SCHOOL LUMP ORGANIZATION

SCHOOL LUMP ORGANIZATION
SCHOOL LUMP ORGANIZATION

Martes, Oktubre 13, 2020

ANG LUNGSOD AY ISANG DAGAT

Ang Lungsod ay Isang Dagat
Ni Efren R. Abueg
( Maikling Kwento )

     Tatlong gabi't tatlong araw nang umuulan. Hindi naman panay. Kung minsan, mangingitim ang langit sa umaga, hihipan ng hangin ang ulan at inaalimpuyo sa kaitaasan, ngunit sa hapon pa bubuhos. Kung minsan din, sisikat ang araw at bahagya pa lamang susungaw sa mga gilid ng tuktok ng gusali ay bigla na lamang lalaganap ang parang usok na halumigmig sa paligid, aambon na hindi naman magtatagal at susundan ng pagbuhos ng ulan.
Ang ulan, na sinasapian ng hangin kung gabi ay laganap hanggang sa lungsod ng Quezon, Pasay, Kalookan, gayon din sa Makati at Mandaluyong. Ang tubig na lumilikwad sa mga kanal, sa mga kalsadang walang paagusan ay umuuho sa mabababang lugar at humahantong sa Maynila. Ang daan sa Sta. Mesa ay madaling lumulubog, ang harapan ng Santo Tomas ay hindi na madadaanan ng mga sasakyang de motor, ang Morayta ay maglalawa at ang Avenida Rizal, mula sa kanto ng Claro M. Recto hanggang sa Soler, ay aapaw at ang mga despatsadora sa maraming tindahan doon ay magsisipag-tampisaw sa bangketa at hindi titigil kung hindi sisigawan ng kanilang tagapamahalang Intsik.
Yaon ang ikinaiinis ni Carina sa Maynila. Umambon lamang, wika nga, lubog na ang mga bangketa, dagsaan na sa mataas na bahagi ng mga kalye ang mga tao at nagkakabuhul-buhol ang trapiko. Sapagkat madalas na nawawala ang mga pulis, may maglalakas- loob na magtrapik na tutudyuhin naman ng mga tsuper ng dyipni, bubusinahan nang pagkalakas-lakas hanggang sa ito ay mayamot at magmura at maghamon ng suntukan. Lalo lamang magugulo ang trapiko kung ikaanim na ng hapon at sa Marilao ka pa uuwi, manaog ka muna at maghapunan.
Kay Carina, ang Maynila ay isang dagat.
Ngunit iniiwasan niyang isipin na ang Maynila ay parang dagat.Kinikilabutan siya kapag naiisip niya iyon. Kaya kung nag-uuulan, hindi siya dumudungaw sa nabubulok nang bintana ng bahay-paupahan sa Florentino Torres. Ayaw niyang makitang naglutang ang mga papel, patpat o ni ano man. Kapag nakakakita siya ng mga iyon, naiisip niyang ang tao'y tulad din ng dumi sa baha, aanud-anod. Subalit kung umuulan, lalo na't kung malaki ang tubig, saka pa sisipot sa bahay-paupahan si Cesario. Malalabasan niya ito sa makipot at madilim na salas, nakayapak, basa ang dungot ng lukot na pantalon. Nakangiting lagi si Cesario na parang ipinauunawa saa kanya na gaano man kalakas ang ulan at bagyo o kalalim ang baha ay maganda pa rin ang buhay.
Lumiligaw sa kanya si Cesario. Bihirang dumalaw sa kanya ang binata. Tinataon nitong walang-wala siyang ginagawa o kaya sa panahong tiyak na siya'y titigil sa bahay. Yayakagin siya ni Cesario na lumabas at iyon ay nangangahulugan na kakain sila ng wanton mami at asadong siopao sa Charlie o sa Sun Wah sa tapat ng sine Majestic at Republic. Pagkatapos, maglalakad sila sa bangketa, at nahahalata niyang sinasadya ni Cesario na idaan siya sa harap ng mga sinehan upang kaipala'y ipahiwatig sa kanya na gusto nitong anyayahan siyang manood.
