SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Linggo, Oktubre 4, 2020

"MAGHIHINTAY AKO SA MULI NATING PAGTATAGPO"

"Maghihintay ako sa muli nating pagtatagpo"


"Kung talagang para sa iyo ang isang tao, mawala man siya sayo nang mahabang panahon, magkikita parin kayo... kapag tama na ang mali at kapag pwede na ang hindi dapat," donfelimonposerio
Nagkahiwalay tayo dahil mali ang sitwasyon, dahil hindi tayo dapat magsama. Alam nating ganun ang mangyayari mula pa noong una – pero ipinilit natin ang kagustuhan ng isa’t isa. Nagpakahulog tayo sa ating nararamdaman, hindi pinakinggan ang pagbabawal ng lipunan – dahil sabi natin sa isa’t isa – handa natin itong ipaglaban… basta mahal mo ko at mahal kita, basta magkasama tayong dalawa.
Umasa akong ganun nga ang mangyayari. Pinanghawakan ko yun. Itinanim sa isip ang pangakong di man sinabi ng ating bibig ngunit ipinangako ng ating mga puso. Nagbigay sakin yun ng kasiyahan, ng inspirasyon para maging masaya ang bawat umaga, maging kumpleto ang bawat araw na daraan. Naalala ko ang bawat madaling araw na tutunog ang alarm ng cp ko, 4am -magigising ako, hudyat para tawagan kita at gisingin na rin. Magkahiwalay man tayo, magkaiba ang lugar ngunit parang ang kilos mo at kilos ko ay iisa. Sabay nating ginagawa ang mga bagay kahit hindi tayo magkasama. Hanggang sa paglubog ng araw parang walang distansyang nakapagitan sa ating dalawa, hihigang muli, pipikit, iisipin ang isa’t isa. Magtatagpo tayo sa panaginip at doon ay nagiging malaya tayo. Walang iniisip na mapanghusgang lipunan. Walang hahadlang. Puno ng kasiyahan. Uupo tayo sa lilim ng punong mangga, magkahawak kamay at iisa ang musikang ating pinakikinggan. Pinagmamasdan kita habang nakapikit ka, di mo ko mapapansing nakatitig lang sayo… kinakabisado ko ang hugis ng iyong mukha, ang ayos ng iyong buhok, ang kabuuan mong larawan. Nais ko na kahit sa aking pagpikit ay makikita ko ang maamo mong mukha. Dahil alam kong sa ating pagdilat, magigising tayo sa panaginip, gigising muli ang pangunggulila.
Mahirap para sakin ang kalagayang hindi ko maaaring sabihing akin ka, o ipagmalaking minamahal din ako ng taong pinakamamahal ko. Dahil kahit na nais kong isigaw nang malakas, nang maririnig ng lahat na “Ikaw ang pinakamamahal ko, na masaya ako dahil kasama kita.” Oo, masakit isiping hindi ko ito magagawa. Hindi ko maaaring gawin ang lahat ng ito dahil nga mali, dahil nga hindi maaari.
Alam mo bang gusto kitang ipinta o gumuhit ng larawang doon ay magkasama tayo –para kahit papaano may titignan akong larawan natin. Dahil sa ayaw mo namang magpakuha ng litrato na kasama ako, dahil takot kang baka may makakita nito. Gusto kong maging makasarili at sabihin sayong, “Hayaan mo na nga sila! Wala naman silang pakialam satin e,” pipilitin kitang wag na lang intindihin ang lipunang mapanghusga pero hindi pwede. Alam kong hindi ka makikinig. Ang hirap ng ganito na nagtatago tayo sa mundo dahil lang sa di tama ang ganito o hindi pwede ang ating gusto.
Patawad. Patawad kung napapansin mong nagiging insenstitive ako, siguro dahil nasanay lang ako sa naging sitwasyon natin, bigla na lang nawawalan ako ng reaksyon, nagiging masyadong tahimik sa tuwing may ibang taong nasa paligid nating dalawa, o sa tuwing lagi kitang tinatanong kung masaya ka ba, kung di ka ba nahihirapan, kung kaya pa ba nating panindigan... Alam kong naiirita ka sa mga tanong ko, kaya noong minsang nagtampo ka sakin, ibinalik mo ang mga tanong na yan, "Ikaw! kaya mo pa ba akong panindigan?!" sabi mo sakin. Naghintay ka ng sagot pero wala kang nakuhang tugon. Nasa isip ko nung mga panahon na yan -mahirap ang sumagot, mahirap ang magbitaw ng pangako, dahil madalas tayo nitong binibigo, dahil na rin sa mga di natin kontroladong sitwasyon o hindi inaasahang pagbabago. Sabi ko, "Maghihintay ako, hanggang maging tama na ang mali o maging tama na ang hindi maaari." hindi ko na hinintay ang reaksyon mo. Tumalikod ako. Tumalikod ako upang humarap sa panibagong yugto ng paghihintay. Malayo man tayo sa isa't isa, malayo sayo, malayo sa paningin ng kinaiinisan nating lipunang mapanghusga. Ang mahalaga, may pinanghahawakan ako.
Kaya ngayon, hanggang di pa naitatakda ang ating muling pagtatagpo, araw-araw akong uupo sa krispy kreme at gagawin ang naipangako ng aking puso, "Maghihintay akong may pananabik, hanggang sa muli mong pagbabalik."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...