"Hindi Lahat ng positibo, Maganda...pano kung may
nagalaw ka"
"Hindi Lahat ng positibo, Maganda..."
(AM I A POSITIVE-THINKER)
Alam kong hindi niya gagawin ang bagay na 'yon. kilala ko ang pamilyang
kinabilangan niya. yung kay ka Belarde na may krusada madalas sa luneta, yung
sumasalo ng biyaya ng Diyos gamit ang binaliktad na payong, yung may takot sa
Diyos, yung mga ganoong tao. Alam kong hindi magagawa ni Kharren ang gayong
bagay. Ang bagay na 'yon...
Nagkita kami noong nakaraang buwan bago ang araw ng Independence Day sa may
Coffee Shop. Hindi yung STARBUCKS na ginto yata ang mga butil ng gamit na kape,
at silver Powder ang gamit na Creamer. Nag-usap lang kami ng mga ilang minuto,
tapos umalis na siya. Umalis na nakayuko, na namumula ang mga mata. May
ibinigay siya sa akin na noong mga oras na 'yon Ignorante ako kung ano ang
Bagay na 'yon, o para saan nga ba talaga 'yon. Pero hindi niya pala ibinigay,
inilapag niya lang sa may lamesa. Walang salitang binanggit na "Ayan!
regalo ko sayo 'yan!" basta lang inilapag na parang nag-iwan ng gamit na
Diaper sa kalsada. Tapos biglang umalis. Nakayukong umalis papalabas ng Coffee
Shop, ni hindi man lang nagbigay ng pambayad sa in-order naming kape. Pero
hindi ko inisip na naisahan niya ako doon, dahil alam ko bilang lalaki, ako
dapat ang gumastos sa mga ganoong pagkakataon.
Nitong linggo lang, bigla akong tinawag ni nanay habang naglalaba siya. Nasa
banyo ako noon at ginagawa ang nakahiligan ko ng gawin -ang paminsan-minsang
pagligo. Pagkalabas ko ng banyo biglang pumutok ang Machine Gun na bunganga ni
nanay "Ano ka bang Bata ka...Ano ka ba? Hindi ka marunong
mag-ingat!!!" Sa isip ko, para 'kong si Mr. Anderson sa MATRIX na
slow-mong iniiwasan ang sunod-sunod na balang iyon. Pero bigo ako. Lahat ng
Bala ay sapul sa tenga ko. "Kaninong Pregnancy Test?! Umamin??" Teka,
bakit sa akin siya galit e, halata namang hindi akin 'yon. Dahil kailanman
hindi pa ko nakagamit ng Pregnancy Test. Kaya hindi ko inako kay nanay ang
pinipilit niya. Nag-isip ako ng patok na palusot "B-baka kay Ate
'yan!" sabi ko. 'haha. wala na dito si ate' sa isip-isip ko. Saktong
naglayas ito noong nakaraang Buwan. Napahinto si Nanay, Nag-emote na parang mas
lalong nadagdagan ang galit kay ate, Ang kanyang Unica Hija... ang
sumagot-sagot sa kanya ng ilang ulit, ng pabalang.
Naalala ko bago ang gabi nung naglayas siya. Naalala kong Gising pa si nanay
noon dahil hinihintay si ate na alas Tres na ng umaga ay hindi parin nakakauwi.
Hindi naman pang gabi ang pasok ni Ate sa eskwela. Pero baka nag-Overtime ang
Profesor nila kaya wala pa ito, naisip ko. pero sana man lang nagpaalam, No
Missed Calls, No Text ang labas. Labis ang pag-aalala ni nanay. Tumawag na siya
sa mga kaklaseng kakilala pero hindi raw nila alam; Tumawag na si nanay sa mga
kilala niyang mga santo't santa: kay Santo Tomas, San Antonio, Santa Ana, Santa
Maria, at maging kay Santa Mesa... pero hindi ko alam kung alam nila.
Mag-aalas kuwatro y Medya na noong umuwi si ate, Naalala ko ngang nagmano pa si
Ate kay nanay. Tapos nagbeso Bigla yung kamay ni nanay sa pisngi ni ate.
"Bakit amoy alak ka?!" bungad na tanong ni nanay. "Bakit amoy
Alak ka, Sinabi!!" ulit nito. Biglang namula yung pisngi ni ate matapos
sunod-sunod na sampal na medyo malutong yung tunog. Plak! ata o Plaakatak!