Ibig niyang tanggihan si Cesario. Ano ba sa kanya ang lalaking ito na ilang dali lamang ang taas sa kanyang sukat na limang talampakan? Manipis ang laman sa butuhang mukha at malilit ang mga matang tulad sa mga Tsinong nagtitinda ng taho. Unang-una, si Cesario ay walang palagiang trabaho. Kung minsan ay piyon sa itinatayong mga gusali, kargador ng mga tiklis ng isda sa Divisoria, tagalinis ng kotse sa mga istasyon ng gasolina at minsan ay nalaman niyang naging kawani ng EEA, sa paghuhukay ng mabahong kanal sa Kaintsikan. Ngunit ayon na rin sa binata, at pinaniniwalaan niya, ito' y nakapagbabayad ng kuwarenta pesos sa isang malaking silid sa Sampalok at nakapaghuhulog ng singko pesos tuwing kinsenas sa isang pribadong bangko sa Sta. Cruz. Sa ayos ng maitim, mataba at lipaking palad ni Cesario, natitiyak niyang masipag ito.
Hindi nga lamang niya matanggihan ang mga paanyaya ng binata.
Una, naaawa siya rito; ikalawa, tuwing sisipot ito sa tinutuluyan niya, laging natataong wala siyang ginagawa; ikatlo, ayaw niyang magdahilan nang hindi totoo kay Cesario, huwag lamang magpumilit ito. Ibig niyang paniwalaan ang sarili na umiibig siya sa binata. Ngunit pagkaraang mag-isip-isip, siya na rin ang hahalakhak sa sarili. May simpatiya lamang siya sa binata. O naaawa lamang siya rito. O dahil sa ito lamang ang lalaking lumalapit sa kanya, na hindi nagbabayad. Parang hindi nito hinahangad ang magandang hubog ng kanyang katawan.
Lamang, bakit hindi pa siya inaabot ng pagkainis kay Cesario? Tatlong gabi't tatlong araw na ngang umuulan. Kung hindi man gaanong malakas, sapat upang bumaha, kaya humina tuloy ang kanyang "negosyo." Hindi siya makapunta kay Mr. Cho sa Ongpin at kung makarating man siya roon, madalang ang “bisita" at kung hindi siya ang makuha, aabutin siya ng yamot sa pakikipag-usap kay Mr. Cho o kaya'y kikilabutan sa mga matang-baboy nitong naglalagablab sa pagnanasa. Minsan ay ginipit siya ni Mr. Cho sa isang silid sa maliit na otel nito, niyapus-yapos siya habang pagaril na sinasabi sa kanya na gusto siya nito. Isinalya niya si Mr. Cho at isinigaw niya ritong “Pilipino lamang ang gusto kong parokyano.” At noon, sa silid na iyon, unang dumantay sa isip niyang siya'y yagit, na sinasalpuk-salpok ng mumunting alon sa kalye na likha ng pagdaraan ng mga kotse, bus, dyip, at trak, isinasalya sa bangketa at pagkaraa'y hihiguping muli ng kalye, iaanud-anod sa mga kanal hanggang sa mahulog at lumubog sa umaalingasaw na estero. Iniwan siya noon ni Mr. Cho at sa unang pagkakataon, sapul nang maging bahagi siya ng gusgusing kawan ng mga kalapati sa otel nito, umiyak siya.
Hindi nga siya makalabas ngayon upang pumunta sa otel ni Mr. Cho. Ikatatlo na ng hapon. Masinsin ang mga patak ng ulan, ngunit maninipis na patak, parang mumunting karayom na nahuhulog sa maruming tubig, Inaasahan na naman niya si Cesario.
Alam niyang si Cesario ay sa biyaheng Divisoria sumasakay mula sa Sampalok, mananaog sa tapat ng sine Vista sa Claro M. Recto at liligoy sa sibat-sibat na bakod ng "isla de banqueta" hanggang sa makatawid ng Avenida Rizal at lumakad patungong Florentino Torres. Kung lagi siyang nanunungaw sa bintana, naisip niya, una niyang makikita si Cesario sa tapat ng barberya, tatawid sa panulukan ng Florentino Torres at Soler at saka pa lamang hahantong sa tapat ng pintuan ng bahay-paupahan.
