliksahan nilang patagalan ng hininga sa ilalim. Pero
nabubusog lang ako sa tubig pagdaka’y iiyak sa kanyang bisig dahil sa takot
kong malunod. “tahan na sirin, hindi naman kita hahayaan malunod e,” ang
maririnig ko sa kanya. At hihinto nga ‘ko sa pag-iyak.
Dapat lumitaw na siya. Sa pagbilang ko’y dumoble ang hinulaan kong oras ng
pag-angat ng kanyang ulo. Nag-alala ako, “ka jo! Wag kang magbiro ng ganyan!”
lumapit ako pag k’wan tahimik na ang tubig. Sa pangalawang pagkakataong
pagtawag ko’y hinatak niya ang mga paa ko’t dinala sa tubig. Lumatay ang lamig
sa aking lalamunan. Akala niya’y matutuwa ako sa birong ‘yon. Hindi ko nga
tinigilan ang palo ko sa kanya, kahit pa namumula na ang mga braso ko sa tigas
ng dibdib niya.
…kinumutan kami ng mga dahong nalalaglag. May dakot ng init ang kanyang
paghinga. At kay gaan ng pakiramdam kong may kakaibang pagpintig sa puso.
kung ilang oras
din ang nakalipas ay hindi ko na alintana. Bagama’t napakasaya ko’y may takot
ding umuusbong saking isip, dumudungaw sa bintana.
“magdadapit-hapon
na…” ang kulay ng ulap ay hindi na bughaw nang oras na iyon.”Tama na nga ang
paglalaro’t baka kaganina pa tayo pinaghahanap ng inang… marahil nag-aalala na
‘yon,” aniya. Marahil nakita niya ang aking pagkabagot. Inilahad niya ang
kanyang palad upang tuluyan na kong tumayo. –ang kamay nya’y sing tigas ng sa bakal,
tanda ng kasipagan. “Pwede na ‘to…” at binigay nya ang kamiseta kong pinatuyo
sa sikat ng araw. “Suutin mo na madali’t baka pa magkasakit ka” hinatak nya ang
tali ng bintana. At inayos ang ilang kalat sa lapag. Paanong hindi niya
liligpitin ang kalat at mag-ayus sa bahay na itong nasa itaas ng puno.
Ay pinagpaguran
nya ang paggawa nito, na sabi niya’y para sa akin daw –kahit na pakakasal siya
sa iba… Andito ang alaala naming dalawa, mula ng bata kaming madalas manguha ng
mga kaimito’t santol… Nagpatiuna siyang bumaba upang alalayan naman ako. Ang
ingay ng lagaslas ng tubig sa batis at ang alingasngas ng mga dahon at sanga
–ng punong ito ay magkasabay kong naririnig. Pumipintig ang lupa at
nararamdaman ko. Muli’t muli; tuwing muling lalapag ang aking paa sa tuyot na
mga dahon. Wari’y pagpintig sa sinapupunan ng lupa ang sa akin…