IMORTAL NA TAUHAN SA MGA KWENTO MO
ni Donfelimon Poserio
Natakot akong umibig sa isang manunulat
kaya ka niyang gawing immortal na tauhan sa
kanyang mga panulat
Kaya niyang halukayin ang kasaysayang masaya
man o masakit
upang isiwalat upang maibulatlat kahit ang
matagal nang lihim na peklat o sugat
at asahan mong magiging isa kang tauhan sa
kanyang mga aklat
At oo, umibig ako sa isang katulad mong
manunulat...
Hindi dahil sa gusto kong maging imortal
na hindi mamatay-matay kahit na duguan na't
puno na ng latay
ayokong maging immortal dahil mas gusto ko
pang mamatay
matapos na durugin ang puso ko sa
kaliit-liitang himaymay
hindi na ako makatatagal na manatiling buhay
habang pakiramdam ko'y hindi rin naman ako
umiiral
ayoko nang maging anino lang, o naaalala
kapag kailangan lang
at para saan pa ang buhay kung gamit mo lang
akong GINAGAMIT na di pinahahalagahan;
At oo, hindi ko rin gustong pag-usapan pa ang
mga lihim
na sugat na matagal ko na ring pinilit
pagalingin
na sa dinami-rami ng ginawa kong magaling ay
sa mali ka parin nakatingin
Hindi ko gustong mabasa ng iba ang kahihiyan,
pag-iwan at paggamit mo sakin
na matagal nang nakalipas ay babalikan
parin
upang isampal sakin at ipadamang nagkamali
ako!
Nagkamali ako? Tama! Nagkamali ako na mahalin
ka!
At tanggap ko 'yan na maluwag sa dibdib ko,
gaya ng di ko na mabilang na pagtanggap
sa mga "Mali ko at
kasalanan."
na paulit-ulit mong binulatlat at isiniwalat
natakot ako nung una, at sinabi ko yun sayo
natatakot akong magmahal dahil hindi pa ko
sigurado
At gaya ng sabi mo kaya natin 'tong
harapin,
huwag kang matakot kaya natin 'tong gapiin,
At tama ka, nawala ang takot ko kaya't inibig
kita
kahit alam kong maaari lang akong maging
tauhan sa iyong mga akda
ay inibig kita, at sana...
gaya ng mga aklat mo
na mas malimit pang bisitahin, kamustahin at
inaalala
ay mahalin mo rin ako,
Kahit ang ending nito,
isa lang akong tauhan sa mga kwento mo.