Ngayon, kahit alam niyang hanggang bukung-bukong ang tubig na inaanuran ng mga papel mula sa tambak ng basura, dumungaw siya. Pinukol agad niya ng tanaw ang tapat ng barberya. At tama ang kutob ng kalooban niya; dumaraan na sa tapat niyon si Cesario nakadiyaket ng itim na nylon, nakasombrero ng plastik na krema.
Masigla ang imbay ng mga kamay nito. Sinikil niya ang pananabik; hinalakhakan pa nga niya ang sarili dahil sa baliw na damdaming nadarama niya. Naupo siya sa gilid ng kanyang ingiting katre, binuklat ang mga pahina ng lumang Liwayway at sinimulan ang isang kuwento. Ngunit napaigtad pa rin siya nang kumiriring ang timbre. At hindi na kailangang ulitin pa ni Cesario ang pagtimbre, pagkat nakalabas na siya ng silid at nakananaog na sa labintatlong baitang na hagdang patungo sa pinto sa ibaba.
"Magandang hapon, Carina" bati nito sa kanya. "Sabagay, masama ang panahon.
"Tuloy ka."
"Huwag sanang lumakas ang ulan," ani Cesario. "Nang magdaan ako sa tapat ng Charlie, e, kumalam ang sikmura ko.
"Manhik ka muna." Nauna siyang pumanhik; sumunod si Cesario.
"Dinalhan kita ng tsokolate...kendi," ani Cesario nang nasa itaas na sila. Hawak na nito sa kamay ang isang supot na dinukot sa bulsa ng diyaket. Sa isang kamay, tangan nito ang plastik na sombrero.
"Tataba ako."
"Hindi ako natatakot...tumaba ka man. Hindi ako magbabago.. sa...sa pagtingin ko sa yo."
"Nababasa ko 'yan sa komiks!"
Napatawa si Cesario sa pagbibiro niya. Pinaupo niya ito. Ang tsokolate ay ipinatong niya sa gasgas na mesita.
"Kumusta ka? Matagal ka ring nawala," aniya.
"Hindi...nagpupunta ako d'yan sa Charlie, kumakain ng mami at siopao. Di lang ako makatuloy dito...baka 'ka ko 'ala ka."
Alam ni Carina, batid ni Cesario ang uri ng kanyang trabaho.
Ngunit kahit kailan, hindi nito binanggit iyon, hindi ito nag-usisa. Sapat nang sabihing "trabaho," wala na. Ngayon, ibig niyang isagot kay Cesario na madalas na siya sa bahay dahil madalang ang parokyano. Hindi lamang niya naituloy-hindi dahil sa nahihiya siya, kundi natatakot siyang masaktan niya ang kalooban ng lalaki.
Masakit pakinggan, kundi man damhin, na lumiligaw ka sa isang babaeng sayad ang mga paa sa putikan.
"Kailan ka kumain sa Charlie?"
“Kamakalawa...pagabi na."
"Umuulan noon, medyo malakas. Narito ako."
"Yon ang kutob ko, pero ibig ko...kung titimbre ako sa pinto sa ibaba, halos natitiyak ko na narito ka. Masakit umasam na narito ka at pagkatapos, mabibigo lamang ako."
"Saan ko bang komiks nabasa 'yan?" tudyo ni Carina.
Tinitigan siya ni Cesario. Ngayon lamang gumanda ang singkit na mga mata ng binata.
"Tara...sa Charlie?" Siya na ang nagpauna.
“Pagkatapos, maglakad-lakad tayo, ha?"
"Doon na natin pag-usapan 'yan sa Charlie." Kinuha ni Carina ang kapote at lumabas sila.
Nagpuputik ang sementadong lapag ng Charlie, tumutulo ang dulo ng mga kapote ng nagsisikain. Sa ibabaw ng puting mesa, umuusok ang lamang mami ng mga tasa.