Basta lang narinig ko yung sunod-sunod na sampal, tapos nun ay Nagmura si ate
(yung murang hindi pwedeng isulat dito, kasi baka maCensored) Napahinto si nanay,
nag-Emote na parang mas lalong nadagdagan ang galit kay ate. Tapos nun ay
walang makaaalam na maglalayas si Ate...
"Ang Paborito kong Ate..."
"OO anak, ang iyong ate... Buntis ang ate mo! Buntis siya!" ang sabi
ni nanay habang hawak niya ang Pregnancy Test na galing sa aking pantalon.
Tapos, bigla kong naalala ang Ex-girlfriend kong si kharren...
At kahapon, may nagtext na kaibigan na pamatay ang dalang balita. Sabi sa text:
dalawin daw namin si Kharren sa lamay niya. makipaglamay raw kami?! Dahil Dun,
parang biglang nagunaw ang mundo ko, dahil nabitawan ko bigla ang Cellphone ko.
lagapak sa semento. Dumami. Masyado akong nabigla. si kharren? Bakit si
kharren? E, marami akong kilalang kharren, may kharren joy, Ana kharren,Maria
karen at yung Ex kong nagbigay sa akin ng Pregnancy Test nung isang Buwan. Hay!
kharren...
At pumunta nga kami...
May mga Hale-Halelujah amen kaming naabutan, narinig at natutunan na rin. Hindi
ako nagpakilala bilang dating Ex ni kharren sa mga medyo may pamumula pa ang
mata ng mga magulang, kamag-anak at kapatiran. Naghale-halelujah, amen na rin
kami ng kaibigan ko. yung kaibigang nagyaya sa lamay na ito ni kharren. totoo
nga ang text niya. Grabeng pamatay!
Nagbigti raw ang kanilang anak. sa loob ng banyo, nakita ang namumutlang
matigas na katawan ni kharren. Nakabitin. Gamit ang kable ng telepono.
Nakasakal sa leeg. yung kawad ng PLDT na hindi pa raw nababayaran mula noong
nakaraang buwan. wala silang malaman na dahilan kung bakit nagawa ito ng
kanilang anak. Maliban sa hinala nilang baka yung natagpuang Fetus na may mga
dalawang buwan na rin ang Buhay, doon sa basurahan ,malapit sa bahay nila ay
baka raw kay kharren. baka Buntis ang kanilang anak, baka inilaglag niya ang
bata sa sinapupunan, tapos ay naguilty kaya nagpakamatay. pero baka lang naman.
at mananatiling baka sakali ang palagay na 'yun, dahil hindi na raw pag
aabalahang ipa-autopsy pa ang bangkay. kesyo may bayad pa raw o matagal pa ang
proseso, kaya ipagpapasa Diyos na lang ng mga magulang ni Kharren ang lahat,...
Mahabang pagkukwento rin ang nangyari, pero matapos magpunas ng Tissue, matapos
mamugto ang mga mata ay muling naghale-halelujah, amen. ang buong kapatiran.
Kapatiran ang tawag sa bonding nila, at kahit mas matanda yung iba sa kanila at
hindi naman kami magka-anu ano ay brother, ang tawag nila sa amin. "GOD
BLESS YOU, BROTHER!!" sabay kamayan. Natuwa ako't napapangiti kapag
nakikipagkamay sila sa amin. Para kaming mga tatakbo sa eleksyon, parang mga
kandidatong nakikipag-kamayan sa bawat isa.
Mas tumamis ang pagkakangiti ko nang may nakipagkamay saking mala-anghel ang
mukha, babaeng pagpapantasyahan kahit na may tangan ng bibliya at rosaryo.
Tapos makalaglag panga ang ngiti, na daan para makalimutan mong bumitaw sa
palad niyang makinis at mabango at malambot, na mabibingi ka sa katahimikan
"Ah, B-brother?! yung kamay ko?" tapos biglang liliwanag ang lahat
"A, S-Sorry po. Sister...!"
Naniwala akong wala ngang epekto para sa akin ang mga bagay na 'yon. kung hindi
ko man napag-isipan ang magiging resulta ng lahat, sana maisip man lang niyang
maaari ring malusutan ang ganoong gusot kaso huli na 'ata para mag-isip...