"Ikaisang taon na ito ng pagkain natin ng mami at paglalakad sa baha...salamat sa maraming pagpapaunlak mo sa akin," ani Cesario nang magkaharap na sila sa dalawang tasang mami.
Isang taon na nga. Nagunita niya ang nagkakatusak na mga barungbarong sa Intramuros, dikit-dikit, lulutang-lutang sa isang dagat ng sangkatauhan sa isang lungsod na ang isang mukha'y pangit at ang isa'y marikit. Nagunita niya ang karimlan sa loob ng isang kubakob doon, na pinupunit ng aanti-antilaw na liwanag ng petroleo at nakikiliting hagikgik ng kanyang ina samantalang ito ay may panauhing nagsasabit ng pantalon sa isang pako sa haligi.
Nagugunita niyang hindi niya kayang malasin at damhin ang katotohanang iyon, kaya mananaog siya sa kubakob at tatalungko sa isang puno ng aratiles sa tabi ng simbahang guho at doon siya iiyak habang pasulyap-sulyap na tumatanaw sa kubakob upang makita lamang ang pagnipis ng liwanag ng ilawan. Kung umuulan at inaabot siya sa ilalim ng aratiles, hindi rin siya umaalis; iiyak lamang siya at ang kanyang luha ay sasapi sa patak ng tikatik na ulan sa kanyang mukha. Nilayasan niya ang pook na iyon nang labintatlo na siya at naunawaang pangit ang ginagawa ng kanyang ina. Subalit hindi niya maunawaan ang mga dahilan kung bakit doon nalubalob ito.
Hindi niya namalayang ubos na ang kanilang pagkain. Nakita na lamang niyang nagbabayad si Cesario.
"Kung hindi ka rarayumahin, e, maglakad-lakad tayo, pukaw sa kanya ng binata. Nagtindig siyang hindi na sinagot ang sinabi nito. Ang hinubad niyang kapote ay muli niyang ibinalabal sa kanyang likod. Naglakad sila sa bangketang ang gilid ay dinidilaan ng gumagapang na tubig patungo sa Claro M. Recto, patumbok sa Avenida Rizal.
Sa Avenida Rizal nagtinda siya ng sampagitang pinapakyaw niya sa tagiliran ng simbahan ng Quiapo. Sa isang kubakob sa North Bay Boulevard siya tumutuloy, sa kubo ng isang matandang lalaking ngumanganga at sinasasal ng ubo kung malamig ang panahon.
Nagkakilala sila ng pulubing matanda sa Avenida Rizal at naikuwento niya ang kanyang buhay at ang kanyang ina, na kailanman ay hindi nagkaroon ng asawa at siya'y hindi nakakilala ng isang ama.
Tinawag niyang lolo ang matandang lalaki at pinatulog siya nito sa isang lugmok ng papag at kung hatinggabi ay yumuyungyong sa kanyang katawan ang anino nito sa pag-aayos ng kumot sa kanyang nalisting na pagkababae. Doon siya naglabing-apat, naglabinlima, naglabing-anim at sana'y naglabimpito kundi dahil sa isang gabing payapa na ang pook na iyon liban sa huni ng papaalis na bapor. Isang lalaking payat, at may mahahabang bisig at matalim na mga mata ang umakyat sa kubakob nang wala ang matandang lalaki at siya'y biglang dinuhapang sa papag. Nagiba ang papag sa pag-iwas niya sa lalaki, na humahalakhak at isinisigaw sa kanya na binili siya sa matanda sa halagang limampung piso.
Nagiba nga ang papag at parang baliw siyang tumalilis sa kubakob na iyon, at nang malayo na siya ay binalak niyang balikan iyon nang may dalang kutsilyo upang tarakan sa likod ang matandang lalaking inari niyang magulang, subalit nang mapansin niya ang malambot at mabilog, ngunit mahina pa niyang mga bisig ay tinulinan na lamang niya ang paglalakad, palayo, sa pangambang abutan siya ng lalaki kung sakaling siya ay hinahabol nito.
At siya'y nakiusap sa isang matandang babaeng magsasampagita na taga-La Loma, na siya'y patirahin sa bahay nito sa kondisyong ibibigay niya rito ang kalahati ng kanyang kikitain. Pumayag ang matanda at iniuwi siya sa isang dampa sa La Loma, na may luma, ngunit malaking salamin sa dingding. Sa unang pagkakataon, napatingin siya sa salaming iyon at nakita niya ang sarili, basahan ang damit, aba ang ayos, subalit sa mga mata niya, sa leeg, sa dibdib, sa baywang, naunawaan niya kung bakit siya ipinagbili ng matandang lalaking "lolo" niya sa halagang limampung piso. At siya'y napaiyak.
At naisip niya ang kanyang ina, na maaaring nakaranas ng dinanas niya. Tumigil sila ni Cesario sa tapat ng Central Hotel sa kanto ng Avenida Rizal at Claro M. Recto.
Tumawid sila, pasilangan. Ang umbok ng kalye sa gitna ay walang tubig at doon, isang araw, dalawang buwan pagkaraang lisanin niya ang North Bay Boulevard ay nasalubong niya ang naging kapitbahay sa Intramuros at ibinalitang may sakit ang kanyang ina. Sumama siya sa Intramuros. Umakyat silang muli sa kubakob na iyon at naroon nga't nakaratay ang kanyang ina. Nang makita siya nito, itinaas ang isang yayat na kamay, na waring inaabot siya't aamot sa kanya ng lakas. Naupo siya sa tabi nito. Hinawakan ang kamay ng maysakit. Nayanig siya sa ipinagtapat nitong sakit nakahahawa... nakamamatay..nakukuha sa masamang hanapbuhay!
Mula nang isilang siya, hindi sila nagkausap na mag-ina bilang magkaibigan. Nang gabi lamang na iyon marahil at naunawaan niyang karukhaan at pagsasamantala ng naglayas niyang ama ang nagtaboy sa kanyang ina sa gayong gawain; at batid niyang ang karalitaan ay parang anay na ngumangatngat sa matibay na pagkababae upang dahan-dahang malugmok pagkaraan ng ilang panahon.
Walang kasalanan ang kanyang ina! Naging biktima lamang ito ng mga pangyayari! Kailangang iligtas niya ito!
Isang araw, nagbalik siya sa matandang lalaki sa North Bay Boulevard at umutang siya ng isang daang piso. Inihatid niya kinaumagahan sa ospital ang kanyang ina, at kinagabihan, magdamag siyang natulog sa kubakob ng matandang lalaki. Ngunit namatay ang kanyang ina at nalagak sa isang maumbok na lupa sa sementeryo sa La Loma, sintaas lamang ng umbok ng kalye sa gitna ng Avenida Rizal. Kasamang tinabunan ng lupa ang kanyang puri.
Sang taon na tayong magkakilala, pero...isang bagay ang hindi ko pa nasasabi sa yo dahil natatakot ako...na biguin mo ako Tinig ni Cesario ang pumukaw sa kanya.
Nasa harapan sila ng sine Hollywood. "Hindi naman ako malupit...tulad ng inaakala mo.
"Ibig kong magsine tayo..maganda ang palabas.
"Huwag dito...mahal. Doon na lang tayo sa Globe o sa Esquire o sa Boulevard, sagot niya.
Naglakad pa sila. Lubog ang Evangelista. Nakapinid ang ilang tindahan ng makinilya at iba pang kagamitan sa opisina. Sa Esquire sila pumasok. Dalawang programa. Sa ibaba lamang. Tapos na ang main feature nang sila'y dumating ni Cesario. Ang nabungaran nila'y newsreel. Mga balitang pandaigdig. Sa labas, alam niyang bumabaha. Higit ang lagim sa pelikula. Ang nasa pinilakang tabing ay bunduk-bundok na mga alon na tumatabon sa mga gusali ng baybay-dagat, na naghahagis sa nabubunot na mga punungkahoy at sumisiklot sa mga sasakyan. Libu-libong mamamayan ang nasawi sa pag-urong ng napoot na dagat.
Napahawak siya kay Cesario; mahigpit ang kanyang mga daliri sa bisig nito.
Lalo palang nakakatakot sa ibang bansa!" naibulalas niya.
"Sa Hapon, panay daw ang lindol at baha!'sagot naman ni Cesario.
Rumaragasa pa ang tubig sa pinilakang tabing at waring humahampas sa kanyang puso at nagpapagapang ng kilabot sa kanyang katawan. Malupit ang dagat. Napahilig siya sa balikat ni Cesario. At siya'y nakalimot. Akala niya'y sandalan iyon ng upuan. Gabi na nang sila'y lumabas. Mataas ang tubig.
"Hanggang dibdib ang tubig sa Florentino Torres," nasabi niya.
"Mababang-mababa roon." Nilinga siya ni Cesario na nakatingin sa tubig.
"Tena muna sa restawran... maghapunan tayo."
"Pero baka lalo pang tumaas ang tubig."
"luuwi kita sa Sampalok."
"Hindi mo dapat gawin 'yon!" Tumaas ang kanyang tinig sa pagtutol.
"Bakit hindi ko dapat gawin?"
"Alam mo na...kung ano ako..."
"Hindi mahalaga 'yon!" At waring naging marahas si Cesario, hinila siyang papasok sa isang maliit na restawran.
"Masungit ang araw na ito, Carina," ani Cesario nang makaorder na sila ng pagkain. "Karamihan sa mga tanggapan, lalo na sa gobyerno ay nagkalahating-araw lamang ng trabaho. Ako man ay gayon din."
"Nag...nagtatrabaho ka?"
"May permanente na akong trabaho, Carina," ani Cesario na nakatitig sa kanya. "Sa pagawaan ng sigarilyo...siyento nobenta ang suweldo. Kamakailan ра ako natanggap doon kaya noon pa... nagmamatyag na ako sa 'yo, ibig kong malaman mo. 'Sang taon na akong umiibig sa'yo at nagtitiis sa ginagawa mo. Ibig kitang ilayo sa pook na iyon... ibig kong magbagong-buhay ka... na kasama ako. Wala akong maipagmamalaki, Carina, kundi ang trabaho ko, ang konting naiipon ko na maaari mong puhunanin kahit sa isang tindahan."
Hawak ni Cesario ang kanyang mga palad. Pinipisil na wari bang ang kalamigan niyon ay binabaka, tulad ng pagbaka sa mga panganib na nakaamba sa kanyang buhay.
"Ipababalot ko na lamang ang pagkain...uuwi tayo sa Sampalok, baka tumaas ang tubig. Ibig niyang tumutol. Ibig niyang tumakas. Ngunit nakakulong ang kanyang mga palad sa kamay ni Cesario. Nakakulong ang kanyang damdamin sa mahiwagang hawla ng pag-ibig. Nakabilanggo ang madidilim na alaala sa isang makapangyarihang liwanag ng bukas.
"Tena, baka nga lumaki ang tubig."
Pagkabalot ng binili nilang pagkain, lumabas sila ng restawran. Lumusong sila sa tubig na hanggang hita. Sa liwanag ng ilaw-dagitab, ang tingin ni Carina sa lungsod ay isang dagat, na kinalulunuran ng maraming kaluluwa, tulad ng kanyang ina, ni Mr. Cho, ng matandang lalaki sa North Bay Boulevard, ng mga parokyano niya sa maliit na otel, ng lahat-lahat nang may hinahanap sa kung saan-saan, subalit hindi naman matagpuan. Ngunit iba ang kanyang pakiramdam ngayon, hindi na pakiramdam ng isang yagit na aanurin lamang ng mga alon. Iyon ay sa isang nalulunod na napakapit sa isang matatag na timbulang kahoy.

-Nalathala sa Liwayway, Setyembre 14, 1964

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPINO)

ILANG POSISYONG PAPEL NG IBA'T-IBANG ORGANISASYON, UNIBERSIDAD AT INSTITUSYON NG PAMAHALAAN SA PAGTATANGGOL DA WIKA AT PANITIKAN (FILIPI...